Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Hiteo, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Itinalaga ang Pagkapuksa. Ang mga Hiteo ay isa sa pitong bansang binanggit na itatalaga sa pagkapuksa. Ang mga bansang ito ay inilarawan na “higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa Israel. Kaya ang pitong bansa nang panahong iyon ay maaaring may bilang na mahigit sa tatlong milyon katao, at ang mga Hiteo na nasa kanilang moog na bundok ay magiging nakasisindak na kaaway. (Deu 7:1, 2) Ipinakita nila ang kanilang pakikipag-alit sa pamamagitan ng pakikisama sa iba pang mga bansa ng Canaan upang lumaban sa Israel (na pinangunahan ni Josue) nang mabalitaan nila ang pagtawid ng Israel sa Jordan at ang paglipol nito sa mga lunsod ng Jerico at Ai. (Jos 9:1, 2; 24:11) Kaya dapat sanang nilipol ang mga lunsod ng mga Hiteo at pinawi ang mga tumatahan sa mga ito upang hindi sila maging panganib sa pagkamatapat ng Israel sa Diyos at maging dahilan upang maiwala ng Israel ang pabor ng Diyos. (Deu 20:16-18) Ngunit hindi lubusang isinagawa ng Israel ang utos ng Diyos. Pagkamatay ni Josue, sila ay may-pagkamasuwaying nabigo na alisin ang mga bansang ito, na nanatiling parang tinik sa tagiliran at isang sanhi ng patuloy na kaligaligan sa kanila.​—Bil 33:55, 56.

      Kasaysayan Nang Dakong Huli. Dahil sa hindi sinunod ng Israel ang Diyos sa pamamagitan ng lubusang paglipol sa mga bansang Canaanita, inihayag ng Diyos: “Ako naman ay nagsabi, ‘Hindi ko sila palalayasin mula sa harap ninyo, at sila ay magiging mga silo sa inyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging pain sa inyo.’⁠” (Huk 2:3) Lumilitaw na yaong mga Canaanitang nanatili sa gitna ng Israel ay hinayaan lamang at, sa ilang bibihirang mga kalagayan, binigyan pa ng kagalang-galang na posisyon at pananagutan. Gayundin, sa mga bansang Canaanita, waring ang mga Hiteo lamang ang nakapagpanatili ng katanyagan at kalakasan bilang isang bansa.​—1Ha 10:29; 2Ha 7:6.

  • Hivita, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • HIVITA, MGA

      Isang bayan na nagmula kay Canaan na anak ni Ham. (Gen 10:6, 15, 17; 1Cr 1:13, 15) Ang mga Hivita ay nanahanan sa lunsod ng Sikem noong mga araw ng patriyarkang si Jacob. Sa pangunguna nina Simeon at Levi, pinatay ng mga anak ni Jacob ang bawat lalaki at dinambungan ang lunsod dahil dinungisan ni Sikem na anak ni Hamor na pinuno ang kanilang kapatid na si Dina.​—Gen 34:1-29.

      Nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, ang mga Hivita ang bumubuo sa isa sa pitong bansang Canaanita na ipinangako ng Diyos na palalayasin sa harap nila. (Exo 3:8, 17; 13:5; 23:23, 28; 33:2; 34:11) Ang mga bansang ito ay sinasabing higit na matao at makapangyarihan kaysa sa Israel. (Deu 7:1) Inutusan ni Moises ang mga Israelita na italaga sila sa pagkapuksa, anupat walang iiwang buháy kapag binihag ang kanilang mga lunsod, dahil sa kanilang karima-rimarim na mga gawain at sa kanilang huwad na mga diyos. Kung hindi ay magiging silo sila at magiging dahilan upang maiwala ng Israel ang pabor ng Diyos.​—Lev 18:27, 28; Deu 18:9-13; 20:15-18.

      Iniuulat ng Bibliya ang lubusang pagpuksa ni Josue sa mga lunsod ng mga bansang iyon. (Jos kab 10, 11) Ang mga Hivita na tumatahan “sa paanan ng [Bundok] Hermon sa lupain ng Mizpa” ay kabilang sa mga tribong nakiisa sa mga Canaanitang hari laban kay Josue sa utos ni Jabin na hari ng Hazor. (Jos 11:1-3) Ang mga Hivita ay nakatalang kabilang sa mga nakipaglaban sa Israel at dumanas ng pagkatalo. (Jos 9:1, 2; 12:7, 8; 24:11) Gayunman, may isang grupo mula sa bansang Hivita na pinaligtas. (Jos 9:3, 7) Ang grupong ito ay ang mga Gibeonita, maliwanag na kumakatawan din sa tatlong iba pang Hivitang lunsod. Ang mga ito lamang ang natakot kay Jehova, anupat kinilala na nakikipaglaban siya para sa Israel. Sa pamamagitan ng isang pakana ay nagawa nilang pumasok sa isang pakikipagtipan sa mga lider ng Israel kung kaya hindi sila pinatay kundi ginawa silang mabababang lingkod ng Israel. (Jos 9:1-15, 24-27) Ito ang isa sa halimbawa ng katuparan ng sumpa ni Noe kay Canaan, na ang mga Gibeonita at ang kanilang mga kasamahan, bagaman hindi pinuksa, ay naging mga alipin ng mga Semita.​—Gen 9:25-27.

      Ipinahiwatig ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa tapat na pagtupad ng Israel sa kanilang pakikipagtipan sa mga Hivitang ito sa pamamagitan ng pakikipaglaban para ipagsanggalang ang Gibeon laban sa nakapalibot na mga bansang Canaanita na pumaroon laban sa kanila bilang resulta ng pakikipagtipan nila sa Israel. (Jos 10:1-14) Mula noon ay mapayapang nanahanan ang mga Gibeonita kasama ng Israel. (2Sa 21:1-6) Tinatawag silang “mga Amorita” sa 2 Samuel 21:2, ngunit maliwanag na ito ay dahilan sa ang “Amorita” ay isang termino na madalas ikapit sa mga bansang Canaanita sa pangkalahatan, yamang ang mga Amorita ay isa sa mga pinakamakapangyarihang tribo. (Tingnan ang AMORITA.) Noong panahon ng pananakop ni Josue, ang sinang-ayunang mga Hivitang ito ay nananahan sa lunsod ng Gibeon, hindi kalayuan sa HK ng Jerusalem, gayundin sa Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim. Inilalarawan ang Gibeon bilang ‘isang dakilang lunsod, tulad ng isa sa mga maharlikang lunsod, at mas dakila kaysa sa Ai, at ang lahat ng mga lalaki nito ay mga makapangyarihan.’​—Jos 10:2; 9:17.

      Pagkamatay ni Josue, nabigo ang Israel na patuloy na alisin ang mga Canaanitang bansang Canaanita gaya ng iniutos ng Diyos, kundi nakipag-asawa pa sa mga ito. Kaya naman, ang ulat ng Bibliya ay kababasahan: “At ito ang mga bansa na hinayaan ni Jehova na manatili upang sa pamamagitan nila ay masubok ang Israel . . . Ang limang panginoon ng alyansa ng mga Filisteo, at ang lahat ng mga Canaanita, maging ang mga Sidonio at ang mga Hivita na nananahanan sa Bundok Lebanon mula sa Bundok Baal-hermon hanggang sa pagpasok sa Hamat . . . at pinasimulan nilang [mga Israelita] maglingkod sa kanilang mga diyos.”​—Huk 3:1-6.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share