Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagpapala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Pagpapala ng mga Tao kay Jehova. Pinagpapala ng mga tao si Jehova pangunahin na sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniya. Ang pagpapasalamat, pagkilala kay Jehova bilang ang pinagmumulan ng lahat ng mga pagpapala, pagsasalita ng mabuti tungkol sa kaniya sa lahat ng pagkakataon, at ang pagsamba at paglilingkod sa kaniya ay mga paraan din ng pagpapala kay Jehova. (Aw 26:12) Ang pangangaral ng mabuting balita ay isa pang paraan ng pagpapala kay Jehova, yamang pinapupurihan nito ang kaniyang pangalan at mga layunin.​—Mat 24:14; Heb 13:15.

      Noon, pinagpala ng mga tao si Jehova dahil sa pagliligtas niya sa kaniyang bayan mula sa paniniil (Exo 18:9, 10); dahil sa paglalaan niya ng kanilang mga pangangailangan (Deu 8:10); dahil sa kaniyang dangal, kalakasan, pamamahala, at kagandahan bilang ang Ulo ng lahat (1Cr 29:10-12, 20); dahil sa pagpapakilos niya sa kaniyang bayan upang suportahan ang pagsamba sa kaniya (2Cr 31:8); sa isang panalangin ng pagtatapat, dahil sa pag-iingat niya ng tipan at sa kaniyang awa (Ne 9:5, 31, 32); dahil sa pagbibigay niya ng karunungan at kalakasan (Dan 2:19-23); dahil sa pagsasanggalang niya sa kaniyang mga lingkod at pagtatanghal niya ng kaniyang soberanya (Dan 3:28; 4:34). Paulit-ulit na pinagpapala ng aklat ng Mga Awit si Jehova at tinatawagan nito ang lahat ng nasa langit at nasa lupa na purihin ang kaniyang pangalan dahil sa marami niyang mariringal na katangian. Ang isa pang dahilan para pagpalain ng tao si Jehova ay ang pagkakaloob niya ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.​—Aw 16:7; 103:1, 20-22; 145:2, 10; Ju 3:16; ihambing ang Gaw 2:8-11; Apo 7:11, 12; 14:6, 7.

      Pagpapala ng mga Tao kay Kristo. Si Jesus mismo ay dapat ding pagpalain ng lahat. Pinagpala ni Elisabet ang ina ni Jesus na si Maria at ang di-pa-naisisilang noon na bunga ng bahay-bata nito. (Luc 1:42) Dahil sa makalangit na pinagmulan ni Jesus, gayundin dahil sa pagdating niya sa pangalan ni Jehova bilang kaniyang Anak, at sa kaniyang ministeryo, hain, pagkasaserdote, paghahari, at di-sana-nararapat na kabaitan, makatuwiran lamang na ipagbunyi siya bilang isa na pinagpala. (Ju 12:13; 2Co 8:9; Heb 1:2; 7:24-26) Bilang katuparan ng Awit 118:26, noong panahon ng kaniyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem, malugod siyang tinanggap ng pulutong bilang ang isa na pinagpala ni Jehova. (Mat 21:9) Pagpapalain siya ng lahat ng mga anghelikong nilalang at mga tagalupa.​—Apo 5:12, 13.

      Pagpapala ng mga Tao sa Ibang mga Tao. Di-tulad ni Jehova, na laging tumutupad ng pagpapalang binibigkas Niya, kapag nagpapahayag ng pagpapala ang isang tao para sa ibang tao, maaaring wala siyang kakayahang tuparin ito. Sa Bibliya, ang pagpapahayag ng isang tao ng pagpapala ay kadalasan nang isang pamamanhik para sa pagpapala ng Diyos, bagaman hindi ito laging binibigkas sa pamamagitan ng panalangin. Kaya naman, bagaman tao ang nagpapahayag ng gayong pagpapala, ang talagang Pinagmumulan niyaon ay ang Diyos. Karagdagan pa, ang pagpapala ng tao sa ibang mga tao ay kadalasan nang maaaring isang kapahayagan ng pasasalamat, isang mapagpahalagang pagkilala sa kanilang maiinam na katangian o mahusay na trabaho.

      Nang mangatuwiran si Pablo hinggil sa kahigitan ng pagkasaserdote ni Melquisedec sa Levitikong pagkasaserdote, binanggit niya ang simulain na: “Hindi nga matututulan, ang mababa ay pinagpapala ng mas dakila.” (Heb 7:7) Dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahang magpala at isakatuparan iyon, ang pagkakaroon ng awtoridad mula sa Diyos para magpala o ng kapangyarihan upang tuparin ang pagpapala. Si Melquisedec ay isang saserdote ng Diyos at isang hari, kaya naman sa pagbibigay niya ng pagpapala kay Abraham, makapagsasalita siya para sa Diyos nang may-awtoridad at sa makahulang paraan.​—Gen 14:18-20; Heb 7:1-4.

      Kapag may mga indibiduwal na nakagagawa ng bagay na nagdudulot ng kapurihan kay Jehova, napakikilos ang iba na magpahayag ng pagpapala para sa mga ito. Pinagpala ni Moises si Bezalel at ang iba pang mga manggagawa nang matapos nila ang pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 39:43) Sa maraming pagkakataon, ang mga saserdote at mga Levita, bilang espirituwal na mga lider ng Israel, ay inatasan na pagpalain ang bayan. (Bil 6:23-27; Lev 9:22, 23; Deu 10:8; 21:5; 1Cr 23:13; 2Cr 30:27) Pinagpala ng mataas na saserdoteng si Eli ang mga magulang ni Samuel dahil sa pagkakaloob nila ng kanilang anak para maglingkod sa templo. (1Sa 2:20, 21) Pinagpala ni David ang bayan matapos niyang dalhin sa Jerusalem ang Kaban. (2Sa 6:18; 1Cr 16:2) May-karunungang tinularan ni Solomon ang gayunding pagkilos noong ialay niya kay Jehova ang templo. (1Ha 8:14, 55) Pinagpala ng matanda nang si Simeon ang mga magulang ni Jesus. (Luc 2:34) Pinagpala naman ni Jesus ang mga batang lumapit sa kaniya.​—Mar 10:16.

      Mga Pagkakataon Upang Magpahayag ng Pagpapala. Sa pamamagitan ng panalangin, ang isa ay pumupuri at nagpapasalamat sa Diyos, anupat pinagpapala niya ang Diyos.

  • Pagpapala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang mga pagpapala ay maaaring ipagkaloob bilang mga papuri. Pinagpala ni Boaz si Ruth dahil sa maibiging-kabaitan nito. (Ru 3:10) Pinagpala ng mga nagmamasid ang mga lalaking nagkusang-loob na maglingkod alang-alang sa pagsamba kay Jehova. (Ne 11:2) Ang mga magulang ay nararapat pagpalain ng kanilang mga anak.​—Kaw 30:11.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share