-
PaghihiwaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PAGHIHIWA
Maliwanag na ang paghihiwa sa katawan o pagsugat sa mga braso, mga kamay, at mukha sa mga panahon ng pagdadalamhati ay isang karaniwang kaugalian sa gitna ng sinaunang mga tao. (Jer 47:5; 48:37) Maaaring ginagawa ito noon upang payapain o tamuhin ang pabor ng mga bathalang pinaniniwalaang namamahala sa mga patay. May kinalaman sa ganitong kaugalian ng mga Scita kapag namamatayan sila ng hari, isinulat ng Griegong istoryador na si Herodotus (IV, 71): “Pinuputol nila ang isang bahagi ng kanilang mga tainga, inaahitan ang kanilang ulo, kinukudlitan ng mga hiwa ang palibot ng kanilang braso, tinutuklap ang kanilang noo at ilong, at inuulos ng palaso ang kanilang kaliwang kamay.”
-
-
PaghihiwaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Espesipikong ipinagbawal ng Kautusan ng Diyos ang paghihiwa sa laman para sa mga patay. (Lev 19:28; 21:5; Deu 14:1) Ito’y sapagkat noon ang Israel ay isang banal na bayan kay Jehova, isang pantanging pag-aari. (Deu 14:2) Dahil dito, ang Israel ay dapat manatiling malaya mula sa lahat ng idolatrosong gawain. Bukod diyan, ang gayong labis-labis na pagpapakita ng pagdadalamhati na may paghihiwa sa sariling laman ay hindi angkop para sa isang bayan na may lubos na kabatiran tungkol sa aktuwal na kalagayan ng mga patay at sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Dan 12:13; Heb 11:19) Gayundin, ang pagbabawal laban sa pagpinsala sa sariling katawan ay magdiriin sa mga Israelita ng wastong paggalang sa lalang ng Diyos, ang katawan ng tao.
Gayunman, lumilitaw na may mga panahong winalang-bahala ng mga Israelita ang kautusan ng Diyos may kinalaman sa paghihiwa sa kanilang laman o katawan.—Jer 41:5; ihambing ang Mik 5:1.
-