Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’
    Maging Malapít kay Jehova
    • Mga gansa na sama-samang lumilipad.

      KABANATA 17

      ‘Talagang Kahanga-hanga ang Karunungan ng Diyos!’

      1, 2. Ano ang layunin ni Jehova para sa ikapitong araw, at paano napalagay sa pagsubok ang karunungan ng Diyos sa pagsisimula ng araw na ito?

      WASAK! Ang sangkatauhan, ang pinakatampok sa ikaanim na araw ng paglalang, ay biglang bumagsak mula sa pagiging pinakamatayog tungo sa pagiging pinakamababa. Naihayag na ni Jehova na “napakabuti” ng “lahat ng ginawa niya,” pati na ang sangkatauhan. (Genesis 1:31) Subalit sa pagsisimula ng ikapitong araw, minabuti nina Adan at Eva na sundan ang paghihimagsik ni Satanas. Sila’y napasadlak sa kasalanan, pagiging di-perpekto, at kamatayan.

      2 Sa biglang tingin ay waring wala nang pag-asang matutupad pa ang layunin ni Jehova para sa ikapitong araw. Ang araw na iyon, gaya ng anim na nauna rito, ay libo-libong taon ang magiging haba. Inihayag na ni Jehova na ito’y banal, at sa pinakahuli ay makikita rito na ang buong lupa ay gagawing isang paraiso na punô ng perpektong pamilya ng mga tao. (Genesis 1:28; 2:3) Subalit pagkatapos ng trahedyang dulot ng paghihimagsik, paano pa kaya matutupad ang bagay na iyon? Ano kaya ang gagawin ng Diyos? Dito lubusang masusubok ang karunungan ni Jehova—marahil ang pinakasukdulang pagsubok.

      3, 4. (a) Bakit isang kagila-gilalas na halimbawa ng karunungan ang tugon ni Jehova sa paghihimagsik sa Eden? (b) Ang kapakumbabaan ay dapat magpakilos sa atin na laging isaisip ang anong katotohanan habang pinag-aaralan natin ang karunungan ni Jehova?

      3 Tumugon agad si Jehova. Sinentensiyahan niya ang mga rebelde sa Eden, at kasabay nito, ipinabanaag niya ang isang kahanga-hangang bagay: ang kaniyang layunin na ayusin ang pinsalang pinasimulan nila. (Genesis 3:15) Ang pangmatagalang layunin ni Jehova ay umaabot mula sa Eden hanggang sa libo-libong taon ng kasaysayan ng tao, at patuloy pa hanggang sa hinaharap. Simple lamang ito ngunit napakalalim ng kahulugan anupat maaaring gugulin ng isang mambabasa ng Bibliya ang buong buhay niya sa pag-aaral at pagbubulay-bulay dito. Isa pa, ganap ang katiyakan na magtatagumpay ang layunin ni Jehova. Wawakasan nito ang lahat ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Gagawin nitong perpekto ang tapat na sangkatauhan. Lahat ng ito ay magaganap bago matapos ang ikapitong araw upang matupad ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan ayon mismo sa itinakdang panahon, kahit nagkaroon ng rebelyon!

      4 Ang gayong karunungan ay nag-uudyok ng matinding paghanga, hindi ba? Kaya isinulat ni apostol Pablo: ‘Talagang kahanga-hanga ang karunungan ng Diyos!’ (Roma 11:33) Habang pinag-aaralan natin ang iba’t ibang aspekto ng katangiang ito ng Diyos, kailangang pakilusin tayo ng kapakumbabaan upang mapanatili sa isip ang mahalagang katotohanan—na, kahit anong pagsisikap ang gawin natin, pang-ibabaw lamang ng malawak na karunungan ni Jehova ang ating mahahalukay. (Job 26:14) Una, ipaliwanag muna natin ang kahulugan ng kagila-gilalas na katangiang ito.

      Ano ang Karunungan ng Diyos?

      5, 6. Ano ang kaugnayan ng kaalaman sa karunungan, at gaano kalawak ang kaalaman ni Jehova?

      5 Ang karunungan ay iba sa kaalaman. Ang mga computer ay nakapag-iimbak ng pagkarami-raming kaalaman, subalit mahirap isipin na may sinumang makapagsasabi na ang gayong mga makina ay matalino. Gayunpaman, ang kaalaman at karunungan ay magkaugnay. (Kawikaan 10:14) Halimbawa, kung kailangan mo ng matalinong payo tungkol sa paggamot sa isang malubhang karamdaman, kokonsulta ka ba sa isa na may kaunti o walang kaalaman sa medisina? Hinding-hindi! Kaya nga ang tumpak na kaalaman ay mahalaga sa tunay na karunungan.

      6 Si Jehova ay nagtataglay ng walang-limitasyong nakaimbak na kaalaman. Bilang ang “Haring walang hanggan,” tanging siya lamang ang nabubuhay magpakailanman. (Apocalipsis 15:3) At sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon, alam niya ang lahat ng bagay. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang nilalang na nakatago sa paningin niya, kundi ang lahat ng bagay ay nakalantad at kitang-kita ng isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin.” (Hebreo 4:13; Kawikaan 15:3) Bilang Maylalang, may ganap na kaunawaan si Jehova sa kaniyang ginawa, at napagmasdan niya ang lahat ng ginagawa ng mga tao mula pa sa pasimula. Sinusuri niya ang bawat puso ng tao, anupat walang isa mang kinaliligtaan. (1 Cronica 28:9) Yamang nilalang tayo na may kalayaang magpasiya, nalulugod siya kapag nakikita niyang gumagawa tayo ng matatalinong pasiya sa buhay. Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” nakikinig siya sa di-mabilang na kapahayagan nang sabay-sabay! (Awit 65:2) At talagang perpekto ang memorya ni Jehova.

      7, 8. Paano ipinamamalas ni Jehova ang kaunawaan at karunungan?

      7 Hindi lamang kaalaman ang taglay ni Jehova. Nakikita rin niya kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari at nauunawaan ang kabuoang larawan na likha ng katakot-takot na detalye. Siya ay nagtitimbang-timbang at humahatol, anupat kinikilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng mahalaga at ng di-mahalaga. Bukod diyan, hindi siya tumitingin sa panlabas kundi sinusuri niya mismo ang puso. (1 Samuel 16:7) Kaya naman, si Jehova ay may kaunawaan, katangiang nakahihigit sa kaalaman. Subalit ang karunungan ay lalo pang nakahihigit.

      8 Ang karunungan ay ang pinagsama-samang kaalaman, kaunawaan, at pagkakapit sa mga ito. Sa katunayan, ang ilan sa orihinal na mga salita sa Bibliya na isinaling “karunungan” ay literal na nangangahulugang “mabungang paggawa” o “praktikal na karunungan.” Kaya ang karunungan ni Jehova ay hindi lamang batay sa teoriya. Ito’y praktikal at mabisa. Sa paggamit ng kaniyang malawak na kaalaman at ng kaniyang malalim na unawa, si Jehova ay laging gumagawa ng pinakamagagaling na desisyon, anupat isinasagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pinakamagaling na pagkilos na maiisip. Iyan ang tunay na karunungan! Pinatunayan ni Jehova na totoo ang sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay makikita sa gawa.” (Mateo 11:19) Ang mga gawa ni Jehova sa buong uniberso ay nagbibigay ng matitibay na patotoo sa kaniyang karunungan.

      Mga Ebidensiya ng Karunungan ng Diyos

      9, 10. (a) Si Jehova ay nagpapakita ng anong uri ng karunungan, at paano niya ito itinatanghal? (b) Paanong ang selula ay nagbibigay ng ebidensiya ng karunungan ni Jehova?

      9 Namamangha ka ba sa kahusayan ng isang bihasang manggagawa na gumagawa ng magaganda’t mabibisang bagay? Iyan ay isang kahanga-hangang uri ng karunungan. (Exodo 31:1-3) Si Jehova mismo ang Bukal at pinakadakilang May-ari ng gayong karunungan. Sinabi ni Haring David tungkol kay Jehova: “Pinupuri kita dahil sa kahanga-hangang paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, alam na alam ko ito.” (Awit 139:14) Ang totoo, habang higit tayong natututo tungkol sa katawan ng tao, lalong tumitindi ang pagkamangha natin sa karunungan ni Jehova.

      10 Pag-isipan ito: Ikaw ay nagsimula sa iisang selula—nag-iisang selulang itlog mula sa iyong ina, na pinertilisa ng isang semilya mula naman sa iyong ama. Di-nagtagal, ang selulang iyan ay nahati. Ikaw, na naging bunga, ay binubuo ng mga 100 trilyong selula. Pagkaliliit ng mga ito. Ang pinagsama-samang mga 10,000 katamtamang-laking mga selula ay kasinlaki ng ulo ng aspile. Gayunpaman, ang bawat isa nito ay isang nilalang na di-maarok ng isip. Ang selula ay higit na napakasalimuot kaysa sa alinmang gawang-taong makina o pabrika. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang isang selula ay tulad ng isang napapaderang lunsod—isa na may kontroladong mga pasukan at labasan, isang sistema ng transportasyon, isang network ng komunikasyon, mga planta ng kuryente, mga pabrika, mga pasilidad para sa pagtatapon at pagreresiklo ng basura, mga ahensiya para sa depensa, at isang uri pa nga ng sentrong pamahalaan sa nukleo nito. Isa pa, ang selula ay nakagagawa ng isang eksaktong kahawig nito sa loob lamang ng ilang oras!

      11, 12. (a) Ano ang nakapagpapaiba-iba ng mga selula sa nabubuong binhi, at paano ito nakakasuwato sa Awit 139:16? (b) Sa anong mga paraan ipinapakita ng utak ng tao na “kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin?

      11 Mangyari pa, hindi lahat ng selula ay magkakapareho. Habang ang mga selula ng isang binhi ay patuloy na nahahati, ang mga ito’y gumaganap ng iba’t ibang gawain. Ang ilan ay magiging mga selula para sa nerbiyo; ang iba naman ay mga selula para sa buto, kalamnan, dugo, o mata. Lahat ng gayong pagkakaiba-iba ay nakaprograma sa “aklatan” ng selula na kinaroroonan ng henetikong mga plano, ang DNA. Kapansin-pansin, sa patnubay ng banal na espiritu, sinabi ni David kay Jehova: “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako; ang lahat ng bahagi ko ay nakasulat sa iyong aklat.”​—Awit 139:16.

      12 Ang ilang bahagi ng katawan ay napakasalimuot. Halimbawa, isaalang-alang ang utak ng tao. Tinawag ito ng ilan bilang ang pinakamasalimuot na bagay na natuklasan sa uniberso hanggang sa kasalukuyan. Naglalaman ito ng mga 100 bilyong selula ng nerbiyo—posibleng kasindami ng mga bituin sa ating galaksi. Bawat isa sa mga selulang iyon ay nagsasanga tungo sa libo-libong koneksiyon sa ibang mga selula. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang utak ng tao ay makapaglalaman ng lahat ng impormasyon mula sa lahat ng aklatan sa buong mundo. Sa katunayan, ang kapasidad nitong mag-imbak ay hindi masusukat. Sa kabila ng ilang dekadang pag-aaral tungkol sa sangkap na ito na “kamangha-mangha ang pagkakagawa,” inaamin ng mga siyentipiko na hindi na marahil nila lubusang mauunawaan kailanman kung paano ito gumagana.

      13, 14. (a) Paano ipinapakita ng mga langgam at ng iba pang mga nilalang na sila’y “likas na marurunong,” at ano ang itinuturo niyan sa atin tungkol sa kanilang Maylalang? (b) Bakit natin masasabi na ang mga nilalang na gaya ng bahay ng gagamba ay ginawa “nang may karunungan”?

      13 Gayunman, ang mga tao ay isang halimbawa lamang ng karunungan ni Jehova sa paglalang. Ang Awit 104:24 ay nagsasabi: “Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan. Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo.” Ang karunungan ni Jehova ay nakikita sa bawat nilalang sa paligid natin. Halimbawa, ang mga langgam ay “likas na marurunong.” (Kawikaan 30:24) Sa katunayan, napakaorganisado ng mga kolonya ng mga langgam. Ang ilang kolonya ng mga langgam ay nag-aalaga, kumakalinga, at kumukuha ng pagkain mula sa mga insektong tinatawag na mga dapulak na para bang ang mga ito’y mga alagang hayop. Ang ibang mga langgam naman ay pumapapel na mga magsasaka, na nagtatanim at naglilinang ng “mga pananim” na punggus. Marami pang ibang nilalang ang ipinrogramang gumawa ng kahanga-hangang mga bagay sa pamamagitan ng likas na karunungan. Ang isang karaniwang langaw ay nakapagpapasirko-sirko na hindi matularan ng pinakamodernong eroplano ng tao. Ang mga nandarayuhang ibon ay naglalakbay sa pamamagitan ng mga bituin, ng pagkahirati sa magnetic field ng lupa, o ng isang anyo ng mapa na bahagi na ng isip nila. Ang mga biyologo ay gumugugol ng maraming taon ng pag-aaral tungkol sa matatalinong paggawi na ipinrograma na sa mga nilalang na ito. Kung gayon, tiyak na napakarunong nga ng dakilang Tagaprograma!

      14 Napakalaki ng natutuhan ng mga siyentipiko sa karunungan ni Jehova sa paglalang. May isa pa ngang larangan ng inhinyeriya, na tinatawag na biomimetics, na ang hangarin ay magaya ang mga disenyong nakikita sa kalikasan. Halimbawa, marahil ay napapatitig ka sa paghanga sa kagandahan ng isang bahay ng gagamba. Subalit itinuturing ito ng isang inhinyero bilang isang kababalaghan ng disenyo. Ang ilang mukhang marurupok na hibla ay mas mapuwersa pa sa kasinlaki nitong bakal at mas matibay pa sa mga hibla ng tsalekong di-tinatablan ng bala. Gaano nga ba ito katibay? Gunigunihin ang isang bahay ng gagamba na pinalaki hanggang sa maging kasukat ng isang lambat na ginagamit sa bangkang pangisda. Ang gayong sapot ay makahuhuli ng isang eroplanong pampasahero habang lumilipad ito! Oo, ginawa ni Jehova ang lahat ng bagay na ito “nang may karunungan.”

      Collage: Karunungan ni Jehova na lumalang. 1. Sapot ng gagamba. 2. Linya ng mga langgam na may dalang dahon. 3. Mga gansa na sama-samang lumilipad.

      Sino ang nagprograma sa mga nilalang sa lupa upang maging “likas na marurunong”?

      Karunungang Hindi Lang sa Lupa

      15, 16. (a) Ang mabituing kalangitan ay nagbibigay ng anong ebidensiya ng karunungan ni Jehova? (b) Paanong ang posisyon ni Jehova bilang Pinakadakilang Kumandante ng napakalaking bilang ng mga anghel ay nagpapatotoo sa karunungan ng Administrador na ito?

      15 Ang karunungan ni Jehova ay nakikita sa kaniyang mga gawa sa buong uniberso. Ang mabituing kalangitan na tinalakay natin sa Kabanata 5 ay hindi basta na lamang ikinalat sa kalawakan. Dahil sa karunungan ng “mga batas ng langit” ni Jehova, ang kalangitan ay buong kagandahang inorganisa sa maaayos na mga galaksi, na pinagkukumpol-kumpol, at saka pinagsasama-sama upang bumuo ng pagkalalaking mga kumpol. (Job 38:33) Hindi nga kataka-takang tukuyin ni Jehova ang mga bagay na nasa langit bilang isang “hukbo”! (Isaias 40:26) Gayunman, may iba pang hukbo na lalong maliwanag na nagtatanghal ng karunungan ni Jehova.

      16 Gaya ng napansin natin sa Kabanata 4, taglay ng Diyos ang titulong “Jehova ng mga hukbo” dahil sa kaniyang posisyon bilang Pinakadakilang Kumandante ng napakalaking hukbo ng daan-daang milyong espiritung nilalang. Patotoo ito ng kapangyarihan ni Jehova. Pero paano nauugnay rito ang kaniyang karunungan? Isaalang-alang: Si Jehova at si Jesus ay hindi kailanman tumitigil sa paggawa. (Juan 5:17) Kung gayon, makatuwiran lamang na ang mga lingkod na anghel ng Kataas-taasan ay palagi ring maraming ginagawa. At tandaan, sila’y nakahihigit sa tao, napakatalino at napakamakapangyarihan. (Hebreo 1:7; 2:7) Gayunman, napanatili ni Jehova ang lahat ng anghel na iyon na maging abala at maligayang gumaganap ng gawain—na “tumutupad sa salita niya” at “gumagawa ng kalooban niya”—sa loob ng bilyon-bilyong taon. (Awit 103:20, 21) Kagila-gilalas nga ang karunungan ng Administrador na ito!

      Si Jehova Lamang ang “Tanging Marunong”

      17, 18. Bakit sinasabi sa Bibliya na si Jehova lamang ang “tanging marunong,” at bakit tayo dapat malipos ng pagkamangha dahil sa kaniyang karunungan?

      17 Dahil sa gayong ebidensiya, kataka-taka ba kung ipinapakita sa Bibliya na ang karunungan ni Jehova ang pinakamagaling sa lahat? Halimbawa, sinasabi nito na si Jehova lamang ang “tanging marunong.” (Roma 16:27) Si Jehova lamang ang nagtataglay ng karunungan sa ganap na diwa nito. Siya ang Bukal ng lahat ng tunay na karunungan. (Kawikaan 2:6) Iyan ang dahilan kung bakit si Jesus, bagaman pinakamarunong sa lahat ng nilalang ni Jehova, ay hindi umasa sa kaniyang sariling karunungan kundi nagsalita ayon sa iniutos sa kaniya ng kaniyang Ama.​—Juan 12:48-50.

      18 Pansinin kung paano ipinahayag ni apostol Pablo ang walang-katulad na karunungan ni Jehova: “Talagang kahanga-hanga ang saganang pagpapala [o, “O ang lalim ng kayamanan,” talababa], karunungan, at kaalaman ng Diyos! Di-maabot ng isipan ang mga hatol niya at di-matunton ang mga daan niya!” (Roma 11:33) Makikita sa sinabi ni Pablo na talagang namangha siya. Ang salitang Griego na kaniyang pinili para sa “lalim” ay may malapit na kaugnayan sa salita para sa “kalaliman.” Kung gayon, ang kaniyang pananalita ay nagbibigay ng isang malinaw na larawan sa isipan. Kapag binubulay-bulay natin ang karunungan ni Jehova, para bang tumititig tayo sa walang-hanggang kalaliman, isang daigdig na ubod-lalim, pagkalawak-lawak anupat ni hindi natin kailanman malilirip ang lawak nito, lalo pa nga kung ilalarawan ito o dedetalyehin ito. (Awit 92:5) Hindi ba’t dahilan iyan upang mapag-isip-isip natin kung gaano tayo kababa?

      19, 20. (a) Bakit ang agila ay isang angkop na sagisag ng karunungan ng Diyos? (b) Paano itinanghal ni Jehova ang kaniyang kakayahang sumilip sa kinabukasan?

      19 Si Jehova lamang ang “tanging marunong” sa isa pang diwa: Siya lamang ang nakasisilip sa kinabukasan. Alalahanin, ginagamit ni Jehova ang agilang may malayong pananaw upang sumagisag sa karunungan ng Diyos. Ang isang ginintuang agila ay maaaring tumimbang lamang ng limang kilo, subalit ang mga mata nito ay malalaki pa sa mga mata ng isang taong nasa hustong gulang. Ang paningin ng agila ay napakatalas, anupat namamataan ng ibon ang pagkaliit-liit na masisila daan-daang metro mula sa itaas, marahil kahit ilang kilometro pa ang layo! Minsan ay sinabi mismo ni Jehova tungkol sa agila: “Nakatingin sa malayo ang mga mata nito.” (Job 39:29) Sa katulad na diwa, kayang makita ni Jehova ang mangyayari sa hinaharap!

      20 Ang Bibliya ay punô ng ebidensiya na ito’y totoo. Naglalaman ito ng daan-daang hula, o kasaysayang isinulat nang patiuna. Ang resulta ng mga digmaan, ang pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig, at maging ang espesipikong mga estratehiya sa digmaan ng mga kumandante ng militar ay pawang inihula sa Bibliya—sa ilang kaso, daan-daang taon patiuna.​—Isaias 44:25–45:4; Daniel 8:2-8, 20-22.

      21, 22. (a) Bakit walang batayan ang pagsasabing patiuna nang nakita ni Jehova ang lahat ng gagawin mong pagpapasiya sa iyong buhay? Ipaghalimbawa. (b) Paano natin nalalaman na ang karunungan ni Jehova ay hindi masasabing walang malasakit o walang empatiya?

      21 Kung gayon, nangangahulugan ba ito na patiuna nang nakita ng Diyos ang gagawin mong pagpapasiya sa iyong buhay? Iginigiit ng ilang nangangaral ng doktrina ng predestinasyon na ang sagot ay oo. Gayunman, ang ideyang iyan ay aktuwal na nagpapababa sa karunungan ni Jehova, sapagkat nagpapahiwatig ito na hindi niya kayang kontrolin ang kaniyang kakayahang tumingin sa kinabukasan. Halimbawa, kung napakaganda ng boses mo sa pag-awit, wala ka na bang ibang gagawin kundi ang umawit na lang nang umawit? Kakatwa naman ang ideyang iyan! Gayundin, may kakayahan si Jehova na patiunang alamin ang kinabukasan, subalit hindi niya ito palaging ginagamit. Ang paggawa nito ay masasabing panghihimasok sa ating malayang pagpapasiya, isang mahalagang kaloob na hindi babawiin ni Jehova kailanman.​—Deuteronomio 30:19, 20.

      22 Masahol pa, ang mismong ideya ng predestinasyon ay nagpapahiwatig na ang karunungan ni Jehova ay walang malasakit, walang pag-ibig, walang empatiya, o walang habag. Subalit hinding-hindi ito totoo! Itinuturo ng Bibliya na si Jehova “ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya ang karunungan ni Jehova, gaya ng iba pa niyang mga katangian, ay inuugitan ng pag-ibig.

      23. Ang kahigitan ng karunungan ni Jehova ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?

      23 Natural lamang, ang karunungan ni Jehova ay ganap na mapagkakatiwalaan. Napakalaki ng kahigitan nito sa ating sariling karunungan anupat maibiging hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso, at huwag kang umasa sa sarili mong unawa. Isaisip mo siya sa lahat ng tatahakin mong landas, at itutuwid niya ang mga daan mo.” (Kawikaan 3:5, 6) Saliksikin natin ngayon ang karunungan ni Jehova upang tayo’y lalong mapalapít sa ating Diyos na pinakamarunong sa lahat.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Job 28:11-28 Gaano kahalaga ang karunungan ng Diyos, at anong mabuting resulta ang idudulot ng pagbubulay-bulay sa paksang ito?

      • Awit 104:1-25 Paano nakikita sa paglalang ang karunungan ni Jehova, at anong mga damdamin ang idinudulot niyan sa iyo?

      • Kawikaan 3:19-26 Kapag binubulay-bulay natin ang karunungan ni Jehova at ikinakapit ito, ano ang maaaring maging epekto nito sa ating sariling pang-araw-araw na buhay?

      • Daniel 2:19-28 Bakit si Jehova ay tinawag na Tagapagsiwalat ng mga lihim, at paano tayo dapat tumugon sa makahulang karunungan na masusumpungan sa kaniyang Salita?

  • Karunungan sa “Salita ng Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Manunulat ng Bibliya na nagsusulat sa isang balumbon.

      KABANATA 18

      Karunungan sa “Salita ng Diyos”

      1, 2. Anong “liham” ang isinulat sa atin ni Jehova, at bakit?

      NATATANDAAN mo ba nang huling tumanggap ka ng liham mula sa isang minamahal na nakatira sa malayo? May ilang bagay na nagpapalugod sa atin na gaya ng isang taos-pusong liham mula sa isang pinakamamahal. Tuwang-tuwa tayong makabalita tungkol sa kaniyang kapakanan, karanasan, at mga plano. Ang gayong pakikipag-usap ay lalong nagpapalapít sa ating mga minamahal, kahit na sila’y nasa malayo sa pisikal.

      2 Kung gayon, ano pa kaya ang makapagpapalugod sa atin kaysa sa pagtanggap ng isang nakasulat na mensahe mula sa ating iniibig na Diyos? Sa diwa, si Jehova ay sumulat sa atin ng isang “liham”—ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Dito ay sinasabi niya sa atin kung sino siya, kung ano na ang nagawa niya, kung ano ang layunin niyang gawin, at marami pa. Ibinigay ni Jehova sa atin ang kaniyang Salita sapagkat nais niyang mapalapít tayo sa kaniya. Pinili ng ating Diyos na marunong sa lahat ang pinakamainam na paraan ng pakikipag-usap sa atin. Makikita natin ang walang-katulad na karunungan ni Jehova sa paraan ng pagkakasulat sa Bibliya at sa nilalaman nito.

      Bakit Isang Nasusulat na Salita?

      3. Sa anong paraan ibinigay ni Jehova ang Kautusan kay Moises?

      3 Baka magtanong ang ilan, ‘Bakit kaya hindi gumamit si Jehova ng isang mas madulang paraan—halimbawa, isang tinig mula sa langit—upang makipag-usap sa mga tao?’ Ang totoo, may mga pagkakataon na talagang nagsalita si Jehova mula sa langit sa pamamagitan ng mga kinatawang anghel. Halimbawa, ginawa niya ito nang ibigay niya ang Kautusan sa Israel. (Galacia 3:19) Ang tinig mula sa langit ay kamangha-mangha—anupat nakiusap ang nahintakutang mga Israelita na huwag nang makipag-usap si Jehova sa kanila sa gayong paraan kundi makipag-usap na lamang siya sa pamamagitan ni Moises. (Exodo 20:18-20) Kaya naman ang Kautusan, na binubuo ng mga 600 batas, ay ibinigay kay Moises nang bibigan, salita-por-salita.

      4. Ipaliwanag kung bakit ang basta salita lamang ay isang di-maaasahang paraan ng paghahatid ng mga kautusan ng Diyos.

      4 Ano kaya kung ang Kautusang iyan ay hindi kailanman naisulat? Matatandaan kaya ni Moises ang eksaktong pananalita ng detalyadong kodigong iyan at maipararating ito sa lahat ng tao nang walang mali? Kumusta naman kaya ang susunod na mga henerasyon? Makaaasa kaya sila sa basta salita lamang? Iyan ay hindi isang maaasahang paraan ng paghahatid ng mga kautusan ng Diyos. Isip-isipin ang maaaring mangyari kung ikaw ay magkukuwento sa mga tao na nasa mahabang linya sa pamamagitan ng pagsasabi muna nito sa nasa unahan at pagkatapos ay sasabihin naman niya ito sa sumunod sa kaniya hanggang sa makarating sa dulo. Malamang na ang maririnig ng taong nasa dulo ay ibang-iba na sa sinabi sa pasimula. Ang mga salita ng Kautusan ng Diyos ay hindi napalagay sa gayong panganib.

      5, 6. Ano ang itinagubilin ni Jehova kay Moises na gawin sa Kaniyang mga salita, at bakit isang pagpapala para sa atin na ang Salita ni Jehova ay nakasulat?

      5 Buong karunungang minabuti ni Jehova na ipasulat ang kaniyang mga salita. Nagtagubilin siya kay Moises: “Isulat mo ang mga salitang ito, dahil nakikipagtipan ako sa iyo at sa Israel ayon sa mga salitang ito.” (Exodo 34:27) Ganiyan nagsimula ang panahon ng pagsulat sa Bibliya, noong 1513 B.C.E. Nang sumunod na 1,610 taon, si Jehova ay nagsalita “sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan” sa mga 40 tao na sumulat noon ng Bibliya. (Hebreo 1:1) Sa loob ng panahong iyon, ang mga debotong tagakopya ay buong ingat na gumawa ng eksaktong mga kopya upang mapangalagaan ang Kasulatan.​—Ezra 7:6; Awit 45:1.

      6 Talaga ngang pinagpala tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pakikipag-usap niya sa atin sa sulat. Nakatanggap ka na ba ng isang liham na napakahalaga sa iyo—marahil dahil sa ito’y nagbibigay ng kinakailangang kaaliwan—anupat itinago mo ito at paulit-ulit na binabasa? Gayundin ang “liham” ni Jehova sa atin. Palibhasa’y ipinasulat ni Jehova ang kaniyang mga salita, nababasa natin ang mga ito nang regular at nabubulay-bulay ang mga sinasabi nito. (Awit 1:2) “Ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas” kailanma’t kailanganin natin ito.​—Roma 15:4.

      Bakit Kaya mga Tao ang Tagasulat?

      7. Paano nakikita ang karunungan ni Jehova sa kaniyang paggamit ng mga taong tagasulat?

      7 Dahil sa kaniyang karunungan, gumamit si Jehova ng mga tao upang isulat ang kaniyang Salita. Isaalang-alang ito: Kung ang ginamit ni Jehova ay mga anghel upang isulat ang Bibliya, magkakaroon kaya ito ng katulad na pang-akit? Totoo nga’t mailalarawan ng mga anghel si Jehova mula sa kanilang matayog na pananaw, maipahahayag ang kanilang sariling debosyon sa kaniya, at makapag-uulat tungkol sa tapat na mga taong lingkod ng Diyos. Subalit mauunawaan kaya natin ang pananaw ng mga perpektong espiritung nilalang, na ang kaalaman, karanasan, at kalakasan ay lubhang nakahihigit kaysa sa ating taglay?​—Hebreo 2:6, 7.

      8. Sa anong paraan hinayaan na gamitin ng mga tagasulat ng Bibliya ang kanilang sariling kakayahan ng pag-iisip? (Tingnan din ang talababa.)

      8 Sa kaniyang paggamit ng mga taong tagasulat, ibinigay ni Jehova ang talagang kailangan natin—isang ulat na “mula sa Diyos” ngunit naroroon pa rin ang katangian ng tao. (2 Timoteo 3:16) Paano kaya niya ito nagawa? Sa maraming pagkakataon, lumilitaw na hinayaan niyang gamitin ng mga tagasulat ang kanilang sariling kakayahan ng pag-iisip para makapili ng “magagandang salita at maisulat nang tumpak ang mga salita ng katotohanan.” (Eclesiastes 12:10, 11) Ito ang dahilan ng pagkakaiba-iba ng istilo ng Bibliya; ang mga sulat ay nagpapamalas ng pinagmulan at personalidad ng bawat sumulat.a Gayunman, ang mga taong ito ay “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Kaya naman ang Bibliya ay masasabing ang “salita ng Diyos.”​—1 Tesalonica 2:13.

      “Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos”

      9, 10. Bakit ang paggamit sa mga taong tagasulat ay nakaragdag sa puwersa at pang-akit ng Bibliya?

      9 Ang paggamit ng mga taong tagasulat ay nagbibigay sa Bibliya ng pambihirang puwersa at pang-akit. Ang mga tagasulat nito’y mga taong may damdaming gaya ng sa atin. Palibhasa’y di-perpekto, sila’y napaharap sa mga pagsubok at panggigipit na katulad ng sa atin. Sa ilang pagkakataon, ginabayan sila ng espiritu ni Jehova upang isulat ang tungkol sa kanilang sariling damdamin at mga pagpupunyagi. (2 Corinto 12:7-10) Kaya isinulat nila ang mga salita sa unang panauhan, mga salitang hindi maipahahayag ng sinumang anghel.

      10 Halimbawa, isaalang-alang si Haring David ng Israel. Matapos siyang makagawa ng ilang malulubhang kasalanan, kumatha si David ng isang awit na doo’y ibinulalas niya ang laman ng kaniyang puso, na nakikiusap na siya’y patawarin ng Diyos. Sumulat siya: “Linisin mo ako sa kasalanan ko. Dahil alam na alam ko ang mga pagkakamali ko, at ang kasalanan ko ay laging nasa harap ko. Ipinanganak akong makasalanan; makasalanan na ako mula pa nang ipaglihi ng aking ina. Huwag mo akong itaboy mula sa harap mo; at huwag mong alisin sa akin ang iyong banal na espiritu. Ang handog na nakalulugod sa Diyos ay isang bagbag na puso; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil.” (Awit 51:2, 3, 5, 11, 17) Hindi mo ba nadarama ang paghihirap ng sumulat? Sino pa nga ba bukod sa isang di-perpektong tao ang makapagpapahayag ng gayong taimtim na damdamin?

      Bakit Isang Aklat Tungkol sa mga Tao?

      11. Anong uri ng mga halimbawa sa tunay na buhay ang inilakip sa Bibliya “para matuto tayo”?

      11 May isa pang bagay na nakaragdag sa pang-akit ng Bibliya. Sa kalakhang bahagi, ito’y isang aklat tungkol sa mga tao—tunay na mga tao—yaong naglilingkod sa Diyos at yaong hindi naglilingkod sa kaniya. Nababasa natin ang kanilang mga karanasan, paghihirap, at kagalakan. Nakikita natin ang kinalabasan ng kanilang ginawang pagpapasiya sa kanilang buhay. Ang gayong mga ulat ay inilakip “para matuto tayo.” (Roma 15:4) Sa pamamagitan ng mga halimbawang ito sa tunay na buhay, nagtuturo si Jehova sa mga paraang tumatagos sa ating puso. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

      12. Sa anong paraan tumutulong sa atin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa di-tapat na mga tao?

      12 Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa di-tapat, masasama pa ngang mga tao at kung ano ang sinapit nila. Sa mga ulat na ito, ipinapakita ng kanilang mga gawa ang di-kanais-nais na mga ugali, anupat madali tuloy natin itong nauunawaan. Halimbawa, ano pa kayang utos laban sa pagiging di-tapat ang higit pang mabisa kaysa sa buháy na halimbawa ng ugaling ito na taglay ni Judas habang isinasagawa niya ang kaniyang maitim na balak laban kay Jesus? (Mateo 26:14-16, 46-50; 27:3-10) Ang mga ulat na gaya nito ay mas mabisang tumitimo sa ating puso, anupat tinutulungan tayong makita at itakwil ang nakasusuklam na pag-uugali.

      13. Sa anong paraan tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan ang kanais-nais na mga katangian?

      13 Inilalarawan din ng Bibliya ang maraming tapat na lingkod ng Diyos. Nababasa natin ang hinggil sa kanilang debosyon at katapatan. Nakikita natin ang buháy na mga halimbawa ng mga katangiang kailangan nating linangin upang mapalapít sa Diyos. Kuning halimbawa ang pananampalataya. Binibigyang-kahulugan ng Bibliya ang pananampalataya at sinasabi sa atin kung gaano ito kahalaga sa pagpapalugod sa Diyos. (Hebreo 11:1, 6) Subalit ang Bibliya ay naglalaman din ng matitingkad na halimbawa ng pagsasagawa ng pananampalataya. Isipin na lamang ang pananampalatayang ipinakita ni Abraham nang tangkain niyang ihandog si Isaac. (Genesis, kabanata 22; Hebreo 11:17-19) Sa pamamagitan ng mga ulat na ito, ang salitang “pananampalataya” ay nagpapahiwatig ng karagdagang kahulugan at nagiging madaling maunawaan. Isang karunungan nga na hindi lamang tayo pinapayuhan ni Jehova na maglinang ng kanais-nais na mga katangian kundi naglalaan din siya ng mga halimbawa ng mga ito sa tunay na buhay!

      14, 15. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa isang babae na dumating sa templo, at ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa salaysay na ito?

      14 Ang mga salaysay sa tunay na buhay na masusumpungan sa Bibliya ay kadalasang nagtuturo sa atin ng isang bagay tungkol sa kung anong uri ng persona si Jehova. Isaalang-alang ang nabasa natin tungkol sa isang babaeng nakita ni Jesus sa templo. Habang nakaupong malapit sa mga kabang-yaman, si Jesus ay nagmamasid habang ang mga tao ay naghuhulog ng kanilang mga kontribusyon. Maraming mayayaman ang dumarating at nagbibigay “mula sa kanilang sobra.” Subalit napatitig si Jesus sa mahirap na biyuda. Ang kaniyang kaloob ay “dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.”b Iyon na lamang ang pera niya. Si Jesus, na may kaparehong pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay, ay nagsabi: “Mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.” Ayon sa mga salitang iyon, naghulog siya ng higit kaysa sa sama-samang inihulog ng lahat ng iba pa.​—Marcos 12:41-44; Lucas 21:1-4; Juan 8:28.

      15 Hindi ba makahulugan na sa lahat ng taong dumating sa templo nang araw na iyon, ang biyudang ito pa ang napili at binanggit sa Bibliya? Sa halimbawang ito, itinuturo sa atin ni Jehova na siya’y isang mapagpahalagang Diyos. Nalulugod siyang tanggapin ang ating buong-kaluluwang mga kaloob, gaano man kaliit ito kung ihahambing sa naibibigay ng iba. Tiyak ngang nasumpungan ni Jehova ang pinakamahusay na paraan upang maituro sa atin ang nakapagpapasiglang katotohanang ito!

      Kung Ano ang Hindi Inilakip sa Bibliya

      16, 17. Paano nakikita ang karunungan ni Jehova kahit doon sa mga pinili niyang huwag ilakip sa kaniyang Salita?

      16 Kapag ikaw ay sumusulat ng liham sa isang minamahal, limitado lamang ang iyong masasabi. Kaya naman ikaw ang nagpapasiya kung ano ang nais mong isulat. Gayundin naman, pinili ni Jehova na banggitin ang ilang indibidwal at mga pangyayari sa kaniyang Salita. Subalit sa mga ulat na ito, hindi palaging nililiwanag ng Bibliya ang lahat ng detalye. (Juan 21:25) Halimbawa, nang sabihin ng Bibliya ang tungkol sa paghatol ng Diyos, maaaring hindi masagot ng inilaang impormasyon ang lahat ng tanong natin. Ang karunungan ni Jehova ay nakikita kahit doon sa mga pinili niyang huwag ilakip sa kaniyang Salita. Paano?

      17 Ang paraan ng pagkakasulat sa Bibliya ay nagsisilbing pagsubok sa kung ano ang laman ng ating puso. Ang Hebreo 4:12 ay nagsasabi: “Ang salita [o, mensahe] ng Diyos ay buháy at malakas at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim, at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, . . . at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.” Ang mensahe ng Bibliya ay tumatagos nang malalim, anupat isinisiwalat ang ating tunay na iniisip at mga hangarin. Ang mga bumabasa nito na may pusong mapamintas ay madalas na natitisod sa mga ulat na walang sapat na impormasyon upang masiyahan sila. Baka kuwestiyunin pa nga ng gayong mga tao kung si Jehova ay talagang maibigin, marunong, at makatuwiran.

      18, 19. (a) Bakit hindi tayo dapat mag-alala kapag ang isang partikular na ulat sa Bibliya ay nagbabangon ng mga tanong at hindi natin makita ang kagyat na sagot? (b) Ano ang kailangan upang maunawaan ang Salita ng Diyos, at paanong ito’y katibayan ng dakilang karunungan ni Jehova?

      18 Kabaligtaran naman, kapag maingat nating pinag-aaralan ang Bibliya taglay ang taimtim na puso, natututo tayo tungkol kay Jehova mula sa konteksto na doo’y ipinapakilala siya sa Bibliya sa kabuoan nito. Dahil dito, hindi tayo nag-aalala kapag sa isang partikular na ulat ay may bumangong ilang tanong at hindi natin makita ang kagyat na sagot. Halimbawa, kapag bumubuo tayo ng isang malaking puzzle, maaaring hindi muna natin makita ang isang partikular na piraso o hindi natin makita kung paano iaakma ang isang piraso. Gayunman, baka sapat na ang mga pirasong nabuo natin upang mapag-unawa kung ano ang magiging hitsura nito kapag nakumpleto na ang larawan. Sa katulad na paraan, kapag nag-aaral tayo ng Bibliya, unti-unti nating natututuhan kung anong uri ng Diyos si Jehova, at lumilitaw ang isang tiyak na larawan. Kahit sa pasimula’y hindi natin maunawaan ang isang ulat o makita kung paano ito umaakma sa personalidad ng Diyos, labis-labis na ang naituturo sa atin ng Bibliya tungkol kay Jehova upang makita natin na siya’y isang maibigin, makatuwiran, at makatarungang Diyos.

      19 Kung gayon, upang maunawaan ang Salita ng Diyos, dapat natin itong basahin at pag-aralan taglay ang taimtim na puso at bukás na isip. Hindi ba’t ito’y katibayan ng dakilang karunungan ni Jehova? Ang matatalinong tao ay nakasusulat ng mga aklat na “marurunong at matatalino” lamang ang nakauunawa. Subalit ang makagawa ng isang aklat na mauunawaan lamang niyaong may tamang motibo ng puso—kailangan diyan ang karunungan ng Diyos!—Mateo 11:25.

      Isang Aklat ng “Praktikal na Karunungan”

      20. Bakit si Jehova lamang ang makapagsasabi sa atin ng pinakamainam na paraan ng pamumuhay, at ano ang nilalaman ng Bibliya na makatutulong sa atin?

      20 Sa kaniyang Salita, sinasabi sa atin ni Jehova ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. Bilang ating Maylalang, mas alam niya kaysa sa atin ang mga pangangailangan natin. At ang pangunahing pangangailangan ng tao gaya ng paghahangad na makasumpong ng pag-ibig, kaligayahan, at matagumpay na pagsasamahan ay hindi nagbabago. Ang Bibliya ay naglalaman ng saganang “praktikal na karunungan” na tutulong sa atin upang magkaroon ng makabuluhang buhay. (Kawikaan 2:7, talababa) Ang bawat seksiyon ng pantulong na ito sa pag-aaral ay naglalaman ng isang kabanata na nagpapakita kung paano natin maisasabuhay ang matalinong payo ng Bibliya, subalit isaalang-alang muna natin ngayon ang isang halimbawa.

      21-23. Anong matalinong payo ang makatutulong sa atin upang huwag magkimkim ng galit at hinanakit?

      21 Napapansin mo bang madalas na ang taong nagtatanim ng sama ng loob at nagkikimkim ng matinding hinanakit ang siya mismong napipinsala sa dakong huli? Ang matinding hinanakit ay isang mabigat na pasaning dinadala sa ating buhay. Kapag ito’y kinikimkim natin, inaabala nito ang ating isip, inaagaw ang ating kapayapaan, at pinipigil ang ating kagalakan. Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral sa siyensiya na ang pagtatanim ng galit ay makadaragdag ng panganib na tayo’y magkasakit sa puso at maraming iba pang nagtatagal na karamdaman. Matagal pa bago ang mga pag-aaral na ito sa siyensiya, ang Bibliya ay matalinong nagsabi: “Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit.” (Awit 37:8) Subalit paano natin ito magagawa?

      22 Ibinibigay ng Salita ng Diyos ang matalinong payong ito: “Ang kaunawaan ng tao ang pumipigil sa kaniya na magalit agad, at nagiging kapuri-puri siya kapag pinalalampas niya ang pagkakamali.” (Kawikaan 19:11) Kapag may kaunawaan ang isa, naiintindihan niya ang sinabi o ginawa ng isang tao. Nauunawaan din niya kung bakit ito sinabi o ginawa ng taong iyon. Ang pagsisikap na maunawaan ang kaniyang tunay na motibo, damdamin, at kalagayan ay maaaring makatulong sa atin na alisin ang negatibong pag-iisip at saloobin tungkol sa kaniya.

      23 Ang Bibliya ay naglalaman pa ng ganitong payo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Ang pananalitang “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa” ay nagpapahiwatig ng pagiging mapagpasensiya sa iba, anupat hindi na lamang pinapansin ang mga ugaling marahil ay kinaiinisan natin. Ang gayong pagtitimpi ay makatutulong sa atin upang huwag magtanim ng sama ng loob hinggil sa maliliit na bagay. Ang ‘pagpapatawad’ ay nagpapahiwatig ng ideya ng pag-aalis ng hinanakit. Alam ng ating marunong na Diyos na kailangang patawarin natin ang iba kapag may mabuting dahilan para gawin iyon. Hindi lamang ito para sa kanilang kapakinabangan kundi para din sa ating sariling kapayapaan ng isip at puso. (Lucas 17:3, 4) Kay lalim nga ng karunungang nasusumpungan sa Salita ng Diyos!

      24. Ano ang nagiging resulta kapag iniaayon natin ang ating buhay sa karunungan ng Diyos?

      24 Dahil sa kaniyang walang-hanggang pag-ibig, ninais ni Jehova na makipag-usap sa atin. Pumili siya ng pinakamainam na paraan—isang “liham” na isinulat ng mga tao sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu. Bilang resulta, ang sariling karunungan ni Jehova ay nasusumpungan sa mga pahina nito. Ang karunungang ito ay “talagang mapagkakatiwalaan.” (Awit 93:5) Habang iniaayon natin dito ang ating buhay at habang ibinabahagi natin ito sa iba, tayo’y likas na napapalapít sa ating Diyos na marunong sa lahat. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang isa pang pambihirang halimbawa ng napakalawak na karunungan ni Jehova: ang kaniyang kakayahang hulaan ang mangyayari sa hinaharap at tuparin ang kaniyang layunin.

      a Halimbawa, si David, na isang pastol, ay gumamit ng mga halimbawang kinuha sa buhay ng isang pastol. (Awit 23) Si Mateo, na dating maniningil ng buwis, ay gumawa ng maraming pagtukoy sa mga numero at mga halaga ng pera. (Mateo 17:27; 26:15; 27:3) Si Lucas, na isang doktor, ay gumamit ng mga salitang nagpapakita na siya’y may karanasan sa medisina.​—Lucas 4:38; 14:2; 16:20.

      b Bawat isa sa mga baryang ito ay isang lepton, ang pinakamaliit na baryang Judio na ginagamit noong panahong iyon. Ang dalawang lepton ay katumbas ng 1/64 ng isang araw na suweldo. Ang dalawang baryang ito ay kulang pa nga para makabili ng isang maya, ang pinakamurang ibon na kinakain ng mahihirap.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Kawikaan 2:1-6 Anong pagsisikap ang kailangan upang matamo ang karunungang masusumpungan sa Salita ng Diyos?

      • Kawikaan 2:10-22 Sa anong mga paraan makikinabang tayo sa pamumuhay ayon sa matalinong payo sa Bibliya?

      • Roma 7:15-25 Paano inilalarawan ng mga talatang ito ang karunungan ng paggamit sa mga tao upang isulat ang Salita ng Diyos?

      • 1 Corinto 10:6-12 Ano ang matututuhan natin mula sa mga babalang halimbawa sa Bibliya na nagsasangkot sa Israel?

  • “Karunungan ng Diyos na Nasa Isang Sagradong Lihim”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Tinitingnan ni Abraham ang di-mabilang na mga bituin sa langit.

      KABANATA 19

      “Karunungan ng Diyos na Nasa Isang Sagradong Lihim”

      1, 2. Anong “sagradong lihim” ang dapat makatawag ng ating interes, at bakit?

      LIHIM! Dahil sa ang mga ito’y nakaiintriga, nakaaakit, at nakalilito, karaniwan nang nahihirapan ang mga tao na itago ang mga ito. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Naluluwalhati ang Diyos dahil sa paglilihim ng isang bagay.” (Kawikaan 25:2) Oo, bilang Kataas-taasang Tagapamahala at Maylalang, may karapatan si Jehova na paglihiman ng ilang bagay ang mga tao hanggang sa dumating ang kaniyang itinakdang panahon para isiwalat ang mga ito.

      2 Gayunman, may isang nakaaakit at nakaiintrigang lihim na isiniwalat na ni Jehova sa kaniyang Salita. Ito’y tinatawag na “sagradong lihim ng kalooban [ng Diyos].” (Efeso 1:9) Ang pagkaalam ng tungkol dito ay hindi lamang basta para masapatan ang iyong pag-uusisa. Ang pagkaalam sa lihim na ito ay makaaakay tungo sa kaligtasan at makapagbibigay sa iyo ng ilang kaunawaan tungkol sa di-maarok na karunungan ni Jehova.

      Unti-unting Isinisiwalat

      3, 4. Paano nagbibigay ng pag-asa ang hula na nakaulat sa Genesis 3:15, at anong hiwaga, o “sagradong lihim,” ang saklaw nito?

      3 Nang magkasala sina Adan at Eva, sa wari’y nabigo na ang layunin ni Jehova na magkaroon ng isang paraiso sa lupa na tinatahanan ng perpektong mga tao. Subalit agad na nilutas ng Diyos ang problema. Sinabi niya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [ng ahas] at ng babae at sa pagitan ng supling mo at ng supling niya. Dudurugin ng supling niya ang ulo mo, at susugatan mo ito sa sakong.”​—Genesis 3:15.

      4 Ito’y isang palaisipan at mahiwagang pananalita. Sino ang babaeng ito? Sino ang ahas? Sino ang “supling” na dudurog sa ulo ng ahas? Walang nagawa sina Adan at Eva kundi ang manghula. Gayunpaman, ang mga salita ng Diyos ay nagbibigay ng pag-asa sa sinumang magiging tapat na supling ng di-tapat na mag-asawang iyon. Magtatagumpay ang katuwiran. Matutupad ang layunin ni Jehova. Subalit paano? Iyan ay isang hiwaga! Tinatawag iyan sa Bibliya na “karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim, ang nakatagong karunungan.”​—1 Corinto 2:7.

      5. Ipaghalimbawa kung bakit unti-unti ang pagsisiwalat ni Jehova sa kaniyang lihim.

      5 Bilang “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” sa dakong huli ay isisiwalat ni Jehova ang kaugnay na mga detalye hinggil sa pagsasakatuparan ng lihim na ito. (Daniel 2:28) Subalit gagawin niya ito nang unti-unti. Bilang paghahalimbawa, marahil ay iniisip natin kung paano sumasagot ang isang mapagmahal na ama kapag ang kaniyang maliit na anak ay nagtatanong, “Itay, saan po ba ako galing?” Ang impormasyong ibibigay ng isang marunong na ama ay yaon lamang mauunawaan ng maliit na batang iyon. Habang lumalaki ang bata, dinaragdagan ng ama ang sinasabi nito sa kaniya. Sa katulad na paraan, alam ni Jehova kung handa na ang kaniyang bayan para sa mga kapahayagan ng kaniyang kalooban at layunin.​—Kawikaan 4:18; Daniel 12:4.

      6. (a) Para sa anong layunin ang isang tipan, o kontrata? (b) Bakit kahanga-hanga na si Jehova pa ang magsisimula ng pakikipagtipan sa mga tao?

      6 Paano ginawa ni Jehova ang gayong mga kapahayagan? Gumamit siya ng sunod-sunod na mga tipan, o kontrata, upang isiwalat ang maraming detalye. Malamang, may pagkakataon na pumirma ka na rin sa isang uri ng kontrata—marahil upang bumili ng bahay o umutang o magpautang ng pera. Ang gayong kontrata ay nagbibigay ng isang legal na garantiya na tutuparin ang mga napagkasunduan. Subalit bakit pa kakailanganin ni Jehova na gumawa ng pormal na mga tipan, o kontrata, sa mga tao? Tiyak na ang kaniyang salita ay sapat nang garantiya sa kaniyang mga pangako. Totoo iyan, subalit, sa maraming pagkakataon, may-kabaitang pinagtibay ng Diyos ang kaniyang salita sa pamamagitan ng legal na mga kontrata. Ang matitibay na kasunduang ito ay nagbibigay sa atin bilang di-perpektong mga tao ng lalo pang matatag na saligan para magtiwala sa mga pangako ni Jehova.​—Hebreo 6:16-18.

      Ang Tipan kay Abraham

      7, 8. (a) Anong tipan ang ginawa ni Jehova kay Abraham, na nagbibigay ng anong liwanag tungkol sa sagradong lihim? (b) Paano unti-unting nilinaw ni Jehova ang hanay ng angkan ng ipinangakong supling?

      7 Mahigit na dalawang libong taon matapos na palayasin ang tao mula sa Paraiso, sinabi ni Jehova sa kaniyang tapat na lingkod na si Abraham: “Tiyak na pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit . . . At sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.” (Genesis 22:17, 18) Higit pa ito sa isang pangako; binalangkas ito ni Jehova sa anyo ng isang tipang batas at sinuhayan ito ng kaniyang di-nasisirang sumpa. (Genesis 17:1, 2; Hebreo 6:13-15) Tunay ngang kahanga-hanga na gumawa ng kontrata ang Kataas-taasang Panginoon na pagpapalain niya ang mga tao!

      “Pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit”

      8 Isiniwalat ng Abrahamikong tipan na ang ipinangakong supling ay darating bilang isang tao, yamang siya’y magiging inapo ni Abraham. Subalit sino kaya siya? Sa kalaunan, isiniwalat ni Jehova na sa mga anak ni Abraham, si Isaac ang magiging ninuno ng supling. Sa dalawang anak ni Isaac, si Jacob ang pinili. (Genesis 21:12; 28:13, 14) Pagkaraan, binigkas ni Jacob ang makahulang pananalitang ito sa isa sa kaniyang 12 anak: “Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda, at ang baston ng kumandante ay hindi maaalis sa pagitan ng mga paa niya, hanggang sa dumating ang Shilo [o, “Siya na Kinauukulan Nito,” talababa], at magiging masunurin dito ang mga bayan.” (Genesis 49:10) Noon nalaman na ang supling pala ay magiging hari, isa na nagmula kay Juda!

      Ang Tipan sa Israel

      9, 10. (a) Anong tipan ang ginawa ni Jehova sa bansang Israel, at anong proteksiyon ang inilaan ng tipang iyon? (b) Paano ipinakita ng Kautusan na kailangan ng mga tao ang isang pantubos?

      9 Noong 1513 B.C.E., si Jehova ay gumawa ng isang kaayusan na naghanda ng daan para sa higit pang mga kapahayagan tungkol sa sagradong lihim. Nakipagtipan siya sa mga inapo ni Abraham, ang bansang Israel. Bagaman wala na itong bisa sa ngayon, ang tipang ito ng Kautusang Mosaiko ay naging isang mahalagang bahagi sa layunin ni Jehova na pangyarihin ang pagdating ng ipinangakong supling. Paano? Isaalang-alang ang tatlong paraan. Una, ang Kautusan ay gaya ng isang pader na nagbibigay ng proteksiyon. (Efeso 2:14) Ang matuwid na mga batas nito ay gumanap bilang isang halang sa pagitan ng Judio at ng Gentil. Sa gayon ay nakatulong ang Kautusan upang maingatan ang angkan ng ipinangakong supling. Pangunahin nang dahil sa gayong proteksiyon, ang bansang Israel ay umiiral pa rin nang dumating ang itinakdang panahon ng Diyos upang isilang ang Mesiyas sa tribo ni Juda.

      10 Ikalawa, lubusang ipinakita ng Kautusan na kailangan ng mga tao ang isang pantubos. Bilang isang perpektong Kautusan, inilantad nito ang kawalan ng kakayahan ng makasalanang mga tao na lubusang manghawakan dito. Sa gayon ay naging dahilan ito “para maging hayag ang mga pagkakasala hanggang sa dumating ang pinangakuang supling.” (Galacia 3:19) Sa pamamagitan ng mga handog na hayop, ang Kautusan ay naglaan ng pansamantalang pagbabayad-sala sa mga kasalanan. Subalit yamang, gaya ng isinulat ni Pablo, “hindi maaalis ng dugo ng mga toro at mga kambing ang mga kasalanan,” ang mga handog na ito ay naging larawan lamang ng haing pantubos ni Kristo. (Hebreo 10:1-4) Kung gayon, para sa mga tapat na Judio, ang tipang iyon ay naging “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo.”​—Galacia 3:24.

      11. Anong maluwalhating pag-asa ang ibinigay ng tipang Kautusan sa Israel, subalit bakit nabigo ang bansang iyon sa kabuoan?

      11 Ikatlo, ang tipang iyan ay nag-alok ng isang maluwalhating pag-asa sa bansang Israel. Sinabi sa kanila ni Jehova na kung sila’y magiging tapat sa tipan, sila’y magiging “isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Ang likas na Israel nga nang maglaon ang naging unang mga miyembro ng makalangit na kaharian ng mga saserdote. Gayunman, sa kabuoan, ang Israel ay naghimagsik laban sa tipang Kautusan, tinanggihan ang Mesiyas, at nabigo sa pag-asang iyan. Kung gayon, sino kaya ang kukumpleto ng kaharian ng mga saserdote? At paano kaya magkakaroon ng kaugnayan ang pinagpalang bansang iyan sa ipinangakong supling? Ang mga aspektong iyan ng sagradong lihim ay isisiwalat sa itinakdang panahon ng Diyos.

      Ang Tipan kay David Para sa Isang Kaharian

      12. Anong pakikipagtipan ang ginawa ni Jehova kay David, at ano ang niliwanag nito tungkol sa sagradong lihim ng Diyos?

      12 Noong ika-11 siglo B.C.E., higit pang niliwanag ni Jehova ang tungkol sa sagradong lihim nang gumawa siya ng isa pang tipan. Nangako siya sa tapat na si Haring David: “Gagawin kong hari na kahalili mo ang iyong supling, . . . at gagawin kong matibay ang pagkakatatag ng kaharian niya. . . . Gagawin kong matibay ang trono ng kaniyang kaharian magpakailanman.” (2 Samuel 7:12, 13; Awit 89:3) Ang angkan ng ipinangakong supling ay naging limitado na lamang ngayon sa sambahayan ni David. Subalit magagawa kaya ng isang karaniwang tao na mamahala magpakailanman? (Awit 89:20, 29, 34-36) At magagawa kaya ng isang taong hari na iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan?

      13, 14. (a) Ayon sa Awit 110, anong pangako ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang pinahirang Hari? (b) Ano pang mga kapahayagan hinggil sa darating na supling ang ginawa sa pamamagitan ng mga propeta ni Jehova?

      13 Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, sumulat si David: “Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: ‘Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.’ Si Jehova ay sumumpa, at hindi magbabago ang isip niya: ‘Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec!’” (Awit 110:1, 4) Ang mga salita ni David ay tuwirang kumapit sa ipinangakong supling, o Mesiyas. (Gawa 2:35, 36) Ang Haring ito ay mamamahala, hindi mula sa Jerusalem, kundi mula sa langit “sa kanan” ni Jehova. Magbibigay iyan sa kaniya ng awtoridad hindi lamang sa buong lupain ng Israel kundi sa buong lupa. (Awit 2:6-8) Mayroon pang isang bagay na isiniwalat dito. Pansinin na bumigkas si Jehova ng isang taimtim na sumpa na ang Mesiyas ay magiging “isang saserdote . . . gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.” Tulad ni Melquisedec, na naglingkod bilang haring saserdote noong kapanahunan ni Abraham, ang darating na supling ay tatanggap ng tuwirang atas mula sa Diyos upang maglingkod bilang Hari at Saserdote!—Genesis 14:17-20.

      14 Sa nagdaang mga taon, ginamit ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang gumawa ng higit pang mga kapahayagan tungkol sa kaniyang sagradong lihim. Halimbawa, isiniwalat ni Isaias na ang supling ay mamamatay sa isang mapagsakripisyong kamatayan. (Isaias 53:3-12) Inihula naman ni Mikas ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. (Mikas 5:2) Inihula pa nga ni Daniel ang eksaktong panahon ng paglitaw at kamatayan ng supling.​—Daniel 9:24-27.

      Isiniwalat ang Sagradong Lihim!

      15, 16. (a) Paanong ang Anak ni Jehova ay “isinilang ng isang babae”? (b) Ano ang minana ni Jesus sa kaniyang mga taong magulang, at kailan siya dumating bilang ang ipinangakong supling?

      15 Nanatiling isang hiwaga kung paano matutupad ang mga hulang ito hanggang sa aktuwal na lumitaw ang supling. Ang Galacia 4:4 ay nagsasabi: “Nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae.” Noong taóng 2 B.C.E., isang anghel ang nagsabi sa isang birheng Judio na nagngangalang Maria: “Magdadalang-tao ka at magkakaanak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama . . . Sasaiyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”​—Lucas 1:31, 32, 35.

      16 Nang maglaon, inilipat ni Jehova ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria, kung kaya siya’y isinilang ng isang babae. Si Maria ay isang di-perpektong babae. Gayunman, hindi nagmana si Jesus ng pagiging di-perpekto mula sa kaniya, sapagkat siya’y “Anak ng Diyos.” Kasabay nito, ang mga taong magulang ni Jesus, bilang mga inapo ni David, ay naglaan sa Kaniya ng kapuwa likas at legal na mga karapatan ng isang tagapagmana ni David. (Gawa 13:22, 23) Nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., inatasan siya ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu at sinabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.” (Mateo 3:16, 17) Sa wakas, dumating na rin ang supling! (Galacia 3:16) Panahon na upang isiwalat ang higit pa tungkol sa sagradong lihim.​—2 Timoteo 1:10.

      17. Paano niliwanag ang kahulugan ng Genesis 3:15?

      17 Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ipinakilala ni Jesus ang ahas sa Genesis 3:15 bilang si Satanas at ang supling ng ahas bilang mga kampon ni Satanas. (Mateo 23:33; Juan 8:44) Nang maglaon, isiniwalat kung paanong ang lahat ng ito ay dudurugin magpakailanman. (Apocalipsis 20:1-3, 10, 15) At ang babae ay nakilala bilang “ang Jerusalem sa itaas,” o asawang babae ng Diyos—ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, na binubuo ng espiritung mga nilalang.a—Galacia 4:26; Apocalipsis 12:1-6.

      Ang Bagong Tipan

      18. Ano ang layunin ng “bagong tipan”?

      18 Marahil ang pinakamatinding kapahayagan sa lahat ay naganap noong gabi bago mamatay si Jesus nang sabihin niya sa kaniyang tapat na mga alagad ang tungkol sa “bagong tipan.” (Lucas 22:20) Gaya ng hinalinhan nito, ang tipan ng Kautusang Mosaiko, ang bagong tipang ito ay magluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9) Gayunman, ang tipang ito ay magtatatag, hindi ng isang likas na bansa, kundi yaong espirituwal, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo lamang ng tapat na pinahirang mga tagasunod ni Kristo. (Galacia 6:16) Ang mga kabilang na ito sa bagong tipan ay makakasama ni Jesus sa pagpapala sa lahi ng tao!

      19. (a) Bakit nagtatagumpay ang bagong tipan sa pagluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote”? (b) Bakit ang pinahirang mga Kristiyano ay tinatawag na “isang bagong nilalang,” at ilan ang maglilingkod sa langit kasama ni Kristo?

      19 Ngunit bakit kaya nagtatagumpay ang bagong tipan sa pagluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote” upang pagpalain ang mga tao? Sapagkat sa halip na hatulan ang mga alagad ni Kristo bilang mga makasalanan, naglaan ito ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang hain. (Jeremias 31:31-34) Kapag tumanggap na sila ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, inaampon niya sila tungo sa kaniyang makalangit na pamilya at inaatasan sila sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Roma 8:15-17; 2 Corinto 1:21) Sa gayon ay nararanasan nilang “[muling] maisilang tungo sa isang buháy na pag-asa” na “nakalaan sa langit.” (1 Pedro 1:3, 4) Yamang ang gayong mataas na kalagayan ay lubusang bago sa mga tao, ang inianak-sa-espiritung pinahirang mga Kristiyano ay tinatawag na “isang bagong nilalang.” (2 Corinto 5:17) Isinisiwalat ng Bibliya na 144,000 ang sa dakong huli ay makikibahagi sa pamamahala mula sa langit sa tinubos na mga tao.​—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4.

      20. (a) Anong pagsisiwalat tungkol sa sagradong lihim ang ginawa noong 36 C.E.? (b) Sino ang magtatamasa ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham?

      20 Bilang kasama ni Jesus, ang mga pinahirang ito ay nagiging ‘supling ni Abraham.’b (Galacia 3:29) Ang unang pinili ay mga likas na Judio. Subalit noong 36 C.E., isiniwalat ang isa pang aspekto ng sagradong lihim: Ang mga Gentil, o mga di-Judio, ay makikibahagi rin sa makalangit na pag-asa. (Roma 9:6-8; 11:25, 26; Efeso 3:5, 6) Ang pinahirang mga Kristiyano lang ba ang magtatamasa ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham? Hindi, sapagkat sa handog ni Jesus ay makikinabang ang buong sangkatauhan. (1 Juan 2:2) Nang maglaon, isiniwalat ni Jehova na isang di-mabilang na “malaking pulutong” ang makaliligtas sa wakas ng sistemang ito ni Satanas. (Apocalipsis 7:9, 14) Pagkarami-rami pa ang bubuhaying muli taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso!—Lucas 23:43; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-15; 21:3, 4.

      Ang Karunungan ng Diyos at ang Sagradong Lihim

      21, 22. Sa anong mga paraan itinatanghal ng sagradong lihim ni Jehova ang kaniyang karunungan?

      21 Ang sagradong lihim ay isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng “karunungan ng Diyos na naipapakita sa napakaraming iba’t ibang paraan.” (Efeso 3:8-10) Kay lalim ng karunungang itinanghal ni Jehova sa pagbalangkas ng lihim na ito at sa pagsisiwalat nito nang unti-unti! Isinaalang-alang niya nang may karunungan ang limitasyon ng mga tao, anupat hinahayaan silang magpakita ng tunay na kalagayan ng kanilang puso.​—Awit 103:14.

      22 Ipinakita rin ni Jehova ang walang-kapantay na karunungan sa kaniyang pagpili kay Jesus bilang Hari. Ang Anak ni Jehova ay higit na mapagkakatiwalaan kaysa sa sinumang nilalang sa uniberso. Sa pamumuhay bilang isang tao na may dugo at laman, naranasan ni Jesus ang maraming uri ng kagipitan. Lubusan niyang nauunawaan ang mga problema ng tao. (Hebreo 5:7-9) At kumusta naman ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus? Sa nagdaang mga siglo, kapuwa ang mga lalaki at mga babae—na pinili mula sa lahat ng lahi, wika, at pinagmulan—ay pinahiran. Talagang walang problema ang hindi naharap at napagtagumpayan ng mga indibidwal na kabilang sa kanila. (Efeso 4:22-24) Tunay ngang ang pamumuhay sa ilalim ng pamamahala ng maawaing mga haring saserdoteng ito ay isang kaluguran!

      23. Anong pribilehiyo ang taglay ng mga Kristiyano may kaugnayan sa sagradong lihim ni Jehova?

      23 Sumulat si apostol Pablo: “Ang sagradong lihim [ay] hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal.” (Colosas 1:26) Oo, marami nang bagay ang naunawaan ng pinahirang mga banal ni Jehova tungkol sa sagradong lihim, at naibahagi na nila ang kaalamang iyan sa milyon-milyon. Kay laking pribilehiyo nga ang taglay nating lahat! Ipinaalám ni Jehova sa atin “ang sagradong lihim ng kalooban niya.” (Efeso 1:9) Ibahagi natin ang kahanga-hangang lihim na ito sa iba, anupat tinutulungan silang suriin din ang di-maarok na karunungan ng Diyos na Jehova!

      a “Ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon” ay isiniwalat din kay Jesus. (1 Timoteo 3:16) Napakatagal ding naging isang lihim, isang hiwaga, kung may sinuman nga na makapagpapanatili ng lubos na katapatan kay Jehova. Si Jesus ang naging kasagutan. Nanatili siyang tapat sa ilalim ng lahat ng pagsubok na ipinaranas ni Satanas sa kaniya.​—Mateo 4:1-11; 27:26-50.

      b Nakipagtipan din si Jesus “para sa isang kaharian” sa grupong iyon. (Lucas 22:29, 30) Sa diwa, kinontrata ni Jesus ang “munting kawan” na ito para mamahalang kasama niya sa langit bilang pangalawahing bahagi ng supling ni Abraham.​—Lucas 12:32.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Juan 16:7-12 Paano tinularan ni Jesus ang paraan ng kaniyang Ama tungkol sa unti-unting pagsisiwalat ng katotohanan?

      • 1 Corinto 2:6-16 Bakit marami ang hindi makaunawa sa sagradong mga lihim ni Jehova, at paano natin mauunawaan ang mga lihim na ito?

      • Efeso 3:10 Anong pribilehiyo ang taglay ng mga Kristiyano sa ngayon may kaugnayan sa sagradong lihim ng Diyos?

      • Hebreo 11:8-10 Paano napalakas ng sagradong lihim ang pananampalataya ng mga tao ng sinaunang panahon, bagaman ang mga detalye nito ay hindi pa nauunawaan noon?

  • “Marunong Siya” Ngunit Mapagpakumbaba
    Maging Malapít kay Jehova
    • Isang ama na nakaluhod at mabait na nakikipag-usap sa kaniyang anak.

      KABANATA 20

      “Marunong Siya” Ngunit Mapagpakumbaba

      1-3. Bakit tayo makatitiyak na si Jehova ay mapagpakumbaba?

      NAIS ng isang ama na ipaalám ang isang mahalagang leksiyon sa kaniyang maliit na anak. Gustong-gusto niyang maabot ang puso nito. Ano kayang paraan ang gagamitin niya? Siya kaya’y may pagbabantang tatayo sa harap ng bata at gagamit ng masasakit na salita? O siya kaya ay yuyukong kapantay ng bata at magsasalita sa mahinahon at mabait na paraan? Tiyak na pipiliin ng isang marunong at mapagpakumbabang ama ang mahinahong paraan.

      2 Anong uri ng Ama si Jehova—palalo o mapagpakumbaba, malupit o mahinahon? Si Jehova ang nakaaalam ng lahat at siya ay marunong sa lahat. Gayunman, napapansin mo ba na ang kaalaman at katalinuhan ay hindi palaging nagpapangyari sa mga tao na maging mapagpakumbaba? Gaya ng sabi sa Bibliya, “ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo.” (1 Corinto 3:19; 8:1) Subalit si Jehova, bagaman “marunong,” ay mapagpakumbaba rin. (Job 9:4) Hindi naman dahil sa mababa ang posisyon niya sa anumang paraan o kaya’y kulang siya sa karingalan, kundi dahil sa wala sa kaniya ang pagiging mapagmataas. Bakit nagkagayon?

      3 Si Jehova ay banal. Kaya ang kayabangan, isang katangiang nagpaparumi, ay wala sa kaniya. (Marcos 7:20-22) Isa pa, pansinin ang sinabi ni propeta Jeremias kay Jehova: “Tiyak na maaalaala mo ito at yuyuko ka para sa akin.”a (Panaghoy 3:20) Akalain mo! Si Jehova, ang Kataas-taasang Panginoon ng uniberso, ay handang ‘yumuko,’ o magpakababa na kapantay ni Jeremias, upang bigyan ng pabor ang di-perpektong taong iyan. (Awit 113:7) Oo, si Jehova ay mapagpakumbaba. Subalit ano ba ang nasasangkot sa makadiyos na pagpapakumbaba? Paano ito nauugnay sa karunungan? At bakit ito mahalaga sa atin?

      Kung Paano Napatunayang Mapagpakumbaba si Jehova

      4, 5. (a) Ano ang kapakumbabaan, paano ito nakikita, at bakit hindi ito dapat ipagkamali sa kahinaan o karuwagan? (b) Paano ipinakita ni Jehova ang kapakumbabaan sa kaniyang pakikitungo kay David, at gaano kahalaga sa atin ang kapakumbabaan ni Jehova?

      4 Ang kapakumbabaan ay kababaan ng pag-iisip, hindi arogante at hindi mapagmapuri. Bilang panloob na katangian ng puso, ang kapakumbabaan ay nakikita sa mga katangiang gaya ng kahinahunan, pagtitiis, at pagkamakatuwiran. (Galacia 5:22, 23) Gayunman, hindi dapat ipagkamali kailanman ang makadiyos na mga katangiang ito sa kahinaan o karuwagan. Salungat ang mga ito sa matuwid na galit ni Jehova o sa kaniyang paggamit ng kapangyarihang pumuksa. Sa halip, sa pamamagitan ng kaniyang kapakumbabaan at kahinahunan, itinatanghal ni Jehova ang kaniyang dakilang lakas, ang kaniyang kakayahang magpigil ng sarili sa ganap na paraan. (Isaias 42:14) Paano nauugnay ang kapakumbabaan sa karunungan? Isang reperensiyang akda tungkol sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang kapakumbabaan sa wakas ay binigyang-kahulugan . . . may kinalaman sa pagiging di-makasarili at na ito’y isang mahalagang ugat ng lahat ng karunungan.” Kung gayon, hindi magkakaroon ng tunay na karunungan kung walang kapakumbabaan. Paano tayo nakikinabang sa kapakumbabaan ni Jehova?

      Ang isang marunong na ama ay mapagpakumbaba at mahinahong nakikitungo sa kaniyang mga anak

      5 Umawit si Haring David kay Jehova: “Ibinibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, inaalalayan ako ng iyong kanang kamay, at nagiging dakila ako dahil sa iyong kapakumbabaan.” (Awit 18:35) Sa diwa, si Jehova ay nagpakababa upang makitungo lamang sa di-perpektong taong ito, anupat pinoprotektahan at inaalalayan siya araw-araw. Napagtanto ni David na upang siya’y makaligtas—at sa dakong huli ay makamit pa nga ang isang antas ng kadakilaan bilang isang hari—ito’y dahil lamang sa handa si Jehova na ibaba ang Kaniyang sarili sa paraang ito. Sino nga ba sa atin ang magkakaroon ng anumang pag-asa ng kaligtasan kung si Jehova ay hindi mapagpakumbaba, anupat handang ibaba ang sarili upang makitungo sa atin bilang isang mahinahon at maibiging Ama?

      6, 7. (a) Bakit hindi kailanman tinutukoy sa Bibliya na ang kapakumbabaan ni Jehova ay kagaya ng kapakumbabaan ng tao? (b) Ano ang kaugnayan ng kahinahunan at ng karunungan, at sino ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa hinggil dito?

      6 Ang kapakumbabaan ay isang magandang katangiang dapat linangin ng tapat na mga tao. Nauugnay ito sa karunungan. Halimbawa, ang Kawikaan 11:2 ay nagsasabi: “Ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.” Gayunman, hindi sinasabi kailanman sa Bibliya na ang kapakumbabaan ni Jehova ay kagaya ng kapakumbabaan ng tao. Bakit? Dahil ang kapakumbabaan ng tao, gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, ay nagpapahiwatig ng isang angkop na kabatiran ng sariling mga limitasyon ng isa. Ang Makapangyarihan-sa-Lahat ay walang mga limitasyon maliban sa mga bagay na inilapat niya sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang sariling matuwid na mga pamantayan. (Marcos 10:27; Tito 1:2) Isa pa, bilang ang Kataas-taasan, walang sinumang nakasasakop sa kaniya. Kaya ang kapakumbabaan ng tao ay talagang naiiba sa kapakumbabaan ni Jehova.

      7 Si Jehova ay masasabing mapagpakumbaba at mahinahon. Itinuturo niya sa kaniyang mga lingkod na kailangan sa tunay na karunungan ang kahinahunan. Binabanggit sa kaniyang Salita ang tungkol sa “kahinahunan, na bunga ng karunungan.”b (Santiago 3:13) Isaalang-alang ang halimbawa ni Jehova sa bagay na ito.

      Si Jehova ay Mapagpakumbabang Nag-aatas at Nakikinig

      8-10. (a) Bakit isang pambihirang bagay na ipinapakita ni Jehova na handa siyang mag-atas at makinig? (b) Paano mapagpakumbabang nakitungo ang Makapangyarihan-sa-Lahat sa kaniyang mga anghel?

      8 May nakapagpapasiglang patunay ng kapakumbabaan ni Jehova sa kaniyang pagiging handang mag-atas ng pananagutan at makinig. Ang ginagawa niyang ito ay talagang nakakagulat; si Jehova ay hindi nangangailangan ng tulong o payo. (Isaias 40:13, 14; Roma 11:34, 35) Gayunman, paulit-ulit na ipinapakita sa atin ng Bibliya na si Jehova ay nagpakababa sa ganitong mga paraan.

      9 Halimbawa, isaalang-alang ang isang pambihirang pangyayari sa buhay ni Abraham. Si Abraham ay nagkaroon ng tatlong panauhin, na ang isa sa kanila ay tinawag niyang “Jehova.” Ang mga panauhin ay aktuwal na mga anghel, subalit ang isa sa kanila ay dumating sa pangalan ni Jehova at kumilos ukol sa Kaniyang pangalan. Nang ang anghel na iyan ay magsalita at kumilos, sa diwa ay parang si Jehova ang nagsasalita at kumikilos. Sa pamamaraang ito, sinabi ni Jehova kay Abraham na Siya’y nakarinig ng isang napakalakas na “pagdaing laban sa Sodoma at Gomorra.” Si Jehova ay nagsabi: “Bababa ako para makita kung totoo ang pagdaing na nakaabot sa akin at kung talagang napakasama ng ginagawa nila. Gusto ko itong malaman.” (Genesis 18:3, 20, 21) Mangyari pa, ang mensahe ni Jehova ay hindi nangangahulugang personal na “bababa” ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Sa halip, muli siyang nagsugo ng mga anghel upang kumatawan sa kaniya. (Genesis 19:1) Bakit? Hindi ba’t kayang “malaman” ni Jehova, na nakakakita ng lahat, ang tunay na kalagayan ng rehiyong iyon? Tiyak iyon. Subalit sa halip, mapagpakumbabang inatasan ni Jehova ang mga anghel na iyon upang siyasatin ang kalagayan at upang dalawin si Lot at ang kaniyang pamilya sa Sodoma.

      10 Bukod diyan, si Jehova ay nakikinig. Minsan ay hinilingan niya ang kaniyang mga anghel na magmungkahi ng iba’t ibang paraan kung paano ibabagsak ang masamang si Haring Ahab. Hindi naman kailangan ni Jehova ang gayong tulong. Subalit tinanggap niya ang mungkahi ng isang anghel at inatasan niya itong isagawa iyon. (1 Hari 22:19-22) Hindi ba’t iyan ay isang pagpapakumbaba?

      11, 12. Paano nakita ni Abraham ang kapakumbabaan ni Jehova?

      11 Handa pa nga si Jehova na makinig sa di-perpektong mga tao na nagnanais magpahayag ng kanilang mga ikinababahala. Halimbawa, nang unang sabihin ni Jehova kay Abraham ang Kaniyang balak na puksain ang Sodoma at Gomorra, nagulumihanan ang tapat na taong iyan. “Malayong mangyari na gawin mo iyan,” sabi ni Abraham, anupat idinagdag: “Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?” Itinanong niya kung patatawarin ni Jehova ang mga lunsod sakaling may makitang 50 matuwid na tao roon. Tiniyak ni Jehova sa kaniya na patatawarin Niya. Subalit muling nagtanong si Abraham, na ibinababa ang bilang sa 45, pagkatapos ay 40, at patuloy. Sa kabila ng mga garantiya ni Jehova, nagpatuloy pa rin si Abraham hanggang sa bumaba sa bilang na 10. Marahil ay hindi pa lubusang nauunawaan ni Abraham kung gaano kalaki ang awa ni Jehova. Gayunpaman, si Jehova ay matiyaga at mapagpakumbabang nagpahintulot sa kaniyang kaibigan at lingkod na si Abraham na magpahayag ng kaniyang mga ikinababahala sa paraang iyon.​—Genesis 18:23-33.

      12 Ilan kayang matatalino at edukadong tao ang matiyagang makikinig sa isang taong napakababaw ng karunungan?c Gayon kadakila ang kapakumbabaan ng ating Diyos. Sa pag-uusap na iyon, nakita rin ni Abraham na si Jehova ay “hindi madaling magalit.” (Exodo 34:6) Marahil nang mapagtanto niyang wala siyang karapatang kuwestiyunin ang mga ginagawa ng Kataas-taasan, dalawang ulit na nakiusap si Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit.” (Genesis 18:30, 32) Mangyari pa, hindi naman nagalit si Jehova. Talagang taglay niya ang “kahinahunan, na bunga ng karunungan.”

      Si Jehova ay Makatuwiran

      13. Ano ang kahulugan ng salitang “makatuwiran” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, at bakit ang salitang ito ay angkop na naglalarawan kay Jehova?

      13 Ang kapakumbabaan ni Jehova ay nakikita sa isa pang napakagandang katangian—ang pagkamakatuwiran. Nakalulungkot sabihin na ang katangiang ito ay kadalasan nang wala sa di-perpektong mga tao. Si Jehova ay hindi lamang handang makinig sa kaniyang matatalinong nilalang kundi handa rin siyang magparaya kung hindi naman salungat sa matuwid na mga simulain. Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, ang salitang “makatuwiran” ay literal na nangangahulugang “mapagparaya.” Ang katangiang ito ay isa ring tatak ng makadiyos na karunungan. Ang Santiago 3:17 ay nagsasabi: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” Sa anong diwa makatuwiran ang marunong-sa-lahat na si Jehova? Una sa lahat, siya ay madaling makibagay. Alalahanin, ang mismong pangalan niya ay nagtuturo sa atin na pinangyayari ni Jehova ang sarili niya na maging anumang kinakailangan upang maisakatuparan ang kaniyang mga layunin. (Exodo 3:14) Hindi ba’t iyan ay nagpapahiwatig ng espiritu ng pakikibagay at pagkamakatuwiran?

      14, 15. Ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo ni Jehova ay nagtuturo sa atin ng ano tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, at paano ito naiiba sa makasanlibutang mga organisasyon?

      14 May isang kahanga-hangang talata sa Bibliya na tutulong sa atin upang maunawaan ang tungkol sa pagiging madaling makibagay ni Jehova. Si propeta Ezekiel ay binigyan ng isang pangitain tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova ng espiritung mga nilalang. Nakita niya ang isang karo na nakapanggigilalas ang laki, ang sariling “sasakyan” ni Jehova na palaging Siya ang kumokontrol. Ang kapansin-pansin sa lahat ay kung paano ito umaandar. Ang mga higanteng gulong ay may apat na gilid at punô ng mata anupat nakikita ng mga ito ang lahat ng dako at agad na nakapag-iiba ng direksiyon nang hindi humihinto o lumiliko. At ang dambuhalang karong ito ay hindi na kailangang umusad-usad na parang isang napakabigat na sasakyang gawa ng tao. Nakatatakbo ito na kasimbilis ng kidlat at agad na nakaliliko! (Ezekiel 1:1, 14-28) Oo, ang organisasyon ni Jehova, gaya ng Kataas-taasan na kumokontrol dito, ay napakadaling makibagay anupat alisto sa pabago-bagong mga kalagayan at pangangailangan na dapat nitong harapin.

      15 Ang tanging magagawa ng mga tao ay ang pagsikapang matularan ang gayong perpektong pakikibagay. Gayunman, ang mga tao at ang kanilang mga organisasyon ay kadalasan nang mas mapagmatigas kaysa madaling makibagay, mas walang katuwiran kaysa mapagparaya. Bilang paghahalimbawa: Ang isang supertanker o pangkargadang tren ay maaaring kagila-gilalas nga kung tungkol sa sukat at lakas. Subalit makatutugon kaya ang alinman dito sa biglang mga pagbabago ng kalagayan? Kapag hinarangan ang daan ng pangkargadang tren, hindi ito makaliliko. Napakahirap din ang biglang paghinto. Ang isang mabigat na pangkargadang tren ay maaaring umabot pa ng halos dalawang kilometro bago makahinto matapos tapakan ang preno! Sa katulad na paraan, ang isang supertanker ay patuloy pa ring uusad nang hanggang walong kilometro matapos patayin ang makina. Kahit na ikinambiyo na nang paatras, ang tanker ay maaaring umabante pa rin nang hanggang tatlong kilometro! Katulad ito ng mga organisasyon ng tao na mas malamang na magmatigas at maging di-makatuwiran. Dahil sa pagmamapuri, madalas na tumatanggi ang mga tao na makibagay sa nagbabagong mga pangangailangan at kalagayan. Ang gayong pagmamatigas ay nagiging dahilan ng pagkabangkarote ng mga korporasyon at pagbagsak pa nga ng mga pamahalaan. (Kawikaan 16:18) Kay laking tuwa nga natin na hindi ganiyan si Jehova ni ang kaniyang organisasyon!

      Kung Paano Nagpapakita si Jehova ng Pagkamakatuwiran

      16. Paano nagpakita si Jehova ng pagkamakatuwiran sa pakikitungo kay Lot bago puksain ang Sodoma at Gomorra?

      16 Isaalang-alang muli ang pagkawasak ng Sodoma at Gomorra. Si Lot at ang kaniyang pamilya ay tumanggap ng maliliwanag na tagubilin mula sa anghel ni Jehova: “Tumakas [kayo] papunta sa mabundok na rehiyon.” Gayunman, hindi ito nagustuhan ni Lot. “Pakiusap, huwag doon, Jehova!” sinabi niya. Palibhasa’y iniisip niyang mamamatay siya kung siya’y tatakas tungo sa kabundukan, nagmakaawa si Lot na silang mag-anak ay pahintulutang tumakas tungo sa karatig na lunsod na ang pangalan ay Zoar. Alalahanin na binalak ni Jehova na wasakin ang lunsod na iyan. Isa pa, ang pangamba ni Lot ay walang tumpak na basehan. Tiyak namang maiingatan ni Jehova ang buhay ni Lot sa kabundukan! Gayunpaman, nagparaya si Jehova sa mga pakiusap ni Lot. “O sige, magpapakita ako ulit sa iyo ng konsiderasyon. Hindi ko wawasakin ang bayan na sinabi mo,” ang sabi ng anghel kay Lot. (Genesis 19:17-22) Hindi ba’t pagkamakatuwiran iyan sa bahagi ni Jehova?

      17, 18. Sa pakikitungo sa mga taga-Nineve, paano ipinakita ni Jehova na siya’y makatuwiran?

      17 Si Jehova ay tumutugon din sa taimtim na pagsisisi, anupat palaging nagpapakita ng awa at gumagawa ng tama. Isaalang-alang ang nangyari nang ang propetang si Jonas ay isugo sa masama at marahas na lunsod ng Nineve. Nang si Jonas ay maglakad sa mga lansangan ng Nineve, simple lamang ang mensahe mula kay Jehova na kaniyang inihayag: Ang makapangyarihang lunsod ay wawasakin sa loob ng 40 araw. Gayunman, nagkaroon ng napakalaking pagbabago ng mga kalagayan. Nagsisi ang mga taga-Nineve!—Jonas, kabanata 3.

      18 May matututuhan tayo kung ihahambing ang reaksiyon ni Jehova sa naging reaksiyon ni Jonas hinggil sa pagbabagong ito ng mga pangyayari. Sa pagkakataong ito, si Jehova ay nakibagay, anupat siya ay naging isang Tagapagpatawad ng mga kasalanan sa halip na maging “malakas na mandirigma.”d (Exodo 15:3) Sa kabilang dako naman, si Jonas ay nagmatigas at hindi naging maawain. Sa halip na masalamin sa kaniya ang pagkamakatuwiran ni Jehova, siya’y naging parang pangkargadang tren o supertanker na binanggit kanina. Naihayag na niya ang pagkawasak, kaya dapat lamang na wasakin ito! Gayunman, matiising tinuruan ni Jehova ang kaniyang di-matiising propeta ng isang di-malilimot na aral tungkol sa pagkamakatuwiran at awa.​—Jonas, kabanata 4.

      Kabataang brother na masayang umaalalay sa may-edad nang Saksi sa ministeryo.

      Si Jehova ay makatuwiran at nakauunawa sa ating mga limitasyon

      19. (a) Bakit tayo makatitiyak na si Jehova ay makatuwiran sa kaniyang inaasahan sa atin? (b) Paano ipinapakita sa Kawikaan 19:17 na si Jehova ay isang ‘mabuti at makatuwirang’ Panginoon at lubusan ding mapagpakumbaba?

      19 Kahuli-hulihan, si Jehova ay makatuwiran sa kaniyang inaasahan sa atin. Si Haring David ay nagsabi: “Alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin; inaalaala niyang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Nauunawaan ni Jehova ang ating mga limitasyon at pagiging di-perpekto nang higit sa nauunawaan natin mismo. Hindi siya kailanman umaasa ng higit sa ating makakaya. Pinaghahambing sa Bibliya ang mga taong panginoon o amo na ‘mabubuti at makatuwiran’ at ang mga “mahirap palugdan.” (1 Pedro 2:18) Aling uri ng Panginoon si Jehova? Pansinin ang sinasabi sa Kawikaan 19:17: “Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova.” Maliwanag, tanging ang isang mabuti at makatuwirang panginoon lamang ang makakapansin sa bawat kabaitang ginagawa alang-alang sa mga dukha. Bukod diyan, ipinahihiwatig sa kasulatang ito na sa diwa, itinuturing ng Maylalang ng uniberso na siya ay may utang sa hamak na mga taong nagpapakita ng gayong pagkaawa! Ito na ang pinakadakilang uri ng kapakumbabaan.

      20. Anong katiyakan mayroon na nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin at sinasagot ang mga ito?

      20 Si Jehova ay mahinahon at makatuwiran pa rin sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga lingkod sa ngayon. Kapag tayo’y nananalangin nang may pananampalataya, siya’y nakikinig. At bagaman hindi na siya nagsusugo ng mga mensaherong anghel upang makipag-usap sa atin, hindi natin dapat isipin na hindi niya sasagutin ang ating mga panalangin. Alalahanin na noong hilingan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na “patuloy [siyang] ipanalangin” para sa kaniyang kalayaan mula sa bilangguan, idinagdag niya na ito ay para “makabalik [siya] agad” sa kanila. (Hebreo 13:18, 19) Kaya ang ating mga panalangin ay maaaring makapagpakilos mismo kay Jehova na gawin ang hindi niya sana gagawin!—Santiago 5:16.

      21. Ano ang hindi natin dapat isipin kailanman hinggil sa kapakumbabaan ni Jehova, kundi sa halip, ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa kaniya?

      21 Mangyari pa, wala sa mga pagpapakitang ito ni Jehova ng kapakumbabaan—ang kaniyang kahinahunan, pagiging handang makinig, pagtitiis, pagkamakatuwiran—ang nangangahulugang ikinokompromiso ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga simulain. Baka akalain ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan na sila’y nagiging makatuwiran kapag kinikiliti nila ang mga tainga ng kanilang kawan sa pamamagitan ng pagpapagaan sa moral na mga pamantayan ni Jehova. (2 Timoteo 4:3) Subalit ang hilig ng tao na makipagkompromiso alang-alang sa sarili ay walang kinalaman sa makadiyos na pagkamakatuwiran. Si Jehova ay banal; hinding-hindi niya parurumihin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Levitico 11:44) Kung gayon, ibigin natin ang pagkamakatuwiran ni Jehova sa kung ano talaga ito—isang patunay ng kaniyang kapakumbabaan. Hindi ka ba lubusang natutuwa na isiping ang Diyos na Jehova, ang pinakamarunong na Persona sa uniberso, ay namumukod-tangi rin sa pagiging mapagpakumbaba? Nakalulugod ngang mapalapít sa kamangha-mangha ngunit mahinahon, matiisin, at makatuwirang Diyos na ito!

      a Pinalitan ng sinaunang mga eskriba, o Sopherim, ang talatang ito upang sabihin na si Jeremias ang yumuyuko at hindi si Jehova. Maliwanag na inisip nilang hindi angkop para sa Diyos ang gayong gawa ng pagpapakumbaba. Bilang resulta, hindi tuloy naipalilitaw sa maraming salin ang punto ng magandang talatang ito. Gayunman, tamang-tama ang The New English Bible sa sinasabi ni Jeremias sa Diyos: “Alalahanin mo, O alalahanin mo, at tumungo ka sa akin.”

      b Ganito naman ang sinasabi ng ibang bersiyon: “ang kapakumbabaang mula sa karunungan” at “ang kabaitang iyan na tatak ng karunungan.”

      c Kapansin-pansin, inihambing sa Bibliya ang pagkamatiisin at ang pagiging mapagmataas. (Eclesiastes 7:8) Ang pagkamatiisin ni Jehova ay nagbibigay ng higit pang katibayan ng kaniyang kapakumbabaan.​—2 Pedro 3:9.

      d Sa Awit 86:5, si Jehova ay sinasabing “mabuti at handang magpatawad.” Nang isalin sa Griego ang awit na iyan, ang pananalitang “handang magpatawad” ay isinaling e·pi·ei·kesʹ, o “makatuwiran.”

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Exodo 32:9-14 Paano ipinakita ni Jehova ang kapakumbabaan sa pagtugon sa pakiusap ni Moises alang-alang sa Israel?

      • Hukom 6:36-40 Paano nagpakita si Jehova ng pagtitiis at pagkamakatuwiran sa pagsagot sa mga kahilingan ni Gideon?

      • Awit 113:1-9 Paano napatunayang mapagpakumbaba si Jehova sa pakikitungo sa mga tao?

      • Lucas 1:46-55 Naniniwala si Maria na si Jehova ay may anong pananaw sa mga dukha at mabababang tao? Paano maaaring makaapekto sa atin ang kaniyang pananaw?

  • Isinisiwalat ni Jesus ang “Karunungan ng Diyos”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Nagtuturo si Jesus sa napakaraming tao.

      KABANATA 21

      Isinisiwalat ni Jesus ang “Karunungan ng Diyos”

      1-3. Paano tumugon ang dating mga kapitbahay ni Jesus sa kaniyang pagtuturo, at bakit?

      NATIGILAN ang mga naroroon. Ang binatang si Jesus ay nakatayo sa harap nila sa sinagoga at nagtuturo. Kilala nila siya—sa kanilang lunsod siya lumaki, at sa loob ng maraming taon ay kasama nila siyang nagtrabaho bilang isang karpintero. Marahil ang iba sa kanila ay nakatira sa mga bahay na doo’y katulong si Jesus sa pagtatayo, o maaaring binubungkal nila ang kanilang mga lupang sinasaka sa pamamagitan ng mga araro at pamatok na ginawa mismo ng kaniyang mga kamay.a Subalit paano kaya sila tutugon sa turo ng dating karpinterong ito?

      2 Karamihan sa mga nakikinig ay namangha, anupat nagtanong: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan?” Subalit sinabi rin nila: “Siya ang karpintero na anak ni Maria.” (Mateo 13:54-58; Marcos 6:1-3) Nakalulungkot, ang dating mga kapitbahay ni Jesus ay nangatuwiran, ‘Ang karpinterong ito ay kagaya lamang natin na tagarito.’ Sa kabila ng karunungan sa kaniyang mga salita, tinanggihan nila siya. Wala silang kamalay-malay na ang karunungang ibinabahagi niya ay hindi sa kaniya.

      3 Saan kaya kinuha ni Jesus ang karunungang ito? “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin,” ang sabi niya, “kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Ipinaliwanag ni apostol Pablo na si Jesus ang “nagsiwalat sa atin ng karunungan ng Diyos.” (1 Corinto 1:30) Ang sariling karunungan ni Jehova ay isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. Ito’y talagang totoo kung kaya nasabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10:30) Suriin natin ang tatlong pitak na doo’y kinakitaan si Jesus ng “karunungan ng Diyos.”

      Ang Kaniyang Itinuro

      4. (a) Ano ang tema ng mensahe ni Jesus, at bakit iyan ay napakahalaga? (b) Bakit ang payo ni Jesus ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig?

      4 Una, isaalang-alang ang itinuro ni Jesus. Ang tema ng kaniyang mensahe ay “ang mabuting balita ng Kaharian.” (Lucas 4:43) Iyan ay napakahalaga dahil sa papel na gagampanan ng Kaharian sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova—kasama na ang reputasyon niya bilang matuwid na Tagapamahala—at pagbibigay ng namamalaging mga pagpapala sa mga tao. Sa kaniyang pagtuturo, nag-alok din si Jesus ng matalinong payo para sa araw-araw na pamumuhay. Pinatunayan niyang siya ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Sa katunayan, paano nga ba hindi magiging kamangha-mangha ang kaniyang payo? Taglay niya ang malalim na kaalaman sa Salita at kalooban ng Diyos, matalas na pagkaunawa tungkol sa mga tao, at matinding pag-ibig sa mga tao. Kaya naman, ang kaniyang payo ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig. Binigkas ni Jesus ang mga “salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” Oo, kapag sinunod natin ang kaniyang mga payo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.​—Juan 6:68.

      5. Ano ang ilang paksang tinalakay ni Jesus sa Sermon sa Bundok?

      5 Ang Sermon sa Bundok ay isang napakagandang halimbawa ng walang katulad na karunungang masusumpungan sa mga turo ni Jesus. Ang sermong ito, gaya ng nakaulat sa Mateo 5:3–7:27, ay malamang na aabutin lamang ng 20 minuto kung bibigkasin. Gayunman, ang payo nito ay laging napapanahon—angkop pa rin ngayon gaya noong una itong ibinigay. Tinalakay ni Jesus ang napakaraming iba’t ibang paksa, lakip na yaong tungkol sa kung paano mapapabuti ang pakikisama sa iba (5:23-26, 38-42; 7:1-5, 12), kung paano makakapanatiling malinis sa moral (5:27-32), at kung paano magkakaroon ng isang makabuluhang buhay (6:19-24; 7:24-27). Subalit hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig kung ano ang landas ng karunungan; ipinakita rin niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag, pangangatuwiran, at paghaharap ng katibayan.

      6-8. (a) Anong nakakakumbinsing mga dahilan ang ibinibigay ni Jesus upang maiwasan ang pag-aalala? (b) Ano ang nagpapakita na nasasalamin sa payo ni Jesus ang karunungan mula sa itaas?

      6 Halimbawa, isaalang-alang ang matalinong payo ni Jesus kung paano haharapin ang pag-aalala tungkol sa materyal na mga bagay, gaya ng sinasabi sa Mateo kabanata 6. “Kaya sinasabi ko sa inyo: Huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo, o kung ano ang isusuot ninyo,” ang payo ni Jesus sa atin. (Talatang 25) Ang pagkain at damit ay pangunahing mga pangangailangan, at likas lamang na mabahala tungkol sa pagkakaroon ng mga ito. Subalit sinabihan tayo ni Jesus na “huwag . . . mag-alala” tungkol sa mga bagay na ito.b Bakit?

      7 Nagbigay si Jesus ng mga nakakukumbinsing dahilan kung bakit hindi dapat mag-alala ang mga alagad niya. Yamang si Jehova ang nagbigay sa atin ng buhay at ng katawan, hindi ba niya kayang maglaan ng pagkain at damit na kailangan natin? (Talata 25) Kung ang Diyos ay naglalaan ng pagkain sa mga ibon at dinaramtan niya ng kagandahan ang mga bulaklak, lalo pa ngang pangangalagaan niya ang mga taong sumasamba sa kaniya! (Talata 26, 28-30) Sa totoo lang, ang di-kinakailangang pag-aalala ay talaga namang walang mararating. Hindi nito mapahahaba ang ating buhay kahit kapiraso.c (Talata 27) Paano natin maiiwasan ang pag-aalala? Pinapayuhan tayo ni Jesus: Patuloy na unahin sa buhay ang pagsamba sa Diyos. Yaong mga gumagawa nito ay makapagtitiwala na lahat ng kanilang pangangailangan sa araw-araw ay “ibibigay” sa kanila ng kanilang Ama sa langit. (Talata 33) Sa dakong huli, nagbigay si Jesus ng napakapraktikal na mungkahi—mamuhay nang paisa-isang araw lang. Bakit natin idaragdag ang mga álalahanín bukas sa mga álalahanín sa araw na ito? (Talata 34) Bukod diyan, bakit mag-aalala sa mga bagay na maaaring hindi naman kailanman mangyayari? Ang pagsunod sa gayong matalinong payo ay makapagliligtas sa atin sa napakaraming dalamhati sa maigting na sanlibutang ito.

      8 Maliwanag na ang payong ibinigay ni Jesus ay praktikal pa rin sa ngayon gaya noong ibinigay ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Hindi ba’t iyan ay katibayan ng karunungan mula sa itaas? Maging ang pinakamahusay na payo mula sa mga tagapayo ay naluluma at sa maikling panahon ay binabago o pinapalitan. Gayunman, ang mga turo ni Jesus ay hindi naluluma. Subalit hindi natin dapat pagtakhan iyan, sapagkat ang Kamangha-manghang Tagapayong ito ay nagsalita ng “mga pananalita ng Diyos.”​—Juan 3:34.

      Ang Kaniyang Paraan ng Pagtuturo

      9. Ano ang sinabi ng ilang sundalo tungkol sa pagtuturo ni Jesus, at bakit hindi ito kalabisan?

      9 Ang ikalawang pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ng Diyos ay ang paraan niya ng pagtuturo. Minsan, ang ilang sundalo na ipinadala upang arestuhin siya ay bumalik nang hindi siya kasama, na sinasabi: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” (Juan 7:45, 46) Hindi ito kalabisan. Sa lahat ng taong nabuhay kailanman, si Jesus, na “mula . . . sa itaas,” ang may pinakamalaking deposito ng kaalaman at karanasan na mapagkukunan. (Juan 8:23) Talagang nagturo siya sa paraang di-magagawa ng sinumang tao. Isaalang-alang ang dalawa lamang sa mga paraan ng marunong na Gurong ito.

      “Namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo”

      10, 11. (a) Bakit hindi natin mapigilang humanga sa paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon? (b) Ano ba ang mga ilustrasyon, at anong halimbawa ang nagpapakitang napakabisa sa pagtuturo ng mga ilustrasyon ni Jesus?

      10 Mabisang paggamit ng mga ilustrasyon. “Itinuro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga ilustrasyon,” ang sabi sa atin. “Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon.” (Mateo 13:34) Talagang hindi natin mapigilang humanga sa kaniyang walang-katulad na kakayahang magturo ng malalalim na katotohanan sa pamamagitan ng mga bagay na nakikita sa araw-araw. Magsasakang nagtatanim ng mga binhi, babaeng naghahandang gumawa ng tinapay, mga batang naglalaro sa pamilihan, mga mangingisdang humihila ng lambat, pastol na naghahanap ng nawawalang tupa—ito ang mga bagay na madalas na nakikita ng kaniyang mga tagapakinig. Kapag ang mahahalagang katotohanan ay iniugnay sa mga bagay na pamilyar, ang mga katotohanang iyan ay mabilis at malalim na napapaukit sa isip at puso.​—Mateo 11:16-19; 13:3-8, 33, 47-50; 18:12-14.

      11 Si Jesus ay madalas na gumamit ng mga ilustrasyon, maiikling kuwento na pinagkukunan ng moral o espirituwal na mga katotohanan. Yamang ang mga kuwento ay mas madaling maunawaan at matandaan kaysa sa malalalim na ideya, ang mga ilustrasyon ay tumutulong upang maingatan ang turo ni Jesus. Sa maraming ilustrasyon, inilarawan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng buhay na buhay na mga ilustrasyon na mahirap malimutan. Halimbawa, sino nga ba ang hindi makauunawa sa punto ng ilustrasyon tungkol sa nawalang anak—na kapag ang isang naligaw ng landas ay nagpakita ng tunay na pagsisisi, si Jehova ay maaawa at magiliw na tatanggaping muli ang isang iyon?​—Lucas 15:11-32.

      12. (a) Sa anong paraan gumamit si Jesus ng mga tanong sa kaniyang pagtuturo? (b) Paano pinatahimik ni Jesus ang mga kumukuwestiyon sa kaniyang awtoridad?

      12 Mahusay na paggamit ng mga tanong. Si Jesus ay gumamit ng mga tanong upang ang kaniyang mga tagapakinig ay mapakilos na gumawa ng sarili nilang konklusyon, suriin ang kanilang mga motibo, o gumawa ng mga pasiya. (Mateo 12:24-30; 17:24-27; 22:41-46) Nang kuwestiyunin ng mga lider ng relihiyon kung siya ba’y may bigay-Diyos na awtoridad, sumagot si Jesus: “Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo ay galing sa langit o sa mga tao?” Palibhasa’y nagulat sa tanong, nangatuwiran sila sa isa’t isa: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ Pero maglalakas-loob ba tayong sabihing ‘Sa mga tao’?” Gayunman, “natatakot sila sa mga tao dahil lahat ng ito ay naniniwalang talagang propeta si Juan.” Kaya sumagot sila: “Hindi namin alam.” (Marcos 11:27-33; Mateo 21:23-27) Sa isang simpleng tanong, napatahimik sila ni Jesus at nabunyag ang pandaraya sa kanilang puso.

      13-15. Paano nasasalamin sa ilustrasyon tungkol sa mabuting Samaritano ang karunungan ni Jesus?

      13 Kung minsan, pinagsasama ni Jesus ang mga paraan sa pamamagitan ng pagsisingit ng pumupukaw-kaisipang mga tanong sa kaniyang mga ilustrasyon. Nang magtanong kay Jesus ang isang Judio na eksperto sa Kautusan kung ano ang kailangan para magkaroon ng buhay na walang hanggan, binanggit ni Jesus sa kaniya ang Kautusang Mosaiko, na nag-uutos na ibigin ang Diyos at ang kapuwa. Sa kagustuhang mapatunayan na siya’y matuwid, ang lalaking ito ay nagtanong: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagkukuwento. Isang lalaking Judio ang mag-isang naglalakbay noon nang bigla siyang salakayin ng mga magnanakaw, anupat iniwan siyang halos patay na. May dumating na dalawang Judio, ang una’y saserdote at ang sumunod ay Levita. Hindi siya pinansin ng dalawang ito. Subalit isang Samaritano naman ang dumating sa eksena. Dahil sa awa, maingat niyang ginamot ang mga sugat ng lalaki at dinala ito sa ligtas na lugar sa isang bahay-tuluyan na doo’y maaari siyang magpagaling. Sa pagtatapos ng kuwento, tinanong ni Jesus ang nagtanong sa kaniya: “Sa tingin mo, sino sa tatlong ito ang naging kapuwa sa lalaking nabiktima ng mga magnanakaw?” Napilitang sumagot ang lalaki: “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.”​—Lucas 10:25-37.

      14 Paano nasasalamin sa ilustrasyon ang karunungan ni Jesus? Noong kapanahunan ni Jesus, ikinakapit ng mga Judio ang katagang “kapuwa” doon lamang sa mga sumusunod sa kanilang mga tradisyon—tiyak na hindi sa mga Samaritano. (Juan 4:9) Kung sa kuwento ni Jesus ay ang Samaritano ang biktima at ang Judio ang tumulong, maaalis ba niyan ang pagtatangi? Buong karunungang binalangkas ni Jesus ang kuwento upang lumabas na ang Samaritano ay magiliw na nagmalasakit sa Judio. Pansinin din ang tanong na iniharap ni Jesus sa pagtatapos ng kuwento. Ibinaling niya ang pansin sa katagang “kapuwa.” Sa diwa, ganito ang tanong ng lalaki: ‘Sino ang dapat kong pagpakitaan ng pag-ibig sa kapuwa?’ Subalit ito ang itinanong ni Jesus: “Sino sa tatlong ito ang naging kapuwa?” Itinuon ni Jesus ang pansin, hindi sa tumanggap ng kabaitan, ang biktima, kundi sa nagpakita ng kabaitan, ang Samaritano. Ang isang tunay na kapuwa ay yaong unang nagpapakita ng pag-ibig sa iba anuman ang kanilang pinagmulan. Wala nang hihigit pa sa paraang ito ni Jesus ng pagdiriin ng kaniyang punto.

      15 Kataka-taka ba na ang mga tao’y humanga sa ‘paraan ng pagtuturo’ ni Jesus at maakit sa kaniya? (Mateo 7:28, 29) Minsan, “napakaraming tao” ang namalaging kasama niya sa loob ng tatlong araw kahit wala nang makain ang mga ito!—Marcos 8:1, 2.

      Ang Kaniyang Paraan ng Pamumuhay

      16. Sa anong paraan nagbigay si Jesus ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos?

      16 Ang ikatlong pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ni Jehova ay ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Ang karunungan ay praktikal; ito’y mabisa. “Sino sa inyo ang marunong?” ang tanong ng alagad na si Santiago. Pagkatapos ay sinagot niya ang kaniyang tanong, na sinasabi: “Hayaang ang kaniyang tamang paggawi ang magbigay ng praktikal na katunayan nito.” (Santiago 3:13, The New English Bible) Ang paraan ng pagkilos ni Jesus ay nagbigay ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos. Isaalang-alang natin kung paano niya itinanghal ang mahusay na pagpapasiya, kapuwa sa kaniyang paraan ng pamumuhay at sa pakikitungo niya sa iba.

      17. Anong mga pahiwatig mayroon na si Jesus ay talagang timbang sa kaniyang buhay?

      17 Napapansin mo ba na ang mga taong walang mahusay na pagpapasiya ay madalas na di-makatuwiran? Oo, kailangan ang karunungan upang maging timbang. Sa pagpapakita ng makadiyos na karunungan, si Jesus ay ganap na timbang. Higit sa lahat, inuna niya ang espirituwal na mga bagay sa kaniyang buhay. Siya’y naging abalang-abala sa paghahayag ng mabuting balita. “Ito ang dahilan kung bakit ako dumating,”ang sabi niya. (Marcos 1:38) Mangyari pa, hindi materyal na mga bagay ang pinakamahalaga sa kaniya; sa wari’y iilan-ilan lamang ang pag-aari niya sa materyal. (Mateo 8:20) Subalit, hindi naman niya pinagkaitan ang sarili niya. Gaya ng kaniyang Ama, ang “maligayang Diyos,” si Jesus ay isang masayahing tao, at nagdaragdag siya ng kagalakan sa iba. (1 Timoteo 1:11; 6:15) Nang siya’y dumalo sa isang handaan sa kasal—na karaniwan nang isang okasyon ng tugtugan, awitan, at kasayahan—naroroon siya hindi upang palungkutin ang okasyon. Nang maubusan ng alak, ang tubig ay ginawa niyang mainam na alak, isang inumin na “nagpapasaya sa puso ng tao.” (Awit 104:15; Juan 2:1-11) Pinaunlakan ni Jesus ang maraming paanyaya sa kainan, at madalas niyang ginagamit ang pagkakataong iyon upang magturo.​—Lucas 10:38-42; 14:1-6.

      18. Paano nagpakita si Jesus ng di-mapipintasang paghatol sa mga pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad?

      18 Si Jesus ay nagpakita ng di-mapipintasang paghatol sa kaniyang pakikitungo sa iba. Ang kaniyang kaunawaan tungkol sa mga tao ay nagbigay sa kaniya ng maliwanag na pagkakilala sa kaniyang mga alagad. Alam na alam niyang sila’y hindi perpekto. Gayunman, nakikita niya ang kanilang magagandang katangian. Nakikita rin niya ang potensiyal ng mga taong ito na inilapit ni Jehova. (Juan 6:44) Sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa kanila. Bilang patunay, ipinagkatiwala niya ang isang mabigat na pananagutan sa kaniyang mga alagad. Inatasan niya silang mangaral ng mabuting balita, at may tiwala siya sa kanilang kakayahan na matutupad ang atas na iyan. (Mateo 28:19, 20) Ang aklat ng Mga Gawa ay nagpapatunay na buong katapatan nilang ipinagpatuloy ang iniutos niya sa kanila na gawin. (Gawa 2:41, 42; 4:33; 5:27-32) Kung gayon, maliwanag na naging marunong si Jesus sa pagtitiwala sa kanila.

      19. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y “mahinahon at mapagpakumbaba”?

      19 Gaya ng ating napansin sa Kabanata 20, iniuugnay ng Bibliya ang kapakumbabaan at kahinahunan sa karunungan. Mangyari pa, si Jehova ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa sa bagay na ito. Subalit kumusta naman si Jesus? Nakapagpapasigla ng puso ang kapakumbabaang ipinakita ni Jesus sa pakikitungo sa kaniyang mga alagad. Bilang isang perpektong tao, siya’y nakatataas sa kanila. Gayunman, hindi niya hinamak ang kaniyang mga alagad. Hindi niya kailanman hinangad na ipadama sa kanila na sila’y mahinang klase o walang kakayahan. Sa kabaligtaran, naging makonsiderasyon siya sa kanilang mga limitasyon at matiisin sa kanilang mga pagkukulang. (Marcos 14:34-38; Juan 16:12) Hindi ba’t kapansin-pansin na maging ang mga bata ay naging palagay sa piling ni Jesus? Tiyak na sila’y naging malapít sa kaniya sapagkat nadama nilang siya’y “mahinahon at mapagpakumbaba.”​—Mateo 11:29; Marcos 10:13-16.

      20. Paano ipinakita ni Jesus ang pagkamakatuwiran sa pakikitungo sa babaeng Gentil na may anak na sinasaniban ng demonyo?

      20 Si Jesus ay nagpakita ng makadiyos na kapakumbabaan sa isa pang mahalagang paraan. Siya’y makatuwiran, o mapagparaya, kapag nagiging angkop ito dahil sa awa. Halimbawa, alalahanin nang pakiusapan siya noon ng isang babaeng Gentil na pagalingin ang kaniyang anak na babae na sinasaniban ng demonyo. Sa tatlong iba’t ibang paraan, ipinahiwatig ni Jesus sa pasimula na hindi niya ito tutulungan—una, sa pamamagitan ng di-pagsagot sa kaniya; ikalawa, sa tuwirang pagsasabi na siya’y isinugo, hindi para sa mga Gentil, kundi para sa mga Judio; at ikatlo, sa pagbibigay ng ilustrasyon na may kabaitang nagpapakita ng gayunding punto. Gayunman, nagpumilit ang babae, na nagpapatunay sa pambihirang pananampalataya nito. Sa liwanag ng di-pangkaraniwang kalagayang ito, paano tumugon si Jesus? Ginawa niya mismo ang isang bagay na ipinahiwatig niyang hindi niya gagawin. Pinagaling niya ang anak ng babae. (Mateo 15:21-28) Kahanga-hangang pagpapakumbaba, hindi ba? At tandaan, ang kapakumbabaan ang ugat ng tunay na karunungan.

      21. Bakit tayo dapat na magsikap na tularan ang personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus?

      21 Kay laking pasasalamat natin na isinisiwalat sa atin ng mga Ebanghelyo ang mga salita at pagkilos ng pinakamarunong na tao na nabuhay kailanman! Alalahanin natin na si Jesus ay isang perpektong larawan ng kaniyang Ama. Sa pagtulad sa personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus, malilinang natin ang karunungan mula sa itaas. Sa susunod na kabanata, ating makikita kung paano natin maikakapit ang makadiyos na karunungan sa ating buhay.

      a Noong panahon ng Bibliya, ang mga karpintero ay inuupahan sa pagtatayo ng mga bahay, paggawa ng mga muwebles, at paggawa ng mga gamit sa pagsasaka. Si Justin Martyr, ng ikalawang siglo C.E., ay sumulat tungkol kay Jesus: “Kinaugalian na niyang magtrabaho bilang isang karpintero kasama ng mga lalaki, na gumagawa ng mga araro at pamatok.”

      b Ang pandiwang Griego na isinaling “mag-alala” ay nangangahulugang “guluhin ang isip.” Gaya ng pagkakagamit sa Mateo 6:25, ito’y tumutukoy sa pagkabahala na may halong takot na gumugulo o humahati sa isip, anupat nawawalan tuloy ng kagalakan sa buhay.

      c Sa katunayan, ipinapakita ng siyentipikong pagsasaliksik na ang sobrang pag-aalala at stress ay makapaglalagay sa atin sa panganib na magkaroon ng sakit sa puso at ng marami pang karamdaman na maaaring magpaikli ng buhay.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Kawikaan 8:22-31 Paano umaakma sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa panganay na Anak ni Jehova ang paglalarawan sa personipikasyon ng karunungan?

      • Mateo 13:10-15 Paano naging mabisa ang mga ilustrasyon ni Jesus sa pagbubunyag sa kalagayan ng puso ng kaniyang mga tagapakinig?

      • Juan 1:9-18 Bakit naisiwalat ni Jesus ang karunungan ng Diyos?

      • Juan 13:2-5, 12-17 Paano gumamit si Jesus ng isang praktikal na halimbawa, at ano sa gayon ang itinuro nito sa kaniyang mga apostol?

  • Ipinapakita Mo Ba ang “Karunungan Mula sa Itaas”?
    Maging Malapít kay Jehova
    • Sister na nag-aaral ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon.

      KABANATA 22

      Ipinapakita Mo Ba ang “Karunungan Mula sa Itaas”?

      1-3. (a) Paano nagpakita si Solomon ng pambihirang karunungan sa paraan ng kaniyang paglutas sa sigalot ng dalawang ina? (b) Ano ang ipinangako ni Jehova na ibibigay sa atin, at anong mga tanong ang bumabangon?

      MABIGAT na kaso ito—dalawang babae ang nag-aagawan sa isang sanggol. Ang dalawang babae ay nakatira sa isang bahay, at pareho silang nagsilang ng isang anak na lalaki, na ilang araw lamang ang pagitan. Namatay ang isa sa mga sanggol, at ngayon ay parehong inaangkin ng mga babaeng ito na siya ang ina ng buháy na sanggol.a Walang ibang nakasaksi sa nangyari. Malamang na ang kaso ay dininig na sa mababang hukuman ngunit hindi ito nalutas. Sa wakas, ang sigalot ay dinala kay Solomon, ang hari ng Israel. Mapalilitaw kaya niya ang katotohanan?

      2 Matapos ang ilang sandaling pakikinig sa pagtatalo ng dalawang babae, humingi si Solomon ng isang espada. Pagkatapos, sa paraang waring gagawin niyang talaga ito, iniutos niya na hatiin ang bata, at ibigay sa dalawang babae ang tig-kalahati. Agad na nagmakaawa sa hari ang tunay na ina na ibigay ang sanggol—ang kaniyang pinakamamahal na anak—sa kaagaw na babae. Ngunit patuloy na iginigiit ng kaagaw na babae na hatiin ang bata. Batid na ngayon ni Solomon ang totoo. Alam niya ang magiliw na pagkahabag ng isang ina sa kaniyang anak na nagmula sa kaniyang sinapupunan, at ginamit niya ang kaalamang iyan upang lutasin ang sigalot. Isip-isipin na lamang ang pasasalamat ng ina nang ibigay ni Solomon sa kaniya ang kaniyang anak at sabihin nitong: “Siya ang ina.”​—1 Hari 3:16-27.

      3 Pambihirang karunungan ito, hindi ba? Nang mabalitaan ng mga tao kung paano nilutas ni Solomon ang kaso, sila’y humanga, “dahil nakita nilang binigyan siya ng Diyos ng karunungan.” Oo, ang karunungan ni Solomon ay kaloob ng Diyos. Binigyan siya ni Jehova ng “pusong marunong at may kaunawaan.” (1 Hari 3:12, 28) Subalit kumusta naman tayo? Maaari din ba tayong makatanggap ng makadiyos na karunungan? Ginabayan ni Jehova si Solomon na isulat: “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 2:6) Nangako si Jehova na magbibigay ng karunungan—ang kakayahang magamit ang kaalaman at kaunawaan sa mabuting paraan—sa mga taimtim na humahanap nito. Paano tayo magkakaroon ng karunungan mula sa itaas? At paano natin mapangyayaring maugitan nito ang ating buhay?

      “Kumuha Ka ng Karunungan”—Paano?

      4-7. Ano-ano ang apat na kahilingan upang magkaroon ng karunungan?

      4 Kailangan bang maging napakatalino natin o napakataas ng pinag-aralan upang makatanggap ng makadiyos na karunungan? Hindi. Handa si Jehova na ibahagi sa atin ang kaniyang karunungan anuman ang ating kinamulatan at edukasyon. (1 Corinto 1:26-29) Subalit dapat na tayo ang unang kumilos, sapagkat hinihimok tayo ng Bibliya na ‘kumuha ng karunungan.’ (Kawikaan 4:7) Paano natin ito magagawa?

      5 Una, kailangan muna tayong matakot sa Diyos. “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan [“ang unang hakbang tungo sa karunungan,” The New English Bible],” ang sabi sa Kawikaan 9:10. Ang pagkatakot sa Diyos ang pundasyon ng tunay na karunungan. Bakit? Alalahanin na ang karunungan ay nagsasangkot ng kakayahang magamit ang nalalaman sa matagumpay na paraan. Ang matakot sa Diyos ay hindi nangangahulugang magpasukot-sukot dahil sa pagkasindak sa kaniya, kundi ang yumukod sa kaniya dahil sa pagkamangha, paggalang, at pagtitiwala. Ang gayong pagkatakot ay kapaki-pakinabang at napakabisang pangganyak. Napakikilos tayo nito na iayon ang ating buhay sa ating nalalaman tungkol sa kalooban at pamamaraan ng Diyos. Wala nang mas matalino pang landasin na maaari nating tahakin, sapagkat ang mga pamantayan ni Jehova ang palaging nagdudulot ng pinakamalaking pakinabang para sa mga sumusunod sa mga ito.

      6 Ikalawa, dapat tayong maging mapagpakumbaba. Walang iiral na makadiyos na karunungan kung walang kapakumbabaan. (Kawikaan 11:2) Bakit? Kung tayo ay mapagpakumbaba, handa nating tanggapin na hindi natin alam ang lahat ng sagot, na hindi laging tama ang ating mga opinyon, at na kailangan nating malaman ang pag-iisip ni Jehova tungkol sa mga bagay-bagay. Si Jehova ay “laban sa mga mapagmataas,” subalit natutuwa siyang magkaloob ng karunungan sa mga may pusong mapagpakumbaba.​—Santiago 4:6.

      7 Ang ikatlong mahalagang bagay ay ang pag-aaral ng nasusulat na Salita ng Diyos. Ang karunungan ni Jehova ay isinisiwalat sa kaniyang Salita. Upang magkaroon ng karunungang iyan, dapat natin itong pagsikapang saliksikin. (Kawikaan 2:1-5) Ang ikaapat na kahilingan ay ang panalangin. Kung taimtim tayong humihingi ng karunungan sa Diyos, siya’y saganang magbibigay nito. (Santiago 1:5) Ang ating mga panalangin ukol sa tulong ng kaniyang espiritu ay tiyak na sasagutin. At ang kaniyang espiritu ang magtutulak sa atin upang masumpungan ang mga kayamanan na nasa kaniyang Salita na makatutulong naman sa atin upang malutas ang mga problema, maiwasan ang panganib, at makagawa ng matatalinong pasiya.​—Lucas 11:13.

      Upang magkaroon ng makadiyos na karunungan, dapat tayong magsikap na saliksikin ito

      8. Kung talagang mayroon na tayong makadiyos na karunungan, paano ito makikita?

      8 Gaya ng napansin natin sa Kabanata 17, ang karunungan ni Jehova ay praktikal. Samakatuwid, kung talagang mayroon na tayong makadiyos na karunungan, makikita ito sa paraan ng ating paggawi. Inilarawan ng alagad na si Santiago ang mga bunga ng karunungan ng Diyos nang isulat niya: “Ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari.” (Santiago 3:17) Habang tinatalakay natin ang bawat isa sa mga aspektong ito ng karunungan ng Diyos, maaaring tanungin natin ang ating sarili, ‘Inuugitan ba ng karunungan mula sa itaas ang aking buhay?’

      “Malinis, Pagkatapos ay Mapagpayapa”

      9. Ano ang kahulugan ng pagiging malinis, at bakit angkop lamang na ang kalinisan ang unang katangian ng karunungan na itinala?

      9 “Una sa lahat, malinis.” Ang pagiging malinis ay nangangahulugang dalisay at walang dungis, hindi lamang sa labas kundi maging sa loob. Sa Bibliya, ang karunungan ay iniuugnay sa puso, subalit ang makalangit na karunungan ay hindi makakapasok sa pusong pinarumi ng masasamang pag-iisip, pagnanasa, at motibo. (Kawikaan 2:10; Mateo 15:19, 20) Gayunman, kung ang ating puso ay malinis—sabihin pa, hangga’t makakaya ng di-perpektong tao—‘tatalikuran natin ang masama at gagawin ang mabuti.’ (Awit 37:27; Kawikaan 3:7) Hindi ba’t angkop lamang na ang kalinisan ang unang katangian ng karunungan na itinala? Tutal, kung tayo’y hindi malinis sa moral at sa espirituwal, paano natin tunay na maipapakita ang iba pang mga katangian ng karunungan mula sa itaas?

      10, 11. (a) Bakit mahalaga na tayo’y maging mapagpayapa? (b) Kapag napansin mong nakasakit ka ng damdamin ng isang kapuwa mananamba, paano mo mapatutunayang ikaw ay mapagpayapa? (Tingnan din ang talababa.)

      10 “Pagkatapos ay mapagpayapa.” Ang karunungan mula sa langit ay nag-uudyok sa atin na itaguyod ang kapayapaan, na isa sa mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Nagsisikap tayo na huwag masira ang “pagkakaisang dulot ng espiritu” na nagbubuklod sa bayan ni Jehova. (Efeso 4:3) Ginagawa rin natin ang ating makakaya upang mapanumbalik ang kapayapaan kapag ito’y nasira. Bakit ito mahalaga? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Patuloy kayong . . . mamuhay nang payapa; at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.” (2 Corinto 13:11) Kaya habang tayo’y patuloy na namumuhay nang payapa, ang Diyos ng kapayapaan ay sasaatin. Ang ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba ay may tuwirang epekto sa ating kaugnayan kay Jehova. Paano natin mapatutunayan na tayo’y mga mapagpayapa? Isaalang-alang ang isang halimbawa.

      11 Ano ang dapat mong gawin kapag napansin mong nakasakit ka ng damdamin ng isang kapuwa mananamba? Si Jesus ay nagsabi: “Kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.” (Mateo 5:23, 24) Maikakapit mo ang payong iyan kung ikaw ang unang lalapit sa iyong kapatid. Sa anong layunin? Upang “makipagkasundo” sa kaniya.b Para mangyari iyan, baka kailangan mong tanggapin, sa halip na ikaila, na nasaktan mo siya. Kung ang paglapit mo sa kaniya ay upang mapanumbalik ang kapayapaan at mapanatili ang saloobing iyan, malamang na malutas ang anumang di-pagkakaunawaan, magpaumanhinan kayo, at magpatawaran sa isa’t isa. Kung ikaw ang unang kikilos upang makipagpayapaan, ipinapakita mong ikaw ay ginagabayan ng makadiyos na karunungan.

      “Makatuwiran, Handang Sumunod”

      12, 13. (a) Ano ang kahulugan ng salitang isinalin na “makatuwiran” sa Santiago 3:17? (b) Paano natin maipapakitang tayo’y makatuwiran?

      12 “Makatuwiran.” Ano ba ang kahulugan ng pagiging makatuwiran? Ayon sa mga iskolar, ang orihinal na salitang Griego na isinaling “makatuwiran” sa Santiago 3:17 ay mahirap isalin. Ang salitang ito ay may ideya ng pagiging mapagparaya. Ang mga tagapagsalin ay gumamit ng mga salitang gaya ng “mabait,” “matiisin,” at “makonsiderasyon.” Paano natin maipapakita na ang aspektong ito ng karunungan mula sa itaas ang umuugit sa atin?

      13 “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo,” ang sabi sa Filipos 4:5. Ang isa pang salin ay kababasahan: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” (The New Testament in Modern English, ni J. B.  Phillips) Pansinin na hindi gaanong mahalaga kung ano ang tingin natin sa ating sarili; ang mahalaga’y kung ano ang tingin sa atin ng iba at kung ano ang pagkakilala nila sa atin. Ang isang makatuwirang tao ay hindi laging naggigiit ng bawat sinasabi ng batas o ng lahat ng kagustuhan niya. Sa halip, handa siyang makinig sa iba at kung angkop naman, magparaya sa kanilang kagustuhan. Mabait din siya, hindi magaspang o pabigla-bigla, sa pakikitungo sa iba. Bagaman ito’y kailangan sa lahat ng Kristiyano, lalo na itong mahalaga sa mga naglilingkod bilang elder. Ang pagiging mabait ay nakaaakit, anupat nagiging madaling lapitan tuloy ang mga elder. (1 Tesalonica 2:7, 8) Makakabuti para sa ating lahat na tanungin ang sarili, ‘Kilala ba akong makonsiderasyon, mapagparaya, at mabait?’

      14. Paano natin maipapakitang tayo’y “handang sumunod”?

      14 “Handang sumunod.” Ang salitang Griego na isinaling “handang sumunod” ay hindi masusumpungan sa ibang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang iskolar, ang salitang ito “ay madalas gamitin sa disiplinang pangmilitar.” Naghahatid ito ng ideya na “madaling mapasang-ayon” at “mapagpasakop.” Ang isa na inuugitan ng karunungan mula sa itaas ay madaling magpasakop sa sinasabi ng Kasulatan. Hindi siya kilala bilang isa na kapag nakapagpasiya na ay ayaw nang magpaimpluwensiya sa anumang bagay na salungat sa kaniya. Sa halip, siya’y agad na nagbabago kapag naiharap sa kaniya ang maliwanag na katibayan mula sa Kasulatan na hindi tama ang kaniyang paninindigan o mali ang kaniyang mga konklusyon. Ganiyan ba ang pagkakilala sa iyo ng iba?

      “Punô ng Awa at Mabubuting Bunga”

      15. Ano ba ang awa, at bakit angkop lamang na ang “awa” at “mabubuting bunga” ay magkasamang binanggit sa Santiago 3:17?

      15 “Punô ng awa at mabubuting bunga.”c Ang awa ay isang mahalagang bahagi ng karunungan mula sa itaas, yamang ang gayong karunungan ay sinasabing “punô ng awa.” Pansinin na ang “awa” at “mabubuting bunga” ay magkasamang binanggit. Angkop lamang ito, sapagkat sa Bibliya, ang awa ay mas madalas na tumutukoy sa aktibong pagmamalasakit sa iba, ang pagkahabag na nagluluwal ng saganang bunga ng mababait na gawa. Ang awa ay binigyang-kahulugan ng isang reperensiya bilang “pagkalungkot dahil sa kaawa-awang kalagayan ng iba at pagsisikap na magawan ito ng paraan.” Samakatuwid, ang makadiyos na karunungan ay hindi walang malasakit, walang puso, o hanggang isip lamang. Sa halip, ito’y may malasakit, taos-puso, at madamayin. Paano natin maipapakitang tayo’y punô ng awa?

      16, 17. (a) Karagdagan pa sa pag-ibig sa Diyos, ano ang nagpapakilos sa atin upang makibahagi sa pangangaral, at bakit? (b) Sa ano-anong paraan natin maipapakita na tayo’y punô ng awa?

      16 Walang pagsalang ang isang mahalagang paraan ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ano ang nagpapakilos sa atin na gawin ito? Pangunahin nang dahil sa pag-ibig sa Diyos. Subalit pinakikilos din tayo ng awa, o pagkahabag sa iba. (Mateo 22:37-39) Marami sa ngayon ay “sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Sila’y pinabayaan at binulag ng huwad na mga pastol ng relihiyon sa espirituwal na paraan. Dahil dito, hindi nila alam ang matalinong patnubay na masusumpungan sa Salita ng Diyos o ang mga pagpapalang malapit nang idulot ng Kaharian sa lupang ito. Kaya naman kapag napag-iisip-isip natin ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga nasa palibot natin, ang ating taos-pusong pagkahabag ay nagpapakilos sa atin na gawin ang lahat ng ating magagawa upang masabi sa kanila ang maibiging layunin ni Jehova.

      Pamilyang may dalang mga pagkain para sa may-edad na sister at nakahandang tumulong sa pagkukumpuni ng bahay nito.

      Kapag tayo’y nagpapakita ng awa, o habag, sa iba, nasasalamin sa atin ang “karunungan mula sa itaas”

      17 Sa ano pang mga paraan natin maipapakitang tayo’y punô ng awa? Alalahanin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa Samaritano na nakakita ng isang manlalakbay na nakahandusay sa tabing-daan, na ninakawan at binugbog. Dahil sa pagkahabag, ang Samaritano ay “nagpakita ng awa” anupat binendahan niya ang mga sugat ng biktima at inalagaan ito. (Lucas 10:29-37) Hindi ba’t ito’y nagpapakita na kalakip ng awa ang paghahandog ng praktikal na tulong sa mga nangangailangan? Ang Bibliya ay nagtatagubilin sa atin na “gumawa tayo ng mabuti sa lahat, pero lalo na sa mga kapananampalataya natin.” (Galacia 6:10) Isaalang-alang ang ilang posibilidad. Baka nangangailangan ng masasakyan papunta at pauwi mula sa mga pulong Kristiyano ang isang matanda nang kapananampalataya. Baka nangangailangan ng tulong para sa mga kumpunihin sa kanilang bahay ang isang biyuda sa kongregasyon. (Santiago 1:27) Baka nangangailangan ng isang “positibong salita” ang isang nasisiraan ng loob upang pasayahin siya. (Kawikaan 12:25) Kapag nagpapakita tayo ng awa sa ganiyang mga paraan, pinatutunayan nating inuugitan tayo ng karunungan mula sa itaas.

      “Hindi Nagtatangi, Hindi Mapagkunwari”

      18. Kung tayo’y ginagabayan ng karunungan mula sa itaas, ano ang dapat nating pagsikapang alisin sa ating puso, at bakit?

      18 “Hindi nagtatangi.” Ang makadiyos na karunungan ay nag-aalis ng pagtatangi ng lahi at nasyonalistikong pagmamapuri. Kung tayo’y ginagabayan ng gayong karunungan, sinisikap nating alisin sa ating puso ang anumang tendensiya na magpakita ng paboritismo. (Santiago 2:9) Hindi natin pinapaboran ang iba dahil sa kanilang edukasyon, kalagayan sa pinansiyal, o pananagutan sa kongregasyon; ni hinahamak ang sinuman sa ating mga kapuwa mananamba, gaano man sila kababa sa tingin ng iba. Kung isinaayos ni Jehova na ang mga taong ito’y tumanggap ng kaniyang pag-ibig, lalo nang dapat nating ituring na sila’y karapat-dapat sa ating pag-ibig.

      19, 20. (a) Ano ang pinagmulan ng salitang Griego para sa “mapagkunwari”? (b) Paano natin maipapakita ang “di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid,” at bakit ito mahalaga?

      19 “Hindi mapagkunwari.” Ang salitang Griego para sa “mapagkunwari” ay maaaring tumukoy sa “isang artistang gumaganap ng isang papel.” Noong sinaunang panahon, ang mga artistang Griego at Romano ay nagsusuot ng malalaking maskara kapag gumaganap. Kaya naman, ang salitang Griego para sa “mapagkunwari” ay ikinapit sa isa na nagpapanggap o nagbabalatkayo. Ang aspektong ito ng makadiyos na karunungan ay dapat na makaimpluwensiya hindi lamang sa paraan ng ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba kundi pati na rin sa kung ano ang ating damdamin sa kanila.

      20 Sinabi ni apostol Pedro na ang ating “pagsunod sa katotohanan” ay dapat na magbunga ng “di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid.” (1 Pedro 1:22) Oo, ang ating pagmamahal sa ating mga kapatid ay hindi dapat na pakitang-tao lamang. Hindi tayo nagsusuot ng maskara o gumaganap ng mga papel upang linlangin ang iba. Ang ating pagmamahal ay dapat na maging tunay at taos-puso. Sa gayon, mapapasaatin ang pagtitiwala ng ating mga kapananampalataya, sapagkat malalaman nila na talagang ito na tayo mismo. Ang gayong kataimtiman ang naghahanda ng daan para sa bukás at tapat na ugnayan ng mga Kristiyano at tumutulong para magkaroon sila ng tiwala sa isa’t isa.

      “Ingatan Mo ang Karunungan”

      21, 22. (a) Paanong hindi naingatan ni Solomon ang karunungan? (b) Paano natin maiingatan ang karunungan, at paano tayo makikinabang sa paggawa nito?

      21 Ang makadiyos na karunungan ay kaloob ni Jehova, isa na dapat nating ingatan. Si Solomon ay nagsabi: “Anak ko, . . . ingatan mo ang karunungan at ang kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21) Nakalulungkot, hindi iyan nagawa mismo ni Solomon. Siya’y nananatiling marunong habang iniingatan niya ang isang masunuring puso. Subalit sa dakong huli, inilayo ng kaniyang maraming asawang banyaga ang kaniyang puso mula sa dalisay na pagsamba kay Jehova. (1 Hari 11:1-8) Ang nangyari kay Solomon ay naglalarawan sa atin na ang kaalaman ay walang gaanong halaga kung hindi natin ito gagamitin sa tamang paraan.

      22 Paano natin maiingatan ang karunungan? Hindi lamang dapat nating palagiang basahin ang Bibliya at ang mga publikasyong salig sa Bibliya na inilalaan ng “tapat at matalinong alipin” kundi dapat din nating pagsikapang ikapit ang ating natututuhan. (Mateo 24:45) Nasa atin ang lahat ng dahilan upang ikapit ang karunungan ng Diyos. Nangangahulugan ito ng mas magandang buhay sa ngayon. Pinangyayari nito na “makapanghawakan [tayong] mahigpit sa tunay na buhay”—buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) At ang pinakamahalaga sa lahat, ang paglilinang ng karunungan mula sa itaas ay lalong naglalapít sa atin sa Bukal ng lahat ng karunungan, ang Diyos na Jehova.

      a Ayon sa 1 Hari 3:16, ang dalawang babae ay mga babaeng bayaran o patutot. Ang Kaunawaan sa Kasulatan ay nagsasabi: “Maaaring ang mga babaing ito ay mga patutot, hindi sa diwang nagbebenta sila ng aliw, kundi mga babaing nakiapid, anupat maaaring sila’y mga babaing Judio o posibleng mga babaing may lahing banyaga.”​—Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

      b Ang ekspresyong Griego na isinaling “makipagkasundo ka” ay nangangahulugang “magbago mula sa pagiging magkaaway tungo sa pagiging magkaibigan; maibalik ang dating magandang ugnayan.” Kaya ang tunguhin ng pakikipagkasundo ay para maalis ang sama ng loob ng nasaktan, kung posible.​—Roma 12:18.

      c Isinalin ng iba ang mga salitang ito na “punô ng habag at mabubuting gawa.”​—A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams.

      Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay

      • Deuteronomio 4:4-6 Paano natin mapatutunayang tayo’y marunong?

      • Awit 119:97-105 Paano tayo makikinabang kapag masikap tayong nag-aaral at nagkakapit ng Salita ng Diyos?

      • Kawikaan 4:10-13, 20-27 Bakit natin kailangan ang karunungan ni Jehova?

      • Santiago 3:1-16 Paano maipapakita niyaong mga pinagkatiwalaang mangasiwa sa kongregasyon na sila’y marurunong at may unawa?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share