-
Pagkabuhay-muliKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Yamang kalooban at kaluguran ng Diyos na ang taong binuhay-muli ay sumunod sa “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon,” kailangang malusog ang katawang iyon, anupat kumpleto ang kaniyang kakayahan. (Bagaman ang katawan ni Lazaro ay bahagya nang nabubulok, binuhay-muli ni Jesus si Lazaro na may buo at malusog na katawan. [Ju 11:39]) Sa ganitong paraan, ang indibiduwal ay wasto at makatuwirang mapagsusulit sa kaniyang mga gagawin sa panahon ng paghatol. Gayunman, matapos siyang buhaying-muli, hindi pa sakdal ang indibiduwal na iyon, sapagkat kailangan niyang manampalataya sa pantubos ni Kristo at kailangan niyang tanggapin ang mga paglilingkod ni Kristo at ng kaniyang ‘maharlikang mga saserdote.’—1Pe 2:9; Apo 5:10; 20:6.
-
-
Pagkabuhay-muliKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kapit ang pantubos sa lahat ng binigyan nito. Dahil sa kadakilaan at lawak ng pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos nang ibigay niya ang kaniyang Anak upang ang ‘sinumang maniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay,’ ang pagkakapit ng pantubos ay hindi limitado sa mga pipiliin ng Diyos para sa makalangit na pagtawag. (Ju 3:16) Sa katunayan, hindi lubusang maikakapit ang haing pantubos ni Jesu-Kristo kung ikakapit lamang ito sa mga magiging miyembro ng Kaharian sa langit. Hindi nito lubusang maisasakatuparan ang layunin kung bakit ito inilaan ng Diyos, sapagkat nilayon niya na ang Kaharian ay magkaroon ng makalupang mga sakop. Si Jesu-Kristo ay Mataas na Saserdote hindi lamang para sa mga katulong na saserdoteng kasama niya kundi para rin sa sangkatauhan na mabubuhay kapag siya at ang kaniyang mga kasamahan ay namahala na bilang mga hari at mga saserdote. (Apo 20:4, 6) Siya ay “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin [na kaniyang espirituwal na mga kapatid], ngunit walang kasalanan.” Kaya magagawa niyang makiramay sa mga kahinaan ng mga tao na taimtim na nagsisikap na maglingkod sa Diyos. Sinubok din sa ganitong paraan ang kasama niyang mga hari at mga saserdote. (Heb 4:15, 16; 1Pe 4:12, 13) Tutal, maglilingkod sila bilang mga saserdote para sa sangkatauhan, kasama na yaong mga bubuhaying-muli, sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari at sa panahon ng paghatol.
-
-
Pagkabuhay-muliKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
May mga Iba na Hindi Bubuhaying-Muli. Bagaman ang haing pantubos ni Kristo ay ibinigay sa sangkatauhan sa pangkalahatan, ipinahiwatig ni Jesus na limitado ang aktuwal na pagkakapitan nito nang kaniyang sabihin: “Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat 20:28) Karapatan ng Diyos na Jehova na huwag tumanggap ng pantubos para sa sinumang itinuturing niyang di-karapat-dapat. Tinatakpan ng pantubos ni Kristo ang mga kasalanan ng isang indibiduwal dulot ng kaniyang pagiging anak ng makasalanang si Adan, ngunit maaari niya itong madagdagan dahil sa kaniyang sinasadya at kusang-loob na landasin ng kasalanan, at maaari siyang mamatay dahil sa gayong kasalanan na hindi matatakpan ng pantubos.
Kasalanan laban sa banal na espiritu. Sinabi ni Jesu-Kristo na ang isang nagkasala laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ni doon sa darating. (Mat 12:31, 32) Kung gayon, ang taong hinatulan ng Diyos bilang nagkasala laban sa banal na espiritu sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ay hindi makikinabang sa pagkabuhay-muli, yamang ang kaniyang mga kasalanan ay hindi kailanman patatawarin, at ang pagkabuhay-muli ay walang silbi para sa kaniya. Hinatulan ni Jesus si Hudas Iscariote nang tawagin niya itong “anak ng pagkapuksa.” Ang pantubos ay hindi maikakapit kay Hudas, at yamang ang kaniyang pagkapuksa ay isang tatag na hudisyal na paghatol, hindi siya tatanggap ng pagkabuhay-muli.—Ju 17:12.
Sa kaniyang mga mananalansang, ang mga Judiong lider ng relihiyon, sinabi ni Jesus: “Paano kayo makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna [isang sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa]?” (Mat 23:33; tingnan ang GEHENNA.) Ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita na kung ang mga taong ito ay hindi babaling sa Diyos bago sila mamatay, tatanggap sila ng pangwakas na hatol. Kung gayon, walang magagawa ang pagkabuhay-muli para sa kanila. Lumilitaw na totoo rin ito sa kaso ng “taong tampalasan.”—2Te 2:3, 8; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.
Yaong mga nakaalam na ng katotohanan, na naging mga kabahagi sa banal na espiritu, at saka nahulog, ay tinukoy ni Pablo bilang nahulog sa isang kalagayan na doo’y imposibleng “panumbalikin silang muli sa pagsisisi, sapagkat ibinabayubay nilang muli ang Anak ng Diyos sa ganang kanila at inilalantad siya sa hayag na kahihiyan.” Hindi na sila matutulungan pa ng pantubos. Samakatuwid, hindi sila tatanggap ng pagkabuhay-muli. Inihalintulad din ng apostol ang gayong mga tao sa isang bukid na nagsisibol lamang ng mga tinik at mga dawag at dahil dito’y itinatakwil at sinusunog. Ito’y isang paglalarawan ng kanilang hinaharap: ganap na pagkalipol.—Heb 6:4-8.
-