Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Genesis, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Pagiging Makasaysayan ng Genesis. Sa abot ng nalalaman ng mga tao, ang Genesis ang tanging mapagkukunan ng impormasyon na naglalaan ng isang lohikal at malinaw na kasaysayan ng mga bagay mula sa pasimula. Kung wala ang makatotohanang kasaysayan nito tungkol sa unang lalaki at babae, ang taglay lamang natin ay kathang-isip na mga kuwento o alegorikal na mga paliwanag hinggil sa pasimula ng tao na matatagpuan sa mga ulat ng paglalang ng mga bansang pagano. Malinaw na ipinakikita ng paghahambing sa aklat ng Genesis at sa paganong mga ulat ng paglalang ang kahigitan ng ulat ng Bibliya.

      Halimbawa, ayon sa pinakakilaláng Babilonyong mito, pinatay ng diyos na si Marduk, pangunahing diyos ng Babilonya, ang diyosang si Tiamat, pagkatapos ay kinuha niya ang bangkay nito at “hinati ito sa dalawang bahagi na parang kabibi: Ang kalahati nito ay kaniyang inilagay sa itaas at ginawang kalangitan.” Sa gayon ay umiral ang lupa at ang kalangitan niyaon. Tungkol naman sa paglalang sa buhay-tao, sinasabi ng mitong ito na hinuli ng mga diyos ang diyos na si Kingu at kanilang “ipinataw sa kaniya ang kaniyang pagkakasala at pinutol ang (mga ugat na dinadaluyan ng) kaniyang dugo. Mula sa kaniyang dugo ay inanyuan nila ang sangkatauhan.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni James Pritchard, 1974, p. 67, 68) Ang Ehipsiyong mga mito ng paglalang ay nauugnay rin sa mga gawain ng ilang diyos, ngunit hindi sila magkasundo kung kaninong diyos, kung yaong sa lunsod ng Memfis o ng Thebes, ang nagsimula ng paglalang. Inilalahad ng isang Ehipsiyong mito na nilalang ng diyos-araw na si Ra ang sangkatauhan mula sa kaniyang mga luha. Ang mga Griegong mito ay kahalintulad ng mga Babilonyong mito. Ang sinaunang mga rekord ng mga Tsino, sa kalakhan, ay mga kalendaryo at mga kronolohikal na kalkulasyon o mga rekord na mayroon lamang lokal o pansamantalang kahalagahan.

  • Genesis, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Sinasabi sa atin ng Genesis kung paano umiral ang sansinukob. Tuwiran nitong inilalarawan ang kamangha-manghang mga bagay na nilalang, sa paraang hindi mangingibabaw ang mga iyon sa pangunahing layunin ng aklat. Kaya naman hindi ito katulad ng paganong mga kuwento ng paglalang na naghaharap sa kagila-gilalas na mga bagay na iyon bilang pangunahin at naglalahad pa nga ng kakatwang mga bagay at maliwanag na mga kabulaanan upang itampok ang mga iyon. Isinasalaysay ng Genesis ang gawaing paglalang, at ipinakikita nito ang layunin ng Diyos sa paglalang sa tao, ang kaugnayan ng tao sa Diyos, at ang kaugnayan ng tao sa mga hayop.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share