-
Ang Probinsiya ng GalileaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang Probinsiya ng Galilea
ANG Galilea, na nasa hilagang Palestina, ay isang probinsiyang maunlad at matao noong panahon ng Bibliya. Hanggang sa ngayon, ang heograpikong kaanyuan nito ay kaakit-akit—ang malalim at asul na Dagat ng Galilea, ang baku-bakong hilagaang kalupaan, at ang matatabang kapatagan. (Larawan sa ibaba) Sa magandang rehiyong ito ginugol ni Jesus ang kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa lupa, yamang pinalaki siya sa lunsod ng Nazaret sa Galilea.—Mat 2:21-23; Luc 2:51, 52.
Ang pagsasaka, pagpapastol, at pangingisda ay karaniwang mga hanapbuhay ng mga taga-Galilea, at ipinahihiwatig ito sa maraming talinghaga ni Jesus. Ang karaniwang mga taga-Galilea na masisikap at masisipag ay hinahamak ng mga Pariseo at mga punong saserdote sa Jerusalem. Dahil sa naiibang punto ng mga taga-Galilea, madali silang makilala ng kanilang mga kapuwa Judio.—Mat 26:73.
Sa Galilea naganap ang ilan sa namumukod-tanging mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus. Sa isang gilid ng bundok sa Capernaum, binigkas ni Jesus ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. (Mat 5:1, 2) Dito sa Galilea, makahimala niyang pinagaling ang maraming tao.—Mar 1:32-34; 6:53-56; Ju 4:46-54.
Paano tinanggap sa Galilea ang pangangaral at mga himala ni Jesus? Nang mangaral siya sa Nazaret na kaniyang sariling bayan, noong pasimula ay ‘namangha ang mga tao sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.’ Ngunit matapos silang ihambing ni Jesus sa mga Israelita noong mga araw ni Elias at Eliseo, tinangka nilang patayin siya. (Luc 4:22-30) Gayunman, sa pangkalahatan ay napakahusay ng pagtugon ng mga taga-Galilea sa ministeryo ni Jesus. Kaya naman, ang una niyang mga alagad ay kinuha niya mula sa mga taga-Galilea, at ang lahat ng kaniyang mga apostol (posibleng maliban kay Hudas Iscariote) ay mga taga-Galilea. (Mat 4:18-22; Luc 6:12-16) Ang grupo ng mga 120 alagad na tumanggap ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay mga taga-Galilea.—Gaw 1:15; 2:1-7.
MAPA: Ang Probinsiya ng Galilea, Satellite Map
Mga guho ng Cana. Dito ay ginawa ni Jesus na mainam na alak ang tubig (Ju 2:1-11)
Ang Nain gaya ng makikita sa ngayon. Dito ay lubhang pinagalak ni Jesus ang isang balo nang buhayin niyang muli ang anak na lalaki nito (Luc 7:11-17)
Mga guho ng Capernaum sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dagat ng Galilea. Ang sinagoga noong unang siglo ay nasa ibaba ng mas bagong sinagoga na ipinakikita rito. Mula sa lugar na ito ay pumili si Jesus ng mga mangingisda at isang maniningil ng buwis upang maging mga apostol (Mat 4:18-22; 9:9)
Ang Tiberias, kung saan nanirahan si Herodes Antipas, na tagapamahala ng distrito, at maliwanag na ang dako kung saan pinatay si Juan na Tagapagbautismo (Mar 6:21-28)
Mga guho ng Corazin, isang lunsod na pinagwikaan ni Jesus dahil hindi nagsisi ang mga tumatahan dito (Luc 10:13)
Ang mabungang Kapatagan ng Genesaret, kung saan nagsagawa si Jesus ng maraming makahimalang pagpapagaling (Mat 14:34-36)
-
-
Sa Palibot ng Dagat ng GalileaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa Palibot ng Dagat ng Galilea
MAPA: Sa Palibot ng Dagat ng Galilea
ANG loobang tubig-tabang na lawa na tinatawag na Dagat ng Galilea, Dagat ng Tiberias, o Lawa ng Genesaret, ay napalilibutan ng mga burol sa hilagang Palestina. (Larawan sa ibaba) Tulad ng hiyas sa isang malalim na lunas, ang lawa ay mga 210 m (700 piye) ang kababaan mula sa kapantayan ng dagat. Ito ay may haba na mga 21 km (13 mi) at lapad na mga 12 km (7.5 mi). Maraming namumukod-tanging pangyayari sa ministeryo ni Jesus ang naganap kapuwa sa lawang ito at sa palibot nito.
Sa ilang pagkakataon, nagsalita si Jesus mula sa isang bangka sa mga pulutong na nagkakatipon sa baybayin ng dagat na ito. (Mar 4:1, 2) Ang Capernaum, isang lunsod sa hilagang baybayin, ay nakilala bilang ang “sariling lunsod” ni Jesus, bagaman madalas siyang naglalakbay noon. (Mat 9:1; Mar 2:1) Naglakad si Jesus sa ibabaw ng tubig ng dagat na ito at nagpakita siya malapit dito matapos siyang buhaying-muli.—Ju 6:1, 16-21; 21:1, 4-19.
-