Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nabonido
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • NABONIDO

      [mula sa wikang Babilonyo na nangangahulugang “Si Nebo [isang diyos ng Babilonya] ay Dakila”].

      Huling kataas-taasang monarka ng Imperyo ng Babilonya; ama ni Belsasar. Salig sa mga tekstong cuneiform, ipinapalagay na namahala siya nang mga 17 taon (556-539 B.C.E.). Mahilig siya sa panitikan, sining, at relihiyon.

      [Larawan sa pahina 436]

      Ang Nabonidus Chronicle, na naglalahad tungkol sa pagbagsak ng Babilonya

      Sa kaniyang sariling mga inskripsiyon ay inaangkin ni Nabonido na nagmula siya sa maharlikang angkan. Ang isang tapyas na natagpuan malapit sa sinaunang Haran ay nagpapakita na ang ina o lola ni Nabonido ay isang deboto ng diyos-buwan na si Sin. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 311, 312) Bilang hari, si Nabonido ay nagpakita ng matinding debosyon sa pagsamba sa diyos-buwan, kapuwa sa Haran at sa Ur, kung saan prominente ang diyos na ito.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 324.

      Itinatala ng mga tapyas na cuneiform ng ikawalong taon ni Nabucodonosor (Nisan 617-Nisan 616 B.C.E.) ang isang Nabu-naʼid bilang ang isa na “namamahala sa lunsod,” at naniniwala ang ilang istoryador na ito rin ang Nabonido na nang maglaon ay naging hari. Gayunman, mangangahulugan ito na napakabata pa ni Nabonido nang ilagay sa gayong administratibong posisyon at lilitaw na napakatanda na niya nang bumagsak ang Babilonya, mga 77 taon pagkaraan nito (539 B.C.E.).

      Sa pagtalakay sa mga pangyayari noong ika-20 taon ni Nabucodonosor (Nisan 605-Nisan 604 B.C.E.), inilalarawan ng Griegong istoryador na si Herodotus (I, 74) ang isang kasunduan sa pagitan ng mga Lydiano at mga Medo na ang nagsilbing tagapamagitan ay si “Labynetus na Babilonyo.” Ang Labynetus ay itinuturing na siyang paraan ng pagsulat ni Herodotus ng pangalan ni Nabonido. Nang maglaon, sinasabi ni Herodotus (I, 188) na si Ciro na Persiano ay nakipaglaban sa anak nina Labynetus at Nitocris.

      Sa isang aklat ng Yale Oriental Series na pinamagatang Nabonidus and Belshazzar, isinusulong ni Propesor R. P. Dougherty ang ideya na si Nitocris ang anak na babae ni Nabucodonosor at sa gayon, si Nabonidus (Labynetus) ay manugang ni Nabucodonosor. (1929, p. 63; tingnan din ang p. 17, 30.) Batay naman dito, ang “anak” nina Nitocris at Nabonido (Labynetus), na binanggit ni Herodotus, ay ipinapalagay na si Belsasar, na talagang dinigma ni Ciro. Bagaman salig sa maraming panghihinuha, maaaring ipaliwanag ng argumentong ito ang dahilan ng pagluklok ni Nabonido sa trono ng Babilonya. Makakasuwato rin ito ng pagtukoy ng Bibliya kay Nabucodonosor bilang “ama” ng anak ni Nabonido na si Belsasar (Dan 5:11, 18, 22), yamang kung minsan ang terminong “ama” ay nangangahulugang lolo o ninuno. Batay sa pangmalas na ito, si Belsasar ay apo ni Nabucodonosor.​—Gayunman, tingnan ang BELSASAR.

      Ang pagluklok ni Nabonido sa trono ay kasunod ng pagpaslang kay Labashi-Marduk. Gayunman, sa isa sa mga inskripsiyon ni Nabonido, tinutukoy niya ang kaniyang sarili bilang “ang makapangyarihang kinatawan” nina Nabucodonosor at Neriglissar, anupat ipinahihiwatig na natamo niya ang trono sa lehitimong paraan at na hindi siya nang-agaw ng kapangyarihan.

      Sa maraming prisma ay iniuugnay ni Nabonido ang panganay niyang anak, si Belsasar, sa kaniyang sarili sa mga panalangin niya sa diyos-buwan. (Documents From Old Testament Times, inedit ni D. W. Thomas, 1962, p. 73) Ipinakikita ng isang inskripsiyon na noong kaniyang ikatlong taon, bago siya lumabas sa isang kampanya na humantong sa pananakop sa Tema sa Arabia, inatasan ni Nabonido si Belsasar na maging hari sa Babilonya. Ipinahihiwatig ng teksto ring iyon na nagalit kay Nabonido ang mga tao sa kaniyang imperyo dahil iniuukol lamang niya ang kaniyang pagsamba sa diyos-buwan at dahil hindi siya nagpunta sa Babilonya upang ipagdiwang ang kapistahan ng Bagong Taon. Ang dokumentong tinatawag na Nabonidus Chronicle ay nagsasabi na noong ika-7, ika-9, ika-10, at ika-11 taon ng kaniyang paghahari, si Nabonido ay nasa lunsod ng Tema, at sa bawat kaso ay binabanggit ang pananalitang ito: “Ang hari ay hindi dumating sa Babilonya [para sa mga seremonya ng buwan ng Nisanu]; ang (imahen ng) diyos na si Nebo ay hindi dumating sa Babilonya, ang (imahen ng) diyos na si Bel ay hindi lumabas (ng Esagila sa prusisyon), ang kapista[han ng Bagong Taon ay hindi ipinagdiwang].” (Ancient Near Eastern Texts, p. 306) Dahil may mga sira ang teksto, ang rekord ng iba pang mga taon ay hindi kumpleto.

      Tungkol sa oasis na lunsod ng Tema ay nakaulat sa ibang teksto: “Pinaganda niya ang bayan, itinayo (roon) [ang kaniyang palasyo] tulad ng palasyo sa Su·an·na (Babilonya).” (Ancient Near Eastern Texts, p. 313) Lumilitaw na itinayo ni Nabonido ang kaniyang maharlikang tirahan sa Tema, at ipinakikita ng iba pang mga teksto na ang mga pulutong na nakasakay sa kamelyo ay nagdadala roon ng mga panustos mula sa Babilonia. Bagaman hindi binibitiwan ang kaniyang posisyon bilang hari ng imperyo, ipinagkatiwala ni Nabonido kay Belsasar ang pangangasiwa sa pamahalaan ng Babilonya. Yamang ang Tema ay isang salubungang lunsod na nasa sinaunang mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay at dito dinadala noon ang ginto at mga espesya na dumaraan sa Arabia, ang interes dito ni Nabonido ay maaaring may kaugnayan sa ekonomiya o maaaring para sa estratehiyang militar. Ipinapalagay rin ng ilan na itinuring niyang makabubuti sa pulitikal na paraan kung pangangasiwaan niya ang mga bagay-bagay sa Babilonya sa pamamagitan ng kaniyang anak. Ang iba pang mga salik, gaya ng kaayaayang klima ng Tema at ng pagiging prominente sa Arabia ng pagsamba sa buwan, ay isinaalang-alang din bilang posibleng mga motibo kung bakit waring mas gusto ni Nabonido ang Tema.

      Walang makukuhang impormasyon tungkol sa mga gawain ni Nabonido sa pagitan ng kaniyang ika-12 taon at ng kaniyang huling taon. Palibhasa’y inaasahan ni Nabonido ang pagsalakay ng mga Medo at mga Persiano sa ilalim ni Cirong Dakila, nakipag-alyansa siya sa Imperyo ng Lydia at sa Ehipto. Ipinakikita ng Nabonidus Chronicle na nakabalik na si Nabonido sa Babilonya noong taóng sumalakay ang Medo-Persia, samantalang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Bagong Taon at dinadala sa lunsod ang iba’t ibang diyos ng Babilonia. May kinalaman sa paglusob ni Ciro, sinasabi ng Chronicle na pagkatapos ng isang tagumpay sa Opis, nabihag niya ang Sippar (mga 60 km [37 mi] sa H ng Babilonya) at “tumakas si Nabonido.” Pagkatapos ay sinundan ito ng ulat ng pananakop ng Medo-Persia sa Babilonya, at sinasabi na pagbalik doon ni Nabonido ay ibinilanggo siya. (Ancient Near Eastern Texts, p. 306) Inilalahad ng mga isinulat ni Berossus, isang Babilonyong saserdote noong ikatlong siglo B.C.E., na lumabas si Nabonido upang makipagbaka sa mga hukbo ni Ciro ngunit natalo siya. Sinasabi pa nito na nanganlong si Nabonido sa Borsippa (sa TTK ng Babilonya) at na, matapos bumagsak ang Babilonya, sumuko si Nabonido kay Ciro at pagkatapos ay ipinatapon siya sa Carmania (sa timugang Persia). Makakatugma ng ulat na ito ang rekord ng Bibliya sa Daniel kabanata 5, na nagpapakitang si Belsasar ang gumaganap na hari sa Babilonya noong panahong bumagsak ito.

      Tungkol sa kawalan ng anumang tuwirang pagbanggit kay Nabonido sa kabanata 5 ng Daniel, mapapansin na ang paglalarawan ni Daniel ay tumatalakay sa iilang pangyayari lamang bago bumagsak ang Babilonya, at ang aktuwal na pagguho ng imperyo ay inilalahad sa iilang salita lamang. Gayunman, ang kaniyang pamamahala ay waring tinutukoy sa Daniel 5:7, 16, 29, kung saan inalok ni Belsasar si Daniel na maging ikatlong tagapamahala sa kaharian, anupat ipinahihiwatig na si Nabonido ang una at si Belsasar ang ikalawa. Kaya si Propesor Dougherty ay nagkomento: “Ang ikalimang kabanata ng Daniel ay maituturing na kaayon ng katotohanan sa hindi pagbibigay ng anumang dako kay Nabonido sa salaysay, sapagkat waring hindi siya nagkaroon ng bahagi sa mga pangyayaring naganap nang si Gobryas [na nangunguna sa hukbo ni Ciro] ay pumasok sa lunsod.”​—Nabonidus and Belshazzar, p. 195, 196; tingnan din ang p. 73, 170, 181; tingnan ang Dan 5:1, tlb sa Rbi8.

      Ano ang aktuwal na nilalaman ng Nabonidus Chronicle?

      Ito ay isang piraso ng tapyas na luwad na tinatawag ding “Cyrus-Nabonidus Chronicle” at “The Annalistic Tablet of Cyrus,” at iniingatan ngayon sa British Museum. Pangunahin nang inilalarawan nito ang tampok na mga pangyayari noong naghahari si Nabonido, ang huling kataas-taasang monarka ng Babilonya, lakip ang isang maikling ulat ng pagbagsak ng Babilonya sa mga hukbo ni Ciro. Bagaman walang alinlangang ito ay orihinal na nagmula sa Babilonya at isinulat sa sulat na cuneiform ng Babilonya, sinasabi ng mga iskolar na sumuri sa istilo ng sulat nito na ito ay maaaring mula pa noong panahon ng yugtong Seleucido (312-65 B.C.E.), anupat dalawang siglo o higit pa pagkamatay ni Nabonido. Ipinapalagay ng ilan na malamang na ito’y kopya ng isang mas naunang dokumento. Lubhang niluluwalhati ng kronikang ito si Ciro samantalang minamaliit naman si Nabonido kung kaya ipinapalagay na ito’y isinulat ng isang eskribang Persiano, at sa katunayan ay tinutukoy ito bilang “propagandang Persiano.” Magkagayunman, nadarama ng mga istoryador na ang taglay nitong kaugnay na datos ay mapananaligan.

      Bagaman maikli lamang ang Nabonidus Chronicle​—ang tapyas ay may sukat na mga 14 na sentimetro (5.5 pulgada) sa pinakamalapad na bahagi nito at mga gayundin ang haba​—ito pa rin ang pinakakumpletong rekord na cuneiform tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Sa ikatlo sa apat na tudling nito, pasimula sa linya 5, ang mahahalagang seksiyon ay nagsasabi: “[Ikalabimpitong taon:] . . . Noong buwan ng Tashritu, nang salakayin ni Ciro ang hukbo ng Akkad sa Opis na nasa Tigris, ang mga naninirahan sa Akkad ay naghimagsik, ngunit pinagpapatay niya (Nabonido) ang nalilitong mga naninirahan doon. Ika-14 na araw, ang Sippar ay nabihag nang walang pagbabaka. Tumakas si Nabonido. Ika-16 na araw, si Gobryas (Ugbaru), gobernador ng Gutium at ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka. Pagkatapos ay inaresto si Nabonido sa Babilonya nang bumalik siya (roon). . . . Noong buwan ng Arahshamnu, nang ika-3 araw, pumasok si Ciro sa Babilonya, maliliit na luntiang sanga ang inilatag sa harap niya​—ang kalagayan ng ‘Kapayapaan’ (sulmu) ay pinairal sa lunsod.”​—Ancient Near Eastern Texts, p. 306.

      Mapapansin na ang pariralang “Ikalabimpitong taon” ay hindi lumilitaw sa tapyas, yamang ang bahaging iyon ng teksto ay nasira. Ang pariralang ito ay isinisingit ng mga tagapagsalin sapagkat naniniwala sila na ang ika-17 opisyal na taon ng paghahari ni Nabonido ang huling taon niya. Kaya ipinapalagay nila na bumagsak ang Babilonya sa taóng iyon ng kaniyang paghahari at na, kung hindi nasira ang tapyas, ang mga salitang iyon ang makikita sa bahagi na sira na ngayon. Kahit na ang paghahari ni Nabonido ay mas mahaba pa kaysa sa karaniwang inaakala, hindi nito mababago ang kinikilalang petsa na 539 B.C.E. bilang taon ng pagbagsak ng Babilonya, sapagkat may iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon na tumutukoy sa taóng iyon. Gayunman, ang salik na ito ay waring nakababawas sa kahalagahan ng Nabonidus Chronicle.

      Bagaman wala roon ang taon, naroon naman sa nalalabing teksto ang buwan at araw ng pagbagsak ng lunsod. Sa paggamit ng mga ito, kinakalkula ng sekular na mga kronologo na ang ika-16 na araw ng Tashritu (Tisri) ay pumapatak ng Oktubre 11, sa kalendaryong Julian, at Oktubre 5, sa kalendaryong Gregorian, noong taóng 539 B.C.E. Yamang ang petsang ito ay kinikilala, anupat walang katibayan na salungat dito, ito ay magagamit bilang isang saligang petsa sa pagtutugma ng sekular na kasaysayan sa kasaysayan sa Bibliya.​—Tingnan ang KRONOLOHIYA.

      Kapansin-pansin na sinasabi ng Chronicle may kinalaman sa gabi ng pagbagsak ng Babilonya: “Ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka.” Ito’y malamang na nangangahulugang hindi nagkaroon ng malaking labanan at kaayon ng hula ni Jeremias na ‘ang makapangyarihang mga lalaki ng Babilonya ay titigil sa paglaban.’​—Jer 51:30.

      Kapansin-pansin din ang maliwanag na mga pagtukoy kay Belsasar sa Chronicle. Bagaman si Belsasar ay hindi espesipikong binanggit, batay sa huling mga bahagi ng Chronicle (tud. II, linya 5, 10, 19, 23), sinasabi ni Sidney Smith, sa kaniyang Babylonian Historical Texts: Relating to the Capture and Downfall of Babylon (London, 1924, p. 100), na ang tudling 1, linya 8, ay nagpapakitang ipinagkatiwala ni Nabonido ang paghahari kay Belsasar, anupat pinaghari niya ito nang kasabay niya. Paulit-ulit na sinasabi ng Chronicle na ang ‘tagapagmanang prinsipe ay nasa Akkad [Babilonia]’ samantalang si Nabonido mismo ay nasa Tema (sa Arabia). Bagaman hindi binabanggit sa Nabonidus Chronicle ang pangalan ni Belsasar ni tinukoy man doon ang kamatayan nito, hindi ito nangangahulugan na mapag-aalinlanganan ang pagiging tumpak ng kinasihang aklat ng Daniel, kung saan ang pangalang Belsasar ay lumilitaw nang walong beses at sa kamatayan nito nagwakas ang detalyadong ulat ng pagbagsak ng Babilonya na inilahad sa kabanata 5. Sa kabilang dako naman, inaamin ng mga eksperto sa cuneiform na ang Nabonidus Chronicle ay napakaikli, at karagdagan pa, gaya ng nabanggit na, ipinapalagay nila na isinulat iyon upang siraan si Nabonido, hindi upang magbigay ng detalyadong kasaysayan. Gaya nga ng sinabi ni R. P. Dougherty sa kaniyang akda na Nabonidus and Belshazzar (p. 200): “Ang ulat ng Kasulatan ay maituturing na nakahihigit sapagkat ginagamit nito ang pangalang Belsasar.”​—Amin ang italiko.

      Bagaman sirang-sira ang tudling 4 ng Chronicle, ipinapalagay ng mga iskolar batay sa mga nalalabing bahagi nito na ito ay tungkol sa pagkubkob sa Babilonya nang dakong huli na isinagawa ng isang nang-agaw ng kapangyarihan. Inaakala na ang una sa gayong pagkubkob sa Babilonya na kasunod ng kay Ciro ay noong panahon ng pag-aalsa ni Nabucodonosor III, o Nidintu-Bel, na nag-angking anak ni Nabonido. Natalo siya noong taon ng pagluklok ni Dario I sa pagtatapos ng 522 B.C.E.

  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • NABUCODONOSOR, NABUCODOROSOR

      [mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “O Nebo, Ipagsanggalang Mo ang Tagapagmana!”].

      Pangalawang tagapamahala ng Imperyong Neo-Babilonyo; anak ni Nabopolassar at ama ni Awil-Marduk (Evil-merodac), na humalili sa kaniya sa trono. Si Nabucodonosor ay namahala bilang hari sa loob ng 43 taon (624-582 B.C.E.), anupat kasama sa yugtong ito ang “pitong panahon” kung kailan kumain siya ng pananim gaya ng toro. (Dan 4:31-33) Upang ipakita na iba ang monarkang ito sa Babilonyong tagapamahala na may gayunding pangalan ngunit nabuhay sa isang mas naunang yugto (ang dinastiya ng Isin), tinutukoy siya ng mga istoryador bilang Nabucodonosor II.

      Ang mga impormasyon sa mga inskripsiyong cuneiform na taglay natin sa kasalukuyan tungkol kay Nabucodonosor ay waring kapupunan ng ulat ng Bibliya. Sinasabi sa mga ito na noong ika-19 na taon ng paghahari ni Nabopolassar ay tinipon niya ang kaniyang hukbo, gaya rin ng ginawa ng kaniyang anak na si Nabucodonosor, na noon ay tagapagmanang prinsipe. Ang dalawang hukbo ay maliwanag na kumilos nang magkahiwalay, at pagkabalik ni Nabopolassar sa Babilonya pagkaraan ng isang buwan, si Nabucodonosor ay matagumpay na nakipagdigma sa bulubunduking teritoryo, pagkatapos ay bumalik sa Babilonya na may dalang maraming samsam. Noong ika-21 taon ng paghahari ni Nabopolassar, si Nabucodonosor ay humayo kasama ang hukbong Babilonyo patungong Carkemis, upang doon makipaglaban sa mga Ehipsiyo. Pinangunahan niya sa tagumpay ang kaniyang mga hukbo. Nangyari ito noong ikaapat na taon ng Judeanong si Haring Jehoiakim (625 B.C.E.).​—Jer 46:2.

      Ipinakikita pa ng mga inskripsiyon na bumalik si Nabucodonosor sa Babilonya nang mabalitaan niyang namatay ang kaniyang ama, at noong ikaisa ng Elul (Agosto-Setyembre), lumuklok siya sa trono. Sa taóng ito ng pagluklok niya ay bumalik siya sa Hattu, at “noong buwan ng Sebat [Enero-Pebrero, 624 B.C.E.] dinala niya sa Babilonya ang napakaraming samsam mula sa Hattu.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 100) Noong 624 B.C.E., sa unang opisyal na taon ng kaniyang paghahari, muling pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Hattu; binihag niya at sinamsaman ang Filisteong lunsod ng Askelon. (Tingnan ang ASKELON.) Noong kaniyang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na mga taon bilang hari, nagsagawa siya ng iba pang mga kampanya sa Hattu, at maliwanag na noong ikaapat na taon ay ginawa niyang basalyo ang Judeanong si Haring Jehoiakim. (2Ha 24:1) Gayundin, noong ikaapat na taon ay pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Ehipto, at sa sumunod na labanan ay maraming nasawi sa magkabilang panig.

      Pananakop sa Jerusalem. Nang maglaon, maliwanag na dahil sa paghihimagsik ng Judeanong si Haring Jehoiakim laban kay Nabucodonosor, kinubkob ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Lumilitaw na sa panahon ng pagkubkob na ito, si Jehoiakim ay namatay at ang anak nitong si Jehoiakin ay lumuklok sa trono ng Juda. Ngunit pagkalipas lamang ng tatlong buwan at sampung araw, nagwakas ang pamamahala ng bagong hari nang sumuko si Jehoiakin kay Nabucodonosor (noong buwan ng Adar [Pebrero-Marso] sa panahon ng ikapitong opisyal na taon ng paghahari ni Nabucodonosor [na nagwakas noong Nisan 617 B.C.E.], ayon sa Babylonian Chronicles). Isang inskripsiyong cuneiform (British Museum 21946) ang nagsasabi: “Ang ikapitong taon: Noong buwan ng Kislev ay pinisan ng hari ng Akkad ang kaniyang hukbo at humayo patungong Hattu. Nagkampo siya laban sa lunsod ng Juda at noong ikalawang araw ng buwan ng Adar ay nabihag niya ang lunsod (at) dinakip ang hari (nito) [na si Jehoiakin]. Isang hari na pinili niya mismo [si Zedekias] ang inatasan niya sa lunsod (at) pagkakuha sa pagkalaki-laking tributo ay dinala niya ito sa Babilonya.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 102; LARAWAN, Tomo 2, p. 326) Bukod pa kay Jehoiakin, dinala ni Nabucodonosor ang iba pang mga miyembro ng maharlikang sambahayan, mga opisyal ng korte, mga bihasang manggagawa, at mga mandirigma tungo sa pagkatapon sa Babilonya. Ang tiyo ni Jehoiakin na si Matanias ang inilagay ni Nabucodonosor upang maging hari ng Juda, at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan ni Matanias.​—2Ha 24:11-17; 2Cr 36:5-10; tingnan ang JEHOIAKIM; JEHOIAKIN; KRONOLOHIYA.

      Pagkalipas ng ilang panahon, naghimagsik si Zedekias laban kay Nabucodonosor, anupat nakipag-alyansa sa Ehipto para sa proteksiyong militar. (Eze 17:15; ihambing ang Jer 27:11-14.) Dahil dito, binalikan ng mga Babilonyo ang Jerusalem, at noong Tebet (Disyembre-Enero) 10 ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, kinubkob ni Nabucodonosor ang Jerusalem. (2Ha 24:20; 25:1; 2Cr 36:13) Gayunman, dahil sa balita na isang hukbong militar ni Paraon ang lumabas mula sa Ehipto, pansamantalang itinigil ng mga Babilonyo ang pagkubkob. (Jer 37:5) Pagkatapos nito, napilitang bumalik sa Ehipto ang mga hukbo ni Paraon, at ipinagpatuloy ng mga Babilonyo ang pagkubkob laban sa Jerusalem. (Jer 37:7-10) Sa wakas, noong 607 B.C.E., noong Tamuz (Hunyo-Hulyo) 9 ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias (ika-19 na taon ni Nabucodonosor kung bibilang mula sa taon ng pagluklok niya o noong ika-18 opisyal na taon ng kaniyang paghahari), nabutasan ang pader ng Jerusalem. Tumakas si Zedekias at ang kaniyang mga tauhan ngunit naabutan sila sa mga disyertong kapatagan ng Jerico. Yamang tumigil si Nabucodonosor sa Ribla “sa lupain ng Hamat,” si Zedekias ay dinala roon sa harap niya. Ipinapatay ni Nabucodonosor ang lahat ng anak ni Zedekias, pagkatapos ay binulag niya si Zedekias at iginapos upang dalhin sa Babilonya bilang bilanggo. Pinangasiwaan ni Nebuzaradan na pinuno ng tagapagbantay ang mga huling bahagi ng pagkubkob, kasama na ang pagsunog sa templo at mga bahay sa Jerusalem, ang pagkuha sa mga kagamitan ng templo, at ang pagdadala ng mga bihag. Si Gedalias naman ang inatasan ni Nabucodonosor upang magsilbing gobernador niyaong mga hindi dinalang bihag.​—2Ha 25:1-22; 2Cr 36:17-20; Jer 52:1-27, 29.

      Ang Kaniyang Panaginip Tungkol sa Pagkalaki-laking Imahen. Sinasabi ng aklat ng Daniel na noong “ikalawang taon” ng paghahari ni Nabucodonosor (malamang na mula sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. at samakatuwid ay tumutukoy sa ika-20 opisyal na taon ng kaniyang paghahari), nanaginip siya tungkol sa imahen na may ginintuang ulo. (Dan 2:1) Bagaman hindi nabigyang-kahulugan ng mga mahikong saserdote, mga salamangkero, at mga Caldeo ang panaginip na ito, nagawa iyon ng propetang Judio na si Daniel. Ito ang nag-udyok kay Nabucodonosor na kilalanin ang Diyos ni Daniel bilang “Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.” Pagkatapos ay inatasan niya si Daniel na maging “tagapamahala sa buong nasasakupang distrito ng Babilonya at punong prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.” Inatasan din ni Nabucodonosor ang tatlong kasamahan ni Daniel, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, sa mga tungkulin ng pangangasiwa.​—Dan 2.

      Pagkatapon ng mga Judio Nang Dakong Huli. Pagkaraan ng mga tatlong taon, noong ika-23 taon ng paghahari ni Nabucodonosor, marami pang Judio ang dinala sa pagkatapon. (Jer 52:30) Malamang na kabilang sa mga itinapon ang mga Judio na tumakas patungo sa mga lupaing nasakop ng mga Babilonyo nang dakong huli. Sumusuporta sa konklusyong ito ang sinabi ng istoryador na si Josephus: “Noong ikalimang taon pagkatapos ng pananamsam sa Jerusalem, na ikadalawampu’t tatlong taon ng paghahari ni Nabucodonosor, si Nabucodonosor ay humayo laban sa Coele-Sirya at, matapos itong sakupin, nakipagdigma siya kapuwa sa mga Moabita at mga Ammanita. At pagkatapos na malupig ang mga bansang iyon, sinalakay niya ang Ehipto upang kontrolin ito, pinaslang niya ang haring namamahala noon at iniluklok ang iba, at kinuha niya ang mga Judiong bihag doon at dinala sa Babilonya.”​—Jewish Antiquities, X, 181, 182 (ix, 7).

      Kinuha ang Tiro. Nang panahon ding iyon pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., sinimulang kubkubin ni Nabucodonosor ang Tiro. Sa panahon ng pagkubkob na ito, ang mga ulo ng kaniyang mga kawal ay “nakalbo” dahil sa pagkiskis ng mga helmet at ang kanilang mga balikat ay “natalupan” dahil sa pagpapasan ng mga materyales na ginamit sa paggawa ng mga kayariang pangubkob. Yamang walang tinanggap na “kabayaran” si Nabucodonosor sa paglilingkod bilang kasangkapan ni Jehova sa paglalapat ng kahatulan laban sa Tiro, nangako Siya na ibibigay rito ang yaman ng Ehipto. (Eze 26:7-11; 29:17-20; tingnan ang TIRO.) Sa katunayan, isang pira-pirasong tekstong Babilonyo, na mula pa noong ika-37 taon ni Nabucodonosor (588 B.C.E.), ang bumabanggit sa isang kampanya laban sa Ehipto. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 308) Ngunit hindi matiyak kung may kaugnayan ito sa orihinal na pananakop o sa isang aksiyong militar nang dakong huli.

      Mga Proyekto ng Pagtatayo. Bukod sa pagtatamo ng maraming tagumpay sa militar at sa pagpapalawak ng Imperyo ng Babilonya bilang katuparan ng hula (ihambing ang Jer 47-49), si Nabucodonosor ay nagpakaabala sa maraming gawaing pagtatayo. Upang maibsan ang pananabik ng kaniyang reynang taga-Media sa sarili nitong bayan, iniuulat na itinayo ni Nabucodonosor ang Hanging Gardens, itinuturing na isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig. Marami sa umiiral na mga inskripsiyong cuneiform ni Nabucodonosor ang naglalahad ng kaniyang mga proyekto ng pagtatayo, kasama na ang pagtatayo niya ng mga templo, mga palasyo, at mga pader. Ang isang bahagi ng isa sa mga inskripsiyong ito ay nagsasabi:

      “Si Nabucodonosor, Hari ng Babilonya, ang nagpanauli sa Esagila at Ezida, anak ako ni Nabopolassar. Bilang pananggalang sa Esagila, upang walang makapangyarihang kaaway at tagapagwasak ang makakuha sa Babilonya, upang ang linya ng pagbabaka ay hindi makarating sa Imgur-Bel, ang pader ng Babilonya, [ginawa ko] ang hindi pa nagagawa ng sinumang hari na nauna sa akin; sa bakod ng Babilonya ay gumawa ako ng isang bakod na matibay na pader sa dakong silangan. Humukay ako ng bambang, naabot ko ang taas ng tubig. Pagkatapos ay nakita ko na napakaliit ng pader na ginawa ng aking ama. Itinayo ko sa pamamagitan ng bitumen at laryo ang isang napakatibay na pader na hindi makikilos, tulad ng bundok, at idinugtong ito sa pader ng aking ama; inilatag ko ang mga pundasyon nito sa kailaliman ng lupa; ang taluktok nito ay itinaas kong tulad ng bundok. Upang patibayin ang pader na ito, nagtayo ako ng ikatlo, at sa pinakapuno ng isang pananggalang na pader ay naglatag ako ng isang pundasyon na mga laryo at itinayo ito sa kailaliman ng lupa at inilatag ang pundasyon nito. Ang mga kuta ng Esagila at Babilonya ay pinatibay ko at itinatag ko ang pangalan ng aking paghahari magpakailanman.”​—Archaeology and the Bible, ni G. Barton, 1949, p. 478, 479.

      Ang nabanggit ay kasuwato ng paghahambog ni Nabucodonosor bago siya mawala sa kaniyang katinuan: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” (Dan 4:30) Ngunit nang manauli ang kaniyang katinuan, bilang katuparan ng kaniyang panaginip na mula sa Diyos tungkol sa pinutol na punungkahoy, napilitan si Nabucodonosor na kilalaning maibababa ni Jehova yaong mga mapagmapuri.​—Dan 4:37; tingnan ang KABALIWAN.

      Napakarelihiyoso. Lumilitaw na si Nabucodonosor ay napakarelihiyoso, anupat nagtayo siya at nagpaganda ng mga templo ng maraming bathala ng Babilonya. Partikular na deboto siya sa pagsamba kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. Kinilala ni Nabucodonosor na ito ang nagbigay sa kaniya ng mga tagumpay sa militar. Lumilitaw na ang mga tropeo sa digmaan, kabilang na ang mga sagradong sisidlan ng templo ni Jehova, ay inilagak sa templo ni Marduk (Merodac). (Ezr 1:7; 5:14) Sinasabi sa isang inskripsiyon ni Nabucodonosor: “Para sa iyong kaluwalhatian, O dakilang MERODAC, ay gumawa ako ng isang bahay. . . . Tanggapin nawa nito ang saganang tributo ng mga Hari ng mga bansa at ng lahat ng bayan!”​—Records of the Past: Assyrian and Egyptian Monuments, London, 1875, Tomo V, p. 135.

      Maaaring ang imaheng ginto na itinayo ni Nabucodonosor sa Kapatagan ng Dura ay inialay kay Marduk at nilayong magtaguyod ng relihiyosong pagkakaisa sa imperyo. Palibhasa’y nagngalit dahil tumanggi sina Sadrac, Mesac, at Abednego na sambahin ang imahen kahit pagkatapos na bigyan sila ng ikalawang pagkakataon, iniutos ni Nabucodonosor na ihagis sila sa isang maapoy na hurno na pinainit nang pitong ulit na mas mainit kaysa sa karaniwan. Gayunman, nang ang tatlong Hebreo ay iligtas ng anghel ni Jehova, napilitan si Nabucodonosor na sabihing “walang umiiral na ibang diyos na nakapagliligtas na tulad ng isang ito.”​—Dan 3.

      Lumilitaw rin na si Nabucodonosor ay lubhang umasa sa panghuhula kapag nagpaplano ng kaniyang mga pagkilos militar. Halimbawa, binabanggit sa hula ni Ezekiel na ang hari ng Babilonya ay gumamit ng panghuhula sa pagpapasiya kung sasalakay siya sa Raba ng Ammon o sa Jerusalem.​—Eze 21:18-23.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share