-
PangangalunyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PANGANGALUNYA
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang pangangalunya ay karaniwan nang tumutukoy sa kusang seksuwal na pakikipagtalik ng isang taong may-asawa sa isang di-kasekso na hindi niya asawa, o, noong panahong may bisa pa ang Kautusang Mosaiko, ang pakikipagtalik ng sinumang lalaki sa isang babaing may-asawa o ikakasal pa lamang.
-
-
PangangalunyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Dahil sa kautusan ni Jehova, naibukod ang Israel sa nakapalibot na mga bansa at naging mas mataas ang moral na kalagayan ng pag-aasawa at buhay pampamilya nito kaysa sa moralidad ng mga bansang iyon. Ang ikapitong utos ng Dekalogo ay tuwiran at malinaw na nagsasabi: “Huwag kang mangangalunya.” (Exo 20:14; Deu 5:18; Luc 18:20) Ipinagbawal ang panghihimasok sa nasasakupan ng iba sa pamamagitan ng pangangalunya, gayundin ang iba pang mga anyo ng maling paggawi sa sekso.—Tingnan ang PAKIKIAPID; PATUTOT.
Sa ilalim ng Kautusan ni Moises, mabigat ang parusa para sa pangangalunya—kamatayan para sa dalawang nagkasala: “Kung ang isang lalaki ay masumpungang sumisiping sa isang babaing pag-aari ng isang may-ari, silang dalawa ay dapat ngang mamatay na magkasama.” Ito ay kapit maging sa isang babaing ikakasal pa lamang, anupat itinuturing siyang nangalunya kung sumiping siya sa isang lalaki na hindi niya katipan. (Deu 22:22-24) Kung ang isang asawang babae ay pinaghihinalaang nangalunya, kailangan siyang sumailalim sa isang pagsubok.—Bil 5:11-31; tingnan ang HITA.
-