-
JacobKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Tumanggap ng Pagkapanganay at Pagpapala. Yamang namatay si Abraham noong 1843 B.C.E. nang ang kaniyang apong si Jacob ay 15 taóng gulang na, ang bata ay nagkaroon ng sapat na pagkakataon na tuwirang marinig ang tungkol sa pinanumpaang tipan ng Diyos mula sa kaniyang lolo at sa kaniyang ama. (Gen 22:15-18) Natanto ni Jacob na isang malaking pribilehiyo ang magkaroon ng bahagi sa katuparan ng gayong mga pangako ng Diyos. Sa wakas ay nagkaroon siya ng pagkakataong bilhin nang legal mula sa kaniyang kapatid ang karapatan ng panganay at ang lahat ng kalakip nito. (Deu 21:15-17) Dumating ang pagkakataong ito nang isang araw ay hapung-hapong umuwi si Esau mula sa parang at naamoy niya ang masarap na nilaga na niluto ng kaniyang kapatid. “Dalian mo, pakisuyo,” ang bulalas ni Esau, “bigyan mo ako ng isang subo ng mapula—ng mapulang iyan, sapagkat ako ay pagod!” Sumagot si Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan sa pagkapanganay!” “Hinamak ni Esau ang pagkapanganay,” kaya ang bilihan ay mabilis na naisagawa at tinatakan ng isang taimtim na sumpa. (Gen 25:29-34; Heb 12:16) Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Jehova, “Inibig ko si Jacob, ngunit si Esau ay kinapootan ko.”—Ro 9:13; Mal 1:2, 3.
Tama bang magpanggap si Jacob na siya’y si Esau?
Nang matanda na si Isaac at inaakala niyang malapit na siyang mamatay, inutusan niya si Esau na mangaso ng karne ng usa, na sinasabi: “Pakainin mo ako, upang pagpalain ka ng aking kaluluwa bago ako mamatay.” Ngunit narinig iyon ni Rebeka at dali-dali niyang pinayaon si Jacob upang kumuha ng dalawang anak ng kambing para maipaghanda niya ng masarap na pagkain si Isaac, at sinabi niya kay Jacob: “Dadalhin mo iyon sa iyong ama at kakainin niya iyon, upang pagpalain ka niya bago siya mamatay.” Ipinatong din niya ang balat ng mga anak ng kambing sa mga kamay at leeg ni Jacob upang kapag hinipo ni Isaac si Jacob ay isipin niyang ito’y si Esau. Nang dalhin ni Jacob sa kaniyang ama ang pagkain, tinanong siya ni Isaac: “Sino ka, anak ko?” At sumagot si Jacob: “Ako ay si Esau na iyong panganay.” Kung legalidad ang pag-uusapan, gaya ng alam na alam ni Jacob, may karapatan siyang gampanan ang papel ni Esau, na panganay ni Isaac. Hinipo ni Isaac si Jacob upang tiyakin kung ito nga ba’y talagang si Esau o hindi, at sinabi niya: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.” Ngunit matagumpay ang kinalabasan ng mga pangyayari, at ayon sa ulat, “Pinagpala niya ito.” (Gen 27:1-29) Tama ba ang ginawa nina Rebeka at Jacob?
Walang alinlangan na may karapatan si Jacob sa pagpapala. Bago isilang ni Rebeka ang kambal, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Gen 25:23) Nang maglaon, kaayon ng inklinasyon na patiuna nang nakita ni Jehova at siyang dahilan kung bakit higit niyang inibig si Jacob kaysa kay Esau, ipinagbili ni Esau kay Jacob ang kaniyang pagkapanganay kapalit lamang ng isang mangkok ng nilaga.—Gen 25:29-34.
Hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya kung gaano ang nalalaman ni Isaac sa mga pahiwatig na ito hinggil sa kung sino ang dapat tumanggap ng pagpapala. Wala rin tayong alam tungkol sa eksaktong dahilan ng mga pagkilos nina Rebeka at Jacob, maliban sa bagay na kapuwa nila batid na nauukol kay Jacob ang pagpapala. Hindi nagpanggap si Jacob taglay ang masamang hangarin upang makuha ang isang bagay na wala siyang karapatang makuha. At hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang ginawa nina Rebeka at Jacob. Bilang resulta, tinanggap ni Jacob ang kaukulang pagpapala. Maliwanag na nakita mismo ni Isaac na naisagawa ang kalooban ni Jehova. Di-nagtagal pagkatapos nito, nang papuntahin ni Isaac si Jacob sa Haran upang humanap ng mapapangasawa, higit pang pinagpala ni Isaac si Jacob at espesipikong sinabi: “Ibibigay [ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat] sa iyo ang pagpapala ni Abraham.” (Gen 28:3, 4; ihambing ang Heb 11:20.)
-
-
JacobKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang Paglipat ni Jacob sa Padan-aram. (MAPA, Tomo 1, p. 529) Si Jacob ay 77 taóng gulang nang lisanin niya ang Beer-sheba patungo sa lupain ng kaniyang mga ninuno, kung saan niya ginugol ang sumunod na 20 taon ng kaniyang buhay. (Gen 28:10; 31:38) Pagkatapos maglakbay nang mga 100 km (62 mi) patungong HHS, nagpalipas siya ng gabi sa Luz (Bethel) sa mga burol ng Juda, anupat isang bato ang ginamit niyang pinakaunan. Doon ay nakita niya sa panaginip ang isang hagdanan, o mga baytang, na umaabot hanggang sa langit at doo’y manhik-manaog ang mga anghel. Sa pinakatuktok ay makikita si Jehova, at pinagtibay Niya kay Jacob ang kaniyang tipan kina Abraham at Isaac.—Gen 28:11-13; 1Cr 16:16, 17.
Sa tipang iyon ay ipinangako ni Jehova kay Jacob na Kaniyang babantayan at iingatan siya at hindi siya iiwan hanggang sa ang lupaing kinahihigan niya ay mapasakaniya at ang kaniyang binhi ay maging tulad ng mga butil ng alabok sa lupa sa dami. Karagdagan pa, “sa pamamagitan mo at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen 28:13-15) Nang lubusang matanto ni Jacob ang kahulugan ng karanasang iyon sa gabi ay bumulalas siya: “Kakila-kilabot nga ang dakong ito! Ito ay walang iba kundi ang bahay ng Diyos.” Kaya ang pangalan ng Luz ay pinalitan niya ng Bethel, nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” at nagtayo siya ng isang haligi at binuhusan niya iyon ng langis bilang saksi sa makasaysayang mga pangyayaring ito. Bilang pasasalamat sa ipinangakong pag-alalay ng Diyos, nanata rin si Jacob na walang pagsalang ibibigay niya kay Jehova ang ikasampu ng lahat ng tatanggapin niya.—Gen 28:16-22.
-