-
BautismoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Kahilingan sa bautismong Kristiyano ang pagkakaroon ng kaunawaan sa Salita ng Diyos at ang matalinong pagpapasiya na iharap ang sarili upang gawin ang isiniwalat na kalooban ng Diyos; ipinakikita ito ng pangyayari noong Pentecostes, 33 C.E., nang marinig ng nagkakatipong mga Judio at mga proselita, na dati nang may kaalaman sa Hebreong Kasulatan, ang ipinahayag ni Pedro tungkol kay Jesus na Mesiyas, anupat bilang resulta ay 3,000 ang “yumakap sa kaniyang salita nang buong puso” at “nabautismuhan.” (Gaw 2:41; 3:19–4:4; 10:34-38)
-
-
BautismoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Noong Pentecostes, ang mga Judio na may pananagutan sa kamatayan ni Jesus bilang isang komunidad, at walang alinlangang may kaalaman tungkol sa bautismo ni Juan, ay ‘nasugatan ang puso’ dahil sa pangangaral ni Pedro at nagtanong: “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gaw 2:37, 38) Pansinin na isang bagong bagay ang binabanggit ni Pedro sa kanila—samakatuwid nga, na hindi pagsisisi at bautismo sa bautismo ni Juan ang kailangan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, kundi pagsisisi at bautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo. Hindi niya sinabi na ang bautismo sa ganang sarili ang nag-aalis ng mga kasalanan. Alam ni Pedro na ang ‘dugo ni Jesus na Anak ng Diyos ang naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.’ (1Ju 1:7) Nang maglaon, matapos tukuyin si Jesus bilang “ang Punong Ahente ng buhay,” sinabi ni Pedro sa mga Judio sa templo: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova.” (Gaw 3:15, 19) Dito ay ipinabatid niya sa kanila na ang pagsisisi sa kanilang masamang gawa laban kay Kristo at ang ‘panunumbalik,’ upang kilalanin siya, ang siyang nagdudulot ng kapatawaran ng kasalanan; hindi niya binanggit ang bautismo noong pagkakataong iyon.
-