-
IsraelKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa loob ng tatlong buwan pagkaalis ng Israel mula sa Ehipto, ito ay naging isang independiyenteng bansa sa ilalim ng tipang Kautusan na pinasinayaan sa Bundok Sinai. (Heb 9:19, 20) Ang Sampung Salita, o Sampung Utos, na isinulat “ng daliri ng Diyos,” ang naging balangkas ng pambansang kodigong iyon, na dinagdagan ng mga 600 iba pang mga kautusan, mga batas, mga tuntunin, at mga hudisyal na pasiya. Dahil dito, ito ang naging pinakakumpletong kalipunan ng mga kautusan ng alinmang sinaunang bansa, anupat inilahad nito nang lubhang detalyado ang kaugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, gayundin sa pagitan ng tao at ng kaniyang kapuwa.—Exo 31:18; 34:27, 28.
Bilang isang ganap na teokrasya, ang lahat ng awtoridad na panghukuman, pambatasan, at tagapagpaganap ay hawak ni Jehova. (Isa 33:22; San 4:12) Iniatang naman ng Dakilang Teokratang ito ang ilang administratibong katungkulan sa kaniyang mga inatasang kinatawan. Mismong ang kodigo ng kautusan ay may probisyon para sa isang dinastiya ng mga hari sa hinaharap na kakatawan kay Jehova sa mga usaping sibil. Gayunman, ang mga haring ito ay hindi mga monarkang ganap ang kapangyarihan, yamang ang pagkasaserdote ay hiwalay sa pagkahari at hindi nito sakop, at sa katunayan, umupo ang mga hari sa “trono ni Jehova” bilang mga kinatawan niya, anupat sakop ng kaniyang mga utos at disiplina.—Deu 17:14-20; 1Cr 29:23; 2Cr 26:16-21.
Sa ilalim ng kodigo ng konstitusyon, ang pagsamba kay Jehova ay ginawang pangunahin sa lahat ng iba pang bagay at sumupil sa bawat bahagi ng buhay at gawain ng bansa. Ang idolatriya ay tahasang kataksilan na nararapat sa parusang kamatayan. (Deu 4:15-19; 6:13-15; 13:1-5) Ang sagradong tabernakulo, at nang maglaon ang templo, lakip ang itinakdang mga hain nito, ang pisikal na sentro ng pagsamba. Ang pagkasaserdoteng itinalaga ng Diyos ay may Urim at Tumim, na sa pamamagitan nito, ang mga sagot sa mahahalaga at mahihirap na tanong hinggil sa buhay o kamatayan ay tinanggap mula kay Jehova. (Exo 28:30) Ang regular na mga pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ay inilaan (sapilitan para sa mga lalaki), at nakatulong ang mga ito upang maingatan ang espirituwal na kalusugan at pagkakaisa ng bansa.—Lev 23:2; Deu 31:10-13.
Gumawa ng kaayusan ng mga hukom na mamamahala sa “sampu-sampu,” “lima-limampu,” “daan-daan,” at “libu-libo.” Sa ganitong paraan, mabilis na maaasikaso ang mga usapin ng bayan, at ang mga apela ay maidudulog kay Moises, at kung kinakailangan ay maaari naman niyang dalhin ang kaso sa harap ni Jehova para sa pangwakas na pasiya. (Exo 18:19-26; Deu 16:18) Ang organisasyong militar lakip ang pangangalap nito ng mga tauhan at pamamahagi ng awtoridad ay umalinsunod din sa isang katulad na pagpapangkat-pangkat ayon sa bilang.—Bil 1:3, 4, 16; 31:3-6, 14, 48.
Ang iba’t ibang mga katungkulang sibil, hudisyal, at militar ay hinawakan ng mga tagapagmanang ulo ng mga tribo—ang matatandang lalaki na makaranasan, marurunong, at maiingat. (Deu 1:13-15) Ang matatandang lalaking ito ay tumayo sa harap ni Jehova bilang mga kinatawan ng buong kongregasyon ng Israel, at sa pamamagitan nila ay nagsalita sina Jehova at Moises sa buong bayan. (Exo 3:15, 16) Sila ay mga lalaki na matiyagang duminig sa mga hudisyal na usapin, nagpatupad sa iba’t ibang bahagi ng tipang Kautusan (Deu 21:18-21; 22:15-21; 25:7-10), sumunod sa mga pasiya ng Diyos na naigawad na (Deu 19:11, 12; 21:1-9), naglaan ng pangunguna sa militar (Bil 1:16), nagpatibay sa mga tratadong napagkasunduan na (Jos 9:15), at, bilang isang komite sa ilalim ng pagkaulo ng mataas na saserdote, gumanap sa iba pang mga pananagutan (Jos 22:13-16).
Pinanatili pa rin ng bagong teokratikong estadong ito ng Israel na may sentralisadong awtoridad ang kaayusan ng mga patriyarka na may 12 pangkat ng tribo. Ngunit upang mahalinhan ang tribo ni Levi sa paglilingkod militar (sa gayon ay maiukol nito ang panahon nito tanging sa relihiyosong mga bagay) at magkaroon pa rin ng 12 tribo na may 12 bahagi sa Lupang Pangako, gumawa ng pormal na mga pagbabago sa talaangkanan. (Bil 1:49, 50; 18:20-24) Nariyan din ang suliranin may kinalaman sa mga karapatan ng panganay. Si Ruben, ang panganay ni Jacob, ay may karapatan sa dobleng bahagi ng mana (ihambing ang Deu 21:17), ngunit naiwala niya ang karapatang ito dahil sa paggawa niya ng insestong imoralidad sa babae ng kaniyang ama. (Gen 35:22; 49:3, 4) Kinailangang punan ang mga bakanteng ito, ang nabakante ni Levi sa gitna ng 12 gayundin ang pagkawala ng isa na may mga karapatan bilang panganay.
Sa maituturing na simpleng paraan, isinaayos ni Jehova ang dalawang bagay na ito sa pamamagitan lamang ng iisang pagkilos. Ang dalawang anak ni Jose, sina Efraim at Manases, ay itinaas sa ganap na katayuan bilang mga ulo ng tribo. (Gen 48:1-6; 1Cr 5:1, 2) Muli, nagkaroon ng 12 tribo bukod pa yaong kay Levi, at gayundin isang dobleng bahagi ng lupain ang makasagisag na ibinigay kay Jose na ama nina Efraim at Manases sa pamamagitan ng dalawang ito. Sa ganitong paraan, ang mga karapatan ng panganay ay kinuha kay Ruben, ang panganay ni Lea, at ibinigay kay Jose, ang panganay ni Raquel. (Gen 29:31, 32; 30:22-24) Pagkatapos ng mga pagbabagong ito, ang mga pangalan ng 12 (di-Levitang) tribo ng Israel ay Ruben, Simeon, Juda, Isacar, Zebulon, Efraim, Manases, Benjamin, Dan, Aser, Gad, at Neptali.—Bil 1:4-15.
-
-
IsraelKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang Israel sa Ilalim ng mga Hukom. Pagkamatay ni Moises, pinangunahan ni Josue ang mga Israelita patawid sa Jordan noong 1473 B.C.E. papasók sa lupain na inilalarawang “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Bil 13:27; Deu 27:3) Pagkatapos, sa isang malawakang anim-na-taóng kampanya, nilupig nila ang teritoryo na dating kontrolado ng 31 hari sa K ng Jordan, kabilang na ang mga nakukutaang lunsod na gaya ng Jerico at Ai. (Jos 1 hanggang 12) Hindi kasama rito ang mga baybaying kapatagan at ang ilang nakapaloob na lunsod, tulad ng moog ng mga Jebusita na nang maglaon ay naging Lunsod ni David. (Jos 13:1-6; 2Sa 5:6-9) Ang sumasalansang-sa-Diyos na mga elementong ito na pinahintulutang manatili ay nagsilbing mga tinik at mga dawag sa tagiliran ng Israel, at lalo pang tumindi ang kirot dahil sa pakikipag-asawa sa mga ito. Sa loob ng isang yugto na mahigit sa 380 taon, mula sa pagkamatay ni Josue hanggang sa lubusang masupil ni David ang mga ito, ang gayong mga mananamba ng huwad na mga diyos ay nagsilbing “mga kasangkapan upang masubok ang Israel upang malaman kung susundin nila ang mga utos ni Jehova.”—Huk 3:4-6.
Ang bagong-lupig na teritoryo ay hinati-hati sa mga tribo ng Israel sa pamamagitan ng palabunutan, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. Anim na “kanlungang lunsod” ang ibinukod para sa kaligtasan ng mga nakapatay nang di-sinasadya. Ang mga ito, at ang 42 iba pang mga lunsod at ang kani-kanilang nakapalibot na lupaing agrikultural, ay itinakda sa tribo ni Levi.—Jos 13 hanggang 21.
Bawat lunsod ay nag-atas ng mga hukom at mga opisyal sa mga pintuang-daan nito upang mag-asikaso sa mga hudisyal na usapin gaya ng inilalaan sa ilalim ng tipang Kautusan (Deu 16:18) at maging ng kinatawang matatandang lalaki upang mangasiwa sa pangkalahatang kapakanan ng lunsod. (Huk 11:5) Bagaman nanatili sa mga tribo ang kanilang pagkakakilanlan at mga mana, wala na ang kalakhang bahagi ng sentralisadong pang-organisasyong kontrol na pinairal noong panahon ng pamamalagi sa ilang. Ang awit nina Debora at Barak, ang mga pangyayari noong nakikipagdigma si Gideon, at ang mga gawain ni Jepte ay pawang nagsisiwalat sa mga suliranin hinggil sa kawalan ng pagkakaisa na bumangon pagkamatay ni Moises at ng kaniyang kahaliling si Josue at nang ang bayan ay mabigong tumingin sa kanilang di-nakikitang Ulo, ang Diyos na Jehova, ukol sa patnubay.—Huk 5:1-31; 8:1-3; 11:1–12:7.
Nang mamatay si Josue at ang matatandang lalaking kabilang sa kaniyang salinlahi, ang bayan ay nagsimulang mag-urong-sulong sa kanilang katapatan at pagkamasunurin kay Jehova, tulad ng isang malaking pendulo na umuuguy-ugoy sa pagitan ng tunay at huwad na pagsamba. (Huk 2:7, 11-13, 18, 19) Nang iwanan nila si Jehova at bumaling sila sa paglilingkod sa mga Baal, inalis niya ang kaniyang proteksiyon at pinahintulutang pumaroon ang mga bansa na nasa palibot nila upang samsaman ang lupain. Palibhasa’y nagising sa pangangailangang kumilos nang may pagkakaisa dahil sa gayong paniniil, ang suwail na Israel ay namanhik kay Jehova at siya naman ay nagbangon ng mga hukom, o mga tagapagligtas, upang sagipin ang bayan. (Huk 2:10-16; 3:15) Sunud-sunod na magigiting na hukom ang bumangon pagkatapos ni Josue, kabilang na sina Otniel, Ehud, Samgar, Barak, Gideon, Tola, Jair, Jepte, Ibzan, Elon, Abdon, at Samson.—Huk 3 hanggang 16.
Sa bawat pagliligtas ay higit na nagkaisa ang bansa. Mayroon pang ibang mga insidente na nagdulot ng pagkakaisa. Sa isang pagkakataon, nang ang babae ng isang Levita ay walang-patumanggang halayin, 11 tribo ang nagkakaisang kumilos nang may pagkasuklam laban sa tribo ni Benjamin, anupat ipinakitang ang buong bansa ay nakadama ng pagkakasala at pananagutan. (Huk kab 19, 20) Ang lahat ng mga tribo ay may-pagkakaisang pumaroon sa kaban ng tipan na nasa tabernakulo sa Shilo. (Jos 18:1) Kaya naman nakadama sila ng kawalan bilang isang bansa nang ang Kaban ay mabihag ng mga Filisteo dahil sa kabuktutan at maling paggawi ng mga saserdote noong panahong iyon, lalo na ng mga anak ng mataas na saserdoteng si Eli. (1Sa 2:22-36; 4:1-22) Nang mamatay si Eli, at nang si Samuel ay maging propeta at hukom ng Israel, nagbunga ito ng pagkakaisa ng Israel, palibhasa’y naglakbay si Samuel at inikot niya ang Israel upang asikasuhin ang mga tanong at mga pagtatalo sa gitna ng bayan.—1Sa 7:15, 16.
Ang Nagkakaisang Kaharian. Noong 1117 B.C.E., lubhang nayamot si Samuel nang makiusap ang Israel: “Mag-atas ka para sa amin ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.” Gayunman, sinabi ni Jehova kay Samuel, “Makinig ka sa tinig ng bayan . . . sapagkat hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” (1Sa 8:4-9; 12:17, 18) Sa gayon, si Saul na Benjamita ang napili bilang unang hari ng Israel, at bagaman mabuti ang pasimula ng kaniyang pamamahala, di-nagtagal ang kaniyang kapangahasan ay humantong sa pagsuway, ang pagsuway naman sa paghihimagsik, at ang paghihimagsik naman sa kaniyang pagsangguni sa isang espiritista nang bandang huli—anupat, pagkatapos ng 40 taon, napatunayan siyang isang ganap na kabiguan!—1Sa 10:1; 11:14, 15; 13:1-14; 15:22-29; 31:4.
Si David na mula sa tribo ni Juda, isang ‘lalaking kalugud-lugod sa puso ni Jehova’ (1Sa 13:14; Gaw 13:22), ay pinahiran bilang hari na kahalili ni Saul, at sa ilalim ng kaniyang mahusay na pangunguna, ang mga hangganan ng bansa ay pinaabot hanggang sa lawak na ipinangako, mula sa “ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.”—Gen 15:18; Deu 11:24; 2Sa 8:1-14; 1Ha 4:21.
Noong panahon ng 40-taóng paghahari ni David, iba’t ibang pantanging katungkulan ang itinatag bilang karagdagan sa pantribong kaayusan. Nagkaroon ng isang maliit na grupo ng mga tagapayo na nakapalibot sa hari, bukod pa sa maimpluwensiyang matatandang lalaki na naglilingkod sa sentralisadong pamahalaan. (1Cr 13:1; 27:32-34) Naroon din ang mas malaking pangkagawarang kawanihan ng pamahalaan na binubuo ng mga prinsipe ng mga tribo, mga pinuno, mga opisyal ng korte, at mga tauhan ng militar na may mga pananagutang administratibo. (1Cr 28:1) Upang epektibong maasikaso ang ilang bagay, nag-atas si David ng 6,000 Levita bilang mga hukom at mga opisyal. (1Cr 23:3, 4) Nagtatag ng iba pang mga kagawaran na may mga inatasang tagapangasiwa upang mag-asikaso sa pagsasaka sa mga bukid at upang pamahalaan ang mga bagay gaya ng mga ubasan at mga gawaan ng alak, mga taniman ng olibo at mga imbakan ng langis, at mga alagang hayop at mga kawan. (1Cr 27:26-31) Sa gayunding paraan, ang mga pinansiyal na kapakanan ng hari ay pinangasiwaan ng isang sentral na kagawaran ng ingatang-yaman na hiwalay sa nangangasiwa sa mga kayamanan na nakaimbak sa ibang lugar, gaya ng malalayong lunsod at nayon.—1Cr 27:25.
Hinalinhan ni Solomon ang kaniyang amang si David bilang hari noong 1037 B.C.E. Naghari siya “sa lahat ng kaharian mula sa Ilog [Eufrates] hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hanggang sa hangganan ng Ehipto” sa loob ng 40 taon. Ang kaniyang paghahari ay pantanging kinakitaan ng kapayapaan at kasaganaan, sapagkat ang mga bansa sa palibot ay patuloy na ‘nagdala ng mga kaloob at naglingkod kay Solomon sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.’ (1Ha 4:21) Naging kasabihan ang karunungan ni Solomon, palibhasa’y siya ang pinakamarunong na hari noong sinaunang panahon, at noong panahon ng kaniyang paghahari, naabot ng Israel ang tugatog ng kapangyarihan at kaluwalhatian nito. Ang isa sa pinakamalalaking tagumpay ni Solomon ay ang pagtatayo ng maringal na templo, na ang mga plano ay tinanggap niya mula sa kaniyang kinasihang ama na si David.—1Ha kab 3 hanggang 9; 1Cr 28:11-19.
Ngunit sa kabila ng lahat ng kaniyang kaluwalhatian, kayamanan, at karunungan, si Solomon ay naging isang kabiguan, sapagkat pinahintulutan niyang italikod siya ng kaniyang maraming asawang banyaga mula sa dalisay na pagsamba kay Jehova tungo sa lapastangang mga gawain ng mga huwad na relihiyon. Sa katapus-tapusan ay namatay si Solomon na walang pagsang-ayon ni Jehova, at si Rehoboam na kaniyang anak ang humalili sa kaniya.—1Ha 11:1-13, 33, 41-43.
Palibhasa’y walang karunungan at malayong pananaw, dinagdagan ni Rehoboam ang dati nang mabibigat na pasanin ng bayan mula sa pamahalaan. Dahil dito, humiwalay sa kaniya ang sampung hilagang tribo sa pangunguna ni Jeroboam, gaya nga ng inihula ng propeta ni Jehova. (1Ha 11:29-32; 12:12-20) Sa gayon ay nahati ang kaharian ng Israel noong 997 B.C.E.
Para sa mga detalye hinggil sa nahating kaharian, tingnan ang ISRAEL Blg. 3.
Ang Israel Pagkatapos ng Pagkatapon sa Babilonya. Sa loob ng sumunod na 390 taon pagkatapos na mamatay si Solomon at mahati ang nagkakaisang kaharian at hanggang sa mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang terminong “Israel” ay kadalasang kumakapit lamang sa sampung tribo na nasa ilalim ng pamamahala ng hilagang kaharian. (2Ha 17:21-23) Ngunit nang bumalik ang isang nalabi ng 12 tribo mula sa pagkatapon, at patuloy hanggang sa ikalawang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., ang terminong “Israel” ay minsan pang sumaklaw sa kabuuan ng mga inapo ni Jacob na nabubuhay nang panahong iyon. Muli ang mga tao ng 12 tribo ay tinawag na “buong Israel.”—Ezr 2:70; 6:17; 10:5; Ne 12:47; Gaw 2:22, 36.
Ang mga bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Josue (Jesua) noong 537 B.C.E. ay halos 50,000 (42,360 Israelita at mahigit 7,500 alipin at bihasang mang-aawit), at sinimulan ng mga ito na muling itayo ang bahay ng pagsamba kay Jehova. (Ezr 3:1, 2; 5:1, 2) Nang maglaon, may iba pang bumalik kasama ni Ezra noong 468 B.C.E. (Ezr 7:1–8:36), at nang dakong huli, noong 455 B.C.E., tiyak na may iba pang sumama kay Nehemias nang pumaroon ito sa Jerusalem taglay ang pantanging atas na muling itayo ang mga pader at mga pintuang-daan ng lunsod. (Ne 2:5-9) Gayunman, maraming Israelita ang nanatiling nakapangalat sa buong imperyo, gaya ng binanggit sa aklat ng Esther.—Es 3:8; 8:8-14; 9:30.
Bagaman hindi nakabalik ang Israel sa dati nitong soberanya bilang independiyenteng bansa, ito naman ay naging isang Hebreong komonwelt na may malaking kalayaan sa ilalim ng pamumuno ng Persia. Ang mga kinatawang tagapamahala at mga gobernador (tulad nina Zerubabel at Nehemias) ay inatasan mula sa mga Israelita mismo. (Ne 2:16-18; 5:14, 15; Hag 1:1) Ang matatandang lalaki ng Israel at ang mga prinsipe ng mga tribo ay patuloy na gumanap bilang mga tagapayo at mga kinatawan ng bayan. (Ezr 10:8, 14) Ang makasaserdoteng organisasyon ay muling itinatag, salig sa sinaunang mga rekord ng talaangkanan na naingatang mabuti, at nang muling gumana ang gayong Levitikong kaayusan, ang mga paghahain at iba pang mga kahilingan ng tipang Kautusan ay tinupad.—Ezr 2:59-63; 8:1-14; Ne 8:1-18.
Nang bumagsak ang Imperyo ng Persia at bumangon ang pamumuno ng Gresya sa daigdig, nabahagi ang Israel dahil sa labanan sa pagitan ng mga Ptolemy ng Ehipto at ng mga Seleucido ng Sirya. Ipinasiya ng huling nabanggit, noong panahon ng pamamahala ni Antiochus IV (Epiphanes), na pawiin ang pagsamba at mga kaugaliang Judio. Umabot sa kasukdulan ang kaniyang pagsisikap noong 168 B.C.E. nang isang paganong altar ang itinayo sa ibabaw ng altar ng templo sa Jerusalem at inialay sa Griegong diyos na si Zeus. Gayunman, kabaligtaran ang naging epekto ng nakapangingilabot na insidenteng ito, sapagkat iyon ang naging ningas na nagpasiklab sa pag-aalsa ng mga Macabeo. Pagkaraan ng eksaktong tatlong taon, muling inialay ng matagumpay na Judiong lider na si Judas Maccabaeus ang nilinis na templo kay Jehova kasabay ng isang kapistahan na mula noon ay ginugunita ng mga Judio bilang ang Hanukkah.
Ang sumunod na siglo ay kinakitaan ng malaking panloob na kaguluhan na higit at higit na naglayo sa Israel sa administratibong mga paglalaan ng tipang Kautusan batay sa tribo. Sa loob ng yugtong ito, ang pansariling pamamahala ng mga Macabeo o mga Hasmoneano ay napaharap sa pabagu-bagong mga kalagayan, at nabuo ang mga partido ng mga Saduceong panig sa mga Hasmoneano at ng mga Pariseong laban sa mga Hasmoneano. Nang dakong huli ay tinawagan ang Roma, ang kapangyarihang pandaigdig noon, upang makialam. Namagitan si Heneral Gnaeus Pompey, at pagkatapos ng tatlong-buwang pagkubkob ay nakuha niya ang Jerusalem noong 63 B.C.E. at idinagdag ang Judea sa imperyo. Inatasan ng Roma si Herodes na Dakila bilang hari ng mga Judio noong mga 39 B.C.E., at pagkaraan ng mga tatlong taon ay matagumpay niyang dinurog ang pamamahalang Hasmoneano. Nang malapit nang mamatay si Herodes, ipinanganak si Jesus noong 2 B.C.E., bilang “isang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”—Luc 2:32.
Ang awtoridad ng imperyo ng Roma sa Israel noong unang siglo C.E. ay binaha-bahagi sa mga tagapamahala ng distrito at mga gobernador, o mga prokurador. Binabanggit sa Bibliya ang mga tagapamahala ng distrito na gaya nina Felipe, Lisanias, at Herodes Antipas (Luc 3:1); gayundin ang mga gobernador na sina Poncio Pilato, Felix, at Festo (Gaw 23:26; 24:27); at ang mga haring sina Agripa I at II (Gaw 12:1; 25:13). Sa loob ng bansa, umiiral pa rin sa paanuman ang pantribong kaayusan ayon sa angkan, gaya ng makikita nang utusan ni Cesar Augusto ang mga Israelita na magpatala sa lunsod na kinabibilangan ng kanilang sambahayan sa panig ng ama. (Luc 2:1-5) Lubhang maimpluwensiya pa rin sa taong-bayan “ang matatandang lalaki” at ang makasaserdoteng Levitikong mga tagapaglingkod (Mat 21:23; 26:47, 57; Gaw 4:5, 23), bagaman sa malaking antas ay inihalili nila ang mga tradisyon ng mga tao sa nakasulat na mga kahilingan ng tipang Kautusan.—Mat 15:1-11.
-