Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Josue
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Mga Ginawa Bilang Kahalili ni Moises. Pagkamatay ni Moises, si Josue ay naghanda nang pumasok sa Lupang Pangako. Nagsugo siya ng mga opisyal upang tagubilinan nila ang mga Israelita na maghanda nang tawirin ang Jordan pagkaraan ng tatlong araw; ipinaalaala niya sa mga Gadita, sa mga Rubenita, at sa kalahati ng tribo ni Manases ang kanilang obligasyon na tumulong sa pagsakop sa lupain; at nagsugo siya ng dalawang lalaki upang tiktikan ang Jerico at ang nakapalibot na lupain.​—Jos 1:1–2:1.

      Nang makabalik ang dalawang tiktik, nilisan ng mga Israelita ang Sitim at nagkampo malapit sa Jordan. Nang sumunod na araw, makahimalang pinatigil ni Jehova ang tubig ng Jordan, anupat nakatawid ang bansa sa tuyong lupa. Bilang pinakaalaala ng pangyayaring ito, nagbunton si Josue ng 12 bato sa gitna ng pinakasahig ng ilog at ng 12 bato sa Gilgal, ang unang kampamento ng Israel sa K ng Jordan. Gumawa rin siya ng mga kutsilyong batong pingkian para tuliin ang lahat ng lalaking Israelita na ipinanganak sa ilang. Kaya pagkaraan ng mga apat na araw, sila ay nasa angkop na kalagayan upang magdiwang ng Paskuwa.​—Jos 2:23–5:11.

      Nang maglaon, malapit sa Jerico, isang anghelikong prinsipe ang nagpakita kay Josue at nagbigay sa kaniya ng tagubilin kung paano bibihagin ang lunsod na iyon. Gayon nga ang ginawa ni Josue at, pagkatapos na italaga ang Jerico sa pagkapuksa, bumigkas siya ng isang makahulang sumpa laban sa isa na muling magtatayo nito sa hinaharap, na natupad pagkaraan ng mahigit 500 taon. (Jos 5:13–6:26; 1Ha 16:34) Pagkatapos ay kumilos siya laban sa lunsod ng Ai. Sa pasimula ay natalo ang hukbong Israelita na binubuo ng mga 3,000 lalaki, yamang hindi sila tinulungan ni Jehova dahil sa pagsuway ni Acan nang kumuha ito ng samsam mula sa Jerico para sa kaniyang sarili. Pagkatapos na pagbabatuhin ng Israel si Acan at ang kaniyang sambahayan dahil sa pagkakasalang ito, tinambangan ni Josue ang Ai at ginawa itong isang tiwangwang na bunton.​—Jos 7:1–8:29.

      Pagkatapos nito, ang buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae, mga bata, at mga naninirahang dayuhan, ay pumaroon sa kapaligiran ng Bundok Ebal. Doon sa Bundok Ebal, nagtayo si Josue ng isang altar ayon sa mga detalyeng binanggit sa Kautusan. Habang ang kalahati ng kongregasyon ay nakatayo sa harap ng Bundok Gerizim at ang kalahati naman ay nasa harap ng Bundok Ebal, binasa ni Josue sa kanila ang “kautusan, ang pagpapala at ang sumpa.” “Walang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Moises ang hindi binasa ni Josue nang malakas.”​—Jos 8:30-35.

      Nang makabalik na sa kanilang kampo sa Gilgal, si Josue at ang mga pinuno ng Israel ay dinalaw ng mga mensaherong Gibeonita. Palibhasa’y nabatid ng mga Gibeonita na si Jehova ang nakikipaglaban para sa mga Israelita, nilinlang nila si Josue upang makipagtipan ito sa kanila ng isang tipan ng kapayapaan. Ngunit nang mabunyag ang katotohanan, ginawa sila ni Josue na mga alipin. Ang balita hinggil sa ginawa ng mga Gibeonita ay nakarating din kay Adoni-zedek na hari ng Jerusalem. Dahil dito, siya at ang apat pang haring Canaanita ay naglunsad ng isang pagsalakay laban sa kanila upang parusahan sila. Bilang tugon sa paghingi ng mga Gibeonita ng saklolo, magdamag na humayo ang hukbo ni Josue mula sa Gilgal. Pagkatapos ay nakipaglaban si Jehova para sa Israel upang ipagtanggol ang mga Gibeonita, na nagpapahiwatig na sang-ayon siya sa tipan na pinagtibay sa mga ito. Mas marami sa mga hukbo ng kaaway ang nalipol ng isang makahimalang bagyo ng graniso kaysa sa namatay sa aktuwal na pagdidigmaan. Nakinig pa nga si Jehova sa tinig ni Josue anupat pinahaba niya ang mga oras ng liwanag ng araw para sa pagbabaka.​—Jos 9:3–10:14.

      Sinundan pa ni Josue ang bigay-Diyos na tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagbihag sa Makeda, Libna, Lakis, Eglon, Hebron, at Debir, sa gayon ay iginupo ang kapangyarihan ng mga Canaanita sa timugang bahagi ng lupain. Pagkatapos, sa pangunguna ni Jabin na hari ng Hazor, tinipon ng mga haring Canaanita sa hilaga ang kanilang mga hukbo sa tubig ng Merom upang makipaglaban sa Israel. Bagaman mayroon silang mga kabayo at mga karo, pinatibay-loob ng Diyos si Josue na huwag matakot. Muli, pinagtagumpay ni Jehova ang mga Israelita. Gaya ng iniutos, pinilay ni Josue ang mga kabayo at sinunog ang mga karo ng kaaway. Ang Hazor mismo ay sinilaban sa apoy. (Jos 10:16–11:23) Sa gayon, sa loob ng mga anim na taon (ihambing ang Bil 10:11; 13:2, 6; 14:34-38; Jos 14:6-10), natalo ni Josue ang 31 hari at nasupil ang malalaking bahagi ng Lupang Pangako.​—Jos 12:7-24; MAPA, Tomo 1, p. 737.

  • Josue, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Hindi maitatanggi ninuman na talagang umiral ang bansang Israelita at na sinakop nito ang lupaing inilalarawan sa aklat ng Josue. Gayundin naman, walang makatuwirang saligan upang kuwestiyunin ang pagiging totoo ng ulat ng aklat na iyon hinggil sa kung paano nakuha ng mga Israelita ang pagmamay-ari sa Canaan. Ang autentisidad nito ay hindi pinag-alinlanganan ng mga salmista (Aw 44:1-3; 78:54, 55; 105:42-45; 135:10-12; 136:17-22), ni Nehemias (Ne 9:22-25), ng unang Kristiyanong martir na si Esteban (Gaw 7:45), ng alagad na si Santiago (San 2:25), at ng edukadong apostol na si Pablo (Gaw 13:19; Heb 4:8; 11:30, 31). At iniuulat ng 1 Hari 16:34 ang katuparan ng makahulang sumpa ni Josue na binigkas mga 500 taon ang kaagahan noong panahon ng pagkawasak ng Jerico.​—Jos 6:26.

      Manunulat. Bagaman kinikilala ng ilang iskolar na ang aklat ay isinulat noong panahon ni Josue o malapit dito, tinututulan nila ang tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na si Josue mismo ang sumulat nito. Ang pangunahing dahilan ng kanilang pagtutol ay ang pagkakatala sa aklat ng Josue ng ilan sa mga pangyayari na lumilitaw rin sa aklat ng Mga Hukom, na nagsisimula sa mga salitang, “At pagkamatay ni Josue.” (Huk 1:1) Gayunpaman, ang pambungad na pananalitang ito ay hindi maituturing na indikasyon kung kailan naganap ang lahat ng mga pangyayaring nakaulat sa Mga Hukom. Ang aklat ay hindi nakaayos sa eksaktong kronolohikal na pagkakasunud-sunod, sapagkat may binabanggit ito na isang pangyayaring maliwanag na naganap bago mamatay si Josue. (Huk 2:6-9) Samakatuwid, ang ilang bagay, gaya ng pagbihag ni Caleb sa Hebron (Jos 15:13, 14; Huk 1:9, 10), ni Otniel sa Debir (Jos 15:15-19; Huk 1:11-15), at ng mga Danita sa Lesem, o Lais (Dan) (Jos 19:47, 48; Huk 18:27-29), ay posible ring naganap bago mamatay si Josue. Maging ang pagtitindig ng mga Danita ng isang idolatrosong imahen sa Lais ay maaaring nangyari noong panahon ni Josue. (Huk 18:30, 31) Sa kaniyang pangwakas na payo, sinabi ni Josue sa mga Israelita: “Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog at sa Ehipto, at paglingkuran ninyo si Jehova.” (Jos 24:14) Kung hindi umiiral noon ang idolatriya, walang gaanong kahulugan ang pananalitang ito.

  • Josue, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Walang Pagkakasalungatan. Inaakala ng ilan na may pagkakasalungatan sa aklat sapagkat pinalilitaw nito na lubusang nasupil ni Josue ang lupain samantalang iniuulat din nito na hindi pa nakukuha ang malaking bahagi niyaon. (Ihambing ang Jos 11:16, 17, 23; 13:1.) Ngunit madaling malulutas ang waring mga di-pagkakatugmang iyon kung isasaisip na may dalawang magkaibang aspekto ang kanilang pananakop. Una, binuwag ng pakikipagdigma ng buong bansa sa ilalim ng pangunguna ni Josue ang kapangyarihan ng mga Canaanita. Pagkatapos nito, kinailangan ang pagkilos ng mga indibiduwal at mga tribo upang lubusang makuha ang pagmamay-ari sa lupain. (17:14-18; 18:3) Malamang na habang nakikipagdigma ang Israel sa ibang lugar, ang mga Canaanita ay muling namayan sa mga lunsod na gaya ng Debir at Hebron anupat kinailangang bawiin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsisikap ng partikular na mga indibiduwal o mga tribo.​—Ihambing ang Jos 11:21-23 sa Jos 14:6, 12; 15:13-17.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share