TRIBUTO
[sa Ingles, tribute].
Karaniwan na, salapi o iba pang bagay na may halaga, gaya ng mga alagang hayop, na ibinabayad ng isang estado, o ng isang tagapamahala, sa isang banyagang kapangyarihan, bilang pagkilala sa pagiging sakop nito, upang mapanatili ang pakikipagpayapaan dito, o upang magtamo ng proteksiyon nito. (Para sa pagtalakay sa katumbas na mga salita sa orihinal na mga wika, tingnan ang PAGBUBUWIS.) Noon, kalimitan nang ginto at pilak o mga produktong kakaunti ang suplay sa kanilang sariling lupain ang tinatanggap ng mga bansang nagpapataw ng tributo sa ibang mga bayan. Sa ganitong paraan ay pinatatatag nila ang kanilang ekonomiya samantalang pinananatili namang mahina ang nasupil nilang mga bansa sa pamamagitan ng labis-labis na pagkamkam sa yaman ng mga ito.
Ang mga Judeanong hari na sina David (2Sa 8:2, 6), Solomon (Aw 72:10; ihambing ang 1Ha 4:21; 10:23-25), Jehosapat (2Cr 17:10, 11), at Uzias (2Cr 26:8), gayundin ang Israelitang si Haring Ahab (2Ha 3:4, 5), ay tumanggap ng tributo mula sa ibang mga bayan. Gayunman, dahil sa kawalang-katapatan ng mga Israelita, kadalasan ay nasasakop sila at napipilitang magbayad ng tributo sa iba. Noon pa mang panahon ng mga Hukom, samantalang nasa ilalim ng pamumuno ng Moabitang si Haring Eglon, nagbabayad na sila ng tributo. (Huk 3:12-17) Nang maglaon, kapuwa ang kaharian ng Juda at ang hilagang kaharian ng Israel ay nagbayad ng tributo nang mapasailalim sila sa kontrol ng mga banyagang kapangyarihan. (2Ha 17:3; 23:35) May mga panahon naman na nagbayad sila ng maituturing na isang anyo ng tributo; halimbawa, kapag binabayaran nila ang mga kaaway na bansa upang umalis o sinusuhulan nila ang iba kapalit ng tulong na pangmilitar.—2Ha 12:18; 15:19, 20; 18:13-16.