Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Si Jehova ay . . . Napakamakapangyarihan”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Pinapanood ni Elias ang pagtatanghal ni Jehova ng kapangyarihan. Nakikita niya ang epekto ng malakas na hangin, lindol, at apoy.

      KABANATA 4

      “Si Jehova ay . . . Napakamakapangyarihan”

      1, 2. Ano-anong nakapagtatakang bagay ang nakita na ni Elias sa kaniyang buhay, subalit anong kagila-gilalas na mga pangyayari ang nasaksihan niya mula sa kuweba sa Bundok Horeb?

      NAKAKITA na si Elias noon ng nakapagtatakang mga bagay. Nakakita na siya ng mga uwak na nagdadala sa kaniya ng pagkain nang makalawa sa isang araw habang siya’y nagtatago. Nakakita na siya ng dalawang lalagyan na pinagkukunan ng harina at langis sa loob ng mahabang taggutom at hindi kailanman nauubusan ng laman ang mga ito. Nakakita pa nga siya ng apoy na nahuhulog mula sa langit bilang tugon sa kaniyang panalangin. (1 Hari, kabanata 17, 18) Pero may makikita pa si Elias na mas kamangha-mangha kaysa sa mga iyan.

      2 Habang siya’y nakayukyok malapit sa bunganga ng isang kuweba sa Bundok Horeb, nasaksihan niya ang sunod-sunod na kagila-gilalas na mga pangyayari. Humangin muna. Tiyak na iyon ay isang umaalimpuyo at nakabibinging hugong, dahil napakalakas nito anupat nahati tuloy ang mga bundok at nadurog ang malalaking bato. Pagkatapos ay lumindol, anupat nag-umalpas ang napakalalakas na puwersang nakakulong sa ilalim ng balat ng lupa. Pagkatapos ay may lumabas na apoy. Habang kumakalat ito sa buong rehiyon, malamang na nadama ni Elias ang buga ng nakapapasong init nito.​—1 Hari 19:8-12.

      3. Nasaksihan ni Elias ang katunayan ng anong katangian ng Diyos, at saan natin makikita ang katunayan ng katangian ding ito?

      3 Ang lahat ng nasaksihan ni Elias ay may pagkakatulad—ang mga ito’y pagpapamalas ng dakilang kapangyarihan ng Diyos na Jehova. Mangyari pa, hindi na kailangang makasaksi tayo ng isang himala upang mapag-unawang taglay nga ng Diyos ang katangiang ito. Kitang-kita na agad ito. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang paglalang ay katibayan ng “walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos” ni Jehova. (Roma 1:20) Isipin na lamang ang nakabubulag na mga kidlat at dumadagundong na mga kulog ng bagyo, ang marilag na paglagaslas ng isang malaking talon, ang di-malirip na kalawakan ng mabituing kalangitan. Kitang-kita ang kapangyarihan ng Diyos sa mga tanawing iyan! Magkagayunman, iilan na lamang sa daigdig sa ngayon ang tunay na kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos. Mas kakaunti pa nga ang may tamang pananaw dito. Subalit ang pagkaunawa sa katangiang ito ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan upang maging higit na malapít kay Jehova. Pasisimulan natin sa seksiyong ito ang isang detalyadong pag-aaral tungkol sa walang-kapantay na kapangyarihan ni Jehova.

      “Dumaan si Jehova”

      Isang Mahalagang Katangian ni Jehova

      4, 5. (a) Paano inilarawan ang pangalan ni Jehova? (b) Bakit angkop lamang na piliin ni Jehova ang toro upang sumagisag sa kaniyang kapangyarihan?

      4 Si Jehova ay walang katulad sa kapangyarihan. Ang Jeremias 10:6 ay nagsasabi: “Wala kang katulad, O Jehova. Ikaw ay dakila, at ang pangalan mo ay dakila at makapangyarihan.” Pansinin na ang pangalan ni Jehova ay inilarawang dakila at makapangyarihan. Tandaan, ang pangalang ito ay lumilitaw na nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Ano ang nagpapangyari kay Jehova na lalangin ang anumang gusto niya at na maging anumang piliin niya? Ang kapangyarihan niya. Ang kakayahan niyang kumilos, upang isagawa ang kaniyang kalooban, ay walang limitasyon. Ang kapangyarihang iyan ay isa sa kaniyang mahahalagang katangian.

      5 Dahil hindi natin kailanman mauunawaan ang buong lawak ng kaniyang kapangyarihan, gumamit si Jehova ng mga ilustrasyon upang matulungan tayo. Gaya ng nakita na natin, ginamit niya ang toro upang sumagisag sa kaniyang kapangyarihan. (Ezekiel 1:4-10) Angkop lamang iyan sapagkat kahit ang pinaamong toro ay isa nang napakalaki at makapangyarihang nilalang. Ang mga tao sa Palestina noong panahon ng Bibliya ay bihirang mapaharap, sakali man, sa anumang mas malakas pa rito. Subalit alam nila na may mas nakakatakot na uri ng toro—ang torong-gubat, o aurochs, na malaon nang naglaho mula noon. (Job 39:9-12) Binanggit ng Romanong tagapamahala na si Julio Cesar na ang mga torong ito ay halos kasinlaki ng mga elepante. “Napakalalakas ng mga ito,” isinulat niya, “at napakabibilis ng mga ito.” Isipin na lamang kung gaano ka kaliit at kahina kapag napatabi ka sa mga ito!

      6. Bakit si Jehova lamang ang tinatawag na “ang Makapangyarihan-sa-Lahat”?

      6 Sa katulad na paraan, ang tao ay mahina at walang magagawa kung ihahambing sa makapangyarihang Diyos na si Jehova. Sa kaniya, maging ang malalakas na bansa ay gaya lamang ng manipis na alikabok sa timbangan. (Isaias 40:15) Di-gaya ng anumang nilalang, walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova, sapagkat siya lamang ang tinatawag na “ang Makapangyarihan-sa-Lahat.”a (Apocalipsis 15:3) “Napakalakas [ni Jehova] at kamangha-mangha ang kapangyarihan niya.” (Isaias 40:26) Siya ang Bukal ng kapangyarihan at hindi iyon nasasaid. Hindi siya umaasa sa ibang mapagkukunan ng lakas, dahil “ang kalakasan ay sa Diyos.” (Awit 62:11) Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?

      Kung Paano Ginagamit ni Jehova ang Kaniyang Kapangyarihan

      7. Ano ang banal na espiritu ni Jehova, at ano ang ipinahihiwatig ng mga salita sa orihinal na wikang ginamit sa Bibliya?

      7 Ang banal na espiritu ay dumadaloy mula kay Jehova at hindi ito nauubos. Ito ang kumikilos na kapangyarihan ng Diyos. Sa katunayan, sa Genesis 1:2, tinutukoy ito ng Bibliya na “aktibong puwersa” ng Diyos. Sa ibang mga konteksto, ang orihinal na mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “espiritu” ay maaaring isaling “hangin,” “hininga,” at “buga.” Ayon sa mga leksikograpo, ang mga salita sa orihinal na wika ay nagpapahiwatig ng isang di-nakikitang kumikilos na puwersa. Gaya ng hangin, ang espiritu ng Diyos ay hindi nakikita ng mga mata, subalit nakikita ang mga epekto nito.

      8. Sa Bibliya, ano ang makasagisag na tawag sa espiritu ng Diyos, at bakit angkop lamang ang mga ito?

      8 Walang hangganan ang mapaggagamitan ng banal na espiritu ng Diyos. Nagagamit ito ni Jehova upang ganapin ang anumang layuning iniisip niya. Kaya angkop lamang na sa Bibliya, ang espiritu ng Diyos ay makasagisag na tinatawag na kaniyang “daliri,” “makapangyarihang kamay,” o “unat na bisig.” (Lucas 11:20; Deuteronomio 5:15; Awit 8:3, talababa) Kung paanong nagagamit ng isang tao ang kaniyang kamay sa sari-saring gawain na humihiling ng iba’t ibang antas ng lakas o kahusayan, maaari ding gamitin ng Diyos ang kaniyang espiritu upang ganapin ang anumang layunin—gaya ng paglikha sa pagkaliliit na atomo o paghahati sa Dagat na Pula o pagpapangyari sa unang-siglong mga Kristiyano na makapagsalita ng ibang wika.

      9. Gaano kalawak ang kapangyarihang mamahala ni Jehova?

      9 Ginagamit din ni Jehova ang kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang awtoridad bilang ang Kataas-taasan. Maguguniguni mo ba na mayroon kang milyon-milyong matatalino at may-kakayahang sakop na handang sumunod sa iyong utos? Hawak ni Jehova ang gayong kapangyarihang mamahala. Mayroon siyang lingkod na mga tao, na sa Kasulatan ay madalas na inihahalintulad sa isang hukbo. (Awit 68:11; 110:3) Gayunman, ang tao ay mas mahina kaysa sa anghel. Aba, nang salakayin ng hukbong Asiryano ang bayan ng Diyos, pinatay ng iisang anghel ang 185,000 sundalong iyon sa loob ng isang gabi! (2 Hari 19:35) Ang mga anghel ng Diyos ay “makapangyarihan.”​—Awit 103:19, 20.

      10. (a) Bakit Jehova ng mga hukbo ang tawag sa Makapangyarihan-sa-Lahat? (b) Sino ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng nilalang ni Jehova?

      10 Gaano karami ang mga anghel? Sa pangitain ni propeta Daniel, nakita niya ang mahigit 100 milyong espiritung nilalang sa harap ng trono ni Jehova. Subalit walang pahiwatig na nakita niya ang lahat ng nilalang na mga anghel. (Daniel 7:10) Kaya posibleng may daan-daang milyong anghel. Kaya naman ang tawag sa Diyos ay Jehova ng mga hukbo. Ang titulong ito ay naglalarawan ng kaniyang makapangyarihang posisyon bilang Kumandante ng napakalaki at organisadong hanay ng makapangyarihang mga anghel. Sa lahat ng espiritung nilalang na ito, inilagay niya ang isang tagapangasiwa, ang minamahal niyang Anak, “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Bilang ang arkanghel—pinuno ng lahat ng anghel, serapin, at kerubin—si Jesus ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng nilalang ni Jehova.

      11, 12. (a) Sa anong mga paraan may lakas ang salita ng Diyos? (b) Paano pinatotohanan ni Jesus ang lawak ng kapangyarihan ni Jehova?

      11 May iba pang paraan si Jehova sa paggamit ng kapangyarihan. Ang Hebreo 4:12 ay nagsasabi: “Ang salita ng Diyos ay buháy at malakas.” Napansin mo ba ang pambihirang kapangyarihan ng salita, o mensahe ng Diyos, na iniingatan ngayon sa Bibliya? Ito ay maaaring magpalakas sa atin, magpatibay ng ating pananampalataya, at tumulong sa atin na gumawa ng malalaking pagbabago sa ating sarili. Binabalaan ni apostol Pablo ang kapuwa niya mga mananamba laban sa mga taong imoral. Pagkatapos ay idinagdag niya: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.” (1 Corinto 6:9-11) Oo, nagkabisa sa kanila ang lakas ng “salita ng Diyos” at tumulong sa kanila upang magbago.

      12 Napakalakas ng kapangyarihan ni Jehova at ang paraan ng kaniyang paggamit nito ay napakabisa anupat walang makahahadlang dito. Sinabi ni Jesus: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.” (Mateo 19:26) Sa anong mga layunin ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?

      Kapangyarihang Inuugitan ng Layunin

      13, 14. (a) Bakit natin masasabi na si Jehova ay hindi isang walang-personalidad na bukal ng kapangyarihan? (b) Sa anong mga paraan ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan?

      13 Ang espiritu ni Jehova ay isang bagay na mas malakas kaysa sa anumang pisikal na puwersa; at si Jehova ay hindi isang puwersang walang personalidad, anupat basta bukal lamang ng kapangyarihan. Siya’y isang Diyos na persona na may lubusang kontrol sa kaniyang sariling kapangyarihan. Kung gayon, ano ang nag-uudyok sa kaniya na gamitin ito?

      14 Gaya ng makikita natin, ginagamit ng Diyos ang kapangyarihan upang lumalang, pumuksa, magbigay ng proteksiyon, magbalik sa dati—sa maikli, upang gawin ang anumang naaangkop sa kaniyang perpektong mga layunin. (Isaias 46:10) Sa ilang pagkakataon, ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang isiwalat ang mahahalagang aspekto ng kaniyang personalidad at mga pamantayan. Higit sa lahat, ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang ganapin ang kaniyang kalooban—upang pakabanalin ang kaniyang banal na pangalan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian at ipakitang ang paraan ng pamamahala niya ang pinakamabuti. Walang anumang makahahadlang sa layuning iyan.

      15. Ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa anong layunin may kaugnayan sa kaniyang mga lingkod, at paano ito itinanghal sa nangyari kay Elias?

      15 Ginagamit din ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang tayo’y makinabang bilang mga indibidwal. Pansinin ang sinasabi ng 2 Cronica 16:9: “Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.” Ang karanasan ni Elias, na binanggit sa pasimula, ay isang halimbawa. Bakit kaya siya pinagpakitaan ni Jehova ng kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos? Buweno, isinumpa ng napakasamang reyna na si Jezebel na ipapapatay niya si Elias. Ang propeta ay kasalukuyang tumatakas upang iligtas ang kaniyang buhay. Nakadama siya ng pangungulila, takot, at panghihina ng loob—na para bang nawalan na ng kabuluhan ang lahat ng kaniyang pagpapagal. Upang maaliw ang nababagabag na lalaking ito, buong linaw na ipinaalaala ni Jehova kay Elias ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Ang hangin, ang lindol, at ang apoy ay nagpakita na ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso ay naroroong kasama ni Elias. Ano ang ikakatakot niya kay Jezebel, gayong kapiling niya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat?​—1 Hari 19:1-12.b

      16. Bakit tayo makasusumpong ng kaaliwan sa pagbubulay-bulay sa dakilang kapangyarihan ni Jehova?

      16 Bagaman hindi niya panahon ngayon na gumawa ng mga himala, hindi nagbabago si Jehova mula pa noong panahon ni Elias. (1 Corinto 13:8) Gayon pa rin ang kaniyang pananabik sa ngayon na gamitin ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa mga umiibig sa kaniya. Kahit sa langit siya nakatira, hindi siya malayo sa atin. Ang kaniyang kapangyarihan ay walang limitasyon, kaya hindi hadlang ang distansiya. Bagkus, “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Nang humingi ng tulong si propeta Daniel kay Jehova, lumitaw ang isang anghel bago pa man matapos ang kaniyang panalangin! (Daniel 9:20-23) Walang anumang makahahadlang kay Jehova sa pagtulong at pagpapalakas sa mga iniibig niya.​—Awit 118:6.

      Mahirap Bang Mapalapít sa Diyos Dahil Makapangyarihan Siya?

      17. Sa anong diwa nagpapadama sa atin ng pagkatakot ang kapangyarihan ni Jehova, subalit anong uri ng pagkatakot ang hindi nito ipinadarama?

      17 Kailangan ba tayong matakot sa Diyos dahil sa kaniyang kapangyarihan? Ang dapat na isagot natin ay oo at hindi. Oo, sapagkat ang katangiang ito ay nagbibigay sa atin ng sapat na dahilan upang makadama ng makadiyos na takot, ang matinding pagkamangha at paggalang na ating maikling tinalakay sa naunang kabanata. Ang gayong pagkatakot, sabi sa atin ng Bibliya, ay “pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Gayunman, ang sagot din natin ay hindi, sapagkat ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi dapat na maging dahilan upang makadama tayo ng isang malagim na pagkatakot sa kaniya o kaya’y mag-atubiling lumapit sa kaniya.

      18. (a) Bakit marami ang nawawalan ng tiwala sa makapangyarihang mga tao? (b) Paano natin nalalaman na si Jehova ay hindi maaaring pasamain ng kaniyang kapangyarihan?

      18 “Ang kapangyarihan ay may tendensiyang magpasamâ; ang ganap na kapangyarihan ay ganap na nagpapasamâ,” isinulat ng istoryador na Ingles na si Lord Acton noong 1887. Madalas ulitin ang pangungusap na ito dahil posibleng nakikita ng mga tao na talagang totoo ito. Ang di-perpektong mga tao ay madalas na umaabuso sa kapangyarihan, gaya ng paulit-ulit na pinatutunayan ng kasaysayan. (Eclesiastes 4:1; 8:9) Dahil dito, marami tuloy ang nawawalan ng tiwala sa mga makapangyarihan at nilalayuan ang mga ito. Ngayon, si Jehova ay may lubos na kapangyarihan. Nagpasamâ ba ito sa kaniya sa anumang paraan? Hinding-hindi! Gaya ng nakita natin, siya ay banal at talagang tapat. Si Jehova ay hindi katulad ng di-perpektong makapangyarihang mga tao sa masamang sanlibutang ito. Hindi niya inabuso ang kaniyang kapangyarihan, at hindi niya iyon gagawin kailanman.

      19, 20. (a) Kasuwato ng ano pang mga katangian palaging ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, at bakit ito nakaaaliw? (b) Paano mo mailalarawan ang pagpipigil sa sarili ni Jehova, at bakit ito kaakit-akit sa iyo?

      19 Tandaan, hindi lamang kapangyarihan ang katangian ni Jehova. Pag-aaralan din natin ang kaniyang katarungan, karunungan, at pag-ibig. Subalit huwag nating iisipin na ang mga katangian ni Jehova ay ipinamamalas sa isang mahigpit at mekanikal na paraan, na para bang paisa-isang katangian lamang ang kaniyang ipinamamalas. Sa kabaligtaran, makikita natin sa susunod na mga kabanata na si Jehova ay palaging gumagamit ng kaniyang kapangyarihan kasuwato ng kaniyang katarungan, karunungan, at pag-ibig. Pag-isipan ang isa pang katangiang taglay ng Diyos, isa na bihirang makita sa makasanlibutang mga tagapamahala—pagpipigil sa sarili.

      20 Ipagpalagay mong nakatagpo ka ng isang lalaking napakalaki at napakalakas anupat natakot ka sa kaniya. Subalit, nang maglaon ay napansin mong mukhang maamo naman pala siya. Palagi siyang nakahanda at may hangaring gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang matulungan at protektahan ang mga tao, lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahina. Hindi niya kailanman inaabuso ang kaniyang lakas. Nakita mong sinisiraan siya nang walang dahilan, pero nananatili siyang matatag ngunit mahinahon, kagalang-galang, mabait pa nga. Nag-iisip ka tuloy kung makapagpapakita ka ng gayunding kaamuan at pagpipigil, lalo na kung ganoon ka kalakas! Habang higit mong nakikilala ang gayong tao, hindi ba’t unti-unti kang napapalapít sa kaniya? Talagang napakarami nating dahilan upang maging malapít kay Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat. Isaalang-alang ang buong pangungusap na pinagsaligan ng pamagat ng kabanatang ito: “Si Jehova ay hindi madaling magalit at napakamakapangyarihan.” (Nahum 1:3) Si Jehova ay hindi padalos-dalos sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan laban sa mga tao at maging sa masasama. Siya’y mahinahon at mabait. Napatunayang “hindi [siya] madaling magalit” kahit maraming beses siyang ginagalit ng mga tao.​—Awit 78:37-41.

      21. Bakit hindi pinipilit ni Jehova ang mga tao na gawin ang kaniyang kalooban, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kaniya?

      21 Isaalang-alang ang pagpipigil ni Jehova sa sarili sa iba namang anggulo. Kung ikaw ay may kapangyarihang walang limitasyon, sa palagay mo kaya’y matutukso ka, paminsan-minsan, na obligahin ang mga tao na gawin ang mga bagay sa paraang gusto mo? Si Jehova, taglay ang lahat ng kapangyarihan, ay hindi pumipilit sa mga tao na maglingkod sa kaniya. Bagaman ang paglilingkod sa Diyos ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan, hindi tayo pinupuwersa ni Jehova sa gayong paglilingkod. Bagkus, buong kabaitan niyang binibigyang-dangal ang bawat indibidwal sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kalayaang pumili. Nagbababala siya tungkol sa mga ibubunga ng di-matalinong pagpili at sinasabi niya ang mga magiging gantimpala ng matalinong pagpili. Subalit ipinauubaya niya sa atin ang pagpili mismo. (Deuteronomio 30:19, 20) Walang kainte-interes si Jehova sa paglilingkod na isinasagawa dahil sa napipilitan lamang o dahil sa malagim na pagkatakot sa kaniyang kamangha-manghang kapangyarihan. Hinahanap niya yaong mga maglilingkod sa kaniya nang may pagkukusa, dahil sa pag-ibig.​—2 Corinto 9:7.

      22, 23. (a) Ano ang nagpapakitang nalulugod si Jehova na bigyan ng kapangyarihan ang iba? (b) Ano ang ating isasaalang-alang sa susunod na kabanata?

      22 Tingnan natin ang huling dahilan kung bakit hindi tayo kailangang mamuhay nang may panghihilakbot sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Karaniwan nang natatakot ang makapangyarihang mga tao na ibahagi ang kanilang kapangyarihan sa iba. Gayunman, nalulugod si Jehova na bigyan ng kapangyarihan ang kaniyang tapat na mga mananamba. Ipinagkakatiwala niya sa iba ang malaking awtoridad, gaya halimbawa sa kaniyang Anak. (Mateo 28:18) Binibigyan din ni Jehova ng kapangyarihan ang kaniyang mga lingkod sa iba pang paraan. Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Sa iyo, O Jehova, ang kadakilaan at ang kalakasan at ang kagandahan at ang kaluwalhatian at ang karingalan, dahil ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa iyo. . . . Sa iyong kamay ay may kapangyarihan at kalakasan, at kaya mong gawing dakila at bigyan ng lakas ang lahat.”​—1 Cronica 29:11, 12.

      23 Oo, malulugod si Jehova na bigyan ka ng lakas. Nagkakaloob pa nga siya ng “lakas na higit sa karaniwan” doon sa mga nagnanais na maglingkod sa kaniya. (2 Corinto 4:7) Hindi ka ba mapapalapít sa Diyos na ito, na gumagamit ng kaniyang kapangyarihan sa mabait at may-simulaing paraan? Sa susunod na kabanata, pagtutuunan naman natin ng pansin kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang lumalang.

      a Ang salitang Griego na isinaling “Makapangyarihan-sa-Lahat” ay literal na nangangahulugang “Tagapamahala ng Lahat; ang Isa na Nagtataglay ng Lahat ng Kapangyarihan.”

      b Sinasabi ng Bibliya na “si Jehova ay wala sa hangin . . . , sa lindol . . . , sa apoy.” Di-gaya ng mga sumasamba sa maalamat na mga diyos ng kalikasan, ang mga lingkod ni Jehova ay hindi naghahanap sa kaniya sa loob ng mga puwersa ng kalikasan. Pagkalaki-laki niya para magkasya sa loob ng anumang bagay na nilalang niya.​—1 Hari 8:27.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • 2 Cronica 16:7-13 Paano ipinapakita sa halimbawa ni Haring Asa ang kaselangan ng hindi pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jehova?

      • Awit 89:6-18 Ano ang epekto ng kapangyarihan ni Jehova sa kaniyang mga mananamba?

      • Isaias 40:10-31 Paano inilalarawan dito ang kapangyarihan ni Jehova, gaano ito kalawak, at paano tayo makikinabang dito bilang indibidwal?

      • Apocalipsis 11:16-18 Ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya sa hinaharap sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, at bakit ito nakaaaliw sa tunay na mga Kristiyano?

  • Paglalang—“Ang Maylikha ng Langit at Lupa”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Araw na sumisikat sa isang palayan.

      KABANATA 5

      Paglalang—“Ang Maylikha ng Langit at Lupa”

      1, 2. Paano ipinapakita ng araw ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

      NARANASAN mo na bang tumayo sa tabi ng apoy sa gabing malamig? Marahil ay inilapit mo ang iyong mga kamay sa tamang distansiya mula sa apoy upang masiyahan sa init nito. Nang masyado kang lumapit, hindi mo natagalan ang init. Nang masyado ka namang lumayo, gininaw ka dahil sa malamig na hangin.

      2 May isang “apoy” na nagpapainit sa ating balat kung araw. Ang “apoy” na iyan ay nagliliyab sa layong 150 milyong kilometro!a Kay tindi nga ng araw anupat nadarama mo ang init nito mula sa gayong layo! Gayunman, umiikot ang lupa sa palibot ng nakasisindak na pagkainit-init na hurnong iyan sa eksaktong distansiya mula rito. Kung napakalapit, matutuyo ang tubig sa lupa; kung napakalayo naman, magyeyelong lahat ito. Alinman sa kalabisang ito ay mag-aalis ng buhay sa ating planeta. Yamang kailangang-kailangan upang mabuhay sa lupa, ang sinag ng araw ay malinis din at hindi pumapalya, bukod pa sa ito’y nakalulugod.​—Eclesiastes 11:7.

      3. Anong mahalagang katotohanan ang pinatutunayan ng araw?

      3 Pero marami ang nagwawalang-bahala sa araw, kahit na nakasalalay rito ang buhay nila. Sa gayon, hindi nila nauunawaan ang naituturo sa atin ng araw. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ginawa mo ang liwanag at ang araw.” (Awit 74:16) Oo, ang araw ay nagpaparangal kay Jehova, “ang Maylikha ng langit at lupa.” (Awit 19:1; 146:6) Ito’y isa lamang sa di-mabilang na mga bagay sa langit na nagtuturo sa atin ng tungkol sa ubod-dakilang kapangyarihan ni Jehova sa paglalang. Suriin muna nating mabuti ang ilan sa mga ito at saka natin ibaling ang ating pansin sa lupa at sa buhay na naroroon.

      “Ginawa [ni Jehova] ang liwanag at ang araw”

      “Tumingala Kayo sa Langit at Tingnan Ninyo”

      4, 5. Gaano kalakas at gaano kalaki ang araw, ngunit paano ito maihahambing sa ibang mga bituin?

      4 Gaya marahil ng alam mo, ang ating araw ay isang bituin. Ito’y waring mas malaki kaysa sa mga bituing nakikita natin kung gabi dahil ito’y mas malapit. Gaano ito kalakas? Sa pinakagitna nito, ang araw ay mga 15,000,000 digri Celsius. Kung makakakuha ka ng isang piraso ng pinakagitna ng araw na sinlaki ng ulo ng aspile at ilalagay iyon sa lupa, hindi ka makatatagal kahit 140 kilometro ang layo mo sa pagkaliit-liit na pirasong iyon ng init! Bawat segundo, ang araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng daan-daang milyong bombang nuklear.

      5 Ang araw ay pagkalaki-laki anupat mailalagay sa loob nito ang mahigit sa 1,300,000 kasukat ng ating lupa. Ang araw ba ay isang bituin na may pambihirang laki? Hindi, ang tawag ng mga astronomo rito ay bansot na kulay dilaw. Isinulat ni apostol Pablo na “magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin.” (1 Corinto 15:41) Tiyak na tinulungan siya ng banal na espiritu para maisulat iyan. May bituin na pagkalaki-laki anupat kung ilalagay ito sa mismong puwesto ng araw, ang ating lupa ay malalagay sa loob nito. May isa pang higanteng bituin na kung ipupuwesto rin doon ay makaaabot hanggang sa Saturn—bagaman ang planetang iyon ay napakalayo sa Lupa anupat inabot ng apat na taon ang isang sasakyang pangkalawakan bago nakarating doon, na naglalakbay nang mahigit 40 ulit na mas mabilis kaysa sa isang bala na pinaputok mula sa isang mataas-ang-kalibreng baril!

      6. Paano ipinapakita ng Bibliya na hindi mabibilang ng tao ang mga bituin?

      6 Ang lalo pang kagila-gilalas kaysa sa sukat ng mga bituin ay ang bilang ng mga ito. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng Bibliya na ang mga bituin ay napakahirap bilangin, gaya ng pagbilang sa “buhangin sa dagat.” (Jeremias 33:22) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na napakarami pang bituin bukod sa nakikita lamang ng mata. Ang totoo, kung ang isang manunulat ng Bibliya, na gaya ni Jeremias, ay tumingala sa langit isang gabi at sinubukang bilangin ang nakikitang mga bituin, mga tatlong libo lamang ang mabibilang niya, sapagkat ganiyan karami lamang ang nakikita ng mata ng tao sa isang maaliwalas na gabi. Ang bilang na iyan ay maaaring itulad sa bilang ng mga butil sa isang dakot lamang ng buhangin. Kaya talagang ang bilang ng mga bituin ay sadyang di-malirip, gaya ng buhangin sa dagat.b Sino ang makatutuos ng gayong bilang?

      Kuha ng mga bituin at galaksi sa isang teleskopyo.

      “Tinatawag niya silang lahat sa pangalan”

      7. Ano ang sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa bilang ng mga bituin sa ating galaksi o sa mga galaksi sa uniberso?

      7 Sumasagot ang Isaias 40:26: “Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo. Sino ang lumalang sa mga ito? Siya ang nagbibigay ng utos sa hukbo nila at binibilang niya sila; tinatawag niya silang lahat sa pangalan.” Ang Awit 147:4 ay nagsasabi: “Binibilang niya ang mga bituin.” Gaano ba karami ang mga bituin? Hindi iyan isang madaling tanong. Ayon sa mga astronomo, mayroon nang mahigit 100 bilyong bituin sa ating galaksi pa lamang na Milky Way.c May mga nagsasabi naman na mas marami pa diyan ang bilang ng mga bituin. Isa pa, hindi lang naman nag-iisa ang galaksi natin, at marami sa ibang mga galaksi ang may mas marami pang bituin. Ilan bang lahat ang mga galaksi? Tinataya ng ilang astronomo na ang mga ito ay daan-daang bilyon, o trilyon pa nga. Kaya lumilitaw na kahit ang bilang ng mga galaksi ay hindi man lamang matiyak ng tao. Paano pa kaya ang eksaktong dami ng lahat ng bilyon-bilyong bituing nakapaloob sa mga iyon? Subalit, alam ni Jehova ang bilang na iyan at binibigyan niya ang bawat bituin ng sarili nitong pangalan!

      8. (a) Paano mo ipaliliwanag ang sukat ng galaksing Milky Way? (b) Sa anong mga paraan isinaayos ni Jehova ang galaw ng mga bagay sa langit?

      8 Lalo tayong namamangha kapag binubulay-bulay natin ang sukat ng mga galaksi. Ang galaksing Milky Way ay tinatayang may sukat na 100,000 light-year ang diyametro. Gunigunihin ang isang sinag ng liwanag na naglalakbay sa pagkabilis-bilis na takbo na 300,000 kilometro sa bawat segundo. Aabutin ng 100,000 taon ang sinag na iyon bago matawid ang ating galaksi! At ang ilang galaksi ay maraming ulit na mas malaki kaysa sa ating galaksi. Sinasabi ng Bibliya na inilalatag ni Jehova “ang langit” na parang isang tela. (Awit 104:2) Isinasaayos din niya ang galaw ng mga ito. Mula sa pinakamaliit na butil ng alabok na nasa palibot ng mga bituin hanggang sa pinakamalaking galaksi, bawat isa ay kumikilos ayon sa pisikal na mga batas na ipinatupad ng Diyos. (Job 38:31-33) Dahil dito, itinulad ng mga siyentipiko sa masalimuot na sayaw na ballet ang eksaktong galaw ng mga bagay sa langit! Ngayon ay isipin naman ang Isa na gumawa ng mga bagay na ito. Hindi ka ba mamamangha sa Diyos na nagtataglay ng gayong dakilang kapangyarihang lumalang?

      “Ang Maylikha ng Lupa sa Pamamagitan ng Kapangyarihan Niya”

      9, 10. Paano nakikita ang kapangyarihan ni Jehova may kaugnayan sa posisyon ng ating sistema solar, Jupiter, Lupa, at Buwan?

      9 Nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa ating tahanan, ang lupa. Buong ingat na inilagay niya ang lupa sa ubod-lawak na unibersong ito. Naniniwala ang ilang siyentipiko na maraming galaksi ang hindi maaaring paglagyan ng isang planetang may buhay gaya ng sa atin. Ang kalakhang bahagi ng ating galaksing Milky Way ay maliwanag na hindi dinisenyo upang pamuhayan. Ang pinakasentro ng galaksi ay punong-puno ng mga bituin. Napakataas ng radyasyon, at karaniwan nang halos magbanggaan ang mga bituin. Ang mga gilid ng galaksi ay hindi nagtataglay ng maraming elementong kailangan upang sumustine ng buhay. Ang ating sistema solar ay eksaktong nasa pagitan ng dalawang kalabisang ito.

      10 Ang Lupa ay nakikinabang sa napakalaking planetang Jupiter kahit malayo ito. Mahigit sa isang libong ulit ang laki kaysa sa Lupa, ang Jupiter ay naglalabas ng napakalakas na puwersa ng grabidad. Ang resulta? Nahihigop nito o naililihis ang mga bagay na humahagibis sa kalawakan. Tinatantiya ng mga siyentipiko na kung hindi dahil sa Jupiter, ang pag-ulan ng malalaking bagay na tumatama sa Lupa ay magiging 10,000 ulit na mas matindi kaysa sa kasalukuyan. Mas malapit sa ating tahanan, ang ating lupa ay pinagpala ng isang pambihirang satelayt—ang buwan. Bukod sa pagiging maganda at isang “ilaw sa gabi,” napananatili ng buwan ang lupa sa isang di-nagbabago at matatag na pagkakatagilid. Ang pagkakatagilid na iyan ang dahilan ng pagkakaroon ng lupa ng di-nababago at maaasahang lagay ng panahon—isa pang mahalagang pakinabang para sa buhay rito.

      11. Paano dinisenyo ang atmospera ng lupa upang magsilbing proteksiyon sa nakamamatay na mga sinag ng araw?

      11 Ang kapangyarihang lumalang ni Jehova ay nakikita sa bawat pitak ng disenyo ng lupa. Isaalang-alang ang atmospera, na nagsisilbing proteksiyon. Ang araw ay naglalabas ng nakapagpapalusog at nakamamatay na mga sinag. Kapag tumama ang nakamamatay na mga sinag sa itaas na bahagi ng atmospera ng lupa, ginagawa nitong ozone ang ordinaryong oksiheno. Hinihigop naman ng nagiging ozone na ito ang karamihan sa mga sinag na iyon. Kaya ang ating planeta ay dinisenyo na may sariling proteksiyon!

      12. Paano ipinapakita ng siklo ng tubig sa atmospera ang kapangyarihang lumalang ni Jehova?

      12 Isang aspekto lamang iyan ng ating atmospera, isang masalimuot na timpla ng mga gas na tamang-tamang pansuporta sa mga nilalang na nabubuhay sa ibabaw ng lupa o sa paligid nito. Isa sa mga kababalaghan ng atmospera ay ang siklo ng tubig. Taon-taon ay hinihigop ng araw sa pamamagitan ng ebaporasyon ang mahigit sa 400,000 kilometro kubiko ng tubig mula sa mga karagatan ng lupa. Ang tubig ay nagiging ulap, na ikinakalat naman ng hangin ng atmospera sa lahat ng dako. Ang tubig na ito, na ngayo’y nalinis na, ay nagiging ulan, niyebe, at yelo, anupat muling pinupunan ang suplay ng tubig. Ito’y gaya ng sinasabi sa Eclesiastes 1:7: “Ang lahat ng ilog ay dumadaloy papunta sa dagat, pero hindi napupuno ang dagat. Bumabalik ang mga ilog sa pinagmulan nito para dumaloy ulit.” Si Jehova lamang ang makapagpapakilos ng gayong siklo.

      13. Anong katunayan ng kapangyarihan ng Maylalang ang nakikita natin sa mga pananim at sa lupang sinasaka?

      13 Saanman tayo makakita ng buhay, nakikita natin ang katunayan ng kapangyarihan ng Maylalang. Mula sa pagkalalaking mga redwood na umaabot nang mas mataas pa sa 30-palapag na mga gusali hanggang sa pagkaliliit na buhay-halaman na namumutiktik sa mga karagatan at naglalaan ng kalakhang bahagi ng oksihenong nilalanghap natin, nakikita ang kapangyarihang lumalang ni Jehova. Maging ang mismong lupang sinasaka ay punong-puno rin ng buhay—mga bulati, halamang-singaw, at mga mikrobyo, na gumagawang sama-sama sa masasalimuot na paraan na tumutulong upang tumubo ang mga halaman. Angkop lamang na banggitin sa Bibliya na ang lupang sinasaka ay may lakas.​—Genesis 4:12, talababa.

      14. Anong lakas ang taglay ng pagkaliit-liit na atomo?

      14 Walang alinlangan, si Jehova “ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan niya.” (Jeremias 10:12) Ang kapangyarihan ng Diyos ay nakikita maging sa kaniyang pinakamaliliit na nilalang. Halimbawa, ang isang milyong atomo na pinagtabi-tabi ay hindi pa rin magiging singkapal ng isang hibla ng buhok ng tao. At kahit na palakihin pa ang isang atomo hanggang sa maging kasintaas ng isang 14-na-palapag na gusali, ang nukleo nito ay magiging sinlaki lamang ng butil ng asin na nasa ikapitong palapag. Gayunman, ang pagkaliit-liit na nukleong iyon ang pinanggagalingan ng nakasisindak na lakas na nag-uumalpas sa isang nuklear na pagsabog!

      “Ang Lahat ng Humihinga”

      15. Sa pagtalakay sa iba’t ibang maiilap na hayop, anong aral ang itinuro ni Jehova kay Job?

      15 Ang isa pang maliwanag na katibayan ng kapangyarihang lumalang ni Jehova ay ang pagkarami-raming hayop sa lupa. Nakatala sa Awit 148 ang maraming bagay na pumupuri kay Jehova, at inilakip sa talata 10 ang ‘maiilap na hayop at lahat ng maaamong hayop.’ Upang ipakita kung bakit dapat mamangha ang tao sa Maylalang, minsan ay nakipag-usap si Jehova kay Job tungkol sa mga hayop na gaya ng leon, mailap na asno, torong-gubat, Behemot (posibleng hippopotamus), at Leviatan (posibleng buwaya). Ang punto? Kung ang tao ay namamangha sa malakas, nakakatakot, at di-mapaamong mga nilalang na ito, ano naman kaya ang dapat niyang madama sa Maylalang ng mga ito?​—Job, kabanata 38-41.

      16. Ano ang nakapagpapahanga sa iyo tungkol sa ilang ibon na nilalang ni Jehova?

      16 Binabanggit din sa Awit 148:10 ang “mga ibong may pakpak.” Isipin na lamang ang pagkakasari-sari! Binanggit ni Jehova kay Job ang avestruz, na “pinagtatawanan . . . ang kabayo at ang sakay nito.” Hindi makalipad ang ibong ito na ang taas ay 2.5 metro, subalit ito’y nakatatakbo nang 65 kilometro sa bawat oras, anupat ang isang hakbang ay umaabot ng hanggang 4.5 metro! (Job 39:13, 18) Sa kabilang dako naman, ang albatros ay gumugugol ng halos buong buhay nito sa himpapawid sa ibabaw ng karagatan. Ang nakabukang pakpak ng ibong ito ay may sukat na mga tatlong metro. Maaari itong pumailanlang nang tuloy-tuloy sa loob ng maraming oras nang hindi ikinakampay ang mga pakpak nito. Sa kabaligtaran naman, palibhasa’y limang sentimetro lamang ang haba, ang bee hummingbird ang pinakamaliit na ibon sa daigdig. Naikakampay nito ang mga pakpak nito hanggang 80 ulit sa isang segundo! Ang mga hummingbird, na kumikinang na parang maliliit na hiyas na may pakpak, ay nakaaali-aligid na parang mga helikopter at nakalilipad pa nga nang paurong.

      17. Gaano kalaki ang blue whale, at ano ang natural na magiging konklusyon natin matapos bulay-bulayin ang mga hayop na nilalang ni Jehova?

      17 Ang Awit 148:7 ay nagsasabi na maging ang mga “hayop sa dagat” ay pumupuri kay Jehova. Isaalang-alang ang pinaniniwalaan ng marami na siyang pinakamalaking hayop na nabuhay kailanman sa planetang ito, ang blue whale. Ang nilalang na ito na lumalangoy sa “malalalim na karagatan” ay maaaring umabot sa haba na 30 metro o higit pa. Maaari itong tumimbang nang kasimbigat ng isang kawan ng 30 nasa hustong-gulang na elepante. Dila pa lamang nito ay kasimbigat na ng isang elepante. Ang puso nito ay kasinlaki ng isang maliit na kotse. Ito ay tumitibok nang 9 na ulit lamang sa isang minuto—kabaligtaran naman ng puso ng hummingbird, na tumitibok nang mga 1,200 ulit sa isang minuto. Isa sa mga daluyan ng dugo ng blue whale ay napakalaki anupat maaaring gumapang ang isang bata sa loob nito. Tiyak na mauudyukan tayong sambitin din ang payo na siyang konklusyon ng aklat ng Mga Awit: “Ang lahat ng humihinga—purihin nila si Jah.”​—Awit 150:6.

      Matuto sa Kapangyarihang Lumalang ni Jehova

      18, 19. Gaano kasari-sari ang nabubuhay na bagay na ginawa ni Jehova sa lupang ito, at ano ang itinuturo sa atin ng paglalang tungkol sa kaniyang soberanya?

      18 Ano ang ating matututuhan mula sa paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Namamangha tayo dahil sa pagkakasari-sari ng paglalang. Isang salmista ang nagsabi: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! . . . Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.” (Awit 104:24) Totoong-totoo nga ito! Ang mga biyologo ay nakatuklas na ng mahigit sa isang milyong uri ng nabubuhay na bagay sa lupa; gayunman, iba’t iba ang kanilang opinyon kung ilang milyon talaga lahat ang mga iyon. Kung minsan, ang isang dalubsining ay hindi na makaisip ng malilikha. Sa kabaligtaran, ang pagiging malikhain ni Jehova—ang kaniyang kakayahang umimbento at lumikha ng mga bago at sari-saring bagay—ay maliwanag na walang limitasyon.

      19 Ang paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang lumalang ay nagtuturo sa atin tungkol sa kaniyang soberanya. Ang mismong salitang “Maylalang” ay nagbubukod kay Jehova mula sa lahat ng iba pang bagay sa uniberso, na pawang mga “nilalang.” Maging ang kaisa-isang Anak ni Jehova, na nagsilbing “isang dalubhasang manggagawa” noong panahon ng paglalang, ay hindi kailanman tinawag sa Bibliya na Maylalang o kapuwa-Maylalang. (Kawikaan 8:30; Mateo 19:4) Bagkus, siya “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Ang pagiging Maylalang ni Jehova ay nagbibigay sa kaniya ng likas na karapatang mamahala sa buong uniberso.​—Roma 1:20; Apocalipsis 4:11.

      20. Sa anong diwa nagpahinga si Jehova mula nang matapos ang kaniyang paglalang sa lupa?

      20 Huminto na ba si Jehova sa paggamit ng kaniyang kapangyarihang lumalang? Buweno, sinasabi nga sa Bibliya na nang matapos ni Jehova ang kaniyang gawang paglalang noong ikaanim na araw ng paglalang, “siya ay nagsimulang magpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya.” (Genesis 2:2) Ipinahiwatig ni apostol Pablo na ang ikapitong “araw” na ito ay libo-libong taon ang haba, yamang ito’y nagpapatuloy pa rin hanggang sa kaniyang kapanahunan. (Hebreo 4:3-6) Subalit ang ‘pagpapahinga’ ba ay nangangahulugang lubusan nang huminto si Jehova sa paggawa? Hindi, si Jehova ay hindi kailanman humihinto sa paggawa. (Awit 92:4; Juan 5:17) Kung gayon, ang kaniyang pamamahinga ay malamang na tumutukoy lamang sa pagtigil ng kaniyang pisikal na paglalang may kinalaman sa lupa. Subalit ang kaniyang paggawa sa ikatutupad ng kaniyang mga layunin ay nagpapatuloy. Halimbawa, ginabayan niya ang pagsulat ng Banal na Kasulatan. Kabilang pa nga sa kaniyang gawain ang paglalabas ng “isang bagong nilalang,” na tatalakayin sa Kabanata 19.​—2 Corinto 5:17.

      21. Paano makaaapekto ang kapangyarihang lumalang ni Jehova sa tapat na mga tao magpakailanman?

      21 Kapag natapos na ang araw ng kapahingahan ni Jehova, masasabi niyang “napakabuti” ang lahat ng kaniyang ginawa sa lupa, gaya ng sinabi niya sa pagtatapos ng anim na araw ng paglalang. (Genesis 1:31) Kung paano niya gagamitin ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihang lumalang pagkatapos nito ay hindi pa natin alam. Sa paanuman, makatitiyak tayo na patuloy tayong mabibighani sa paggamit ni Jehova ng kapangyarihang lumalang. Higit pa nga tayong matututo tungkol kay Jehova magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang. (Eclesiastes 3:11) Habang mas marami pa tayong natututuhan tungkol sa kaniya, lalo tayong mamamangha at mapapalapít sa ating Dakilang Maylalang.

      a Upang ilarawan ang napakalaking bilang na iyan, isipin ito: Para marating ng kotse ang distansiyang iyan—kahit na tulinan pa nang 160 kilometro sa bawat oras, 24 na oras sa isang araw—aabutin ka pa rin nang mahigit sa isang daang taon!

      b Ipinalalagay ng ilan na malamang na gumamit ng isang simpleng uri ng teleskopyo ang mga tao noong panahon ng Bibliya. Sabi ng pangangatuwiran, paano pa nga ba malalaman ng mga tao noon na ang bilang ng mga bituin ay ubod ng dami o di-mabilang? Hindi isinasaalang-alang ng gayong walang-batayang palagay si Jehova, na siyang Awtor ng Bibliya.​—2 Timoteo 3:16.

      c Isip-isipin na lamang kung gaano mo katagal bibilangin ang 100 bilyong bituin. Kung makakabilang ka ng isa sa bawat segundo—at itutuloy iyon ng 24 na oras sa isang araw—aabutin ka ng 3,171 taon!

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Awit 8:3-9 Paano maituturo sa atin ng paglalang ni Jehova ang kapakumbabaan?

      • Awit 19:1-6 Ang kapangyarihang lumalang ni Jehova ay maaaring mag-udyok sa atin na gawin ang ano, at bakit?

      • Mateo 6:25-34 Paanong ang pagbubulay-bulay sa kapangyarihang lumalang ni Jehova ay makatutulong sa atin na malabanan ang sobrang pag-aalala at magtakda ng tamang priyoridad sa buhay?

      • Gawa 17:22-31 Paanong ang paggamit ni Jehova sa kapangyarihang lumalang ay nagtuturo sa atin na mali ang idolatriya at na ang Diyos ay hindi malayo sa atin?

  • Pagpuksa—“Si Jehova ay Isang Malakas na Mandirigma”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Ang Paraon at ang hukbo ng Ehipto na nalulunod sa Dagat na Pula.

      KABANATA 6

      Pagpuksa—“Si Jehova ay Isang Malakas na Mandirigma”

      1-3. (a) Anong panganib ang hinarap ng mga Israelita sa kamay ng mga Ehipsiyo? (b) Paano nakipaglaban si Jehova para sa kaniyang bayan?

      NASUKOL ang mga Israelita—nakulong sila sa pagitan ng matatarik na dalisdis ng bundok at ng dagat na di-kayang tawirin. Ang hukbo ng mga Ehipsiyo, na malupit at walang pakundangan kung pumatay, ay nagmamadali sa pagtugis, anupat determinadong lipulin sila.a Gayunman, hinimok ni Moises ang bayan ng Diyos na huwag mawalan ng pag-asa. “Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo,” tiniyak niya sa kanila.​—Exodo 14:14.

      2 Lumilitaw na tumawag si Moises kay Jehova, at tumugon ang Diyos: “Bakit tumatawag ka pa sa akin? . . . Itaas mo ang tungkod mo at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat at hatiin iyon.” (Exodo 14:15, 16) Gunigunihin ang sumunod na mga pangyayari. Agad na inutusan ni Jehova ang kaniyang anghel, at ang haliging ulap ay lumagay sa likuran ng Israel, na marahil ay lumatag na parang pader at hinarang ang lumulusob na mga Ehipsiyo. (Exodo 14:19, 20; Awit 105:39) Iniunat ni Moises ang kaniyang kamay. Dahil sa malakas na hangin, ang dagat ay nahati. Ang tubig ay naipong gaya ng pader at nagbukas ng isang daan na may sapat na luwang upang magkasya ang buong bansa!—Exodo 14:21; 15:8.

      3 Yamang napaharap sa ganitong pagtatanghal ng kapangyarihan, dapat sana ay inutusan na ng Paraon ang kaniyang pangkat na umurong. Subalit nag-utos ang palalong Paraon na lumusob sila. (Exodo 14:23) Sumugod ang mga Ehipsiyo patungo sa sahig ng dagat para tumugis, subalit di-nagtagal at ang kanilang pagsalakay ay nauwi sa pagkakagulo nang magsimulang magtanggalan ang mga gulong ng mga karwahe nila. Nang ang mga Israelita ay ligtas na sa kabilang ibayo, nag-utos si Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa ibabaw ng dagat para bumalik sa dati ang tubig at malunod ang mga Ehipsiyo, kasama ang kanilang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero.” Bumagsak ang mga pader na tubig, anupat nalunod ang Paraon at ang kaniyang hukbo!—Exodo 14:24-28; Awit 136:15.

      4. (a) Ano ang pinatunayan ni Jehova sa Dagat na Pula? (b) Ano ang maaaring maging reaksiyon ng ilan sa paglalarawang ito kay Jehova?

      4 Ang pagliligtas sa bansang Israel sa Dagat na Pula ay isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. Doon ay pinatunayan ni Jehova na siya’y isang “malakas na mandirigma.” (Exodo 15:3) Subalit, ano ang reaksiyon mo sa paglalarawang ito kay Jehova? Totoo, gayon na lamang ang sakit at hirap na idinulot ng digmaan sa sangkatauhan. Maaari kayang ang kapangyarihang pumuksa ng Diyos ay makahadlang pa nga sa halip na makaganyak sa iyo na mapalapít sa kaniya?

      Sa Dagat na Pula, pinatunayan ni Jehova na siya’y isang “malakas na mandirigma”

      Pakikidigma ng Diyos Kontra sa mga Alitan ng Tao

      5, 6. (a) Bakit angkop lamang na ang Diyos ay tawaging “Jehova ng mga hukbo”? (b) Paano naiiba ang pakikidigma ng Diyos sa pakikidigma ng tao?

      5 Mga 260 ulit sa Hebreong Kasulatan at 2 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Diyos ay binigyan ng titulong “Jehova ng mga hukbo.” (1 Samuel 1:11) Bilang Kataas-taasang Tagapamahala, si Jehova ay namumuno sa pagkalaki-laking hukbo ng mga anghel. (Josue 5:13-15; 1 Hari 22:19) Ang kakayahang pumuksa ng hukbong ito ay nakamamangha. (Isaias 37:36) Ang pagpuksa sa mga tao ay hindi magandang isipin. Gayunman, dapat nating tandaan na ang pakikidigma ng Diyos ay di-gaya ng alitan ng tao. Maaaring idahilan ng mga lider ng militar at politika na ang kanilang pananalakay ay may marangal na motibo. Subalit ang pakikidigma ng tao ay kadalasan nang dahil sa kasakiman at pagkamakasarili.

      6 Sa kabaligtaran, si Jehova ay hindi pinakikilos ng di-mapigilang emosyon. Sinasabi ng Deuteronomio 32:4: “Ang Bato, walang maipipintas sa kaniyang mga gawa, dahil lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.” Hinahatulan ng Bibliya ang di-mapigil na galit, kalupitan, at karahasan. (Genesis 49:7; Awit 11:5) Kaya si Jehova ay hindi kailanman kumikilos nang walang dahilan. Bihira lamang niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihang pumuksa at ginagamit lamang ito kapag wala nang ibang solusyon. Ito’y gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “‘Natutuwa ba ako kapag namatay ang masama?’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Hindi ba mas gusto kong talikuran niya ang kaniyang landasin at patuloy siyang mabuhay?’”—Ezekiel 18:23.

      7, 8. (a) Ano ang inakala ni Job tungkol sa kaniyang mga pagdurusa? (b) Paano itinuwid ni Elihu ang pag-iisip ni Job hinggil sa bagay na ito? (c) Anong aral ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Job?

      7 Kung gayon, bakit ginagamit ni Jehova ang kapangyarihang pumuksa? Bago sumagot, alalahanin muna natin ang matuwid na si Job. Ang hamon ni Satanas ay kung mananatiling tapat si Job—sa totoo, ang bawat tao—sa ilalim ng pagsubok. Sinagot ni Jehova ang hamong iyan sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Satanas na subukin ang katapatan ni Job. Bilang resulta, si Job ay dumanas ng sakit, pagkaubos ng kayamanan, at pagkamatay ng kaniyang mga anak. (Job 1:1–2:8) Palibhasa’y hindi alam ang nasasangkot na mga isyu, inakala ni Job na ang kaniyang pagdurusa ay di-makatarungang parusa ng Diyos. Tinanong niya ang Diyos kung bakit Niya siya “pinupuntirya,” o “itinuturing na kaaway.”​—Job 7:20; 13:24.

      8 Isang nakababatang lalaki na nagngangalang Elihu ang naglantad ng kamalian ng pangangatuwiran ni Job, na sinasabi: “Talaga bang kumbinsido kang tama ka kaya sinasabi mo, ‘Mas matuwid ako sa Diyos’?” (Job 35:2) Oo, isang kamangmangan na isiping mas marunong tayo kaysa sa Diyos o ipalagay na siya’y kumilos nang hindi makatarungan. “Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!” sinabi ni Elihu. Nang dakong huli ay sinabi niya: “Hindi natin kayang unawain ang lahat ng bagay tungkol sa Makapangyarihan-sa-Lahat; napakalakas ng kapangyarihan niya, at hinding-hindi niya lalabagin ang kaniyang katarungan at saganang katuwiran.” (Job 34:10; 36:22, 23; 37:23) Makatitiyak tayo na kapag nakipaglaban ang Diyos, may mabuti siyang dahilan. Saliksikin natin ang ilang dahilan kung bakit ang Diyos ng kapayapaan kung minsan ay gumaganap ng papel ng isang mandirigma.​—1 Corinto 14:33.

      Kung Bakit Napipilitang Makipaglaban ang Diyos ng Kapayapaan

      9. Bakit nakikipaglaban ang Diyos ng kabanalan?

      9 Matapos purihin ang Diyos bilang isang “malakas na mandirigma,” si Moises ay nagpahayag: “Sino sa mga diyos ang gaya mo, O Jehova? Sino ang gaya mo, na walang katulad sa kabanalan?” (Exodo 15:11) Sumulat din si propeta Habakuk: “Napakadalisay ng iyong mga mata para tumingin sa masasamang bagay, at hindi mo matitiis ang kasamaan.” (Habakuk 1:13) Bagaman si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig, siya ay isa ring Diyos ng kabanalan, katuwiran, at katarungan. Kung minsan, ang mga iyan ang nagiging dahilan kung bakit napipilitan siyang gumamit ng kaniyang kapangyarihang pumuksa. (Isaias 59:15-19; Lucas 18:7) Kaya hindi narurungisan ng Diyos ang kaniyang kabanalan kapag siya’y nakikipaglaban. Bagkus, siya’y nakikipaglaban sapagkat siya’y banal.​—Exodo 39:30.

      10. Paano lamang malulutas ang alitan na inihula sa Genesis 3:15, at anong mga pakinabang ang idudulot nito sa matuwid na sangkatauhan?

      10 Isaalang-alang ang nangyari matapos na ang unang mag-asawang tao, sina Adan at Eva, ay maghimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-6) Kung kukunsintihin niya ang kanilang kalikuan, pahihinain ni Jehova ang kaniyang sariling posisyon bilang Kataas-taasan. Bilang isang matuwid na Diyos, naobliga siyang sentensiyahan sila ng kamatayan. (Roma 6:23) Sa unang hula sa Bibliya, sinabi niya na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng kaniyang mga lingkod at ng mga kampon ng “ahas,” si Satanas. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:15) Sa dakong huli, ang alitang ito ay malulutas lamang sa pamamagitan ng pagdurog kay Satanas. (Roma 16:20) Subalit ang paghatol na iyan ay magbubunga ng dakilang pagpapala para sa matuwid na sangkatauhan, anupat aalisin ang impluwensiya ni Satanas sa lupa at bubuksan ang daan tungo sa isang pangglobong paraiso. (Mateo 19:28) Hangga’t hindi pa iyon nagaganap, yaong mga pumapanig kay Satanas ay patuloy na magiging banta sa pisikal at espirituwal na kapakanan ng bayan ng Diyos. Paminsan-minsan, kakailanganing kumilos ni Jehova para sa bayan niya.

      Kumikilos ang Diyos Upang Alisin ang Kasamaan

      11. Bakit naobliga ang Diyos na magpasapit ng isang pangglobong delubyo?

      11 Ang Delubyo noong panahon ni Noe ay isang halimbawa ng gayong pagkilos. Sinabi sa Genesis 6:11, 12: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. Oo, tiningnan ng Diyos ang lupa at nakitang ito ay nasira; napakasama ng ginagawa ng lahat ng tao sa lupa.” Pababayaan kaya ng Diyos na ubusin ng masasama ang kahuli-hulihang bakas ng moralidad na natitira sa lupa? Hindi. Naobliga si Jehova na magpasapit ng isang pangglobong delubyo upang alisin sa lupa yaong mga desididong gumawa ng karahasan at imoralidad.

      12. (a) Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa “supling” ni Abraham? (b) Bakit dapat lipulin ang mga Amorita?

      12 Katulad ito ng paghatol ng Diyos sa mga Canaanita. Isiniwalat ni Jehova na mula kay Abraham, darating ang isang supling na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili. Kasuwato ng layuning iyan, ipinasiya ng Diyos na ibigay sa mga inapo ni Abraham ang lupain ng Canaan, isang lupaing tinatahanan ng isang bayan na tinatawag na mga Amorita. Paano maipagmamatuwid ng Diyos ang sapilitang pagpapaalis sa bayang ito mula sa kanilang lupain? Inihula ni Jehova na ang pagpapaalis na ito ay hindi magaganap hanggang sa makalipas ang mga 400 taon—hanggang sa ‘umabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.’b (Genesis 12:1-3; 13:14, 15; 15:13, 16; 22:18) Sa loob ng panahong iyon, patuloy na lumalalim ang pagkakalubog ng mga Amorita sa moral na kabulukan. Ang Canaan ay naging isang lupain ng idolatriya, pagpatay, at malalaswang gawain sa sekso. (Exodo 23:24; 34:12, 13; Bilang 33:52) Pinatay pa nga ng mga naninirahan sa lupain ang mga bata sa apoy bilang paghahain. Ihahantad ba ng isang banal na Diyos ang kaniyang bayan sa gayong kasamaan? Hindi! Sinabi niya: “Marumi ang lupain, at paparusahan ko ang mga nakatira dito dahil sa kasalanan nila, at isusuka sila ng lupain.” (Levitico 18:21-25) Gayunman, hindi pinatay ni Jehova ang mga tao nang walang patumangga. Ang mga Canaanita na nakaayon sa katuwiran, gaya ni Rahab at ng mga Gibeonita, ay pinaligtas.​—Josue 6:25; 9:3-27.

      Pakikipaglaban Alang-alang sa Kaniyang Pangalan

      13, 14. (a) Bakit obligado si Jehova na pakabanalin ang kaniyang pangalan? (b) Paano nilinis ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta?

      13 Sapagkat si Jehova ay banal, ang kaniyang pangalan ay banal. (Levitico 22:32) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Ang paghihimagsik sa Eden ay lumapastangan sa pangalan ng Diyos, anupat inilagay sa pag-aalinlangan ang reputasyon at paraan ng pamamahala ng Diyos. Hinding-hindi mapalalampas ni Jehova ang gayong paninirang-puri at paghihimagsik. Obligado siyang linisin ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta.​—Isaias 48:11.

      14 Isaalang-alang nating muli ang mga Israelita. Hangga’t mga alipin pa sila sa Ehipto, ang pangako ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan ng kaniyang supling, pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili ay waring walang saysay. Subalit sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila at pagtatatag sa kanila bilang isang bansa, nilinis ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta. Sa gayon ay tinawag ni propeta Daniel ang kaniyang Diyos sa panalangin: “O Diyos naming Jehova, ikaw na naglabas sa iyong bayan mula sa Ehipto gamit ang iyong makapangyarihang kamay at gumawa ng pangalan para sa iyong sarili.”​—Daniel 9:15.

      15. Bakit iniligtas ni Jehova ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya?

      15 Kapansin-pansin, nanalangin nang ganito si Daniel sa isang panahon na noo’y kinailangan ng mga Judio na kumilos muli si Jehova alang-alang sa Kaniyang pangalan. Ang masuwaying mga Judio ay bihag naman ngayon sa Babilonya. Ang kanilang sariling kabiserang lunsod, ang Jerusalem, ay nasa kagibaan. Batid ni Daniel na ang pagbabalik sa mga Judio sa kanilang bayang tinubuan ay magpapadakila sa pangalan ni Jehova. Sa gayon ay nanalangin si Daniel: “O Jehova, magpatawad ka. O Jehova, magbigay-pansin ka at kumilos! Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, alang-alang sa iyong pangalan na itinatawag sa iyong lunsod at bayan.”​—Daniel 9:18, 19.

      Pakikipaglaban Alang-alang sa Kaniyang Bayan

      16. Ipaliwanag kung bakit ang pagnanais ni Jehova na ipagtanggol ang kaniyang pangalan ay hindi nangangahulugang siya’y walang malasakit at makasarili.

      16 Ang pagnanais ba ni Jehova na ipagtanggol ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang siya’y walang malasakit at makasarili? Hindi naman, sapagkat sa pagkilos na kasuwato ng kaniyang kabanalan at pag-ibig sa katarungan, pinoprotektahan niya ang kaniyang bayan. Isaalang-alang ang kabanata 14 ng Genesis. Doon ay mababasa natin ang tungkol sa apat na haring sumasalakay na dumukot sa pamangkin ni Abraham na si Lot, kasama ang pamilya ni Lot. Sa tulong ng Diyos, lubusang nilupig ni Abraham ang mga puwersang mas malalakas sa kaniya! Ang ulat ng tagumpay na ito marahil ang siyang unang napatala sa “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova,” na malamang na isang aklat na nag-ulat din sa ilang sagupaang militar na hindi nakarekord sa Bibliya. (Bilang 21:14) Marami pang tagumpay ang sumunod.

      17. Ano ang nagpapakita na si Jehova ay nakipaglaban para sa mga Israelita pagkapasok nila sa lupain ng Canaan? Magbigay ng mga halimbawa.

      17 Nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa lupain ng Canaan, tiniyak sa kanila ni Moises: “Ang Diyos ninyong si Jehova ay nasa unahan ninyo at ipaglalaban niya kayo, gaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Ehipto.” (Deuteronomio 1:30; 20:1) Mula sa kahalili ni Moises, si Josue, at patuloy hanggang sa panahon ng mga Hukom at mga paghahari ng tapat na mga hari ng Juda, tunay ngang nakipaglaban si Jehova para sa kaniyang bayan, anupat binigyan sila ng maraming kahanga-hangang tagumpay laban sa kanilang mga kaaway.​—Josue 10:1-14; Hukom 4:12-17; 2 Samuel 5:17-21.

      18. (a) Bakit tayo makapagpapasalamat na si Jehova ay hindi nagbago? (b) Ano ang mangyayari kapag umabot na sa sukdulan ang alitan na inilarawan sa Genesis 3:15?

      18 Hindi nagbago si Jehova; ni nagbago man ang kaniyang layunin na gawing isang mapayapang paraiso ang planetang ito. (Genesis 1:27, 28) Kinapopootan pa rin ng Diyos ang kasamaan. Kasabay nito, mahal na mahal niya ang kaniyang bayan at malapit na siyang kumilos alang-alang sa kanila. (Awit 11:7) Sa katunayan, ang alitan na inilarawan sa Genesis 3:15 ay inaasahang sasapit sa isang madula at marahas na pagbabago sa malapit na hinaharap. Upang mapabanal ang kaniyang pangalan at maprotektahan ang kaniyang bayan, si Jehova ay minsan pang magiging isang “malakas na mandirigma”!—Zacarias 14:3; Apocalipsis 16:14, 16.

      19. (a) Ilarawan kung bakit ang paggamit ng Diyos ng kapangyarihang pumuksa ay magpapalapít sa atin sa kaniya. (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagnanais ng Diyos na makipaglaban?

      19 Isaalang-alang ang isang ilustrasyon: Halimbawang sinisibasib ng isang mabagsik na hayop ang pamilya ng isang lalaki at nakisangkot ang lalaki sa paglalaban at napatay niya ang mabangis na hayop. Aasahan mo ba na mayayamot ang kaniyang asawa at mga anak sa kaniyang ginawa? Sa kabaligtaran, aasahan mo na maaantig ang kanilang damdamin dahil sa kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig sa kanila. Sa katulad na paraan, hindi tayo dapat mayamot sa paggamit ng Diyos ng kapangyarihang pumuksa. Ang kaniyang pagnanais na ipaglaban tayo ay dapat na magpasidhi ng ating pag-ibig sa kaniya. Ang ating paggalang sa kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan ay dapat na tumindi rin. Sa gayon, “maaaring malugod ang Diyos sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang.”​—Hebreo 12:28.

      Maging Malapít sa “Malakas na Mandirigma”

      20. Kapag nababasa natin ang mga ulat sa Bibliya hinggil sa pakikidigma ng Diyos na maaaring hindi natin lubos na nauunawaan, ano ang dapat na maging reaksiyon natin, at bakit?

      20 Mangyari pa, hindi sa bawat pangyayari ay ipinaliliwanag sa Bibliya ang lahat ng detalye ng mga pasiya ni Jehova hinggil sa kaniyang pakikidigma. Subalit palagi tayong makatitiyak sa bagay na ito: Si Jehova ay hindi kailanman gumagamit ng kapangyarihang pumuksa sa isang walang-katarungan, walang-patumangga, o malupit na paraan. Kadalasan, ang pagsasaalang-alang sa konteksto ng isang ulat sa Bibliya o ilang impormasyon sa likod nito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay. (Kawikaan 18:13) Kahit wala sa atin ang lahat ng detalye, ang basta pagkatuto ng higit pa tungkol kay Jehova at pagbubulay-bulay sa kaniyang mahahalagang katangian ay makatutulong sa atin na malutas ang anumang pag-aalinlangan na maaaring bumangon. Kung gagawin natin ito, mapag-uunawa natin na may sapat na dahilan tayo upang magtiwala sa ating Diyos na si Jehova.​—Job 34:12.

      21. Bagaman siya’y isang “malakas na mandirigma” kung minsan, ano nga ba ang talagang likas na hilig ni Jehova?

      21 Bagaman si Jehova ay isang “malakas na mandirigma” kapag hinihingi ng pagkakataon, ito’y hindi nangangahulugang siya’y talagang likas na mahilig makipagdigma. Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo, si Jehova ay inilalarawan bilang nakahanda na sa paglaban sa kaniyang mga kaaway. Gayunman, nakita ni Ezekiel ang Diyos na napalilibutan ng isang bahaghari—isang sagisag ng kapayapaan. (Genesis 9:13; Ezekiel 1:28; Apocalipsis 4:3) Maliwanag, si Jehova ay mahinahon at mapagpayapa. “Ang Diyos ay pag-ibig,” isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 4:8) Lahat ng katangian ni Jehova ay umiiral na may perpektong pagkakatimbang. Kung gayon, kay laking pribilehiyo natin na mapalapít sa gayong makapangyarihan subalit maibiging Diyos!

      a Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang mga Hebreo ay “tinugis ng 600 karwahe kasama ang 50,000 mangangabayo at lubhang nasasandatahang impanteriya (infantry) na umaabot sa 200,000.”​—Jewish Antiquities, II, 324 [xv, 3].

      b Malamang, kabilang sa terminong “mga Amorita” rito ang lahat ng mga tao ng Canaan.​—Deuteronomio 1:6-8, 19-21, 27; Josue 24:15, 18.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • 2 Hari 6:8-17 Paanong ang papel ng Diyos bilang “Jehova ng mga hukbo” ay nakapagpapalakas ng loob sa atin sa panahon ng kabagabagan?

      • Ezekiel 33:10-20 Bago mapilitan si Jehova na gamitin ang kapangyarihang pumuksa, anong pagkakataon ang buong awang inilalawit niya doon sa mga sumasalansang sa kaniyang kautusan?

      • 2 Tesalonica 1:6-10 Paanong ang dumarating na pagkapuksa ng masasama ay magpapaginhawa sa tapat na mga lingkod ng Diyos?

      • 2 Pedro 2:4-13 Ano ang nagpapakilos kay Jehova upang gamitin ang kaniyang kapangyarihang pumuksa, na nagtuturo ng anong aral para sa buong sangkatauhan?

  • Pagbibigay ng Proteksiyon—“Ang Diyos ang Ating Kanlungan”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Kordero na karga ng isang pastol.

      KABANATA 7

      Pagbibigay ng Proteksiyon—“Ang Diyos ang Ating Kanlungan”

      1, 2. Nasa anong panganib ang mga Israelita sa kanilang pagpasok sa rehiyon ng Sinai noong 1513 B.C.E., at paano pinalakas ni Jehova ang kanilang loob?

      ANG mga Israelita ay nanganib nang pumasok sila sa rehiyon ng Sinai sa pagsisimula ng 1513 B.C.E. Isang kakila-kilabot na paglalakbay ang naghihintay sa kanila noon, paglalakad sa “pagkalawak-lawak at nakakatakot na ilang na pinamumugaran ng makamandag na mga ahas at alakdan.” (Deuteronomio 8:15, The New English Bible) Napaharap din sila sa banta ng pagsalakay ng kaaway na mga bansa. Si Jehova ang nagdala sa kaniyang bayan sa sitwasyong ito. Bilang kanilang Diyos, mapoprotektahan niya kaya sila?

      2 Kay laking pampalakas-loob ang mga salita ni Jehova: “Nakita ninyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, para madala ko kayo sa mga pakpak ng mga agila at mailapit kayo sa akin.” (Exodo 19:4) Ipinaalaala ni Jehova sa kaniyang bayan na nailigtas na niya sila noon mula sa mga Ehipsiyo, na ginagamit ang mga agila, wika nga, upang madala sila tungo sa kaligtasan. Subalit may iba pang dahilan kung bakit ang “mga pakpak ng mga agila” ay angkop na lumalarawan sa proteksiyon ng Diyos.

      3. Bakit ang “mga pakpak ng mga agila” ay angkop na lumalarawan sa proteksiyon ng Diyos?

      3 Hindi lamang ginagamit ng mga agila ang kanilang malalapad at malalakas na pakpak sa pagpapailanlang. Sa kainitan ng araw, inilulukob ng isang inang agila ang kaniyang mga pakpak—na umaabot nang mahigit sa dalawang metro—upang magmistulang proteksiyon, na tumatabing sa kaniyang mahihina pa at maliliit na inakáy mula sa nakapapasong init ng araw. Kung minsan naman, iniyayakap niya ang kaniyang mga pakpak sa kaniyang mga inakáy upang protektahan ang mga ito sa malamig na hangin. Kung paanong iniingatan ng agila ang kaniyang mga inakáy, gayundin ikinubli at pinrotektahan ni Jehova ang bagong-silang na bansang Israel. Ngayong nasa ilang, ang kaniyang bayan ay patuloy na manganganlong sa lilim ng kaniyang makapangyarihang mga pakpak habang sila’y nananatiling tapat. (Deuteronomio 32:9-11; Awit 36:7) Subalit makatuwiran ba tayong makaaasa sa ngayon na poprotektahan tayo ng Diyos?

      Ang Pangako na Magbibigay ng Proteksiyon ang Diyos

      4, 5. Bakit tayo lubusang makapagtitiwala sa pangako ng Diyos na poprotektahan niya tayo?

      4 Talagang may kakayahan si Jehova na protektahan ang kaniyang mga lingkod. Siya ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat”—isang titulo na nagpapahiwatig na taglay niya ang di-malalabanang kapangyarihan. (Genesis 17:1) Gaya ng di-masasawatang paglaki at pagliit ng tubig sa dagat, ang aktibong kapangyarihan ni Jehova ay hindi mahahadlangan. Yamang kaya niyang gawin ang anumang gustuhin niya, maitatanong natin, ‘Kalooban ba ni Jehova na gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang protektahan ang kaniyang bayan?’

      5 Ang sagot, sa isang salita, ay oo! Tinitiyak sa atin ni Jehova na poprotektahan niya ang kaniyang bayan. “Ang Diyos ang ating kanlungan at lakas, handa siyang tumulong kapag may mga problema,” ang sabi sa Awit 46:1. Yamang ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling,” lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniyang pangako na poprotektahan niya tayo. (Tito 1:2) Isaalang-alang natin ang ilang matitingkad na ilustrasyon na ginagamit ni Jehova upang ilarawan ang kaniyang pangangalaga.

      6, 7. (a) Ang pastol noong panahon ng Bibliya ay naglalaan ng anong proteksiyon para sa kaniyang mga tupa? (b) Paano inilalarawan ng Bibliya ang taos-pusong pagnanais ni Jehova na protektahan at pangalagaan ang kaniyang mga tupa?

      6 Si Jehova ang ating Pastol, at “tayo ang bayan niya at ang mga tupa sa pastulan niya.” (Awit 23:1; 100:3) Bibihirang hayop ang walang kalaban-laban na tulad ng inaalagaang tupa. Ang pastol noong panahon ng Bibliya ay dapat na maging matapang upang maprotektahan ang kaniyang mga tupa mula sa mga leon, lobo, at mga oso, gayundin mula sa mga magnanakaw. (1 Samuel 17:34, 35; Juan 10:12, 13) Subalit may mga panahon na kailangang maging malumanay sa pagprotekta sa mga tupa. Kapag nagsilang ang isang tupa na malayo sa kulungan, binabantayan ng mapagkalingang pastol ang ina habang ito’y mahina pa at pagkatapos ay binubuhat niya ang walang kalaban-labang kordero at dinadala ito sa kulungan.

      Kordero na karga ng isang pastol.

      “Bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib”

      7 Sa paghahalintulad ng kaniyang sarili sa isang pastol, tinitiyak sa atin ni Jehova ang kaniyang taos-pusong pagnanais na protektahan tayo. (Ezekiel 34:11-16) Alalahanin ang paglalarawan kay Jehova na masusumpungan sa Isaias 40:11, na tinalakay sa Kabanata 2 ng aklat na ito: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” Paano mapupunta ang maliit na kordero sa “dibdib” ng pastol—sa mga tupi sa bandang itaas ng damit niya? Ang kordero ay maaaring lumapit sa pastol at marahan pa ngang dumampi sa kaniyang binti. Gayunman, ang pastol ang siyang kailangang yumuko, bumuhat sa kordero, at marahang maglagay nito sa kaniyang dibdib. Isa ngang tunay na mapagmahal na larawan ng pagnanais ng ating Dakilang Pastol na ikubli at protektahan tayo!

      8. (a) Kanino ipinagkakaloob ang pangakong proteksiyon ng Diyos, at paano ito ipinahihiwatig sa Kawikaan 18:10? (b) Ano ang nasasangkot sa panganganlong sa pangalan ng Diyos?

      8 Ang pangako ng Diyos na proteksiyon ay may pasubali—mararanasan lamang ito niyaong mga lumalapit sa kaniya. Ang Kawikaan 18:10 ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at tumatanggap ng proteksiyon.” Noong panahon ng Bibliya, ang mga tore kung minsan ay itinatayo sa ilang bilang mga ligtas na dakong kanlungan. Subalit pananagutan na ng isang nanganganib na tumakas patungo sa gayong tore upang makaligtas. Katulad din ito ng panganganlong sa pangalan ng Diyos. Hindi lamang ang pag-uulit ng pangalan ng Diyos ang sangkot dito; ang pangalan ng Diyos sa ganang sarili nito ay hindi isang mahiwagang anting-anting. Sa halip, kailangan nating makilala at pagtiwalaan ang Maytaglay ng pangalang iyan at mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Kay bait talaga ni Jehova na tiyakin sa atin na kung tayo’y babaling sa kaniya taglay ang pananampalataya, siya’y magiging isang toreng nagbibigay ng proteksiyon sa atin!

      ‘Kaya Kaming Iligtas ng Diyos Namin’

      9. Paanong si Jehova ay hindi lamang nangangako ng proteksiyon?

      9 Hindi lamang basta nangangako si Jehova ng proteksiyon. Noong panahon ng Bibliya, ipinamalas niya sa makahimalang mga paraan na naprotektahan niya ang kaniyang bayan. Noong panahon ng kasaysayan ng Israel, kadalasan nang nasusugpo ng makapangyarihang “kamay” ni Jehova ang malalakas na kaaway. (Exodo 7:4) Gayunman, ginamit din ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon alang-alang sa mga indibidwal.

      10, 11. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita kung paano ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon alang-alang sa mga indibidwal?

      10 Nang ang tatlong kabataang Hebreo—na kilala bilang sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ay tumangging yumukod sa gintong imahen ni Haring Nabucodonosor, nagbabala ang galit na galit na hari na ihahagis sila sa isang pagkainit-init na hurno. “Sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo mula sa kamay ko?” ang panunuya ni Nabucodonosor, ang pinakamakapangyarihang monarka sa lupa. (Daniel 3:15) Ang tatlong kabataang lalaki ay may lubos na pagtitiwala sa kapangyarihan ng kanilang Diyos na protektahan sila, subalit hindi sila umasa na tiyak na gagawin niya iyon. Sa gayon, sila’y sumagot: “Kung ihahagis kami sa nagniningas na hurno, kaya kaming iligtas ng Diyos na pinaglilingkuran namin.” (Daniel 3:17) Sa katunayan, ang nagniningas na hurnong iyon, kahit na pinainit pa nang pitong ulit kaysa sa normal, ay hindi naman talaga naging hamon sa kanilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pinrotektahan nga niya sila, at napilitan ang hari na aminin: “Walang ibang diyos na makapagliligtas na gaya ng isang ito.”​—Daniel 3:29.

      11 Nagbigay pa rin si Jehova ng isang tunay na kahanga-hangang pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon nang ilipat niya ang buhay ng kaniyang kaisa-isang Anak sa sinapupunan ng Judiong birhen na si Maria. Sinabi ng anghel kay Maria na siya’y “magdadalang-tao . . . at magkakaanak ng isang lalaki.” Sinabi pa ng anghel: “Sasaiyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan.” (Lucas 1:31, 35) Sa wari, ang Anak ng Diyos ay hindi pa kailanman napasa ganitong kapanganib na kalagayan. Mababahiran kaya ng kasalanan at pagiging di-perpekto ng taong ina ang binhi? Masasaktan kaya o mapapatay ni Satanas ang Anak na iyan bago siya isilang? Imposible! Sa diwa, si Jehova ay naglagay ng isang pader sa palibot ni Maria upang walang anumang bagay—pagiging di-perpekto, anumang nakapananakit na puwersa, mapamaslang na tao, o demonyo—ang makapipinsala sa lumalaking binhi, mula sa panahon ng paglilihi patuloy. Nagpatuloy si Jehova sa pagprotekta kay Jesus sa panahon ng kabataan nito. (Mateo 2:1-15) Hanggang hindi pa sumasapit ang itinakdang panahon ng Diyos, ang kaniyang mahal na Anak ay hindi maaaring salakayin.

      12. Bakit makahimalang pinrotektahan ni Jehova ang ilang indibidwal noong panahon ng Bibliya?

      12 Bakit pinrotektahan ni Jehova ang ilang indibidwal sa gayong makahimalang mga paraan? Sa maraming pagkakataon ay pinrotektahan ni Jehova ang mga indibidwal upang maingatan ang lalo pang higit na mahalaga: ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Halimbawa, ang kaligtasan ng sanggol na si Jesus ay napakahalaga sa ikatutupad ng layunin ng Diyos, na sa dakong huli ay pakikinabangan ng buong sangkatauhan. Ang ulat ng maraming pagtatanghal ng kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ay bahagi ng Kasulatan, na “isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.” (Roma 15:4) Oo, ang mga halimbawang ito ay nakapagpapatibay ng ating pananampalataya sa ating Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Subalit anong proteksiyon ang maaasahan natin mula sa Diyos sa ngayon?

      Kung Ano ang Hindi Kahulugan ng Proteksiyon ng Diyos

      13. Obligado ba si Jehova na gumawa ng mga himala alang-alang sa atin? Ipaliwanag.

      13 Ang pangakong proteksiyon ng Diyos ay hindi nangangahulugang si Jehova ay obligadong gumawa ng mga himala alang-alang sa atin. Hindi, hindi tayo ginagarantiyahan ng ating Diyos ng isang buhay na walang problema sa lumang sistemang ito. Maraming tapat na lingkod ni Jehova ang napapaharap sa matitinding problema, lakip na ang kahirapan, digmaan, sakit, at kamatayan. Maliwanag na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na bilang mga indibidwal, sila’y maaaring patayin dahil sa kanilang pananampalataya. Iyan ang dahilan kung bakit idiniin ni Jesus na kailangang magtiis hanggang sa wakas. (Mateo 24:9, 13) Kung gagamitin ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang gumawa ng makahimalang pagliligtas sa lahat ng pagkakataon, siguradong tutuyain ni Satanas si Jehova at pagdududahan ang pagiging tunay ng ating debosyon sa Diyos.​—Job 1:9, 10.

      14. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na hindi palaging pinoprotektahan ni Jehova ang lahat ng kaniyang lingkod sa magkakatulad na paraan?

      14 Kahit noong panahon ng Bibliya, hindi ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon upang iligtas ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod mula sa di-napapanahong kamatayan. Halimbawa, pinatay ni Herodes si apostol Santiago noong mga 44 C.E.; ngunit hindi pa natatagalan pagkaraan nito, iniligtas naman si Pedro “mula sa kamay ni Herodes.” (Gawa 12:1-11) At si Juan, kapatid ni Santiago, ay nabuhay nang mas matagal kaysa kina Pedro at Santiago. Maliwanag na hindi natin maaasahan na poprotektahan ng ating Diyos ang lahat ng kaniyang lingkod sa magkakatulad na paraan. Bukod diyan, lahat tayo ay naaapektuhan ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kung gayon, paano tayo pinoprotektahan ni Jehova sa ngayon?

      Naglalaan si Jehova ng Pisikal na Proteksiyon

      15, 16. (a) Anong katibayan mayroon na si Jehova ay nagbibigay ng pisikal na proteksiyon para sa kaniyang mga mananamba bilang isang grupo? (b) Bakit tayo makapagtitiwala na poprotektahan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa ngayon at sa panahon ng “malaking kapighatian”?

      15 Isaalang-alang muna natin ang tungkol sa pisikal na proteksiyon. Bilang mga mananamba ni Jehova, maaasahan natin ang gayong proteksiyon bilang isang grupo. Kung hindi, wala tayong kalaban-laban kay Satanas. Pag-isipan ito: Wala nang ibang gusto si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito,” kundi ang pawiin ang tunay na pagsamba. (Juan 12:31; Apocalipsis 12:17) Ipinagbawal ng ilan sa pinakamakapangyarihang mga pamahalaan sa lupa ang ating pangangaral at sinikap na pawiin tayo nang lubusan. Gayunman, ang bayan ni Jehova ay nananatiling matatag at nagpapatuloy sa pangangaral nang walang humpay! Bakit kaya hindi mapahinto ng makapangyarihang mga bansa ang gawain ng maituturing na maliit at sa wari’y walang kalaban-labang grupong ito ng mga Kristiyano? Sapagkat ikinubli tayo ni Jehova sa ilalim ng kaniyang makapangyarihang mga pakpak!—Awit 17:7, 8.

      16 Kumusta naman ang pisikal na proteksiyon sa dumarating na “malaking kapighatian”? Hindi natin dapat ikatakot ang paglalapat ng mga kahatulan ng Diyos. Tutal, “alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok at italaga sa pagkapuksa ang mga taong di-matuwid sa araw ng paghuhukom.” (Apocalipsis 7:14; 2 Pedro 2:9) Samantala, dalawang bagay ang palaging matitiyak natin. Una, hindi kailanman pahihintulutan ni Jehova na mapawi sa lupa ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ikalawa, gagantimpalaan niya ng buhay na walang hanggan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan ang mga nag-iingat ng katapatan—kung kinakailangan, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Para sa mga namatay, wala nang mas ligtas na dako kundi ang pagiging nasa alaala ng Diyos.​—Juan 5:28, 29.

      17. Paano tayo iniingatan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita?

      17 Maging sa ngayon, iniingatan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang buháy na “salita,” na may kapangyarihang magpakilos upang mapagaling ang mga puso at mabago ang mga buhay. (Hebreo 4:12) Sa pagkakapit ng mga simulain nito, sa ilang paraan ay mapoprotektahan tayo mula sa pisikal na kapinsalaan. “Ako, si Jehova, . . . ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka,” ang sabi sa Isaias 48:17. Walang alinlangan, ang pamumuhay na kasuwato ng Salita ng Diyos ay makapagpapabuti ng ating kalusugan at makapagpapahaba ng ating buhay. Halimbawa, dahil sa ikinakapit natin ang payo ng Bibliya na umiwas sa seksuwal na imoralidad at maglinis ng ating sarili mula sa karumihan, naiiwasan natin ang maruruming gawain at nakapipinsalang mga paggawi na nagdudulot ng pagkapariwara sa buhay ng maraming di-makadiyos na mga tao. (Gawa 15:29; 2 Corinto 7:1) Kay laking pasasalamat natin sa proteksiyon ng Salita ng Diyos!

      Pinoprotektahan Tayo ni Jehova sa Espirituwal

      18. Anong espirituwal na proteksiyon ang ibinibigay sa atin ni Jehova?

      18 Pinakamahalaga sa lahat, si Jehova ay nagbibigay ng espirituwal na proteksiyon. Pinoprotektahan tayo ng ating maibiging Diyos mula sa espirituwal na pamiminsala sa pamamagitan ng pagsasangkap sa atin ng kailangan natin upang matiis ang mga pagsubok at upang maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Sa gayon ay kumikilos si Jehova upang maingatan ang ating buhay, hindi lamang sa ilang maiikling taon kundi magpakailanman. Tingnan ang ilang paglalaan ng Diyos para protektahan tayo sa espirituwal.

      19. Paanong ang espiritu ni Jehova ay tutulong sa atin na makayanan ang anumang pagsubok na mapapaharap sa atin?

      19 Si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kapag sa wari’y hindi na makayanan ang mga panggigipit sa buhay, ang pagbubuhos sa kaniya ng nilalaman ng ating puso ay makapagdudulot sa atin ng malaking ginhawa. (Filipos 4:6, 7) Maaaring hindi niya alisin ang mga pagsubok sa atin sa makahimalang paraan, subalit bilang tugon sa ating taos-pusong pananalangin, maipagkakaloob niya sa atin ang karunungan upang maharap ang mga ito. (Santiago 1:5, 6) Higit pa riyan, si Jehova ay nagbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya. (Lucas 11:13) Ang makapangyarihang espiritung iyan ay makatutulong sa atin na makayanan ang anumang pagsubok o suliranin na mapapaharap sa atin. Mapupuspos tayo nito ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagtiis hanggang sa alisin ni Jehova ang lahat ng nakapipighating suliranin sa bagong sanlibutan na napakalapit na.​—2 Corinto 4:7.

      20. Paanong ang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ni Jehova ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng ating kapuwa mga mananamba?

      20 Kung minsan, ang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon ni Jehova ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng ating kapuwa mga mananamba. Inilapit tayo ni Jehova sa kaniya para maging bahagi ng isang pandaigdig na “samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17; Juan 6:44) Sa maibiging kapatirang iyan, nakikita natin ang buháy na patotoo ng kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos na makaimpluwensiya sa mga tao sa ikabubuti. Ang espiritung iyan ay nagluluwal sa atin ng bunga—magaganda at mahahalagang katangian lakip na rito ang pag-ibig, kabaitan, at kabutihan. (Galacia 5:22, 23) Kaya naman, kapag tayo’y nababagabag at ang isang kapananampalataya ay napakilos na mag-alok ng nakatutulong na payo o magbigay ng lubhang-kinakailangang mga salitang pampatibay, makapagpapasalamat tayo kay Jehova sa gayong mga kapahayagan ng kaniyang pangangalaga.

      21. (a) Anong napapanahong espirituwal na pagkain ang inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin”? (b) Paano ka personal na nakinabang mula sa mga paglalaan ni Jehova upang maprotektahan tayo sa espirituwal?

      21 May isa pang bagay na ibinibigay si Jehova upang protektahan tayo: napapanahong espirituwal na pagkain. Upang matulungan tayong makakuha ng lakas mula sa kaniyang Salita, inatasan ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” na mamahagi ng espirituwal na pagkain. Ang tapat na aliping iyan ay gumagamit ng mga nakalathalang publikasyon, kabilang na ang mga babasahing Bantayan at Gumising!, pati na ang website natin na jw.org, mga pulong, asamblea, at kombensiyon upang bigyan tayo ng “pagkain sa tamang panahon”—kung ano ang kailangan natin at kung kailan natin ito kailangan. (Mateo 24:45) May narinig ka na ba sa Kristiyanong pagpupulong—sa komento, sa pahayag, o maging sa panalangin—na naglalaan ng lakas at pampatibay-loob na sadyang kinakailangan? Naapektuhan na ba ang iyong buhay ng isang espesipikong artikulo na inilathala sa isa sa ating mga babasahin? Tandaan, si Jehova ang nagsusuplay ng lahat ng paglalaang ito upang maprotektahan tayo sa espirituwal.

      22. Sa anong paraan palaging ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, at bakit ang paggawa niya nito ang pinakamabuti para sa ating kapakanan?

      22 Si Jehova ay talagang isang kalasag “sa lahat ng nanganganlong sa kaniya.” (Awit 18:30) Batid natin na hindi niya ginagamit ang kaniyang kapangyarihan upang protektahan tayo mula sa lahat ng kalamidad sa ngayon. Gayunman, palagi nga niyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon upang matiyak ang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Sa dakong huli, ang paggawa niya nito ang pinakamabuti para sa kapakanan ng kaniyang bayan. Kung tayo’y magiging malapít sa kaniya at mananatili sa kaniyang pag-ibig, si Jehova ay magbibigay sa atin ng perpektong buhay magpakailanman. Taglay sa isip ang pag-asang iyan, tunay ngang maaari nating ituring na ang anumang paghihirap sa sistemang ito ay “panandalian at magaan.”​—2 Corinto 4:17.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Awit 23:1-6 Bilang ang Dakilang Pastol, paano pinoprotektahan at pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang tulad-tupang bayan?

      • Awit 91:1-16 Paano tayo pinoprotektahan ni Jehova mula sa espirituwal na kalamidad, at ano ang dapat nating gawin upang tumanggap tayo ng kaniyang proteksiyon?

      • Daniel 6:16-22, 25-27 Paano tinuruan ni Jehova ang isang sinaunang hari tungkol sa Kaniyang kapangyarihang magbigay ng proteksiyon, at ano ang matututuhan natin sa halimbawang ito?

      • Mateo 10:16-22, 28-31 Anong pagsalansang ang maaasahan natin, subalit bakit hindi natin dapat katakutan ang mga mananalansang?

  • Pagbabalik sa Dati—‘Ginagawang Bago ni Jehova ang Lahat’
    Maging Malapít kay Jehova
    • Napakasaya ng biyuda habang yakap ang kaniyang binuhay-muling anak na lalaki.

      KABANATA 8

      Pagbabalik sa Dati—‘Ginagawang Bago ni Jehova ang Lahat’

      1, 2. Anong mga kawalan ang nagpapahirap sa pamilya ng sangkatauhan sa ngayon, at paano ito nakaaapekto sa atin?

      NAIWALA o nasira ng isang bata ang pinakamamahal na laruan at ito’y humagulgol. Totoong makabagbag-puso ang iyak na iyon! Subalit, nakita mo na ba kung paano umaaliwalas ang mukha ng isang bata kapag naibalik ng magulang ang naiwala? Para sa magulang, isang simpleng bagay lamang na mahanap ang laruan o kaya’y makumpuni ito. Subalit ang bata ay tuwang-tuwa at manghang-mangha. Ang inakalang talagang nawala na ay naibalik!

      2 Si Jehova, ang pinakadakilang Ama, ay may kapangyarihang magbalik ng isang bagay na maaaring para sa kaniyang mga anak sa lupa ay lubusan nang nawala. Mangyari pa, hindi basta mga laruan lamang ang ating tinutukoy. Sa ganitong “mapanganib at mahirap [na] kalagayan,” napapaharap tayo sa mga kawalan na higit pang napakalubha. (2 Timoteo 3:1-5) Karamihan sa pinakaiingatan ng mga tao ay waring patuloy na nanganganib—tahanan, mga pag-aari, trabaho, maging kalusugan. Baka nadidismaya rin tayo kapag naiisip natin ang pagkawasak ng kapaligiran at ang resultang pagkawala ng maraming uri ng nabubuhay na mga kinapal dahil sa pagkalipol ng mga ito. Gayunman, wala nang sasakit pa sa pagkamatay ng isa nating minamahal. Ang pagkadama ng pangungulila at kawalang-magagawa ay maaaring napakatindi.​—2 Samuel 18:33.

      3. Anong nakaaaliw na pag-asa ang nakabalangkas sa Gawa 3:21, at paano ito isasakatuparan ni Jehova?

      3 Kung gayon, kay laking kaaliwan nga na malaman ang tungkol sa kapangyarihan ni Jehova na magbalik ng mga bagay-bagay! Gaya ng makikita natin, kagila-gilalas ang lawak ng kayang ibalik ng Diyos at ng talagang ibabalik niya sa kaniyang mga anak sa lupa. Sa katunayan, ipinapakita ng Bibliya na layunin ni Jehova na “ibalik sa dati ang lahat ng bagay.” (Gawa 3:21) Upang maisagawa ito, gagamitin ni Jehova ang Mesiyanikong Kaharian, na pinamamahalaan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ipinakikita ng katibayan na ang Kahariang ito ay nagsimula nang mamahala sa langit noong 1914.a (Mateo 24:3-14) Tingnan natin ang ilang kamangha-manghang bagay na ginagawang bago ni Jehova. Ang isa sa mga ito ay nakikita at nararanasan na natin. Ang iba naman ay sa hinaharap pa magaganap sa malawakang paraan.

      Ang Pagbabalik ng Dalisay na Pagsamba

      4, 5. Ano ang nangyari sa bayan ng Diyos noong 607 B.C.E., at anong pag-asa ang inialok ni Jehova sa kanila?

      4 Ang isang bagay na naibalik na ni Jehova ay ang dalisay na pagsamba. Upang maunawaan ang kahulugan nito, sandali nating suriin ang naging kasaysayan ng kaharian ng Juda. Ang paggawa nito ay magbibigay sa atin ng nakapananabik na kaunawaan kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati.​—Roma 15:4.

      5 Isip-isipin na lamang ang nadama ng tapat na mga Judio noong 607 B.C.E. nang mawasak ang Jerusalem. Ang kanilang pinakamamahal na lunsod ay nasira at ang mga pader nito ay nagiba. Mas masahol pa, ang maluwalhating templo na itinayo ni Solomon, ang nag-iisang sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa buong lupa, ay naguho. (Awit 79:1) Ang mga nakaligtas ay itinapon sa Babilonya, anupat ang kanilang bayang tinubuan ay naging tiwangwang na dakong pinamumugaran ng mababangis na hayop. (Jeremias 9:11) Mula sa pananaw ng tao, wari ngang naglaho na ang lahat. (Awit 137:1) Subalit si Jehova, na malaon nang humula sa pagpuksang ito, ay naglaan ng pag-asa na ibabalik sa dati ang mga bagay-bagay.

      6-8. (a) Anong paulit-ulit na tema ang masusumpungan sa mga sulat ng mga propetang Hebreo, at paano unang natupad ang gayong mga hula? (b) Sa makabagong panahon, paano naranasan ng bayan ng Diyos ang katuparan ng maraming hula tungkol sa pagbabalik sa dati?

      6 Sa katunayan, ang pagbabalik sa dati ay isang paulit-ulit na tema sa mga sulat ng mga propetang Hebreo.b Sa pamamagitan nila, ipinangako ni Jehova ang isang lupaing ibinalik sa dati at muling pinanahanan, mabunga, pinoprotektahan mula sa pagsalakay ng mababangis na hayop at ng mga kaaway. Inilarawan niya ang lupain nilang ito bilang isa ngang tunay na paraiso! (Isaias 65:25; Ezekiel 34:25; 36:35) Higit sa lahat, ang dalisay na pagsamba ay muling itatatag, at ang templo ay muling itatayo. (Mikas 4:1-5) Ang mga hulang ito ay nagbigay ng pag-asa sa mga tapong Judio, anupat tumulong sa kanila upang matiis ang kanilang 70-taóng pagkabihag sa Babilonya.

      7 Sa wakas, dumating na rin ang panahon ng pagbabalik sa dati. Matapos mapalaya mula sa Babilonya, ang mga Judio ay nagbalik sa Jerusalem at itinayong muli ang templo ni Jehova roon. (Ezra 1:1, 2) Habang sila’y naninindigan sa dalisay na pagsamba, sila’y pinagpapala noon ni Jehova at pinagiging mabunga at masagana ang kanilang lupain. Pinoprotektahan niya sila sa mga kaaway at sa mababangis na hayop na namugad sa kanilang lupain sa loob ng ilang dekada. Tiyak na tuwang-tuwa sila sa kapangyarihang magbalik sa dati ni Jehova! Subalit ang mga pangyayaring iyon ay isang pasimula at limitadong katuparan lamang ng mga hula tungkol sa pagbabalik sa dati. Mayroon pang darating na mas malaking katuparan “sa huling bahagi ng mga araw,” sa atin mismong panahon, kapag ang malaon-nang-ipinangakong Tagapagmana ni Haring David ay iniluklok na sa trono.​—Isaias 2:2-4; 9:6, 7.

      8 Di-nagtagal matapos iluklok si Jesus sa Kaharian sa langit noong 1914, inasikaso niya ang espirituwal na mga pangangailangan ng tapat na bayan ng Diyos sa lupa. Kung paanong pinalaya ng Persianong manlulupig na si Ciro ang isang nalabi ng mga Judio mula sa Babilonya noong 537 B.C.E., gayundin pinalaya ni Jesus ang isang nalabi ng espirituwal na mga Judio—ang kaniyang sariling mga tagasunod-yapak—mula sa impluwensiya ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:1-5; Roma 2:29) Mula 1919 patuloy, naibalik na ang dalisay na pagsamba sa wastong lugar nito sa buhay ng tunay na mga Kristiyano. (Malakias 3:1-5) Mula noon, ang bayan ni Jehova ay sumamba na sa kaniya sa kaniyang nilinis na espirituwal na templo—ang kaayusan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba. Bakit ito mahalaga sa atin sa ngayon?

      Kung Bakit Mahalagang Ibalik ang Tamang Paraan ng Pagsamba

      9. Matapos ang panahon ng mga apostol, ano ang ginawa ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa pagsamba sa Diyos, subalit ano ang ginawa ni Jehova sa ating kapanahunan?

      9 Isaalang-alang ang mga nangyari ayon sa kasaysayan. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nagtamasa ng maraming espirituwal na pagpapala. Subalit inihula ni Jesus at ng mga apostol na ang tunay na pagsamba ay mapapasamâ at maglalaho. (Mateo 13:24-30; Gawa 20:29, 30) Matapos ang panahon ng mga apostol, bumangon ang Sangkakristiyanuhan. Tinanggap ng mga klerigo nito ang mga paganong turo at mga gawain. Ginawa rin nilang halos imposible ang paglapit sa Diyos, anupat inilalarawan siya bilang isang mahirap-unawaing Trinidad at tinuturuan ang mga tao na mangumpisal sa mga pari at magdasal kay Maria at sa iba’t ibang “santo” sa halip na kay Jehova. Ngayon, matapos ang gayong pagpapasamâ sa loob ng maraming siglo, ano ang ginawa ni Jehova? Sa gitna ng daigdig sa ngayon—isang daigdig na tigib ng relihiyosong kabulaanan at pinarumi ng di-makadiyos na mga gawain—kumilos na siya at ibinalik niya ang dalisay na pagsamba! Walang-halong pagmamalabis, masasabi natin na ang pagbabalik na ito ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa makabagong panahon.

      10, 11. (a) Anong dalawang elemento ang kasangkot sa espirituwal na paraiso, at paano ka apektado? (b) Anong uri ng mga tao ang tinitipon ni Jehova sa espirituwal na paraiso, at ano ang pribilehiyo nilang masaksihan?

      10 Dahil sa ginawa ni Jehova, ang espirituwal na paraiso ng tunay na mga Kristiyano ay lalo pang gumaganda. Ano ang kasangkot sa paraisong ito? Pangunahin nang may dalawang elemento. Ang una ay ang dalisay na pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Biniyayaan niya tayo ng isang paraan ng pagsamba na malaya sa kasinungalingan at pagpilipit sa katotohanan. Pinaglaanan niya tayo ng espirituwal na pagkain. Nakatulong ito upang matutuhan natin ang tungkol sa ating Ama sa langit, upang mapaluguran siya, at upang mapalapít sa kaniya. (Juan 4:24) Ang ikalawang aspekto ng espirituwal na paraiso ay nagsasangkot sa mga tao. Gaya ng inihula ni Isaias, “sa huling bahagi ng mga araw,” tinuruan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba ng mga daan ng kapayapaan. Inalis niya ang digmaan sa gitna natin. Sa kabila ng ating pagiging di-perpekto, tinutulungan niya tayo na magbihis ng “bagong personalidad.” Pinagpapala niya ang ating mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang banal na espiritu, na nagluluwal ng magagandang katangian sa atin. (Efeso 4:22-24; Galacia 5:22, 23) Kapag ikaw ay gumagawang kasuwato ng espiritu ng Diyos, ikaw ay talagang bahagi ng espirituwal na paraiso.

      11 Tinitipon ni Jehova sa espirituwal na paraisong ito ang uri ng mga taong iniibig niya—yaong mga umiibig sa kaniya, mga umiibig sa kapayapaan, at mga “nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” (Mateo 5:3) Sila ang mga taong magkakapribilehiyo na masaksihan ang isang higit pang kahanga-hangang pagbabalik—yaong sa sangkatauhan at sa buong lupa.

      “Tingnan Mo! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”

      12, 13. (a) Bakit masasabing may isa pang katuparan ang mga hula tungkol sa pagbabalik sa dati? (b) Ano ang layunin ni Jehova para sa lupa gaya ng sinabi sa Eden, at bakit ito’y nagbibigay sa atin ng pag-asa sa hinaharap?

      12 Marami sa mga pangako ni Jehova ng pagbabalik sa dati ay matutupad sa pisikal na paraan. Halimbawa, isinulat ni Isaias ang isang panahon na ang mga maysakit, ang pilay, ang bulag, at ang bingi ay pagagalingin at pati na ang kamatayan mismo ay lalamunin magpakailanman. (Isaias 25:8; 35:1-7) Ang gayong mga pangako ay hindi nagkaroon ng literal na katuparan sa sinaunang Israel. At bagaman nakita natin ang espirituwal na katuparan ng mga pangakong ito sa ating kapanahunan, may matibay na dahilan upang maniwala na sa hinaharap, magkakaroon ito ng isang literal at pangmalawakang katuparan. Paano natin ito nalalaman?

      13 Sa Eden noon, niliwanag ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa: Ito’y tatahanan ng isang maligaya, malusog, at nagkakaisang pamilya ng sangkatauhan. Ang lalaki at babae ay mangangalaga sa lupa at sa lahat ng nilalang na naroroon, at gagawing isang paraiso ang buong planeta. (Genesis 1:28) Ibang-iba iyan sa kasalukuyang kalagayan. Gayunman, makatitiyak tayo na ang mga layunin ni Jehova ay hindi kailanman mahahadlangan. (Isaias 55:10, 11) Pangyayarihin ni Jesus, bilang ang Mesiyanikong Hari na inatasan ni Jehova, ang pangglobong Paraisong ito.​—Lucas 23:43.

      14, 15. (a) Paano gagawin ni Jehova na “bago ang lahat ng bagay”? (b) Ano ang magiging buhay sa Paraiso, at aling aspekto ang pinakagusto mo?

      14 Gunigunihin na nakita mong ang buong lupa ay ginawang Paraiso! Sinabi ni Jehova ang tungkol sa panahong iyon: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Isaalang-alang ang magiging kahulugan nito. Kapag naisagawa na ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang pumuksa laban sa masamang sistemang ito, mananatili ang “bagong langit at bagong lupa.” Nangangahulugan ito na isang bagong pamahalaan ang maghahari mula sa langit sa isang bagong lipunan sa lupa na binubuo niyaong mga umiibig kay Jehova at gumagawa ng kaniyang kalooban. (2 Pedro 3:13) Si Satanas, kasama ang kaniyang mga demonyo, ay ibibilanggo. (Apocalipsis 20:3) Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng libo-libong taon, ang sangkatauhan ay maliligtas na mula sa tiwali at nakasusuklam na negatibong impluwensiyang iyan. Siguradong nag-uumapaw ang kaginhawahan doon.

      15 Sa wakas, mapangangalagaan na natin ang magandang planetang ito gaya ng dapat na ginawa natin sa pasimula. Ang lupa ay may likas na kakayahang ayusin ang sarili nito. Ang narumhang mga lawa at ilog ay may kakayahang maglinis ng sarili nito kapag naalis na ang pinanggagalingan ng dumi; ang napinsalang mga lupain ay may kakayahang magbalik sa dati kapag wala nang mga digmaan. Kay laking kasiyahan nga na gumawa ayon sa kalikasan ng lupa, anupat tumutulong na gawin itong isang tulad-harding parke, isang pangglobong Eden ng walang-katapusang bilang ng sari-saring pananim at mga hayop! Sa halip na walang patumanggang sirain ang mga uring ito ng hayop at pananim, ang tao ay makikipagpayapaan sa lahat ng nilalang sa lupa. Maging ang mga bata ay hindi na matatakot sa mababangis na hayop.​—Isaias 9:6, 7; 11:1-9.

      16. Sa Paraiso, anong pagbabalik sa dati ang makaaapekto sa bawat tapat na indibidwal?

      16 Bilang mga indibidwal, mararanasan din natin ang pagbabalik sa dati. Pagkatapos ng Armagedon, makakakita ang mga nakaligtas ng makahimalang mga pagpapagaling sa pangglobong lawak. Gaya ng ginawa niya habang nasa lupa, gagamitin ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang ibalik ang paningin ng mga bulag, ang pandinig ng mga bingi, ang malusog na pangangatawan ng mga lumpo at may karamdaman. (Mateo 15:30) Ang matatanda ay malulugod sa panibagong lakas, kalusugan, at sigla ng kabataan. (Job 33:25) Mawawala na ang mga kulubot, maiuunat na ang mga binti at braso, at mababanat na ang mga kalamnan taglay ang panibagong lakas. Madarama ng tapat na sangkatauhan na unti-unti nang humuhupa at naglalaho ang mga epekto ng kasalanan at pagiging di-perpekto. Nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova dahil sa kapangyarihan niyang baguhin ang mga bagay-bagay! Ituon natin ngayon ang ating pansin sa isang lalo nang nakapagpapasiglang aspekto ng kapana-panabik na panahong ito ng pagbabalik sa dati.

      Ibabalik ang Buhay ng mga Namatay

      17, 18. (a) Bakit pinagwikaan ni Jesus ang mga Saduceo? (b) Anong sitwasyon ang umakay kay Elias upang hilingin kay Jehova na magsagawa ng pagbuhay-muli?

      17 Noong unang siglo C.E., ang ilang lider ng relihiyon, na tinatawag na mga Saduceo, ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Pinagwikaan sila ni Jesus sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos.” (Mateo 22:29) Oo, isinisiwalat ng Kasulatan na taglay ni Jehova ang gayong kapangyarihang magbalik sa dati. Paano?

      18 Ilarawan sa isip ang nangyari noong kapanahunan ni Elias. Yakap ng isang biyuda ang katawan ng kaniyang kaisa-isang anak. Patay na ang batang lalaki. Si propeta Elias, na naging panauhin ng biyuda nang kaunting panahon, ay tiyak na nagulat. Bago iyon, tumulong siyang mailigtas ang batang ito mula sa pagkagutom. Malamang na napamahal na rin kay Elias ang bata. Halos madurog ang puso ng ina. Ang batang ito ang tanging buháy na alaala ng kaniyang namatay na asawa. Maaaring inasahan niya na ang kaniyang anak ang mag-aalaga sa kaniya pagtanda niya. Palibhasa’y gulong-gulo ang isip, nangamba ang biyuda na baka siya’y pinarurusahan dahil sa may nagawa siyang pagkakamali. Hindi matiis ni Elias na makita ang gayong paglala ng trahedyang ito. Dahan-dahan niyang kinuha ang bangkay mula sa dibdib ng ina, binuhat ito patungo sa kaniyang silid, at hiniling sa Diyos na Jehova na ibalik ang buhay ng bata.​—1 Hari 17:8-21.

      19, 20. (a) Paano ipinakita ni Abraham na siya’y may pananampalataya sa kapangyarihang bumuhay-muli ni Jehova, at ano ang saligan ng gayong pananampalataya? (b) Paano ginantimpalaan ni Jehova ang pananampalataya ni Elias?

      19 Hindi si Elias ang unang taong naniwala sa pagkabuhay-muli. Mga ilang siglo bago nito, naniwala si Abraham na si Jehova ay nagtataglay ng gayong kapangyarihang bumuhay-muli. Bakit siya nakatitiyak? Nang si Abraham ay 100 taon na at si Sara naman ay 90, ibinalik ni Jehova ang kanilang kakayahang mag-anak na noon ay patay na, anupat makahimalang nagsilang si Sara ng isang anak na lalaki. (Genesis 17:17; 21:2, 3) Nang maglaon, nang nasa hustong gulang na ang bata, hiniling ni Jehova kay Abraham na ihain ang anak nito. Si Abraham ay nagpakita ng pananampalataya, anupat iniisip niya na maibabalik ni Jehova ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na si Isaac. (Hebreo 11:17-19) Ang gayong masidhing pananampalataya ay maaaring magpaliwanag kung bakit si Abraham, bago umakyat sa bundok upang ihandog ang kaniyang anak, ay tumiyak sa kaniyang mga lingkod na sila ni Isaac ay magkasamang babalik.​—Genesis 22:5.

      Napakasaya ng biyuda habang yakap ang kaniyang binuhay-muling anak na lalaki; nakatingin si Elias sa kanila.

      “Tingnan mo, buháy ang anak mo”!

      20 Iniligtas ni Jehova si Isaac, kaya hindi nangailangan ng pagbuhay-muli noong pagkakataong iyon. Gayunman, sa pangyayari kay Elias, ang anak ng biyuda ay patay na—ngunit hindi ito nagtagal. Ginantimpalaan ni Jehova ang pananampalataya ng propeta sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa bata! Pagkatapos ay ibinigay ni Elias ang bata sa kaniyang ina, habang sinasabi ang di-malilimot na mga salitang ito: “Tingnan mo, buháy ang anak mo.”​—1 Hari 17:22-24.

      21, 22. (a) Ano ang layunin ng mga pagkabuhay-muli na nakaulat sa Kasulatan? (b) Sa Paraiso, gaano karami ang gagawing pagbuhay-muli, at sino ang magsasagawa nito?

      21 Kaya sa kauna-unahang pagkakataon sa ulat ng Bibliya, nakita natin ang paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang bumuhay-muli ng tao. Nang dakong huli, binigyang-kapangyarihan din ni Jehova sina Eliseo, Jesus, Pablo, at Pedro na bumuhay-muli ng namatay. Mangyari pa, yaong mga binuhay-muling iyon ay namatay muli nang dakong huli. Gayunman, ang gayong mga salaysay sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang kamangha-manghang patiunang pagtanaw sa mga bagay na darating.

      22 Sa Paraiso, gagampanan ni Jesus ang kaniyang papel bilang “ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Bubuhayin niyang muli ang di-mabilang na milyon-milyon, anupat binibigyan sila ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Juan 5:28, 29) Isip-isipin na lamang ang muling pagkikita habang ang pinakamamahal na mga kaibigan at mga kamag-anak, na matagal na pinaghiwalay ng kamatayan, ay nagyayakapan, taglay ang walang-kahulilip na kagalakan! Ang buong sangkatauhan ay pupuri kay Jehova dahil sa kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati ng mga bagay-bagay.

      23. Ano ang pinakadakila sa lahat ng pagtatanghal ni Jehova ng kaniyang kapangyarihan, at paano ito gumagarantiya sa ating pag-asa sa hinaharap?

      23 Si Jehova ay nagbigay ng isang napakatibay na garantiya na ang gayong mga pag-asa ay tiyak. Bilang pinakadakilang pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihan, binuhay niyang muli ang kaniyang Anak na si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang, anupat pumapangalawa lamang kay Jehova. Ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa daan-daang saksi. (1 Corinto 15:5, 6) Kahit sa mga mapag-alinlangan, ang gayong patotoo ay dapat na maging sapat na. Si Jehova ay may kapangyarihang magbalik ng buhay.

      24. Bakit makapagtitiwala tayo na bubuhaying muli ni Jehova ang mga patay, at anong pag-asa ang maaaring pakamahalin ng bawat isa sa atin?

      24 Hindi lamang taglay ni Jehova ang kapangyarihang bumuhay ng patay kundi taglay rin niya ang pagnanais na gawin ito. Ginabayan ng banal na espiritu ang tapat na lalaking si Job para sabihin na talagang nananabik si Jehova na buhayin ang mga patay. (Job 14:15) Hindi ka ba naaakit sa ating Diyos, na gustong-gustong gamitin sa gayong maibiging paraan ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati? Gayunman, tandaan na isa lang ito sa mga gagawing bago ni Jehova sa hinaharap. Habang higit kang napapalapít sa kaniya, pakamahaling lagi ang mahalagang pag-asa na ikaw ay posibleng naroroon upang makitang ‘ginagawang bago ni Jehova ang lahat ng bagay.’—Apocalipsis 21:5.

      a Sinimulang “ibalik sa dati ang lahat ng bagay” nang itatag ang Mesiyanikong Kaharian na ang nakaupo sa trono ay ang tagapagmana ng tapat na si Haring David. Ipinangako ni Jehova kay David na isa sa mga tagapagmana niya ang mamamahala magpakailanman. (Awit 89:35-37) Subalit matapos wasakin ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., walang taong inapo ni David ang naupo sa trono ng Diyos. Si Jesus, na isinilang sa lupa bilang isang tagapagmana ni David, ay naging ang malaon-nang-ipinangakong Hari nang siya’y iniluklok sa langit.

      b Halimbawa, sina Moises, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Oseas, Joel, Amos, Obadias, Mikas, at Zefanias ay pawang tumalakay sa temang ito.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • 2 Hari 5:1-15 Dahil nilinang niya ang pagpapakumbaba, paanong ang isang lalaki noong panahon ng Bibliya ay nakinabang sa kapangyarihan ni Jehova na magbalik sa dati?

      • Job 14:12-15 Anong pagtitiwala ang taglay ni Job, at paanong ang mga talatang ito ay maaaring makaapekto sa ating sariling pag-asa sa hinaharap?

      • Awit 126:1-6 Ano ang maaaring nadarama ng mga Kristiyano sa ngayon tungkol sa pagbabalik sa dalisay na pagsamba at sa kanilang bahagi rito?

      • Roma 4:16-25 Bakit mahalagang manampalataya sa kapangyarihan ni Jehova na magbalik sa dati?

  • “Si Kristo ang Kapahayagan ng Kapangyarihan . . . ng Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Si Jesus na nasa Lawa ng Galilea sa isang gabing mabagyo.

      KABANATA 9

      “Si Kristo ang Kapahayagan ng Kapangyarihan . . . ng Diyos”

      1-3. (a) Anong nakapanghihilakbot na karanasan ang dinanas ng mga alagad sa Lawa ng Galilea, at ano ang ginawa ni Jesus? (b) Bakit nasabi ni apostol Pablo na “si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan . . . ng Diyos”?

      NAHINTAKUTAN ang mga alagad. Sila’y naglalayag noon patawid sa kabilang ibayo ng Lawa ng Galilea nang bigla silang abutan ng bagyo. Walang alinlangang nakaranas na silang bagyuhin sa lawang ito—tutal, ang ilan sa mga lalaking ito ay mga bihasang mangingisda.a (Mateo 4:18, 19) Subalit isa itong “malakas na buhawi” at bigla nitong pinalakas ang mga alon sa lawa. Hirap na hirap ang mga lalaki sa pagkontrol sa bangka, subalit napakalakas ng bagyo. Patuloy na “hinahampas ng mga alon ang bangka,” at unti-unti itong napupuno ng tubig. Sa kabila ng pagkakagulo, si Jesus naman ay mahimbing na natutulog sa bandang likuran ng bangka dahil sa pagod matapos ang maghapong pagtuturo sa maraming tao. Palibhasa’y nanganganib ang kanilang buhay, ginising siya ng mga alagad, na nakikiusap: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!”—Marcos 4:35-38; Mateo 8:23-25.

      2 Hindi natakot si Jesus. Taglay ang lubos na pagtitiwala, sinaway niya ang hangin at ang lawa: “Tigil! Tumahimik ka!” Agad na sumunod ang hangin at ang lawa—humupa ang bagyo, tumigil ang mga alon, at “naging kalmado ang paligid.” Sinaklot ngayon ng kakaibang takot ang mga alagad. “Sino ba talaga siya?” pagbubulungan nila sa isa’t isa. Anong uri nga ba ng tao ang makapag-uutos sa hangin at lawa na para bang sinasaway ang isang makulit na bata?​—Marcos 4:39-41; Mateo 8:26, 27.

      3 Subalit si Jesus ay hindi pangkaraniwang tao. Ang kapangyarihan ni Jehova ay kumikilos sa kaniya at sa pamamagitan niya sa kakaibang mga paraan. Kaya naman, nasabi ni apostol Pablo na “si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan . . . ng Diyos.” (1 Corinto 1:24) Sa ano-anong paraan namamalas kay Jesus ang kapangyarihan ng Diyos? At ano ang maaaring maging epekto sa ating buhay ng paggamit ni Jesus ng kapangyarihan?

      Ang Kapangyarihan ng Kaisa-isang Anak ng Diyos

      4, 5. (a) Anong kapangyarihan at awtoridad ang ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang kaisa-isang Anak? (b) Paano nasangkapan ang Anak na ito upang maisakatuparan ang mga layunin ng kaniyang Ama ukol sa paglalang?

      4 Isaalang-alang ang kapangyarihang taglay ni Jesus noong hindi pa siya nagiging tao. Ginamit ni Jehova ang kaniyang sariling “walang-hanggang kapangyarihan” nang lalangin niya ang kaniyang kaisa-isang Anak, na nang maglaon ay nakilala bilang si Jesu-Kristo. (Roma 1:20; Colosas 1:15) Pagkatapos noon, ipinagkatiwala ni Jehova sa Anak na ito ang napakalaking kapangyarihan at awtoridad, anupat iniatas sa kaniya ang pagsasakatuparan ng Kaniyang mga layunin ukol sa paglalang. Tungkol sa Anak, sinasabi ng Bibliya: “Ginamit siya ng Diyos sa paggawa ng lahat ng bagay, at walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya katulong.”​—Juan 1:3.

      5 Halos hindi natin malirip ang kalakhan ng saklaw ng atas na iyan. Isip-isipin na lamang ang kinakailangang kapangyarihan upang pairalin ang milyon-milyong makapangyarihang anghel, ang pisikal na uniberso na may bilyon-bilyong galaksi, at ang lupa na kinaroroonan ng saganang pagkasari-sari ng buhay. Upang maisagawa ang mga iyon, hawak ng kaisa-isang Anak ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso—ang banal na espiritu ng Diyos. Ang Anak na ito ay nakasumpong ng kaluguran sa pagiging ang Dalubhasang Manggagawa, na ginamit ni Jehova sa paglikha sa lahat ng iba pang bagay.​—Kawikaan 8:22-31.

      6. Pagkatapos ng kaniyang kamatayan sa lupa at ng kaniyang pagkabuhay-muli, ipinagkaloob kay Jesus ang anong kapangyarihan at awtoridad?

      6 Ang kaisa-isang Anak ba ay may tatanggapin pang higit na kapangyarihan at awtoridad? Pagkatapos na si Jesus ay mamatay sa lupa at buhaying muli, sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Oo, ipinagkaloob na kay Jesus ang kakayahan at karapatang gumamit ng kapangyarihan sa buong uniberso. Bilang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” siya’y binigyan ng awtoridad na alisin “ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan”—nakikita at di-nakikita—na sumasalansang sa kaniyang Ama. (Apocalipsis 19:16; 1 Corinto 15:24-26) Bukod sa kaniyang sarili, si Jehova ay “walang anuman na hindi ipinasakop” kay Jesus.​—Hebreo 2:8; 1 Corinto 15:27.

      7. Bakit tayo makatitiyak na hindi kailanman gagamitin ni Jesus sa maling paraan ang kapangyarihang inilagay ni Jehova sa kaniyang mga kamay?

      7 Kailangan ba tayong mabahala na baka gamitin ni Jesus sa maling paraan ang kaniyang kapangyarihan? Hinding-hindi! Talagang iniibig ni Jesus ang kaniyang Ama at hindi siya kailanman gagawa ng anumang bagay na di-makalulugod sa kaniyang Ama. (Juan 8:29; 14:31) Alam na alam ni Jesus na hindi kailanman ginagamit ni Jehova sa maling paraan ang kapangyarihan Niya na nakahihigit sa lahat. Nakita mismo ni Jesus na si Jehova ay naghahanap ng mga pagkakataon “para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Sa katunayan, si Jesus ay kaisa ng kaniyang Ama sa pag-ibig sa sangkatauhan, kaya makapagtitiwala tayo na palaging gagamitin ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa mabuting paraan. (Juan 13:1) Si Jesus ay nakagawa ng isang malinis na rekord hinggil sa bagay na ito. Isaalang-alang natin ang taglay niyang kapangyarihan habang nasa lupa at kung paano siya naudyukang gamitin ito.

      “Makapangyarihan sa . . . Salita”

      8. Pagkatapos na siya’y maatasan, binigyan ng kapangyarihan si Jesus na gawin ang ano, at paano niya ginamit ang kaniyang kapangyarihan?

      8 Maliwanag na si Jesus ay hindi gumawa ng mga himala noong siya’y isang batang lumalaki sa Nazaret. Subalit nabago iyan matapos na siya’y mabautismuhan noong 29 C.E., sa edad na mga 30 taon. (Lucas 3:21-23) Sinasabi ng Bibliya: “Inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo.” (Gawa 10:38) “Gumagawa ng mabuti”—hindi ba’t nagpapahiwatig iyan na ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa tamang paraan? Matapos siyang maatasan, siya’y naging isang “propetang makapangyarihan sa gawa at salita.”​—Lucas 24:19.

      9-11. (a) Saan madalas gumawa si Jesus ng kaniyang pagtuturo, at anong hamon ang kaniyang hinarap? (b) Bakit namangha ang maraming tao sa paraan ng pagtuturo ni Jesus?

      9 Paanong si Jesus ay makapangyarihan sa salita? Madalas siyang nagtuturo noon sa labas—sa mga tabi ng lawa at gilid ng burol, gayundin sa mga lansangan at pamilihan. (Marcos 6:53-56; Lucas 5:1-3; 13:26) Ang kaniyang mga tagapakinig ay maaaring umalis na lamang kung hindi sila interesado sa kaniyang sinasabi. Noong panahong wala pang mga nakalathalang aklat, kinailangang ingatan ng mga nagpapahalagang tagapakinig ang kaniyang mga salita sa kanilang isip at puso. Kaya ang pagtuturo ni Jesus ay kailangang maging lubos na nakatatawag-pansin, malinaw na nauunawaan, at madaling tandaan. Subalit ang hamon na ito ay hindi naging suliranin para kay Jesus. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang Sermon sa Bundok.

      10 Isang umaga sa pagsisimula ng 31 C.E., maraming tao ang nagkakatipon sa gilid ng burol malapit sa Lawa ng Galilea. Ang ilan ay galing sa Judea at Jerusalem, 100 hanggang 110 kilometro ang layo. Ang iba naman ay nagmula sa mga baybayin ng Tiro at Sidon, sa gawing hilaga. Maraming maysakit ang lumapit kay Jesus upang hawakan siya, at pinagaling niya silang lahat. Nang wala nang kahit isa mang may malubhang karamdaman sa kanila, nagsimula na siyang magturo. (Lucas 6:17-19) Pagkatapos niyang magsalita, sila’y nagulat sa kanilang narinig. Bakit?

      11 Makalipas ang ilang taon, isa sa nakarinig ng sermong iyon ay sumulat: “Namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagturo siya sa kanila bilang isang tao na may awtoridad.” (Mateo 7:28, 29) Si Jesus ay nagsalita sa paraang nadarama nila ang taglay niyang kapangyarihan. Siya’y nagsalita para sa Diyos at sinuportahan niya ang kaniyang pagtuturo sa pamamagitan ng awtoridad ng Salita ng Diyos. (Juan 7:16) Maliwanag ang mga pangungusap ni Jesus, nakahihikayat ang kaniyang mga payo, at hindi matututulan ang kaniyang mga argumento. Inaarok ng kaniyang mga salita ang ugat ng mga isyu gayundin ang mga puso ng kaniyang mga tagapakinig. Tinuruan niya sila kung paano makasusumpong ng kaligayahan, kung paano mananalangin, kung paano uunahin ang Kaharian ng Diyos, at kung paano magtatayo para sa isang tiwasay na kinabukasan. (Mateo 5:3–7:27) Ang kaniyang mga salita ay gumising sa mga puso niyaong mga nagugutom sa katotohanan at katuwiran. Handang “itakwil” ng gayong mga tao ang kanilang sarili at iwan ang lahat upang sumunod sa kaniya. (Mateo 16:24; Lucas 5:10, 11) Kay laki ngang patotoo ng kapangyarihan ng mga salita ni Jesus!

      “Makapangyarihan sa Gawa”

      12, 13. Sa anong diwa “makapangyarihan sa gawa” si Jesus, at ano ang iba’t ibang uri ng kaniyang mga himala?

      12 Si Jesus ay “makapangyarihan [din] sa gawa.” (Lucas 24:19) Ang mga Ebanghelyo ay nag-uulat ng mahigit sa 30 espesipikong himala na ginawa niya—lahat ay pawang sa “kapangyarihan ni Jehova.”b (Lucas 5:17) Libo-libong buhay ang naapektuhan ng mga himala ni Jesus. Pag-isipan ang dalawang himala—ang pagpapakain sa 5,000 lalaki at pagkaraan ay 4,000 lalaki. Hindi pa kasama sa bilang na iyan ang mga babae at mga bata na malamang na libo-libo ang bilang.​—Mateo 14:13-21; 15:32-38.

      13 Napakaraming iba’t ibang uri ng himala si Jesus. May awtoridad siya sa mga demonyo, anupat napakadali niya silang palayasin. (Lucas 9:37-43) May kapangyarihan siya sa pisikal na mga elemento, anupat ginawa niyang alak ang tubig. (Juan 2:1-11) Isipin na lang ang pagkamangha ng mga alagad niya nang ‘makita nila si Jesus na naglalakad sa lawa.’ (Juan 6:18, 19) Nadaig niya ang sakit, anupat nagamot niya ang mga may depektong sangkap ng katawan, nagtatagal na karamdaman, at nakamamatay na sakit. (Marcos 3:1-5; Juan 4:46-54) Nagpagaling siya sa iba’t ibang paraan. May ilang pinagaling mula sa malayong distansiya, samantalang naranasan naman ng iba na hipuin ni Jesus mismo. (Mateo 8:2, 3, 5-13) Ang ilan ay gumaling agad, ang iba naman ay paunti-unti.​—Marcos 8:22-25; Lucas 8:43, 44.

      “Nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa”

      14. Sa ilalim ng ano-anong kalagayan ipinakita ni Jesus na may kapangyarihan siyang bumawi ng kamatayan?

      14 Higit sa lahat, may kapangyarihan si Jesus na bumuhay ng patay. Sa tatlong nakaulat na pangyayari, nagbangon siya ng patay, anupat ibinalik ang 12-taóng-gulang na anak na babae sa kaniyang mga magulang, ang kaisa-isang anak sa kaniyang biyudang nanay, at ang isang pinakamamahal na kapatid na lalaki sa kaniyang mga kapatid na babae. (Lucas 7:11-15; 8:49-56; Juan 11:38-44) Walang sitwasyon ang naging napakahirap para sa kaniya. Ibinangon niya ang 12-taóng-gulang na batang babae mula sa kinararatayan nito di-nagtagal pagkamatay nito. Binuhay niyang muli ang anak na lalaki ng isang biyuda mula sa kinahihimlayang kabaong, malamang na noong mismong araw na mamatay ito. At ibinangon niya si Lazaro mula sa libingan apat na araw pagkamatay nito.

      Di-makasarili, Responsable, at Makonsiderasyong Paggamit ng Kapangyarihan

      15, 16. Anong patunay mayroon na si Jesus ay di-makasarili sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan?

      15 Nakikita mo ba kung gaano kalubhang pag-abuso ang maaaring mangyari kung ang kapangyarihan ni Jesus ay inilagay sa mga kamay ng isang di-perpektong tagapamahala? Subalit si Jesus ay walang kasalanan. (1 Pedro 2:22) Tumanggi siyang mabahiran ng pagiging makasarili, ambisyon, at kasakiman na nag-uudyok sa di-perpektong mga tao upang gamitin ang kanilang kapangyarihan para pinsalain ang iba.

      16 Si Jesus ay di-makasarili sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan, anupat hindi niya ito kailanman ginagamit para sa sariling kapakinabangan. Nang siya’y nagugutom, tumanggi siyang gawing tinapay ang mga bato para sa kaniyang sarili. (Mateo 4:1-4) Ang kaniyang kakaunting ari-arian ay patunay na hindi siya nakinabang sa materyal na paraan sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. (Mateo 8:20) Mayroon pang ibang katunayan na ang kaniyang makapangyarihang mga gawa ay mula sa di-makasariling motibo. Nang siya’y gumawa ng mga himala, may nasangkot dito na pagsasakripisyo ng kaniyang sarili. Nang pagalingin niya ang maysakit, may kapangyarihang lumabas sa kaniya. Naramdaman niya ang paglabas na ito ng kapangyarihan, kahit na sa isang pagpapagaling lamang. (Marcos 5:25-34) Magkagayunman, hinayaan niyang mahawakan siya ng marami, at ang mga ito’y gumaling. (Lucas 6:19) Tunay na isang di-makasariling espiritu!

      17. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y responsable sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan?

      17 Si Jesus ay responsable sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Hindi siya kailanman nagsagawa ng makapangyarihang mga gawa para lamang sa pagpaparangya o sa walang-saysay na mga pagtatanghal. (Mateo 4:5-7) Ayaw niyang gumawa ng mga himala para lamang mabigyan ng kasiyahan ang pagkamausyoso ni Herodes na may maling motibo. (Lucas 23:8, 9) Sa halip na ipamalita ang kaniyang kapangyarihan, madalas na tinatagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga pinagaling na huwag itong sabihin kahit kanino. (Marcos 5:43; 7:36) Ayaw niyang ang mga tao’y magkonklusyon tungkol sa kaniya batay sa mga ulat na may pagpapalabis.​—Mateo 12:15-19.

      18-20. (a) Ano ang nakaimpluwensiya sa paraan ng paggamit ni Jesus ng kaniyang kapangyarihan? (b) Ano ang nadama mo sa paraan ng paggamot ni Jesus sa isang lalaking bingi?

      18 Ang makapangyarihang lalaking ito, si Jesus, ay ibang-iba sa mga tagapamahalang iyon na humawak ng kapangyarihan habang walang awang ipinagwawalang-bahala ang mga pangangailangan at pagdurusa ng iba. Si Jesus ay nagmalasakit sa mga tao. Makita lamang niya ang mga napipighati ay awang-awa na siya anupat nauudyukan siyang pawiin ang kanilang pagdurusa. (Mateo 14:14) Makonsiderasyon siya sa kanilang mga damdamin at pangangailangan, at ang magiliw na pagkabahalang ito ay nakaimpluwensiya sa paraan ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan. Ang isang makabagbag-damdaming halimbawa ay nasa Marcos 7:31-37.

      19 Sa pagkakataong ito, nasumpungan ng maraming tao si Jesus at dinala sa kaniya ang maraming maysakit, at pinagaling niya silang lahat. (Mateo 15:29, 30) Subalit pinag-ukulan ni Jesus ng pantanging pansin ang isang lalaki. Ang lalaki ay bingi at halos hindi makapagsalita. Malamang na napansin ni Jesus ang kakaibang nerbiyos o pagkamahiyain ng lalaking ito. Buong kabaitang inakay ni Jesus ang lalaki—palayo sa karamihan—tungo sa isang bukod na lugar. Pagkatapos ay sumenyas si Jesus upang ipaalam sa lalaki ang kaniyang gagawin. “Inilagay niya ang mga daliri niya sa mga tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito.”c (Marcos 7:33) Pagkatapos, si Jesus ay tumingala sa langit at may pananalanging huminga nang malalim. Ang mga kilos na ito ay nagsasabi sa lalaki, ‘Ang gagawin ko sa iyo ay mula sa kapangyarihan ng Diyos.’ Sa wakas, sinabi ni Jesus: “Mabuksan ka.” (Marcos 7:34) Dahil dito, nanauli ang pandinig ng lalaki, at siya’y nakapagsalita nang normal.

      20 Nakababagbag nga ng damdamin na isiping kahit sa paggamit ng kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang pagalingin ang mga napipighati, si Jesus ay nagpakita ng pakikiramay sa kanilang damdamin! Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malamang inilagay ni Jehova ang Mesiyanikong Kaharian sa mga kamay ng gayong mahabagin at makonsiderasyong Tagapamahala?

      Isang Palatandaan ng mga Bagay na Darating

      21, 22. (a) Palatandaan ng ano ang mga himala ni Jesus? (b) Yamang kontrolado ni Jesus ang likas na mga puwersa, ano ang maaasahan natin sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian?

      21 Ang makapangyarihang mga gawa na isinagawa ni Jesus sa lupa ay mga patiunang pagpapaaninaw lamang ng mas dakilang mga pagpapala na darating sa ilalim ng kaniyang makaharing pamamahala. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, si Jesus ay muling maghihimala—ngunit sa isang pangglobong lawak! Isaalang-alang ang ilang kapana-panabik na pag-asa sa hinaharap.

      22 Ibabalik ni Jesus ang ekolohiya ng lupa sa perpektong pagkakatimbang. Gunitain na ipinakita niyang kontrolado niya ang likas na mga puwersa sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa isang buhawi. Kung gayon, tiyak na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo, hindi na kailangang mangamba ang sangkatauhan na sila’y pipinsalain pa ng mga bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, o iba pang likas na mga kasakunaan. Yamang si Jesus ang Dalubhasang Manggagawa, na ginamit ni Jehova sa paglalang sa lupa at sa lahat ng buhay na naroroon, lubusan ang kaniyang unawa sa kayarian ng lupa. Alam niya kung paano gagamitin ang mga yaman nito sa tamang paraan. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, ang buong lupang ito ay magiging isang Paraiso.​—Lucas 23:43.

      23. Bilang Hari, paano sasapatan ni Jesus ang mga pangangailangan ng sangkatauhan?

      23 Kumusta naman ang mga pangangailangan ng sangkatauhan? Ang kakayahan ni Jesus na magpakain nang sagana sa libo-libo, sa pamamagitan lamang ng kaunting pagkain, ay tumitiyak sa atin na sa ilalim ng kaniyang pamamahala, wala nang magugutom. Sa katunayan, kapag ibinahagi nang pantay-pantay ang saganang pagkain, wala nang magugutom kahit kailan. (Awit 72:16) Ang kaniyang kakayahang sumupil sa sakit at karamdaman ay nagsasabi sa atin na ang mga maysakit, bulag, bingi, baldado, at pilay na mga tao ay pagagalingin—nang lubusan at permanente. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Ang kaniyang kakayahang bumuhay ng patay ay tumitiyak na kalakip sa kaniyang kalakasan bilang makalangit na Hari ang kapangyarihang bumuhay-muli ng maraming milyon-milyon na kinalulugdang alalahanin ng kaniyang Ama.​—Juan 5:28, 29.

      24. Habang binubulay-bulay natin ang kapangyarihan ni Jesus, ano ang dapat nating alalahanin, at bakit?

      24 Habang binubulay-bulay natin ang kapangyarihan ni Jesus, alalahanin natin na ang Anak na ito ay ganap na tumutulad sa kaniyang Ama. (Juan 14:9) Kung gayon, ang paggamit ni Jesus ng kapangyarihan ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na larawan kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan. Halimbawa, alalahanin ang magiliw na paraan ng pagpapagaling ni Jesus sa isang ketongin. Palibhasa’y naawa, hinipo ni Jesus ang lalaki at sinabi: “Gusto ko!” (Marcos 1:40-42) Sa pamamagitan ng mga ulat na gaya nito, si Jehova, sa diwa, ay nagsasabi: ‘Ganiyan ko ginagamit ang aking kapangyarihan!’ Hindi ka ba nauudyukang pumuri sa ating Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at magpasalamat na ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan sa gayong maibiging paraan?

      a Ang biglang pagbagyo ay karaniwan na sa Lawa ng Galilea. Dahil sa kababaan ng lawa (mga 200 metro ang baba mula sa lebel ng dagat), ang hangin ay mas mainit doon kaysa sa mga karatig nito, at ito’y lumilikha ng pagbabago sa atmospera. Ang malalakas na hangin ay humahampas pababa sa Lambak ng Jordan mula sa Bundok Hermon, na nasa hilaga. Ang sandaling katahimikan ay maaaring agad na mapalitan ng nagngangalit na bagyo.

      b Karagdagan pa, kung minsan ay pinagsasama-sama ng mga Ebanghelyo ang maraming himala sa isang panlahatang paglalarawan. Halimbawa, minsan ay sinalubong siya ng “buong lunsod,” at “marami” siyang pinagaling.​—Marcos 1:32-34.

      c Ang pagdura ay isang paraan o tanda ng pagpapagaling na tinatanggap kapuwa ng mga Judio at ng mga Gentil, at ang paggamit ng laway sa pagpapagaling ay nakaulat sa rabinikong mga sulat. Maaaring dumura si Jesus para lamang ipaalam sa lalaki na siya’y malapit nang pagalingin. Anuman ang pangyayari, hindi ginamit ni Jesus ang kaniyang laway bilang likas na pampagaling.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Isaias 11:1-5 Paano namamalas kay Jesus “ang espiritu . . . ng kalakasan,” at anong pagtitiwala kung gayon ang maaari nating taglayin sa kaniyang pamamahala?

      • Marcos 2:1-12 Ang mga makahimalang pagpapagaling ni Jesus ay nagpapakita na siya’y pinagkalooban ng anong awtoridad?

      • Juan 6:25-27 Bagaman makahimalang sinapatan ni Jesus ang pisikal na mga pangangailangan ng mga tao, ano ang pangunahing layunin ng kaniyang ministeryo?

      • Juan 12:37-43 Bakit ang ilang nakasaksi sa mga himala ni Jesus ay hindi nanampalataya sa kaniya, at ano ang ating matututuhan mula rito?

  • “Tularan Ninyo ang Diyos” sa Paggamit ng Kapangyarihan
    Maging Malapít kay Jehova
    • Dalawang Saksi ni Jehova na nangangaral sa isang babae na nasa bahay.

      KABANATA 10

      “Tularan Ninyo ang Diyos” sa Paggamit ng Kapangyarihan

      1. Sa anong tusong silo madaling nahuhulog ang di-perpektong mga tao?

      “SA SINUMANG may kapangyarihan, tusong silo ay laging nakaabang.” Ang mga katagang iyan ng isang makata noong ika-19 na siglo ay tumawag-pansin sa isang tusong panganib: ang maling paggamit ng kapangyarihan. Nakalulungkot nga, napakadaling mahulog sa silong ito ang di-perpektong mga tao. Sa katunayan, sa buong kasaysayan, “ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Ang walang-pag-ibig na paggamit ng kapangyarihan ay nagbunga ng napakaraming pagdurusa ng tao.

      2, 3. (a) Ano ang kahanga-hanga sa paggamit ni Jehova ng kapangyarihan? (b) Ano ang maaaring kalakip sa ating kapangyarihan, at paano natin dapat gamitin ang lahat ng gayong kapangyarihan?

      2 Kung gayon, hindi ba’t isang kahanga-hangang bagay na ang Diyos na Jehova, na nagtataglay ng walang-limitasyong kapangyarihan, ay hindi kailanman gumagamit ng kapangyarihang iyan sa maling paraan? Gaya ng napansin natin sa nakaraang mga kabanata, palagi niyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihan—ito man ay sa paglalang, pagpuksa, pagbibigay ng proteksiyon, o pagbabalik sa dati—ayon sa kaniyang maibiging mga layunin. Kapag dinidili-dili natin ang paraan ng paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan, tayo’y nauudyukang maging malapít sa kaniya. Kaya napakikilos tayo na “tularan . . . ang Diyos” sa ating sariling paggamit ng kapangyarihan. (Efeso 5:1) Subalit anong kapangyarihan ang taglay ng mga hamak na taong tulad natin?

      3 Tandaan na ang tao ay nilalang “ayon sa larawan [at wangis] ng Diyos.” (Genesis 1:26, 27) Kaya naman, tayo rin ay may kapangyarihan—kahit man lamang sa isang limitadong antas. Maaaring kalakip sa ating kapangyarihan ang kakayahang makagawa ng mga bagay-bagay o magtrabaho; pagkakaroon ng kontrol o awtoridad sa iba; kakayahang makaimpluwensiya sa iba, lalo na yaong mga nagmamahal sa atin; pisikal na lakas; o materyal na tinatangkilik. Patungkol kay Jehova, ang salmista ay nagsabi: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Samakatuwid, sa tuwiran man o sa di-tuwiran, ang Diyos ang Bukal ng anumang lehitimong kapangyarihan na maaaring taglay natin. Kung gayon ay nais nating gamitin ito sa mga paraang nakalulugod sa kaniya. Paano natin ito magagawa?

      Pag-ibig ang Susi

      4, 5. (a) Ano ang susi sa tamang paggamit ng kapangyarihan, at paano ito ipinapakita ng sariling halimbawa ng Diyos? (b) Paano tayo tutulungan ng pag-ibig na gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan?

      4 Ang susi sa tamang paggamit ng kapangyarihan ay ang pag-ibig. Hindi ba’t ipinapakita ito ng sariling halimbawa ng Diyos? Alalahanin ang pagtalakay sa apat na pangunahing katangian ng Diyos—kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig—sa Kabanata 1. Sa apat na katangian, alin ang nangingibabaw? Pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi sa 1 Juan 4:8. Oo, pag-ibig ang siyang buod ng personalidad ni Jehova; inuugitan nito ang lahat ng kaniyang ginagawa. Kaya bawat kapahayagan ng kaniyang kapangyarihan ay pinakikilos ng pag-ibig at sa dakong huli ay para sa kabutihan niyaong umiibig sa kaniya.

      5 Ang pag-ibig ay tutulong din sa atin na gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan. Tutal, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang pag-ibig ay “mabait” at “hindi inuuna ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Kaya naman, ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na kumilos sa isang mabagsik o malupit na paraan sa mga nasa ilalim ng anumang awtoridad na taglay natin. Sa halip, pakikitunguhan natin ang iba nang may dignidad at uunahin muna ang kanilang pangangailangan at damdamin bago ang sa atin.​—Filipos 2:3, 4.

      6, 7. (a) Ano ang makadiyos na takot, at bakit tayo matutulungan ng katangiang ito upang makaiwas sa maling paggamit ng kapangyarihan? (b) Ipaghalimbawa ang kaugnayan ng pagkatakot na di-mapaluguran ang Diyos at ng pag-ibig sa Diyos.

      6 Ang pag-ibig ay may kaugnayan sa isa pang katangian na makatutulong sa atin upang maiwasan ang maling paggamit ng kapangyarihan: makadiyos na takot. Ano ang kahalagahan ng katangiang ito? “Lumalayo ang tao sa kasamaan dahil sa pagkatakot kay Jehova,” ang sabi sa Kawikaan 16:6. Ang maling paggamit ng kapangyarihan ay tiyak na kabilang sa masasamang landasin na dapat nating layuan. Ang pagkatakot sa Diyos ay pipigil sa atin sa pagmamaltrato sa iba na sa kanila’y may kapangyarihan tayo. Bakit? Una sa lahat, alam nating tayo’y magsusulit sa Diyos dahil sa paraan ng ating pakikitungo sa mga ito. (Nehemias 5:1-7, 15) Subalit hindi lamang iyan ang sangkot sa makadiyos na takot. Ang orihinal na terminong ginamit para sa “pagkatakot” ay madalas na tumutukoy sa isang matinding paggalang at pagkamangha sa Diyos. Kung gayon, ang pagkatakot ay iniuugnay ng Bibliya sa pag-ibig sa Diyos. (Deuteronomio 10:12, 13) Kalakip sa paggalang at pagkamanghang ito ang isang angkop na pagkatakot na di-mapaluguran ang Diyos—hindi lamang dahil sa natatakot tayo sa kahihinatnan nito kundi dahil sa tunay natin siyang iniibig.

      7 Bilang paghahalimbawa: Isip-isipin ang magandang pagsasamahan ng isang maliit na batang lalaki at ng kaniyang ama. Nadarama ng bata ang pagmamahal ng kaniyang ama, ang maibiging interes sa kaniya. Subalit alam din ng bata kung ano ang mga kahilingan sa kaniya ng kaniyang ama, at alam niyang didisiplinahin siya ng kaniyang ama kung siya’y hindi magpapakabait. Ang bata’y hindi nabubuhay na may malagim na pagkatakot sa kaniyang ama. Sa kabaligtaran, mahal na mahal niya ang kaniyang ama. Nalulugod ang bata sa paggawa ng anumang bagay na magdudulot ng ngiti ng pagsang-ayon ng kaniyang ama. Gayundin ang makadiyos na takot. Dahil sa iniibig natin si Jehova, ang ating Ama sa langit, natatakot tayong makagawa ng anumang bagay na makasasakit sa kaniya. (Genesis 6:6) Sa halip, hangarin natin na pasayahin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Iyan ang dahilan kung bakit nais nating gamitin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan. Magsuri tayo kung paano natin ito magagawa.

      Sa Loob ng Pamilya

      8. (a) Anong awtoridad ang taglay ng mga asawang lalaki sa pamilya, at paano ito dapat gamitin? (b) Paano maipapakita ng isang asawang lalaki na pinararangalan niya ang kaniyang asawa?

      8 Isaalang-alang muna natin ang pamilya. “Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae,” ang sabi sa Efeso 5:23. Paano ba gagamitin ng isang asawang lalaki ang bigay-Diyos na awtoridad na ito? Sinasabi ng Bibliya sa mga asawang lalaki na mamuhay kasama ng kani-kanilang asawa at makitungo sa kanila “ayon sa kaalaman,” na binibigyan sila ng “karangalang gaya ng sa mas mahinang sisidlan.” (1 Pedro 3:7) Ang Griegong pangngalan na isinaling “karangalan” ay nangangahulugang “presyo, halaga, . . . paggalang.” Ang ibang mga anyo ng salitang ito ay isinasaling “regalo” at “mahalaga.” (Gawa 28:10; 1 Pedro 2:7) Ang isang asawang lalaki na nagbibigay ng karangalan sa kaniyang asawa ay hindi kailanman mananakit sa kaniya; ni manghihiya o hahamak sa kaniya, anupat magpapadama sa kaniyang siya’y walang kabuluhan. Sa halip, kinikilala niya ang halaga nito at pinakikitunguhan siya nang may paggalang. Ipinapakita niya sa kaniyang mga salita at mga gawa—sa pribado man at sa hayagan—na siya’y mahalaga sa kaniya. (Kawikaan 31:28) Hindi lamang natatamo ng gayong asawang lalaki ang pag-ibig at paggalang ng kaniyang asawa kundi, higit na mahalaga, pati ang pagsang-ayon ng Diyos.

      Mag-asawang naglalakad na magkahawak-kamay.

      Ginagamit ng mag-asawa ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan sa pamamagitan ng pakikitungo sa isa’t isa nang may pag-ibig at paggalang

      9. (a) Anong kapangyarihan ang taglay ng mga asawang babae sa pamilya? (b) Ano ang makatutulong sa isang asawang babae na gamitin ang kaniyang mga kakayahan upang suportahan ang kaniyang asawa, at ano ang resulta?

      9 Ang mga asawang babae rin ay nagtataglay ng isang antas ng kapangyarihan sa pamilya. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa makadiyos na mga babae na, sa paraang hindi lumalabag sa tamang pagkaulo, ay nagkusang umimpluwensiya sa kani-kanilang asawa sa positibong paraan o upang tulungan silang makaiwas na magkamali sa pagpapasiya. (Genesis 21:9-12; 27:46–28:2) Maaaring ang isang asawang babae ay may mas matalas na isip kaysa sa kaniyang asawa, o baka may iba siyang mga kakayahan na wala sa kaniya. Magkagayunman, siya’y dapat na magkaroon ng “matinding paggalang” sa kaniyang asawang lalaki at “magpasakop” dito “kung paanong nagpapasakop siya sa Panginoon.” (Efeso 5:22, 33) Ang hangarin na mapaluguran ang Diyos ay makatutulong sa isang asawang babae na gamitin ang kaniyang mga kakayahan upang suportahan ang kaniyang asawa sa halip na hamakin ito o subukang pangibabawan ito. Ang gayong “babae na talagang marunong” ay nakikipagtulungang mabuti sa kaniyang asawa sa pagtatatag ng pamilya. Sa gayon ay napananatili niya ang pakikipagpayapaan sa Diyos.​—Kawikaan 14:1.

      10. (a) Ang Diyos ay nagkaloob ng anong awtoridad sa mga magulang? (b) Ano ang kahulugan ng salitang “disiplina,” at paano ito dapat ipatupad? (Tingnan din ang talababa.)

      10 Ang mga magulang ay nagtataglay rin ng awtoridad na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi palakihin sila ayon sa disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa Bibliya, ang salitang “disiplina” ay maaaring mangahulugang “pagpapalaki, pagsasanay, pagtuturo.” Kailangan ng mga anak ang disiplina; sila’y umuunlad sa ilalim ng malilinaw na panuntunan, hangganan, at mga limitasyon. Ang gayong disiplina, o pagtuturo, ay iniuugnay ng Bibliya sa pagmamahal. (Kawikaan 13:24) Samakatuwid, ang “pamalong pandisiplina” ay hindi dapat na maging mapang-abuso—sa emosyon man o sa pisikal.a (Kawikaan 22:15; 29:15) Ang mahigpit o malupit na disiplina na walang pag-ibig ay pang-aabuso ng magulang sa kaniyang awtoridad at makasisiil sa espiritu ng isang anak. (Colosas 3:21) Sa kabilang dako naman, ang timbang na disiplina na angkop na ipinatutupad ay nagpapaunawa sa mga anak na ang kanilang mga magulang ay nagmamahal sa kanila at interesado sa pagpapaunlad sa uri ng kanilang pagkatao.

      11. Paano magagamit ng mga anak ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan?

      11 Kumusta naman ang mga anak? Paano nila magagamit ang kanilang kapangyarihan sa tamang paraan? “Ang karangalan ng mga kabataang lalaki ay ang lakas nila,” ang sabi sa Kawikaan 20:29. Tiyak na wala nang mas mahusay na paraan na magagamit ng mga kabataan ang kanilang lakas at kalusugan kundi sa paglilingkod sa ating “Dakilang Maylalang.” (Eclesiastes 12:1) Dapat alalahanin ng mga kabataan na ang kanilang mga ikinikilos ay nakaaapekto sa damdamin ng kanilang mga magulang. (Kawikaan 23:24, 25) Kapag ang mga anak ay sumusunod sa kanilang mga magulang na may takot sa Diyos at naninindigan sa tamang landas, sila’y nagdudulot ng kagalakan sa puso ng kanilang mga magulang. (Efeso 6:1) Ang gayong paggawi ay “talagang nakapagpapasaya . . . sa Panginoon.”​—Colosas 3:20.

      Sa Loob ng Kongregasyon

      12, 13. (a) Anong pananaw ang dapat taglayin ng mga elder tungkol sa kanilang awtoridad sa kongregasyon? (b) Ipaghalimbawa kung bakit dapat magiliw na pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa.

      12 Si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwa upang manguna sa kongregasyong Kristiyano. (Hebreo 13:17) Dapat gamitin ng kuwalipikadong mga lalaking ito ang kanilang bigay-Diyos na awtoridad upang maglaan ng kinakailangang alalay at upang makatulong sa kapakanan ng kawan. Ang kanila bang posisyon ay nagbibigay-karapatan sa mga elder na mag-astang panginoon sa kanilang mga kapananampalataya? Hinding-hindi! Ang mga elder ay kailangang magkaroon ng timbang at mapagpakumbabang pananaw sa kanilang papel sa kongregasyon. (1 Pedro 5:2, 3) Sinasabi ng Bibliya sa mga tagapangasiwa: “Magpastol [kayo] sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.” (Gawa 20:28) Isa itong matinding dahilan upang pakitunguhan nang may paggiliw ang bawat isa sa kongregasyon.

      13 Maaari natin itong ipaghalimbawa sa ganitong paraan. Pinaiingatan sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang isang pinakamamahal na pag-aari. Alam mong napakamahal ng pagkakabili ng iyong kaibigan sa pag-aaring iyon. Hindi mo ba ito pakaiingatan? Sa katulad na paraan, ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang pananagutang alagaan ang pinakamamahal na pag-aari: ang mga kapatid sa kongregasyon, na itinulad ng Bibliya sa mga tupa. (Juan 21:16, 17) Ang mga tupa ni Jehova ay mahal sa kaniya—sa katunayan, gayon na lamang kamahal anupat binili niya ang mga ito sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng kaniyang kaisa-isang Anak, si Jesu-Kristo. Wala nang hihigit pa sa halagang ibinayad ni Jehova para sa kaniyang mga tupa. Tinatandaan iyan ng mapagpakumbabang mga elder at pinakikitunguhan ang mga tupa ni Jehova sa paraang kaayon nito.

      “Kapangyarihan ng Dila”

      14. Anong kapangyarihan ang taglay ng dila?

      14 “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 18:21) Ang totoo, napakalaking pinsala ang nagagawa ng dila. Sino nga ba sa atin ang hindi pa kailanman nasaktan dahil sa isang walang-ingat o mapanghamak pa ngang pangungusap? Subalit may kapangyarihan din ang dila na magpagaling. “Ang dila ng marurunong ay nagpapagaling,” ang sabi sa Kawikaan 12:18. Oo, ang positibo at nakapagpapalusog na mga salita ay maihahalintulad sa pagpapahid ng nakagiginhawa at nakagagaling na panghaplas sa puso. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

      15, 16. Sa ano-anong paraan maaari nating gamitin ang dila upang palakasin ang iba?

      15 “Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob,” ang paghimok ng 1 Tesalonica 5:14. Oo, maging ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay dumaranas din kung minsan ng panghihina ng loob. Paano natin matutulungan ang mga ito? Mag-alok ng espesipiko at taimtim na papuri upang makita nila ang kanilang sariling halaga sa paningin ni Jehova. Ibahagi sa kanila ang makapangyarihang mga salita sa mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang si Jehova ay tunay na nagmamalasakit at umiibig sa mga “may pusong nasasaktan” at “nasisiraan ng loob.” (Awit 34:18) Kapag ginagamit natin ang kapangyarihan ng ating dila upang aliwin ang iba, ipinapakita nating tinutularan natin ang ating madamaying Diyos, “na umaaliw doon sa mga nanlulumo.”​—2 Corinto 7:6, New American Standard Bible.

      16 Magagamit din natin ang kapangyarihan ng ating dila upang maglaan ng lubhang-kinakailangang pampalakas-loob sa iba. Namatayan ba ng minamahal ang isang kapananampalataya? Ang mga salita ng pakikiramay na nagpapahayag ng ating pagmamalasakit at pag-aalala ay makaaaliw sa namimighating puso. Nadarama ba ng isang matanda nang kapatid na siya’y wala nang silbi? Ang maalalahaning pangungusap ay tumitiyak sa mga may-edad na sila’y pinahahalagahan at kinikilala. Mayroon bang nakikipaglaban sa nagtatagal na karamdaman? Ang paggamit ng mababait na salita sa telepono, sulat, o sa personal ay may malaking magagawa upang mapasigla ang may karamdaman. Gayon na lamang ang pagkalugod ng ating Maylalang kapag ginagamit natin ang kapangyarihang magsalita upang sambitin ang “mabubuting bagay na nakapagpapatibay.”​—Efeso 4:29.

      17. Sa anong mahalagang paraan magagamit natin ang ating dila upang makinabang ang iba, at bakit dapat nating gawin ito?

      17 Wala nang mas mahalagang paraan ng paggamit ng kapangyarihan ng dila kundi ang paghahatid ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga nangangailangan ng tulong kung kaya mo namang gawin ito,” ang sabi sa Kawikaan 3:27. Obligasyon natin sa iba na sabihin sa kanila ang nagliligtas-buhay na mabuting balita. Hindi tama na sarilinin natin ang apurahang mensahe na saganang ipinagkaloob sa atin ni Jehova. (1 Corinto 9:16, 22) Subalit hanggang saan tayo inaasahan ni Jehova na makibahagi sa gawaing ito?

      Paghahatid ng mabuting balita—isang napakahusay na paraan ng paggamit ng ating kapangyarihan

      Paglilingkod kay Jehova Nang Ating “Buong Lakas”

      18. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova?

      18 Ang ating pag-ibig kay Jehova ay nag-uudyok sa atin na lubusang makibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova tungkol dito? Isang bagay na kaya nating ibigay anuman ang ating kalagayan sa buhay: “Anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na parang kay Jehova kayo naglilingkod at hindi sa mga tao.” (Colosas 3:23) Nang banggitin ang pinakamahalagang utos, sinabi ni Jesus: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Oo, inaasahan ni Jehova na bawat isa sa atin ay iibig at maglilingkod sa kaniya nang buong kaluluwa.

      19, 20. (a) Yamang ang puso, isip, at lakas ay kalakip sa kaluluwa, bakit ang ibang mga sangkap na ito ay binanggit sa Marcos 12:30? (b) Ano ang kahulugan ng paglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa?

      19 Ano ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa? Ang kaluluwa ay tumutukoy sa buong persona, lakip na ang pisikal at mental na mga kakayahan nito. Yamang ang puso, isip, at lakas ay kalakip sa kaluluwa, bakit ang ibang mga sangkap na ito ay binanggit sa Marcos 12:30? Isaalang-alang ang isang paghahalimbawa. Noong panahon ng Bibliya, maaaring ipagbili ng isang tao ang kaniyang sarili (ang kaniyang kaluluwa) sa pagkaalipin. Subalit, ang alipin ay maaaring hindi naglilingkod sa kaniyang panginoon nang buong puso; maaaring hindi niya ginagamit ang kaniyang buong lakas o ang kaniyang buong kakayahan ng pag-iisip para sa kapakanan ng kaniyang panginoon. (Colosas 3:22) Samakatuwid, maliwanag na binanggit ni Jesus ang ibang mga sangkap na ito upang idiin na wala tayong anumang dapat ipagkait sa ating paglilingkod sa Diyos. Ang paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa ay nangangahulugan ng pagbibigay ng ating sarili, anupat ginagamit ang ating buong lakas at kakayahan sa paglilingkod sa kaniya.

      20 Ang paglilingkod ba nang buong kaluluwa ay nangangahulugan na tayong lahat ay dapat na gumugol ng magkakaparehong dami ng oras at lakas sa ministeryo? Imposible iyan, sapagkat iba-iba ang kalagayan at kakayahan ng mga tao. Halimbawa, ang isang kabataan na may mabuting kalusugan at lakas ng katawan ay maaaring makagugol ng higit na panahon sa pangangaral kaysa sa isa na wala nang lakas dahil sa pagtanda. Ang isang binata o dalaga na walang mga obligasyon sa pamilya ay maaaring makagawa nang higit kaysa sa isa na nag-aasikaso ng pamilya. Kung tayo’y may lakas at nasa kalagayan na nagpapahintulot sa atin na makagawa nang lubusan sa ministeryo, dapat tayong magpasalamat! Mangyari pa, hindi natin nanaisin kailanman na maging mapamintas, anupat inihahambing ang ating sarili sa iba tungkol sa bagay na ito. (Roma 14:10-12) Sa halip, nais nating gamitin ang ating kapangyarihan upang palakasin ang iba.

      21. Ano ang pinakamahusay at pinakamahalagang paraan ng paggamit ng ating kapangyarihan?

      21 Si Jehova ay nagbigay ng perpektong halimbawa sa tamang paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Nais nating tularan siya sa abot ng ating makakaya bilang di-perpektong mga tao. Magagamit natin ang ating kapangyarihan sa tamang paraan sa pamamagitan ng pakikitungo nang may dignidad sa mga nasa ilalim ng anumang awtoridad na taglay natin. Karagdagan pa, nais nating maging buong kaluluwa sa pagsasagawa ng ating nagliligtas-buhay na pangangaral na ibinigay sa atin ni Jehova upang ganapin. (Roma 10:13, 14) Tandaan, si Jehova ay nalulugod kapag ibinibigay mo ang iyong buong kaluluwa—ang pinakamagaling na maibibigay mo. Hindi ba’t nauudyukan ka ng iyong puso na magnais gawin ang lahat ng iyong magagawa sa paglilingkod sa gayong maunawain at maibiging Diyos? Wala nang hihigit pa o mas mahalagang paraan ng paggamit ng iyong kapangyarihan.

      a Noong panahon ng Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “pamalo” ay nangangahulugan ng isang baston o isang tungkod, gaya niyaong ginagamit ng pastol sa pag-akay sa kaniyang mga tupa. (Awit 23:4) Sa katulad na paraan, ang “pamalo” bilang awtoridad ng magulang ay nagpapahiwatig ng maibiging pag-akay, hindi ng mabagsik o malupit na pagpaparusa.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Kawikaan 3:9, 10 Anong “mahahalagang pag-aari” ang taglay natin, at paano natin magagamit ang mga ito upang parangalan si Jehova?

      • Eclesiastes 9:5-10 Bakit dapat mong gamitin ang iyong lakas ngayon sa paraang sasang-ayunan ng Diyos?

      • Gawa 8:9-24 Anong pang-aabuso sa kapangyarihan ang ipinaghalimbawa rito, at paano natin maiiwasang mahulog sa gayong maling landasin?

      • Gawa 20:29-38 Ano ang matututuhan ng mga may responsableng posisyon sa kongregasyon mula sa halimbawa ni Pablo?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share