-
Kabanal-banalanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Pumapasok lamang sa Kabanal-banalan ang mataas na saserdote kapag taunang Araw ng Pagbabayad-Sala; kailanma’y hindi maaaring lumampas ang ibang tao sa kurtinang nakasabit sa pagitan ng silid na ito at ng Dakong Banal. (Lev 16:2) Sa Kabanal-banalan, ang mataas na saserdote ay napalilibutan ng makukulay na kerubing ibinurda sa panloob na pantakip ng tabernakulo at sa kurtina nito. (Exo 26:1, 31, 33) Sa templo ni Solomon, ang mga dingding at kisame ay yari sa tablang sedro na kinalupkupan ng ginto; may mga kerubin, mga larawan ng puno ng palma, mga palamuting hugis-upo, at mga bulaklak na inililok sa mga dingding.—1Ha 6:16-18, 29; 2Cr 3:7, 8.
Binabalangkas ng Kasulatan ang tatlong ulit na pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan kapag Araw ng Pagbabayad-Sala: Una, dala ang ginintuang insensaryo ng mabangong insenso, na pinagniningas ng mga baga na mula sa altar; pangalawa, taglay ang dugo ng toro, na handog ukol sa kasalanan para sa makasaserdoteng tribo; at panghuli, taglay ang dugo ng kambing, na handog ukol sa kasalanan para sa bayan. (Lev 16:11-15; Heb 9:6, 7, 25) Iwiniwisik niya ang dugo ng mga hayop sa sahig sa harap ng ginintuang kaban ng tipan. Sa takip nito ay may mga ginintuang kerubin, at sa ibabaw ng takip na ito, ang presensiya ni Jehova ay sinasagisagan ng isang ulap. (Exo 25:17-22; Lev 16:2, 14, 15) Maliwanag na ang ulap na iyon ay sumisinag bilang isang maningning na liwanag, na siyang tanging liwanag para sa walang-kandelerong silid na ito ng tabernakulo.
-
-
Kabanal-banalanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Makasagisag na Paggamit. Matatagpuan sa Kabanal-banalang silid ng tolda ng kapisanan, o tabernakulo, ang kaban ng tipan; ang takip ng Kaban na ito, na may dalawang ginintuang kerubin sa ibabaw, ay kumakatawan sa trono ng Diyos. Kaya naman ang Kabanal-banalan ay ginamit sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa tahanang dako ng Diyos na Jehova, ang langit mismo. Ganitong pagpapakahulugan ang ibinibigay sa atin ng kinasihang liham sa mga Hebreo nang ihambing nito ang pagpasok ng mataas na saserdote ng Israel sa Kabanal-banalan isang araw sa loob ng isang taon, tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala, sa pagpasok ng dakilang Mataas na Saserdote na si Jesu-Kristo sa isinasagisag ng Kabanal-banalan, nang minsanan taglay ang kaniyang hain ukol sa mga kasalanan. Ganito ang paliwanag ng liham na iyon: “Sa ikalawang silid [ang Kabanal-banalan] ay tanging ang mataas na saserdote ang pumapasok nang minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na kaniyang inihahandog para sa kaniyang sarili at para sa mga kasalanang di-namamalayan ng bayan. . . . Ang tolda ngang ito ay isang ilustrasyon para sa takdang panahon na narito na ngayon . . . Gayunman, nang si Kristo ay dumating bilang isang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, sa pamamagitan ng mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay, samakatuwid nga, hindi sa paglalang na ito, siya ay pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin. Samakatuwid ay kinakailangan na ang makasagisag na mga paglalarawan ng mga bagay sa langit ay linisin sa ganitong mga paraan [sa pamamagitan ng dugo ng mga haing hayop na iwinisik sa mga ito], ngunit ang makalangit na mga bagay mismo ay sa pamamagitan ng mga hain na mas mabuti kaysa sa gayong mga hain. Sapagkat si Kristo ay pumasok, hindi sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya ng katunayan, kundi sa langit mismo, upang ngayon ay humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.”—Heb 9:7-12, 23, 24.
Samakatuwid, bilang ang dakilang Mataas na Saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec, tinupad ni Jesu-Kristo yaong makalarawang ginagawa ng mataas na saserdote ng Israel na mula sa linya ni Aaron kapag pumapasok ito sa makalupang Kabanal-banalan. (Heb 9:24)
-