-
ManaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Maaaring isalin ng ama sa iba ang pagkapanganay kung mayroon siyang mabuting dahilan, anupat ibinibigay ang mana ng panganay sa isang nakababatang anak na lalaki. Sa ganitong mga kaso na binanggit sa Bibliya, hindi iyon dahil sa kapritso o paboritismo, kundi may saligan kung bakit ipinasiya ng ama na ilipat sa iba ang mana ng pagkapanganay. Sa loob ng 14 na taon, si Ismael, bilang panganay na anak na lalaki ni Abraham, ang inaasahang magiging tagapagmana. (Gen 16:16; 17:18-21; 21:5) Ngunit dahil sa kahilingan ni Sara na sinang-ayunan naman ni Jehova, pinaalis ni Abraham si Ismael, na noon ay mga 19 na taóng gulang. Nang magkagayon, si Isaac ang nagmay-ari ng karapatan ng panganay at nang maglaon ay napunta sa kaniya ang lahat ng tinatangkilik ni Abraham, maliban sa mga kaloob na ibinigay ni Abraham sa mga anak na isinilang sa kaniya ni Ketura noong bandang huli. (Gen 21:8-13; 25:5, 6) Naiwala ni Ruben na panganay ni Jacob ang kaniyang mana ng pagkapanganay dahil nakiapid siya sa kinakasamang babae ng kaniyang ama. (Gen 49:3, 4; 1Cr 5:1, 2) Ibinigay naman ni Jacob ang nakahihigit na pagpapala kay Efraim, nakababatang anak ni Jose, sa halip na kay Manases, ang nakatatanda.—Gen 48:13-19.
Legal noon ang pagkakaroon ng mga kinakasamang babae. Sa katunayan, kung minsan ay tinutukoy sa Bibliya ang kinakasamang babae bilang “asawa” ng lalaking kapisan niya. Ang ama ng kinakasamang babae ay tinatawag na biyenan ng lalaking kapisan niya, at ang lalaki naman ay tinatawag na manugang ng ama ng kinakasamang babae. (Gen 16:3; Huk 19:3-5) Ang mga anak ng mga kinakasamang babae ay lehitimo at sa gayon ay may katayuang kapantay niyaong sa mga anak ng isang karaniwang asawa kung tungkol sa pagmamana.
-
-
ManaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Yugto ng Kautusan. Sa ilalim ng Kautusan, ang isang ama ay pinagbawalan na gawing kaniyang panganay ang anak ng mas iniibig na asawa sa ikalulugi ng kaniyang tunay na panganay sa asawa na hindi gaanong iniibig. Kailangan niyang bigyan ang panganay ng dobleng bahagi ng lahat ng kaniyang pag-aari. (Deu 21:15-17) Kapag walang mga anak na lalaki, sa mga anak na babae mapupunta ang mana. (Bil 27:6-8; Jos 17:3-6)
-