Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Arabia
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Mga Tribong Arabe. Sa Arabia namayan ang marami sa mga pamilyang nabuhay pagkaraan ng Baha na nakatala sa Genesis kabanata 10. Sa Semitikong sanga, naging anak ni Joktan ang mga ulo ng mga 13 iba’t ibang tribong Arabe; samantalang ang tatlo sa mga inapo ni Aram, sina Uz, Geter, at Mas, ay lumilitaw na namayan sa lugar ng H Arabia at ng Disyerto ng Sirya. (Gen 10:23, 26-29) Ang nagtotoldang mga Ismaelita ay nagpagala-gala sa Peninsula ng Sinai, tumawid sa H Arabia at nakarating hanggang sa Asirya. (Gen 25:13-18) Ang mga Midianita ay pangunahin nang nanirahan sa HK bahagi ng Arabia di-kalayuan sa S ng Gulpo ng ʽAqaba. (Gen 25:4) Naging pinakasentro ng pananahanan ng mga inapo ni Esau ang mga bulubunduking pook ng Edom sa dakong TS ng Dagat na Patay. (Gen 36:8, 9, 40-43) Mula sa Hamitikong sanga, ang ilang inapo ni Cus, kabilang na si Havila, si Sabta, si Raama at ang kaniyang mga anak na sina Sheba at Dedan, at si Sabteca, ay waring pangunahin nang nanirahan sa timugang bahagi ng Peninsula ng Arabia.​—Gen 10:7.

      Binabanggit sa sinaunang mga inskripsiyong Asiryano at Babilonyo ang iba’t ibang tribo ng Arabia. Itinala ni Salmaneser III si “Gindibuʼ, mula sa Arabia.” Binanggit sina Zabibe at Samsi bilang mga reynang Arabe sa mga inskripsiyon ni Tiglat-pileser III. Binanggit ni Sargon II sina “Samsi, reyna ng Arabia (at) Itʼamar na Sabeano.” Tinukoy sa iba pang mga inskripsiyong cuneiform ang Sabai, ang Nabaiti, ang Qidri, at ang Idibaili, ang Masai, at ang Temai.​—Ihambing ang Gen 25:3, 13-15.

      Mga Pagtukoy sa Bibliya. Ang Hadhramaut, isa sa apat na pangunahing sinaunang kaharian ng Timog Arabia, ay karaniwan nang iniuugnay kay Hazarmavet ng Genesis 10:26. Ang Wadi Hadhramaut, isang mahabang libis na kahilera ng T na baybayin ng Arabia, ang sentro ng kahariang iyon na ang kabisera ay nasa Shabwa. Ang iba pang mga pangalan sa Bibliya na lumilitaw bilang mga lugar sa Arabia ay ang Dedan, Tema, Duma, at Buz.​—Isa 21:11-14; Jer 25:23, 24.

      Dumaan si Abraham sa gilid ng Arabia nang mandayuhan siya mula sa Ur ng mga Caldeo patungo sa lupain ng Canaan. Sa kalaunan, nang kailanganin niyang bumaba sa Ehipto, maaaring dumaan siya sa isang bahagi ng Arabia sa pamamagitan ng pagbagtas sa hilagaang bahagi ng Peninsula ng Sinai (sa halip na tahakin ang ruta sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo), gayundin noong maglakbay siya pabalik. (Gen 12:10; 13:1) Ang tagpo ng drama sa aklat ng Job ay sa lupain ng Uz na nasa hilagang Arabia (Job 1:1), at ang mga manlulusob na Sabeano na sumalakay sa mga ari-arian ng taong ito na “pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan” ay mula sa isang tribong Arabe na maaaring nagmula kay Joktan. (Job 1:3, 15; Gen 10:26-28) Ang tatlong “mang-aaliw” ni Job at si Elihu ay waring nagmula rin sa mga lugar sa Arabia. (Job 2:11; 32:2) Gumugol si Moises ng 40 taon sa Arabia noong nakikipamayan siya sa Midianitang si Jetro. (Exo 2:15–3:1; Gaw 7:29, 30)

  • Arabia
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Kahariang Himyarita, na humawak ng kontrol sa Timog Arabia noong mga 115 B.C.E., ay may kabisera sa Zafar (ipinapalagay ng ilan na ang Separ sa Genesis 10:30). Sa dakong H, ang mga Nabateano (posibleng nagmula kay Nebaiot ng Genesis 25:13), na ang kabisera ay nasa Petra sa mabatong mga bangin ng Edom, ay naging makapangyarihan mula noong ikaapat na siglo B.C.E. Nang maglaon, sinakop din nila ang buong T na bahagi ng Negeb at pati ang Moab at ang rehiyon sa S ng Jordan. Sa loob ng ilang taon noong unang siglo B.C.E. at muli noong unang siglo C.E., pinamahalaan nila ang Damasco. Ang kanilang hari na si Aretas IV (mga 9 B.C.E.–40 C.E.) ay binabanggit sa 2 Corinto 11:32 may kaugnayan sa pagtakas ni Pablo mula sa Damasco, na inilalarawan sa Gawa 9:23-25. Pinakasalan ni Herodes Antipas ang anak ni Aretas IV ngunit diniborsiyo niya ito upang mapangasawa si Herodias.​—Mar 6:17; tingnan ang ARETAS.

  • Arabe
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Maraming tribong Arabe ang Semitiko, anupat nagmula kay Sem sa pamamagitan ni Joktan; ang iba naman ay Hamitiko at nagmula sa anak ni Ham na si Cus. (Gen 10:6, 7, 26-30) Ang ilan sa mga inapo ni Abraham kina Hagar at Ketura ay nanirahan din sa Arabia, gaya ng mga anak ni Ismael na ‘nagtabernakulo mula sa Havila malapit sa Sur, na nasa tapat ng Ehipto, hanggang sa Asirya.’ (Gen 25:1-4, 12-18) Ang mga supling ni Esau, na nanirahan sa bulubunduking pook ng Seir, ay saklaw rin ng pangkalahatang klasipikasyon na Arabe.​—Gen 36:1-43.

      Ang karamihan sa mga Arabe noon ay mga pastol na pagala-gala na naninirahan sa mga tolda. (Isa 13:20; Jer 3:2) Ang iba ay mga negosyante, at binabanggit sa ulat na ang ilan ay mga mangangalakal para sa Tiro. (Eze 27:21) Ang mga lingkod ng Diyos ay nagkaroon ng maraming pakikipag-ugnayan sa kanila. Ang mga mangangalakal na Midianitang patungo sa Ehipto kung kanino ipinagbili si Jose ay mga Arabe, gaya rin ng mga Sabeano mula sa T Arabia na lumusob at kumuha sa mga baka at mga asnong babae ni Job. (Gen 37:28; Job 1:1, 15) Noong panahon ng 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang, napahamak sila dahil sa pakikipag-ugnayan sa mga Midianitang mananamba ni Baal (Bil 25:6, 14-18), at noon namang kapanahunan ng mga Hukom, pulu-pulutong na mga Arabeng nakasakay sa kamelyo ang laging lumulusob sa Israel sa loob ng pitong taon, hanggang noong dumanas sila ng matinding pagkatalo sa kamay ni Hukom Gideon.​—Huk 6:1-6; 7:12-25.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share