-
SandalyasKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Makasagisag na Paggamit. Sa ilalim ng Kautusan, aalisin ng babaing balo ang sandalyas ng lalaking tumangging tuparin sa kaniya ang pag-aasawa bilang bayaw, at bilang pagdusta, ang pangalan nito ay tatawaging “Ang bahay niyaong hinubaran ng kaniyang sandalyas.” (Deu 25:9, 10) Ang paglilipat ng ari-arian o ng karapatang tumubos ay isinagisag ng pag-aabot ng isang tao ng kaniyang sandalyas sa iba.—Ru 4:7-10; tingnan ang PAG-AASAWA BILANG BAYAW.
Sa pananalitang “sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas” (Aw 60:8; 108:9), maaaring ang ibig sabihin ni Jehova ay na susupilin ang Edom. Posibleng tumutukoy ito sa kaugalian kung saan ipinahihiwatig ng isa ang pagmamay-ari niya sa isang piraso ng lupain sa pamamagitan ng paghahagis niya roon ng kaniyang sandalyas. O, maaaring nagpapahiwatig ito ng paghamak sa Edom, yamang sa teksto ring iyon, ang Moab ay tinawag na “aking hugasan.” Sa Gitnang Silangan sa ngayon, ang paghahagis ng sandalyas ay isang tanda ng paghamak.
-