Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Karamdaman at Panggagamot
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Kadalasan, kapaki-pakinabang sa kalusugan ang pagtupad sa Kautusan. Bilang halimbawa, iniutos nito na tabunan ang dumi ng tao kapag sila’y nasa isang kampamento ng militar (Deu 23:9-14), sa gayo’y nagsisilbi itong malaking proteksiyon laban sa mga nakahahawang sakit na dala ng mga langaw gaya ng disintirya at tipus. Naiwasan ang kontaminasyon ng pagkain at tubig dahil espesipikong binanggit ng Kautusan na anumang bagay na mahulugan ng isang patay na ‘maruming’ nilalang ay ituturing na marumi at may mga hakbang na kailangang gawin, kasama na rito ang pagbasag sa narumhang sisidlang luwad.​—Lev 11:32-38.

      Kapansin-pansin na sinabi: “Ang paglaban sa sakit ay mahalaga sa batas na ito, na kung susundin ay malaki ang maitutulong upang maiwasan ang mga sakit na nakukuha sa pagkain gaya ng polioencephalitis, mga lagnat na may kaugnayan sa bituka, pagkalason sa pagkain, at mga parasitong bulati. Ang pagtiyak na malinis ang suplay ng tubig ang pinakaepektibong paraan upang mapigilan ang paglitaw at pagkalat ng mga karamdamang gaya ng amoebiasis, mga lagnat na may kaugnayan sa bituka, kolera, bilharziasis, at spirochetal jaundice. Ang mga pamamaraang ito ng paglaban sa sakit, na isang pangunahing bahagi ng alinmang sistema para sa kalusugang pambayan, ay partikular na mahalaga para sa kapakanan ng isang bansa na namumuhay sa primitibong mga kalagayan sa isang subtropikal na rehiyon ng lupa.”​—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 544, 545.

      Sa kaniyang aklat na The Bible and Modern Medicine, itinawag-pansin ni A. Rendle Short, M.D., na sa mga bansang nakapalibot sa sinaunang Israel, ang batas hinggil sa kalinisang pambayan, kung mayroon man, ay napakasimple lamang. Sinabi pa niya: “Kaya naman lalong nakagugulat malaman na ang aklat na tulad ng Bibliya, na sinasabing di-kaayon ng siyensiya, ay may kodigo ng kalinisan, at nakagugulat ding malaman na sa mga aklat ng batas ng isang bansa na kaaalpas pa lamang sa pagkaalipin, anupat madalas na dinadaluhong ng mga kaaway at dinadala sa pagkabihag sa pana-panahon, ay may napakahusay at napakamakatuwirang kodigo ng mga alituntuning pangkalusugan. Kinikilala ito ng mapananaligang mga awtoridad, kahit niyaong mga di-gaanong interesado sa relihiyosong aspekto ng Bibliya.”​—London, 1953, p. 37.

      Ayon sa Kautusan, kabilang ang kuneho at ang baboy sa mga hayop na bawal kainin ng mga Israelita. (Lev 11:4-8) Hinggil dito, sinabi ni Dr. Short: “Totoo, kumakain tayo ng baboy, rabit at kuneho, ngunit ang mga hayop na ito ay karaniwang may mga parasito at ligtas lamang kung lulutuing mabuti ang pagkain. Ang baboy ay kumakain ng maruruming bagay, at mayroon itong dalawang uri ng bulati, ang trichina at ang tape worm, na maaaring maipasa sa tao. Hindi ito gaanong mapanganib sa kasalukuyang mga kalagayan sa bansang ito, ngunit napakamapanganib nito sa sinaunang Palestina, at mas mabuti kung iiwasan noon ang pagkaing iyon.”​—The Bible and Modern Medicine, p. 40, 41.

      Sa espirituwal, mental, at pisikal na paraan, nagkaroon din ng mabuting epekto sa mga Israelita ang panghahawakan nila sa matuwid na mga kahilingan ni Jehova hinggil sa kalinisang-asal sa sekso. (Exo 20:14; Lev 18) Ang mga Kristiyanong nag-iingat ng moral na kalinisan ay nagtatamo rin ng mga kapakinabangan sa kalusugan. (Mat 5:27, 28; 1Co 6:9-11; Apo 21:8) Ang pagtupad sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya ay nagsisilbing proteksiyon laban sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik.

  • Karamdaman at Panggagamot
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Kuwarentenas. Ayon sa Kautusan, ang isang tao na may nakahahawang sakit o pinaghihinalaang mayroon nito ay dapat ikuwarentenas, samakatuwid nga, ibukod sa iba nang ilang panahon. Pitong-araw na kuwarentenas ang ipinatutupad kapag sinusuri ang mga tao, mga kasuutan, at iba pang mga gamit, o mga bahay, kung mayroon bang ketong ang mga ito. (Lev 13:1-59; 14:38, 46) Gayundin, ang isang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw kapag nakahipo siya ng bangkay ng tao. (Bil 19:11-13) Bagaman hindi sinasabi ng Kasulatan kung pangkalusugan ang layunin ng kababanggit na tuntunin, naglaan ito ng proteksiyon sa ibang indibiduwal sakaling ang ikinamatay ng taong iyon ay nakahahawang sakit.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share