-
KalendaryoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Bago pa man lalangin ang tao, inilaan na ng Diyos ang batayan ng pagsukat ng panahon sa gayong paraan. Sinasabi sa atin ng Genesis 1:14, 15 na ang isa sa mga layunin ng “mga tanglaw sa kalawakan ng langit” ay para sa “mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” Kung gayon, ang araw na solar, ang taóng solar, at ang buwang lunar ay mga likas na dibisyon ng panahon, anupat ang mga ito ay inuugitan ng araw-araw na pag-inog ng lupa sa axis nito, ng taunang pag-ikot nito sa palibot ng araw, at ng buwanang pagbabagu-bago ng hugis ng buwan depende sa lokasyon nito may kaugnayan sa lupa at araw.
-
-
KalendaryoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Nang maglaon, ginamit na rin ang buwanang dibisyon ng panahon. Pagsapit ng Baha, ang panahon ay hinati-hati sa mga buwan na may tig-30 araw, at ipinakikita ito ng ulat na nagsasabing ang isang yugto na may habang 5 buwan ay katumbas ng 150 araw. (Gen 7:11, 24; 8:3, 4) Ipinahihiwatig din ng ulat na ito na hinati-hati ni Noe ang taon sa 12 buwan.—Tingnan ang TAON.
-
-
KalendaryoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang sinaunang mga kalendaryo ay pangunahin nang mga kalendaryong lunar, samakatuwid nga, ang mga buwan [month] ng bawat taon ay binibilang ayon sa kumpletong mga siklo ng buwan [moon], halimbawa, mula sa isang bagong buwan [new moon] hanggang sa susunod na bagong buwan [new moon]. Sa katamtaman, ang gayong lunasyon ay tumatagal nang mga 29 na araw, 12 oras, at 44 na minuto. Ang mga buwan [month] ay kadalasan nang binibilang nang may tig-29 o tig-30 araw, ngunit sa rekord ng Bibliya, ang terminong “buwan” [month] ay karaniwan nang nangangahulugan ng 30 araw.—Ihambing ang Deu 21:13; 34:8; gayundin ang Apo 11:2, 3.
Ang isang taon na may 12 buwang lunar ay mas maikli nang mga 11 araw kaysa sa isang taóng solar na may 365 1/4 na araw. Yamang sa taóng solar ibinabatay ang pagpapalit ng mga kapanahunan [season], kinailangang ayusin ang kalendaryo upang maiayon sa taóng solar na ito, at ang resulta ay ang tinatawag na mga taóng lunisolar, o bound solar—samakatuwid nga, mga taóng solar na ang mga buwan ay lunar. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng ilang araw sa bawat taon o sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang buwan sa ilang espesipikong taon upang mapunan ang kakulangan ng 12 buwang lunar.
-
-
KalendaryoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Hindi tinutukoy ng Bibliya kung anong pamamaraan ang orihinal na ginamit upang tiyakin kung kailan magsisingit ng karagdagang mga araw o ng isang karagdagan, o intercalary, na buwan. Gayunman, makatuwirang isipin na nagsilbing giya ang alinman sa vernal equinox o autumnal equinox upang matiyak kung nahuhulí ang mga kapanahunan anupat kailangan nang ayusin ang kalendaryo. Upang maisagawa ito, nagdagdag ang mga Israelita ng isang ika-13 buwan, na bagaman hindi espesipikong binanggit sa Bibliya ay tinawag, noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, na Veadar, o ang ikalawang Adar.
Noong ikaapat na siglo lamang ng ating Karaniwang Panahon (mga 359 C.E.) nagkaroon ng rekord ng isang pamantayang kalendaryong Judio nang itakda ni Hillel II na ang ika-3, ika-6, ika-8, ika-11, ika-14, ika-17, at ika-19 na mga taon ng bawat 19 na taon ang magiging mga leap year na may tig-13 buwan. Ang siklong ito ng 19 na taon ay karaniwang tinatawag na Metonic cycle, na isinunod sa pangalan ng Griegong matematiko na si Meton (nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E.), bagaman mayroon ding katibayan na nakalkula na ng mga Babilonyong nauna sa kaniya ang siklong ito. (Tingnan ang Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, nina R. A. Parker at W. H. Dubberstein, 1971, p. 1, 3, 6.) Sa siklong ito, ang mga bagong buwan [new moon] at mga kabilugan ng buwan ay pumapatak sa gayunding mga araw ng taóng solar tuwing ika-19 na taon.
Ang saklaw ng mga buwang Judio ay mula sa bagong buwan [new moon] hanggang sa sumunod na bagong buwan [new moon]. (Isa 66:23) Kaya naman, isang salitang Hebreo, choʹdhesh, na isinasalin bilang “buwan” (month; Gen 7:11) o “bagong buwan” (new moon; 1Sa 20:27), ang nauugnay sa cha·dhashʹ na nangangahulugang “bago.” Ang isa pang salita para sa buwan [month], yeʹrach, ay isinasaling “buwang lunar.” (1Ha 6:38) Nang maglaon, upang ipaalam sa taong-bayan ang pagpapasimula ng isang bagong buwan [new month], ginamit ang mga hudyat na apoy o kaya’y may mga mensaherong isinusugo.
Sa Bibliya, kadalasa’y tinutukoy ang indibiduwal na mga buwan depende sa kung pang-ilang buwan ito ng taon, mula sa ika-1 hanggang sa ika-12. (Jos 4:19; Bil 9:11; 2Cr 15:10; Jer 52:6; Bil 33:38; Eze 8:1; Lev 16:29; 1Ha 12:32; Ezr 10:9; 2Ha 25:1; Deu 1:3; Jer 52:31) Bago ang pagkatapon sa Babilonya, apat na pangalan lamang ng mga buwan ang binanggit, samakatuwid nga, Abib, ang unang buwan (Exo 13:4); Ziv, ang ikalawa (1Ha 6:37); Etanim, ang ikapito (1Ha 8:2); at Bul, ang ikawalo (1Ha 6:38). Ang mga kahulugan ng mga pangalang ito ay may kaugnayan sa mga kapanahunan, anupat karagdagang ebidensiya ng paggamit sa taóng lunisolar.—Tingnan ang indibiduwal na mga buwan ayon sa pangalan.
Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, mga pangalan ng mga buwan sa Babilonya ang ginamit ng mga Israelita, at pito sa mga ito ang binanggit: Nisan, ang ika-1 buwan, kapalit ng Abib (Es 3:7); Sivan, ang ika-3 buwan (Es 8:9); Elul, ang ika-6 (Ne 6:15); Kislev, ang ika-9 (Zac 7:1); Tebet, ang ika-10 (Es 2:16); Sebat, ang ika-11 (Zac 1:7); at Adar, ang ika-12 (Ezr 6:15).
Lumilitaw naman sa Judiong Talmud at sa iba pang mga akda ang mga pangalan ng nalalabing limang buwan. Ang mga iyon ay ang Iyyar, ang ika-2 buwan; Tamuz, ang ika-4; Ab, ang ika-5; Tisri, ang ika-7; at Heshvan, ang ika-8. Ang ika-13 buwan, na isinisingit sa pana-panahon, ay pinanganlang Veadar, o ang ikalawang Adar.
Nang bandang huli, tinakdaan na ng espesipikong bilang ng mga araw ang karamihan sa mga buwan. Ang Nisan (Abib), Sivan, Ab, Tisri (Etanim), at Sebat ay laging may tig-30 araw; ang Iyyar (Ziv), Tamuz, Elul, at Tebet naman ay laging may tig-29 na araw. Gayunman, ang Heshvan (Bul), Kislev, at Adar, ay maaaring magkaroon ng tig-29 o tig-30 araw. Ang di-permanenteng bilang ng mga araw ng mga buwang ito ay nakatulong upang makagawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kalendaryong lunar at upang huwag pumatak ang ilang kapistahan sa mga araw na ipinagbawal ng mga Judiong lider ng relihiyon nang maglaon.
-