-
JehovaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Dahil dito, hindi rin masusumpungan ang pangalan sa maraming salin ng tinatawag na Bagong Tipan. Gayunman, ang pinaikling anyo ng pangalan ay lumilitaw sa mga saling ito sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6, sa pananalitang “Alleluia” o “Hallelujah” (KJ, Dy, JB, AS, RS). Doon, sa panawagan ng mga espiritung anak ng Diyos na “Purihin ninyo si Jah!” (NW), ipinakikitang hindi pa lipas ang banal na pangalan; ito ay napakahalaga pa rin gaya noong yugto bago ang panahong Kristiyano. Kung gayon, bakit wala sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kumpletong pangalan?
Bakit wala ang kumpletong banal na pangalan sa alinmang sinaunang manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na taglay natin?
Matagal nang ipinangangatuwiran ng ilan na ang kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sumipi mula sa Hebreong Kasulatan ng Septuagint, at na yamang hinalinhan ng bersiyong ito ng Kyʹri·os o The·osʹ ang Tetragrammaton, hindi ginamit ng mga manunulat na iyon ang pangalang Jehova. Gaya ng naipakita na, hindi na katanggap-tanggap ang argumentong ito. Upang ipakita na talagang masusumpungan sa pinakamatatandang pira-piraso ng Griegong Septuagint ang banal na pangalan sa anyong Hebreo nito, sinabi ni Dr. P. Kahle: “Alam na natin ngayon na ang Griegong teksto ng Bibliya [ang Septuagint], na isinulat ng mga Judio para sa mga Judio ay hindi nagsalin ng Banal na pangalan sa pamamagitan ng kyrios, kundi ang Tetragrammaton na isinulat gamit ang mga titik na Hebreo o Griego ay pinanatili sa gayong MSS [mga manuskrito]. Ang mga Kristiyano ang naghalili ng kyrios para sa Tetragrammaton, noong hindi na maintindihan ang banal na pangalan na nakasulat sa mga titik Hebreo.” (The Cairo Geniza, Oxford, 1959, p. 222) Kailan naganap ang pagbabagong ito sa mga saling Griego ng Hebreong Kasulatan?
Maliwanag na naganap ito noong mga siglo pagkamatay ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Sa bersiyong Griego ni Aquila, na mula noong ikalawang siglo C.E., lumilitaw pa rin ang Tetragrammaton sa mga titik Hebreo. Noong mga 245 C.E., inilabas ng kilaláng iskolar na si Origen ang kaniyang Hexapla, isang reproduksiyon ng kinasihang Hebreong Kasulatan na may anim na tudling: (1) ang orihinal na Hebreo at Aramaiko nito, lakip ang (2) isang transliterasyon sa Griego, at ang mga bersiyong Griego (3) ni Aquila, (4) ni Symmachus, (5) ng Septuagint, at (6) ni Theodotion. Salig sa ebidensiya mula sa pira-pirasong mga kopya na natuklasan, sinabi ni Propesor W. G. Waddell: “Sa Hexapla ni Origen . . . ang mga bersiyong Griego ni Aquila, ni Symmachus, at ng LXX [Septuagint] ay pawang nagtala sa JHWH bilang ΠΙΠΙ; sa ikalawang tudling ng Hexapla, ang Tetragrammaton ay nakasulat sa mga titik Hebreo.” (The Journal of Theological Studies, Oxford, Tomo XLV, 1944, p. 158, 159) Naniniwala naman ang iba na ang orihinal na teksto ng Hexapla ni Origen ay gumamit ng mga titik Hebreo para sa Tetragrammaton sa lahat ng tudling nito. Sa komento ni Origen tungkol sa Awit 2:2, sinabi niya mismo na “sa pinakatumpak na mga manuskrito, ANG PANGALAN ay lumilitaw sa mga titik Hebreo, ngunit hindi sa [mga titik] Hebreo sa ngayon kundi sa pinakasinaunang mga titik.”—Patrologia Graeca, Paris, 1862, Tomo XII, tud. 1104.
Kahit noong ikaapat na siglo C.E., sinabi ni Jerome, ang tagapagsalin ng Latin na Vulgate, sa kaniyang prologo sa mga aklat ng Mga Samuel at Mga Hari: “At matatagpuan natin ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton [samakatuwid nga, יהוה], sa ilang tomong Griego maging hanggang sa araw na ito anupat nakasulat iyon sa sinaunang mga titik.” Sa isang liham na isinulat sa Roma noong 384 C.E., sinabi ni Jerome: “Ang ikasiyam [na pangalan ng Diyos] ay ang Tetragrammaton, na itinuring nilang [a·nek·phoʹne·ton], samakatuwid nga, hindi dapat bigkasin, at isinusulat iyon sa ganitong mga titik, Iod, He, Vau, He. Ang ilang ignorante, dahil sa pagkakahawig ng mga titik, kapag nasusumpungan nila iyon sa mga aklat na Griego, ay nahirating basahin iyon na ΠΙΠΙ [mga titik Griego na katumbas ng mga titik Romano na PIPI].”—Papyrus Grecs Bibliques, ni F. Dunand, Cairo, 1966, p. 47, tlb. 4.
Samakatuwid, ang diumano’y mga Kristiyano na “naghalili ng kyrios para sa Tetragrammaton” sa mga kopya ng Septuagint ay hindi ang unang mga alagad ni Jesus. Sila ay mga taong nabuhay noong mas huling mga siglo, nang tuluyan nang lumaganap ang inihulang apostasya at mapasamâ na nito ang kadalisayan ng mga turong Kristiyano.—2Te 2:3; 1Ti 4:1.
Ginamit ni Jesus at ng mga alagad. Kaya naman noong mga araw ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang banal na pangalan ay talagang lumilitaw sa mga kopya ng Kasulatan, kapuwa sa mga manuskritong Hebreo at mga manuskritong Griego. Ginamit ba ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang banal na pangalan sa pagsasalita at sa pagsulat? Kung isasaalang-alang ang paghatol ni Jesus sa mga tradisyong Pariseo (Mat 15:1-9), hindi makatuwirang ipalagay na magpapaimpluwensiya si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa mga ideyang Pariseo (gaya niyaong mga nakasulat sa Mishnah) hinggil sa bagay na ito. Ang mismong pangalan ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Sinabi niya: “Ako ay pumarito sa pangalan ng aking Ama” (Ju 5:43); tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan” (Mat 6:9); sinabi niyang ang kaniyang mga gawa ay ginawa “sa pangalan ng aking Ama” (Ju 10:25); at, habang nananalangin noong gabi bago siya mamatay, sinabi niya na inihayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama sa kaniyang mga alagad at hiniling niya, “Amang Banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan” (Ju 17:6, 11, 12, 26). Kung isasaalang-alang ang lahat ng ito, kapag sumisipi si Jesus sa Hebreong Kasulatan o bumabasa mula sa mga iyon, tiyak na ginamit niya ang banal na pangalang Jehova. (Ihambing ang Mat 4:4, 7, 10 sa Deu 8:3; 6:16; 6:13; gayundin ang Mat 22:37 sa Deu 6:5; at ang Mat 22:44 sa Aw 110:1; gayundin ang Luc 4:16-21 sa Isa 61:1, 2.) Dahil dito, makatuwiran lamang na susundin ng mga alagad ni Jesus, pati na ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang halimbawa niya sa bagay na ito.
Ngunit bakit wala ang pangalan sa umiiral na mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan o sa tinatawag na Bagong Tipan? Maliwanag na ito’y dahil nang panahong gawin ang mga kopyang iyon (mula noong ikatlong siglo C.E.), nabago na ang orihinal na teksto ng mga isinulat ng mga apostol at mga alagad. Kaya tiyak na inihalili ng mas huling mga tagakopya ang Kyʹri·os at The·osʹ sa banal na pangalang nasa anyong Tetragrammaton. (LARAWAN, Tomo 1, p. 324) Ipinakikita ng mga ebidensiya na ganito mismo ang ginawa sa mas huling mga kopya ng saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan.
Pagsasauli ng banal na pangalan sa mga salin. Palibhasa’y kinikilala ng ilang tagapagsalin na malamang na ganito nga ang nangyari, inilakip nila ang pangalang Jehova sa kanilang mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang The Emphatic Diaglott, isang salin ni Benjamin Wilson noong ika-19 na siglo, ay maraming beses na kababasahan ng pangalang Jehova, partikular na sa mga sinipi ng mga manunulat na Kristiyano mula sa Hebreong Kasulatan. Ngunit noon pa mang 1533, sa salin ni Anton Margaritha, ang Tetragrammaton ay nagsimula nang lumitaw sa mga salin ng Kristiyanong Kasulatan tungo sa Hebreo. Nang maglaon, sa maraming katulad na salin tungo sa Hebreo, ginamit ng mga tagapagsalin ang Tetragrammaton sa mga dako na doo’y sinipi ng kinasihang manunulat ang isang talata ng Hebreong Kasulatan na kababasahan ng banal na pangalan.
Ilan lamang sa maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit sa banal na pangalan:
The New Testament of Our Lord and Saviour Jesus Christ, isinalin ni John Eliot (wikang Massachuset); inilathala sa Cambridge, Mass.; 1661; Mateo 21:9
An English Version of the New Testament . . . From the Text of the Vatican Manuscript, ni Herman Heinfetter; inilathala sa London; 1864; Marcos 12:29, 30
Novum Testamentum Domini Nostri Iesu Christi, isinalin ni Elias Hutter (seksiyong Hebreo); inilathala sa Nuremburg; 1599; Efeso 5:17
Sämtliche Schriften des Neuen Testaments, isinalin ni Johann Jakob Stolz (Aleman); inilathala sa Zurich; 1781-1782; Roma 15:11
Hinggil sa pagiging wasto ng pamamaraang ito, pansinin ang sumusunod na pananalita ni R. B. Girdlestone, ang yumaong prinsipal ng Wycliffe Hall, Oxford. Sinabi niya ito bago nagkaroon ng ebidensiya mula sa mga manuskrito na nagpapakitang ang Griegong Septuagint ay dating kababasahan ng pangalang Jehova. Ang sabi niya: “Kung pinanatili ng bersiyong [Septuagint na] iyon ang salita [na Jehova], o kung gumamit man lamang iyon ng isang salitang Griego para sa Jehova at iba naman para sa Adonai, tiyak na ang gayong paggamit ay pananatilihin sa mga diskurso at mga argumento ng B. T. Kaya naman nang sipiin ng ating Panginoon ang ika-110 Awit, sa halip na sabihing, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,’ maaaring sinabi niya, ‘Sinabi ni Jehova sa Adoni.’”
Batay sa mismong saligang ito (na ipinakikita ngayon ng ebidensiya bilang totoo), idinagdag niya: “Ipalagay nang isinasalin ng isang Kristiyanong iskolar ang Griegong Tipan tungo sa Hebreo, kakailanganin niyang pag-isipan, tuwing lilitaw ang salitang Κύριος, kung may anumang indikasyon sa konteksto na nagpapahiwatig sa tunay na katumbas niyaon sa Hebreo; at ito ang suliraning babangon sa pagsasalin sa B. T. tungo sa lahat ng wika kung ang titulong Jehova ay pinanatili sa [saling Septuagint ng] M. T. Sa maraming talata, ang Hebreong Kasulatan ay maaaring magsilbing giya: sa gayon, saanman lumilitaw ang pananalitang ‘ang anghel ng Panginoon,’ alam natin na ang salitang Panginoon ay kumakatawan sa Jehova; gayundin ang magiging konklusyon may kinalaman sa pananalitang ‘ang salita ng Panginoon,’ kung susundin ang saligang inilatag ng M. T.; gayundin sa kaso ng titulong ‘ang Panginoon ng mga Hukbo.’ Sa kabaligtaran, saanman lumilitaw ang pananalitang ‘Aking Panginoon’ o ‘Ating Panginoon,’ dapat nating malaman na hindi katanggap-tanggap ang salitang Jehova, at Adonai o Adoni ang dapat gamitin.” (Synonyms of the Old Testament, 1897, p. 43) Gayong saligan ang ginamit ng nabanggit na mga salin ng Griegong Kasulatan na kababasahan ng pangalang Jehova.
Gayunman, namumukod-tangi sa bagay na ito ang Bagong Sanlibutang Salin, na ginagamit sa buong akdang ito, kung saan ang banal na pangalan sa anyong “Jehova” ay lumilitaw nang 237 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gaya ng naipakita na, matibay ang saligan para rito.
-