Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Iniugnay ng apostol na si Pablo si Satanas sa “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” at tinukoy niya sila bilang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Efe 6:11, 12) Bilang isang puwersang namamahala sa di-nakikitang dako sa palibot ng lupa, si Satanas ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Efe 2:2) Sa Apocalipsis, ipinakikitang siya ang isa na “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apo 12:9) Sinabi ng apostol na si Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1Ju 5:19) Samakatuwid, siya ang “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Ju 12:31) Kaya naman isinulat ni Santiago na “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos.”​—San 4:4.

      Ang Kaniyang Pakikipagbaka Upang Puksain ang “Binhi.” Maaga pa lamang ay tinangka na ni Satanas na hadlangan ang pagdating ng ipinangakong “binhi” sa pamamagitan ni Abraham. (Gen 12:7) Maliwanag na sinikap niyang dumhan si Sara upang hindi ito maging karapat-dapat na magdala ng binhi, ngunit ipinagsanggalang ng Diyos si Sara. (Gen 20:1-18) Ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang puksain yaong mga pinili ng Diyos bilang binhi ni Abraham, ang bansang Israel, sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na magkasala at pagbubuyo sa ibang mga bansa na makipaglaban sa kanila, gaya ng ipinakikita ng buong kasaysayan ng Bibliya. Sa ambisyosong pagtatangka ni Satanas na kalabanin ang Diyos, may isang pangyayari na nagmistulang tagumpay sa paningin ni Satanas. Iyon ay noong lupigin ng hari ng Babilonya, na Ikatlong Kapangyarihang Pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang Jerusalem, anupat ibinagsak niya ang pamamahala ni Haring Zedekias, na mula sa linya ni David, at winasak ang templo ni Jehova, sa gayo’y itiniwangwang ang Jerusalem at Juda.​—Eze 21:25-27.

      Bilang kasangkapan ni Satanas, binihag ng namamahalang dinastiya ng Babilonya, na pinangunahan ni Nabucodonosor, ang mga tapong Israelita sa loob ng 68 taon, hanggang sa bumagsak ang Babilonya. Walang intensiyon ang Babilonya na palayain kailanman ang mga bihag nito, at sa gayo’y masasalamin sa kaniya ang mapaghambog at ambisyosong mga pagtatangka ni Satanas bilang karibal na diyos na salansang kay Jehova na Soberano ng Sansinukob. Sa totoo, ang mga Babilonyong hari, na sumasamba sa kanilang idolong diyos na si Marduk, sa diyosang si Ishtar, at sa maraming iba pang diyos, ay mga mananamba ng mga demonyo at, bilang bahagi ng sanlibutang hiwalay kay Jehova ay pawang nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas.​—Aw 96:5; 1Co 10:20; Efe 2:12; Col 1:21.

      Pinuspos ni Satanas ang hari ng Babilonya ng ambisyon na ganap na magpuno sa buong lupa, maging sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23) at sa “mga bituin ng Diyos,” ang mga hari sa linya ni David na nakaupo sa trono sa Bundok Moria (kung palalawakin ang pagkakapit, sa Sion). Ang ‘haring’ ito, samakatuwid nga, ang dinastiya ng Babilonya, ay ‘nagtaas ng kaniyang sarili’ sa kaniyang puso, at sa kaniyang paningin at sa paningin ng kaniyang mga tagahanga ay isa siyang “nagniningning,” isang “anak ng bukang-liwayway.” (Sa ilang bersiyon, pinanatili ang terminong “Lucifer” na ginamit sa Latin na Vulgate. Gayunman, isa lamang itong salin ng salitang Hebreo na heh·lelʹ, “isa na nagniningning.” Ang heh·lelʹ ay hindi isang pangalan o titulo kundi isang terminong naglalarawan sa mapaghambog na posisyong kinuha ng Babilonyong dinastiya ng mga hari sa linya ni Nabucodonosor.) (Isa 14:4-21) Yamang ang Babilonya ay isang kasangkapan ni Satanas, masasalamin sa “hari” nito ang ambisyosong pagnanasa mismo ni Satanas. Muli ay iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsasauli sa kanila sa kanilang lupain, hanggang sa dumating ang tunay na Binhing ipinangako.​—Ezr 1:1-6.

  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa isang pagsubok, ipinakita ni Satanas kay Jesus ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan, na inaangking kaniya ang mga iyon. Hindi sinalungat ni Jesus ang pag-aangking ito. Gayunman, kahit isang saglit ay hindi inisip ni Jesus na kunin sa mabilisang paraan ang kaniyang paghahari, ni binalak man niyang gumawa ng anumang bagay para lamang palugdan ang kaniyang sarili. Ang kaniyang kagyat na tugon kay Satanas ay, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’⁠” Dahil dito, “ang Diyablo . . . ay humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Mat 4:1-11; Luc 4:13) Ipinakikita nito na totoo ang mga isinulat ni Santiago nang maglaon: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”​—San 4:7.

  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Nanganib si Jesus sa buong panahon ng kaniyang ministeryo. Gumamit si Satanas ng mga taong ahente upang salansangin si Jesus, anupat nagsisikap na siya’y tisurin o patayin. Noong minsan, aagawin na sana ng mga tao si Jesus upang gawin siyang hari. Ngunit ayaw niya iyon. Tatanggapin lamang niya ang paghahari sa panahon at paraang itinakda ng Diyos. (Ju 6:15) Noong isa pang pagkakataon, tinangka siyang patayin ng kaniyang mga kababayan. (Luc 4:22-30) Palagi siyang nililigalig ng mga taong ginagamit ni Satanas upang hulihin siya. (Mat 22:15) Ngunit sa lahat ng mga pagsisikap ni Satanas, nabigo siyang pagkasalahin si Jesus sa kaliit-liitang bagay, sa isip man o sa gawa. Napatunayan na si Satanas ay talagang sinungaling, at nabigo siya sa kaniyang paghamon sa soberanya ng Diyos at sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus nang malapit na siyang mamatay: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” na napatunayang sinungaling. (Ju 12:31) Sa pamamagitan ng kasalanan, nagkaroon si Satanas ng mahigpit na kapit sa buong sangkatauhan. Gayunman, palibhasa’y alam ni Jesus na malapit nang pangyarihin ni Satanas ang kaniyang kamatayan, ganito ang nasabi niya matapos niyang ipagdiwang ang kaniyang huling Paskuwa kasama ng kaniyang mga alagad: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.”​—Ju 14:30.

      Pagkalipas ng ilang oras, nagtagumpay si Satanas na maipapatay si Jesus. Una’y nakontrol niya ang isa sa mga apostol ni Jesus, pagkatapos ay ginamit niya ang mga lider na Judio at ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma upang ipapatay si Jesus sa isang masakit at kahiya-hiyang paraan. (Luc 22:3; Ju 13:26, 27; kab 18, 19) Dito, kumilos si Satanas bilang “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” (Heb 2:14; Luc 22:53) Subalit dito ay nabigo si Satanas na isulong ang kaniyang tunguhin. Bagaman labag sa kaniyang kalooban ay tinupad lamang niya ang hula, na humihiling na mamatay si Jesus bilang isang hain. Ang kamatayan ni Jesus sa kawalang-kapintasan ay naglaan ng pantubos na halaga para sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan (at ng pagbuhay-muli sa kaniya ng Diyos), maaari nang tulungan ni Jesus ang makasalanang sangkatauhan na makatakas sa mahigpit na kapit ni Satanas, sapagkat, gaya ng nasusulat, si Jesus ay naging dugo at laman “upang sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.”​—Heb 2:14, 15.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share