Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Binhi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Pinalawak ang saklaw. Matapos pigilan ng anghel ni Jehova ang tangkang paghahain ni Abraham ng anak nitong si Isaac, sinabi ng anghel kay Abraham: “⁠‘Ipinanunumpa ko ang aking sarili,’ ang sabi ni Jehova, ‘na dahil sa ginawa mo ang bagay na ito at hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.’⁠”​—Gen 22:16-18.

      Upang ang pangakong ito ng Diyos ay matupad sa isang espirituwal na binhi, mangangahulugan ito na may ibang idaragdag sa iisang pangunahing binhi. At ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na magkakagayon nga. Sinabi niya na ang mana ay ibinigay kay Abraham sa pamamagitan ng pangako at hindi sa pamamagitan ng kautusan. Idinagdag lamang ang Kautusan upang mahayag ang mga pagsalansang “hanggang sa dumating ang binhi.” (Gal 3:19) Samakatuwid, ang pangako ay tiyak na matutupad sa lahat ng kaniyang binhi, “hindi lamang doon sa nanghahawakan sa Kautusan, kundi gayundin doon sa nanghahawakan sa pananampalataya ni Abraham.” (Ro 4:16) Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga Judiong sumasalansang sa kaniya: “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Sa gayo’y ipinahiwatig niya na ang kinikilala ng Diyos na binhi ni Abraham ay hindi yaong mga inapo sa laman kundi yaong mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham. (Ju 8:39) Espesipikong sinabi ng apostol: “Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.”​—Gal 3:29; Ro 9:7, 8.

      Samakatuwid, ang pangako ng Diyos na, “Tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat,” ay may espirituwal na katuparan at nangangahulugan na may mga iba pa, “yaong mga kay Kristo,” na idaragdag bilang bahagi ng binhi ni Abraham. (Gen 22:17; Mar 9:41; 1Co 15:23) Hindi isiniwalat ng Diyos ang kanilang bilang ngunit ipinahiwatig niya na hindi iyon matiyak gaya ng bilang ng mga bituin at ng mga butil ng buhangin. Ngunit noong mga 96 C.E., sa Apocalipsis sa apostol na si Juan, isiniwalat niya na ang espirituwal na Israel, yaong mga “tinatakan” ng espiritu ng Diyos, na isang tanda ng kanilang makalangit na mana, ay may bilang na 144,000.​—Efe 1:13, 14; Apo 7:4-8; 2Co 1:22; 5:5.

      Ang 144,000 na ito ay ipinakikitang nakatayo sa Bundok Sion kasama ng Kordero. “Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apo 14:1, 4) Ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang buhay para sa kanila, sa gayo’y ‘tinutulungan niya ang binhi ni Abraham’ bilang kanilang dakilang Mataas na Saserdote. (Heb 2:14-18) May-kabaitang ibinigay ng Diyos na Ama sa kaniyang Anak ang kongregasyong ito, ang “kasintahang babae.” (Ju 10:27-29; 2Co 11:2; Efe 5:21-32; Apo 19:7, 8; 21:2, 12) Sila’y magiging mga hari at mga saserdote, at ibabahagi sa kanila ni Jesus ang kaluwalhatian at Kahariang ibinigay sa kaniya ng Ama. (Luc 22:28-30; Apo 20:4-6) Sa katunayan, ang sagradong lihim may kinalaman sa Binhi ay isa lamang sa mga aspekto ng dakilang sagradong lihim ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas.​—Efe 1:9, 10; tingnan ang SAGRADONG LIHIM.

      Ipinaghalimbawa ni Pablo ang pagkilos na ito ng Diyos sa pamamagitan ni Abraham, ng kaniyang malayang asawa (si Sara), at ni Isaac na anak sa pamamagitan ng pangako. Inihalintulad niya si Sara sa “Jerusalem sa itaas,” “ang ating ina [samakatuwid nga, ina ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu].” Inihalintulad naman niya si Isaac sa mga Kristiyanong ito bilang mga supling o mga anak ng ‘inang’ iyon.​—Gal 4:22-31.

  • Binhi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Sinimulang idagdag ang kasamahang “binhi,” ang kongregasyong Kristiyano, nang ibuhos ang banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Nakaakyat na noon si Jesus sa langit, sa presensiya ng kaniyang Ama, at ipinadala niya sa kaniyang unang mga tagasunod na ito, na kinabibilangan ng 12 apostol, ang banal na espiritu. (Gaw 2:1-4, 32, 33) Bilang Mataas na Saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec, nagbigay siya ng malaking ‘tulong’ sa pangalawahing binhi ni Abraham.​—Heb 2:16.

      Alitan sa pagitan ng dalawang binhi. Ang malaking serpiyente na si Satanas na Diyablo ay nagluwal ng “binhi” na buong-tinding nakikipag-alit sa mga taong naglilingkod sa Diyos at may pananampalatayang tulad ng kay Abraham, gaya ng pinatototohanan ng maraming ulat sa Bibliya. Sinikap ni Satanas na pigilan o hadlangan ang paglitaw ng binhi ng babae. (Ihambing ang Mat 13:24-30.) Umabot sa kasukdulan ang pakikipag-alit na ito nang usigin ang espirituwal na binhi, lalo na nang usigin si Jesu-Kristo. (Gaw 3:13-15) Upang ipaghalimbawa ito, tinukoy ni Pablo ang nabanggit na makahulang drama, sa pagsasabing: “Kung paanong noon ay pinasimulang usigin niyaong ipinanganak ayon sa laman [si Ismael] yaong ipinanganak ayon sa espiritu [si Isaac], gayundin naman ngayon.” (Gal 4:29) At sa isang mas huling ulat, na sa katunayan ay isang hula, inilarawan ang pagtatatag ng Kaharian sa langit at ang paghahagis sa Diyablo mula sa langit tungo sa lupa, kung kaya mayroon na lamang siyang maikling panahon upang makipag-alit. Ganito nagtapos ang ulat: “At ang dragon ay napoot sa babae, at umalis upang makipagdigma sa mga nalalabi sa kaniyang binhi, na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apo 12:7-13, 17) Magwawakas ang pakikipagdigmang iyon sa nalabi ng binhi ng babae kapag ‘dinurog na si Satanas sa ilalim ng kanilang mga paa.’​—Ro 16:20.

      Pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa. Sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at ng pagpatnubay niya sa kaniyang kongregasyon mula noong Pentecostes, ang Binhi, si Jesu-Kristo, ay nakapagdulot ng saganang mga pagpapala sa tapat-pusong mga tao. Ngunit sa pagsisimula ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, ang kaniyang espirituwal na “mga kapatid,” na binuhay nang muli at nakikibahagi na sa kaniyang pamamahala sa Kaharian, ay maglilingkod ding kasama niya bilang mga katulong na saserdote. (Apo 20:4-6) Kapag “ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” ay tumayo sa harap ng trono upang hatulan, “pagpapalain” niyaong mga nanampalataya at naging masunurin “ang kanilang sarili,” anupat magtatamo sila ng buhay sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. (Apo 20:11-13; Gen 22:18) Mangangahulugan ito ng buhay na walang hanggan at kaligayahan para sa kanila.​—Ju 17:3; ihambing ang Apo 21:1-4.

      Pagkabuhay-muli ng “binhi.” Nang ipaliwanag ng apostol na si Pedro ang pagkabuhay-muli ng Binhi na si Jesu-Kristo, isinulat niya na si Kristo ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) Bilang pagtalakay naman sa pagkabuhay-muli ng mga kasamahan ni Kristo, ang kapuwa niya apostol na si Pablo ay gumamit ng ilustrasyong nauugnay sa agrikultura. Sinabi niya: “Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito; at kung tungkol sa inihahasik mo, inihahasik mo, hindi ang katawan na tutubo, kundi ang isang butil lamang, maaaring trigo o alinman sa iba pa; ngunit binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan, at sa bawat isa sa mga binhi ay ang sarili nitong katawan. . . . Gayundin naman ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Inihahasik ito sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan. Inihahasik ito sa kasiraang-puri, ibinabangon ito sa kaluwalhatian. . . . Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal.” (1Co 15:36-44) Samakatuwid, yaong mga bumubuo sa ‘binhi ng babae,’ ang “binhi ni Abraham,” ay mamamatay, anupat isusuko nila ang kanilang makalupang mga katawang laman na nasisira, at bubuhayin silang muli taglay ang maluwalhati at walang-kasiraang mga katawan.

      Walang-kasiraang binhi sa pag-aanak. Sinabi ng apostol na si Pedro sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na binigyan sila ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana.” Ayon sa kaniya, “Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.” Itinawag-pansin niya sa kanila na hindi sila iniligtas sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira gaya ng pilak at ginto, kundi sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Pagkatapos ay sinabi niya: “Sapagkat binigyan na kayo ng isang bagong pagsilang, hindi sa pamamagitan ng nasisira, kundi ng walang-kasiraang binhi sa pag-aanak, sa pamamagitan ng salita ng buháy at namamalaging Diyos.” Dito, ang salitang Griego na ginamit para sa “binhi” ay ang spo·raʹ, na tumutukoy sa binhing inihasik, sa gayo’y nasa kalagayang mamunga.​—1Pe 1:3, 4, 18, 19, 23.

      Sa ganitong paraan, ipinaalaala ni Pedro sa kaniyang mga kapatid na sila’y mga anak, hindi ng isang amang tao na namamatay at walang-kakayahang magsalin sa kanila ng kawalang-kasiraan o buhay na walang hanggan, kundi ng “buháy at namamalaging Diyos.” Ang walang-kasiraang binhi na ginamit upang mabigyan sila ng bagong pagsilang na ito ay ang banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa, na gumaganang kasama ng namamalaging Salita ng Diyos, na kinasihan ng espiritu. Ganito ang sinabi ng apostol na si Juan tungkol sa mga inianak sa espiritu: “Ang bawat isa na ipinanganak mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat ang Kaniyang binhi sa pag-aanak ay nananatili sa isang iyon, at hindi siya makapamimihasa sa kasalanan, sapagkat siya ay ipinanganak mula sa Diyos.”​—1Ju 3:9.

      Ang espiritung ito na taglay nila ay nagdudulot ng isang bagong pagsilang bilang mga anak ng Diyos. Ito’y isang puwersa ukol sa kalinisan, at nagluluwal ito ng mga bunga ng espiritu, sa halip na balakyot na mga gawa ng laman. Samakatuwid, ang taong nagtataglay ng binhing ito sa pag-aanak ay hindi mamimihasa sa mga gawa ng laman. Ganito ang sinabi ng apostol na si Pablo tungkol dito: “Sapagkat tinawag tayo ng Diyos, hindi sa pagbibigay-daan sa karumihan, kundi may kaugnayan sa pagpapabanal. Kung gayon nga, ang tao na nagpapakita ng pagwawalang-halaga ay nagwawalang-halaga, hindi sa tao, kundi sa Diyos, na siyang naglalagay ng kaniyang banal na espiritu sa inyo.”​—1Te 4:7, 8.

      Gayunman, kapag ang isang inianak sa espiritu ay palaging lumalaban o ‘pumipighati’ sa espiritu, anupat ‘pinalulungkot’ o ‘pinagdaramdam’ iyon, sa kalaunan ay aalisin sa kaniya ng Diyos ang Kaniyang espiritu. (Efe 4:30, Int; ihambing ang Isa 63:10.) Maaari pa ngang umabot ang isang tao sa puntong magkasala siya ng pamumusong laban sa espiritu, na magiging kapaha-pahamak para sa kaniya. (Mat 12:31, 32; Luc 12:10) Kaya naman, idiniin nina Pedro at Juan na kailangang ingatan ang kabanalan at ang pag-ibig sa Diyos, ibigin ang mga kapatid mula sa puso, at magpasakop sa patnubay ng espiritu ng Diyos, sa gayo’y pinatutunayan ng isa na siya’y isang tunay at matapat na anak ng Diyos.​—1Pe 1:14-16, 22; 1Ju 2:18, 19; 3:10, 14.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share