-
“Siya ang Unang Umibig sa Atin”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 23
“Siya ang Unang Umibig sa Atin”
1-3. Ano-ano ang ilang dahilan kung kaya ang kamatayan ni Jesus ay naiiba sa lahat sa kasaysayan?
ISANG araw ng tagsibol noon halos 2,000 taon na ang nakalilipas, isang walang-kasalanang tao ang nilitis, hinatulan ng mga krimeng hindi niya kailanman ginawa, at pagkatapos ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Hindi ito ang unang malupit at di-makatarungang pagpatay na nangyari sa kasaysayan; nakalulungkot, hindi rin ito ang huli. Gayunman, ang kamatayang iyon ay naiiba sa lahat.
2 Habang ang lalaking iyon ay naghihirap sa kaniyang huling mga oras ng pag-aagaw-buhay, kitang-kita sa kaanyuan mismo ng langit ang kahalagahan ng pangyayaring iyon. Bagaman katanghaliang tapat noon, ang kadiliman ay biglang lumukob sa lupain. Gaya ng pagkasabi ng isang istoryador, “naglaho ang liwanag ng araw.” (Lucas 23:44, 45) Pagkatapos, bago malagutan ng hininga ang lalaki, sinabi niya ang di-malilimot na mga salitang ito: “Naganap na!” Tunay ngang sa paghahandog ng kaniyang buhay, isinagawa niya ang isang kahanga-hangang bagay. Ang kaniyang sakripisyo ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinumang tao.—Juan 15:13; 19:30.
3 Mangyari pa, ang taong iyon ay si Jesu-Kristo. Balitang-balita ang kaniyang pagdurusa at kamatayan noong malagim na araw na iyon ng Nisan 14, 33 C.E. Gayunman, isang mahalagang katotohanan ang madalas na di-napapansin. Bagaman si Jesus ay dumanas ng matinding hirap, may isa pang higit na naghirap. Sa katunayan, may isa pang gumawa ng mas malaking sakripisyo nang araw na iyon—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nagawa kailanman ng sinuman sa buong uniberso. Ano kayang gawa iyon? Ang sagot ay naglalaan ng angkop na pambungad sa pinakamahalagang paksa sa lahat: ang pag-ibig ni Jehova.
Ang Pinakadakilang Gawa ng Pag-ibig
4. Paano napatunayan ng isang sundalong Romano na si Jesus ay hindi nga isang ordinaryong tao, at ano ang naging konklusyon ng sundalong iyon?
4 Ang Romanong senturyon na nangasiwa sa pagpatay kay Jesus ay nanggilalas dahil sa nangyaring kadiliman bago mamatay si Jesus at sa napakalakas na lindol na kasunod nito. “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos,” ang sabi niya. (Mateo 27:54) Maliwanag na hindi ordinaryong tao si Jesus. Ang sundalong iyon ay tumulong sa pagpatay sa kaisa-isang Anak ng Kataas-taasang Diyos! Gaano nga ba kahalaga ang Anak na ito sa kaniyang Ama?
5. Paano mailalarawan ang pagkahaba-habang panahong pinagsamahan ni Jehova at ng kaniyang Anak sa langit?
5 Si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Isip-isipin na lamang—ang Anak ni Jehova ay umiiral na bago pa man lumitaw ang pisikal na uniberso. Kung gayon, gaano na katagal magkasama ang Ama at ang Anak? Tinatantiya ng ilang siyentipiko na ang uniberso ay 13 bilyong taon na ang edad. Kaya mo bang arukin kahit sa isip man lamang ang pagkahaba-habang panahong iyon? Upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang edad ng uniberso ayon sa pagtantiya ng mga siyentipiko, isang planetarium ang naglagay ng isang time line na may 110 metro ang haba. Habang lumalakad ang mga bisita sa kahabaan ng time line na iyon, bawat hakbang nila ay kumakatawan sa mga 75 milyong taon sa buong pag-iral ng uniberso. Sa dulo ng time line, ang buong kasaysayan ng tao ay kinakatawanan ng isang markang singkapal lamang ng isang hibla ng buhok! Subalit, tama man ang pagtantiyang ito, hindi pa rin sasapat ang kabuoang time line na iyon upang kumatawan sa haba ng buhay ng Anak ni Jehova! Ano kaya ang kaniyang ginawa sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon?
6. (a) Ano ang ginawa ng Anak ni Jehova sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao? (b) Anong uri ng kaugnayan ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak?
6 Ang Anak ay maligayang naglingkod bilang isang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya [ang Anak] katulong.” (Juan 1:3) Kaya si Jehova at ang kaniyang Anak ay magkasamang gumawa upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay. Tunay ngang kapana-panabik at maliligayang panahon ang tinamasa nila! Ngayon, marami ang sasang-ayon na ang pag-ibig ng magulang at ng anak sa isa’t isa ay napakatibay. Talagang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao. (Colosas 3:14) Dahil napakatagal nang magkasama si Jehova at ang kaniyang Anak, tiyak na hindi natin maaarok ang lalim ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Maliwanag, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay lubusang pinagkaisa ng pag-ibig.
7. Nang mabautismuhan si Jesus, paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang nadarama tungkol sa kaniyang Anak?
7 Sa kabila nito, isinugo ng Ama ang kaniyang Anak sa lupa upang isilang bilang isang sanggol. Ang paggawa nito ay nangangahulugang sa loob ng ilang dekada, kailangang ipagkait ni Jehova sa kaniyang sarili ang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang minamahal na Anak sa langit. Taglay ang matinding interes, pinagmasdan niya mula sa langit ang paglaki ni Jesus hanggang sa maging isang perpektong tao. Si Jesus ay nabautismuhan nang siya’y mga 30 taóng gulang. Hindi na natin kailangan pang hulaan kung ano ang nadama ni Jehova tungkol sa kaniya. Nagsalita mismo ang Ama mula sa langit: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Nang makita na buong katapatang tinupad ni Jesus ang lahat ng inihula at ang lahat ng kahilingan sa kaniya, tiyak na tuwang-tuwa ang kaniyang Ama!—Juan 5:36; 17:4.
8, 9. (a) Ano ang dinanas ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., at paano naapektuhan ang kaniyang Ama sa langit? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na ang kaniyang Anak ay magdusa at mamatay?
8 Subalit, ano kaya ang nadama ni Jehova noong Nisan 14, 33 C.E.? Ano kaya ang kaniyang nadama nang si Jesus ay traidurin at arestuhin ng isang grupo ng mang-uumog kinagabihan? Nang si Jesus ay pabayaan ng kaniyang mga kaibigan at mapasailalim sa isang ilegal na paglilitis? Nang siya’y tuyain, duraan, at suntukin? Nang siya’y hagupitin, anupat halos madurog ang kaniyang likod? Nang ipako ang kaniyang mga kamay at paa sa isang posteng kahoy at iniwang nakabitin doon habang nilalait siya ng mga tao? Ano kaya ang nadama ng Ama nang ang kaniyang minamahal na Anak ay dumaing sa kaniya habang nag-aagaw-buhay? Ano kaya ang nadama ni Jehova nang hugutin ni Jesus ang kaniyang huling hininga, at sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pasimula ng lahat ng nilalang, ang Kaniyang pinakamamahal na Anak ay hindi na umiral?—Mateo 26:14-16, 46, 47, 56, 59, 67; 27:38-44, 46; Juan 19:1.
9 Kulang ang mga salita upang masagot natin ito. Yamang si Jehova ay may damdamin, ang kirot na dinanas niya sa pagkamatay ng kaniyang Anak ay hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ang maaaring ipaliwanag ay ang dahilan ni Jehova sa pagpapahintulot na ito’y maganap. Bakit kaya pumayag ang Ama na sumailalim siya sa gayong mga damdamin? Isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang kahanga-hangang bagay sa Juan 3:16—isang talata sa Bibliya na napakahalaga anupat tinawag itong munting Ebanghelyo. Ito’y nagsasabi: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang dahilan ni Jehova sa kabuoan ay ito: pag-ibig. Ang kaloob ni Jehova—ang pagsusugo niya sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig kailanman.
“Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang kaisa-isang Anak”
Binigyang-Kahulugan ang Pag-ibig ng Diyos
10. Ano ang pangangailangan ng mga tao, at ano ang nangyari sa kahulugan ng salitang “pag-ibig”?
10 Ano ang kahulugan ng salitang “pag-ibig”? Ang pag-ibig ay inilarawan bilang ang pinakamahalagang pangangailangan ng tao. Mula sa pagsilang hanggang sa kamatayan, ang mga tao ay naghahangad ng pag-ibig, sumisigla sa init nito, nananamlay at namamatay pa nga dahil sa kawalan nito. Sa kabila nito, nakapagtataka na mahirap itong bigyan ng katuturan. Mangyari pa, napakadalas pag-usapan ng mga tao ang tungkol sa pag-ibig. Walang katapusan ang pagdagsa ng mga aklat, awitin, at mga tula tungkol dito. Hindi pa rin malinaw ang kahulugan ng pag-ibig. Sa katunayan, sobra na ang paggamit sa salitang ito anupat lalo nang hindi matukoy ang tunay na kahulugan nito.
11, 12. (a) Saan natin makikita ang malinaw na turo tungkol sa pag-ibig, at bakit doon? (b) Anong mga uri ng pag-ibig ang ginamit sa sinaunang wikang Griego, at anong salita para sa “pag-ibig” ang pinakamadalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan? (Tingnan din ang talababa.) (c) Ano ang madalas na kahulugan ng a·gaʹpe batay sa pagkakagamit nito sa Bibliya?
11 Gayunman, malinaw ang turo ng Bibliya hinggil sa pag-ibig. Ang Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay makikilala lamang sa mga kilos na iniuudyok nito.” Ang mga nakaulat sa Bibliya na mga pagkilos ni Jehova ay napakaraming itinuturo sa atin tungkol sa kaniyang pag-ibig—ang magiliw na pagmamahal na taglay niya para sa kaniyang mga nilalang. Halimbawa, ano pa nga ba ang higit na makapagsisiwalat sa katangiang ito kaysa sa pinakadakilang gawa ng pag-ibig ni Jehova mismo na inilarawan kanina? Sa susunod na mga kabanata, makikita natin ang marami pang mga halimbawa ng pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig. Karagdagan pa, may makukuha tayong unawa mula sa orihinal na mga salita para sa “pag-ibig” na ginamit sa Bibliya. Sa sinaunang wikang Griego, may apat na salita para sa “pag-ibig.”a Sa mga ito, ang pinakamadalas gamitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang a·gaʹpe. Ang tawag dito ng isang diksyunaryo sa Bibliya ay “ang pinakamabisang salita na maiisip para sa pag-ibig.” Bakit?
12 Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ang a·gaʹpe ay madalas na tumutukoy sa pag-ibig na inuugitan ng simulain. Kaya ito’y hindi lamang isang bugso ng damdamin para sa ibang tao. Mas malawak ang saklaw nito, mas pinag-iisipan at pinag-aaralang mabuti ang saligan nito. Higit sa lahat, ang Kristiyanong pag-ibig ay hindi makasarili. Halimbawa, tingnan muli ang Juan 3:16. Anong “sangkatauhan” ang inibig ng Diyos nang gayon na lamang kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak? Iyon ay ang sangkatauhan na binubuo ng mga tao na maaaring tubusin. Kalakip dito ang maraming tao na tumatahak sa makasalanang landasin sa buhay. Iniibig ba ni Jehova ang bawat isa bilang isang personal na kaibigan, gaya ng pag-ibig niya sa tapat na si Abraham? (Santiago 2:23) Hindi, ngunit ang lahat ay maibiging pinagpapakitaan ni Jehova ng kabutihan, mangahulugan man ito ng napakalaking sakripisyo para sa kaniya. Nais niyang lahat ay magsisi at magbago ng kanilang landas. (2 Pedro 3:9) Marami ang gumawa nito. Ang mga ito’y masaya niyang tinatanggap bilang kaniyang mga kaibigan.
13, 14. Ano ang nagpapakitang kalakip sa Kristiyanong pag-ibig ang pagkagiliw?
13 Gayunman, ang ilan ay may maling ideya sa pagkakagamit ng Bibliya sa a·gaʹpe. Ipinalalagay nilang ito’y nangangahulugan ng isang malamig at intelektuwal na uri ng pag-ibig. Ang totoo, karaniwan nang kalakip sa Kristiyanong pag-ibig ang pagkagiliw. Halimbawa, nang isulat ni Juan na “mahal ng Ama ang Anak,” gumamit siya ng isang anyo ng salitang a·gaʹpe. (Juan 3:35) Ang pag-ibig bang iyan ay salat sa mainit na pagmamahal? Hindi. Nang isulat ni Juan ang sinabi ni Jesus, “Mahal ng Ama ang Anak,” sa Juan 5:20, gumamit si Juan ng isang anyo ng salitang phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw. Karaniwan nang kalakip sa pag-ibig ni Jehova ang magiliw na pagmamahal. Gayunman, ang kaniyang pag-ibig ay hindi kailanman basta nadadala lamang ng damdamin. Ito’y palaging inuugitan ng kaniyang magaganda at makatarungang mga simulain.
14 Gaya ng nakita na natin, lahat ng katangian ni Jehova ay napakagaling, perpekto, at kaakit-akit. Subalit ang pinakakaakit-akit sa lahat ay ang pag-ibig. Walang ibang may gayong puwersa na makapaglalapít sa atin kay Jehova. Nakatutuwa, pag-ibig ang siya ring nangingibabaw na katangian niya. Paano natin ito nalaman?
“Ang Diyos ay Pag-ibig”
15. Anong pangungusap ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa katangian ni Jehova na pag-ibig, at sa anong paraan naiiba ang pangungusap na ito? (Tingnan din ang talababa.)
15 Ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa pag-ibig na hindi nito kailanman binabanggit tungkol sa iba pang pangunahing mga katangian ni Jehova. Hindi sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ay kapangyarihan o na ang Diyos ay katarungan o na ang Diyos ay karunungan pa nga. Siya ay nagtataglay ng mga katangiang ito, ang tanging Bukal ng mga ito, at walang katulad kung tungkol sa lahat ng tatlong ito. Gayunman, tungkol sa ikaapat na katangian, isang bagay na mas malalim ang sinasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig.”b (1 Juan 4:8) Ano ang kahulugan niyan?
16-18. (a) Bakit sinasabi sa Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig”? (b) Sa lahat ng nilalang sa lupa, bakit ang tao ay isang angkop na sagisag ng katangian ni Jehova na pag-ibig?
16 Ang pangungusap na “ang Diyos ay pag-ibig” ay hindi isang simpleng pagtutumbas na gaya ng pagsasabing “ang Diyos ay katumbas ng pag-ibig.” Hindi tama na baligtarin natin ang pangungusap at sabihing “ang pag-ibig ay Diyos.” Si Jehova ay hindi lang basta isang katangian. Siya’y isang Persona na may napakaraming iba’t ibang katangian at emosyon. Pero ang pag-ibig ay nasa kaibuturan mismo ng puso ni Jehova. Kaya naman isang reperensiya ang nagsabi tungkol sa talatang ito: “Ang likas na katangian ng Diyos ay pag-ibig.” Karaniwan na, maaari natin itong ilarawan nang ganito: Ang kapangyarihan ni Jehova ang nagpapangyari sa kaniya na kumilos. Ang kaniyang katarungan at karunungan ang umuugit sa kaniyang pagkilos. Subalit ang pag-ibig ni Jehova ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos. At palaging kaakibat ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang paggamit ng iba pa niyang mga katangian.
17 Madalas sabihing si Jehova ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Kaya naman, kung nais nating matuto tungkol sa may-simulaing pag-ibig, dapat tayong matuto tungkol kay Jehova. Mangyari pa, maaari din naman nating makita ang magandang katangiang ito sa mga tao. Ngunit bakit may kakayahan silang magpakita ng katangiang iyon? Noong panahon ng paglalang, sinabi ni Jehova ang mga salitang ito, malamang na sa kaniyang Anak: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26) Sa lahat ng nilalang dito sa lupa, mga tao lamang ang makapagpapasiyang umibig at sa gayon ay matularan ang kanilang Ama sa langit. Alalahanin na si Jehova ay gumamit ng iba’t ibang nilalang upang sumagisag sa kaniyang pangunahing mga katangian. Gayunman, pinili ni Jehova ang kaniyang pinakamataas na uring nilalang sa lupa, ang tao, bilang sagisag ng Kaniyang nangingibabaw na katangian, ang pag-ibig.—Ezekiel 1:10.
18 Kapag tayo’y umiibig sa paraang di-makasarili at may simulain, nasasalamin sa atin ang nangingibabaw na katangian ni Jehova. Kagaya ito ng isinulat ni apostol Juan: “Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Subalit sa anong mga paraan una tayong inibig ni Jehova?
Unang Kumilos si Jehova
19. Bakit masasabing ang pag-ibig ay gumanap ng mahalagang papel sa gawang paglalang ni Jehova?
19 Ang pag-ibig ay hindi bago. Tutal, ano ba ang nagpakilos kay Jehova upang lumalang? Hindi dahil sa siya’y nalulungkot at nangangailangan ng kasama. Si Jehova ay kumpleto at sapat na sa ganang sarili, anupat wala nang kakailanganin pa mula sa sinuman. Pero dahil sa kaniyang pag-ibig, isang aktibong katangian, gusto rin niyang maging masaya ang buhay ng matatalinong nilalang niya. “Ang pasimula ng paglalang ng Diyos” ay ang kaniyang kaisa-isang Anak. (Apocalipsis 3:14) Pagkatapos ay ginamit ni Jehova ang Dalubhasang Manggagawang ito upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay, na pinasimulan sa mga anghel. (Job 38:4, 7; Colosas 1:16) Yamang biniyayaan ng kalayaan, katalinuhan, at damdamin, ang makapangyarihang mga espiritung ito ay nagkaroon din ng pagkakataong magpakita ng pagmamahal—sa isa’t isa at higit sa lahat, sa Diyos na Jehova. (2 Corinto 3:17) Samakatuwid, sila’y umibig sapagkat sila’y inibig muna.
20, 21. Ano ang natamasa nina Adan at Eva bilang katibayan na iniibig sila ni Jehova, ngunit ano ang iginanti nila?
20 Gayundin naman sa sangkatauhan. Mula nang lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, pinagpakitaan na niya sila ng pag-ibig sa maraming paraan. Saanman sila tumingin sa kanilang Paraisong tahanan sa Eden, nakikita nila ang katibayan ng pag-ibig ng Ama sa kanila. Pansinin ang sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang hardin sa Eden, na nasa silangan; doon niya inilagay ang tao na inanyuan niya.” (Genesis 2:8) Nakapunta ka na ba sa isang napakagandang hardin o parke? Ano ang pinakanagustuhan mo? Ang pagtagos ba ng liwanag sa mga dahon sa isang liblib na lugar? Ang napakagagandang kulay ba ng nakahanay na mga bulaklak? Ang mahinang himig ba ng aliw-iw ng batis, huni ng mga ibon, at higing ng mga kulisap? Kumusta naman ang samyo ng mga puno, prutas, at mga bulaklak? Mangyari pa, walang parke sa ngayon ang makapapantay sa isa na nasa Eden. Bakit?
21 Ang harding iyon ay ginawa mismo ni Jehova! Tiyak na hindi kayang ilarawan ang kagandahan niyaon. Bawat puno ay napakaganda at namumunga ng masasarap na prutas. Ang hardin ay nadidiligang mabuti, maluwang, at punong-puno ng sari-saring hayop. Taglay na nina Adan at Eva ang lahat ng kinakailangan upang ang kanilang buhay ay maging maligaya at kawili-wili, lakip na ang kasiya-siyang gawain at perpektong pagsasamahan. Si Jehova ang unang umibig sa kanila, at taglay nila ang lahat ng dahilan upang suklian iyon ng pag-ibig din. Subalit, hindi nila ito nagawa. Sa halip na maibiging sumunod sa kanilang Ama sa langit, naging makasarili sila at naging mapaghimagsik laban sa kaniya.—Genesis, kabanata 2.
22. Paano pinatunayan ng tugon ni Jehova sa paghihimagsik sa Eden na tapat ang kaniyang pag-ibig?
22 Tunay ngang pagkasakit-sakit niyaon sa damdamin ni Jehova! Subalit pumait ba ang kaniyang maibiging puso dahil sa paghihimagsik na ito? Hindi! “Ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” (Awit 136:1) Kaya naman agad siyang gumawa ng maibiging mga paglalaan upang tubusin ang sinumang supling nina Adan at Eva na gusto siyang makilala at magmahal sa kaniya. Gaya ng nakita na natin, kalakip sa mga paglalaang iyon ang haing pantubos ng kaniyang minamahal na Anak, na nagdulot ng napakalaking sakripisyo para sa Ama.—1 Juan 4:10.
23. Ano ang isa sa mga dahilan kung bakit si Jehova ay “maligayang Diyos,” at anong mahalagang tanong ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
23 Oo, mula pa sa pasimula ay una nang nagpakita si Jehova ng pag-ibig sa sangkatauhan. Sa di-mabilang na paraan, “siya ang unang umibig sa atin.” Ang pag-ibig ay nagtataguyod ng pagkakaisa at kagalakan, kaya nga hindi kataka-taka na ilarawan si Jehova bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gayunman, isang mahalagang tanong ang bumabangon. Talaga nga bang iniibig tayo ni Jehova bilang mga indibidwal? Tatalakayin sa susunod na kabanata ang bagay na iyan.
a Ang pandiwang phi·leʹo, na ang ibig sabihin ay “mahalin, kagiliwan, o maibigan (gaya ng maaaring madama ng isa sa kaniyang matalik na kaibigan o kapatid),” ay madalas na ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang isang anyo ng salitang stor·geʹ, o malapít na pag-ibig pampamilya, ay ginamit sa 2 Timoteo 3:3 upang ipakita na ang gayong pag-ibig ay magiging salat na salat sa mga huling araw. Ang eʹros, o romantikong pag-iibigan ng magkaibang sekso, ay hindi ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, bagaman ang uring iyan ng pag-ibig ay tinalakay sa Bibliya.—Kawikaan 5:15-20.
b Ang ibang mga pangungusap sa Kasulatan ay may katulad na pagkakasabi. Halimbawa, “ang Diyos ay liwanag” at “ang Diyos . . . ay isang apoy na tumutupok.” (1 Juan 1:5; Hebreo 12:29) Subalit ang mga ito ay dapat unawain bilang mga metapora, sapagkat itinulad ng mga ito si Jehova sa pisikal na mga bagay. Si Jehova ay tulad ng liwanag, sapagkat siya’y banal at matuwid. Walang “kadiliman,” o karumihan, sa kaniya. At siya’y maitutulad sa apoy sa paggamit niya ng kapangyarihang pumuksa.
-
-
Walang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 24
Walang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”
1. Anong negatibong saloobin ang bumabagabag sa maraming tao, pati na sa ilang tunay na Kristiyano?
INIIBIG ka ba ng Diyos na Jehova bilang indibidwal? Ang ilan ay sang-ayon na iniibig ng Diyos ang sangkatauhan sa pangkalahatan, gaya ng sinasabi sa Juan 3:16. Subalit sa wari’y ganito ang nadarama nila: ‘Hindi ako kailanman maaaring ibigin ng Diyos bilang indibidwal.’ Maging ang tunay na mga Kristiyano ay baka nag-aalinlangan din sa bagay na iyan kung minsan. Palibhasa’y pinanghihinaan ng loob, isang lalaki ang nagsabi: “Napakahirap paniwalaan na nagmamalasakit sa akin ang Diyos.” Binabagabag ka ba ng ganiyang pag-aalinlangan kung minsan?
2, 3. Sino ang nagnanais na mapaniwala tayo na hindi tayo mahalaga o di-kaibig-ibig sa paningin ni Jehova, at paano natin malalabanan ang ideyang iyan?
2 Gustong-gusto ni Satanas na mapaniwala tayong hindi tayo iniibig ni pinahahalagahan ng Diyos na Jehova. Totoo, madalas na dinadaya ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kanilang kayabangan. (2 Corinto 11:3) Ngunit gusto rin niyang paniwalain ang iba na hindi sila mahalaga. (Juan 7:47-49; 8:13, 44) Lalo na ngang totoo ito sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. Marami sa ngayon ang lumalaki sa mga pamilyang “walang likas na pagmamahal.” Ang iba naman ay palaging napapaharap sa mga taong mabangis, makasarili, at matigas ang ulo. (2 Timoteo 3:1-5) Dahil sa maraming taóng pagdanas ng kalupitan, pagtatangi ng lahi, o pagkapoot, maaaring makumbinsi ang gayong mga tao na sila’y walang halaga o di-kaibig-ibig.
3 Kapag nakadarama ka ng gayong negatibong saloobin, huwag kang mawalan ng pag-asa. Marami sa atin ang di-makatuwirang nanunumbat sa sarili paminsan-minsan. Subalit alalahanin, ang Salita ng Diyos ay dinisenyo para sa “pagtutuwid” at “para pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag.” (2 Timoteo 3:16; 2 Corinto 10:4) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Makukumbinsi natin ang puso natin sa harap niya sa anumang bagay tayo hatulan ng puso natin, dahil ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Isaalang-alang natin ang apat na paraan na doo’y tinutulungan tayo ng Kasulatan na ‘makumbinsi ang puso natin’ ng pag-ibig ni Jehova.
Pinahahalagahan Ka ni Jehova
4, 5. Paanong ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya ay nagpapakitang may halaga tayo sa paningin ni Jehova?
4 Una, tuwirang itinuturo ng Bibliya na nakikita ng Diyos ang halaga ng bawat lingkod niya. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo. Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Isaalang-alang ang kahulugan ng mga salitang iyan sa mga tagapakinig ni Jesus noong unang siglo.
“Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya”
5 Maaaring magtaka tayo kung bakit may bumibili pa ng maya. Buweno, noong kapanahunan ni Jesus, ang maya ang pinakamura sa mga ibong ipinagbibili bilang pagkain. Pansinin na sa isang barya na maliit ang halaga, ang nakabili ay nagkaroon ng dalawang maya. Subalit sa ibang pagkakataon ay sinabi ni Jesus na kung handang gumugol ang isang tao ng dalawang barya, magkakaroon siya, hindi ng apat na maya, kundi lima. Ang isa pang ibon ay idinagdag na para bang wala itong anumang halaga. Marahil ay wala ngang halaga ang gayong mga nilalang sa paningin ng mga tao, subalit ano naman kaya ang pananaw ng Maylalang sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Walang isa man sa mga ito [kahit na ang isa na idinagdag] ang nalilimutan ng Diyos.” (Lucas 12:6, 7) Maaaring maunawaan na natin ngayon ang punto ni Jesus. Kung si Jehova ay nagpapahalaga sa isang maya, lalo pa ngang higit na mahalaga ang isang tao! Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, alam ni Jehova ang bawat detalye tungkol sa atin. Aba, ang mismong mga buhok natin sa ulo ay biláng!
6. Bakit tayo nakatitiyak na kapani-paniwala ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging biláng ng buhok natin sa ulo?
6 Biláng ang ating buhok? Maaaring isipin ng ilan na hindi kapani-paniwala ang sinabing ito ni Jesus. Gayunman, isip-isipin na lamang ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. Tiyak na kilalang-kilala tayo ni Jehova upang magawa niyang lalangin tayong muli! Gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa atin anupat natatandaan niya ang bawat detalye, lakip na ang ating genetic code at lahat ng ating mga taon ng alaala at mga karanasan.a Ang pagbilang ng ating buhok—na sa karaniwang ulo ay umaabot sa mga 100,000—ay napakadali lamang kung ihahambing dito.
Ano ang Nakikita ni Jehova sa Atin?
7, 8. (a) Ano ang ilang katangian na ikinatutuwa ni Jehova na makita habang sinusuri niya ang puso ng mga tao? (b) Ano ang ilan sa mga ginagawa natin na pinahahalagahan ni Jehova?
7 Ikalawa, itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang pinahahalagahan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Sa madaling salita, natutuwa siya sa ating mabubuting katangian at sa ating mga pagsisikap. Sinabi ni Haring David sa kaniyang anak na si Solomon: “Sinusuri ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang takbo ng pag-iisip ng bawat isa.” (1 Cronica 28:9) Habang sinusuri ng Diyos ang bilyon-bilyong puso ng tao sa marahas at punô-ng-pagkapoot na daigdig na ito, tiyak na tuwang-tuwa siya kapag nakasusumpong ng pusong umiibig sa kapayapaan, katotohanan, at katuwiran! Ano kaya ang nangyayari kapag nakakakita ang Diyos ng pusong lipos ng pag-ibig sa kaniya, na naghahangad na matuto tungkol sa kaniya at maibahagi ang gayong kaalaman sa iba? Sinasabi sa atin ni Jehova na pinagtutuunan niya ng pansin yaong mga nagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya. Mayroon pa nga siyang “isang aklat ng alaala” para sa lahat ng “natatakot kay Jehova at para sa mga nagbubulay-bulay sa pangalan niya.” (Malakias 3:16) Ang gayong mga katangian ay mahalaga sa kaniya.
8 Ano ang ilang mabubuting gawa na pinahahalagahan ni Jehova? Tiyak na isa diyan ang ating mga pagsisikap na matularan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Ang isang mahalagang gawa na pinahahalagahan ng Diyos ay ang pagpapalaganap ng mabuting balita tungkol sa kaniyang Kaharian. Sa Roma 10:15, mababasa natin: “Napakaganda ng mga paa ng mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” Maaaring hindi natin karaniwang iniisip na ang ating hamak na mga paa ay “napakaganda,” o kaakit-akit. Subalit dito ay kumakatawan ang mga ito sa mga pagsisikap na ginagawa ng mga lingkod ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita. Lahat ng pagsisikap na ito ay kaakit-akit at mahalaga sa kaniyang paningin.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
9, 10. (a) Bakit tayo maaaring makatiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagtitiis sa harap ng iba’t ibang paghihirap? (b) Hindi kailanman nagpapakita si Jehova ng anong negatibong pananaw sa kaniyang tapat na mga lingkod?
9 Pinahahalagahan din ni Jehova ang ating pagtitiis. (Mateo 24:13) Tandaan, gusto ni Satanas na talikuran mo si Jehova. Kaya bawat araw na nananatili kang tapat ay panibagong araw na nakatutulong ka para may maisagot si Jehova sa mga panunuya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Hindi laging madali ang magtiis. Ang mga problema sa kalusugan, pinansiyal na kagipitan, emosyonal na kabagabagan, at iba pang balakid ay nagiging dahilan upang ang bawat araw na magdaan ay maging isang pagsubok. Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nakapagpapahina rin ng loob. (Kawikaan 13:12) Ang pagtitiis sa harap ng gayong mga hamon ay lalong mahalaga kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling ni Haring David kay Jehova na tipunin ang kaniyang mga luha sa isang “sisidlang balat,” na may pagtitiwalang idinagdag: “Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?” (Awit 56:8) Oo, pinahahalagahan at inaalaala ni Jehova ang lahat ng luha at pagdurusang tinitiis natin habang pinananatili natin ang ating katapatan sa kaniya. Ang mga ito’y mahalaga rin sa kaniyang paningin.
Pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagtitiis sa harap ng mga pagsubok
10 Ngayon, baka tutulan ng mapanghatol nating puso ang gayong katibayan ng ating halaga sa paningin ng Diyos. Baka ito’y pilit na bumubulong: ‘Ngunit napakarami pang mas karapat-dapat kaysa sa akin. Tiyak na hindi nasisiyahan si Jehova kapag ikinukumpara niya ako sa kanila!’ Si Jehova ay hindi nagkukumpara; ni siya’y matigas o mahigpit sa kaniyang pag-iisip. (Galacia 6:4) Totoong maingat niyang sinusuri ang ating puso, at pinahahalagahan niya ang mabuti—gaano man kaliit ito.
Inihihiwalay ni Jehova ang Mabuti sa Masama
11. Ano ang maaari nating matutuhan sa paraan ng paghawak ni Jehova sa kaso ni Abias?
11 Ikatlo, habang sinusuri tayo ni Jehova, maingat ang kaniyang pagsala upang hanapin ang mabuti. Halimbawa, nang ipasiya ni Jehova na patayin ang buong apostatang dinastiya ni Haring Jeroboam, iniutos Niyang bigyan ng disenteng libing ang isa sa mga anak na lalaki ng hari, si Abias. Bakit? Dahil “may nakitang mabuti si Jehova na Diyos ng Israel” sa kaniya. (1 Hari 14:1, 10-13) Sa diwa, sinala ni Jehova ang puso ng lalaking iyon at “may nakitang mabuti” roon. Gaano man kaliit o kahamak ang kaunting kabutihang iyon, nakita ni Jehova na mahalagang itala iyon sa kaniyang Salita. Ginantimpalaan pa nga niya ito, anupat nagpakita ng naaangkop na antas ng awa sa isang miyembrong iyon ng apostatang sambahayan.
12, 13. (a) Paano ipinapakita ng kaso ni Haring Jehosapat na ang hinahanap ni Jehova ay ang mabubuting bagay sa atin kahit na tayo’y nagkakasala? (b) May kinalaman sa ating mabubuting gawa at mga katangian, paano kumikilos si Jehova bilang isang mapagmahal na Magulang?
12 Isa pa ngang mas positibong halimbawa ang maaaring makita sa mabuting haring si Jehosapat. Nang makagawa ang hari ng isang hangal na pagkilos, sinabi sa kaniya ng propeta ni Jehova: “Dahil sa ginawa mo, nagalit sa iyo si Jehova.” Seryosong mensahe iyan! Subalit ang mensahe ni Jehova ay hindi natapos doon. Nagpatuloy ito: “Pero may mabubuting bagay na nakita sa iyo.” (2 Cronica 19:1-3) Kaya naman ang matuwid na galit ni Jehova ay hindi bumulag sa kaniya sa mabubuting katangian ni Jehosapat. Talaga ngang ibang-iba sa di-perpektong mga tao! Kapag tayo’y may kinasasamaan ng loob, malamang na hindi natin makita ang mabubuting bagay sa kanila. At kapag tayo’y nagkakasala, ang kabiguan, kahihiyan, at pagkakonsensiya na ating nadarama ay maaaring bumulag sa atin sa mabubuting bagay na taglay natin. Gayunman, alalahanin na kung pagsisisihan natin ang ating mga kasalanan at pagsisikapang huwag nang maulit ang mga iyon, patatawarin tayo ni Jehova.
13 Habang sinasala ka ni Jehova, inaalis niya ang gayong mga kasalanan, kung paanong inaalis ng naghahanap ng ginto ang mga walang-halagang graba. Kumusta naman ang iyong mabubuting katangian at mga gawa? Oo, ito ang “mga piraso ng ginto” na kaniyang iniingatan! Napapansin mo ba kung paano pinakaiingatan ng mapagmahal na mga magulang ang mga drowing o mga proyekto sa paaralan ng kanilang mga anak, kung minsan sa loob ng mahabang panahon anupat limót na iyon ng mga anak? Si Jehova ang pinakamapagmahal na Magulang. Habang tayo’y nananatiling tapat sa kaniya, hindi niya kinalilimutan kailanman ang ating mabubuting gawa at mga katangian. Sa katunayan, para sa kaniya, siya ay magiging di-matuwid kung kalilimutan niya ang mga iyon. (Hebreo 6:10) Sinasala rin niya tayo sa iba pang paraan.
14, 15. (a) Bakit ang pagiging di-perpekto natin ay hindi kailanman bumubulag kay Jehova sa mabubuting bagay na taglay natin? Ipaghalimbawa. (b) Ano ang gagawin ni Jehova sa mabubuting bagay na nasusumpungan niya sa atin, at paano niya itinuturing ang kaniyang tapat na bayan?
14 Higit na tinitingnan ni Jehova ang ating potensiyal kaysa sa ating pagiging di-perpekto. Bilang paghahalimbawa: Ginagawa ng mga taong mahihilig sa mga likhang sining ang lahat ng kanilang makakaya upang maibalik sa dati ang mga iginuhit na larawan o iba pang mga likha na napinsala nang husto. Halimbawa, sa National Gallery sa London, England, nang pinsalain ng isang taong may baril ang drowing ni Leonardo da Vinci na nagkakahalaga ng $30 milyon, walang nagmungkahi na yamang sira na ang drowing, dapat na itong itapon. Agad na pinasimulan ang paggawa upang ibalik sa dati ang halos 500-taóng-gulang na obra maestra. Bakit? Sapagkat mahalaga ito sa paningin ng mahihilig sa likhang sining. Hindi ba’t mas mahalaga ka pa kaysa sa drowing na ginamitan ng chalk at charcoal? Tiyak na gayon ka nga sa paningin ng Diyos—gaano man ang iyong pinsala dahil sa minanang kasalanan. (Awit 72:12-14) Gagawin ng Diyos na Jehova, ang dalubhasang Maylalang ng pamilya ng tao, ang lahat ng kailangang gawin upang maibalik sa pagiging perpekto ang lahat ng tutugon sa kaniyang maibiging pangangalaga.—Gawa 3:21; Roma 8:20-22.
15 Oo, nakikita ni Jehova ang mabubuting bagay sa atin na maaaring hindi natin nakikita sa ating sarili. At habang naglilingkod tayo sa kaniya, pasusulungin niya ang mabubuti nating katangian hanggang sa tayo’y maging perpekto. Anuman ang pakikitungo sa atin ng sanlibutan ni Satanas, itinuturing ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod bilang kayamanan.—Hagai 2:7.
Aktibong Ipinamamalas ni Jehova ang Kaniyang Pag-ibig
16. Ano ang pinakadakilang katunayan ng pag-ibig ni Jehova sa atin, at paano natin nalalaman na ang kaloob na ito ay para sa atin bilang indibidwal?
16 Ikaapat, napakalaki ng ginagawa ni Jehova upang patunayan ang kaniyang pag-ibig sa atin. Tiyak na ang haing pantubos ni Kristo ang pinakamabisang sagot sa kasinungalingan ni Satanas na tayo’y walang halaga o di-kaibig-ibig. Hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang napakasakit na kamatayang dinanas ni Jesus sa pahirapang tulos at ang mas matindi pa ngang paghihirap na tiniis ni Jehova na makitang namatay ang kaniyang minamahal na Anak ay katunayan ng kanilang pag-ibig sa atin. Nakalulungkot nga na maraming tao ang hindi makapaniwala na ang kaloob na ito ay para sa kanila bilang indibidwal. Pakiramdam nila’y wala silang halaga. Subalit, alalahanin na si apostol Pablo ay dating mang-uusig ng mga tagasunod ni Kristo. Gayunman, isinulat niya: ‘Ang Anak ng Diyos ay nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.’—Galacia 1:13; 2:20.
17. Sa pamamagitan ng ano inilalapit tayo ni Jehova sa kaniya at sa kaniyang Anak?
17 Pinatutunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa atin bilang indibidwal na samantalahin ang mga kapakinabangan ng hain ni Kristo. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Oo, si Jehova mismo ang naglalapit sa atin sa kaniyang Anak at sa pag-asang buhay na walang hanggan. Paano? Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral, na nakakarating sa atin bilang indibidwal, at sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, na ginagamit ni Jehova upang tulungan tayong maunawaan at maikapit ang espirituwal na mga katotohanan sa kabila ng ating mga limitasyon at pagiging di-perpekto. Kung gayon ay masasabi ni Jehova sa atin ang sinabi niya sa Israel: “Minahal kita, at walang hanggan ang pagmamahal ko sa iyo. Kaya inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig.”—Jeremias 31:3.
18, 19. (a) Ano ang pinakapersonal na paraan na doo’y ipinamamalas ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin, at ano ang nagpapakitang personal niyang ginagampanan ito? (b) Paano tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na si Jehova ay isang tagapakinig na may empatiya?
18 Maaaring ang pinakapersonal na paraan upang madama natin ang pag-ibig ni Jehova ay sa pamamagitan ng pribilehiyo ng panalangin. Inaanyayahan ng Bibliya ang bawat isa sa atin na ‘laging manalangin’ sa Diyos. (1 Tesalonica 5:17) Siya’y nakikinig. Tinawag pa nga siyang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ang posisyong ito ay hindi niya iniatas kaninuman, maging sa kaniyang sariling Anak. Isip-isipin na lamang: Ang Maylalang ng uniberso ay humihimok sa atin na lumapit sa kaniya sa panalangin, taglay ang kalayaan sa pagsasalita. At anong uri siya ng tagapakinig? Wala ba siyang pakialam, walang pakiramdam, walang malasakit? Hindi.
19 Si Jehova ay may empatiya. Ano ba ang empatiya? Isang tapat na Kristiyanong may-edad ang nagsabi: “Ang empatiya ay ang kirot mo sa puso ko.” Talaga nga bang apektado si Jehova ng nararamdaman nating kirot? Mababasa natin tungkol sa mga pagdurusa ng kaniyang bayang Israel: “Sa lahat ng paghihirap nila ay nahihirapan siya.” (Isaias 63:9) Hindi lamang nakikita ni Jehova ang kanilang mga problema; nadarama rin niya ang nadarama ng kaniyang bayan. Ang tindi ng kaniyang nadarama ay inilalarawan ng sariling pananalita ni Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Sinumang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.”b (Zacarias 2:8) Tiyak na napakasakit niyaon! Oo, nadarama ni Jehova ang ating nadarama. Kapag tayo’y nasasaktan, siya rin ay nasasaktan.
20. Anong di-timbang na pag-iisip ang dapat nating iwasan kung nais nating masunod ang payo sa Roma 12:3?
20 Walang timbang na Kristiyano ang gagamit sa gayong ebidensiya ng pag-ibig at pagpapahalaga ng Diyos bilang dahilan para sa pagmamapuri o egotismo. Sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip ayon sa pananampalataya na ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa inyo.” (Roma 12:3) Ganito naman ang sabi rito ng isa pang salin: “Sasabihin ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili nang higit sa kaniyang tunay na halaga, kundi magkaroon ng matinong palagay sa kaniyang sarili.” (A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams) Kaya habang nasisiyahan tayo sa init ng pag-ibig ng ating Ama sa langit, magkaroon tayo ng matinong pag-iisip at alalahanin na hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos.—Lucas 17:10.
21. Anong mga kasinungalingan ni Satanas ang dapat nating patuloy na tanggihan, at anong katotohanan sa Bibliya ang magagamit upang patuloy nating mapatibay ang ating puso?
21 Gawin sana ng bawat isa sa atin ang lahat ng ating magagawa upang matanggihan ang mga kasinungalingan ni Satanas, pati na ang kasinungalingan na tayo’y walang halaga o di-kaibig-ibig. Kung dahil sa mga naranasan mo sa buhay ay itinuturing mong napakasama mong tao anupat hindi ka kayang mahalin kahit ng Diyos, o ang iyong mabubuting gawa ay napakaliit anupat hindi mapansin maging ng kaniyang mga matang nakakakita ng lahat, o ang iyong mga kasalanan ay napakalaki anupat hindi matubos maging ng kamatayan ng kaniyang pinakamamahal na Anak, ikaw ay naturuan ng kasinungalingan. Tanggihan mo ang mga kasinungalingang iyan sa kaibuturan ng iyong puso! Patuloy nating patibayin ang ating mga puso ng katotohanang inihahayag sa pananalitang ipinasulat ni Jehova kay Pablo: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 8:38, 39.
a Paulit-ulit na iniuugnay ng Bibliya ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa alaala ni Jehova. Sinabi ng tapat na lalaking si Job kay Jehova: “O . . . magtakda ka nawa ng panahon at alalahanin mo ako!” (Job 14:13) Tinukoy ni Jesus ang pagkabuhay-muli ng “lahat ng nasa mga libingan [o, “alaalang libingan,” talababa].” Angkop lamang ito sapagkat ganap na naaalaala ni Jehova ang mga patay na nais niyang buhaying muli.—Juan 5:28, 29.
b Ipinahihiwatig dito ng ilang tagapagsalin na ang humihipo sa bayan ng Diyos ay humihipo sa kaniyang sariling mata o sa mata ng Israel, at hindi sa mata ng Diyos. Ang pagkakamaling ito ay ipinasok ng ilang tagakopya na may pananaw na ang talatang ito ay walang galang kung kaya iwinasto ito. Ang kanilang maling pagsisikap ay nagpalabo sa sidhi ng personal na empatiya ni Jehova.
-
-
“Matinding Habag ng Ating Diyos”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 25
“Matinding Habag ng Ating Diyos”
1, 2. (a) Paano likas na tumutugon ang isang ina sa pag-iyak ng kaniyang sanggol? (b) Anong damdamin ang makapupong higit na masidhi kaysa sa pagkamahabagin ng isang ina?
ISANG hatinggabi, may isang sanggol na umiyak. Agad na nagising ang ina. Hindi na mahimbing ang tulog niya ngayon na gaya ng dati—hindi na nga, mula nang isilang ang kaniyang sanggol. Natutuhan na niyang kilalanin ang iba’t ibang uri ng pag-iyak ng kaniyang anak. Kaya naman, alam na niya kung ang kaniyang anak ay gutóm, nagpapakalong, o kaya naman ay nagpapapansin lamang. Subalit anuman ang dahilan ng pag-iyak ng sanggol, naririyan agad ang ina. Hindi niya maatim na di-pansinin ang mga pangangailangan ng kaniyang anak.
2 Ang habag na nadarama ng isang ina para sa kaniyang anak na nagmula sa kaniyang sinapupunan ay isa sa pinakamagigiliw na damdaming nadarama ng mga tao. Gayunman, may isang damdamin na makapupong higit na masidhi—ang matinding habag ng ating Diyos, si Jehova. Ang pagsasaalang-alang sa mapagmahal na katangiang ito ay makatutulong sa atin upang higit na mapalapít kay Jehova. Kung gayon, pag-usapan natin kung ano ang pagkamahabagin at kung paano ito ipinamamalas ng ating Diyos.
Ano Ba ang Habag?
3. Ano ang ipinahihiwatig ng isang pandiwang Hebreo na ginagamit para sa matinding habag?
3 Sa Bibliya, ipinahihiwatig ng ilang salita sa Hebreo at Griego ang diwa ng matinding habag, gaya ng pandiwang Hebreo na ra·chamʹ. Ipinaliliwanag ng isang reperensiyang akda na ang pandiwang ra·chamʹ “ay nagpapahiwatig ng isang masidhi at magiliw na damdamin ng pagkamahabagin, gaya ng nadarama natin kapag nakikita ang panghihina o pagdurusa ng ating mga minamahal o ng mga nangangailangan ng ating tulong.” Ang Hebreong terminong ito na ikinakapit ni Jehova sa kaniyang sarili ay may kaugnayan sa salitang “sinapupunan” at mailalarawan bilang “makainang pagkamahabagin.”a—Exodo 33:19; Jeremias 33:26.
“Malilimutan ba ng ina ang . . . anak na isinilang niya?”
4, 5. Paano ginagamit sa Bibliya ang damdamin ng isang ina para sa kaniyang sanggol upang ituro sa atin ang tungkol sa pagkamahabagin ni Jehova?
4 Ginagamit sa Bibliya ang damdaming taglay ng isang ina sa kaniyang sanggol upang ituro sa atin ang kahulugan ng pagkamahabagin ni Jehova. Sa Isaias 49:15, mababasa natin: “Malilimutan ba ng ina ang kaniyang pasusuhing anak, o hindi ba siya maaawa [ra·chamʹ] sa anak na isinilang niya? Kahit pa makalimot ang isang ina, hinding-hindi ko kayo malilimutan.” Ang nakaaantig na paglalarawang iyan ay nagdiriin ng sidhi ng pagkahabag ni Jehova sa kaniyang bayan. Paano?
5 Mahirap isipin na malilimutang pasusuhin at alagaan ng isang ina ang kaniyang anak. Ang isang sanggol ay walang magagawa sa kaniyang sarili; gabi’t araw, ang isang sanggol ay nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal ng kaniyang ina. Gayunman, nakalulungkot sabihin na may nababalitaan tayo tungkol sa pagpapabaya ng ina, lalo na sa “mapanganib” na mga panahong ito na kakikitaan ng kawalan ng “likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) Pero ipinahayag ni Jehova: “Hinding-hindi ko kayo malilimutan.” Ang matinding habag na taglay ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod ay walang pagmamaliw. Ito’y mas masidhi pa kaysa sa pinakamagiliw na likas na damdamin na maiisip natin—ang pagkahabag na karaniwang nadarama ng isang ina sa kaniyang anak. Hindi nga kataka-taka na isang komentarista ang nagsabi tungkol sa Isaias 49:15: “Ito ang isa sa pinakamasisidhi, kung hindi man pinakamasidhing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na nasa Matandang Tipan.”
6. Ano ang pananaw ng maraming di-perpektong tao tungkol sa matinding habag, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?
6 Ang matinding habag ba ay tanda ng kahinaan? Maraming di-perpektong tao ang may gayong pananaw. Halimbawa, itinuro ng pilosopong Romano na si Seneca, na kapanahon ni Jesus at nangunguna bilang marunong na tao sa Roma, na “ang pagkahabag ay isang kahinaan sa isipan.” Si Seneca ay tagapagtaguyod ng Stoisismo, isang pilosopiya na nagtatampok ng isang kahinahunan na walang anumang damdamin. Maaaring tulungan ng isang marunong na tao ang mga nababagabag, sabi ni Seneca, subalit hindi siya dapat maawa, sapagkat ang gayong damdamin ay mag-aalis ng kaniyang mahinahong kalagayan. Ang gayong makasariling pananaw sa buhay ay nag-aalis ng taimtim na pagkahabag. Subalit hinding-hindi ganiyan si Jehova! Sa kaniyang Salita, tinitiyak sa atin ni Jehova na siya ay “napakamapagmalasakit at maawain.” (Santiago 5:11, talababa) Gaya ng makikita natin, ang pagkamahabagin ay hindi kahinaan kundi isang malakas at mahalagang katangian. Suriin natin kung paanong si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, ay nagpapamalas nito.
Nang Magpakita si Jehova ng Pagkamahabagin sa Isang Bansa
7, 8. Sa anong paraan nagdusa ang mga Israelita sa sinaunang Ehipto, at paano tumugon si Jehova sa kanilang pagdurusa?
7 Kitang-kita ang pagkamahabagin ni Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa bansang Israel. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo B.C.E., milyon-milyong Israelita ang inalipin sa sinaunang Ehipto na doo’y buong kalupitan silang pinahirapan. Patuloy na “pinahirapan [ng mga Ehipsiyo] ang mga ito; pinagagawa nila ang mga ito ng luwad na argamasa at mga laryo at ng iba’t ibang mabibigat na trabaho.” (Exodo 1:11, 14) Dahil sa kanilang kagipitan, ang mga Israelita ay nagmakaawang tulungan sila ni Jehova. Paano tumugon ang Diyos ng matinding habag?
8 Parang kinurot ang puso ni Jehova. Sabi niya: “Nakita ko ang paghihirap ng bayan ko na nasa Ehipto, at narinig ko ang pagdaing nila dahil sa mga nagpapatrabaho sa kanila nang puwersahan; alam na alam ko ang hirap na dinaranas nila.” (Exodo 3:7) Hindi maaaring makita ni Jehova ang mga pagdurusa ng kaniyang bayan o marinig ang kanilang mga pagdaing nang hindi siya maaawa sa kanila. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 24 ng aklat na ito, si Jehova ay Diyos ng empatiya. At ang empatiya—ang kakayahang madama ang kirot na nadarama ng iba—ay may malapit na kaugnayan sa pagkamahabagin. Subalit hindi lamang nadama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang bayan; siya’y naudyukang kumilos alang-alang sa kanila. Ang Isaias 63:9 ay nagsasabi: “Dahil sa pag-ibig at habag niya ay tinubos niya sila.” Sa pamamagitan ng “makapangyarihang kamay” ni Jehova, iniligtas niya ang mga Israelita mula sa Ehipto. (Deuteronomio 4:34) Pagkatapos, makahimala niya silang pinaglaanan ng pagkain at inihatid sila sa kanilang sariling mabungang lupain.
9, 10. (a) Bakit paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita noong nakatira na sila sa Lupang Pangako? (b) Noong kapanahunan ni Jepte, iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa anong pang-aapi, at ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin ito?
9 Hindi natapos diyan ang pagkamahabagin ni Jehova. Nang ang Israel ay nakatira na sa Lupang Pangako, sila ay paulit-ulit na nagtaksil at nagdusa dahil dito. Subalit pagkaraan, ang bayan ay natatauhan naman at tumatawag kay Jehova. Paulit-ulit niya silang iniligtas. Bakit? “Dahil naawa siya sa kaniyang bayan.”—2 Cronica 36:15; Hukom 2:11-16.
10 Isaalang-alang ang nangyari noong kapanahunan ni Jepte. Yamang ang mga Israelita ay bumaling sa paglilingkod sa huwad na mga diyos, pinabayaan ni Jehova na sila’y apihin ng mga Amorita sa loob ng 18 taon. Sa wakas, nagsisi ang mga Israelita. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Inalis nila ang mga diyos ng mga banyaga at naglingkod sila kay Jehova, kaya hindi na niya natiis ang pagdurusa ng Israel.”b (Hukom 10:6-16) Nang magpakita ng tunay na pagsisisi ang kaniyang bayan, hindi na makayanan ni Jehova na makita silang nagdurusa. Kaya naman ang Diyos ng matinding habag ay nagbigay ng kapangyarihan kay Jepte upang iligtas ang mga Israelita mula sa kamay ng kanilang mga kaaway.—Hukom 11:30-33.
11. Mula sa pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkamahabagin?
11 Ano ang itinuturo sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel tungkol sa kaniyang matinding habag? Una sa lahat, nakita natin na hindi lamang ito basta pagkadama ng habag sa mga kapighatiang dinaranas ng mga tao. Alalahanin ang halimbawa ng isang ina na naudyukan ng pagkahabag upang tumugon sa pag-iyak ng kaniyang anak. Sa katulad na paraan, si Jehova ay hindi bingi sa mga pagsusumamo ng kaniyang bayan. Ang kaniyang matinding habag ay nag-uudyok sa kaniya upang ibsan ang kanilang pagdurusa. Karagdagan pa, ang paraan ni Jehova ng pakikitungo sa mga Israelita ay nagtuturo sa atin na ang pagkamahabagin ay hindi kailanman isang kahinaan, yamang ang magiliw na katangiang ito ang nag-udyok sa kaniya upang gumawa ng matatag at dagliang pagkilos alang-alang sa kaniyang bayan. Subalit nagpapakita ba si Jehova ng pagkamahabagin sa kaniyang mga lingkod bilang isang grupo lamang?
Ang Pagkamahabagin ni Jehova sa mga Indibidwal
12. Paano namamalas sa Kautusan ang pagkamahabagin ni Jehova sa mga indibidwal?
12 Ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel ay nagpakita ng kaniyang pagkamahabagin sa mga indibidwal. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang pagmamalasakit sa mahihirap. Batid ni Jehova na maaaring bumangon ang di-inaasahang pangyayari na maaaring magsadlak sa isang Israelita tungo sa kahirapan. Paano dapat pakitunguhan ang mahihirap? Mahigpit na inutusan ni Jehova ang mga Israelita: “Huwag mong patigasin ang puso mo o pagdamutan ang naghirap mong kapatid. Dapat kang maging bukas-palad sa kaniya, at huwag kang magbibigay nang hindi bukal sa puso; ito ang dahilan kung bakit pagpapalain ni Jehova na iyong Diyos ang lahat ng ginagawa at pagsisikap mo.” (Deuteronomio 15:7, 10) Iniutos pa nga ni Jehova sa mga Israelita na huwag gagapasin ang lahat ng nasa gilid ng kanilang mga bukid o pupulutin ang mga natira. Ang mga iyon ay para sa mahihirap. (Levitico 23:22; Ruth 2:2-7) Kung susunod ang bansa sa makonsiderasyong batas na ito alang-alang sa mahihirap na nasa gitna nila, ang gipit na mga indibidwal sa Israel ay hindi na kailangan pang mamalimos ng pagkain. Hindi ba’t namamalas diyan ang matinding habag ni Jehova?
13, 14. (a) Paano tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na si Jehova ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibidwal? (b) Paano maipaghahalimbawa na si Jehova ay malapit sa mga “nasasaktan” o “nasisiraan ng loob”?
13 Gayundin sa ngayon, ang ating maibiging Diyos ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibidwal. Makatitiyak tayong alam na alam niya ang anumang pagdurusang maaaring dinaranas natin. Ang salmistang si David ay sumulat: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa paghingi nila ng tulong. Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.” (Awit 34:15, 18) Hinggil doon sa mga inilalarawan ng mga salitang ito, isang komentarista sa Bibliya ang nagsabi: “Sila ay may wasak na puso at napipighating espiritu, samakatuwid nga, nagpakahamak dahil sa kasalanan, at walang respeto sa sarili; mababa ang tingin nila sa kanilang sarili, at walang tiwala sa sarili nilang halaga.” Maaaring madama ng gayong mga tao na si Jehova ay napakalayo at na sila’y walang kahala-halaga upang pagmalasakitan niya. Subalit hindi totoo iyan. Tinitiyak sa atin ng mga salita ni David na hindi pinababayaan ni Jehova yaong “mababa ang tingin sa kanilang sarili.” Alam ng ating mahabaging Diyos na sa gayong mga pagkakataon ay kailangang-kailangan natin siya, at siya’y malapit naman.
14 Isaalang-alang ang isang karanasan. Sa Estados Unidos, isinugod ng isang ina ang kaniyang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki sa ospital dahil sa grabeng ubo. Matapos suriin ang bata, sinabi ng mga doktor sa ina na kailangan muna itong manatili sa ospital sa buong magdamag. Saan natulog ang ina? Sa isang silya sa kuwarto ng ospital, sa tabi ng kama ng kaniyang anak! Ang kaniyang anak ay may sakit, at kailangang nasa tabi niya siya. Tiyak na mas higit pa riyan ang maaasahan natin sa ating maibiging Ama sa langit! Tutal, tayo’y ginawa ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26) Ang nakaaantig na mga salita sa Awit 34:18 ay nagsasabi sa atin na kapag “nasasaktan” tayo o “nasisiraan ng loob,” si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, “ay malapit”—palaging nahahabag at handang tumulong.
15. Sa anong mga paraan tinutulungan tayo ni Jehova bilang mga indibidwal?
15 Kung gayon, paano tayo tinutulungan ni Jehova bilang mga indibidwal? Hindi niya laging kailangang alisin ang dahilan ng ating pagdurusa. Subalit si Jehova ay saganang naglalaan sa mga humihingi ng tulong sa kaniya. Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay nagbibigay ng praktikal na payo na may malaking maitutulong. Sa kongregasyon, si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwang kuwalipikado sa espirituwal, na nagsisikap magpamalas ng kaniyang pagkamahabagin sa pagtulong sa mga kapuwa mananamba. (Santiago 5:14, 15) Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” nagbibigay siya ng “banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Awit 65:2; Lucas 11:13) Magagawa ng espiritung iyan na mapuspos tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makapagtiis hanggang sa alisin na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng maiigting na suliranin. (2 Corinto 4:7) Hindi ba natin ipagpapasalamat ang lahat ng paglalaang ito? Huwag nating kalilimutan na ang mga ito’y kapahayagan ng matinding habag ni Jehova.
16. Ano ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova, at paano ito nakaaapekto sa atin bilang mga indibidwal?
16 Mangyari pa, ang pinakadakilang halimbawa ng pagkamahabagin ni Jehova ay nang ibigay niya ang Isa na pinakamamahal niya bilang pantubos para sa atin. Iyon ay isang maibiging sakripisyo ni Jehova, at nagbukas ito ng daan para sa ating kaligtasan. Alalahanin, ang paglalaang iyan ng pantubos ay kapit sa atin bilang mga indibidwal. Angkop lamang na ihula ni Zacarias, ama ni Juan na Tagapagbautismo, na ang paglalaang ito ay nagtanghal ng “matinding habag ng ating Diyos.”—Lucas 1:78.
Nang Pigilin ni Jehova ang Pagkahabag
17-19. (a) Paano ipinapakita sa Bibliya na ang pagkamahabagin ni Jehova ay may limitasyon? (b) Ano ang naging dahilan kung kaya nasagad ang limitasyon ng pagkamahabagin ni Jehova sa kaniyang bayan?
17 Iisipin ba natin na ang matinding habag ni Jehova ay walang limitasyon? Sa kabaligtaran, maliwanag na ipinapakita sa Bibliya na sa kaso ng mga indibidwal na sumasalansang sa matuwid na mga daan ni Jehova, angkop lamang na pigilin ni Jehova ang pagkahabag. (Hebreo 10:28) Upang maunawaan kung bakit niya ginagawa ito, alalahanin ang halimbawa ng bansang Israel.
18 Bagaman paulit-ulit na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa kanilang mga kaaway, sumagad na rin ang kaniyang pagkamahabagin. Ang sutil na bayang ito ay nagsagawa ng idolatriya, anupat dinala pa nga ang kanilang kasuklam-suklam na mga idolo sa mismong templo ni Jehova! (Ezekiel 5:11; 8:17, 18) Sinabi pa sa atin: “Palagi nilang iniinsulto ang mga mensahero ng tunay na Diyos, at hinamak nila ang mga salita niya at ang mga propeta niya, hanggang sa magliyab ang galit ni Jehova sa bayan niya, hanggang sa wala na silang pag-asang gumaling.” (2 Cronica 36:16) Umabot na ang mga Israelita sa punto na wala nang wastong dahilan upang sila’y kahabagan pa, at pinukaw nila ang matuwid na galit ni Jehova. Ang resulta?
19 Hindi na makadama si Jehova ng habag sa kaniyang bayan. Inihayag niya: “Hindi ako mahahabag o malulungkot o maaawa sa kanila; walang makapipigil sa akin sa pagpuksa sa kanila.” (Jeremias 13:14) Sa gayon, ang Jerusalem at ang templo nito ay nawasak, at ang mga Israelita ay dinalang bihag sa Babilonya. Kalunos-lunos nga kapag ang makasalanang mga tao ay nagiging lubhang mapaghimagsik anupat nasasagad na nila ang limitasyon ng pagkamahabagin ng Diyos!—Panaghoy 2:21.
20, 21. (a) Ano ang mangyayari kapag ang pagkamahabagin ng Diyos ay nasagad na sa ating kapanahunan? (b) Anong mahabaging paglalaan ni Jehova ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
20 Kumusta naman sa ngayon? Hindi pa rin nagbabago si Jehova. Dahil sa habag, inatasan niya ang kaniyang mga Saksi na ipangaral ang ‘mabuting balitang tungkol sa Kaharian’ sa buong lupa. (Mateo 24:14) Kapag tumutugon ang matuwid-pusong mga tao, tinutulungan sila ni Jehova na maunawaan ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 16:14) Subalit ang gawaing ito ay hindi magpapatuloy magpakailanman. Hindi nga isang pagkamahabagin para kay Jehova na hayaang magpatuloy nang walang hanggan ang masamang sanlibutang ito, pati na ang lahat ng kahapisan at pagdurusa nito. Kapag nasagad na ang pagkamahabagin ng Diyos, lalapatan ni Jehova ng hatol ang sistemang ito. Kahit sa panahong iyon, siya’y kikilos taglay ang pagkahabag—pagkahabag sa kaniyang “banal na pangalan” at sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Ezekiel 36:20-23) Aalisin ni Jehova ang kasamaan at pangyayarihin niya ang isang matuwid na bagong sanlibutan. Tungkol sa masasama, nagpahayag si Jehova: “Hindi ako maaawa; hindi rin ako mahahabag. Ibabalik ko sa kanila ang bunga ng landasin nila.”—Ezekiel 9:10.
21 Hangga’t wala pa iyon, si Jehova ay patuloy na nakadarama ng habag sa mga tao, maging sa mga napapaharap sa pagkapuksa. Ang makasalanang mga tao na tapat na nagsisisi ay maaaring makinabang mula sa isa sa pinakamahabaging mga paglalaan ni Jehova—ang pagpapatawad. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang ilan sa magagandang ilustrasyon sa Bibliya na nagpapahiwatig ng pagiging ganap ng pagpapatawad ni Jehova.
a Gayunman, kapansin-pansin na sa Awit 103:13, ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ ay nagpapahiwatig ng awa, o habag, na ipinapakita ng isang ama sa kaniyang mga anak.
b Ang pananalitang “hindi na niya natiis” ay puwede ring mangahulugang nainip na siya o naubos na ang pasensiya niya. Ang The New English Bible ay kababasahan: “Hindi na niya mabata na makita ang kaawa-awang kalagayan ng Israel.” Ganito naman ang salin ng Tanakh—A New Translation of the Holy Scriptures: “Hindi niya matiis ang mga paghihirap ng Israel.”
-
-
Isang Diyos na “Handang Magpatawad”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 26
Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
1-3. (a) Anong mabigat na pasanin ang dala ng salmistang si David, at paano siya nakasumpong ng kaaliwan para sa kaniyang nababagabag na puso? (b) Kapag tayo’y nagkakasala, anong pasanin ang maaaring dala natin, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?
“LAMPAS-ULO na ang mga pagkakamali ko,” isinulat ng salmistang si David. “Gaya ng mabigat na pasan, hindi ko na kayang dalhin ang mga ito. Namanhid ako at lubos na nadurog.” (Awit 38:4, 8) Batid ni David kung gaano kabigat ang pasaning dinadala ng isang inuusig ng konsensiya. Subalit nakasumpong siya ng kaaliwan para sa kaniyang nababagabag na puso. Naunawaan niya na bagaman napopoot si Jehova sa kasalanan, hindi Siya napopoot sa nagkasala kung talagang pinagsisisihan at itinatakwil ng isang iyon ang kaniyang makasalanang landasin. Taglay ang ganap na pagtitiwala sa pagiging handa ni Jehova na lawitan ng awa ang mga nagsisisi, sinabi ni David: “Ikaw, O Jehova, ay . . . handang magpatawad.”—Awit 86:5.
2 Kapag tayo’y nagkakasala, tayo rin ay maaaring makaranas ng napakabigat na pasanin ng isang nasaktang konsensiya. Ang ganitong marubdob na pagsisisi ay may dulot na kabutihan. Mauudyukan tayo nito na gumawa ng positibong hakbang upang ituwid ang ating mga pagkakamali. Gayunman, mapanganib din kung sobra na ang panunumbat ng ating konsensiya. Baka igiit ng ating umuusig na puso na hindi na tayo mapatatawad ni Jehova, gaano mang pagsisisi ang gawin natin. Kapag tayo’y ‘nadaig ng sobrang kalungkutan,’ baka maudyukan tayo ni Satanas na sumuko na at isiping tayo’y walang halaga kay Jehova, anupat hindi na karapat-dapat maglingkod sa kaniya.—2 Corinto 2:5-11.
3 Ganiyan nga ba ang tingin ni Jehova sa mga bagay-bagay? Hindi! Ang pagpapatawad ay isang pitak ng dakilang pag-ibig ni Jehova. Sa kaniyang Salita, tinitiyak niya sa atin na kapag tayo’y nagpapamalas ng tunay at taimtim na pagsisisi, handa siyang magpatawad. (Kawikaan 28:13) Upang maiwasan ang pag-aakalang hindi na natin kailanman makakamit ang kapatawaran ni Jehova, suriin natin kung bakit at kung paano siya nagpapatawad.
Kung Bakit si Jehova ay “Handang Magpatawad”
4. Ano ang inaalaala ni Jehova tungkol sa ating kayarian, at paano ito nakaaapekto sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa atin?
4 Batid ni Jehova ang ating mga limitasyon. “Alam na alam niya ang pagkakagawa sa atin; inaalaala niyang tayo ay alabok,” ang sabi sa Awit 103:14. Hindi niya kinalilimutang tayo’y nilalang mula sa alabok, na marupok, o mahina, dahil sa pagiging di-perpekto. Ang pananalitang nalalaman niya ang “pagkakagawa sa atin” ay nagpapaalaala sa atin na itinutulad ng Bibliya si Jehova sa isang magpapalayok at tayo naman ay sa mga sisidlang luwad na kaniyang hinuhubog. (Jeremias 18:2-6) Ibinabagay ng Dakilang Magpapalayok ang kaniyang pakikitungo sa atin batay sa ating likas na pagiging marupok bilang makasalanan at sa paraan ng ating pagtugon o di-pagtugon sa kaniyang patnubay.
5. Paano inilalarawan ng aklat ng Roma ang makapangyarihang pagkakahawak ng kasalanan?
5 Nauunawaan ni Jehova kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng kasalanan. Ang kasalanan ay inilalarawan ng kaniyang Salita bilang isang makapangyarihang puwersa na ang pagkakahawak sa mga tao ay napakahigpit at nakamamatay. Gaano nga ba kahigpit ang pagkakahawak ng kasalanan? Sa aklat ng Roma, ipinaliwanag ni apostol Pablo: Tayo ay “nasa ilalim ng kasalanan,” kung paanong ang mga sundalo ay nasa ilalim ng kanilang kumandante (Roma 3:9); ang kasalanan ay ‘naghahari’ sa sangkatauhan (Roma 5:21); ito’y ‘nasa atin’ (Roma 7:17, 20); ang “kautusan” nito ay patuloy na umuugit sa atin, anupat sa diwa ay nagsisikap na kumontrol sa ating landasin. (Roma 7:23, 25) Talagang napakahigpit ng pagkakahawak ng kasalanan sa ating makasalanang laman!—Roma 7:21, 24.
6, 7. (a) Paano itinuturing ni Jehova ang mga humihiling ng kaniyang awa taglay ang nagsisising puso? (b) Bakit hindi natin dapat pagsamantalahan ang awa ni Jehova?
6 Kaya naman alam ni Jehova na ang ganap na pagsunod ay imposible para sa atin, gaano man kataimtim ang ating paghahangad na maidulot ito sa kaniya. Maibigin niyang tinitiyak sa atin na kapag humiling tayo ng kaniyang awa taglay ang nagsisising puso, ilalawit niya ang kapatawaran. Ang Awit 51:17 ay nagsasabi: “Ang handog na nakalulugod sa Diyos ay isang bagbag na puso; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo itatakwil.” Hindi kailanman tatanggihan o tatalikuran ni Jehova ang isang pusong “wasak at durog” dahil sa bigat ng panunumbat ng konsensiya.
7 Kung gayon, nangangahulugan bang maaari na nating pagsamantalahan ang awa ng Diyos, anupat ginagawang dahilan ng pagkakasala ang ating likas na pagiging makasalanan? Hinding-hindi! Si Jehova ay hindi nadadala ng basta emosyon lamang. May hangganan din ang kaniyang awa. Hinding-hindi niya patatawarin yaong matitigas ang puso na sinasadyang mamihasa sa kasalanan at hindi kinakikitaan ng pagsisisi. (Hebreo 10:26) Sa kabilang dako, kapag nakakakita siya ng pusong nagsisisi, handa siyang magpatawad. Isaalang-alang natin ngayon ang ilan sa madamdaming salita na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang kahanga-hangang pitak na ito ng pag-ibig ni Jehova.
Gaano Kalubos ang Pagpapatawad ni Jehova?
8. Sa diwa, ano ang ginagawa ni Jehova kapag pinatatawad niya ang ating mga kasalanan, at anong pagtitiwala ang ibinibigay nito sa atin?
8 Ang nagsisising si David ay nagsabi: “Sa wakas ay ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. . . . At pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.” (Awit 32:5) Ang terminong “pinatawad” ang siyang pagkasalin sa isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “buhatin” o “dalhin.” Ang pagkagamit dito ay nangangahulugang alisin ang “panunumbat ng konsensiya, kasalanan, pagsalansang.” Kaya sa diwa, binuhat ni Jehova ang mga kasalanan ni David at inilayo ang mga ito. Walang pagsalang naibsan nito ang panunumbat ng konsensiya na nagpapahirap kay David. (Awit 32:3) Tayo man ay lubos na makapagtitiwala sa isang Diyos na naglalayo ng mga kasalanan niyaong mga humihiling ng kaniyang kapatawaran salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.—Mateo 20:28.
9. Hanggang saan inilalayo ni Jehova mula sa atin ang ating mga kasalanan?
9 Si David ay gumamit ng isa pang matingkad na halimbawa upang ilarawan ang pagpapatawad ni Jehova: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon niya inilalayo sa atin ang mga kasalanan natin.” (Awit 103:12) Sumisikat ang araw sa silangan at lumulubog naman ito sa kanluran. Gaano ba kalayo ang silangan mula sa kanluran? Sa diwa, ang silangan ay palaging nasa pinakamalayong distansiya na maaaring isipin mula sa kanluran; ang dalawang dulong ito ay hindi kailanman magkakatagpo. Sinasabi ng isang iskolar na ang pananalitang ito ay nangangahulugang “sa pinakamalayo hangga’t maaari; sa pinakamalayong maiisip natin.” Ipinasulat ni Jehova kay David ang mga salitang ito para ipaalám sa atin na kapag nagpapatawad si Jehova, inilalayo niya sa atin ang ating mga kasalanan sa pinakamalayong maiisip natin.
“Ang mga kasalanan ninyo ay . . . mapapuputi . . . na gaya ng niyebe”
10. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, bakit hindi natin dapat isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nananatiling taglay natin habambuhay?
10 Nasubukan mo na bang mag-alis ng mantsa sa isang puting damit? Marahil sa kabila ng lahat ng iyong pagsisikap, halata pa rin ang mantsa nito. Pansinin kung paano inilalarawan ni Jehova kung gaano kalawak ang kaniyang pagpapatawad: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe; kahit na simpula ang mga ito ng telang krimson, magiging simputi ng lana ang mga ito.” (Isaias 1:18) Ang salitang “iskarlata” ay nagpapahiwatig ng isang matingkad na kulay pula.a Ang krimson ay isa ring kulay na pulang-pula na madalas na ginagamit na pangkulay ng damit. (Nahum 2:3) Hindi natin kailanman maaalis ang mantsa ng kasalanan sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap. Subalit kayang alisin ni Jehova ang mga kasalanan na gaya ng iskarlata at krimson at paputiin ang mga ito na gaya ng niyebe o di-tininaang lana. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi natin kailangang isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nananatiling taglay natin habambuhay.
11. Sa anong diwa itinatapon ni Jehova ang ating mga kasalanan sa kaniyang likuran?
11 Sa nakaaantig na awit ng pasasalamat na nilikha ni Hezekias matapos na siya’y iligtas sa isang nakamamatay na sakit, sinabi niya kay Jehova: “Itinapon mo sa likuran mo ang lahat ng kasalanan ko.” (Isaias 38:17) Dito ay inilalarawan si Jehova na kinukuha niya ang mga kasalanan ng isang nagsisising nagkasala at itinatapon sa Kaniyang likuran kung saan ang mga ito ay hindi na Niya makikita ni mapapansin man. Ayon sa isang reperensiya, ang ideyang ipinahihiwatig ay maipahahayag nang ganito: “Napangyari mo [ang aking mga kasalanan] na para bang hindi ko ginawa ang mga ito.” Hindi ba’t nakapagpapalakas iyan ng loob?
12. Paano ipinapakita ng propetang si Mikas na kapag si Jehova ay nagpapatawad, permanente Niyang inaalis ang ating mga kasalanan?
12 Ipinahayag ng propetang si Mikas ang kaniyang pananalig na patatawarin ni Jehova ang kaniyang nagsisising bayan: “Sino ang Diyos na tulad mo, [na] nagpapalampas ng kasalanan ng nalabi sa kaniyang mana? . . . Ihahagis mo sa kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang kasalanan.” (Mikas 7:18, 19) Isip-isipin na lamang ang kahulugan ng mga salitang iyon sa mga nabubuhay noong panahon ng Bibliya. May pag-asa pa bang makuhang muli ang isang bagay na naihagis na “sa kalaliman ng dagat”? Kung gayon, ipinapakita ng mga salita ni Mikas na kapag si Jehova ay nagpapatawad, permanente niyang inaalis ang ating mga kasalanan.
13. Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus na “patawarin mo kami sa mga kasalanan namin”?
13 Ginamit ni Jesus ang kaugnayan ng nagpapautang at ng umuutang upang ilarawan ang pagpapatawad ni Jehova. Hinimok tayo ni Jesus na manalangin: “Patawarin mo kami sa mga kasalanan [o, “utang”] namin.” (Mateo 6:12; talababa) Kung gayon, itinulad ni Jesus ang kasalanan sa utang. (Lucas 11:4, talababa) Kapag tayo’y nagkakasala, “nagkakautang” tayo kay Jehova. Ayon sa isang reperensiyang akda, ang pandiwang Griego na isinaling “patawarin” ay nangangahulugang “kalimutan o hayaan ang pagkakautang at huwag na itong singilin.” Sa diwa, kapag si Jehova ay nagpapatawad, hindi na niya pinababayaran ang utang natin. Kaya naman nakaaaliw ito sa mga nagsisising nagkasala. Hindi na kailanman sisingilin ni Jehova ang pautang na kinansela na niya!—Awit 32:1, 2.
14. Ang pandiwang Griego na ginamit sa Gawa 3:19 ay nagpapasok ng anong ideya sa ating isip?
14 Sinasabi sa Gawa 3:19: “Magsisi kayo at manumbalik para mapatawad ang inyong mga kasalanan.” Ang salitang iyan na “mapatawad” ang siyang pagkasalin sa pandiwang Griego na maaaring mangahulugang “burahin, . . . kanselahin o wasakin.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinapakita dito ay gaya ng sa pagbubura ng sulat-kamay. Paano ito naging posible? Ang tintang karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon ay gawa sa pinaghalong karbon, kola, at tubig. Di-nagtatagal pagkatapos sumulat na gamit ang gayong tinta, ang isang tao ay maaaring kumuha ng isang basang espongha at burahin ang sulat. Nakikita riyan ang isang magandang larawan ng awa ni Jehova. Kapag nagpapatawad siya ng ating mga kasalanan, para bang kumukuha siya ng isang espongha at binubura niya ang mga ito.
15. Ano ang nais ipaalám ni Jehova sa atin tungkol sa kaniya?
15 Kapag binubulay-bulay natin ang iba’t ibang ilustrasyong ito, hindi ba’t maliwanag na nais ipaalám sa atin ni Jehova na talagang handa siyang magpatawad sa ating mga kasalanan hangga’t nakikita niyang tayo’y taimtim na nagsisisi? Hindi tayo kailangang matakot na sisingilin niya sa atin sa hinaharap ang gayong mga kasalanan. Ipinapakita ito ng isa pang bagay na isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa dakilang awa ni Jehova: Kapag siya’y nagpapatawad, siya’y lumilimot.
Nais ni Jehova na ipaalám sa atin na siya’y “handang magpatawad”
“Hindi Ko Na Aalalahanin ang Kasalanan Nila”
16, 17. Kapag sinasabi sa Bibliya na kinalilimutan ni Jehova ang ating mga kasalanan, ano ang ibig sabihin nito, at bakit iyan ang sagot mo?
16 Nangako si Jehova hinggil sa mga kabilang sa bagong tipan: “Patatawarin ko ang pagkakamali nila, at hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.” (Jeremias 31:34) Nangangahulugan ba ito na kapag si Jehova ay nagpatawad ay hindi na niya maaalaala pa ang mga kasalanan? Hindi maaaring magkagayon. Binabanggit sa atin ng Bibliya ang mga kasalanan ng maraming indibidwal na pinatawad ni Jehova, pati na si David. (2 Samuel 11:1-17; 12:13) Maliwanag na nalalaman pa rin ni Jehova ang mga kamaliang nagawa nila. Ang rekord ng kanilang mga kasalanan, gayundin ang kanilang pagsisisi at pagpapatawad ng Diyos, ay iningatan para sa ating kapakinabangan. (Roma 15:4) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang sabihin nito na hindi na “aalalahanin” ni Jehova ang mga kasalanan niyaong pinatawad na niya?
17 Ang pandiwang Hebreo na isinaling “hindi ko na aalalahanin” ay nagpapahiwatig ng higit pa sa basta paggunita lamang ng nakaraan. Sinasabi ng Theological Wordbook of the Old Testament na kalakip dito “ang karagdagang pahiwatig ng paggawa ng angkop na aksiyon.” Kaya sa diwang ito, ang “aalalahanin” ang kasalanan ay nangangahulugang gagawa ng aksiyon laban sa mga nagkasala. (Oseas 9:9) Ngunit kapag sinabi ng Diyos na “hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila,” tinitiyak niya sa atin na kapag napatawad na niya ang mga nagsisising nagkasala, hindi na niya sila aaksiyunan sa hinaharap dahil sa gayong mga kasalanan. (Ezekiel 18:21, 22) Sa gayon, si Jehova ay lumilimot sa diwa na hindi na niya muli’t muling uungkatin ang ating mga kasalanan upang akusahan o parusahan tayo nang paulit-ulit. Hindi ba’t talagang nakaaaliw malaman na ang ating Diyos ay nagpapatawad at lumilimot?
Kumusta Naman ang mga Ibubunga?
18. Bakit ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugang ang isang nagsisising nagkasala ay ligtas na sa lahat ng ibubunga ng kaniyang maling landasin?
18 Ang pagiging handa bang magpatawad ni Jehova ay nangangahulugang ang isang nagsisising nagkasala ay ligtas na sa lahat ng ibubunga ng kaniyang maling landasin? Hindi. Hindi tayo maaaring magkasala nang hindi ito pinagdurusahan. Sumulat si Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Maaaring pagdusahan natin ang mga ibubunga ng ating mga pagkilos. Hindi ito nangangahulugan na matapos tayong patawarin ay pasasapitan pa rin tayo ni Jehova ng kapighatian. Kapag may bumangong problema, hindi dapat isipin ng isang Kristiyano na, ‘Marahil ay pinarurusahan ako ni Jehova dahil sa aking nagawang mga kasalanan.’ (Santiago 1:13) Sa kabilang dako naman, hindi tayo pinoprotektahan ni Jehova sa lahat ng magiging epekto ng ating masasamang pagkilos. Ang diborsiyo, di-inaasahang pagbubuntis, sakit na naisasalin sa pagtatalik, pagkawala ng tiwala o paggalang—lahat ng ito ay maaaring ang malungkot at di-maiiwasang mga bunga ng kasalanan. Alalahanin na kahit napatawad na si David sa kaniyang mga kasalanan may kaugnayan kay Bat-sheba at Uria, hindi pinrotektahan ni Jehova si David mula sa nakapipinsalang mga bunga na idinulot nito.—2 Samuel 12:9-12.
19-21. (a) Paanong ang kautusang nakaulat sa Levitico 6:1-7 ay naging kapaki-pakinabang kapuwa sa biktima at sa nagkasala? (b) Kapag tayo ay nakasakit sa iba dahil sa ating mga kasalanan, nalulugod si Jehova kapag ginagawa natin ang ano?
19 Ang ating mga kasalanan ay maaaring may karagdagan pang ibubunga, lalo na kung may ibang nasaktan sa ating mga ikinilos. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat sa Levitico kabanata 6. Tinatalakay rito ng Kautusang Mosaiko ang isang sitwasyon na dito’y malubhang nagkasala ang isang tao dahil sa pag-agaw sa ari-arian ng isang kapuwa Israelita sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangingikil, o pandaraya. Pagkatapos ay nagkaila ang nagkasala, anupat buong kapangahasan pa ngang sumumpa nang may kasinungalingan. Ito’y isang kaso ng dalawang tao na magkaiba ang sinasabi. Gayunman, pagkaraan, kinonsiyensiya ang nagkasala at inamin ang kaniyang kasalanan. Upang mapatawad ng Diyos, kailangan muna niyang gawin ang tatlong bagay: ibalik ang kaniyang kinuha, bayaran ang biktima ng 20 porsiyento ng halaga ng ninakaw, at magbigay ng isang lalaking tupa bilang handog para sa pagkakasala. Pagkatapos ay sinabi ng kautusan: “Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova, at mapatatawad siya.”—Levitico 6:1-7.
20 Ang kautusang ito ay isang maawaing paglalaan ng Diyos. Nakinabang dito ang biktima, dahil ibinalik na ang ari-arian niya at tiyak na naginhawahan din siya nang sa wakas ay umamin ang nagkasala. Kasabay nito, nakinabang din ang isa na sa dakong huli ay pinakilos ng kaniyang konsensiya na aminin at ituwid ang kaniyang kamalian. Kung hindi niya ginawa ito, hindi siya patatawarin ng Diyos.
21 Bagaman wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang Kautusang iyan ay nagbibigay sa atin ng unawa hinggil sa kaisipan ni Jehova, pati na sa kaniyang pananaw sa pagpapatawad. (Colosas 2:13, 14) Kung tayo’y nakasakit sa iba dahil sa ating mga kasalanan, nalulugod ang Diyos kapag sinisikap nating maituwid ang mali. (Mateo 5:23, 24) Maaaring mangahulugan ito ng pagkilala sa ating kasalanan, pag-amin sa ating pagkakamali, at paghingi pa nga ng tawad sa biktima. Sa gayon ay makadudulog tayo kay Jehova salig sa handog ni Jesus at makatitiyak na tayo’y napatawad na ng Diyos.—Hebreo 10:21, 22.
22. Ano ang maaaring kaakibat ng pagpapatawad ni Jehova?
22 Gaya ng sinumang maibiging magulang, si Jehova ay maaaring magpatawad ngunit may kaakibat itong antas ng disiplina. (Kawikaan 3:11, 12) Baka kailanganing bitiwan ng isang nagsisising Kristiyano ang kaniyang pribilehiyo ng paglilingkod bilang isang elder, ministeryal na lingkod, o buong-panahong ebanghelisador. Baka masakit para sa kaniya na pansamantalang mawalan ng pribilehiyo na lubhang mahalaga sa kaniya. Subalit, ang gayong disiplina ay hindi nangangahulugang hindi siya pinatawad ni Jehova. Dapat nating tandaan na ang disiplina ni Jehova ay katunayan ng kaniyang pag-ibig sa atin. Ang pagtanggap at pagkakapit nito ay para na rin sa ating sariling kabutihan.—Hebreo 12:5-11.
23. Bakit hindi natin dapat isipin kailanman na hindi na tayo maaaring lawitan ng awa ni Jehova, at bakit dapat nating tularan ang kaniyang pagpapatawad?
23 Nakagiginhawa ngang malaman na ang ating Diyos ay “handang magpatawad”! Bagaman tayo’y maaaring nakagagawa ng mga pagkakamali, hindi natin dapat isipin kailanman na hindi na tayo maaaring lawitan ng awa ni Jehova. Kung talagang tayo ay nagsisisi, gumagawa ng hakbang upang maituwid ang mali, at taimtim na nananalangin para sa kapatawaran salig sa ibinuhos na dugo ni Jesus, lubos tayong makapagtitiwala na patatawarin tayo ni Jehova. (1 Juan 1:9) Tularan natin ang kaniyang pagpapatawad sa ating pakikitungo sa isa’t isa. Tutal, kung si Jehova, na hindi nagkakasala, ay buong pag-ibig na nakapagpapatawad sa atin, hindi ba’t nararapat lamang na tayong mga makasalanan ay gumawa rin ng lahat ng ating makakaya upang magpatawaran sa isa’t isa?
a Sinasabi ng isang iskolar na ang iskarlata “ay isang hindi kumukupas, o permanenteng kulay. Hindi ito kayang alisin maging ng hamog, ng ulan, ng paglalaba, ni ng matagal na paggamit.”
-
-
“Napakabuti Niya!”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 27
“Napakabuti Niya!”
1, 2. Gaano kalawak ang kabutihan ng Diyos, at paano idiniriin sa Bibliya ang katangiang ito?
SAMANTALANG nasisikatan ng mainit-init na liwanag ng papalubog na araw, ilang matagal nang magkakaibigan ang nagkakatuwaan sa kanilang pagsasalo-salo sa labas, nagtatawanan at nagkukuwentuhan habang hinahangaan nila ang tanawin. Sa ibang lugar na malayo rito, pinagmamasdan ng isang magsasaka ang kaniyang bukirin at ito’y napapangiti dahil namuo na ang maiitim na ulap at nadidiligan na ng unang mga patak ng ulan ang mga uhaw na pananim. Sa isa pang lugar, tuwang-tuwa ang isang mag-asawa habang pinagmamasdan ang kanilang anak sa kaniyang unang mga hakbang na pagiwang-giwang.
2 Alam man nila ito o hindi, ang gayong mga tao ay pawang nakikinabang sa iisang bagay—sa kabutihan ng Diyos na Jehova. Palaging inuulit ng relihiyosong mga tao ang pariralang “Ang Diyos ay mabuti.” Ngunit mas matindi ang pagdiriin nito sa Bibliya. Sinasabi nito: “Napakabuti niya!” (Zacarias 9:17) Subalit parang iilan lamang sa ngayon ang nakababatid ng tunay na kahulugan ng mga salitang iyan. Ano ba talaga ang nasasangkot sa kabutihan ng Diyos na Jehova, at paano nakaaapekto ang katangiang ito ng Diyos sa bawat isa sa atin?
Isang Namumukod-Tanging Pitak ng Pag-ibig ng Diyos
3, 4. Ano ang kabutihan, at bakit pinakamainam na mailalarawan ang kabutihan ni Jehova bilang isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
3 Sa maraming modernong wika, ang “kabutihan” ay isang pangkaraniwang salita lamang. Subalit gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ang kabutihan ay hindi lamang isang pangkaraniwang salita. Pangunahin na, ito’y tumutukoy sa kagalingan at kahusayan sa moral. Kung gayon, sa diwa, masasabi nating ang kabutihan ay nasa kaibuturan ng personalidad ni Jehova. Ang lahat ng kaniyang katangian—lakip na ang kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan—ay lubos na napakabuti. Gayunman, ang kabutihan ay pinakamainam na mailalarawan bilang isang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova. Bakit?
4 Ang kabutihan ay isang aktibong katangian na ipinapakita sa gawa. Ipinahiwatig ni apostol Pablo na mas nakaaakit pa nga sa mga tao ang pagiging mabuti kaysa sa pagiging matuwid. (Roma 5:7) Ang taong matuwid ay maaasahang maninindigan sa mga kahilingan ng batas, subalit higit pa rito ang ginagawa ng isang mabuting tao. Siya ang unang gumagawa ng hakbang, anupat masigasig na humahanap ng mga paraan upang makinabang ang iba. Gaya ng makikita natin, si Jehova ay talagang mabuti sa diwang iyan. Maliwanag na ang gayong kabutihan ay bumubukal sa walang-hanggang pag-ibig ni Jehova.
5-7. Bakit tumanggi si Jesus na tawagin siyang “Mabuting Guro,” at anong malalim na katotohanan ang sa gayon ay pinagtibay niya?
5 Si Jehova ay namumukod-tangi rin sa kaniyang kabutihan. Hindi pa natatagalan bago mamatay si Jesus, isang lalaki ang lumapit sa kaniya upang magtanong, anupat tinatawag siyang “Mabuting Guro.” Sumagot si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.” (Marcos 10:17, 18) Buweno, maaaring malito ka sa sagot na iyan. Bakit itinuwid ni Jesus ang lalaki? Hindi ba’t totoo naman na si Jesus ay isang “Mabuting Guro”?
6 Maliwanag na ginamit ng lalaki ang mga salitang “Mabuting Guro” para purihin si Jesus. Buong kapakumbabaang iniukol ni Jesus ang kaluwalhatiang iyon sa kaniyang Ama sa langit, na mabuti sa pinakasukdulang diwa nito. (Kawikaan 11:2) Subalit pinagtitibay rin ni Jesus ang isang malalim na katotohanan. Si Jehova lamang ang tanging pamantayan ng kabutihan. Siya lamang ang tanging may karapatan bilang Kataas-taasan na magpasiya kung ano ang mabuti at masama. Nang maghimagsik sina Adan at Eva at kainin ang bunga ng puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, para na rin nilang hinangad ang karapatang iyon. Di-gaya nila, buong kapakumbabaang ipinaubaya ni Jesus sa kaniyang Ama ang pagtatakda ng mga pamantayan.
7 Isa pa, batid ni Jesus na si Jehova ang Bukal ng lahat ng bagay na talagang mabuti. Siya ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat perpektong regalo.” (Santiago 1:17) Suriin natin kung paanong ang kabutihan ni Jehova ay nakikita sa kaniyang pagkabukas-palad.
Katibayan ng Saganang Kabutihan ni Jehova
8. Paano nagpakita si Jehova ng kabutihan sa lahat ng tao?
8 Bawat isang nabubuhay ay nakikinabang sa kabutihan ni Jehova. Ang Awit 145:9 ay nagsasabi: “Si Jehova ay mabuti sa lahat.” Ano ang ilang halimbawa na talagang nagpapakita siya ng kabutihan sa lahat ng tao? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.” (Gawa 14:17) Naranasan mo na bang masiyahan sa isang masarap na pagkain? Kung hindi dahil sa kabutihan ni Jehova anupat dinisenyo ang lupang ito na patuloy na binubukalan ng sariwang tubig at “mabubungang panahon” upang magbigay ng saganang pagkain, wala tayong makakain. Iniukol ni Jehova ang gayong kabutihan hindi lamang para sa mga umiibig sa kaniya kundi para sa lahat. Sinabi ni Jesus: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa mga taong matuwid at di-matuwid.”—Mateo 5:45.
9. Paano mo makikita ang kabutihan ni Jehova sa paglalaan niya ng mansanas?
9 Marami ang nagwawalang-bahala sa lubos na pagkabukas-palad na idinudulot sa sangkatauhan dahil sa walang-humpay na pagkilos ng araw, ulan, at mabubungang panahon. Bilang halimbawa, tingnan ang mansanas. Sa mga lugar sa lupa na may katamtamang klima, ito ay isang karaniwang prutas. Gayunman, ito’y maganda, masarap kainin, makatas, at masustansiya. Alam mo bang sa buong daigdig ay may mga 7,500 iba’t ibang uri ng mansanas, na may iba’t ibang kulay tulad ng pula, ginto, dilaw, at berde at iba’t ibang sukat mula sa malaki-laki sa kalamansi hanggang kasinlaki ng suha? Kapag hawak mo ang isang maliit na buto ng mansanas, parang walang halaga ito. Subalit mula rito ay tumutubo ang isa sa pinakamagagandang puno. (Awit ni Solomon 2:3) Tuwing tagsibol, ang puno ng mansanas ay nakokoronahan ng kumpol-kumpol na mga bulaklak; tuwing taglagas, ito’y namumunga. Taon-taon—sa loob ng 75 taon—ang isang karaniwang puno ng mansanas ay napamimitasan ng sapat na bunga upang makapunô ng 20 kahon na tumitimbang ng 19 na kilo bawat isa!
‘Binibigyan kayo ni Jehova ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon’
Mula sa maliit na butong ito ay tutubo ang isang puno na makapagpapakain at makapagpapalugod sa mga tao sa loob ng maraming dekada
10, 11. Paano naitatanghal ng mga pandamdam ang kabutihan ng Diyos?
10 Sa kaniyang sukdulang kabutihan, binigyan tayo ni Jehova ng isang katawan na “kamangha-mangha ang pagkakagawa.” Mayroon itong mga pandamdam na dinisenyo upang tulungan tayong maunawaan ang kaniyang mga gawa at masiyahan sa mga ito. (Awit 139:14) Pag-isipang muli ang mga tanawing inilarawan sa simula ng kabanatang ito. Anong mga nakikita ng paningin ang nagdudulot ng kagalakan sa gayong mga sandali? Ang mamula-mulang pisngi ng tuwang-tuwang bata. Ang pagpatak ng ulan sa pananim. Ang mga kulay na pula, ginto, at biyoleta ng papalubog na araw. Ang mata ng tao ay dinisenyo upang makakita ng daan-daang libo, o milyon-milyon pa ngang iba’t ibang kulay! At ang ating pandinig ay nakasasagap ng iba’t ibang tono ng isang kinagigiliwang tinig, ng higing ng hangin sa mga puno, ng nakakatuwang pagtawa ng isang paslit na natututo pa lamang lumakad. Bakit kaya natin natatamasa ang gayong mga tanawin at mga tunog? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang taingang nakaririnig at ang matang nakakakita—ang mga iyon ay parehong ginawa ni Jehova.” (Kawikaan 20:12) Subalit dalawa pa lamang iyan sa mga pandamdam.
11 Ang pang-amoy ay isa pang katibayan ng kabutihan ni Jehova. Ang ilong ng tao ay nakasasamyo ng napakaraming iba’t ibang amoy, na ayon sa pagtantiya ay mula libo-libo hanggang isang trilyon. Mag-isip ng ilan lamang: ang iyong paboritong pagkain habang ito’y iniluluto, mga bulaklak, nalaglag na mga dahon, ang kaunting usok mula sa isang nagbabagang ilawan. At dahil sa iyong pandama ay nadarama mo ang dampi ng hangin sa iyong mukha, ang nakapagpapatibay-loob na yakap ng isang minamahal, ang kasiya-siyang kinis ng balat ng prutas sa iyong kamay. Kapag kinagat mo iyon, diyan papasok ang iyong panlasa. Malalasahan mo kung gaano kasarap iyon kapag tumama na sa dila mo ang katas ng prutas na iyon. Oo, taglay natin ang lahat ng dahilan upang bumulalas tungkol kay Jehova: “Napakasagana ng iyong kabutihan! Inilalaan mo iyon sa mga may takot sa iyo.” (Awit 31:19) Kung gayon, paano inilalaan ni Jehova ang kabutihan para sa mga may makadiyos na pagkatakot?
Kabutihan na May Walang-Hanggang Pakinabang
12. Aling mga paglalaan ni Jehova ang pinakamahalaga, at bakit?
12 Sinabi ni Jesus: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.’” (Mateo 4:4) Sa katunayan, higit na may mabuting nagagawa sa atin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova kaysa sa materyal na mga bagay, yamang ang mga iyon ay umaakay sa buhay na walang hanggan. Sa Kabanata 8 ng aklat na ito, napansin natin na ginamit ni Jehova sa mga huling araw na ito ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati upang mapairal ang isang espirituwal na paraiso. Ang isang mahalagang bahagi ng paraisong iyan ay ang saganang espirituwal na pagkain.
13, 14. (a) Ano ang nakita ng propetang si Ezekiel sa pangitain, na may anong kahulugan para sa atin sa ngayon? (b) Anong nagbibigay-buhay na espirituwal na mga paglalaan ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod?
13 Sa isa sa mga dakilang hula sa Bibliya hinggil sa pagbabalik sa dati, ang propetang si Ezekiel ay binigyan ng pangitain tungkol sa isang naibalik at niluwalhating templo. Mula sa templong iyon ay umagos ang isang sapa ng tubig, na lumuwang at lumalim hanggang sa maging ilog. Saanman ito umagos, ang ilog na iyon ay nagdulot ng mga pagpapala. Napakaraming puno sa mga pampang nito na mapagkukunan ng pagkain at pampagaling. At ang ilog ay nagdulot pa nga ng buhay at saganang pakinabang sa maalat at walang-buhay na Dagat na Patay! (Ezekiel 47:1-12) Subalit ano kaya ang ibig sabihin ng lahat ng ito?
14 Ang pangitain tungkol sa templo ay nangangahulugang ibabalik ni Jehova ang dalisay na pagsamba. Dahil diyan, makasasamba na ulit ang mga tao ayon sa matuwid na mga pamantayan niya. Gaya ng ilog sa pangitain, ang mga paglalaan ng Diyos ukol sa buhay ay lalo pang saganang aagos sa kaniyang bayan. Mula nang ibalik ang dalisay na pagsamba noong 1919, pinagpala na ni Jehova ang kaniyang bayan ng nagbibigay-buhay na mga paglalaan. Paano? Buweno, ang mga Bibliya, literatura sa Bibliya, mga pulong, at mga kombensiyon ay pawang nakatulong upang madala ang mahalagang katotohanan sa milyon-milyon. Sa pamamagitan ng mga ito ay naturuan ni Jehova ang kaniyang bayan tungkol sa pinakamahalaga niyang paglalaan ukol sa buhay—ang haing pantubos ni Kristo, na nagdudulot ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova at ng pag-asang buhay na walang hanggan para sa lahat ng tunay na umiibig at natatakot sa Diyos.a Kaya naman, sa mga huling araw na ito, habang ang sanlibutan ay nagugutom sa espirituwal, ang bayan naman ni Jehova ay nagtatamasa ng isang espirituwal na piging.—Isaias 65:13.
15. Sa anong diwa aagos ang kabutihan ni Jehova sa tapat na sangkatauhan sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo?
15 Subalit ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay hindi titigil sa pag-agos sa pagwawakas ng lumang sistemang ito. Sa kabaligtaran, lalo pang lalakas ang agos nito sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo. Pagkatapos, sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, lubusang ikakapit ni Jehova ang halaga ng hain ni Jesus, anupat unti-unting magiging perpekto ang tapat na sangkatauhan. Gayon na lamang ang pagbubunyi natin doon dahil sa kabutihan ni Jehova!
Karagdagang mga Pitak ng Kabutihan ni Jehova
16. Paano ipinapakita ng Bibliya na ang kabutihan ni Jehova ay sumasaklaw sa iba pang mga katangian, at ano ang ilan sa mga ito?
16 Hindi lamang basta pagkabukas-palad ang nasasangkot sa kabutihan ni Jehova. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Pararaanin ko sa harap ng iyong mukha ang buong kaluwalhatian ko, at ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova sa harap mo.” Pagkatapos ay sinabi sa ulat: “Dumaan si Jehova sa harap niya at ipinahayag: ‘Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at may magandang-loob, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.’” (Exodo 33:19; 34:6, talababa) Kaya nga ang kabutihan ni Jehova ay sumasaklaw sa ilang maiinam na katangian. Isaalang-alang natin ang dalawa lamang sa mga ito.
17. Ano ang kagandahang-loob, at paano ito ipinamamalas ni Jehova sa mga hamak na taong di-perpekto?
17 “Magandang-loob.” Ang katangiang ito, mula sa salita na puwede ring isaling “mapagmalasakit,” ay maraming masasabi sa atin tungkol sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga nilalang. Sa halip na maging magaspang, walang malasakit, o malupit, na kadalasa’y totoo sa mga nasa kapangyarihan, si Jehova ay mahinahon at mabait. Halimbawa, sinabi ni Jehova kay Abram: “Pakisuyo, mula sa kinaroroonan mo ay tumingin ka sa paligid mo, sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran.” (Genesis 13:14) Inaalis sa maraming salin ang salitang “pakisuyo.” Subalit sinasabi ng mga iskolar ng Bibliya na kalakip sa ginamit na mga salita sa orihinal na Hebreo ang isang kataga na bumabago sa pangungusap mula sa pautos tungo sa magalang na pakiusap. May iba pang nakakatulad na mga halimbawa. (Genesis 31:12; Ezekiel 8:5) Akalain mo, ang Kataas-taasan ng uniberso ay nagsasabi ng “pakisuyo” sa hamak na mga tao lamang! Sa isang daigdig na laganap ang kabagsikan, kapusukan, at kawalang-galang, hindi ba’t nakagiginhawang bulay-bulayin ang kagandahang-loob ng ating Diyos na si Jehova?
18. Sa anong diwa si Jehova ay “sagana sa . . . katotohanan,” at bakit nakapagpapalakas-loob ang mga salitang iyan?
18 “Sagana sa . . . katotohanan.” Palasak na sa daigdig ngayon ang kawalang-katapatan. Subalit pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi gaya ng tao na nagsisinungaling.” (Bilang 23:19) Sa katunayan, sinasabi sa Tito 1:2 na ‘ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling.’ Napakabuti niya para magawa iyan. Kaya naman, ang mga pangako ni Jehova ay lubos na maaasahan; ang kaniyang mga salita ay tiyak na matutupad. Tinawag pa nga si Jehova na “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Bukod sa hindi siya nagsisinungaling, namamahagi pa siya ng saganang katotohanan. Hindi siya maramot, nagkakait ng impormasyon, o malihim; sa halip, sagana siyang nagbibigay ng kaliwanagan sa kaniyang tapat na mga lingkod mula sa kaniyang di-nauubusang imbakan ng karunungan.b Tinuturuan pa nga niya silang mamuhay ayon sa katotohanang ibinabahagi niya upang sila’y ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 3) Sa pangkalahatan, paano dapat makaapekto sa atin bilang indibidwal ang kabutihan ni Jehova?
“Magniningning Sila Dahil sa Kabutihan ni Jehova”
19, 20. (a) Paano sinikap ni Satanas na sirain ang tiwala ni Eva sa kabutihan ni Jehova, at ano ang naging resulta? (b) Ang kabutihan ni Jehova ay dapat lamang na magkaroon ng anong epekto sa atin, at bakit?
19 Nang tuksuhin ni Satanas si Eva sa hardin ng Eden, sinimulan niya iyon sa pamamagitan ng tusong pagsira sa tiwala nito sa kabutihan ni Jehova. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka.” Sa libo-libong puno na nakapalamuti sa hardin na iyon, isa lamang ang ipinagbawal ni Jehova. Gayunman, pansinin kung paano binuo ni Satanas ang kaniyang unang tanong kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” (Genesis 2:9, 16; 3:1) Pinilipit ni Satanas ang mga salita ni Jehova upang isipin ni Eva na may mabuting bagay na ipinagkakait si Jehova. Nakalulungkot, naging epektibo ang kaniyang taktika. Gaya ng napakaraming lalaki at babae pagkatapos niya, sinimulang pag-alinlanganan ni Eva ang kabutihan ng Diyos, na nagbigay sa kaniya ng lahat ng kaniyang tinataglay.
20 Hindi kaila sa atin ang tindi ng pighati at paghihirap na idinulot ng gayong pag-aalinlangan. Kaya isapuso natin ang mga salita sa Jeremias 31:12: “Magniningning sila dahil sa kabutihan ni Jehova.” Ang kabutihan ni Jehova ay dapat ngang magpaningning sa atin sa kagalakan. Hindi tayo dapat mag-alinlangan kailanman sa mga motibo ng ating Diyos, na lipos ng kabutihan. Lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniya, sapagkat wala siyang ibang hangarin kundi pawang kabutihan lamang para sa mga umiibig sa kaniya.
21, 22. (a) Ano-ano ang ilang paraan na doo’y nanaisin mong makaganti sa kabutihan ni Jehova? (b) Anong katangian ang ating tatalakayin sa susunod na kabanata, at paano ito naiiba sa kabutihan?
21 Isa pa, kapag nagkakaroon tayo ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa kabutihan ng Diyos, tayo ay natutuwa. Hinggil sa bayan ni Jehova, ang Awit 145:7 ay nagsasabi: “Mag-uumapaw sila sa pasasalamat habang inaalaala ang saganang kabutihan mo.” Sa araw-araw na tayo’y nabubuhay, nakikinabang tayo mula sa kabutihan ni Jehova. Bakit hindi ugaliing magpasalamat kay Jehova araw-araw dahil sa kaniyang kabutihan, sa espesipikong paraan hangga’t maaari? Ang pagsasaisip sa katangiang iyan, pagpapasalamat kay Jehova araw-araw dahil dito, at pagsasabi sa iba tungkol dito ay tutulong sa atin na matularan ang ating mabuting Diyos. At habang naghahanap tayo ng mga paraan upang makagawa ng mabuti, gaya ng ginagawa ni Jehova, lalo na tayong mapapalapít sa kaniya. Ang matanda nang si apostol Juan ay sumulat: “Mahal kong kapatid, huwag mong tularan kung ano ang masama, kundi tularan mo kung ano ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay nagmula sa Diyos.”—3 Juan 11.
22 Ang kabutihan ni Jehova ay iniuugnay rin sa iba pang mga katangian. Halimbawa, ang Diyos ay “sagana sa tapat na pag-ibig.” (Exodo 34:6) Ang pinagtutuunan ng katangiang ito ay mas espesipiko kaysa sa kabutihan, sapagkat ito’y ipinadarama ni Jehova lalo na sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa susunod na kabanata, matututuhan natin kung paano niya ito ginagawa.
a Wala nang hihigit pang halimbawa ng kabutihan ni Jehova kaysa sa pantubos. Sa lahat ng milyon-milyong espiritung nilalang na mapagpipilian, ang pinili pa ni Jehova ay ang kaniyang minamahal at kaisa-isang Anak upang mamatay alang-alang sa atin.
b Angkop lamang na iugnay ng Bibliya ang katotohanan sa liwanag. Inawit ng salmista: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan.” (Awit 43:3) Si Jehova ay nagpapasikat ng saganang espirituwal na liwanag sa mga handang magpaturo, o tumanggap ng kaliwanagan, sa kaniya.—2 Corinto 4:6; 1 Juan 1:5.
-
-
“Ikaw Lang ang Tapat”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 28
“Ikaw Lang ang Tapat”
1, 2. Bakit masasabing hindi na kaila kay Haring David ang kawalan ng katapatan?
HINDI na kaila kay Haring David ang kawalan ng katapatan. May pagkakataon pa nga na ang kaniyang paghahari ay punong-puno ng problema, anupat nagpakana ng maiitim na balak ang kaniya mismong mga kababayan laban sa kaniya. Isa pa, si David ay pinagtaksilan ng ilan sa mga inaasahan sana nating pinakamalalapít sa kaniya. Kuning halimbawa si Mical, ang unang asawa ni David. Sa simula, siya’y “umiibig kay David,” anupat walang alinlangang sumusuporta rito at sa mga tungkulin nito bilang hari. Gayunman, nang maglaon, “hinamak niya ito sa kaniyang puso” anupat itinuring pa nga si David na gaya ng “isang taong walang-isip.”—1 Samuel 18:20; 2 Samuel 6:16, 20.
2 Sumunod naman ay ang personal na tagapayo ni David, si Ahitopel. Ang kaniyang payo ay itinuturing na para bang ito’y salita mismo ni Jehova. (2 Samuel 16:23) Subalit nang maglaon, ang pinagkakatiwalaang kapalagayang-loob na ito ay nagtaksil at umanib sa organisadong paghihimagsik laban kay David. At sino ang tagasulsol sa pagsasabuwatan? Si Absalom, ang sariling anak ni David! “Patuloy na ninanakaw [ng madayang oportunistang ito] ang puso ng mga tao sa Israel” para maagaw niya ang trono. Gayon na lamang katindi ang paghihimagsik ni Absalom anupat napilitan si Haring David na tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay.—2 Samuel 15:1-6, 12-17.
3. Anong matibay na paniniwala ang taglay ni David?
3 Wala na bang nanatiling tapat kay David? Sa lahat ng dinanas niyang kagipitan, batid ni David na mayroon naman. Sino? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova. “Magiging tapat ka sa mga tapat,” sabi ni David tungkol kay Jehova. (2 Samuel 22:26) Ano ba ang katapatan, at paanong si Jehova ay nagsisilbing pinakadakilang halimbawa ng katangiang ito?
Ano ang Katapatan?
4, 5. (a) Ano ang katapatan? (b) Paano ito naiiba sa pagiging maaasahan?
4 Ang salitang “tapat,” gaya ng pagkagamit sa Hebreong Kasulatan, ay lumalarawan sa isang taong laging nandiyan para sa taong mahal niya at patuloy siya sa pagtulong at pagsuporta rito. Hindi niya ito ginagawa dahil sa obligasyon. Sa halip, ginagawa niya ito dahil sa pagmamahal.a Kaya ang isang taong tapat ay hindi lang basta maaasahan. Pag-isipan ang halimbawang ito: Tinawag ng salmista ang buwan na “tapat na saksi sa kalangitan” kasi lagi itong nasa langit tuwing gabi. (Awit 89:37) Sa ganitong paraan, ang buwan ay “tapat,” o maaasahan. Pero magkaiba ang katapatan ng buwan at ang katapatan ng tao. Bakit? Dahil hindi makapagpapakita ng pag-ibig ang buwan.
Ang buwan ay tinatawag na isang tapat na saksi, subalit tanging ang matatalinong buháy na nilalang lamang ang tunay na makapagpapaaninag sa katapatan ni Jehova
5 Sa makakasulatang diwa, ang katapatan ay may pagkagiliw. Ang mismong pagpapakita nito ay nagpapahiwatig na may umiiral na ugnayan sa pagitan ng taong nagpapakita ng katangiang ito at ng isa na pinagpapakitaan nito. Ang gayong katapatan ay hindi pabago-bago. Hindi ito gaya ng mga alon sa dagat na natatangay ng pabago-bagong hihip ng hangin. Sa halip, ang katapatan, o tapat na pag-ibig, ay matatag at malakas upang madaig ang pinakamahihirap na balakid.
6. (a) Gaano kadalang ang katapatan sa gitna ng mga tao, at paano ito ipinahihiwatig sa Bibliya? (b) Ano ang pinakamagaling na paraan upang matutuhan kung ano ang kalakip ng katapatan, at bakit?
6 Totoo, madalang na ngayon ang gayong katapatan. Madalas mangyari na “ipinapahamak [ng magkakasama] ang isa’t isa.” Parami nang parami ang nababalitaan natin na humihiwalay sa kani-kanilang asawa. (Kawikaan 18:24; Malakias 2:14-16) Palasak na palasak ang kataksilan anupat baka nasasabi rin natin ang sinabi ni propeta Mikas: “Ang mga tapat ay naglaho na sa lupa.” (Mikas 7:2) Bagaman madalas na nabibigo ang mga tao sa pagpapakita ng katapatan, litaw na litaw naman kay Jehova ang mahalagang katangiang ito. Sa katunayan, ang pinakamagaling na paraan upang matutuhan kung ano ang kalakip ng katapatan ay ang pagsusuri sa paraan ng pagpapakita ni Jehova ng dakilang pitak na ito ng kaniyang pag-ibig.
Ang Walang-Katulad na Katapatan ni Jehova
7, 8. Paano masasabing si Jehova lang ang tapat?
7 Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Ikaw lang ang tapat.” (Apocalipsis 15:4) Paano nangyari iyon? Hindi ba’t kapuwa ang mga tao at mga anghel ay nagpapakita rin paminsan-minsan ng kahanga-hangang katapatan? (Job 1:1; Apocalipsis 4:8) At paano naman si Jesu-Kristo? Hindi ba’t siya ang pangunahing tapat na lingkod ng Diyos? (Awit 16:10) Kung gayon, paano masasabing si Jehova lang ang tapat?
8 Una sa lahat, alalahanin na ang katapatan ay isang pitak ng pag-ibig. Yamang “ang Diyos ay pag-ibig”—ang mismong personipikasyon ng katangiang ito—may hihigit pa ba kay Jehova sa pagpapakita ng katapatan? (1 Juan 4:8) Totoo nga na maaaring masalamin sa mga anghel at sa mga tao ang mga katangian ng Diyos, subalit tanging si Jehova lamang ang tapat sa pinakasukdulang antas. Bilang “ang Sinauna sa mga Araw,” mas matagal na siyang nagpapakita ng katapatan kaysa sa sinumang nilalang sa lupa man o sa langit. (Daniel 7:9) Samakatuwid, si Jehova ang pinakabuod ng katapatan. Ipinapakita niya ang katangiang ito sa paraang di-mapapantayan ng sinumang nilalang. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
9. Paanong si Jehova ay “tapat sa lahat ng ginagawa niya”?
9 Si Jehova ay “tapat sa lahat ng ginagawa niya.” (Awit 145:17) Sa anong paraan? Ang Awit 136 ay sumasagot. Binabanggit doon ang ilang pagliligtas ni Jehova, lakip na ang bantog na pagliligtas sa mga Israelita sa Dagat na Pula. Kapansin-pansin, bawat talata ng awit na ito ay nilagyan ng pariralang: “Ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” Ang awit na ito ay kalakip sa “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay” sa pahina 347. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, hindi mo maiiwasang humanga sa maraming paraan na doo’y ipinakita ni Jehova ang tapat na pag-ibig sa kaniyang bayan. Oo, ipinakita ni Jehova ang katapatan sa kaniyang tapat na mga lingkod sa pamamagitan ng pagdinig sa kanilang paghingi ng tulong at ng pagkilos sa takdang panahon. (Awit 34:6) Ang tapat na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay hindi magmamaliw hangga’t sila’y nananatiling tapat sa kaniya.
10. Paano ipinapakita ni Jehova ang katapatan may kinalaman sa kaniyang mga pamantayan?
10 Karagdagan pa, si Jehova ay nagpapakita ng katapatan sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniyang mga pamantayan. Di-gaya ng ilang pabago-bagong tao, na madaling matangay ng kapritso at damdamin, si Jehova ay hindi nagsasalawahan sa kaniyang pananaw sa tama at mali. Sa loob ng libo-libong taon, ang kaniyang pananaw sa espiritismo, idolatriya, at pagpatay ay hindi nagbabago. “Hanggang sa tumanda kayo, hindi ako magbabago,” ang sabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias. (Isaias 46:4) Kung gayon, makapagtitiwala tayo na makikinabang tayo sa pagsunod sa maliwanag na tuntunin sa moral na masusumpungan sa Salita ng Diyos.—Isaias 48:17-19.
11. Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang si Jehova ay tapat sa kaniyang pangako.
11 Nagpapakita rin si Jehova ng katapatan sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kaniyang pangako. Kapag inihula niya ang isang bagay, iyon ay natutupad. Kaya naman sinabi ni Jehova: “Magiging gayon ang salitang lumalabas sa bibig ko. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi talagang gagawin nito ang anumang gusto ko, at siguradong magtatagumpay ito sa dapat nitong isakatuparan.” (Isaias 55:11) Sa pananatiling tapat sa kaniyang salita, si Jehova ay nagpapakita ng katapatan sa kaniyang bayan. Hindi niya sila pinananabik sa paghihintay sa isang bagay na hindi naman niya gagawin. Gayon na lamang kadalisay ang reputasyon ni Jehova sa bagay na ito anupat nasabi tuloy ng kaniyang lingkod na si Josue: “Walang nabigo sa lahat ng mabuting pangako ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ng iyon ay nagkatotoo.” (Josue 21:45) Kung gayon, makapagtitiwala tayo na hindi kailanman mangyayaring tayo ay mabigo dahil sa hindi pagtupad ni Jehova sa kaniyang mga pangako.—Isaias 49:23; Roma 5:5.
12, 13. Sa anong mga paraan ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan?
12 Gaya ng nabanggit na, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay “walang hanggan.” (Awit 136:1) Bakit? Una sa lahat, ang pagpapatawad ni Jehova ng mga kasalanan ay permanente. Gaya ng tinalakay sa Kabanata 26, hindi na inuungkat ni Jehova ang nakaraang mga pagkakamali na ipinatawad na sa isang tao. Yamang “lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos,” dapat ipagpasalamat ng bawat isa sa atin na ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan.—Roma 3:23.
13 Subalit ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan sa isa pang diwa. Sinasabi sa kaniyang Salita na ang matuwid ay magiging gaya ng “isang puno na nakatanim sa tabi ng daluyan ng tubig, isang puno na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta. At ang lahat ng ginagawa niya ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Gunigunihin ang isang mayabong na puno na may mga dahon na hindi kailanman nalalanta! Gayundin naman, kung tunay nating kinalulugdan ang Salita ng Diyos, ang ating buhay ay magiging mahaba, payapa, at mabunga. Ang mga pagpapalang saganang ipinagkakaloob ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod ay walang katapusan. Sa katunayan, sa matuwid na bagong sanlibutang paiiralin ni Jehova, walang hanggang tatamasahin ng masunuring mga tao ang kaniyang tapat na pag-ibig.—Apocalipsis 21:3, 4.
‘Hindi Iiwan ni Jehova ang mga Tapat sa Kaniya’
14. Paano nagpapakita si Jehova ng pagpapahalaga sa katapatan ng kaniyang mga lingkod?
14 Paulit-ulit na ipinapakita ni Jehova ang kaniyang katapatan. Yamang si Jehova ay hindi kailanman nagbabago, ang katapatang ipinapakita niya sa kaniyang tapat na mga lingkod ay hindi kailanman maglalaho. Sumulat ang salmista: “Bata ako noon, at ngayon ay matanda na, pero wala pa akong nakitang matuwid na pinabayaan, at wala akong nakitang anak niya na namamalimos ng tinapay. Dahil iniibig ni Jehova ang katarungan, at hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya.” (Awit 37:25, 28) Totoo, bilang ang Maylalang, si Jehova ay karapat-dapat sa ating pagsamba. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, dahil sa siya’y tapat, pinahahalagahan ni Jehova ang ating tapat na mga gawa.—Malakias 3:16, 17.
15. Ipaliwanag kung paanong ang mga pakikitungo ni Jehova sa Israel ay nagtatampok ng kaniyang katapatan.
15 Dahil sa kaniyang tapat na pag-ibig, paulit-ulit na sinasaklolohan ni Jehova ang kaniyang bayan kapag sila’y napipighati. Sinasabi sa atin ng salmista: “Binabantayan niya ang buhay ng mga tapat sa kaniya; inililigtas niya sila mula sa kamay ng masasama.” (Awit 97:10) Isaalang-alang ang mga pakikitungo niya sa bansang Israel. Matapos ang makahimalang pagliligtas sa kanila sa Dagat na Pula, nagpahayag ang mga Israelita kay Jehova sa pamamagitan ng awit: “Dahil sa iyong tapat na pag-ibig, pinatnubayan mo ang bayang iniligtas mo.” (Exodo 15:13) Ang pagliligtas sa Dagat na Pula ay tunay na isang gawa ng tapat na pag-ibig ni Jehova. Sa gayon ay sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Hindi kayo minahal at pinili ni Jehova dahil kayo ang pinakamalaki sa lahat ng bayan; ang totoo, kayo ang pinakamaliit. Inilabas kayo ni Jehova sa Ehipto dahil mahal niya kayo at dahil tinupad niya ang ipinangako niya sa mga ninuno ninyo. Ginamit ni Jehova ang makapangyarihang kamay niya para palayain kayo mula sa pagkaalipin, mula sa kamay ng Paraon na hari ng Ehipto.”—Deuteronomio 7:7, 8.
16, 17. (a) Anong kahindik-hindik na di-pagtanaw ng utang na loob ang ipinakita ng mga Israelita, ngunit paano nagpakita si Jehova ng awa sa kanila? (b) Paano ipinakita ng karamihan sa mga Israelita na “wala na silang pag-asang gumaling,” at anong babalang halimbawa ang inilalaan nito para sa atin?
16 Mangyari pa, bilang isang bansa, hindi tumanaw ng utang na loob ang mga Israelita sa tapat na pag-ibig ni Jehova, sapagkat matapos na sila’y iligtas, “patuloy pa rin silang nagkasala [kay Jehova], naghimagsik sila laban sa Kataas-taasan.” (Awit 78:17) Sa paglipas ng mga siglo, paulit-ulit ang kanilang paghihimagsik, anupat iniiwan nila si Jehova at bumabaling sa mga diyos-diyusan at paganong mga gawain na walang idinulot kundi pawang karumihan. Gayunman, hindi pa rin sinira ni Jehova ang kaniyang tipan. Sa halip, sa pamamagitan ni propeta Jeremias, pinakiusapan ni Jehova ang kaniyang bayan: “Manumbalik ka, O suwail na Israel . . . Hindi na ako magagalit sa iyo, dahil tapat ako.” (Jeremias 3:12) Gayunman, gaya ng binanggit sa Kabanata 25, hindi naantig ang damdamin ng karamihan sa mga Israelita. Sa katunayan, “palagi nilang iniinsulto ang mga mensahero ng tunay na Diyos, at hinamak nila ang mga salita niya at ang mga propeta niya.” Ano ang resulta? Sa wakas, “[nagliyab] ang galit ni Jehova sa bayan niya, hanggang sa wala na silang pag-asang gumaling.”—2 Cronica 36:15, 16.
17 Ano ang matututuhan natin mula rito? Na ang katapatan ni Jehova ay hindi nagbubulag-bulagan ni nalilinlang. Totoo, si Jehova ay “sagana sa tapat na pag-ibig,” at nalulugod siyang magpakita ng awa kung may dahilan naman. Subalit paano kaya kung ang nagkamali ay talagang napakasama at wala nang pag-asang magbago? Kung ganito ang sitwasyon, si Jehova ay naninindigan sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at naglalapat ng mabigat na kahatulan. Gaya ng sinabi kay Moises, “tinitiyak [ni Jehova na] mapaparusahan ang mga may kasalanan.”—Exodo 34:6, 7.
18, 19. (a) Paanong ang pagpaparusa ni Jehova sa masasama ay isang gawa mismo ng katapatan? (b) Sa anong paraan ipinapakita ni Jehova ang kaniyang katapatan sa kaniyang mga lingkod na inusig hanggang sa mamatay?
18 Ang pagpaparusa ng Diyos sa masasama ay isang gawa mismo ng katapatan. Paano? Ang isang pahiwatig ay masusumpungan sa aklat ng Apocalipsis sa mga utos na ipinalabas ni Jehova sa pitong anghel: “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng galit ng Diyos.” Nang ibuhos ng ikatlong anghel ang kaniyang mangkok “sa mga ilog at sa mga bukal ng mga tubig,” naging dugo ang mga iyon. Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Jehova: “Ikaw, ang kasalukuyan at ang nakaraan, ang Isa na tapat, ay matuwid, dahil ibinaba mo ang mga hatol na ito, dahil ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at binigyan mo sila ng dugo para inumin; nararapat iyon sa kanila.”—Apocalipsis 16:1-6.
19 Pansinin na sa kalagitnaan ng pagbanggit sa mensaheng iyon ng kahatulan, tinukoy ng anghel si Jehova bilang “ang Isa na tapat.” Bakit? Sapagkat sa pagpuksa niya sa masasama, ipinapakita ni Jehova ang katapatan sa kaniyang mga lingkod, na marami sa kanila ay inusig hanggang sa mamatay. Buong katapatang iniingatan sila ni Jehova na buhay na buhay sa kaniyang alaala. Nananabik siyang makitang muli ang pumanaw na mga tapat na ito, at tinitiyak sa Bibliya na layunin niyang gantimpalaan sila ng pagkabuhay-muli. (Job 14:14, 15) Hindi kinalilimutan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod dahil lamang sa sila ay patay na. Sa kabaligtaran, “silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:37, 38) Ang layunin ni Jehova na buhaying muli yaong mga nasa kaniyang alaala ay isang napakatibay na ebidensiya ng kaniyang katapatan.
Buong katapatang aalalahanin at bubuhaying muli ni Jehova ang mga napatunayang tapat kahit hanggang kamatayan
Sina Bernard Luimes (kaliwa) at Wolfgang Kusserow (gitna) ay pinatay ng mga Nazi
Si Moses Nyamussua (kanan) ay sinibat ng isang makapulitikang grupo hanggang sa mamatay
Ang Tapat na Pag-ibig ni Jehova ay Nagbubukas ng Daan ng Kaligtasan
20. Sino ang “mga sisidlan ng awa,” at paano nagpapakita si Jehova ng katapatan sa kanila?
20 Sa buong kasaysayan, si Jehova ay nagpakita ng kahanga-hangang katapatan sa tapat na mga tao. Sa katunayan, sa loob ng libo-libong taon, “pinagtitiisan [ni Jehova] ang mga sisidlan ng poot na karapat-dapat wasakin.” Bakit? “Para maihayag ang kaniyang saganang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda para luwalhatiin.” (Roma 9:22, 23) Ang “mga sisidlan ng awa” na ito ay mga nakaayon na pinahiran ng banal na espiritu upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo sa kaniyang Kaharian. (Mateo 19:28) Sa pagbubukas ng daan ng kaligtasan para sa mga sisidlang ito ng awa, si Jehova ay nanatiling tapat kay Abraham, na pinangakuan niya ng tipang ito: “Sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.”—Genesis 22:18.
Dahil sa katapatan ni Jehova, lahat ng kaniyang tapat na lingkod ay may mapananaligang pag-asa sa hinaharap
21. (a) Paano nagpapakita si Jehova ng katapatan sa “isang malaking pulutong” na may pag-asang makalabas mula sa “malaking kapighatian”? (b) Ang katapatan ni Jehova ay nag-uudyok sa iyo na gawin ang ano?
21 Si Jehova ay nagpapakita ng katulad na katapatan sa “isang malaking pulutong” na may pag-asang makalabas mula sa “malaking kapighatian” at mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Bagaman ang kaniyang mga lingkod ay hindi perpekto, buong katapatang inilalawit ni Jehova sa kanila ang pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Paano niya ito ginagawa? Sa pamamagitan ng pantubos—ang pinakadakilang kapahayagan ng katapatan ni Jehova. (Juan 3:16; Roma 5:8) Ang katapatan ni Jehova ay naglalapit sa mga tao na may pusong nagugutom sa katuwiran. (Jeremias 31:3) Hindi ba’t lalo kang napapalapít kay Jehova dahil sa taimtim na katapatang ipinakita niya at ipapakita pa? Yamang hangarin nating mapalapít sa Diyos, sana’y tugunin natin ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapatibay sa ating pasiya na maglingkod sa kaniya nang may katapatan.
a Kapansin-pansin, ang salita na isinaling “tapat” sa 2 Samuel 22:26 ay isinalin sa ibang teksto na “tapat na pag-ibig.”
-
-
‘Alamin Ninyo ang Pag-ibig ng Kristo’Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 29
‘Alamin Ninyo ang Pag-ibig ng Kristo’
1-3. (a) Ano ang nag-udyok kay Jesus upang maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama? (b) Anong mga pitak ng pag-ibig ni Jesus ang ating susuriin?
NAKAKITA ka na ba ng isang batang lalaki na nagsisikap na maging katulad ng kaniyang ama? Maaaring ginagaya ng anak na ito ang paraan ng kaniyang ama sa paglakad, pagsasalita, o pagkilos. Sa kalaunan, maaaring manahin pa nga ng bata ang moral at espirituwal na mga pamantayan ng kaniyang ama. Oo, ang pag-ibig at paghangang nadarama ng isang anak sa isang maibiging ama ang nag-uudyok sa bata upang maghangad na maging katulad ng kaniyang ama.
2 Kumusta naman ang ugnayan ni Jesus at ng kaniyang Ama sa langit? “Iniibig ko ang Ama,” minsan ay sinabi ni Jesus. (Juan 14:31) Walang sinuman ang makaiibig kay Jehova nang higit pa kaysa sa Anak na ito, na malaon nang kasa-kasama ng Ama bago pa man lumitaw ang ibang mga nilalang. Ang pag-ibig na iyan ang nag-udyok sa debotong Anak na ito na maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama.—Juan 14:9.
3 Sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, tinalakay natin kung paano ganap na tinularan ni Jesus ang kapangyarihan, katarungan, at karunungan ni Jehova. Subalit, paano naman kaya ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama? Suriin natin ang tatlong pitak ng pag-ibig ni Jesus—ang kaniyang espiritu ng pagsasakripisyo, ang kaniyang pagiging maawain, at ang kaniyang pagiging handang magpatawad.
‘Walang Pag-ibig na Hihigit Pa Rito’
4. Paano nagpakita si Jesus ng pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo bilang isang tao?
4 Si Jesus ay nagpakita ng isang namumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo. Ang pagsasakripisyo ay nangangahulugan ng pag-una sa mga pangangailangan at kapakanan ng iba kaysa sa ating sarili. Paano ipinamalas ni Jesus ang gayong pag-ibig? Siya mismo ay nagpaliwanag: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.” (Juan 15:13) Kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang kaniyang perpektong buhay para sa atin. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na nagawa kailanman ng isang tao. Subalit ipinakita ni Jesus sa iba pang paraan ang pag-ibig na may pagsasakripisyo.
5. Bakit ang pag-alis sa langit ay isang maibiging pagsasakripisyo ng kaisa-isang Anak ng Diyos?
5 Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ang kaisa-isang Anak ng Diyos ay may bukod-tangi at nakatataas na posisyon sa langit. Siya ay may matalik na pakikipagsamahan kay Jehova at sa mga espiritung nilalang. Sa kabila ng personal na mga bentahang ito, “iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin at naging tao.” (Filipos 2:7) Kusang-loob siyang namuhay na kasama ng makasalanang mga tao sa isang mundong “nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Hindi ba’t iyan ay isang maibiging pagsasakripisyo ng Anak ng Diyos?
6, 7. (a) Sa ano-anong paraan ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo noong kaniyang ministeryo sa lupa? (b) Anong nakaaantig na halimbawa ng mapagsakripisyong pag-ibig ang nakaulat sa Juan 19:25-27?
6 Sa kaniyang buong ministeryo sa lupa, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo sa iba’t ibang paraan. Wala siyang bahid man lamang ng pagiging makasarili. Abalang-abala siya sa kaniyang ministeryo anupat isinakripisyo niya ang normal na kaginhawahang nakaugalian na ng mga tao. “Ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad,” ang sabi niya, “pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.” (Mateo 8:20) Bilang isang mahusay na karpintero, maaari sanang magtayo muna si Jesus ng sariling komportableng tahanan o gumawa muna ng magagandang muwebles na maipagbibili upang siya’y magkapera naman. Subalit hindi niya ginamit ang kaniyang kakayahan upang magtamo ng materyal na mga bagay.
7 Ang isang tunay na nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pag-ibig na may pagsasakripisyo ay nakaulat sa Juan 19:25-27. Isip-isipin na lamang ang maraming bagay na tiyak na gumagambala sa isip at puso ni Jesus noong kinahapunang iyon ng kaniyang kamatayan. Habang siya’y naghihirap sa tulos, nasa isip niya ang kaniyang mga alagad, ang pangangaral, at lalo na ang kaniyang katapatan at ang idudulot nito sa pangalan ng kaniyang Ama. Sa katunayan, nakasalalay sa kaniyang mga balikat ang buong kinabukasan ng tao! Gayunman, mga ilang sandali na lamang bago siya mamatay, nagpakita rin ng pagkabahala si Jesus para sa kaniyang inang si Maria, na malamang na isa nang biyuda noon. Hiniling ni Jesus kay apostol Juan na alagaan niya si Maria anupat ituring na parang sarili niyang ina, at kinupkop naman ng apostol si Maria sa kaniyang tahanan. Sa gayon ay inasikaso ni Jesus ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang ina. Tunay ngang napakagiliw na kapahayagan ng mapagsakripisyong pag-ibig!
“Naawa Siya”
8. Ano ang kahulugan ng salitang Griego na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang pagiging maawain ni Jesus?
8 Gaya ng kaniyang Ama, si Jesus ay maawain. Ang Kasulatan ay naglalarawan kay Jesus bilang isa na nagsisikap makatulong sa mga napipighati sapagkat siya’y lubhang naaantig. Upang ilarawan ang pagiging maawain ni Jesus, ginamit sa Bibliya ang isang salitang Griego na isinaling “naawa.” Sinabi ng isang iskolar: “Naglalarawan ito . . . ng isang damdaming umaantig sa isang tao mula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Ito ang pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.” Isaalang-alang ang ilang sitwasyon na dito’y naantig si Jesus ng isang matinding awa na siyang nag-udyok sa kaniya upang kumilos.
9, 10. (a) Ano ang sitwasyon noon kung kaya si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay humanap ng isang tahimik na lugar? (b) Nang maistorbo ng mga tao ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan, ano ang naging reaksiyon ni Jesus, at bakit?
9 Naudyukang tugunan ang espirituwal na mga pangangailangan. Ang ulat sa Marcos 6:30-34 ay nagpapakita kung ano ang pangunahing nag-udyok kay Jesus upang maawa. Ilarawan sa isip ang eksena. Ang mga apostol ay tuwang-tuwa noon, dahil katatapos pa lamang nila sa malawakang paglilibot upang mangaral. Bumalik sila kay Jesus at sabik na ibinalita ang lahat ng kanilang nakita at narinig. Subalit natipon ang napakaraming tao, anupat ni wala man lamang panahon si Jesus at ang kaniyang mga apostol upang kumain. Palibhasa’y likas na mapagmasid, napansin ni Jesus na pagod na ang mga apostol. “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti,” ang sabi niya sa kanila. Sakay ng isang bangka, sila’y naglayag patawid sa hilagang dulo ng Lawa ng Galilea sa isang tahimik na lugar. Subalit nakita ng mga tao ang kanilang pag-alis. Nabalitaan naman ito ng iba. Lahat sila ay nagtakbuhan sa may hilagang baybayin at nauna pa nga sa bangka na makarating sa kabilang ibayo!
10 Nagalit ba si Jesus dahil naistorbo ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan? Hindi! Naantig ang kaniyang damdamin nang makita ang mga taong ito, na may bilang na libo-libo, na naghihintay sa kaniya. Sumulat si Marcos: “Nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At tinuruan niya sila ng maraming bagay.” Itinuring ni Jesus ang mga taong ito bilang mga indibidwal na may pangangailangan sa espirituwal. Sila ay gaya ng mga tupang nagpapalaboy-laboy na lamang, palibhasa’y walang pastol na umaakay o pumoprotekta sa kanila. Batid ni Jesus na ang karaniwang mga tao ay pinababayaan ng walang-malasakit na mga lider ng relihiyon, na dapat sana’y naging mapagmalasakit na mga pastol. (Juan 7:47-49) Naawa siya sa mga tao, kaya tinuruan niya sila “tungkol sa Kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:11) Pansinin na si Jesus ay naawa sa mga tao bago pa man niya makita ang kanilang reaksiyon sa kaniyang ituturo sa kanila. Sa ibang pananalita, ang awa ay hindi resulta ng kaniyang pagtuturo sa mga tao, kundi ang motibo na nag-udyok sa kaniya na gawin iyon.
“Naawa siya at hinipo ang lalaki”
11, 12. (a) Paano pinakikitunguhan ang mga ketongin noong panahon ng Bibliya, subalit paano tumugon si Jesus nang siya’y lapitan ng isang lalaking “punô ng ketong”? (b) Paano naapektuhan ang ketongin sa paghipo ni Jesus, at paano ito ipinaghalimbawa ng karanasan ng isang doktor?
11 Naudyukang ibsan ang pagdurusa. Batid ng mga taong may iba’t ibang karamdaman na si Jesus ay maawain, kaya naman sila’y lumapit sa kaniya. Kitang-kita ito nang si Jesus, habang sinusundan siya ng mga tao, ay lapitan ng isang lalaking “punô ng ketong.” (Lucas 5:12) Noong panahon ng Bibliya, ang mga ketongin ay ibinubukod upang huwag makahawa sa iba. (Bilang 5:1-4) Gayunman, nang maglaon, ang mga rabinikong lider ay bumuo ng isang walang-awang pananaw sa ketong at nagpataw ng kanilang sariling mabibigat na alituntunin.a Gayunman, pansinin kung paano tinugon ni Jesus ang ketongin: “May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, at nakaluhod pa itong nagmakaawa sa kaniya: ‘Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.’ Naawa siya at hinipo ang lalaki, at sinabi niya: ‘Gusto ko! Gumaling ka.’ Nawala agad ang ketong ng lalaki.” (Marcos 1:40-42) Batid ni Jesus na hindi man lamang dapat na naroroon ang ketongin. Subalit sa halip na itaboy ito, si Jesus ay lubhang naantig anupat gumawa siya ng isang bagay na hindi sukat akalain. Hinipo ni Jesus ang ketongin!
12 Naiisip mo ba ang kahulugan ng paghipong iyon para sa ketongin? Bilang paghahalimbawa, isaalang-alang ang isang karanasan. Ikinuwento ni Dr. Paul Brand, espesyalista sa ketong, ang tungkol sa isang ketongin na ginamot niya sa India. Habang sinusuri niya ito, inakbayan niya ang ketongin at ipinaliwanag sa tulong ng isang interpreter ang paggamot na gagawin sa lalaki. Biglang umiyak ang ketongin. “May nasabi ba akong masama?” tanong ng doktor. Tinanong ng interpreter ang binata sa kaniyang wika at sumagot: “Wala raw po, Doktor. Napaiyak daw po siya dahil inakbayan ninyo siya. Sa loob ng maraming taon ay ngayon lamang daw po may humipo sa kaniya.” Para sa ketonging lumapit kay Jesus, ang paghipo sa kaniya ay may mas malawak pa ngang kahulugan. Pagkatapos ng minsang paghipong iyon, ang karamdamang naging dahilan upang siya’y itakwil ay nawala!
13, 14. (a) Anong prusisyon ang nasalubong ni Jesus pagdating sa lunsod ng Nain, at bakit ito’y isang napakalungkot na sitwasyon? (b) Ang awa ni Jesus ay nag-udyok sa kaniya na gawin ang ano para sa biyuda sa Nain?
13 Naudyukang pawiin ang pamimighati. Si Jesus ay lubhang naantig sa pamimighati ng iba. Halimbawa, isaalang-alang ang nakaulat sa Lucas 7:11-15. Naganap ito nang, sa mga kalahatian ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay dumating sa may hangganan ng lunsod ng Nain sa Galilea. Habang papalapit si Jesus sa pintuang-daan ng lunsod, nasalubong niya ang isang prusisyon ng libing. Tunay na napakalungkot ng mga pangyayari. Ang namatay ay nag-iisang anak na lalaki, at ang ina naman nito ay isang biyuda. Malamang na nakasama na rin ang biyuda sa ganitong prusisyon nang mamatay ang kaniyang asawa. Sa pagkakataong ito ay sa kaniyang anak naman, na marahil ay siyang tanging sumusuporta sa kaniya. Kabilang marahil sa mga kasama niyang nakikipaglibing noon ang karagdagang mga mang-aawit ng mga panaghoy at manunugtog ng malulungkot na himig. (Jeremias 9:17, 18; Mateo 9:23) Gayunman, napatitig si Jesus sa namimighating ina, na walang alinlangang naglalakad sa tabi ng hinihigaan ng patay nitong anak.
14 Si Jesus ay “naawa” sa naulilang ina. Sa nakaaaliw na tinig, sinabi niya sa kaniya: “Huwag ka nang umiyak.” Kusa siyang lumapit sa hinihigaan ng patay at hinipo niya iyon. Ang mga tagabuhat—at marahil ang iba pang nakikipaglibing noon—ay napahinto. Sa malakas na tinig, sinabi ni Jesus sa patay: “Lalaki, inuutusan kita, bumangon ka!” Ano kaya ang sumunod na nangyari? “Umupo ang taong patay at nagsalita” na para bang nagising sa mahimbing na pagtulog! Pagkatapos ay isinunod ang isang totoong nakaaantig na pangungusap: “At ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.”
15. (a) Ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa awa ni Jesus ay nagpapakita ng anong kaugnayan sa pagitan ng pagkaawa at pagkilos? (b) Paano natin matutularan si Jesus sa bagay na ito?
15 Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na ito? Sa bawat pangyayari, pansinin ang kaugnayan ng pagkaawa at pagkilos. Hindi maaaring hindi maaawa si Jesus kapag nakikita niya ang malungkot na kalagayan ng iba, at hindi maaaring hindi siya kikilos kapag naaawa siya. Paano kaya natin matutularan ang kaniyang halimbawa? Bilang mga Kristiyano, tayo ay may obligasyon na mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Pangunahin nang tayo ay nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos. Gayunman, alalahanin natin na ito ay ginagawa rin natin dahil sa awa. Kung tayo ay may empatiya sa mga tao na gaya ni Jesus, mauudyukan tayo ng ating puso na gawin ang lahat ng ating makakaya upang ibahagi ang mabuting balita sa kanila. (Mateo 22:37-39) Kumusta naman ang pagpapakita ng awa sa mga kapananampalatayang nagdurusa o namimighati? Wala tayong kakayahan na makahimalang magpagaling ng karamdaman o bumuhay ng patay. Subalit, maipapakita natin ang awa sa pamamagitan ng pagmamalasakit o paglalaan ng kinakailangang tulong.—Efeso 4:32.
“Ama, Patawarin Mo Sila”
16. Paano nakita ang pagnanais ni Jesus na magpatawad kahit na noong siya ay nasa pahirapang tulos?
16 Ganap na masasalamin kay Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama sa isa pang mahalagang paraan—siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Ang katangiang ito ay nakita kahit na noong siya ay nasa pahirapang tulos. Nang sapilitang iparanas sa kaniya ang isang nakakahiyang kamatayan, anupat nakabaon ang mga pako sa kaniyang mga kamay at paa, ano ang sinabi ni Jesus? Hiniling ba niya kay Jehova na parusahan ang mga nagpapahirap sa kaniya? Sa kabaligtaran, ganito ang naging mga huling salita ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.”—Lucas 23:34.b
17-19. Sa ano-anong paraan ipinakita ni Jesus na pinatawad na niya si apostol Pedro sa pagkakaila sa kaniya nito nang tatlong ulit?
17 Marahil ang isa pa ngang mas nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pagpapatawad ay makikita sa paraan ng pakikitungo niya kay apostol Pedro. Walang kaduda-duda na pinakaiibig ni Pedro si Jesus. Noong Nisan 14, huling gabi ng buhay ni Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.” Subalit ilang oras lamang pagkaraan nito, tatlong ulit na ikinaila ni Pedro na kilala niya si Jesus! Sinasabi sa atin ng Bibliya ang nangyari habang ikinakaila ni Pedro si Jesus sa ikatlong pagkakataon: “Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro.” Palibhasa’y nanlupaypay sa bigat ng kaniyang kasalanan, si Pedro ay “lumabas . . . at humagulgol.” Nang mamatay si Jesus sa pagtatapos ng araw na iyon, malamang na naisip ng apostol, ‘Napatawad kaya ako ng aking Panginoon?’—Lucas 22:33, 61, 62.
18 Hindi na kinailangan ni Pedro na maghintay pa nang matagal para malaman ang sagot. Si Jesus ay binuhay-muli noong umaga ng Nisan 16, at maliwanag na noon mismong araw na iyon, siya ay personal na dumalaw kay Pedro. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:4-8) Bakit kaya gayon na lamang ang atensiyong ibinigay ni Jesus sa apostol na siyang mariing nagkaila sa kaniya? Maaaring nais ni Jesus na patibayin ang loob ng nagsisising si Pedro na siya’y iniibig pa rin at pinahahalagahan ng kaniyang Panginoon. Subalit higit pa nga rito ang ginawa ni Jesus upang mapatibay-loob si Pedro.
19 Pagkalipas ng ilang araw, si Jesus ay nagpakita sa mga alagad sa Lawa ng Galilea. Sa pagkakataong ito, tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro (na tatlong ulit na nagkaila sa kaniyang Panginoon) hinggil sa pag-ibig ni Pedro sa kaniya. Pagkatapos ng ikatlong tanong, sumagot si Pedro: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Tunay naman na yamang nakababasa siya ng puso, alam na alam ni Jesus ang pag-ibig at pagmamahal ni Pedro sa kaniya. Gayunman, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataong patunayan ang kaniyang pag-ibig. Bukod diyan, inatasan ni Jesus si Pedro na “pakainin” at “pastulan” ang kaniyang “maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Bago nito, tumanggap na si Pedro ng isang atas na mangaral. (Lucas 5:10) Subalit ngayon, sa isang pambihirang pagpapakita ng pagtitiwala, binigyan siya ni Jesus ng mas mabigat na pananagutan—pangalagaan ang magiging mga tagasunod ni Kristo. Di-nagtagal, binigyan ni Jesus si Pedro ng isang prominenteng papel sa gawain ng mga alagad. (Gawa 2:1-41) Tiyak na nakahinga si Pedro nang maluwag sa pagkaalam na pinatawad na siya ni Jesus at may tiwala pa rin ito sa kaniya!
‘Alam Ba Ninyo ang Pag-ibig ng Kristo’?
20, 21. Paano natin lubusang ‘malalaman ang pag-ibig ng Kristo’?
20 Tunay ngang napakaganda ng pagkakalarawan ng Salita ni Jehova sa pag-ibig ng Kristo. Kung gayon, paano kaya natin tutugunin ang pag-ibig ni Jesus? Ang Bibliya ay humihimok sa atin na “[alamin] ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman.” (Efeso 3:19) Gaya ng nakita natin, ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa buhay at ministeryo ni Jesus ay may malaking naituturo sa atin tungkol sa pag-ibig ng Kristo. Gayunman, higit pa sa basta pagkatuto lamang ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya ang kailangan upang lubusang “malaman . . . ang pag-ibig ng Kristo.”
21 Ang terminong Griego na isinaling “malaman” ay nangangahulugang makilala sa “praktikal na paraan, sa pamamagitan ng karanasan.” Kung tayo ay nagpapakita ng pag-ibig na gaya ng kay Jesus—anupat mapagsakripisyong naghahandog ng sarili alang-alang sa iba, maawaing tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, buong-pusong nagpapatawad sa kanila—kung gayon ay tunay na mauunawaan natin ang kaniyang damdamin. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng karanasan ay nagagawa nating “malaman . . . ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman.” At huwag nating kalilimutan kailanman na habang higit tayong nagiging gaya ni Kristo, lalo tayong napapalapít sa isa na ganap na tinularan ni Jesus, ang ating maibiging Diyos, si Jehova.
a Binanggit ng rabinikong mga alituntunin na dapat ay apat na siko (mga 1.8 metro) ang layo ng sinuman mula sa isang ketongin. Ngunit kapag mahangin, dapat ay di-kukulangin sa 100 siko (mga 45 metro) ang distansiya ng ketongin. Binabanggit sa Midrash Rabbah ang tungkol sa isang rabbi na nagtago mula sa mga ketongin at sa isa pa na nambato sa mga ketongin upang itaboy ang mga ito. Kaya naman, alam ng mga ketongin ang sakit na nadarama ng isang pinandidirihan, hinahamak, at kinasusuklaman.
b Ang unang bahagi ng Lucas 23:34 ay inalis sa ilang sinaunang manuskrito. Gayunman, dahil sa ang mga salitang ito ay makikita sa maraming iba pang mapanghahawakang manuskrito, ang mga ito ay inilakip sa Bagong Sanlibutang Salin at sa marami pang ibang salin. Malamang na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga sundalong Romano na pumatay sa kaniya. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa, yamang hindi nila kilala kung sino talaga si Jesus. Baka naiisip din niya ang mga Judio na nagpapatay sa kaniya pero nang maglaon ay nanampalataya sa kaniya. (Gawa 2:36-38) Mangyari pa, ang mga lider ng relihiyon na nagsulsol sa pagpaslang na iyon ang mas higit na dapat sisihin, sapagkat alam nila ang kanilang ginagawa at masama ang kanilang hangarin. Para sa marami sa kanila, wala nang naghihintay na kapatawaran.—Juan 11:45-53.
-
-
“Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig”Maging Malapít kay Jehova
-
-
KABANATA 30
“Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig”
1-3. Ano ang nagiging resulta kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig?
“MAY higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang mga salitang iyan ni Jesus ay nagdiriin ng mahalagang katotohanang ito: Ang mapagsakripisyong pag-ibig ay may sarili nitong kagantihan. Bagaman may malaking kaligayahan sa pagtanggap ng pag-ibig, may mas malaking kaligayahan sa pagbibigay, o pagpapakita, ng pag-ibig sa iba.
2 Walang higit na nakaaalam nito kundi ang ating makalangit na Ama. Gaya ng nakita natin sa naunang mga kabanata ng seksiyong ito, si Jehova ang pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig. Walang sinuman ang nakapagpakita ng pag-ibig sa mas dakilang paraan o sa mas mahabang yugto ng panahon maliban sa kaniya. Kung gayon, kataka-taka bang tawagin si Jehova na “maligayang Diyos”?—1 Timoteo 1:11.
3 Nais ng ating maibiging Diyos na tayo ay magsikap na tularan siya, lalo na kung tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig. Ang Efeso 5:1, 2 ay nagsasabi sa atin: “Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak, at patuloy na magpakita ng pag-ibig.” Kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig, natatamasa natin ang mas malaking kaligayahang dulot ng pagbibigay. Nakasisiya ring malaman na tayo’y nakalulugod kay Jehova, sapagkat ang kaniyang Salita ay humihimok sa atin na ‘ibigin ang isa’t isa.’ (Roma 13:8) Subalit may iba pang mga dahilan kung bakit dapat tayong “patuloy na magpakita ng pag-ibig.”
Kung Bakit Mahalaga ang Pag-ibig
Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na ipahayag ang pagtitiwala sa ating mga kapatid
4, 5. Bakit mahalagang magpakita tayo ng mapagsakripisyong pag-ibig sa mga kapananampalataya?
4 Bakit mahalaga na magpakita tayo ng pag-ibig sa mga kapananampalataya? Kasi pag-ibig ang pinakadiwa ng tunay na Kristiyanismo. Kung walang pag-ibig, hindi tayo magkakaroon ng matalik na buklod sa ating mga kapuwa Kristiyano, at ang masahol pa, hindi tayo magkakaroon ng halaga sa paningin ni Jehova. Isaalang-alang kung paano itinatampok sa Salita ng Diyos ang mga katotohanang ito.
5 Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) “Kung paanong inibig ko kayo”—oo, inuutusan tayong magpakita ng uri ng pag-ibig na ipinakita ni Jesus. Sa Kabanata 29, napansin natin na si Jesus ay nagpakita ng isang dakilang halimbawa sa pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig, anupat inuuna ang mga pangangailangan at mga kapakanan ng iba kaysa sa kaniyang sarili. Dapat din tayong magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig, at gawin natin ito sa paraang mahahalata maging ng mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Tunay nga na ang mapagsakripisyong pangkapatirang pag-ibig ang pagkakakilanlan ng tunay na mga tagasunod ni Kristo.
6, 7. (a) Paano natin nalaman na may mataas na pagpapahalaga ang Salita ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig? (b) Ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 13:4-8 ay nagtutuon ng pansin sa anong pitak ng pag-ibig?
6 Ano kaya kung wala tayong pag-ibig? “Kung . . . wala akong pag-ibig,” ang sabi ni apostol Pablo, “gaya lang ako ng isang umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo.” (1 Corinto 13:1) Ang isang maingay na simbalo ay lumilikha ng isang ingay na masakit sa tainga. Ganiyan din ang isang umaalingawngaw na gong. Angkop na angkop nga ang mga ilustrasyong ito! Ang isang taong walang pag-ibig ay gaya ng isang instrumento sa musika na lumilikha ng isang malakas at nakakainis na ingay na nagpapayamot sa halip na makaakit. Paano makapagtatamasa ng isang matalik na kaugnayan sa iba ang gayong tao? Sinabi rin ni Pablo: “Kung . . . sa laki ng pananampalataya ko ay makapaglilipat ako ng mga bundok, pero wala akong pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan.” (1 Corinto 13:2) Isip-isipin na lamang ito, ang isang taong walang pag-ibig ay “walang-kuwentang tao,” sa kabila ng anumang mga bagay na maaaring nagagawa niya! (The Amplified Bible) Hindi ba’t maliwanag na may mataas na pagpapahalaga ang Salita ni Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig?
7 Subalit, paano kaya natin maipapakita ang katangiang ito sa ating pakikitungo sa iba? Upang masagot iyan, suriin natin ang mga salita ni Pablo na masusumpungan sa 1 Corinto 13:4-8. Ang idiniriin sa mga talatang ito ay hindi yaong pag-ibig ng Diyos sa atin ni yaong pag-ibig natin sa Diyos. Sa halip, ang pinagtuunan ng pansin ni Pablo ay kung paano natin maipapakita ang pag-ibig sa isa’t isa. Binanggit niya ang ilang bagay hinggil sa kung ano ang pag-ibig at kung ano ang hindi.
Kung Ano ang Pag-ibig
8. Paanong ang pagtitiis ay nakatutulong sa atin sa pakikitungo natin sa iba?
8 “Ang pag-ibig ay matiisin.” Ang pagtitiis ay nangangahulugan na magiging mapagpasensiya tayo sa iba. (Colosas 3:13) Hindi ba’t kailangan natin ang gayong pagtitiis? Dahil sa tayo ay di-perpektong mga nilalang na naglilingkod nang balikatan, natural lamang na asahan paminsan-minsan na maaaring mainis tayo sa ating mga kapatid at maaari din namang sila ang mainis sa atin. Subalit ang pagpapaumanhin at pagtitimpi ay makatutulong sa atin na makayanan ang maliliit na galos at kalmot na natatamo natin sa ating pakikitungo sa iba—nang hindi nagagambala ang kapayapaan ng kongregasyon.
9. Sa ano-anong paraan maipapakita natin ang kabaitan sa iba?
9 “Ang pag-ibig ay . . . mabait.” Ang kabaitan ay ipinapakita sa pamamagitan ng matulunging mga gawa at makonsiderasyong mga salita. Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na humanap ng mga paraan upang maipakita ang kabaitan, lalo na sa mga higit na nangangailangan nito. Halimbawa, baka nalulungkot ang isang nakatatandang kapananampalataya at kailangang madalaw upang mapatibay. Baka kailangang tulungan ang isang nagsosolong ina o isang sister na nakatira sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Baka kailangang makarinig ng mababait na salita mula sa isang tapat na kaibigan ang isang may karamdaman o nasa kagipitan. (Kawikaan 12:25; 17:17) Kapag nagkukusa tayong magpakita ng kabaitan sa ganitong mga paraan, ipinapakita natin na tunay ang ating pag-ibig.—2 Corinto 8:8.
10. Paanong ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na ipagtanggol at sabihin ang katotohanan, kahit ito’y mahirap gawin?
10 “Ang pag-ibig ay . . . nagsasaya sa katotohanan.” Ang ibang bersiyon ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay . . . may kagalakang pumapanig sa katotohanan.” Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na ipagtanggol ang katotohanan at “magsalita . . . ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zacarias 8:16) Halimbawa, kung ang isang minamahal ay nasangkot sa isang malubhang kasalanan, ang pag-ibig kay Jehova—at sa nagkasala—ay tutulong sa atin na manghawakan sa mga pamantayan ng Diyos sa halip na tangkaing itago, bigyang-katuwiran, o pasinungalingan pa nga ang pagkakamali. Sabihin pa, baka nga talagang mahirap tanggapin ang pangyayari. Subalit kung isasapuso natin ang kapakanan ng ating minamahal, nanaisin natin na siya’y tumanggap at tumugon sa anumang maibiging disiplina na ibibigay ng Diyos. (Kawikaan 3:11, 12) Bilang maibiging mga Kristiyano, gusto din nating “gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
11. Dahil sa ang pag-ibig ay ‘nagpapasensiya sa lahat ng bagay,’ ano ang dapat nating pagsikapang gawin tungkol sa mga pagkukulang ng mga kapananampalataya?
11 ‘Ang pag-ibig ay nagpapasensiya sa lahat ng bagay.’ Ang pangungusap na iyan ay literal na nangangahulugang “tinatakpan nito ang lahat ng bagay.” (Kingdom Interlinear) Ang 1 Pedro 4:8 ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” Oo, ang isang Kristiyano na inuugitan ng pag-ibig ay hindi naghahangad na ibunyag ang lahat ng pagiging di-perpekto at pagkukulang ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Kadalasan, ang mga pagkakamali at depekto ng mga kapananampalataya ay maliliit lamang at matatakpan ng pag-ibig.—Kawikaan 10:12; 17:9.
12. Paano ipinakita ni apostol Pablo na naniniwala siyang ang pinakamabuti ang gagawin ni Filemon, at ano ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ni Pablo?
12 ‘Ang pag-ibig ay naniniwala sa lahat ng bagay.’ Sinasabi ng salin ni Moffatt na ang pag-ibig ay “laging handang paniwalaan ang pinakamabuti.” Hindi tayo labis na nagsususpetsa sa ating mga kapananampalataya, anupat pinag-aalinlanganan ang bawat motibo nila. Ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na “paniwalaan ang pinakamabuti” tungkol sa ating mga kapatid at pagtiwalaan sila.a Pansinin ang isang halimbawa sa liham ni Pablo kay Filemon. Lumiham si Pablo upang himukin si Filemon na tanggapin nang may kabaitan ang pagbabalik ng takas na aliping si Onesimo, na naging Kristiyano. Sa halip na pilitin si Filemon, si Pablo ay nakiusap salig sa pag-ibig. May tiwala siyang gagawin ni Filemon kung ano ang tama, na sinasabi: “Nagtitiwala akong gagawin mo ang hiling ko, kaya sumusulat ako sa iyo, dahil alam kong higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo.” (Talata 21) Kapag inudyukan tayo ng pag-ibig na magpahayag ng gayong pagtitiwala sa ating mga kapatid, napasisigla natin sila upang gumawa ng pinakamabuting magagawa nila.
13. Paano natin maipapakita na inaasahan natin ang pinakamabuti para sa ating mga kapatid?
13 ‘Ang pag-ibig ay umaasa sa lahat ng bagay.’ Kung paanong dahil sa pag-ibig ay nagtitiwala tayo, dahil din sa pag-ibig, umaasa tayo. Palibhasa’y nauudyukan ng pag-ibig, inaasahan natin ang pinakamabuti para sa ating mga kapatid. Halimbawa, kapag ang isang kapatid ay nakagawa ng “maling hakbang nang hindi niya namamalayan,” inaasahan natin na siya ay tutugon sa maibiging pagsisikap na maibalik siya sa ayos. (Galacia 6:1) Inaasahan din natin na ang mahihina sa pananampalataya ay mapalalakas. Nagiging mapagpasensiya tayo sa kanila, anupat ginagawa ang ating buong makakaya upang matulungan silang lumakas sa pananampalataya. (Roma 15:1; 1 Tesalonica 5:14) Kahit pa maligaw ng landas ang isang minamahal, hindi tayo nawawalan ng pag-asa na balang-araw ay matatauhan din siya at manunumbalik kay Jehova, gaya ng nawalang anak sa ilustrasyon ni Jesus.—Lucas 15:17, 18.
14. Sa anong mga paraan maaaring masubok ang ating pagtitiis sa loob ng kongregasyon, at paano tayo matutulungan ng pag-ibig na harapin ito?
14 ‘Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat ng bagay.’ Ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na manindigang matatag sa harap ng pagkabigo o paghihirap. Hindi lamang ang mga nasa labas ng kongregasyon ang kailangan nating pagtiisan. Kung minsan, baka kailangan din nating pagtiisan ang mga nasa loob ng kongregasyon. Dahil sa pagiging di-perpekto, may pagkakataon na binibigo tayo ng ating mga kapatid. Baka nasaktan ang ating damdamin dahil sa isang di-pinag-isipang pananalita. (Kawikaan 12:18) Baka may isang pangkongregasyong bagay na hindi napangasiwaan sa paraan na sa palagay natin ay siyang nararapat. Baka nakakainis ang paggawi ng isang iginagalang na kapatid, anupat nagtatanong tuloy tayo, ‘Paano iyan nagagawa ng isang Kristiyano?’ Kapag napaharap sa ganiyang mga sitwasyon, iiwan na ba natin ang kongregasyon at hindi na maglilingkod kay Jehova? Hindi nga kung may pag-ibig tayo! Oo, iniingatan tayo ng pag-ibig upang hindi mapiringan ng mga pagkakamali ng isang kapatid anupat wala na tayong makitang mabuting bagay sa kaniya o sa kongregasyon sa kabuoan. Ang pag-ibig ay tutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos at nakikipagtulungan sa kongregasyon anuman ang sabihin o gawin ng isang di-perpektong tao.—Awit 119:165.
Kung Ano ang Hindi Ginagawa ng Pag-ibig
15. Bakit hindi tayo dapat mainggit, at paano nakatutulong ang pag-ibig para maiwasan ang nakapipinsalang damdaming iyan?
15 “Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.” Hindi tayo dapat mainggit sa tinataglay ng iba gaya ng mga ari-arian, mabubuting bagay na tinatanggap nila mula kay Jehova, o mga kakayahan. Ang gayong pagkainggit ay isang makasarili at nakapipinsalang damdamin na kung hindi masusupil ay makagagambala sa kapayapaan ng kongregasyon. Ano ang tutulong sa atin upang mapaglabanan ang tendensiya na mainggit? (Santiago 4:5) Ang sagot, pag-ibig. Ang mahalagang katangiang ito ay tutulong sa atin na makipagsaya sa kanila na sa wari’y higit na nakaririwasa sa buhay kaysa sa atin. (Roma 12:15) Ang pag-ibig ay tutulong sa atin na huwag ituring na isang insulto sa atin kapag ang isa ay tumanggap ng papuri dahil sa kaniyang pambihirang kakayahan o namumukod na tagumpay.
16. Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, bakit dapat nating iwasang ipagyabang ang ating ginagawa sa paglilingkod kay Jehova?
16 ‘Ang pag-ibig ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.’ Ang pag-ibig ay pumipigil sa atin na ipagyabang ang ating mga kakayahan o mga tagumpay. Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, paano natin magagawa na paulit-ulit na ipagmalaki ang ating tagumpay sa ministeryo o ang ating mga pribilehiyo sa kongregasyon? Ang gayong pagyayabang ay nakapagpapahina sa iba, anupat iniisip tuloy nilang sila’y mababa. Ang pag-ibig ay hindi nagpapahintulot sa atin na ipagyabang ang mga pribilehiyo ng paglilingkod na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. (1 Corinto 3:5-9) Kasi ang pag-ibig ay “hindi nagmamalaki.” Gaya nga ng sinasabi ng isang salin ng Bibliya, ang pag-ibig ang pumipigil sa isang tao na labis na pahalagahan ang sarili. Dahil sa pag-ibig, hindi natin iisipin na nakahihigit tayo sa iba.—Roma 12:3.
17. Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na magpakita ng anong konsiderasyon sa iba, at anong uri ng paggawi ang iiwasan natin kung gayon?
17 “Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.” Ang isang taong gumagawi nang hindi disente ay kumikilos sa paraang masagwa o nakasusuklam. Ang gayong paggawi ay salat sa pag-ibig, sapagkat nagpapakita ito ng tahasang pagwawalang-halaga sa damdamin at kapakanan ng iba. Sa kabaligtaran naman, ang pag-ibig ay may taglay na kagandahang-loob na siyang nag-uudyok sa atin upang magpakita ng konsiderasyon sa iba. Ang pag-ibig ay nagtataguyod ng mabuting asal, makadiyos na paggawi, at paggalang sa ating kapananampalataya. Kung gayon, ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na masangkot sa “kahiya-hiyang paggawi”—oo, sa anumang kilos na makabibigla o makasasakit sa ating mga kapatid na Kristiyano.—Efeso 5:3, 4.
18. Bakit ang isang maibiging tao ay hindi nagpipilit na ang lahat ng bagay ay gawin ayon sa gusto niya?
18 ‘Hindi inuuna ng pag-ibig ang sarili nitong kapakanan.’ Ganito ang sabi rito ng Revised Standard Version: “Ang pag-ibig ay hindi naggigiit ng sarili nitong kagustuhan.” Ang isang maibiging tao ay hindi nagpipilit na ang lahat ng bagay ay gawin ayon sa gusto niya, na para bang ang kaniyang mga opinyon ang laging tama. Hindi niya sinisikap na kontrolin ang iba, anupat ginagamit ang kaniyang kakayahang humikayat upang daigin yaong mga may ibang pananaw. Ang gayong pagmamatigas ay magsisiwalat ng isang antas ng pagmamataas, at ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak.” (Kawikaan 16:18) Kung talagang iniibig natin ang ating mga kapatid, igagalang natin ang kanilang mga pananaw, at hangga’t maaari, ipapakita nating handa tayong magparaya. Ang mapagparayang espiritu ay kasuwato ng mga salita ni Pablo: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.
19. Paano tayo tinutulungan ng pag-ibig na tumugon kapag ang iba ay nagkasala sa atin?
19 “Ang pag-ibig ay . . . hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.” Ang pag-ibig ay hindi madaling magalit dahil sa sinasabi o ginagawa ng iba. Totoo, likas lamang na maghinanakit kapag ang iba ay nagkasala sa atin. Subalit kahit na may katuwiran tayong magalit, ang pag-ibig ay hindi nagpapahintulot na tayo ay manatiling galit. (Efeso 4:26, 27) Hindi tayo nag-iingat ng isang talaan ng masasakit na salita o gawa, na para bang inililista ang mga ito sa isang ledyer upang hindi malimutan ang mga ito. Sa halip, ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na tularan ang ating maibiging Diyos. Gaya ng nakita natin sa Kabanata 26, si Jehova ay nagpapatawad kapag may makatuwirang dahilan para gawin iyon. Kapag napatawad na niya tayo, kinalilimutan na niya iyon, samakatuwid nga, hindi na niya sisingilin sa atin ang mga kasalanang iyon sa hinaharap. Hindi ba’t dapat nating ipagpasalamat na si Jehova ay hindi nagbibilang ng pinsala?
20. Ano ang ating magiging reaksiyon kapag ang isang kapananampalataya ay nasilo ng kasalanan at napahamak dahil dito?
20 ‘Ang pag-ibig ay hindi natutuwa sa kasamaan.’ Ang The New English Bible ay kababasahan: “Ang pag-ibig ay . . . hindi natutuwa sa mga pagkakasala ng ibang tao.” Ang salin ni Moffatt ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nagagalak kapag ang iba ay nagkakamali.” Ang pag-ibig ay hindi nasisiyahan sa kalikuan, kaya hindi tayo nagbubulag-bulagan sa anumang uri ng imoralidad. Ano ang ating nagiging reaksiyon kapag ang isang kapananampalataya ay nabitag ng kasalanan at napahamak dahil dito? Ang pag-ibig ay hindi magpapahintulot sa atin na magsaya, na para bang sinasabing ‘Mabuti nga sa kaniya! Dapat lang sa kaniya iyon!’ (Kawikaan 17:5) Gayunman, nagsasaya nga tayo kapag ang isang kapatid na nagkasala ay gumawa ng positibong hakbangin upang makabangon sa kaniyang pagkakadapa sa espirituwal.
Isang Bagay na “Nakahihigit sa Lahat”
21-23. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo”? (b) Ano ang isasaalang-alang sa huling kabanata?
21 “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang ito? Gaya ng makikita sa konteksto, tinatalakay niya ang mga kaloob ng espiritu na taglay ng sinaunang mga Kristiyano. Ang mga kaloob na iyon ay nagsisilbing mga tanda na ang pabor ng Diyos ay nasa bagong-tatag na kongregasyon. Subalit hindi lahat ng Kristiyano ay maaaring magpagaling, manghula, o magsalita ng iba’t ibang wika. Gayunman, hindi iyan mahalaga; ang makahimalang mga kaloob ay mawawala rin naman pagdating ng panahon. Subalit may isang bagay na mananatili, isang bagay na maaaring linangin ng bawat Kristiyano. Ito ay mas mahalaga at mas nagtatagal kaysa sa anumang makahimalang kaloob. Sa katunayan, sinabi ni Pablo na ito ay “nakahihigit sa lahat.” (1 Corinto 12:31) Ano ito? Ito ang pag-ibig.
22 Sa katunayan, ang Kristiyanong pag-ibig na inilarawan ni Pablo ay “hindi kailanman nabibigo,” samakatuwid nga, hindi ito kailanman magwawakas. Hanggang sa panahong ito, ang mapagsakripisyong pag-ibig na pangkapatiran pa rin ang pagkakakilanlan ng tunay na mga tagasunod ni Jesus. Hindi ba’t nakikita natin ang katibayan ng pag-ibig na iyan sa mga kongregasyon ng mga mananamba ni Jehova sa buong lupa? Ang pag-ibig na iyan ay mananatili magpakailanman, sapagkat pinangakuan ni Jehova ng walang-hanggang buhay ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Awit 37:9-11, 29) Lagi sana nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang “patuloy na magpakita ng pag-ibig.” Sa paggawa nito, magtatamasa tayo ng higit na kaligayahang dulot ng pagbibigay. Bukod diyan, maaari tayong patuloy na mabuhay—oo, patuloy na umibig—magpakailanman, bilang pagtulad sa ating maibiging Diyos, si Jehova.
Ang bayan ni Jehova ay nakikilala sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa
23 Sa kabanatang ito na siyang pagwawakas ng seksiyon tungkol sa pag-ibig, tinalakay natin kung paano natin maipapakita ang pag-ibig sa isa’t isa. Subalit kung isasaalang-alang ang napakaraming paraan na doo’y makikinabang tayo mula sa pag-ibig ni Jehova—gayundin sa kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan—makakabuting itanong natin, ‘Paano ko maipapakita kay Jehova na talagang iniibig ko siya?’ Ang tanong na iyan ay isasaalang-alang sa huling kabanata.
a Mangyari pa, ang pag-ibig Kristiyano ay hindi naman labis na mapaniwalain. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Mag-ingat sa mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi at nagiging dahilan ng pagkatisod. . . . Iwasan ninyo sila.”—Roma 16:17.
-