PAGSASAULI
Pagpapanumbalik ng dating kalagayan. May kaugnayan sa pagbabalik ni Kristo, kapansin-pansin na ang Kasulatan ay bumabanggit ng “mga panahon ng pagsasauli [isang anyo ng Gr., a·po·ka·taʹsta·sis] ng lahat ng mga bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta.”—Gaw 3:20, 21.
Sa tekstong ito, ang a·po·ka·taʹsta·sis ay isinalin ng Ingles na King James Version bilang “restitution.” Ang salitang Griegong ito mismo ay nagmula sa a·poʹ, na nangangahulugang “pabalik” o “muli,” at ka·thiʹste·mi, na literal na nangangahulugang “ilapag.” Sa Gawa 1:6, ang katumbas nito na anyong pandiwa ay isinalin bilang ‘isauli.’ Sinabi ng Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel, na ang saligang kahulugan ng terminong ito ay “pagbabalik sa dating kalagayan” o “pagsasauli.” (Isinalin ni G. Bromiley, 1964, Tomo I, p. 389) Ginamit ito ng Judiong istoryador na si Josephus nang tukuyin niya ang pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon. Sa mga akdang nakasulat sa papiro, ginamit ito may kaugnayan sa pagkukumpuni ng ilang gusali, pagsasauli ng mga ari-arian sa mga legal na may-ari, at pagbabalanse ng mga kuwenta.
Yamang hindi espesipikong sinasabi ng Gawa 3:21 kung anong mga bagay ang isasauli, dapat alamin kung ano ang “lahat ng mga bagay” na iyon sa pamamagitan ng pag-aaral sa mensahe ng Diyos na sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.