Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Arkeolohiya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Palestina at Sirya. Nakahukay sa mga lugar na ito ng mga 600 lokasyon na matutukoy kung kailan umiral. Ang karamihan sa impormasyong nakuha ay may pangkalahatang kahalagahan, anupat sumusuporta sa rekord ng Bibliya sa malawak na paraan sa halip na espesipikong nauugnay sa partikular na mga detalye o mga pangyayari. Bilang halimbawa, noong nakalipas na mga panahon, sinikap ng ilan na siraan ang ulat ng Bibliya tungkol sa lubos na pagkatiwangwang ng Juda noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Gayunman, sa pangkalahatan, pinatutunayan ng isinagawang mga paghuhukay ang ulat ng Bibliya. Gaya nga ng sinabi ni W. F. Albright: “Wala ni isa mang nalalamang kaso na ang isang bayan sa mismong Juda ay patuluyang pinanirahan sa buong yugto ng pagkatapon. Bilang pagpapakita ng pagkakaiba, ang Bethel, na nasa labas lamang ng hilagaang hangganan ng Juda noong mga panahon bago ang pagkatapon, ay hindi winasak noong panahong iyon, kundi patuluyang pinanirahan hanggang noong huling bahagi ng ikaanim na siglo.”​—The Archaeology of Palestine, 1971, p. 142.

      Ang Bet-san (Bet-sean), isang sinaunang tanggulang lunsod na dinaraanan papasok sa Libis ng Jezreel mula sa S, ay naging lokasyon ng malakihang mga paghuhukay na nagsiwalat ng 18 iba’t ibang patong ng paninirahan, anupat kinailangan itong hukayin hanggang sa lalim na 21 m (70 piye). (DAYAGRAM, Tomo 1, p. 959) Ipinakikita ng ulat ng Kasulatan na ang Bet-san ay hindi kabilang sa mga bayan na pinanirahan ng sumasalakay na mga Israelita noong pasimula at na pinaninirahan iyon ng mga Filisteo noong panahon ni Saul. (Jos 17:11; Huk 1:27; 1Sa 31:8-12) Sa pangkalahatan ay sinusuportahan ng mga paghuhukay ang rekord na ito at ipinahihiwatig ng mga iyon na winasak ang Bet-san ilang panahon pagkatapos na mabihag ng mga Filisteo ang kaban ng tipan. (1Sa 4:1-11) Partikular na nakatatawag-pansin ang pagkatuklas sa ilang templong Canaanita sa Bet-san. Sinasabi ng 1 Samuel 31:10 na ang baluti ni Haring Saul ay inilagay ng mga Filisteo “sa bahay ng mga imahen ni Astoret, at ang kaniyang bangkay ay ibinitin nila sa pader ng Bet-san,” samantalang sinasabi ng 1 Cronica 10:10 na “inilagay nila ang kaniyang baluti sa bahay ng kanilang diyos, at ang bungo niya ay ibinitin nila sa bahay ni Dagon.” Dalawa sa mga templong nahukay ang mula sa iisang yugto ng panahon at ipinakikita ng katibayan na ang isa ay templo ni Astoret, samantalang ang isa naman ay ipinapalagay na templo ni Dagon, sa gayo’y kasuwato ng nabanggit na mga teksto na nagpapahiwatig na nagkaroon ng dalawang templo sa Bet-san.

      Ang Ezion-geber ang daungang lunsod ni Solomon sa Gulpo ng ʽAqaba. Posibleng ito ang makabagong-panahong Tell el-Kheleifeh, na hinukay noong 1937-1940 at kinakitaan ng katibayan na nagkaroon doon ng isang tunawan ng tanso, yamang may natagpuang mga linab ng tanso at maliliit na piraso ng inambato ng tanso sa isang mababang gulod sa rehiyong iyon. Gayunman, sa isang artikulo sa The Biblical Archaeologist (1965, p. 73), lubusang binago ng arkeologong si Nelson Glueck ang kaniyang orihinal na mga konklusyon tungkol sa lugar na iyon. Ang kaniyang dating opinyon na may ginamit doon na isang hurnuhang tunawan ng metal ay salig sa pagkatuklas ng sa wari’y “mga butas na daanan ng hangin” sa pangunahing gusali na nahukay. Ipinapalagay na niya ngayon na ang mga butas na ito sa mga dingding ng gusali ay resulta ng “pagkabulok at/o pagkasunog ng mga bigang kahoy na inilagay nang pahalang sa kalaparan ng mga dingding bilang pampatibay o pampatatag.” Ang gusali, na dati’y ipinapalagay na isang tunawan, ay pinaniniwalaan ngayon na isang istrakturang imbakan ng butil. Bagaman pinaniniwalaan pa rin na nagsagawa roon ng mga gawaing nauugnay sa metalurhiya, ang mga iyon ay hindi na ipinapalagay na napakalawak gaya ng dating inaakala. Idiniriin nito ang katotohanan na ang pagpapakahulugan sa mga tuklas sa arkeolohiya ay pangunahin nang nakadepende sa indibiduwal na interpretasyon ng arkeologo, na posible namang magkamali. Ang Bibliya mismo ay walang binabanggit na industriya ng tanso sa Ezion-geber, anupat ang inilalarawan lamang nito ay ang paghuhulma ng mga kagamitang tanso sa isang lugar sa Libis ng Jordan.​—1Ha 7:45, 46.

      Ang Hazor sa Galilea ay inilalarawan noong panahon ni Josue bilang “ulo ng lahat ng mga kahariang ito.” (Jos 11:10) Ipinakita ng mga paghuhukay roon na ang lunsod ay dating sumasaklaw nang mga 60 ektarya (150 akre), anupat may malaking populasyon, sa gayo’y isa sa mga pangunahing lunsod sa rehiyong iyon. Pinatibay ni Solomon ang lunsod, at ipinakikita ng katibayan mula sa yugtong iyon na maaaring ito’y naging isang lunsod ng karo.​—1Ha 9:15, 19.

      Nagsagawa ng mga paghuhukay sa Jerico sa tatlong magkakaibang ekspedisyon (1907-1909; 1930-1936; 1952-1958) at, muli, ipinakikita ng magkakasunod na mga interpretasyon sa mga tuklas doon na ang arkeolohiya, tulad ng iba pang mga larangan ng siyensiya ng tao, ay hindi pinagmumulan ng tiyak at di-nagbabagong impormasyon. Ang bawat isa sa tatlong ekspedisyon ay may nakuhang datos, ngunit ang bawat isa ay sumapit sa magkakaibang konklusyon may kinalaman sa kasaysayan ng lunsod at partikular na hinggil sa petsa ng pagbagsak nito sa harap ng mga manlulupig na Israelita. Gayunpaman, masasabing inihaharap ng pinagsama-samang mga resulta ang pangkalahatang larawan na inilahad sa aklat na Biblical Archaeology, ni G. E. Wright (1962, p. 78), na nagsasabi: “Ang lunsod ay sumailalim sa isang kahila-hilakbot na pagkawasak o sa sunud-sunod na pagkawasak noong ikalawang milenyo B.C., at halos hindi pinanirahan sa loob ng maraming salinlahi.” Ang pagkawasak ay may kasamang napakalakas na apoy, gaya ng ipinakikita ng nahukay na katibayan.​—Ihambing ang Jos 6:20-26.

      Sa Jerusalem, natuklasan noong 1867 ang isang sinaunang paagusan ng tubig, na nagmumula sa bukal ng Gihon patungo sa burol sa likuran. (Tingnan ang GIHON Blg. 2.) Maaari itong magbigay-linaw sa ulat sa 2 Samuel 5:6-10 tungkol sa pagbihag ni David sa lunsod. Noong 1909-1911, hinawan ang buong sistema ng mga paagusan na konektado sa bukal ng Gihon. Ang isang paagusan, tinatawag na Paagusan ng Siloam, ay may katamtamang taas na 1.8 m (6 na piye) at inuka sa bato sa distansiya na mga 533 m (1,749 na piye) mula sa Gihon hanggang sa Tipunang-tubig ng Siloam sa Libis ng Tyropoeon (sa loob ng lunsod). Kaya naman waring ito ang proyekto ni Haring Hezekias na inilalarawan sa 2 Hari 20:20 at 2 Cronica 32:30. Lubhang kapansin-pansin ang sinaunang inskripsiyon sa pinakadingding ng paagusang ito na nakasulat sa sinaunang sulat Hebreo at naglalarawan kung paano inuka ang paagusan at kung gaano ito kahaba. Ginagamit ang inskripsiyong ito sa paghahambing upang mapetsahan ang iba pang mga inskripsiyong Hebreo na natagpuan.

      Ang Lakis, 44 na km (27 mi) sa KTK ng Jerusalem, ay isang pangunahing tanggulan na nagsilbing depensa ng maburol na lupain ng Juda. Sa Jeremias 34:7, binanggit ng propeta na ang mga hukbo ni Nabucodonosor ay nakipaglaban sa “Jerusalem at sa lahat ng mga lunsod ng Juda na nalalabi, laban sa Lakis at laban sa Azeka; sapagkat ang mga iyon, na mga nakukutaang lunsod, ang siyang nalabi sa mga lunsod ng Juda.” Ipinakikita ng mga paghuhukay sa Lakis na dalawang beses itong nawasak sa pamamagitan ng apoy sa loob lamang ng ilang taon, pinaniniwalaang tumutukoy sa dalawang pagsalakay ng mga Babilonyo (618-617 at 609-607 B.C.E.), anupat pagkatapos ay hindi na ito tinahanan sa loob ng mahabang panahon.

      Sa mga abo ng ikalawang pagkasunog ay may natagpuang 21 ostracon (mga piraso ng mga kagamitang luwad na inukitan ng mga sulat), na pinaniniwalaang mga liham na isinulat di-kalaunan bago mawasak ang lunsod noong huling pagsalakay ni Nabucodonosor. Tinatawag ang mga ito na Lachish Letters, at nagpapahiwatig ang mga ito ng isang yugto ng krisis at kabalisahan at waring isinulat mula sa natitirang mga himpilan ng mga hukbong Judeano para kay Yaosh, isang kumandante ng militar sa Lakis. (LARAWAN, Tomo 1, p. 325) Ang liham bilang IV ay naglalaman ng ganitong pananalita: “Hayaan nawa ni Yahweh na makarinig ngayon mismo ng mabuting pabalita ang aking panginoon! . . . Inaabangan namin ang mga hudyat ng Lakis, ayon sa lahat ng tanda na ibinibigay ng aking panginoon, sa dahilang hindi namin makita ang Azeka.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 322) Kapansin-pansing inilalahad nito ang situwasyong inilalarawan sa Jeremias 34:7, na sinipi sa naunang parapo, at ipinahihiwatig nito na ang Azeka ay bumagsak na o kaya’y hindi makapagpadala ng hinihintay na mga hudyat na apoy o usok.

      Ang liham bilang III, na isinulat ni “Hosaias,” ay kababasahan ng sumusunod: “Hayaan nawa ni Yahweh na makarinig ng pabalita ng kapayapaan ang aking panginoon! . . . At iniulat sa iyong lingkod na sinasabi, ‘Ang kumandante ng hukbo, si Conias na anak ni Elnatan, ay bumaba upang pumaroon sa Ehipto, at kay Hodavias na anak ni Ahias at sa kaniyang mga tauhan ay nagpasugo siya upang kumuha [ng mga panustos] mula sa kaniya.’” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J.B. Pritchard, 1974, p. 322) Ang pananalitang ito ay maaaring tumutukoy sa pagbaling ng Juda sa Ehipto upang magpatulong, na hinatulan naman ng mga propeta. (Jer 46:25, 26; Eze 17:15, 16) Ang mga pangalang Elnatan at Hosaias, na lumilitaw sa kumpletong teksto ng liham na ito, ay matatagpuan din sa Jeremias 36:12 at Jeremias 42:1. Ang iba pang mga pangalan sa mga liham ay lumilitaw rin sa Jeremias: Gemarias (36:10), Nerias (32:12), at Jaazanias (35:3). Hindi masabi kung tumutukoy sila sa iisang indibiduwal o hindi, ngunit nakatatawag-pansin ang pagkakatulad yamang sa yugtong iyon nabuhay si Jeremias.

      Kapansin-pansin na malimit gamitin ang Tetragrammaton sa mga liham na ito, anupat ipinakikita nito na noong panahong iyon ay hindi iniiwasan ng mga Judio ang paggamit sa banal na pangalan. Kawili-wili ring pansinin ang natagpuang piraso ng luwad na may marka ng pantatak na tumutukoy kay “Gedalias, na nangangasiwa sa sambahayan.” Gedalias ang pangalan ng gobernador na inatasan ni Nabucodonosor na mamahala sa Juda pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem, at ipinapalagay ng marami na malamang na siya ang tinutukoy sa marka ng pantatak.​—2Ha 25:22; ihambing ang Isa 22:15; 36:3.

      Ang Megido ay isang estratehikong tanggulang lunsod na kumokontrol noon sa isang mahalagang daanan patungo sa Libis ng Jezreel. Muli itong itinayo ni Solomon at binabanggit ito kasama ng mga imbakang lunsod at mga lunsod ng karo noong siya’y naghahari. (1Ha 9:15-19) Sa lugar na iyon (Tell el-Mutesellim), na isang gulod na may lawak na 5.3 ektarya (13 akre), ay nakahukay ng mga istraktura na ipinapalagay ng ilang iskolar na mga kuwadra na mapaglalagyan ng mga 450 kabayo. Noong una, ipinapalagay na ang mga istrakturang ito ay mula sa panahon ni Solomon, ngunit binago ng mas huling mga iskolar ang petsang ito at itinalaga ang mga ito sa isang mas huling yugto, marahil ay noong panahon ni Ahab.

      Ang Batong Moabita ay isa sa kauna-unahang mahahalagang tuklas sa lugar na nasa gawing S ng Jordan. (LARAWAN, Tomo 1, p. 325) Ito ay natagpuan noong 1868 sa Dhiban, sa H ng Libis ng Arnon, at naglalahad ng bersiyon ng Moabitang si Haring Mesa tungkol sa paghihimagsik niya laban sa Israel. (Ihambing ang 2Ha 1:1; 3:4, 5.) Ang isang bahagi ng inskripsiyon ay nagsasabi: “Ako (si) Mesa, anak ni Kemos-[. . . ], hari ng Moab, ang Dibonita . . . Tungkol kay Omri, hari ng Israel, nilupig niya ang Moab nang maraming taon (sa literal, mga araw), sapagkat galít si Kemos [diyos ng Moab] sa kaniyang lupain. At tinularan siya ng kaniyang anak at sinabi rin nito, ‘Lulupigin ko ang Moab.’ Noong panahon ko ay nagsalita siya (nang gayon), ngunit nagapi ko siya at ang kaniyang sambahayan, samantalang ang Israel naman ay napuksa magpakailanman! . . . At sinabi sa akin ni Kemos, ‘Humayo ka, bawiin mo ang Nebo sa Israel!’ Kaya isang gabi ay pumaroon ako at nakipagdigma laban doon mula bukang-liwayway hanggang katanghalian, anupat binawi ko iyon at pinatay ang lahat . . . At kinuha ko mula roon ang [mga sisidlan] ni Yahweh, at dinala ang mga ito sa harap ni Kemos.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 320) Kaya hindi lamang ang pangalan ni Haring Omri ng Israel ang binabanggit sa bato kundi kababasahan din ito, sa ika-18 linya, ng pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton.

      Binabanggit din sa Batong Moabita ang maraming lugar na tinukoy sa Bibliya: Atarot at Nebo (Bil 32:34, 38); ang Arnon, Aroer, Medeba, at Dibon (Jos 13:9); Bamot-baal, Bet-baal-meon, Jahaz, at Kiriataim (Jos 13:17-19); Bezer (Jos 20:8); Horonaim (Isa 15:5); Bet-diblataim at Keriot. (Jer 48:22, 24) Sa gayon ay sinusuportahan nito ang pagiging tunay ng lahat ng mga lugar na iyon.

  • Arkeolohiya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Samaria, ang matibay na nakukutaang kabisera ng hilagang kaharian ng Israel, ay itinayo sa isang burol na mga 90 m (295 piye) ang taas mula sa pinakasahig ng libis. Ang ebidensiya na nakatagal ito sa mahahabang pagkubkob, gaya ng mga inilalarawan sa 2 Hari 6:24-30 may kaugnayan sa Sirya, at sa 2 Hari 17:5 may kaugnayan sa makapangyarihang hukbong Asiryano, ay ang mga labí ng matitibay na doblihang pader, na sa ilang dako ay nagiging balwarte na may lapad na 10 m (33 piye). Ang masoneriya ng mga bato na nasumpungan sa lugar na ito, ipinapalagay na mula sa panahon ng mga haring sina Omri, Ahab, at Jehu, ay napakahusay. Ang sa wari’y plataporma ng palasyo ay may lapad na mga 90 m (295 piye) at haba na mga 180 m (590 piye). Maraming piraso, plake, at entrepanyong garing ang natagpuan sa lugar ng palasyo, na maaaring nagmula sa bahay na garing ni Ahab na binanggit sa 1 Hari 22:39. (Ihambing ang Am 6:4.) Sa HK panulukan ng pinakataluktok ay may natagpuang isang malaki at sementadong tipunang-tubig, na may haba na mga 10 m (33 piye) at lapad na mga 5 m (17 piye). Maaaring ito ang “tipunang-tubig ng Samaria,” kung saan hinugasan ang karo ni Ahab upang maalis doon ang kaniyang dugo.​—1Ha 22:38.

      Natagpuan din sa Samaria ang 63 piraso ng basag na palayok (mga ostracon) na may mga inskripsiyong tinta, ipinapalagay na mula noong ikawalong siglo B.C.E. Ang mga resibo para sa alak at langis na ipinadala sa Samaria mula sa ibang mga bayan ay kakikitaan ng isang Israelitang sistema ng pagsulat ng mga numero na gumagamit ng mga guhit na patindig, pahalang, at pahilis. Ang karaniwang resibo ay kababasahan ng ganito:

      Noong ikasampung taon.

      Kay Gaddiyau [malamang na ang katiwala ng ingatang-yaman].

      Mula sa Azah [marahil ay ang nayon o distrito na nagpadala ng alak o langis].

      Abi-ba‛al 2

      Ahaz 2

      Sheba 1

      Meriba‛al 1

      Isinisiwalat din ng mga resibong ito na malimit gamitin noon ang pangalang Baal bilang bahagi ng mga pangalan, anupat mga 7 pangalan ang nagtataglay ng pangalang ito sa bawat 11 na may isang anyo ng pangalang Jehova, malamang na indikasyon ng pagpasok ng pagsamba kay Baal gaya ng inilalarawan sa ulat ng Bibliya.

      Ang maapoy na pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra at ang pagkakaroon ng mga hukay ng bitumen (aspalto) sa rehiyong iyon ay inilalarawan sa Bibliya. (Gen 14:3, 10; 19:12-28) Naniniwala ang maraming iskolar na posibleng ang tubig ng Dagat na Patay ay tumaas noong nakalipas na mga panahon anupat ang timugang dulo ng dagat ay umabot sa malayo at tumakip sa ipinapalagay na dating lokasyon ng dalawang lunsod na ito. Ipinakikita ng mga paggagalugad doon na ang lugar na iyon ay isang sunóg na pook ng langis at aspalto. Tungkol sa bagay na ito, ang aklat na Light From the Ancient Past, ni Jack Finegan (1959, p. 147), ay nagsabi: “Ang isang maingat na pagsusuri sa pampanitikan, heolohikal, at arkeolohikal na katibayan ay umaakay sa konklusyon na ang bantog sa kasamaang ‘mga lunsod ng libis’ (Genesis 19:29) ay nasa lugar na nakalubog na ngayon . . . at na winasak ang mga iyon sa pamamagitan ng isang malakas na lindol, malamang na may kasamang mga pagsabog, kidlat, pagliyab ng natural na gas, at malawakang sunog.”​—Tingnan din ang SODOMA.

      Arkeolohiya at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang paggamit ni Jesus ng isang baryang denario na may larawan ng ulo ni Tiberio Cesar (Mar 12:15-17) ay pinatutunayan ng pagkatuklas ng isang pilak na baryang denario na may larawan ng ulo ni Tiberio at ginamit noong mga taóng 15 C.E. (LARAWAN, Tomo 2, p. 544) (Ihambing ang Luc 3:1, 2.) Ang panunungkulan naman noon ni Poncio Pilato bilang Romanong gobernador ng Judea ay pinatototohanan ng isang malapad na bato na natagpuan sa Cesarea at kababasahan ng mga pangalang Latin na Pontius Pilatus at Tiberieum.​—Tingnan ang PILATO; LARAWAN, Tomo 2, p. 741.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share