-
PapelKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PAPEL
Noong panahon ng Bibliya, isa itong manipis na materyales na mapagsusulatan na ginagawang mga pilyego mula sa mga pahabang piraso na nakukuha sa halamang papiro.—Tingnan ang PAPIRO.
Ang mga Ehipsiyo ang kinikilalang unang nakagawa ng papel na papiro na mapagsusulatan, anupat ginamit nila ang mga halamang papiro na tumutubo noon sa kahabaan ng mga pampang ng Ilog Nilo. Tinataya ng ilang arkeologo na ang gayong paggawa ng papel ay noon pang panahon ni Abraham.
Papel na papiro ang ginamit ng unang mga Kristiyano para sa kanilang mga liham, mga balumbon, at mga codex. Nagkaroon din ito ng mahalagang bahagi sa paggawa ng mga manuskrito ng Bibliya, hanggang sa halinhan ito ng vellum (balat ng hayop na pino ang hilatsa) noong ikaapat na siglo C.E. Sa 2 Juan 12, isinulat ng apostol na mas gusto sana niyang ihatid ang kaniyang mensahe “nang mukhaan” kaysa sa pamamagitan ng “papel at tinta.” Dito, ang salitang “papel” ay isinalin mula sa salitang Griego na kharʹtes, na sinasabing nangangahulugang isang pilyego ng papel na gawa sa papiro.
-
-
PapiroKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ginamit Bilang Materyales na Mapagsusulatan. Kapag inihahanda ng mga Ehipsiyo ang papiro upang gawing materyales na mapagsusulatan, isang simpleng proseso ang sinusunod nila. Sa pangunguha ng mga tangkay, ang pinakagusto nila ay ang masinsin at mabunót na bahaging nakalubog sa tubig sapagkat ito ang napagkukunan ng pinakamalapad at pinakamaputing likas na materyales. Ang panlabas na balat nito ay inaalis, at ang natitirang mabunót na ubod ay pinuputol sa maalwang haba na 40 hanggang 45 sentimetro (16 hanggang 18 pulgada). Pagkatapos, ang masapal na ubod ay hinihiwa-hiwa upang maging malalapad ngunit napakaninipis na mga pahabang piraso. Ang mga pahabang pirasong ito ay inilalatag naman nang patindig sa isang makinis na patungan at bahagyang pinagsasanib-sanib. Isa pang patong ng mga pahabang piraso ng papiro ang inilalagay nang pahalang sa ibabaw ng mga pirasong patindig. Ang mga suson ay pinupukpok ng malyete hanggang sa magkadikit ang mga ito at maging isang pilyego. Pagkatapos itong ibilad sa araw, ang mga pilyego ay tinatabas ayon sa nais na sukat. Bilang panghuli, ang mga ito ay pinipipi at pinakikinis sa pamamagitan ng pomes, mga kabibi, o garing. Ang resulta ng ganitong proseso ay isang matibay-tibay, malambot at halos puting materyales na mapagsusulatan na may iba’t ibang laki at kalidad. Kadalasan, ang panig na may pahalang na mga pahabang piraso ang pinagsusulatan, bagaman kung minsan ay ginagamit din ang kabilang panig upang tapusin ang isinusulat. Ang mga dugtungan ng mga pahabang piraso ang nagsisilbing giya ng kamay ng nagsusulat habang sumusulat siya sa pamamagitan ng panulat na tambo at tinta na gawa sa pinaghalu-halong sahing, abo, at tubig.
Maaaring pagdikit-dikitin ang mga gilid ng mga pilyegong ito ng papiro upang makagawa ng isang balumbon, karaniwan nang binubuo ng mga 20 pilyego. O maaaring itupi ang mga ito bilang mga pahina upang maging tulad-aklat na codex na naging popular sa unang mga Kristiyano. Ang karaniwang balumbon ay may haba na mga 4 hanggang 6 na m (14 hanggang 20 piye), bagaman may isang napreserba na ang haba ay 40.5 m (133 piye). Ang salitang Griego na biʹblos ay orihinal na ikinapit sa malambot na ubod ng halamang papiro ngunit nang maglaon ay ginamit may kaugnayan sa isang aklat. (Mat 1:1; Mar 12:26) Ang pangmaramihan ng maliit na bi·bliʹon ay bi·bliʹa, literal na nangangahulugang “maliliit na aklat,” at mula sa salitang ito hinalaw ang “Bibliya.” (2Ti 4:13, Int) Isang lunsod ng Fenicia ang tinawag na Byblos nang ito ay maging isang mahalagang sentro ng industriya ng papiro.
Laganap ang paggamit sa mga balumbong papiro hanggang noong pasimula ng ikalawang siglo C.E., nang ang mga ito ay magsimulang mahalinhan ng codex na papiro. Nang maglaon, noong ikaapat na siglo, humina ang popularidad ng papiro, at malawakang inihalili rito ang isang mas matibay na materyales na mapagsusulatan na tinatawag na vellum.
Ang pagiging di-gaanong matibay ng papiro ang isang malaking disbentaha nito bilang materyales na mapagsusulatan. Nasisira ito kapag mahalumigmig ang kapaligiran at kapag masyado namang tuyo ay nagiging napakalutong nito. Hanggang noong ika-18 siglo C.E., ipinalagay na ang lahat ng sinaunang manuskritong papiro ay naglaho na. Gayunman, noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, maraming mahahalagang papiro ng Bibliya ang lumitaw. Ang mga tuklas ay pangunahin nang nasumpungan sa Ehipto at sa rehiyon sa palibot ng Dagat na Patay, mga lugar na may angkop na tuyong klima na kailangang-kailangan upang mapreserba ang papiro. Ang ilan sa mga papiro ng Kasulatan na natagpuan sa mga lokasyong ito ay mula pa noong ikalawa o unang siglo B.C.E.
Marami sa mga tuklas na ito na manuskritong papiro ay tinutukoy sa terminong “papyrus” o “papyri,” gaya ng Nash Papyrus ng una o ikalawang siglo B.C.E., Papyrus Rylands 457 (ikalawang siglo B.C.E.), at Chester Beatty Papyrus No. 1 (ng ikatlong siglo C.E.).
-