-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang Kasalanan at Kautusan. Sumulat ang apostol na si Juan na “ang bawat isa na namimihasa sa kasalanan ay namimihasa rin sa katampalasanan, kung kaya ang kasalanan ay katampalasanan” (1Ju 3:4); at na “lahat ng kalikuan ay kasalanan.” (1Ju 5:17) Sa kabilang dako ay may binanggit naman ang apostol na si Pablo na mga taong “nagkasala nang walang kautusan.” Sinabi pa niya na “hanggang sa Kautusan [na ibinigay sa pamamagitan ni Moises] ang kasalanan ay nasa sanlibutan, ngunit ang kasalanan ay hindi ipinaparatang laban sa kaninuman kapag walang kautusan. Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, maging doon sa mga hindi nagkasala sa wangis ng pagsalansang ni Adan.” (Ro 2:12; 5:13, 14) Ang mga salita ni Pablo ay dapat unawain ayon sa konteksto. Sa kaniyang liham na ito sa mga taga-Roma, ipinakikita ng kaniyang naunang mga pananalita na pinaghahambing niya yaong mga nasa ilalim ng tipang Kautusan at yaong mga nasa labas ng tipang iyon, samakatuwid nga ay wala sa ilalim ng kodigo ng kautusan nito, habang ipinakikita niya na ang dalawang grupong iyon ay kapuwa makasalanan.—Ro 3:9.
Sa loob ng humigit-kumulang 2,500 taon sa pagitan ng paglihis ni Adan at ng pagbibigay ng tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., ang Diyos ay hindi nagbigay sa sangkatauhan ng anumang kumpletong kodigo o sistematikong kautusan na espesipikong tumukoy sa kasalanan at sa lahat ng mga epekto at anyo nito. Totoo, nagbigay siya ng ilang batas, gaya niyaong mga ibinigay kay Noe pagkatapos ng pangglobong Baha (Gen 9:1-7), gayundin ang tipan ng pagtutuli na ibinigay kay Abraham at sa kaniyang sambahayan, pati na sa kaniyang mga aliping banyaga. (Gen 17:9-14) Ngunit may kinalaman sa Israel, maaaring sabihin ng salmista na “sinasabi [ng Diyos] ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa alinpamang bansa; at kung tungkol sa kaniyang mga hudisyal na pasiya, hindi nila alam ang mga iyon.” (Aw 147:19, 20; ihambing ang Exo 19:5, 6; Deu 4:8; 7:6, 11.) Hinggil sa tipang Kautusan na ibinigay sa Israel, maaaring sabihin, “Ang tao na gumagawa ng katuwiran ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito,” sapagkat ang sakdal na panghahawakan at pagsunod sa Kautusang iyon ay magagawa lamang ng isang taong walang kasalanan, gaya sa kaso ni Kristo Jesus. (Ro 10:5; Mat 5:17; Ju 8:46; Heb 4:15; 7:26; 1Pe 2:22) Walang ibinigay na kautusang katulad niyaon mula noong panahon ni Adan hanggang noong ibigay ang tipang Kautusan.
-
-
KasalananKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kung paano ‘pinasagana’ ng Kautusan ang kasalanan. Bagaman ang tao ay may likas na kabatiran sa kung ano ang tama at mali dahil sa kaniyang budhi, espesipikong tinukoy ng Diyos ang maraming aspekto ng kasalanan sa pamamagitan ng tipang Kautusan na ipinakipagtipan niya sa Israel. Samakatuwid, ‘natikom’ ang bibig ng sinumang taong inapo ng mga kaibigan ng Diyos na sina Abraham, Isaac, at Jacob na maaaring mag-angkin na siya ay walang-sala ‘at ang buong sanlibutan ay nanagot sa Diyos ukol sa kaparusahan.’ Ito ay sapagkat, dahil sa kanilang di-sakdal na laman na minana nila kay Adan, naging imposible na maipahayag silang matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, “sapagkat ang tumpak na kaalaman tungkol sa kasalanan ay sa pamamagitan ng kautusan.” (Ro 3:19, 20; Gal 2:16) Malinaw at detalyadong ipinaliwanag ng Kautusan kung ano ang buong lawak at saklaw ng kasalanan, anupat, sa diwa, ‘pinasagana’ nito ang pagkakamali at kasalanan, yamang napakaraming gawa at maging mga saloobin ang tinukoy nito bilang makasalanan. (Ro 5:20; 7:7, 8; Gal 3:19; ihambing ang Aw 40:12.) Patuloy na ipinaalaala ng mga hain ng Kautusan sa mga nasa ilalim nito ang kanilang pagkamakasalanan. (Heb 10:1-4, 11) Sa pamamagitan ng mga ito, ang Kautusan ay nagsilbing isang tagapagturo na aakay sa kanila kay Kristo, upang sila’y “maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.”—Gal 3:22-25.
Paano ‘makatatanggap ng pangganyak’ ang kasalanan sa pamamagitan ng utos ng Diyos sa Israel?
Nang itawag-pansin ng apostol na si Pablo na hindi ang Kautusang Mosaiko ang paraan upang magtamo ng matuwid na katayuan ang mga tao sa harap ng Diyos na Jehova, sumulat siya: “Noong kaayon tayo ng laman, ang makasalanang mga pita na pinukaw sa pamamagitan ng Kautusan ay gumagana sa ating mga sangkap upang magluwal tayo ng bunga ukol sa kamatayan. . . . Ano, kung gayon, ang sasabihin natin? Ang Kautusan ba ay kasalanan? Huwag nawang maging gayon! Ang totoo ay hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan; at, halimbawa, hindi ko sana nakilala ang kaimbutan kung hindi sinabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mag-iimbot.’ Ngunit ang kasalanan, na tumatanggap ng pangganyak sa pamamagitan ng utos, ay nagdulot sa akin ng bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kung hiwalay sa kautusan ang kasalanan ay patay.”—Ro 7:5-8.
Kung wala ang Kautusan, hindi sana makikilala o mapag-uunawa ng apostol na si Pablo ang buong lawak o saklaw ng kasalanan, halimbawa, ang pagkamakasalanan ng kaimbutan. Gaya ng sabi ng apostol, “pinukaw” ng Kautusan ang makasalanang pita, at ang utos laban sa pag-iimbot ay naglaan ng “pangganyak” sa kasalanan. Dapat itong unawain kaayon ng pananalita ni Pablo na “kung hiwalay sa kautusan ang kasalanan ay patay.” Hangga’t ang kasalanan ay hindi espesipikong natutukoy, ang isang tao ay hindi maaaring akusahan ng paggawa ng mga kasalanan na hindi naman legal na tinutukoy bilang gayon. Bago dumating ang Kautusan, si Pablo at ang kaniyang mga kababayan ay namuhay nang di-napapatawan ng hatol para sa mga kasalanang hindi espesipikong tinukoy. Gayunman, sa pagpasok ng Kautusan, si Pablo at ang kaniyang mga kababayan ay itinalaga bilang mga makasalanan na nasa ilalim ng hatol na kamatayan. Dahil sa Kautusan, lalo silang nagkaroon ng kamalayan sa kanilang pagiging mga makasalanan. Hindi ito nangangahulugan na inudyukan silang magkasala ng Kautusang Mosaiko, kundi inilantad sila nito bilang mga makasalanan. Sa gayon, ang kasalanan ay tumanggap ng pangganyak sa pamamagitan ng Kautusan at nagdulot ng kasalanan kay Pablo at sa kaniyang mga kababayan. Inilaan ng Kautusan ang saligan upang mas marami pang tao ang mapatawan ng hatol bilang mga makasalanan batay sa marami pang ibang paglabag.
Samakatuwid, ang sagot sa tanong na “Ang Kautusan ba ay kasalanan?” ay tiyak na ‘Hindi!’ (Ro 7:7) Ang Kautusan ay hindi ‘sumala sa marka’ na para bang nabigo ito sa layunin ng Diyos para rito kundi, sa halip, nasapol nito ang ‘bull’s-eye,’ hindi lamang dahil ito’y naging mabuti at kapaki-pakinabang bilang isang giya at proteksiyon kundi dahil legal nitong pinatunayan na ang lahat ng tao, kasama ang mga Israelita, ay mga makasalanang nangangailangan ng katubusang mula sa Diyos. Inakay rin nito ang mga Israelita tungo kay Kristo bilang ang Manunubos na kailangan nila.
-