-
TaoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
TAO
Ang pinakamataas na anyo ng buhay sa lupa at isa na ginawa ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. Inanyuan ni Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa, inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, “at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Gen 2:7; 1Co 15:45) Matapos lalangin si Adan at matapos nitong pangalanan ang mga hayop, nagpasapit si Jehova sa kaniya ng isang mahimbing na tulog. Habang natutulog siya, kinuha ng Diyos ang isa sa mga tadyang ni Adan at ginamit iyon upang gawin ang babae. Kaya naman nang dalhin ang babae sa lalaki, sinabi ni Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Tinawag siya ni Adan na Babae, ʼish·shahʹ, “sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” (Gen 2:21-23) Nang maglaon ay pinangalanan siya ni Adan na Eva (nangangahulugang “Isa na Buháy”).—Gen 3:20.
-
-
TaoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Bilang patotoo na ang tao ay nilalang ng Diyos na Jehova, sinabi ng apostol na si Pablo sa mga taga-Atenas: “Ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gaw 17:26) Samakatuwid, iisa ang pinagmulan ng lahat ng mga bansa at mga lahi.
Nilalang sina Adan at Eva sa pagtatapos ng ikaanim na “araw” ng paglalang. (Gen 1:24-31) Walang aktuwal na mga rekord tungkol sa sinaunang tao, sa kaniyang mga akda, agrikultura, at iba pang mga gawain, bago ang 4026 B.C.E., ang petsa ng paglalang kay Adan. Yamang iniharap ng Kasulatan ang kasaysayan ng tao mula sa mismong paglalang sa unang mag-asawang tao, hindi maaaring magkaroon ng tinatawag na prehistoric man. Ang mga rekord ng fosil sa lupa ay walang inilalaan na kawing sa pagitan ng tao at ng mga hayop. Gayundin, walang tinutukoy na anumang nakabababang uri ng mga tao sa pinakamaaagang rekord ng tao, ang mga ito man ay nasusulat na dokumento, drowing sa yungib, eskultura, o anumang kagaya ng mga ito. Ang kabaligtaran nito ang nililinaw ng Kasulatan, na ang tao sa pasimula ay anak ng Diyos at pagkatapos ay naging masama. (1Ha 8:46; Ec 7:20; 1Ju 1:8-10) Ganito ang sinabi ng arkeologong si O. D. Miller: “Kung gayon, ang tradisyonal na paniniwala tungkol sa isang ‘ginintuang panahon’ ay hindi isang alamat. Ang matandang doktrina na nagsasabing iyon ay sinundan ng pagkapahamak, ng isang nakalulungkot na pagsamâ ng lahi ng tao, mula sa orihinal na kalagayang maligaya at dalisay, ay walang alinlangang isang mahalaga, ngunit nakapaghihinagpis na katotohanan. Ang ating makabagong mga pilosopiya hinggil sa kasaysayan, na nagsasabing ang sinaunang tao sa pasimula ay isang taong-gubat, ay maliwanag na nangangailangan ng bagong pambungad. . . . Hindi; ang sinaunang tao ay hindi isang taong-gubat.”—Har–Moad, 1892, p. 417.
Isinisiwalat ng Bibliya na ang orihinal na tahanan ng tao ay “isang hardin sa Eden.” (Gen 2:8; tingnan ang EDEN Blg. 1.) Ang ipinakikitang lokasyon nito ay malapit sa lugar ng sinaunang sibilisasyon ng sangkatauhan pagkaraan ng Baha. Ang pangmalas na karaniwang tinatanggap ng mga iskolar ay ipinaliwanag ni P. J. Wiseman sa ganitong paraan: “Lahat ng tunay na katibayang taglay natin, yaong sa Genesis, sa arkeolohiya, at sa mga tradisyon ng mga tao, ay nagpapakita na ang kapatagan ng Mesopotamia ang pinakamatandang tahanan ng tao. Ang lupaing ito ay hindi mahihigitan ng sibilisasyon sa Malayong Silangan, Tsino man iyon o Indian, kung tungkol sa pagiging sinauna ng mga tao rito, sapagkat kayang-kaya nitong patunayan ang pag-aangkin nito bilang ang sinilangan ng sibilisasyon.”—New Discoveries in Babylonia About Genesis, 1949, p. 28.
Sa anong diwa ginawa ang tao “ayon sa larawan ng Diyos”?
Nang isiwalat ng Diyos sa kaniyang “dalubhasang manggagawa” ang layunin niya na lalangin ang tao, sinabi niya: “Gawin natin ang tao [ʼa·dhamʹ] ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Gen 1:26, 27; Kaw 8:30, 31; ihambing ang Ju 1:1-3; Col 1:15-17.) Pansinin na hindi sinasabi ng Kasulatan na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa larawan ng isang mabangis na hayop o ng isang alagang hayop o ng isang isda. Ginawa ang tao “ayon sa larawan ng Diyos”; siya ay isang “anak ng Diyos.” (Luc 3:38) May kinalaman sa anyo o hugis ng katawan ng Diyos, “hindi kailanman nakita ng sinuman ang Diyos.” (1Ju 4:12) Walang sinuman sa lupa ang nakaaalam kung ano ang hitsura ng maluwalhati, makalangit at espirituwal na katawan ng Diyos, kaya hindi natin maihahalintulad ang katawan ng tao sa katawan ng Diyos. “Ang Diyos ay Espiritu.”—Ju 4:24.
Ang lalaki at babae ay ginawa “ayon sa larawan ng Diyos” sa diwa na nilalang sila na may moral na mga katangiang tulad niyaong sa Diyos, samakatuwid nga, pag-ibig at katarungan. (Ihambing ang Col 3:10.) Mayroon din siyang mga kakayahan at karunungan na nakahihigit sa taglay ng mga hayop, at dahil dito ay napahahalagahan niya ang mga bagay na ikinasisiya at pinahahalagahan ng Diyos, gaya ng kagandahan at sining, pagsasalita, pangangatuwiran, at iba pang katulad na mga proseso ng pag-iisip at ng puso na hindi nagagawa ng mga hayop. Bukod diyan, ang tao ay may kakayahang maglinang ng espirituwalidad, anupat maaari niyang kilalanin ang Diyos at maaari siyang makipagtalastasan sa kaniya. (1Co 2:11-16; Heb 12:9) Dahil sa mga bagay na ito, ang tao ay naging kuwalipikadong kumatawan sa Diyos at magkaroon ng kapamahalaan sa mga uri ng nilalang na buháy sa kalangitan, sa lupa, at sa dagat.
Palibhasa’y nilalang ng Diyos, ang tao ay sakdal noong una. (Deu 32:4) Dahil dito, maaari sanang maipamana ni Adan sa kaniyang mga inapo ang kasakdalan at ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa lupa. (Isa 45:18) Sila ni Eva ay inutusan: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Habang lumalaki ang kanilang pamilya, maaari sana nilang sakahin at pagandahin ang lupa ayon sa pagkakadisenyo ng kanilang Maylalang.—Gen 1:28.
-