-
KandeleroKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Gayunman, may katibayan na nagkaroon ng gayong kandelero dahil nabanggit ito ni Josephus at nakalarawan ito sa isang bahorelyebe na nasa loob ng kurba ng Arko ni Tito sa Roma. Nakalarawan sa arkong ito ang ilang bagay na kinuha sa Jerusalem nang wasakin ito ng mga Romano noong 70 C.E. Inangkin ni Josephus na nasaksihan niya ang prusisyong iyon ng tagumpay ni Emperador Vespasian at ng anak nitong si Tito. Sinabi ni Josephus na sa prusisyong iyon ay may binubuhat na “isang kandelero, na yari rin sa ginto, ngunit iba ang disenyo kaysa sa mga ginagamit natin sa pang-araw-araw na buhay. Nakakabit sa tuntungan niyaon ang pinakakatawan, kung saan may nakausling payat na mga sanga, na nakaayos na gaya sa isang salapang, anupat may isang hinubog na lamparang nakakabit sa dulo ng bawat sanga; at ang mga ito ay pito.”—The Jewish War, VII, 148, 149 (v, 5).
Sa ngayon, walang sinuman ang may-katiyakang makapagsasabi kung ang kandelerong nakalarawan sa Arko ni Tito ay kamukhang-kamukha ng orihinal na kandelerong nagmula sa templo sa Jerusalem. Magkakaiba ang opinyon lalo na tungkol sa hitsura ng paanan nito, na binubuo ng dalawang kahang hugis-poligon na magkakatapat ang mga tagiliran, anupat ang mas maliit na kaha ay nakapatong sa mas malaki. Ipinapalagay ng ilan na tumpak ang paglalarawan ng mga Romano sa kandelerong nasa arko, yamang lumilitaw na ang tradisyonal na disenyong Judio na kandelerong may paanang tatsulok o tripod ay binago noon ni Herodes dahil sa kaniyang kampanya na tularan at palugdan ang mga Romano. Tumututol naman ang ibang mga iskolar at sinasabi nilang hindi eksakto ang paglalarawang ito. Sa mga dekorasyon ng paanan, may makikitang mga agila at mga dambuhalang hayop-dagat, na ayon sa kanila ay isang malinaw na paglabag sa ikalawang utos.
Sa mga paglalarawan ng mga Judio sa kandelero ng templo (sa kanan, sa isang haligi; sa itaas, sa sahig ng isang sinagoga), ang disenyo ng paanan ay ibang-iba roon sa ipinakikita sa Arko ni Tito
Sinasabi ng iba na ang orihinal na kandelero sa templo ay may tatlong paa. Ibinatay nila ito sa maraming paglalarawan ng kandelero sa iba’t ibang bahagi ng Europa at ng Gitnang Silangan mula noong ikatlo hanggang ikaanim na siglo, na kakikitaan ng isang paanang tripod, anupat ang ilan ay mga paa ng hayop. Ang pinakamatandang paglalarawan sa kandelero ay makikita sa mga barya ni Antigonus II, na naghari noong 40-37 B.C.E. Bagaman hindi na maganda ang kundisyon ng mga baryang iyon, waring ipinakikita ng isa sa mga iyon na ang paanan ng kandelero ay tila isang plato na may mga paa. Noong 1969, isang paglalarawan ng kandelero sa templo ang natagpuang nakaukit sa palitada ng isang bahay na nahukay sa matandang lunsod ng Jerusalem. Makikita sa simpleng drowing ang pitong sanga at isang tatsulok na paanan, na pawang napapalamutian ng mga globitong pinaghihiwalay ng dalawang magkahilerang linya. Sa Libingan ni Jason, na natuklasan sa Jerusalem noong 1956 at pinetsahang umiiral na noong pasimula ng unang siglo B.C.E., natagpuan ng mga arkeologo ang mga disenyo ng isang kandelerong may pitong sanga na nakaukit sa palitada. Waring ang mga pang-ibabang seksiyon ay nakabaon sa isang kahon o patungan.
Kaya naman, salig sa mga tuklas na ito sa arkeolohiya, may mga tumututol sa hitsura ng paanan ng kandelerong nasa Arko ni Tito at iminumungkahi nila ang posibilidad na ang mga ukit sa arko ay ideya ng isang Romanong dalubsining na naimpluwensiyahan ng mga Judiong disenyo na pamilyar sa kaniya mula sa ibang mga mapagkukunan ng impormasyon.
-