-
SupotKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Binigyan ng Siryanong opisyal ng hukbo na si Naaman ang sakim na si Gehazi ng “dalawang talento na pilak sa dalawang supot [sa Heb., chari·timʹ], na may dalawang pamalit na kasuutan, at ibinigay ang mga iyon sa dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod, upang madala nila ang mga iyon.” Yamang ang isang talento ay katumbas ng mga 34 na kg (92 lb t), maliwanag na ang gayong lalagyan (cha·ritʹ) ay malaki at matibay upang makapaglaman ng isang talento bukod pa sa isang pamalit na kasuutan at, samakatuwid, kapag pinunô ay halos sapat lamang na mabubuhat ng isang tao. (2Ha 5:23) Gayunman, ang salita ring ito ay ginamit upang tumukoy sa “mga supot” (sa Ingles, purses) na ginagamit noon ng palalong mga anak na babae ng Sion bilang bahagi ng kanilang marangyang kagayakan.—Isa 3:16, 22.
Mayroon ding ginagamit na supot (sa Heb., kis) ang mga mangangalakal noon, at tiyak na kahawig na kahawig iyon ng mga supot na ginagamit pa rin sa mga lupain sa Silangan hanggang nitong kalilipas na mga panahon. Kung ang huling mga supot na ito ang pagbabatayan, malamang na gawa iyon sa hinabing algudon, makukunat na halamang hungko, o katad. Ang mga supot na ito ay ginagamit ng mga negosyante, o mga mangangalakal, sa pagdadala ng mga panimbang na kailangan sa mga transaksiyon sa negosyo kapag kailangang timbangin ang mga produkto, mga binutil, o mahahalagang metal. Sa Kautusang Mosaiko, tinukoy ang kis sa isang babala laban sa mapandayang mga gawain sa negosyo, na nagsasabi: “Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng panimbang.” (Deu 25:13) Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, nagtanong si Jehova: “Maaari ba akong maging malinis sa moral taglay ang balakyot na timbangan at taglay ang supot ng mga batong panimbang na may daya?” (Mik 6:11; Kaw 16:11) Maaari ring gamitin ang kis bilang “supot” para sa pagdadala ng salapi at mahahalagang pag-aari.—Kaw 1:13, 14; Isa 46:6.
Ang salitang Hebreong tserohrʹ ay hinalaw sa isang pandiwa na nangangahulugang “ibalot” (Exo 12:34) at tumutukoy sa isang karaniwang uri ng lalagyan na tinatalian ng panali o pisi. Maaaring ito ay isang “balot” (Gen 42:35) o isang “supot” na ang pinakaleeg lamang ang hinihigpitan at tinatalian. (Kaw 7:20; Sol 1:13) Waring ang salaping tinatanggap noon mula sa kahon ng abuloy para sa templo ay isinisilid at binibigkis sa gayong mga balot, anupat tiyak na magkakasindami ang laman ng mga iyon. (2Ha 12:10) Noong sinaunang mga panahon, sa mga transaksiyon sa negosyo na nagsasangkot ng malalaking halaga ng salapi, kung minsan ay tinitimbang ang mga piraso ng salapi at saka inilalagay sa gayong mga balot o supot, at pagkatapos ay tinatatakan ang buhol. Kung gugustuhin, maaaring ipasa sa ibang tao ang supot na ginagarantiyahang naglalaman ng tinukoy na halaga. Hangga’t buo pa ang tatak, iyon ang magsisilbing garantiya sa halaga ng pilak, ginto, o iba pang metal na nasa loob nito. Sa Job 14:17, lumilitaw na tinukoy ito ni Job sa makalarawang paraan nang sabihin niya sa Diyos: “Natatatakan sa isang supot ang aking pagsalansang, at naglalagay ka ng pandikit sa ibabaw ng aking kamalian.” Nagpahayag naman si Abigail ng pagtitiwala na ipagsasanggalang ni Jehova si David, nang sabihin niya na kapag tinugis ng kaaway si David, ang kaluluwa nito ay “mababalot sa supot ng buhay na taglay ni Jehova na [kaniyang] Diyos.”—1Sa 25:29.
-
-
Supot ng SalapiKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
SUPOT NG SALAPI
[sa Ingles, purse].
Isang supot na ginagamit kapuwa ng mga lalaki at mga babae upang paglagyan ng ginto, pilak, tanso, barya, o iba pang mga bagay. Noon, kung minsan, ang mga babae ay may mga pampalamuting supot, o mga handbag, na posibleng pahaba at pabilog ang hugis. (Isa 3:16, 22; 46:6; Mat 10:9) Ang sinaunang mga supot ng salapi ay gawa sa katad, sa hinabing mga halamang hungko, o sa algudon. Yamang nasa anyong bag o supot, binibigkis ang mga ito at isinasakbat sa leeg sa pamamagitan ng mga strap na katad o iba pang panali.—Tingnan ang SUPOT.
Ginagamit din noon ang pamigkis na supot (sa literal, ‘pamigkis’; sa Gr., zoʹne; Mat 10:9; Mar 6:8), marahil ay isang uri ng sinturong sisidlan ng salapi. Maaaring may hungkag na espasyo ang pamigkis na ito kung saan mailalagay ang salapi, o kung gawa naman sa tela at isinusuot na may mga tupi, isinusuksok sa mga tupi nito ang salapi.
Noong isugo ni Jesus ang kaniyang 70 alagad upang mangaral, maliwanag na sa Judea, sinabihan niya sila na huwag magdala ng mga supot ng salapi para sa kanilang sarili, anupat ipinahihiwatig niya na paglalaanan sila ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kanilang mga kapuwa Israelita, yamang kaugalian ng mga ito ang maging mapagpatuloy. (Luc 10:1, 4, 7) Gayunman, nang malapit na siyang mamatay, pinayuhan ni Jesus ang mga apostol na magdala ng mga supot ng salapi, dahil alam niyang di-magtatagal at ang kaniyang mga alagad ay mangangalat at pag-uusigin. Dahil sa pagsalansang ng mga may kapangyarihan, maaaring matakot na tumulong sa kanila maging ang mga taong pabor sa mensahe nila. Bukod diyan, noon ay malapit na rin nilang dalhin sa mga lupaing Gentil ang mensahe ng Kaharian. Dahil sa lahat ng ito, kakailanganin ng mga tagasunod ni Jesus na maging handang tustusan ang kanilang sarili sa materyal na paraan.—Luc 22:35, 36.
Upang patingkarin ang nakahihigit na halaga ng espirituwal na mga bagay, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa para sa kanilang sarili ng mga supot na hindi nasisira, anupat nagtatamo ng kayamanan sa langit.—Luc 12:33.
-