-
GihonKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Bagaman ang pagkakasalin ng tekstong Hebreo sa 2 Samuel 5:8 ay naghaharap ng ilang problema, ipinahihiwatig ng karaniwang salin na ang lunsod ay nagkaroon ng isang ‘paagusan ng tubig,’ na tinukoy ni David noong inilulunsad niya ang pagsalakay sa lunsod. Noong 1867 C.E., natuklasan ni Charles Warren ang isang lagusan ng tubig na nagmumula sa yungib na pinanggagalingan ng bukal ng Gihon. Matapos bumagtas nang mga 20 m (66 na piye), ang dulo nito’y isang tipunan o imbakan ng tubig. Isang daanan sa bato sa itaas ng tipunang-tubig na ito ang umaabot sa taas na 11 m (36 na piye), at sa ibabaw naman ng daanan ay may isang lugar kung saan makatatayo ang mga tao at makapagbababa ng mga lalagyan sa pamamagitan ng lubid upang sumalok ng tubig mula sa tipunang-tubig sa ibaba. Mula sa daanan, isang paahong pasilyo na may haba na halos 39 na m (128 piye) ang tumatalunton papasók sa loob ng lunsod. Pinaniniwalaan na sa pamamagitan nito’y patuloy na nakaigib ang mga Jebusita sa kanilang bukal ng tubig kahit pa hindi sila makalabas ng mga pader ng lunsod dahil sa pagsalakay ng kaaway. Bagaman hindi tuwirang binanggit sa ulat ang bukal ng Gihon, ipinapalagay na may-katapangang napasok ni Joab at ng kaniyang mga tauhan ang lunsod sa pamamagitan ng paagusang ito ng tubig.
-
-
GihonKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Natagpuan din ng arkeolohikal na mga paghuhukay ang isang lumang kanal na nagmumula sa bukal ng Gihon at bumabagtas patimog sa kahabaan ng dalisdis ng “Lunsod ni David.” Ang dulo ng kanal na ito’y isang tipunang-tubig sa paanan ng tagaytay na dating kinaroroonan ng sinaunang lunsod—sa timugang dulo ng tagaytay, patungo sa pinagsasalubungan ng Libis ng Tyropoeon at Libis ng Kidron. Ang kanal ay inihilig nang bahagyang-bahagyang lamang, kaya naman napakabanayad ng agos ng tubig dito. Malamang na ang kanal na ito ang tinutukoy sa hula ni Isaias noong panahon ni Haring Ahaz (761-746 B.C.E.), anupat ang ‘tubig nito na umaagos nang banayad’ ay inihambing sa rumaragasang pagbaha ng lumulusob na mga Asiryano na inihula ni Isaias na sasalakay sa Juda.—Isa 8:5-8.
Ang Tipunang-tubig ng Siloam, na inaagusan ng tubig mula sa Bukal ng Gihon
Nang malapit nang sumalakay ang mga Asiryano noong paghahari ni Hezekias (732 B.C.E.), kumilos si Haring Hezekias upang tiyaking hindi mapapasakamay ng kaaway ang suplay ng tubig ng Jerusalem. (2Cr 32:2-4) Gayunman, posibleng tumutukoy sa ibang panahon, ipinakikita ng ulat sa 2 Cronica 32:30 na sinarhan niya ang agos ng Gihon sa dati nitong lagusan at inilihis niya ang tubig nito sa kanluraning panig ng “Lunsod ni David,” na nasa pinakaloob ng mga kuta ng Jerusalem. Ang katibayan kung paano ito isinagawa ay natuklasan noong 1880 C.E. nang matagpuan ang isang inskripsiyon na nakaukit sa pinakadingding ng isang paagusan ng tubig na ang dulo ay ang kilalá ngayon bilang Tipunang-tubig ng Siloam sa K panig ng matandang “Lunsod ni David.” Inilarawan ng inskripsiyon, na nakaulat sa isang sinaunang sulat Hebreo at itinuturing na mula pa noong ikawalong siglo B.C.E., kung paano hinukay sa solidong bato ang paagusang ito. Isinagawa iyon ng dalawang grupo ng mga lalaki na nagtrabaho nang pasalubong sa isa’t isa mula sa magkabilang dulo. Noong 1910, nang lubusan nang mahawan ang paagusan, natuklasan na ito’y may sukat na mga 533 m (1,749 na piye), may katamtamang taas na 1.8 m (6 na piye) at kung minsa’y papakitid nang hanggang 0.5 m (20 pulgada) lamang. Lumilitaw na ang kahanga-hangang gawang ito ng inhinyeriya ay resulta ng mga pagkilos ni Hezekias upang maprotektahan at mapanatili ang suplay ng tubig ng Jerusalem na nagmumula sa Gihon.
MAPA: Gihon, Noong Namamahala si David at si Solomon
-