-
TipanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kung Paano Pinagtitibay ang Isang Tipan. Kadalasa’y hinihilingan ang Diyos upang magsilbing saksi. (Gen 31:50; 1Sa 20:8; Eze 17:13, 19) Isang sumpa ang ipinananata. (Gen 31:53; 2Ha 11:4; Aw 110:4; Heb 7:21) Kung minsan, ang mga nakikipagtipan ay nagsasaayos ng isang tanda, patotoo, o pinakasaksi, gaya ng isang kaloob (Gen 21:30), isang haligi o bunton ng mga bato (Gen 31:44-54), o binibigyan nila ng pangalan ang isang lugar (Gen 21:31). Noong minsan, gumamit si Jehova ng isang bahaghari. (Gen 9:12-16) Ang isa pang paraan ay ang pagpatay ng mga hayop at paghiwa ng mga ito sa dalawa. Pagkatapos, ang mga nakikipagtipan ay dumaraan sa pagitan ng mga piraso ng hayop. Sa kaugaliang ito hinango ang karaniwang idyomang Hebreo na ‘maghiwa ng isang tipan.’ (Gen 15:9-11, 17, 18, tlb sa Rbi8; Jer 34:18, tlb sa Rbi8, 19) Kung minsan, ang paggawa ng mga alyansa ay may kalakip na kasayahan. (Gen 26:28, 30)
-
-
TipanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Tipan kay Noe. Ang Diyos na Jehova ay nakipagtipan kay Noe, na nagsilbing kinatawan ng kaniyang pamilya, may kinalaman sa Kaniyang layunin na ingatang buháy ang mga tao at mga hayop kapag pinuksa Niya ang balakyot na sanlibutan ng panahong iyon. (Gen 6:17-21; 2Pe 3:6) Nagsimulang magkaanak si Noe paglampas niya ng 500 taóng gulang. (Gen 5:32) Nang isiwalat ng Diyos kay Noe ang layuning ito, malalaki at may-asawa na ang kaniyang mga anak. Sa bahagi ni Noe, itatayo niya ang arka at ilululan niya rito ang kaniyang asawa, mga anak, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, gayundin ang mga hayop at mga pagkain. Iingatang buháy naman ni Jehova ang laman sa lupa, kapuwa ng tao at ng mga hayop. Dahil sinunod ni Noe ang mga kundisyon ng tipan, naingatan ni Jehova ang buhay ng tao at hayop. Lubusang natupad ang tipan noong 2369 B.C.E., pagkatapos ng Baha, nang ang mga tao at mga hayop ay muling makapanirahan sa lupa at makapag-anak ayon sa kanilang uri.—Gen 8:15-17.
Tipang Bahaghari. Noong 2369 B.C.E., sa mga bundok ng Ararat, ang tipang bahaghari ay ginawa sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng lahat ng laman (tao at hayop), na kinatawanan ni Noe at ng kaniyang pamilya. Sinabi ni Jehova na hindi na niya muling pupuksain ang lahat ng laman sa pamamagitan ng baha. Pagkatapos ay ibinigay niya ang bahaghari bilang tanda ng tipang iyon, na mananatili hangga’t nabubuhay sa lupa ang mga tao, samakatuwid ay magpakailanman.—Gen 9:8-17; Aw 37:29.
Tipan kay Abraham. Lumilitaw na nagkabisa ang tipan kay Abraham nang tawirin ni Abram (Abraham) ang Eufrates patungong Canaan. Ginawa naman ang tipang Kautusan pagkaraan ng 430 taon. (Gal 3:17) Naninirahan pa si Abraham sa Mesopotamia, sa Ur ng mga Caldeo, nang makipag-usap si Jehova sa kaniya at utusan siyang maglakbay patungo sa lupaing ipakikita sa kaniya ng Diyos. (Gaw 7:2, 3; Gen 11:31; 12:1-3) Sinasabi ng Exodo 12:40, 41 (LXX) na sa pagtatapos ng 430 taon ng pananahanan sa Ehipto at sa lupain ng Canaan, “sa mismong araw na ito,” ang Israel, na noo’y inaalipin sa Ehipto, ay lumabas. Araw ng Nisan 14, 1513 B.C.E., na petsa ng Paskuwa, nang iligtas sila mula sa Ehipto. (Exo 12:2, 6, 7) Ipinahihiwatig nito na tinawid ni Abraham ang Ilog Eufrates patungong Canaan noong Nisan 14, 1943 B.C.E., at maliwanag na nagkabisa ang tipang Abrahamiko nang panahong iyon. Matapos siyang maglakbay papasók sa Canaan hanggang sa Sikem, muling nagpakita ang Diyos kay Abraham at pinalawak Niya ang pangako, sa pagsasabing, “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” Sa gayo’y ipinahiwatig ng Diyos na ang tipang iyon ay nauugnay sa pangako sa Eden, at isiniwalat niya na ang “binhi” ay mabubuhay bilang tao, samakatuwid nga, magmumula sa linya ng angkan ng mga tao. (Gen 12:4-7) Nang maglaon, pinalawak pa ni Jehova ang pangakong iyon, gaya ng nakaulat sa Genesis 13:14-17; 15:18; 17:2-8, 19; 22:15-18.
Ang mga pangako ng tipan ay ipinamana sa mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Isaac (Gen 26:2-4) at ni Jacob. (Gen 28:13-15; 35:11, 12) Sinabi ng apostol na si Pablo na ang tunay na “binhi” ay si Kristo (bilang pangunahing bahagi nito) at yaong mga kaisa ni Kristo.—Gal 3:16, 28, 29.
Isiniwalat ng Diyos ang layunin at mga isasagawa ng tipang Abrahamiko. Sinabi niya na darating ang binhing ipinangako sa pamamagitan ni Abraham. Aariin ng binhing ito ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. Ang binhi ni Abraham sa pamamagitan ni Isaac ay magiging marami, anupat di-mabibilang ng mga tao noong panahong iyon. Padadakilain ang pangalan ni Abraham. Aariin ng binhi ang Lupang Pangako. Pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi. (Tingnan ang nabanggit na mga teksto mula sa Genesis.) Nagkaroon ng literal na katuparan ang mga bagay na ito, na sumasagisag naman sa mas malaking katuparan sa pamamagitan ni Kristo. Nilinaw rin ni Pablo na makasagisag at makahula ang mga kundisyon ng tipang ito nang sabihin niya na sina Abraham, Sara, Isaac, Hagar, at Ismael ay mga tauhan sa isang makasagisag na drama.—Gal 4:21-31.
Ang tipang Abrahamiko ay isang “tipan hanggang sa panahong walang takda.” Dahil sa mga kundisyon nito, kailangan itong magpatuloy hanggang sa maisakatuparan ang pagpuksa sa lahat ng kaaway ng Diyos at ang pagpapala sa mga pamilya sa lupa.—Gen 17:7; 1Co 15:23-26.
Nang tinatalakay niya ang tipang Abrahamiko at ang tipang Kautusan, sinabi ni Pablo ang simulain na “walang tagapamagitan kapag iisang persona lamang ang nasasangkot,” at pagkatapos ay idinagdag niya na “ang Diyos ay iisa lamang.” (Gal 3:20; tingnan ang TAGAPAMAGITAN.) Si Jehova ang nakipagtipan kay Abraham. Sa totoo, iyon ay isang pangako, at hindi tinakdaan ni Jehova si Abraham ng mga kundisyon na dapat nitong abutin para matupad ang pangako. (Gal 3:18) Kaya naman hindi kailangan ang isang tagapamagitan. Sa kabilang dako, ang tipang Kautusan ay pandalawahang panig. Ito’y sa pagitan ni Jehova at ng bansang Israel, at si Moises ang tagapamagitan. Sumang-ayon ang mga Israelita sa mga kundisyon ng tipan, at nagbitiw sila ng sagradong pangako na susundin nila ang Kautusan. (Exo 24:3-8) Hindi pinawalang-bisa ng tipang ito ang tipang Abrahamiko.—Gal 3:17, 19.
Tipan ng Pagtutuli. Ang tipan ng pagtutuli ay ginawa noong 1919 B.C.E., nang si Abraham ay 99 na taóng gulang. Nakipagtipan si Jehova kay Abraham at sa kaniyang likas na binhi. Dapat tuliin ang lahat ng lalaki sa kaniyang sambahayan, kasama ang mga alipin. Sinumang tatanggi ay lilipulin mula sa kaniyang bayan. (Gen 17:9-14) Nang maglaon, sinabi ng Diyos na kung may naninirahang dayuhan na nagnanais kumain ng paskuwa (anupat nais niyang maging mananamba ni Jehova kasama ng Israel), kailangan niyang ipatuli ang mga lalaki sa kaniyang sambahayan. (Exo 12:48, 49) Ang pagtutuli ay nagsilbing tatak ng katuwirang tinaglay ni Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya samantalang nasa di-tuling kalagayan, at iyon ay naging pisikal na tanda ng pakikipagtipan kay Jehova ng mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Jacob. (Ro 4:11, 12) Kinilala ng Diyos ang pagtutuli hanggang sa magwakas ang tipang Kautusan noong 33 C.E. (Ro 2:25-28; 1Co 7:19; Gaw 15) Bagaman isinasagawa ang pisikal na pagtutuli sa ilalim ng Kautusan, paulit-ulit na ipinakita ni Jehova na mas mahalaga sa kaniya ang isinasagisag nito, anupat pinayuhan niya ang Israel na ‘tuliin ang dulong-balat ng kanilang mga puso.’—Deu 10:16; Lev 26:41; Jer 9:26; Gaw 7:51.
-