-
Lawa ng ApoyKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
LAWA NG APOY
Ang pananalitang ito ay sa aklat ng Apocalipsis lamang lumilitaw at maliwanag na makasagisag. Ibinibigay mismo ng Bibliya ang paliwanag at katuturan ng sagisag na ito sa pagsasabing: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.”—Apo 20:14; 21:8.
Sa mga paglitaw nito sa aklat ng Apocalipsis, ipinakikita rin ng konteksto na makasagisag ang lawa ng apoy. Ang kamatayan ay sinasabing ihahagis sa lawa ng apoy na ito. (Apo 19:20; 20:14) Maliwanag na hindi maaaring literal na masunog ang kamatayan. Karagdagan pa, ang Diyablo, isang di-nakikitang espiritung nilalang, ay ihahagis sa lawang ito. Palibhasa’y espiritu, hindi siya maaaring mapinsala ng literal na apoy.—Apo 20:10; ihambing ang Exo 3:2 at Huk 13:20.
Yamang ang lawa ng apoy ay kumakatawan sa “ikalawang kamatayan” at yamang sinasabi ng Apocalipsis 20:14 na kapuwa ang “kamatayan at ang Hades” ay ihahagis doon, maliwanag na ang lawa ay hindi maaaring kumatawan sa kamatayang minana ng tao kay Adan (Ro 5:12), ni tumutukoy man ito sa Hades (Sheol). Samakatuwid, tiyak na sumasagisag ito sa ibang uri ng kamatayan, isa na hindi mapawawalang-bisa, sapagkat walang binabanggit ang ulat na ibibigay ng “lawa” yaong mga naroon, di-gaya ng gagawin ng Adanikong kamatayan at ng Hades (Sheol). (Apo 20:13) Kaya naman yaong mga hindi masusumpungang nakasulat sa “aklat ng buhay,” na mga di-nagsisising mananalansang sa soberanya ng Diyos, ay ihahagis sa lawa ng apoy, na nangangahulugang walang-hanggang pagkapuksa, o ang ikalawang kamatayan.—Apo 20:15.
-