Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagbabayad-sala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Pangangailangan ng Tao Ukol sa Pagbabayad-Sala. Kailangan ng tao ang pantakip sa kasalanan, o pagbabayad-sala, dahil sa minanang kasalanan (1Ha 8:46; Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23), na kagagawan mismo ng tao at hindi ng Diyos. (Deu 32:4, 5) Nang maiwala ni Adan ang buhay na walang hanggan bilang sakdal na tao, nagpamana siya ng kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga supling (Ro 5:12), kung kaya sumailalim sa hatol na kamatayan ang mga inapo ni Adan. Dahil dito, upang muling matamo ng sangkatauhan ang pagkakataong magtamasa ng buhay na walang hanggan, kailangan ang eksaktong pambayad-sala para sa naiwala ni Adan, kasuwato ng legal na simulaing inilakip ni Jehova nang maglaon sa Kautusang Mosaiko, samakatuwid nga, mata para sa mata.​—Deu 19:21.

      Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang “pagbabayad-sala” ay may pangunahing ideya na “pantakip” o “pamalit,” at yaong ibinibigay bilang pamalit, o “pantakip,” para sa isang bagay ay dapat na kaparehung-kapareho nito. Samakatuwid, anumang bagay na ihahalili sa isang bagay na nawala ay dapat na maging “kaisa” ng bagay na iyon, anupat lubusang tinatakpan ang bagay na nawala bilang eksaktong katumbas niyaon. Dapat ay walang labis at walang kulang. Walang di-sakdal na tao ang makapaglalaan ng gayong pantakip o pambayad-sala upang maisauli ang sakdal na buhay-tao sa sinuman o sa buong sangkatauhan. (Aw 49:7, 8) Upang sapat na maipagbayad-sala ang naiwala ni Adan, kailangang mailaan ang isang handog ukol sa kasalanan na eksaktong katumbas ng halaga ng isang sakdal na buhay-tao.

      Nagtatag ang Diyos na Jehova ng isang kaayusan ng pagbabayad-sala para sa mga Israelita na lumalarawan sa isang lalong dakilang paglalaan ukol sa pagbabayad-sala. Si Jehova at hindi ang tao ang dapat kilalaning nagtakda at nagsiwalat ng pamamaraan ukol sa pagbabayad-sala na tatakip sa minanang kasalanan at maglalaan ng kaginhawahan mula sa ibinunga nitong hatol na kamatayan.

  • Pagbabayad-sala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ginawang posible ang pakikipagkasundo. Ang kasalanan ng tao ay lumilikha ng paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng tao, sapagkat hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan. Maaayos lamang ang hidwaan sa pagitan ng tao at ng kaniyang Maylalang kung matutugunan ang kahilingan para sa isang tunay na “pantakip,” o pambayad-sala, para sa gayong kasalanan. (Isa 59:2; Hab 1:13; Efe 2:3) Ngunit ginawang posible ng Diyos na Jehova ang pakikipagkasundo sa pagitan niya at ng makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo. Kaya naman isinulat ng apostol na si Pablo: “Nagbubunyi rin tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay tinanggap natin ngayon ang pakikipagkasundo.” (Ro 5:11; tingnan ang PAKIKIPAGKASUNDO.) Upang matamo ang lingap ni Jehova, kailangang tanggapin ang paglalaan ng Diyos ukol sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan lamang nito posibleng maabot ang isang kalagayang katulad ng kay Adan bago siya nagkasala. Nakita ang pag-ibig ng Diyos nang gawin niyang posible ang gayong pakikipagkasundo.​—Ro 5:6-10.

      Natugunan ang katarungan dahil sa pampalubag-loob. Gayunman, kailangan pa ring matugunan ang katarungan. Bagaman nilalang na sakdal ang tao, naiwala niya ang kalagayang ito dahil sa kasalanan, kung kaya si Adan at ang kaniyang mga supling ay sumailalim sa kahatulan ng Diyos. Upang matugunan ang katarungan at ang mga simulain ng katuwiran, kinailangang ilapat ng Diyos ang sentensiyang nasa kaniyang kautusan laban sa masuwaying si Adan. Subalit udyok ng pag-ibig, nagtakda ang Diyos ng isang kaayusan ng paghahalili na makatutugon sa katarungan, kung saan ang nagsisising mga supling ng makasalanang si Adan ay maaaring patawarin at makipagpayapaan sa Diyos nang hindi nilalabag ang katarungan. (Col 1:19-23) Kaya naman ‘isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.’ (1Ju 4:10; Heb 2:17) Ang pampalubag-loob ay yaong bagay na nagpapalubag-loob o nagpapangyaring mabigyan ng lingap ang isa. Inaalis ng pampalubag-loob na hain ni Jesus ang dahilan upang hatulan ng Diyos ang tao anupat ginagawang posible na mapagkalooban siya ng lingap at awa ng Diyos. Sa kaso ng espirituwal na Israel at ng lahat ng iba pang gustong makinabang sa pampalubag-loob na ito, inaalis nito ang paratang na kasalanan at ang ibinunga niyaon na hatol na kamatayan.​—1Ju 2:1, 2; Ro 6:23.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share