Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Edukasyon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ipinakikita sa buong Bibliya na ang pagbibigay ng edukasyon ay nagsisimula sa pamilya. Sa sinaunang lipunan, ang ama ang ulo ng pamilya at ng sambahayan, na maaari pa ngang isang malaking komunidad, gaya niyaong kay Abraham. Ang ulo ng pamilya ang may pananagutan sa edukasyon ng kaniyang sambahayan. (Gen 18:19) Ipinahihiwatig ng mabuting pagsasanay na nakita kay Jose na tinularan ni Isaac at ni Jacob ang kanilang amang si Abraham sa pagtuturo sa kanilang mga anak. (Gen 39:4, 6, 22; 41:40, 41) Ipinakita naman ni Job ng lupain ng Uz, isang malayong kamag-anak ni Abraham, na may kabatiran siya sa siyensiya at sa mga pagsulong sa industriya noong kaniyang mga araw, at tinuruan siya ni Jehova ng ilang bagay tungkol sa kalikasan.​—Job 9:1, 9; kab 28, 38-41.

  • Edukasyon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Bagaman ang mga Israelita ay naging mga alipin sa Ehipto, marunong silang bumasa at sumulat, at may kakayahan silang magturo sa kanilang mga anak. Mismong bago pumasok sa Lupang Pangako, tinagubilinan sila na isulat, sa makasagisag na paraan, ang mga utos ng Diyos sa mga poste ng pinto ng kanilang mga bahay at sa kanilang mga pintuang-daan, at dapat nilang ituro sa kanilang mga anak ang kautusan ng Diyos. Sabihin pa, ito ay sa wikang Hebreo.​—Deu 6:6-9; ihambing ang Deu 27:3; Jos 8:32.

      Edukasyon sa Ilalim ng Kautusan Bago ang Pagkatapon. Mga magulang pa rin ang pangunahing mga tagapagturo noon, anupat pananagutan nilang turuan ang kanilang mga anak. (Exo 12:26, 27; Deu 4:9; 6:7, 20, 21; 11:19-21) Sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng mga Judio, itinuring na nila na ang espirituwal, moral, at mental na edukasyon mula sa pagkabata ay isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga magulang. Nanalangin ang ama ni Samson, si Manoa, na patnubayan siya upang masanay niya ang kaniyang anak sa tamang paraan. (Huk 13:8) Ang ama ang pangunahing tagapagturo, ngunit nagtuturo rin ang ina, anupat partikular niyang pinasisigla ang anak na sundin ang tagubilin at disiplina ng ama. (Kaw 1:8; 4:1; 31:26, 27) Natatanto ng mga magulang na kapag sinanay ang anak sa tamang paggawi samantalang siya’y nasa kabataan pa, hindi niya iyon lilihisan hanggang sa pagtanda niya.​—Kaw 22:6.

      Dapat pagpakitaan ng mga anak ng matinding paggalang ang kanilang mga magulang. May-katatagang gagamitin ng mga magulang ang kanilang ‘pamalong’ awtoridad. (Kaw 22:15) Dapat itong gamitin nang may pag-ibig, ngunit matinding disiplina ang ilalapat sa anak na suwail, na kung minsan ay maaaring mangahulugan ng paggamit ng literal na pamalo. (Kaw 13:24; 23:13, 14) Ang anak na sumumpa o nanakit sa kaniyang mga magulang ay maaaring patayin. (Lev 20:9; Exo 21:15) Ang anak na mapaghimagsik at ayaw magbago, kung hindi na siya maituturing na bata, ay dapat pagbabatuhin. (Deu 21:18-21) Sa katunayan, ang unang utos na may pangako ay ang ikalima sa Sampung Utos: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina, . . . upang ang iyong mga araw ay tumagal at mapabuti ka sa lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”​—Deu 5:16; Efe 6:2, 3.

      Ang edukasyong ibinibigay ng mga magulang ay dapat na regular at patuluyan​—sa tahanan, sa trabaho, o kapag naglalakbay​—at hindi lamang ito sa pamamagitan ng salita at disiplina kundi sa pamamagitan din ng halimbawa, sapagkat ang kautusan ng Diyos ang dapat pumatnubay sa mga magulang sa lahat ng kanilang gawain sa buhay. Ang pagparoon sa mga kapistahan sa Jerusalem nang tatlong beses sa isang taon ay naglaan ng edukasyon sa heograpiya at nakatulong upang maging pamilyar ang bata sa kaniyang mga kababayan na mula sa iba’t ibang bahagi ng Israel.​—Deu 16:16.

      Bukod sa edukasyon sa relihiyon, ang mga kabataang lalaki ay binibigyan din ng edukasyon sa sekular na hanapbuhay ng kanilang ama o sa isang kasanayan. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang mga dalubhasang manggagawa na sina Bezalel at Oholiab ay naging kuwalipikadong magturo sa iba noong panahong itinatayo ang tabernakulo sa ilang. (Exo 35:34) Natututuhan naman ng mga kabataang babae sa sambahayan ang mga tungkulin ng asawang babae, at sila ay nasasanay na magkaroon ng matinding paggalang sa kanilang mapapangasawa, gaya ng halimbawang ipinakita ni Sara. (Gen 18:12; 1Pe 3:5, 6) Ang mabuting asawang babae ay maraming mga kakayahan, mga naisasagawa, at mga pananagutan, gaya ng inilalarawan sa Kawikaan, kabanata 31.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share