-
AbrahamKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Samantalang naninirahan pa si Abraham sa Ur, “bago siya nanahanan sa Haran,” inutusan siya ni Jehova na lumipat sa ibang lupain, anupat iiwanan niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kamag-anak. (Gaw 7:2-4; Gen 15:7; Ne 9:7) Sa lupaing iyon na ipakikita Niya kay Abraham, sinabi ng Diyos na gagawa Siya ng isang dakilang bansa mula sa kaniya. Nang panahong iyon, asawa ni Abraham si Sara na kaniyang kapatid sa ama, ngunit wala silang anak at pareho silang matanda na. Dahil dito, kailangan niya ng malaking pananampalataya upang sumunod, ngunit sumunod pa rin siya.
Si Tera, na noon ay mga 200 taóng gulang na at siya pa ring patriyarkang ulo ng pamilya, ay sumang-ayong sumama kina Abraham at Sara sa mahabang paglalakbay na iyon, at ito ang dahilan kung bakit si Tera bilang ama ang kinikilalang nanguna sa paglipat sa Canaan. (Gen 11:31) Lumilitaw na ang ulila-sa-ama na si Lot, na pamangkin ni Abraham, ay inampon ng kaniyang walang-anak na tiyo at tiya kung kaya sumama siya sa kanila. Lumikas patungong hilagang-kanluran ang pulutong na ito, mga 960 km (600 mi), hanggang sa makarating sila sa Haran, na isang mahalagang himpilan sa mga ruta ng kalakalan na mula S patungong K. Ang Haran ay matatagpuan sa salubungan ng dalawang wadi (agusang libis) na nagiging isang batis na umaabot hanggang sa Ilog Balikh kapag taglamig, mga 110 km (68 mi) sa dakong itaas kung saan bumubuhos ang Balikh sa Ilog Eufrates. Dito nanatili si Abraham hanggang sa pagkamatay ng kaniyang amang si Tera.—MAPA, Tomo 1, p. 330.
Pakikipamayan sa Canaan. Noong 75 taóng gulang na si Abraham, inilipat niya ang kaniyang sambahayan mula sa Haran patungo sa lupain ng Canaan, kung saan siya nanirahan sa mga tolda bilang isang banyaga at nandarayuhang residente sa nalalabing isang daang taon ng kaniyang buhay. (Gen 12:4) Pagkamatay ng kaniyang amang si Tera, nilisan ni Abraham ang Haran noong 1943 B.C.E. at tinawid ang Ilog Eufrates, malamang na noong ika-14 na araw ng buwan na nang maglaon ay tinawag na Nisan. (Gen 11:32; Exo 12:40-43, LXX) Nang panahong iyon nagkabisa ang tipan sa pagitan ni Jehova at ni Abraham, at nagsimula ang 430-taóng yugto ng pansamantalang paninirahan hanggang noong ipakipagtipan sa Israel ang tipang Kautusan.—Exo 12:40-42; Gal 3:17.
Dala ang kaniyang mga kawan at mga bakahan, maliwanag na naglakbay si Abraham nang pababa sa Damasco at nagpatuloy patungong Sikem (matatagpuan 48 km [30 mi] sa H ng Jerusalem), malapit sa malalaking punungkahoy ng More. (Gen 12:6) Dito muling nagpakita si Jehova kay Abraham, at pinagtibay at pinalawak niya ang kaniyang tipang pangako sa pagsasabi: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” (Gen 12:7) Hindi lamang doon nagtayo si Abraham ng altar para kay Jehova kundi, sa paglalakbay niya sa lupain patungong timog, nagtayo rin siya ng iba pang mga altar sa kaniyang mga dinaraanan, at tumawag siya sa pangalan ni Jehova. (Gen 12:8, 9) Nang maglaon, dahil sa isang matinding taggutom, napilitan si Abraham na pansamantalang lumipat sa Ehipto, at upang maprotektahan ang kaniyang buhay, ipinakilala niya si Sara bilang kaniyang kapatid. Dahil dito ay kinuha ni Paraon ang magandang si Sara at dinala ito sa kaniyang sambahayan upang maging kaniyang asawa, ngunit bago niya ito masipingan, pinangyari ni Jehova na ibalik ito ni Paraon. Pagkatapos ay bumalik si Abraham sa Canaan sa pinagkakampuhan nila sa pagitan ng Bethel at Ai at muling tumawag “sa pangalan ni Jehova.”—Gen 12:10–13:4.
-
-
AbrahamKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Paglitaw ng Ipinangakong Binhi. Yamang baog pa rin si Sara, waring si Eliezer, ang tapat na katiwala sa bahay na mula sa Damasco, ang magiging tagapagmana ni Abraham. Gayunpaman, muling tiniyak ni Jehova kay Abraham na ang sarili nitong supling ay darami anupat hindi mabibilang, gaya ng mga bituin sa langit, kung kaya si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova; at ibinilang niya itong katuwiran sa kaniya,” bagaman naganap ito maraming taon pa bago tinuli si Abraham. (Gen 15:1-6; Ro 4:9, 10) Pagkatapos ay pinagtibay ni Jehova kay Abraham ang isang pormal na tipan sa pamamagitan ng mga haing hayop, at kasabay nito, isiniwalat niya na ang supling ni Abraham ay pipighatiin sa loob ng 400 taon, at dadalhin pa nga sa pagkaalipin.—Gen 15:7-21; tingnan ang TIPAN.
Lumipas ang panahon. Mga sampung taon na silang nasa Canaan, ngunit baog pa rin si Sara. Kaya ibinigay niya kay Abraham ang kaniyang alilang babaing Ehipsiyo na si Hagar upang magkaanak siya sa pamamagitan nito. Pumayag si Abraham. Kaya noong 1932 B.C.E., nang si Abraham ay 86 na taóng gulang na, isinilang si Ismael. (Gen 16:3, 15, 16) Lumipas pa ang panahon. Noong 1919 B.C.E., nang si Abraham ay 99 na taóng gulang na, iniutos ni Jehova na tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Abraham bilang isang tanda o tatak na magiging patotoo ng kaniyang pantanging pakikipagtipan kay Abraham. Kasabay nito, pinalitan ni Jehova ang kaniyang pangalang Abram at ginawang Abraham, “sapagkat gagawin kitang ama ng pulutong ng mga bansa.” (Gen 17:5, 9-27; Ro 4:11) Di-nagtagal, tatlong anghel na nagkatawang-tao, na malugod na tinanggap ni Abraham sa pangalan ni Jehova, ang nangako na si Sara mismo ay maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki sa loob ng darating na taon!—Gen 18:1-15.
At talaga namang naging napakamakasaysayan ng taóng iyon! Pinuksa ang Sodoma at Gomorra anupat muntik nang hindi makaligtas ang pamangkin ni Abraham at ang dalawa nitong anak na babae. Lumipat sina Abraham at Sara sa Gerar, kung saan kinuha ng hari ng Filisteong lunsod na iyon si Sara para sa kaniyang harem. Namagitan si Jehova upang mapalaya si Sara, at sa takdang panahon, noong 1918 B.C.E., si Isaac, ang tagapagmanang matagal nang ipinangako, ay isinilang noong 100 taóng gulang na si Abraham at si Sara naman ay 90. (Gen 18:16–21:7) Pagkaraan ng limang taon, nang si Isaac ay tuksuhin ni Ismael na kaniyang 19-na-taóng-gulang na kapatid sa ama, napilitan si Abraham na paalisin si Ismael at ang ina nito na si Hagar. Nang panahong iyon, noong 1913 B.C.E., nagsimula ang 400 taon ng pagpighati sa supling ni Abraham.—Gen 21:8-21; 15:13; Gal 4:29.
Ang pinakamatinding pagsubok sa pananampalataya ni Abraham ay dumating pagkaraan ng mga 20 taon. Ayon sa tradisyong Judio, si Isaac ay 25 taóng gulang na noon. (Jewish Antiquities, ni F. Josephus, I, 227 [xiii, 2]) Bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova, isinama ni Abraham si Isaac at naglakbay patungong H mula sa Beer-sheba sa Negeb patungo sa Bundok Moria, na nasa mismong H ng Salem. Doon ay nagtayo siya ng isang altar at naghanda siya upang ihandog si Isaac, ang ipinangakong binhi, bilang isang haing sinusunog. At talagang “para na ring inihandog [ni Abraham] si Isaac,” sapagkat “inisip niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay.” Noong mismong sandali na papatayin na ni Abraham si Isaac, pinigilan siya ni Jehova at naglaan ng isang barakong tupa bilang kahalili ni Isaac sa altar na paghahainan. Kaya ang matibay na pananampalatayang ito na sinusuhayan ng ganap na pagsunod ang nag-udyok kay Jehova na pagtibayin ang kaniyang tipan kay Abraham sa pamamagitan ng isang ipinanatang sumpa, isang pantanging legal na garantiya.—Gen 22:1-18; Heb 6:13-18; 11:17-19.
Nang mamatay si Sara sa Hebron noong 1881 B.C.E. sa edad na 127, kinailangan ni Abraham na bumili ng loteng libingan, sapagkat isa lamang siyang naninirahang dayuhan na walang pag-aaring lupain sa Canaan. Kaya binili niya mula sa mga anak ni Het ang isang parang na may yungib sa Macpela malapit sa Mamre. (Gen 23:1-20; tingnan ang BINILI.) Pagkaraan ng tatlong taon, nang sumapit si Isaac sa edad na 40, pinabalik ni Abraham sa Mesopotamia ang kaniyang pinakamatandang lingkod, malamang na si Eliezer, upang humanap ng isang karapat-dapat na asawa, isa ring tunay na mananamba ni Jehova, para sa kaniyang anak. Ang napili ni Jehova ay si Rebeka, na apo ni Abraham sa pamangkin.—Gen 24:1-67.
“Karagdagan pa, si Abraham ay muling kumuha ng asawa,” si Ketura, at nang maglaon ay nagkaanak pa siya ng anim na anak na lalaki, anupat kay Abraham nanggaling hindi lamang ang mga Israelita, mga Ismaelita, at mga Edomita kundi pati mga Medanita, mga Midianita, at iba pa. (Gen 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32, 34) Sa gayon ay natupad kay Abraham ang makahulang pananalita ni Jehova: “Gagawin kitang ama ng pulutong ng mga bansa.” (Gen 17:5)
-