Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Solomon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Tinangka ni Adonias na Agawin ang Trono. Pagkapanganak kay Solomon, ang sumunod na pagbanggit sa kaniya sa ulat ng Kasulatan ay noong panahong matanda na si David. Tiyak na dahil sa pangako ni Jehova, si David ay sumumpa noon kay Bat-sheba na si Solomon ang hahalili sa kaniya sa trono. Alam ito ng propetang si Natan. (1Ha 1:11-13, 17) Hindi sinasabi kung alam din ito ng kapatid sa ama ni Solomon na si Adonias. Anuman ang kalagayan, tinangka ni Adonias na kunin ang trono sa paraang katulad ng ginawa ni Absalom. Marahil ay dahil mahina na ang hari at dahil sinusuportahan si Adonias ni Joab na pinuno ng hukbo at ni Abiatar na saserdote, nagtiwala siya na magtatagumpay siya. Gayunpaman, ang pagkilos na iyon ay isang kataksilan, isang pagsisikap na agawin ang trono habang buháy pa si David anupat walang pagsang-ayon ni David o ni Jehova. Gayundin, isiniwalat ni Adonias ang kaniyang katusuhan nang isaayos niya ang isang paghahain sa En-rogel, kung saan niya binalak na maideklara siya bilang hari. Ang inanyayahan lamang niya ay ang ibang mga anak ng hari at ang mga tao ng Juda, na mga lingkod ng hari, ngunit hindi niya isinali si Solomon, si Natan na propeta, si Zadok na saserdote, at ang makapangyarihang mga lalaki na nakasama ni David sa labanan, pati na si Benaias na lider ng mga ito. Ipinahihiwatig nito na itinuring ni Adonias si Solomon na isang karibal at isang hadlang sa kaniyang mga ambisyon.​—1Ha 1:5-10.

  • Solomon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Subersibong Kahilingan ni Adonias. Di-nagtagal at kinailangang kumilos si Solomon upang isagawa ang mga tagubilin ni David may kinalaman kay Joab. Ibinunsod ito ng pagkilos ni Adonias, na nag-aambisyon pa rin sa kabila ng awa na ipinakita sa kaniya ni Solomon. Nilapitan ni Adonias ang ina ni Solomon at sinabi: “Alam na alam mo na ang paghahari ay magiging akin sana, at sa akin itinuon ng buong Israel ang kanilang mukha upang ako ang maging hari; ngunit ang paghahari ay nabaling at napasaaking kapatid, sapagkat si Jehova ang dahilan kung kaya iyon ay naging kaniya.” Dito ay kinilala ni Adonias na si Jehova ang nasa likod ng pagluklok ni Solomon sa trono, ngunit ang kaniyang kahilingan na kasunod ng mga salitang iyon ay isa pang tusong pagtatangka upang maagaw ang pagkahari. Sinabi niya kay Bat-sheba: “Pakisuyo, sabihin mo kay Solomon na hari . . . na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.” Maaaring inakala ni Adonias na marami siyang tagasunod, bukod pa sa pagsuporta nina Joab at Abiatar, anupat, sa pagkuha sa tagapag-alaga ni David, na itinuturing na isang babae ni David, bagaman hindi ito sinipingan ni David, makapagpapasimula siya ng isang paghihimagsik na maaaring makapagpabagsak kay Solomon. Ayon sa kaugalian, ang mga asawa at mga babae ng isang hari ay maaari lamang mapunta sa kaniyang legal na kahalili, anupat ang pagkuha sa gayong mga asawa ay itinuturing na pag-angkin sa trono. (Ihambing ang 2Sa 16:21, 22.) Palibhasa’y hindi natanto ni Bat-sheba ang pagiging tuso ni Adonias, itinawid niya kay Solomon ang kahilingan nito, na kaagad namang naunawaan ni Solomon na isang pagtatangka upang agawin ang pagkahari kung kaya agad niyang isinugo si Benaias upang patayin si Adonias.​—1Ha 2:13-25.

      Inalis sa tungkulin si Abiatar; ipinapatay si Joab. Pagkatapos ay pinagtuunan ni Solomon ng pansin ang mga nakipagsabuwatan kay Adonias. Inalis si Abiatar sa pagkasaserdote bilang katuparan ng salita ni Jehova laban sa sambahayan ni Eli (1Sa 2:30-36), ngunit hindi siya pinatay, sapagkat dinala niya noon ang Kaban sa harap ni David at dumanas siya ng kapighatian kasama nito. Si Zadok ang humalili kay Abiatar. Samantala, nang makarating kay Joab ang tungkol sa pagkilos ni Solomon, siya ay tumakas at humawak sa mga sungay ng altar, ngunit pinatay siya roon ni Benaias sa utos ni Solomon.​—1Ha 2:26-35.

      Ipinapatay si Simei. Pinanumpa rin ni Solomon si Simei na sundin ang ilang pagbabawal, sapagkat isinumpa ng lalaking ito ang kaniyang amang si David. Pagkaraan ng mga tatlong taon, nang labagin ni Simei ang pagbabawal na ito, ipinapatay siya ni Solomon. Sa gayon ay lubusang naisagawa ang utos ni David kay Solomon.​—1Ha 2:36-46.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share