-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang Pagpasok ng Kasalanan. Bago nakapasok sa lupa ang kasalanan, ito ay unang lumitaw sa dako ng mga espiritu. Sa loob ng napakahabang panahon, ang lahat ng umiiral sa sansinukob ay lubos na kasuwato ng Diyos. Nagambala ang pagkakasuwatong ito dahil sa isang espiritung nilalang na tinutukoy na Mananalansang, Kalaban (sa Heb., Sa·tanʹ; sa Gr., Sa·ta·nasʹ; Job 1:6; Ro 16:20), at pangunahing Bulaang Tagapag-akusa o Maninirang-puri (sa Gr., Di·aʹbo·los) sa Diyos. (Heb 2:14; Apo 12:9) Kaya naman sinabi ng apostol na si Juan: “Siya na nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan ay nagmumula sa Diyablo, sapagkat ang Diyablo ay nagkakasala na buhat pa nang pasimula.”—1Ju 3:8.
Sa pananalitang “pasimula,” malinaw na ang tinutukoy ni Juan ay ang pasimula ng landasin ng pagsalansang ni Satanas, kung paanong ginagamit ang “pasimula” sa 1 Juan 2:7; 3:11 upang tumukoy sa pasimula ng pagiging alagad ng mga Kristiyano. Ipinakikita ng mga salita ni Juan na mula nang maipasok ni Satanas ang kasalanan, nagpatuloy siya sa kaniyang makasalanang landasin. Kaya nga, ang sinumang tao na “nagpapakaabala o namimihasa sa kasalanan” ay maliwanag na isang ‘anak’ ng Kalaban, espirituwal na supling na nagpapaaninag ng mga katangian ng kaniyang “ama.”—The Expositor’s Greek Testament, inedit ni W. R. Nicoll, 1967, Tomo V, p. 185; Ju 8:44; 1Ju 3:10-12.
Yamang ang pagpapasidhi ng maling pagnanasa hanggang sa ito’y maglihi ay nauuna sa ‘pagsilang ng kasalanan’ (San 1:14, 15), ang espiritung nilalang na naging mananalansang ay nagsimula nang lumihis sa katuwiran, anupat lumayo na ang kaniyang loob sa Diyos, bago pa aktuwal na mahayag ang kasalanan.
-
-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang babae ang unang taong nagkasala. Ang pagtukso sa kaniya ng Kalaban ng Diyos, na gumamit ng isang serpiyente upang makipagtalastasan sa kaniya (tingnan ang KASAKDALAN [Ang unang makasalanan at ang hari ng Tiro]), ay hindi isang lantarang panghihikayat na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Sa halip, iyon ay isang panghihikayat na magnasa ng diumano’y intelektuwal na pagsulong at paglaya. Matapos niyang ipaulit muna kay Eva ang kautusan ng Diyos, na maliwanag na tinanggap nito mula sa asawa nito, sinalansang ng Manunukso ang pagiging totoo ng salita ng Diyos at ang Kaniyang kabutihan. Iginiit niya na ang pagkain ng bunga mula sa ipinagbabawal na punungkahoy ay magdudulot, hindi ng kamatayan, kundi ng kaliwanagan at tulad-diyos na kakayahang magpasiya para sa sarili kung mabuti o masama ang isang bagay. Isinisiwalat ng pananalitang ito na nang panahong iyon, lubusan nang lumayo ang puso ng Manunukso mula sa kaniyang Maylalang, anupat nagsasalita na siya ng lantarang pagsalungat at pasaring na paninirang-puri sa Diyos. Hindi niya inakusahan ang Diyos ng di-sinasadyang pagkakamali kundi ng tahasang pagsisinungaling, nang sabihin niya, “Sapagkat nalalaman ng Diyos . . .” Mabigat ang kaniyang kasalanan at kasuklam-suklam ang kaniyang paghiwalay, sapagkat sa pagnanais niyang makuha ang gusto niya, siya’y naging isang mapanlinlang na sinungaling at isang ambisyosong mamamaslang, yamang maliwanag na alam niyang hahantong sa kamatayan ang iminumungkahi niyang gawin ng taong nakikinig sa kaniya.—Gen 3:1-5; Ju 8:44.
-