Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Musika
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Musikang Inaawit. Mga lalaking Levita lamang ang mga mang-aawit noon sa templo. Hindi kailanman sinasabi sa Kasulatan na nagkaroon ng mga babaing manganganta sa templo. Malinaw na ipinakikita ng isa sa mga Targum (tungkol sa Ec 2:8) na walang mga babaing mang-aawit sa koro. Palibhasa’y pinagbabawalan ang mga babae na pumasok man lamang sa ilang bahagi ng templo, talagang imposibleng magkaroon sila ng anumang opisyal na posisyon doon.​—2Cr 5:12; Ne 10:39; 12:27-29.

      Itinuring na napakahalaga ang pag-awit sa templo. Makikita ito sa maraming pagtukoy ng Kasulatan sa mga mang-aawit at sa ‘pagpapalaya sa kanila mula sa tungkulin’ na karaniwan sa ibang mga Levita upang lubusan nilang maiukol ang kanilang sarili sa kanilang paglilingkod. (1Cr 9:33) Ang pagtatala sa kanila nang bukod sa gitna niyaong mga bumalik mula sa Babilonya ay nagdiriin sa kahalagahan ng pagpapatuloy nila bilang isang pantanging pangkat ng mga Levita. (Ezr 2:40, 41) Maging ang awtoridad ng Persianong hari na si Artajerjes (Longimanus) ay ginamit para sa kanilang kapakanan, anupat pinalibre sila, kasama ng iba pang mga pantanging pangkat, mula sa ‘buwis, tributo, at singil.’ (Ezr 7:24) Nang maglaon, iniutos ng hari na dapat magkaroon ng “takdang paglalaan para sa mga mang-aawit ayon sa pangangailangan sa bawat araw.” Bagaman si Artajerjes ang kinikilalang nagbigay ng utos na ito, malamang na si Ezra ang nagpalabas niyaon salig sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kaniya ni Artajerjes. (Ne 11:23; Ezr 7:18-26) Sa gayon, mauunawaan natin kung bakit tinutukoy ng Bibliya ang mga mang-aawit bilang isang pantanging kalipunan, anupat binabanggit “ang mga mang-aawit at ang mga Levita,” bagaman mga Levita rin sila.​—Ne 7:1; 13:10.

  • Musika
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Batay sa isang pambuong-daigdig na pananaliksik, iniharap ni Sachs ang konklusyon na “ang mga koro at mga orkestra na nauugnay sa Templo sa Jerusalem ay nagpapahiwatig ng mataas na pamantayan ng edukasyon, kasanayan, at kaalaman sa musika.” Nagpatuloy siya: “Mahalagang kilalanin na ang musika ng sinaunang Kanluraning Silangan ay ibang-iba sa inaakala ng mga mananalaysay ng ikalabinsiyam na siglo. . . . Bagaman hindi natin alam kung ano ang tunog ng sinaunang musikang iyan, mayroon tayong sapat na katibayan hinggil sa kapangyarihan, dignidad, at kagalingan niyaon.”​—The Rise of Music in the Ancient World: East and West, 1943, p. 48, 101, 102.

      Isang kahawig na konklusyon ang ipinahihiwatig ng Kasulatan. Bilang halimbawa, ang pananalitang “Sa [Para sa] tagapangasiwa” (NW; AT) ay mahigit sa 30 ulit na lumilitaw sa mga superskripsiyon ng Mga Awit. (Aw 11, at iba pa) Ang ibang mga salin naman ay kababasahan ng “tagapangasiwa ng koro” (Kx; JB; Mo; RS), “Pangulong Manunugtog” (AS), “Punong Manunugtog” (KJ; Le; Ro), at “Tagapangasiwa ng Banda” (Fn). Waring ang terminong Hebreo ay tumutukoy sa isa na sa paanuman ay nangangasiwa sa paraan ng pag-awit, sa pagsasaayos nito, sa pag-eensayo at pagsasanay sa mga Levitang mang-aawit, o sa opisyal na pag-awit dito. Marahil ay ipinatutungkol ito sa pinuno ng bawat isa sa 24 na grupo ng mga manunugtog sa santuwaryo, o maaaring isa sa mahuhusay na manunugtog, yamang sinasabi ng ulat na sila ay ‘gaganap bilang mga tagapangasiwa.’ (1Cr 15:21; 25:1, 7-31) Sa mga 20 iba pang Awit, mas espesipiko pa ang pagtukoy ng mga superskripsiyon sa “mga tagapangasiwa”: “Sa tagapangasiwa ng mga panugtog na de-kuwerdas,” “Sa tagapangasiwa sa mababang oktaba,” at iba pa. (Aw 4, 12, at iba pa; tingnan ang SEMINIT.) Karagdagan pa, tinutukoy rin ng Kasulatan ang “mga ulo ng mga mang-aawit,” “mga bihasa,” at mga “nag-aaral.” Ang mga ito ay pawang nagpapatotoo sa isang mataas na pamantayan ng musika.​—Ne 12:46; 1Cr 25:7, 8.

      Waring ang karamihan sa mga panggrupong pag-awit sa Israel noon ay sa istilong antiphony, anupat maaaring dalawang kalahati ng koro ang naghahalinhinan sa pag-awit ng magkakatulad na mga linya, o isang soloista at isang sumasagot na koro ang naghahalinhinan. Sa Kasulatan, lumilitaw na tinutukoy ito bilang ‘pagtugon.’ (Exo 15:21; 1Sa 18:6, 7) Ang ganitong uri ng pag-awit ay ipinahihiwatig ng mismong pagkakasulat ng ilan sa mga awit, gaya ng Awit 136. Ang paglalarawan sa dalawang malalaking koro ng pasasalamat noong panahon ni Nehemias at sa bahaging kanilang ginampanan noong pasinayaan ang pader ng Jerusalem ay nagpapahiwatig na ganitong istilo ng pag-awit ang ginawa nila.​—Ne 12:31, 38, 40-42; tingnan ang AWIT.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share