Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Naninirahang Dayuhan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Nang ibigay ang tipang Kautusan sa Bundok Sinai, kalakip doon ang pantanging mga batas na umuugit, sa isang napakamaibiging paraan, sa kaugnayan ng naninirahang dayuhan sa likas na Israelita. Palibhasa’y disbentaha sa kaniya ang pagiging hindi likas na Israelita, ang naninirahang dayuhan ay binibigyan ng pantanging konsiderasyon at proteksiyon sa ilalim ng tipang Kautusan, na naglalaman ng maraming probisyon para sa mahihina at sa mga madaling mapagsamantalahan. Paulit-ulit na itinawag-pansin ni Jehova sa Israel na alam nila mismo ang mga kapighatian ng isang naninirahang dayuhan na wala sa sarili niyang lupain kung kaya dapat nilang ipakita sa mga naninirahang dayuhang kasama nila ang pagkabukas-palad at pagsasanggalang na hindi ipinamalas sa kanila. (Exo 22:21; 23:9; Deu 10:18) Pangunahin na, ang naninirahang dayuhan, lalo na ang proselita, ay dapat pakitunguhang gaya ng isang kapatid.​—Lev 19:33, 34.

      Bagaman ipinahihintulot ng mga kundisyon ng tipang Kautusan na maging miyembro ng kongregasyon ng Israel ang mga tao mula sa lahat ng bansa kung tatanggapin nila ang tunay na pagsamba kay Jehova at magpapatuli sila, nagtatakda rin ito ng mga eksepsiyon at mga restriksiyon. Halimbawa, hindi makapapasok sa kongregasyon ang mga Ehipsiyo at mga Edomita hanggang sa ikatlong salinlahi, samakatuwid nga, ang ikatlong salinlahi na naninirahan sa lupain ng Israel. (Deu 23:7, 8) Hindi pinapasok sa kongregasyon ang mga anak sa ligaw at ang kanilang mga inapo “hanggang sa ikasampung salinlahi.” (Deu 23:2) Pinagbawalang makapasok ang mga Ammonita at mga Moabita “hanggang sa ikasampung salinlahi . . . hanggang sa panahong walang takda . . . Huwag kang gagawa ukol sa kanilang kapayapaan at sa kanilang kasaganaan sa lahat ng iyong mga araw hanggang sa panahong walang takda.” (Deu 23:3-6) Ang lahat ng restriksiyong ito ay kumakapit sa mga kalalakihan ng mga bansang ito. Gayundin, walang lalaking pinutulan ng kaniyang mga sangkap sa sekso ang maaaring maging miyembro ng kongregasyon.​—Deu 23:1.

      Ang naninirahang dayuhan na naging tinuling mananamba ay nasa ilalim ng iisang kautusan kasama ng mga Israelita, samakatuwid nga, dapat niyang sundin ang lahat ng kundisyon ng tipang Kautusan. (Lev 24:22) Ang ilang halimbawa nito ay: Kailangan niyang ipangilin ang Sabbath (Exo 20:10; 23:12) at ipagdiwang ang Paskuwa (Bil 9:14; Exo 12:48, 49), ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Exo 12:19), ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (Deu 16:10, 11), ang Kapistahan ng mga Kubol (Deu 16:13, 14), at ang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:29, 30). Maaari siyang maghandog ng mga hain (Bil 15:14) at dapat niyang gawin iyon sa paraang katulad ng itinakda para sa likas na Israelita. (Bil 15:15, 16) Dapat na walang dungis ang kaniyang mga handog (Lev 22:18-20) at dapat niyang dalhin ang mga ito sa pasukan ng tolda ng kapisanan gaya ng ginagawa ng likas na Israelita. (Lev 17:8, 9) Hindi siya maaaring magsagawa ng anumang huwad na pagsamba. (Lev 20:2; Eze 14:7) Kailangan niyang patuluin ang dugo ng hayop na napatay sa pangangaso at lilipulin siya kung kakainin niya iyon nang hindi napatulo ang dugo. (Lev 17:10-14) Maaari siyang mapatawad kasama ng likas na Israel para sa mga kasalanan ng buong komunidad. (Bil 15:26, 29) Kailangan niyang sundin ang mga pamamaraan ukol sa pagpapadalisay, halimbawa, kung naging marumi siya dahil sa paghipo sa bangkay ng tao. (Bil 19:10, 11) Maliwanag na ang naninirahang dayuhan na maaaring bigyan ng bangkay ng hayop na basta na lamang namatay ay yaong hindi naging ganap na mananamba ni Jehova.​—Deu 14:21.

      Sa mga hudisyal na usapin, ang naninirahang dayuhan ay dapat tumanggap ng katarungang walang pagtatangi sa mga kasong kinasasangkutan ng isang likas na Israelita. (Deu 1:16, 17) Hindi siya dapat dayain o isailalim sa baluktot na kahatulan. (Deu 24:14, 17) Isinusumpa ang mga hindi nakikitungo nang makatarungan sa mga naninirahang dayuhan. (Deu 27:19) Ang naninirahang dayuhan at ang nakikipamayan, gaya rin ng likas na Israelita, ay maaaring tumakas patungo sa mga kanlungang lunsod para sa nakapatay nang di-sinasadya.​—Bil 35:15; Jos 20:9.

      Ang mga naninirahang dayuhan, yamang wala silang lupaing mana, ay maaaring mga mangangalakal o mga upahang trabahador. Ang ilan ay mga alipin. (Lev 25:44-46) Posible silang yumaman. (Lev 25:47; Deu 28:43) Gayunman, sa pangkalahatan, ibinilang sila ng Kautusan sa uring dukha at nagtakda ito ng mga kaayusan upang maipagsanggalang at mapaglaanan sila. Halimbawa, maaaring makibahagi ang naninirahang dayuhan sa mga ikapung inilalaan tuwing ikatlong taon. (Deu 14:28, 29; 26:12) Ang mga himalay ng bukid at ng ubasan ay dapat iwan para sa kaniya. (Lev 19:9, 10; 23:22; Deu 24:19-21) Maaari siyang makinabang sa anumang tutubo sa panahon ng mga taon ng Sabbath. (Lev 25:6) Bilang isang upahang trabahador, bibigyan siya ng proteksiyong kapantay niyaong sa katutubong Israelita. Maaaring ipagbili ng isang dukhang Israelita ang kaniyang sarili sa isang mayamang naninirahang dayuhan. Sa ganitong kaso, ang Israelita ay dapat pakitunguhan nang may kabaitan, gaya ng isang upahang trabahador, at maaari siyang tubusin kailanman, marahil ay ng kaniyang sarili o ng isang kamag-anak o kaya, sa pinakamatagal na, palalayain siya sa ikapitong taon ng kaniyang paglilingkod o sa Jubileo.​—Lev 25:39-54; Exo 21:2; Deu 15:12.

  • Naninirahang Dayuhan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang nakikipamayan na isang di-tuling nananahanan sa lupain ay hindi maaaring kumain ng Paskuwa o ng anumang bagay na banal. (Exo 12:45; Lev 22:10) Kapag taon ng Sabbath at taon ng Jubileo, nakikinabang siyang kasama ng mga naninirahang dayuhan at ng mga dukha yamang maaari siyang makibahagi sa anumang ibinunga ng lupain. (Lev 25:6, 12) Siya o ang kaniyang supling ay maaaring bilhin ng mga Israelita bilang mga alipin at ipamana bilang permanenteng mana anupat walang karapatang tumubos o benepisyong mapalaya sa Jubileo. (Lev 25:45, 46) Sa kabilang dako, maaaring ipagbili ng isang Israelita ang kaniyang sarili bilang alipin sa isang nakikipamayan o sa mga miyembro ng pamilya nito, anupat nasa kaniya ang karapatang tumubos sa anumang panahon, gayundin ang paglaya sa kaniyang ikapitong taon ng pagkaalipin o sa Jubileo.​—Lev 25:47-54; Exo 21:2; Deu 15:12.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share