Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Ako ay . . . Mapagpakumbaba”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 3

      “Ako ay . . . Mapagpakumbaba”

      Si Jesus na nakasakay sa isang bisiro. May mga tao sa tabi ng daan na may dalang sanga ng palma habang inilalatag naman ng iba ang kanilang balabal sa daan.

      “Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo”

      1-3. Sa anong paraan pumasok si Jesus sa Jerusalem, at bakit posibleng ikinagulat iyan ng ilan sa mga tao doon?

      MASAYANG-MASAYA ang mga tao sa Jerusalem! Isang tanyag na lalaki ang parating. Nasa tabi ng daan ang mga tao sa labas ng lunsod. Sabik silang salubungin ang lalaking ito, dahil sinasabi ng ilan na siya ang tagapagmana ni Haring David at ang karapat-dapat na Tagapamahala ng Israel. May mga nagdala ng mga sanga ng palma para iwagayway bilang pagbati; ang iba naman ay naglatag ng mga balabal at sanga ng puno para mapaganda ang daraanan niya. (Mateo 21:7, 8; Juan 12:12, 13) Baka nag-iisip ang marami kung paano siya papasok sa lunsod.

      2 Posibleng inaasahan ng ilan na magiging engrande ang kaniyang pagdating. Ganiyan kasi ang ginawa ng ilang importanteng tao noon. Halimbawa, nang iproklama ng anak ni David na si Absalom ang sarili nito bilang hari, 50 lalaki ang pinatakbo niya sa unahan ng karwahe niya. (2 Samuel 15:1, 10) Mas magarbo pa ang Romanong tagapamahala na si Julio Cesar; sa isang prusisyon ng tagumpay na pinangunahan niya paakyat sa kapitolyo ng Roma, 40 elepante na may mga ilawan ang nasa magkabilang gilid niya! Pero ngayon, isang mas dakilang lalaki ang hinihintay ng mga tao sa Jerusalem. Ito ang Mesiyas, ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Alam man nila iyon o hindi, baka nagulat ang ilan nang makita nila kung paano dumating ang piniling Haring ito.

      3 Wala silang nakitang mga karwahe, mananakbo, kabayo, o kahit mga elepante. Nakasakay lang si Jesus sa isang asno, isang karaniwang hayop na pantrabaho.a Hindi magarbo ang suot niya o ang inuupuan niya. Nagpatong lang ng mga balabal sa likod ng asno ang malalapít niyang tagasunod. Bakit napakasimple ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, habang mas marangya at magarbo ang ginawa ng mga lalaking hindi kasing-importante niya?

      4. Ano ang inihula ng Bibliya tungkol sa gagawing pagpasok sa Jerusalem ng Mesiyanikong Hari?

      4 Tinupad ni Jesus ang isang hula: “Magsaya ka nang lubos . . . Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, nagliligtas, mapagpakumbaba at nakasakay sa asno.” (Zacarias 9:9) Ipinapakita ng hulang ito na balang-araw, isisiwalat ng Mesiyas, na Pinahiran ng Diyos, ang sarili niya sa mga tao sa Jerusalem bilang Haring inatasan ng Diyos. Bukod diyan, makikita sa ginawa niyang paraan ng pagpapasok ang napakagandang katangian ng kaniyang puso—ang kapakumbabaan.

      5. Bakit nakakaantig na bulay-bulayin ang kapakumbabaan ni Jesus, at bakit napakahalagang tularan natin si Jesus?

      5 Kapakumbabaan ang isa sa pinakamagandang katangian ni Jesus na nakakaantig bulay-bulayin. Gaya ng natalakay natin sa naunang kabanata, si Jesus lang “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Walang sinuman sa bilyon-bilyong tao na nabuhay sa lupa ang kasing-importante ng Anak ng Diyos. Pero hindi nagpakita si Jesus ng kahit katiting na pagmamataas, kayabangan, o pagmamalaki na makikita sa napakaraming di-perpektong tao. Para maging tagasunod ni Kristo, kailangan nating labanan ang tendensiyang magmataas. (Santiago 4:6) Tandaan, kinapopootan ni Jehova ang pagmamataas. Kaya naman napakahalagang matutuhan natin na maging mapagpakumbaba gaya ni Jesus.

      Mahabang Rekord ng Kapakumbabaan

      6. Ano ang kapakumbabaan, at bakit sigurado si Jehova na magiging mapagpakumbaba ang Mesiyas?

      6 Ang kapakumbabaan ay kababaan ng isip, na walang pagmamataas o pagmamapuri. Katangian ito na nagmumula sa puso at makikita sa pananalita, paggawi, at pakikitungo ng isang tao sa iba. Bakit sigurado si Jehova na magiging mapagpakumbaba ang Mesiyas? Alam niya kasing tinutularan ng kaniyang Anak ang perpektong halimbawa niya ng kapakumbabaan. (Juan 10:15) Aktuwal din niyang nakita ang kapakumbabaan ng kaniyang Anak.

      7-9. (a) Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Miguel sa pagharap kay Satanas? (b) Paano matutularan ng mga Kristiyano si Miguel?

      7 Isang magandang halimbawa ang makikita natin sa aklat ng Judas: “Nang si Miguel na arkanghel at ang Diyablo ay magtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi nangahas si Miguel na hatulan ang Diyablo gamit ang mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’” (Judas 9) Ang pangalang Miguel ay tumutukoy kay Jesus sa papel niya bilang arkanghel, o pinuno ng hukbo ng mga anghel ni Jehova, bago at pagkatapos ng kaniyang buhay sa lupa.b (1 Tesalonica 4:16) Pero pansinin kung paano hinarap ni Miguel si Satanas.

      8 Hindi sinasabi sa ulat ni Judas kung ano ang gustong gawin ng Diyablo sa katawan ni Moises. Pero makakatiyak tayo na may masamang plano siya. Baka gusto niyang gamitin sa huwad na pagsamba ang bangkay ng tapat na taong iyon. Kahit mahigpit na tinutulan ni Miguel ang napakasamang plano ni Satanas, nagpakita pa rin siya ng pagpipigil sa sarili. Dapat lang na sawayin si Satanas, pero alam ni Miguel na ang Diyos na Jehova ang dapat humatol kay Satanas, dahil nang panahong nakikipagtalo ito sa kaniya, hindi pa ipinagkakatiwala sa kaniya ang “lahat ng paghatol.” (Juan 5:22) Bilang arkanghel, malaki ang awtoridad ni Miguel. Pero mapagpakumbaba siyang nagpasakop kay Jehova imbes na sikaping makakuha ng higit pang awtoridad. At dahil mapagpakumbaba siya, alam niyang may mga limitasyon siya.

      9 May dahilan kung bakit ginabayan ng banal na espiritu si Judas na isulat ang pangyayaring ito. Nakakalungkot, hindi mapagpakumbaba ang ilang Kristiyano noong panahon niya. Mayayabang sila at “nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa lahat ng bagay na hindi naman nila naiintindihan.” (Judas 10) Napakadali para sa atin na mga di-perpektong tao na maging mapagmataas! Paano kung hindi natin maintindihan ang isang bagay na ginawa sa kongregasyong Kristiyano, halimbawa, may kaugnayan sa desisyon ng lupon ng matatanda? Ano ang magiging reaksiyon natin? Hindi kaya kawalan ng kapakumbabaan kung pupunahin natin ang desisyon nila kahit hindi naman natin alam ang lahat ng detalye? Mas magandang tularan natin si Miguel, o Jesus, at iwasang humatol sa mga bagay na wala tayong awtoridad.

      10, 11. (a) Bakit kahanga-hanga na handa ang Anak ng Diyos na bumaba sa lupa? (b) Paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus?

      10 Mapagpakumbaba ring tinanggap ng Anak ng Diyos ang atas na bumaba sa lupa. Isip-isipin kung ano ang kailangan niyang iwan. Siya ang arkanghel. Siya rin “ang Salita”—ang mismong Tagapagsalita ni Jehova. (Juan 1:1-3) Nakatira si Jesus sa langit, ang “mataas na tirahan ng kabanalan at kaluwalhatian” ni Jehova. (Isaias 63:15) Pero “iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin at naging tao” kahit siya Anak ng Diyos. (Filipos 2:7) Pag-isipan ang mga naranasan niya. Inilipat ang buhay niya sa sinapupunan ng isang birheng Judio, para doon lumaki sa loob ng siyam na buwan. Isinilang siya bilang walang kalaban-labang sanggol sa sambahayan ng isang mahirap na karpintero. Naranasan niyang maging maliit na bata, at lumaki bilang teenager. Kahit perpekto siya, nagpasakop siya sa di-perpektong mga magulang niya. (Lucas 2:40, 51, 52) Talagang kitang-kita ang kapakumbabaan niya!

      11 Matutularan ba natin ang kapakumbabaan ni Jesus at magiging handang tumanggap ng kahit mabababang atas? Halimbawa, dahil sa kawalang-interes, panunuya, o pagkapoot ng mga tao, parang nagiging mababa ang atas natin na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 28:19, 20) Pero kung hindi tayo susuko, puwede nating matulungan ang mga tao na maligtas. Matututuhan nating maging mapagpakumbaba habang sinusundan natin ang mga yapak ng ating Panginoong Jesu-Kristo.

      Ang Kapakumbabaan ni Jesus Bilang Tao

      12-14. (a) Paano nagpapakita si Jesus ng kapakumbabaan kapag pinupuri siya ng mga tao? (b) Sa ano-anong sitwasyon nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus sa pakikitungo niya sa iba? (c) Ano ang nagpapakitang tunay at hindi pakitang tao lang ang kapakumbabaan ni Jesus?

      12 Makikita ang kapakumbabaan ni Jesus mula umpisa hanggang wakas ng kaniyang ministeryo sa lupa. Lagi niyang ibinibigay ang lahat ng kapurihan at kaluwalhatian sa kaniyang Ama. May mga pagkakataong pinupuri ng mga tao si Jesus dahil sa kaniyang matalinong pananalita, kapangyarihang gumawa ng himala, at sa mabuting pagkatao niya. Pero paulit-ulit niyang tinatanggihan ang papuri nila at ibinibigay ito kay Jehova.—Marcos 10:17, 18; Juan 7:15, 16.

      13 Mapagpakumbabang nakitungo si Jesus sa mga tao. Sa katunayan, nilinaw niya na pumarito siya sa lupa, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod sa iba. (Mateo 20:28) Nagpakita siya ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng mahinahon at makatuwirang pakikitungo sa mga tao. Nang hindi siya nasunod ng mga alagad niya, hindi siya nagalit sa kanila. Patuloy niyang sinikap na abutin ang puso nila. (Mateo 26:39-41) Nang gusto niyang magpahinga pero ginambala siya ng maraming tao, hindi niya sila pinaalis. Tinuruan pa nga niya sila ng “maraming bagay.” (Marcos 6:30-34) Nang magmakaawa sa kaniya ang isang di-Israelitang babae na pagalingin ang anak nito, hindi siya pagalit na tumanggi. Ipinahiwatig lang niya na wala siyang planong gawin ito. Pero pinagbigyan din niya ito dahil sa malaking pananampalataya nito, gaya ng tatalakayin natin sa Kabanata 14.—Mateo 15:22-28.

      14 Sa napakaraming paraan, tinupad ni Jesus ang sinabi niya tungkol sa sarili niya: “Ako ay mahinahon at mapagpakumbaba.” (Mateo 11:29) Ang kapakumbabaan niya ay tunay at hindi pakitang-tao lang. Mula ito sa puso, sa mismong pagkatao niya. Hindi kataka-taka na ang isa sa mga priyoridad ni Jesus ay turuan ang mga tagasunod niya na maging mapagpakumbaba!

      Tinuruan Niya ng Kapakumbabaan ang mga Tagasunod Niya

      15, 16. Ayon kay Jesus, ano dapat ang maging kaibahan ng saloobin ng mga tagasunod niya sa saloobin ng mga tagapamahala ng sanlibutan?

      15 Hindi agad natutuhan ng mga apostol ni Jesus ang kapakumbabaan. Kaya paulit-ulit niya silang tinuruan. Halimbawa, minsan, hiniling nina Santiago at Juan sa nanay nila na pakiusapan si Jesus na bigyan sila ng mataas na posisyon sa Kaharian ng Diyos. Mapagpakumbabang sumagot si Jesus: “Hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko at sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.” Nang malaman ng 10 iba pang apostol ang ginawa nina Santiago at Juan, “nagalit sila sa magkapatid.” (Mateo 20:20-24) Ano ang ginawa ni Jesus?

      16 Itinuwid niya silang lahat sa mabait na paraan, na sinasabi: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod. Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” (Mateo 20:25-27) Siguradong nakita ng mga apostol na sobrang mapagmataas, ambisyoso, at makasarili ang “mga tagapamahala ng mga bansa.” Ipinakita ni Jesus na dapat maging iba ang mga tagasunod niya sa mga mapang-aping iyon na sakim sa kapangyarihan. Kailangan silang maging mapagpakumbaba. Nakuha na ba ng mga apostol ang punto?

      17-19. (a) Noong gabi bago mamatay si Jesus, paano tinuruan ni Jesus ng kapakumbabaan ang mga apostol niya? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang kapakumbabaan sa pinakamapuwersang paraan?

      17 Kahit paulit-ulit silang tinuruan ni Jesus, nahirapan pa rin ang mga apostol na maging mapagpakumbaba. Nang minsang magtalo-talo sila kung sino ang pinakadakila sa kanila, pinatayo ni Jesus sa gitna nila ang isang maliit na bata. Sinabi niya na dapat silang maging gaya ng mga bata, na walang hilig magyabang, mag-ambisyon, o magpaimportante. (Mateo 18:1-4) Pero noong gabi bago mamatay si Jesus, nakita niyang may bahid pa rin ng pagmamataas ang mga apostol. Kaya tinuruan niya sila ng isang aral na hindi nila makakalimutan. Itinali niya ang isang tuwalya sa baywang niya at ginawa ang pinakamababang gawain ng mga lingkod noon para sa mga bisita. Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng bawat apostol—pati na ang mga paa ni Hudas, na malapit nang magtraidor sa kaniya!—Juan 13:1-11.

      18 Tinulungan sila ni Jesus na maunawaan ang punto nang sabihin niya: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo.” (Juan 13:15) Nakuha na ba nila sa wakas ang aral? Nang gabi ring iyon, nagtalo-talo na naman sila kung sino ang pinakadakila! (Lucas 22:24-27) Pero patuloy silang pinagtiisan ni Jesus at mapagpakumbaba niya silang tinuruan. Pagkatapos, ipinakita niya ang kapakumbabaan sa pinakamapuwersang paraan: “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:8) Matapos paratangan at hatulan si Jesus bilang kriminal at mamumusong, kusang-loob niyang tinanggap ang kahiya-hiyang kamatayan. Nagpakita ang Anak ng Diyos ng perpektong kapakumbabaan, na hindi naipakita ng sinumang nilalang.

      19 Tumatak sa puso ng tapat na mga apostol ang huling halimbawa ni Jesus ng kapakumbabaan bilang tao. Sinasabi sa atin ng Bibliya na mapagpakumbaba silang naglingkod sa loob ng maraming taon o dekada pa nga pagkatapos nito. Kumusta naman tayo?

      Tutularan Mo Ba si Jesus?

      20. Paano natin malalaman kung mapagpakumbaba tayo?

      20 Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus.” (Filipos 2:5) Tulad ni Jesus, dapat tayong maging mapagpakumbaba. Paano natin malalaman kung mapagpakumbaba tayo? Ipinaalala ni Pablo na “huwag [tayong] gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Kaya ang sagot sa tanong na iyan ay depende sa tingin natin sa iba. Kailangan natin silang ituring na nakatataas o mas importante kaysa sa atin. Susundin mo ba ang payong iyan?

      21, 22. (a) Bakit kailangang maging mapagpakumbaba ang mga tagapangasiwang Kristiyano? (b) Paano natin maipapakitang ibinibihis natin ang kapakumbabaan?

      21 Maraming taon pagkamatay ni Jesus, nasa isip pa rin ni apostol Pedro ang kahalagahan ng kapakumbabaan. Tinuruan ni Pedro ang mga tagapangasiwang Kristiyano na gawin ang tungkulin nila sa mapagpakumbabang paraan, at huwag mag-astang panginoon sa mga tupa ni Jehova. (1 Pedro 5:2, 3) Hindi sila dapat magmataas dahil lang sa mga responsibilidad nila sa kongregasyon. Sa kabaligtaran, dapat pa nga silang maging mas mapagpakumbaba. (Lucas 12:48) Siyempre, ang katangiang ito ay dapat ding ipakita ng bawat Kristiyano, hindi lang ng mga tagapangasiwa.

      22 Tiyak na hindi nakalimutan ni Pedro ang gabing iyon nang hugasan ni Jesus ang mga paa niya, kahit ayaw niya noong una. (Juan 13:6-10) Sumulat si Pedro sa mga Kristiyano: “Lahat kayo ay magbihis ng kapakumbabaan sa pakikitungo sa isa’t isa.” (1 Pedro 5:5) Ang salitang “magbihis” ay maaaring tumukoy sa isang lingkod na naglalagay ng apron para isagawa ang hamak na gawain. Malamang na maalala natin diyan nang itali ni Jesus ang tuwalya sa baywang niya bago lumuhod para hugasan ang mga paa ng mga apostol. Kung tutularan natin si Jesus, hindi natin iisiping mababa para sa atin ang anumang atas mula sa Diyos. Gaya ng damit na suot natin, dapat makita ng lahat ang kapakumbabaan natin.

      23, 24. (a) Bakit dapat nating labanan ang tendensiya na maging mapagmataas? (b) Anong maling kaisipan tungkol sa kapakumbabaan ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

      23 Parang lason ang pagmamataas. Puwede natin itong ikapahamak. Kahit ang pinakamatalinong tao ay puwedeng mawalan ng halaga sa Diyos kung mapagmataas siya. Pero kung mapagpakumbaba ang isang tao, magiging kapaki-pakinabang siya kay Jehova. Kung araw-araw nating ipapakita ang napakahalagang katangiang ito at sisikaping tularan si Kristo, pagpapalain tayo ng Diyos. Sumulat si Pedro: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon.” (1 Pedro 5:6) Itinaas ni Jehova si Jesus dahil talagang mapagpakumbaba siya. Gagawin din iyan ng Diyos sa atin kung mapagpakumbaba tayo.

      24 Nakakalungkot, iniisip ng ilan na kahinaan ang kapakumbabaan. Pero makikita natin sa halimbawa ni Jesus na mali ang kaisipang iyan. Siya ang pinakamapagpakumbaba sa lahat ng tao, pero siya rin ang pinakamalakas ang loob. Tatalakayin natin iyan sa susunod na kabanata.

      a Ayon sa isang reperensiya tungkol sa pangyayaring ito, ang ganitong mga hayop ay “hamak na mga nilalang,” at idinagdag pa nito na mabagal sila, pangit, matigas ang ulo, at hayop na pantrabaho ng mahihirap.

      b Para sa higit pang ebidensiya na si Miguel ay si Jesus, tingnan ang artikulong “Sino si Miguel na Arkanghel?” sa “Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa jw.org, ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Kapag natutukso kang ipagyabang ang mga nagawa mo, paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Jesus?—Mateo 12:15-19; Marcos 7:35-37.

      • Paano mo matutularan ang halimbawa ni Jesus sa paggawa ng mabababang gawain para sa mga kapatid natin?—Juan 21:1-13.

      • Paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Jesus kapag natutukso kang maging sikat at matagumpay sa mundong ito?—Juan 6:14, 15.

  • “Ang Leon Mula sa Tribo ni Juda”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 4

      “Ang Leon Mula sa Tribo ni Juda”

      Kalmadong nagpapakilala si Jesus sa galit na mga tao at sundalo. Nakatingin ang tapat na mga apostol sa di-kalayuan.

      “Ako ang hinahanap ninyo”

      1-3. Anong panganib ang napaharap kay Jesus, at ano ang naging reaksiyon niya?

      HINAHANAP ng mga mang-uumog si Jesus. Napakarami nila at may dala silang mga espada at pamalo. May kasama rin silang mga sundalo. May masamang balak sila. Dumaan sila sa madidilim na lansangan ng Jerusalem at sa Lambak ng Kidron para marating ang Bundok ng mga Olibo. Kabilugan ng buwan pero may dala silang mga sulo at lampara. Kailangan kaya nila ng liwanag sa daan dahil natatakpan ng ulap ang buwan? O baka iniisip nilang nagtatago sa dilim ang hinahanap nila? Isang bagay ang tiyak: Sinumang nag-iisip na matatakot si Jesus ay hindi nakakakilala sa tunay na pagkatao niya.

      2 Alam ni Jesus na may nagbabantang panganib. Pero hindi siya tumakas. Sa halip, nanatili siya roon at naghintay. Palapit na ang mga mang-uumog na pinapangunahan ni Hudas, isang dating pinagkakatiwalaang kaibigan. Tinraidor ni Hudas si Jesus, at itinuro ang kaniyang dating panginoon sa pamamagitan ng pakitang-taong pagbati at halik. Pero kalmado pa rin si Jesus. Pagkatapos, hinarap niya ang mga mang-uumog. “Sino ang hinahanap ninyo?” ang tanong niya. “Si Jesus na Nazareno,” ang sagot nila.

      3 Tiyak na matatakot ang mga tao kapag nakakita sila ng isang armadong grupo. Posibleng iyan ang inaasahan ng mga taong iyon na magiging reaksiyon ni Jesus. Pero hindi siya natakot o tumakas, at hindi niya ikinaila kung sino siya. Sa halip, sinabi niya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Kalmadong-kalmado siya at napakalakas ng loob, kaya nagulat ang mga lalaking iyon. Napaatras sila at natumba!—Juan 18:1-6; Mateo 26:45-50; Marcos 14:41-46.

      4-6. (a) Saan inihalintulad ang Anak ng Diyos, at bakit? (b) Sa anong tatlong paraan nagpakita ng lakas ng loob si Jesus?

      4 Kahit ganoon ang sitwasyon, paano nanatiling kalmado si Jesus? Mayroon siyang lakas ng loob. Isa ito sa pinakakailangan at pinakahinahangaang katangian sa isang lider. At walang sinumang tao ang nakahigit o nakapantay man lang kay Jesus sa bagay na ito. Sa nakaraang kabanata, nalaman natin na talagang mapagpakumbaba si Jesus. Tama lang na tawagin siyang “ang Kordero.” (Juan 1:29) Pero dahil sa lakas ng loob ni Jesus, may isa pang paglalarawan sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa Anak ng Diyos: “Ang Leon mula sa tribo ni Juda.”—Apocalipsis 5:5.

      5 Madalas na iniuugnay ang leon sa lakas ng loob. Nakakita ka na ba sa malapitan ng isang adultong lalaking leon? Kung oo, baka hindi naman nanganib ang buhay mo dahil nakakulong ito sa zoo. Pero baka medyo natakot ka pa rin. Habang tinitingnan mo ang mukha ng malaki at malakas na nilalang na ito na nakatitig sa iyo, iisipin mo bang may kinakatakutan ang leon? Sinasabi ng Bibliya na “ang leon, ang pinakamalakas na hayop, [ay] walang inaatrasan.” (Kawikaan 30:30) Ganiyan ang lakas ng loob ni Kristo.

      6 Talakayin natin kung paano nagpakita ng tulad-leong lakas ng loob si Jesus sa tatlong paraan: nang ipagtanggol niya ang katotohanan, nang itaguyod niya ang katarungan, at nang mapaharap siya sa pag-uusig. Makikita rin natin na puwede nating matularan ang lakas ng loob ni Jesus.

      Lakas-Loob Niyang Ipinagtanggol ang Katotohanan

      7-9. (a) Ano ang nangyari noong 12 taóng gulang si Jesus, at bakit posibleng mahirap ang sitwasyong iyon? (b) Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob nang kausapin niya ang mga guro sa templo?

      7 Sa mundong ito ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan,” kailangan natin ang lakas ng loob para maipagtanggol ang katotohanan. (Juan 8:44; 14:30) Kahit noong bata pa si Jesus, ipinagtanggol na niya ang katotohanan. Noong 12 taóng gulang siya, napahiwalay siya sa mga magulang niya pagkatapos ng kapistahan ng Paskuwa sa Jerusalem. Tatlong araw na nataranta sina Maria at Jose sa paghanap kay Jesus. Sa wakas, nakita nila siya sa templo. Ano ang ginagawa niya roon? “Nakaupo siya sa gitna ng mga guro habang nakikinig at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:41-50) Isipin mong nandoon ka sa sitwasyon ni Jesus.

      8 Sinasabi ng mga istoryador na nakaugalian na ng ilan sa mga kilalang lider ng relihiyon na manatili sa templo pagkatapos ng mga kapistahan at magturo sa isa sa maluluwang na lugar doon. Umuupo ang mga tao sa may paanan nila para makinig at magtanong. Mataas ang pinag-aralan ng mga gurong ito. Marami silang alam sa Kautusang Mosaiko, pati na sa komplikadong mga batas at tradisyon ng tao, na dumami sa paglipas ng mga taon. Ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang nakaupo sa gitna nila? Baka matakot ka. Paano naman kung 12 taóng gulang ka lang? Marami sa mga kabataan ang mahiyain. (Jeremias 1:6) Iniiwasan pa nga ng ilan na mapansin sila ng mga guro nila sa paaralan. Takot ang mga kabataang ito na matawag, mapansin, mapahiya, o tuyain ng iba.

      9 Pero nakaupo si Jesus sa gitna ng mga edukadong lalaking iyon. Lakas-loob siyang nagtanong sa kanila. At hindi lang iyan. Sinasabi sa atin ng ulat: “Ang lahat ng nakikinig sa kaniya ay hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot.” (Lucas 2:47) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang mga sinabi niya, pero makakatiyak tayo na hindi niya ginaya ang mga kasinungalingang pinapaboran ng mga gurong iyon ng relihiyon. (1 Pedro 2:22) Sa halip, ipinagtanggol niya ang katotohanan ng Salita ng Diyos, at tiyak na namangha ang mga tagapakinig niya sa kaunawaan at lakas ng loob na ipinakita ng isang 12-taóng-gulang na bata.

      Kabataang sister na nakikipag-usap sa guro niya gamit ang aklat na “Is There a Creator Who Cares About You?”

      Lakas-loob na ipinapaliwanag ng maraming kabataang Kristiyano ang pananampalataya nila

      10. Paano tinutularan ng mga kabataang Kristiyano ngayon ang lakas ng loob ni Jesus?

      10 Tinutularan ng maraming kabataang Kristiyano ngayon si Jesus. Hindi gaya ni Jesus, na isang perpektong kabataan, hindi perpekto ang mga kabataan ngayon. Pero gaya ni Jesus, ipinagtatanggol na nila ang katotohanan kahit kabataan pa lang sila. Sa paaralan man o sa komunidad, mataktikang tinatanong ng mga kabataang ito ang mga tao, pinapakinggan ang mga sagot nila, at magalang na sinasabi sa kanila ang katotohanan. (1 Pedro 3:15) Natulungan ng marami sa mga kabataang ito ang mga kaklase, guro, at kapitbahay nila na maging tagasunod ni Kristo. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova sa lakas ng loob nila! Sinasabi sa Bibliya na gaya ng napakarami at nakakaginhawang patak ng hamog ang mga kabataang ito.—Awit 110:3.

      11, 12. Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob sa pagtatanggol sa katotohanan noong adulto na siya?

      11 Noong adulto na si Jesus, paulit-ulit siyang nagpakita ng lakas ng loob sa pagtatanggol sa katotohanan. Sa katunayan, nagsimula ang kaniyang ministeryo sa isang komprontasyon na para sa marami ay nakakatakot. Kailangang harapin ni Jesus si Satanas, ang pinakamakapangyarihan at pinakamapanganib na kaaway ni Jehova. At nang mangyari iyon, hindi makapangyarihang arkanghel si Jesus, kundi isang tao. Pero hindi nagpadala si Jesus sa mga tukso ni Satanas at pinatunayang mali ang paggamit nito sa Salita ng Diyos. Tinapos ni Jesus ang pag-uusap nila nang mag-utos siya: “Lumayas ka, Satanas!”—Mateo 4:2-11.

      12 Sa simula pa lang ng ministeryo ni Jesus, lakas-loob na niyang ipinagtanggol ang Salita ng kaniyang Ama laban sa mga pagsisikap na pilipitin o gamitin ito sa maling paraan. Gaya noon, laganap din ngayon ang kasinungalingan sa relihiyon. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.” (Marcos 7:13) Iginagalang ng maraming tao noon ang mga lider ng relihiyon, pero lakas-loob silang tinawag ni Jesus na mga bulag na tagaakay at mga mapagkunwari.a (Mateo 23:13, 16) Paano natin matutularan ang lakas ng loob ni Jesus?

      13. Ano ang dapat nating tandaan kapag tinutularan natin si Jesus, at ano ang pribilehiyo natin?

      13 Dapat nating tandaan na hindi tayo katulad ni Jesus na nakakabasa ng mga puso at may awtoridad na humatol. Pero matutularan pa rin natin ang lakas ng loob niya sa pagtatanggol ng katotohanan. Halimbawa, kapag pinapatunayan natin na mali ang mga itinuturo ng mga relihiyon tungkol sa Diyos, sa mga layunin niya, at sa Salita niya, tinutulungan natin ang mga tao na makita ang katotohanan. (Mateo 5:14; Apocalipsis 12:9, 10) Tinutulungan natin silang mapalaya sa mga turo na nagiging dahilan para makadama sila ng sobrang pagkatakot at masira ang kaugnayan nila sa Diyos. Napakagandang pribilehiyo na makita natin ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”!—Juan 8:32.

      Lakas-Loob Niyang Itinaguyod ang Katarungan

      14, 15. (a) Paano ipinakita ni Jesus “kung ano talaga ang katarungan”? (b) Bakit natin masasabing hindi nagtangi si Jesus nang kausapin niya ang isang Samaritana?

      14 Inihula sa Bibliya na ipapakita ng Mesiyas sa mga bansa “kung ano talaga ang katarungan.” (Mateo 12:18; Isaias 42:1) Sinimulan itong gawin ni Jesus noong nandito siya sa lupa. Kailangan niya ng lakas ng loob para maging pantay-pantay at makatarungan ang pakikitungo niya sa mga tao. Halimbawa, hindi siya nagtangi o naging panatiko na karaniwang ugali ng mga tao noon.

      15 Nang makipag-usap si Jesus sa isang Samaritana sa tabi ng balon ng Sicar, nagulat ang mga alagad niya. Bakit? Noong mga panahong iyon, iniiwasan ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano; napakatagal nang umiiral ang ganitong paghamak. (Ezra 4:4) Mababa rin ang tingin ng ilang rabbi sa mga babae. Ayon sa kautusan ng mga rabbi na isinulat nang maglaon, hindi dapat makipag-usap ang isang lalaki sa isang babae. Sinasabi pa nga nila na hindi karapat-dapat turuan ng Kautusan ng Diyos ang mga babae. Itinuturing na marumi ang mga Samaritana. Pero hindi iyon sinang-ayunan ni Jesus. Sa halip, hayagan niyang tinuruan ang Samaritana, kahit may imoral itong pamumuhay. Sinabi pa nga ni Jesus sa kaniya na Siya ang Mesiyas.—Juan 4:5-27.

      16. Bakit kailangan ng mga Kristiyano ang lakas ng loob para maiwasan ang pagtatangi na karaniwan ngayon?

      16 May nakasama ka na bang may matinding pagtatangi o diskriminasyon? Baka mapang-insulto nilang ginagawang katatawanan ang mga taong iba ang lahi o bansang pinagmulan, nilalait ang mga di-kasekso, o minamaliit ang mahihirap o nakakababa sa lipunan. Hindi iyan sinasang-ayunan ng mga tagasunod ni Kristo, at sinisikap nilang alisin sa puso nila ang anumang uri ng pagtatangi. (Gawa 10:34) Kailangan natin ang lakas ng loob para maging makatarungan.

      17. Anong ginawa ni Jesus sa templo, at bakit?

      17 Lakas ng loob din ang nagpakilos kay Jesus para ipaglaban ang kalinisan ng bayan ng Diyos at ang dalisay na pagsamba. Sa pasimula ng ministeryo niya, pumasok siya sa templo sa Jerusalem at nagalit siya nang makita niya ang mga nagtitinda at mga nagpapalit ng pera na nagnenegosyo sa bahay ng Diyos. Kaya pinalayas niya ang sakim na mga taong iyon mula sa templo at itinapon ang mga paninda nila. (Juan 2:13-17) Iyon din ang ginawa niya noong malapit nang matapos ang ministeryo niya. (Marcos 11:15-18) Tiyak na nagkaroon siya ng ilang maiimpluwensiyang kaaway dahil sa mga ginawa niya, pero hindi siya umurong. Bakit? Dahil mula noong bata pa siya, tinawag niya ang templong iyon na bahay ng kaniyang Ama—at talagang minahal niya ang templo. (Lucas 2:49) Hindi niya kayang palampasin ang kawalang-katarungan sa dalisay na pagsamba na nangyayari sa loob ng templo. Ang sigasig niya ang nagpalakas ng kaniyang loob na gawin kung ano ang dapat.

      18. Paano makakapagpakita ng lakas ng loob ang mga Kristiyano ngayon para mapanatiling malinis ang kongregasyon?

      18 Napakahalaga rin sa mga tagasunod ni Kristo ngayon ang kalinisan ng bayan ng Diyos at ang dalisay na pagsamba. Kapag nalaman nilang nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapuwa Kristiyano, hindi sila nagbubulag-bulagan. Lakas-loob nilang kinakausap ang kapatid na iyon. (1 Corinto 1:11) Tinitiyak din nilang maipapaalám ito sa mga elder sa kongregasyon. Tutulungan naman ng mga elder ang may sakit sa espirituwal, at gagawa sila ng mga hakbang para mapanatiling malinis ang kongregasyon.—Santiago 5:14, 15.

      19, 20. (a) Anong mga kawalang-katarungan ang laganap noong panahon ni Jesus, at ano ang gusto ng mga tao na gawin niya? (b) Bakit ayaw ng mga tagasunod ni Kristo na makibahagi sa politika at karahasan, at ano ang isa sa mga resulta ng paninindigan nila?

      19 Dapat ba nating isipin na nakipaglaban si Jesus para alisin ang kawalang-katarungan sa mundo? Tiyak na may mga kawalang-katarungang nagaganap sa palibot niya. Halimbawa, sinakop ng ibang bansa ang bayan niya. Ginamit ng Roma ang makapangyarihang hukbo nito para takutin ang mga Judio. Pinagbayad din sila ng malaking buwis, at pinakialaman pa nga ang kanilang relihiyosong mga kaugalian. Hindi kataka-takang gusto ng maraming tao na pumasok si Jesus sa politika noong panahon iyon. (Juan 6:14, 15) Kaya kailangan niya ulit ng lakas ng loob.

      20 Ipinaliwanag ni Jesus na hindi bahagi ng sanlibutan ang Kaharian niya. Nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na huwag makisangkot sa mga gulo sa politika noong panahong iyon, at sinabi niyang dapat silang magpokus sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Juan 17:16; 18:36) Isang mapuwersang aral ang itinuro niya tungkol sa pagiging neutral. Nang dumating ang mga taong aaresto kay Jesus, kumilos kaagad si Pedro. Bigla niyang hinugot ang kaniyang espada at sinugatan ang isang lalaki. Baka isipin mo na tama naman ang ginawa ni Pedro. Baka masabi mo na makatuwirang makipaglaban noong gabing iyon para ipagtanggol ang Anak ng Diyos na walang kasalanan. Pero nag-iwan si Jesus ng pamantayan para sa kaniyang mga tagasunod dito sa lupa hanggang sa panahong ito: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:51-54) Kailangan ng mga tagasunod ni Kristo noon at ngayon ang lakas ng loob para mapanatili ang determinasyong maging mapayapa. Dahil sa paninindigan ng bayan ng Diyos sa Kristiyanong neutralidad, hindi sila kailanman nasangkot sa mga digmaan, lansakang pagpatay, kaguluhan, at iba pang karahasan. Ang napakahusay na rekord na iyan ay dahil sa kanilang lakas ng loob.

      Lakas-Loob Niyang Hinarap ang Pagsalansang

      21, 22. (a) Anong tulong ang tinanggap ni Jesus bago mapaharap sa pinakamatinding pagsubok sa kaniya? (b) Paano pinatunayan ni Jesus na malakas ang kaniyang loob hanggang sa wakas?

      21 Patiuna nang alam ng Anak ni Jehova na mapapaharap siya sa matinding pagsalansang dito sa lupa. (Isaias 50:4-7) Madalas pagbantaan ang kaniyang buhay, na humantong sa pangyayaring inilarawan sa pasimula ng kabanatang ito. Bakit nanatiling malakas ang loob ni Jesus sa harap ng gayong mga panganib? Ano ang ginagawa ni Jesus bago dumating ang grupong iyon ng mga mang-uumog para arestuhin siya? Marubdob siyang nananalangin kay Jehova. At ano ang ginawa ni Jehova? Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesus ay “pinakinggan.” (Hebreo 5:7) Nagsugo si Jehova ng anghel mula sa langit para palakasin ang kaniyang matapang na Anak.—Lucas 22:42, 43.

      22 Di-nagtagal matapos palakasin si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Tumayo kayo, at umalis na tayo.” (Mateo 26:46) Napansin mo ba ang kaniyang katapangan sa mga pananalitang iyan? Sinabi niyang “umalis na tayo” kahit alam niyang hihilingin niya sa mga mang-uumog na huwag saktan ang kaniyang mga kaibigan. Alam din niya na tatakas ang mga kaibigan niyang iyon at iiwan siya, at na mag-isa niyang haharapin ang pinakamatinding pagsubok sa buhay niya. Mag-isa niyang hinarap ang ilegal at di-makatarungang paglilitis, panunuya, pagpapahirap, at napakasakit na kamatayan. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nanghina ang loob niya.

      23. Ipaliwanag kung bakit hindi naman naging padalos-dalos si Jesus sa pagharap niya sa panganib at banta sa kaniyang buhay.

      23 Naging padalos-dalos lang ba si Jesus? Hindi. Walang kaugnayan ang pagiging padalos-dalos sa tunay na lakas ng loob. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging maingat, at mataktikang umiwas sa panganib para maipagpatuloy nila ang paggawa ng kalooban ng Diyos. (Mateo 4:12; 10:16) Pero sa pagkakataong ito, alam ni Jesus na hindi puwedeng umiwas. Alam niyang nasasangkot dito ang kalooban ng Diyos. Determinado si Jesus na manatiling tapat, at walang ibang paraan kundi ang tuwirang harapin ang pagsubok na ito.

      Tatlong brother na nakadamit pampreso na nagtiis sa pag-uusig ng Nazi Germany.

      Lakas-loob na hinarap ng mga Saksi ni Jehova ang pag-uusig

      24. Bakit tayo makakatiyak na magiging malakas ang loob natin sa pagharap sa anumang pagsubok na posibleng dumating?

      24 Laging lakas-loob na sinusundan ng mga tagasunod ni Jesus ang mga yapak niya. Marami na ang nakapanindigan sa harap ng panunuya, pag-uusig, pag-aresto, pagkabilanggo, pagpapahirap, at kahit pa sa kamatayan. Saan kumukuha ng lakas ng loob ang di-perpektong mga indibidwal na ito? Hindi ito nagmumula sa kanilang sarili lang. Kung paanong tinulungan ng Diyos si Jesus, iyon din ang maaasahan ng mga tagasunod niya. (Filipos 4:13) Kaya huwag na huwag kang matakot sa puwedeng mangyari sa hinaharap. Maging determinadong manatiling tapat, at bibigyan ka ni Jehova ng lakas ng loob na kailangan mo. Patuloy na kumuha ng lakas ng loob mula sa halimbawa ng ating Lider, si Jesus, na nagsabi: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.

      a Napansin ng mga istoryador na pinaparangalang gaya ng mga libingan ng propeta at patriyarka ang mga libingan ng rabbi.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Paano ka matutulungan ng halimbawa ni Jesus na magsalita nang may lakas-loob kahit ayaw ng mga tao ang mga katotohanang sinasabi mo?—Juan 8:31-59.

      • Bakit hindi tayo dapat matakot kay Satanas o sa kaniyang mga demonyo at tumigil sa pagtulong sa iba?—Mateo 8:28-34; Marcos 1:23-28.

      • Bakit dapat pa rin tayong magpakita ng awa sa mga naaapi kahit posibleng pag-usigin tayo dahil dito?—Juan 9:1, 6, 7, 22-41.

      • Paano nakatulong kay Jesus ang pag-asa niya sa hinaharap para makayanan ang mga pagsubok, at paano makakatulong ang pag-asa mo para magkaroon ka ng lakas ng loob?—Juan 16:28; 17:5; Hebreo 12:2.

  • Nasa Kaniya ang “Lahat ng Karunungan”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 5

      Nasa Kaniya ang “Lahat ng Karunungan”

      1-3. Ano ang tagpo sa sermon ni Jesus noong tagsibol ng 31 C.E., at bakit namangha ang mga tagapakinig niya?

      TAGSIBOL noon ng 31 C.E. Malapit si Jesu-Kristo sa Capernaum, isang abalang lunsod sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Nasa itaas siya ng isang bundok, at buong magdamag siyang nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang mga alagad niya, at pumili siya mula sa kanila ng 12 apostol. Napakaraming tao ang sumunod kay Jesus sa lugar na ito at nagtipon sa isang patag na dako sa bundok. Nanggaling pa ang ilan sa kanila sa malalayong lugar. Gustong-gusto nilang marinig kung ano ang sasabihin ni Jesus at mapagaling sila sa mga sakit nila. Hindi sila binigo ni Jesus.—Lucas 6:12-19.

      2 Nilapitan ni Jesus ang mga tao at pinagaling ang lahat ng maysakit. Pagkatapos, nang wala nang may sakit sa kanila, umupo siya at nagsimulang magturo.a Nang magsalita na siya, namangha ang mga tagapakinig niya. Ngayon lang sila nakarinig ng tao na gayon magturo. Hindi sumipi si Jesus mula sa mga kilalang Judiong rabbi. Paulit-ulit siyang sumipi sa Hebreong Kasulatan na isinulat sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos. Gumamit siya ng simpleng mga salita, at nagturo sa paraang maiintindihan ng mga tao. Pagkatapos magturo ni Jesus, namangha ang mga tao. Narinig nila ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman!—Mateo 7:28, 29.

      Kinakausap ni Jesus ang maraming tao sa Sermon sa Bundok.

      “Namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo”

      3 Mababasa ang sermon na iyon, pati na ang marami pang bagay na sinabi at ginawa ni Jesus, sa Salita ng Diyos. Dapat nating pag-aralang mabuti ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus dahil nasa kaniya ang “lahat ng karunungan.” (Colosas 2:3) Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang kaalaman at kaunawaan sa praktikal na paraan. Saan nakakuha si Jesus ng ganiyang karunungan? Paano niya ito ipinakita sa paraan ng pamumuhay niya, at paano natin siya matutularan?

      “Saan Nakuha ng Taong ito ang Ganitong Karunungan?”

      4. Ano ang itinanong ng mga tagapakinig ni Jesus sa Nazaret, at bakit?

      4 Dumalaw si Jesus at nagsimulang magturo sa sinagoga sa bayan ng Nazaret noong naglalakbay siya para mangaral. Sa bayang iyon siya lumaki. Marami sa mga tagapakinig niya ang namangha at nagtanong: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan?” Kilala nila ang mga magulang at kapatid niya. Alam nilang mahirap lang ang pamilya nila. (Mateo 13:54-56; Marcos 6:1-3) Alam din nilang mahusay magturo si Jesus kahit hindi siya nakapag-aral sa anumang paaralan ng mga Judio at isang karpintero lang. (Juan 7:15) Dahil sa mga bagay na iyon, hindi na nakakapagtaka ang tanong nila.

      5. Ayon kay Jesus, saan nagmula ang karunungan niya?

      5 Ang karunungang ipinakita ni Jesus ay hindi lang basta resulta ng perpektong isip niya. Nang hayagang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya na galing sa isa na mas marunong sa kaniya ang karunungan niya. Sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Ibig sabihin, ang tunay na Pinagmumulan ng karunungan ni Jesus ay ang Ama na nagsugo sa kaniya. (Juan 12:49) Pero paano nagkaroon si Jesus ng karunungan mula kay Jehova?

      6, 7. Paano tumanggap si Jesus ng karunungan mula sa Ama?

      6 Kumikilos ang banal na espiritu ni Jehova sa puso at isip ni Jesus. Inihula ni Isaias tungkol kay Jesus, ang ipinangakong Mesiyas: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2) Dahil kumikilos kay Jesus ang espiritu ni Jehova at ginagabayan ang pag-iisip at mga desisyon niya, kitang-kita kay Jesus ang perpektong karunungan ni Jehova.

      7 May isa pang paraan kung paano tumanggap ng karunungan si Jesus mula sa kaniyang Ama. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 2, bago naging tao si Jesus, kasama niya sa langit sa loob ng napakahabang panahon ang kaniyang Ama. Nagkaroon siya ng pagkakataon na malaman kung paano mag-isip ang kaniyang Ama. Hindi natin kayang isipin kung gaano kalalim ang karunungang nakuha ng Anak bilang “dalubhasang manggagawa.” Kasama siya ng Ama sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay. Makatuwiran lang na ilarawan ang Anak bilang personipikasyon ng karunungan bago siya naging tao. (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15, 16) Nang mangaral si Jesus, ginamit niya ang karunungang natutuhan niya noong kasama niya ang kaniyang Ama sa langit.b (Juan 8:26, 28, 38) Kaya hindi na tayo dapat magtaka sa karunungan at kaunawaan na ipinakita ni Jesus sa lahat ng sinabi niya at ginawa.

      8. Bilang mga tagasunod ni Jesus, paano tayo magkakaroon ng karunungan?

      8 Bilang mga tagasunod ni Jesus, kailangan din nating umasa kay Jehova dahil siya ang Pinagmumulan ng karunungan. (Kawikaan 2:6) Hindi ibig sabihin nito na makahimala tayong bibigyan ni Jehova ng karunungan. Pero kapag hihingi tayo ng karunungan sa kaniya sa panalangin, ibibigay niya iyon para makayanan natin ang mga problema sa buhay. (Santiago 1:5) Kailangan nating magsikap para patuloy na makakuha ng ganiyang karunungan na “gaya ng nakatagong kayamanan.” (Kawikaan 2:1-6) Makakakuha tayo ng karunungan ng Diyos sa Salita niya, kaya dapat natin itong patuloy na pag-aralan at isabuhay ang mga natutuhan natin dito. At ang isang magandang paraan para makakuha ng karunungan ay ang pag-aralan ang mga sinabi at ginawa ni Jesus. Pag-aralan natin ngayon kung paano nagpakita ng karunungan si Jesus sa ilang bahagi ng buhay niya at kung paano natin siya matutularan.

      Mga Pananalita ng Karunungan

      Brother na nagbabasa ng Bibliya. May mga publikasyon na nakabuklat sa mesa niya.

      Makikita sa Bibliya ang karunungan ng Diyos

      9. Bakit masasabing punô ng karunungan ang mga turo ni Jesus?

      9 Napakaraming tao ang lumapit kay Jesus para makinig sa kaniya. (Marcos 6:31-34; Lucas 5:1-3) At hindi na ito kataka-taka dahil punong-puno ng karunungan ang mga pananalita ni Jesus. Makikita sa mga turo niya kung gaano kalalim ang kaalaman niya sa Salita ng Diyos at kung gaano niya kakilala ang mga tao. Hindi nagbabago ang mga turo niya at kapaki-pakinabang ang mga ito mula noon hanggang ngayon. Tingnan natin kung paano makikita ang karunungan sa pananalita ni Jesus, ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.”—Isaias 9:6.

      10. Sinabi ni Jesus na dapat tayong magkaroon ng anong magagandang katangian, at bakit?

      10 Ang Sermon sa Bundok, na binanggit kanina, ang pinakamalaking koleksiyon ng mga turo ni Jesus. Wala itong kasamang pananalita ng ibang tao. Sa sermon na ito, hindi lang tayo basta pinapayuhan ni Jesus na magsalita at kumilos nang tama. Alam niya na puwede tayong magsalita o kumilos base sa naiisip at nararamdaman natin kaya gusto niyang magkaroon tayo ng magagandang katangian. Kasama na diyan ang pagiging mahinahon, matuwid, maawain, mapagpayapa, at mapagmahal sa iba. (Mateo 5:5-9, 43-48) Habang sinisikap nating magkaroon ng ganiyang mga katangian, magiging kaayaaya kay Jehova ang pananalita at pagkilos natin, at magkakaroon din tayo ng mabuting kaugnayan sa iba.—Mateo 5:16.

      11. Paano ipinakita ni Jesus ang mga dahilan kung bakit nagkakasala ang isa?

      11 Hindi lang basta sinabi ni Jesus na iwasan ang paggawa ng masama. Sinabi niya na dapat tayong mag-ingat sa mga kaisipang umaakay sa paggawa ng kasalanan. Halimbawa, hindi lang niya basta sinabing huwag tayong maging marahas. Sinabi rin niya na huwag tayong magkimkim ng galit. (Mateo 5:21, 22; 1 Juan 3:15) Hindi lang niya sinabi na huwag mangalunya. Nagbabala rin siya na kapag nagsimulang magkaroon ng pagnanasa ang isa, aakay ito sa pagtataksil. Dahil doon, pinayuhan niya tayo na huwag tumingin sa mga bagay na puwedeng pagmulan ng maling pagnanasa. (Mateo 5:27-30) Tinuruan ni Jesus ang mga tao na suriin ang motibo nila, hindi lang ang mga ikinikilos nila. Idiniin niya na nagsisimula ang pagkakasala ng mga tao sa mga iniisip nila at saloobin.—Awit 7:14.

      12. Paano nakakatulong ang mga payo ni Jesus sa mga tagasunod niya, at bakit?

      12 Talagang punô ng karunungan ang mga pananalita ni Jesus! Hindi nga kataka-takang “namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Para sa mga tagasunod ni Jesus, gabay sa buhay ang matatalinong payo niya. Sinisikap nating magkaroon ng mabubuting katangiang ipinapayo niya, gaya ng pagiging maawain, mapagpayapa, at mapagmahal. Dahil alam natin na kapag nagpakita tayo ng mabubuting katangian, mapapasaya natin si Jehova. Nagsisikap din tayong alisin sa puso natin ang mga negatibong damdamin at pagnanasa na sinabi ni Jesus na iwasan, gaya ng galit at imoralidad. Dahil alam natin na kapag ginawa natin iyan, maiiwasan nating magkasala.—Santiago 1:14, 15.

      Pamumuhay na Ginagabayan ng Karunungan

      13, 14. Paano makikita ang karunungan sa mga naging desisyon ni Jesus?

      13 Ipinakita ni Jesus ang karunungan sa salita at gawa. Kitang-kita ang karunungan sa mga naging desisyon niya, tingin sa sarili, at pakikitungo sa iba. Tingnan natin ang ilang halimbawa kung paano nagpakita si Jesus ng ‘karunungan at kakayahang mag-isip.’—Kawikaan 3:21.

      14 Nakakagawa ng matatalinong desisyon ang isang taong marunong. Ipinakita ni Jesus ang karunungan sa pinili niyang paraan ng pamumuhay. Naiisip mo ba kung ano sana ang naging buhay ni Jesus? Baka nakapagtayo siya ng magandang bahay, naging matagumpay na negosyante, o nagkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Pero alam ni Jesus na kapag ginawa niya ang mga iyon, magiging “walang kabuluhan [at] paghahabol lang sa hangin” ang buhay niya. (Eclesiastes 4:4; 5:10) Ang ganiyang pamumuhay ay kamangmangan, na kabaligtaran ng karunungan. Dahil diyan, pinili ni Jesus na manatiling simple ang buhay niya. Hindi niya inisip na magpayaman o magkaroon ng maraming materyal na bagay. (Mateo 8:20) Isinabuhay niya ang itinuro niya at nanatiling nakapokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Mateo 6:22) Ginamit ni Jesus ang panahon at lakas niya para sa Kaharian, na talagang mas mahalaga at kapaki-pakinabang kaysa sa mga materyal na bagay. (Mateo 6:19-21) Isa ngang napakagandang halimbawa na dapat nating tularan!

      15. Paano maipapakita ng mga tagasunod ni Jesus na nakapokus sila sa Kaharian, at bakit matalinong paraan ng pamumuhay ito?

      15 Alam ng mga tagasunod ni Jesus ngayon na katalinuhan ang pag-una sa Kaharian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit hindi sila nangungutang nang di-kinakailangan at umiiwas sa mga bagay na umuubos ng panahon at lakas. (1 Timoteo 6:9, 10) Marami ang nagpasimple ng buhay nila para mas marami silang panahon sa pangangaral ng mabuting balita o makapagpayunir pa nga. Gumagawa tayo ng matalinong desisyon kapag inuuna natin ang Kaharian. Talagang magiging masaya at maganda ang buhay natin ngayon kung gagawin natin iyan.—Mateo 6:33.

      16, 17. (a) Paano ipinakita ni Jesus na mapagpakumbaba siya at alam niya ang mga limitasyon niya? (b) Paano natin maipapakitang mapagpakumbaba tayo at alam natin ang mga limitasyon natin?

      16 Sa Bibliya, magkaugnay ang karunungan at kapakumbabaan, pati na ang pag-alam sa mga limitasyon natin. (Kawikaan 11:2) Mapagpakumbaba si Jesus at alam niya ang mga limitasyon niya. Alam niyang hindi lahat ng makikinig sa kaniya ay magiging tagasunod niya. (Mateo 10:32-39) Alam din niyang hindi siya makakapangaral sa lahat ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit niya sinanay ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:18-20) Sinabi niya na ang “gagawin [nila] ay makahihigit” sa mga ginawa niya. (Juan 14:12) Alam niya na mas maraming tao ang mapapangaralan nila sa mas malawak na lugar at sa mas mahabang panahon. Kinilala rin ni Jesus na kailangan niya ng tulong. Tinanggap niya ang tulong ng mga anghel na dumating para maglingkod sa kaniya sa ilang, pati na ang pampatibay-loob ng isang anghel sa Getsemani. Sa pinakamahirap na sitwasyong naranasan niya, nakiusap siya sa Diyos at humingi ng tulong.—Mateo 4:11; Lucas 22:43; Hebreo 5:7.

      17 Dapat din tayong maging mapagpakumbaba at alamin ang mga limitasyon natin. Siguradong gusto nating maglingkod nang buong kaluluwa at gawin ang buong makakaya sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Lucas 13:24; Colosas 3:23) Pero tandaan na hindi tayo ikinukumpara ni Jehova sa iba, kaya hindi natin iyon dapat gawin. (Galacia 6:4) Makakatulong ang karunungan para makapagtakda tayo ng makatotohanang mga tunguhin. Makakatulong din sa mga may responsibilidad sa kongregasyon ang karunungan para tanggapin nilang may mga limitasyon din sila at kailangan nila ang tulong ng iba. Alam nilang puwedeng gamitin ni Jehova ang ibang kapatid para palakasin sila.—Colosas 4:11.

      18, 19. (a) Paano naging mabait at makatuwiran si Jesus sa mga alagad niya? (b) Bakit dapat tayong maging mabait at makatuwiran sa iba, at paano natin ito magagawa?

      18 “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran,” ang sabi sa Santiago 3:17. Mabait at makatuwiran si Jesus sa mga alagad niya. Alam niyang nagkakamali sila, pero ang mabubuting katangian nila ang tinitingnan niya. (Juan 1:47) Alam niyang iiwan siya ng mga alagad niya noong gabing aarestuhin siya, pero hindi siya nagduda sa katapatan nila. (Mateo 26:31-35; Lucas 22:28-30) Tatlong beses pa nga na ikinaila ni Pedro si Jesus. Pero nagsumamo pa rin si Jesus para kay Pedro at ipinakitang nagtitiwala siya sa katapatan nito. (Lucas 22:31-34) Noong gabi bago mamatay si Jesus, hindi niya sinabi sa panalangin niya ang mga pagkakamali ng mga alagad niya. Sa halip, nagpokus siya sa magagandang bagay na ginawa nila hanggang nang gabing iyon at sinabi: “Tinupad nila ang iyong salita.” (Juan 17:6) Hindi sila perpekto, pero ipinagkatiwala niya sa kanila ang gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian at ang paggawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) At dahil ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa kanila, napatibay silang patuloy na gawin ang iniutos niya sa kanila.

      19 Dapat tularan ng mga tagasunod ni Jesus ang halimbawa niya. Perpekto ang Anak ng Diyos, pero naging matiyaga siya sa pakikitungo sa mga di-perpektong alagad niya. Kaya lalo nating kailangan na maging mas makatuwiran sa pakikitungo sa isa’t isa. (Filipos 4:5) Imbes na magpokus sa pagkakamali ng mga kapatid, dapat tayong magpokus sa magagandang katangian nila. Tandaan na inilapit sila ni Jehova kay Jesus. (Juan 6:44) Siguradong nakita ni Jehova ang mabuti sa kanila, kaya dapat na ganiyan din tayo. Makakatulong sa atin ang pagpopokus sa mabubuting katangian ng iba para ‘mapalampas ang pagkakamali’ nila at makapagbigay tayo ng komendasyon. (Kawikaan 19:11) Kapag ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa mga kapatid, tinutulungan natin silang gawin ang buong makakaya nila at maging masaya sa paglilingkod kay Jehova.—1 Tesalonica 5:11.

      20. Ano ang dapat nating gawin sa maraming karunungan na makikita sa mga Ebanghelyo, at bakit?

      20 Napakarami nating makukuhang karunungan sa mga Ebanghelyo! Ano ang dapat nating gawin sa napakahalagang regalong ito? Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa mga tagapakinig niya na hindi lang basta makinig sa mga turo niya, kundi gawin din o isabuhay ang mga iyon. (Mateo 7:24-27) Kung hahayaan nating maimpluwensiyahan ng mga turo at ginawa ni Jesus ang kaisipan, motibo, at pagkilos natin, magkakaroon tayo ng masayang buhay ngayon. Tutulong din ito sa atin na manatili sa daang papunta sa buhay na walang hanggan. (Mateo 7:13, 14) Wala nang iba pang mas magandang paraan ng pamumuhay!

      a Nakilala ang pahayag ni Jesus nang araw na iyon bilang ang Sermon sa Bundok. Mababasa ito sa Mateo 5:3–7:27, at binubuo ng 107 talata. Posibleng aabutin ng mga 20 minuto para ipahayag ito.

      b Noong mabautismuhan si Jesus, “ang langit ay nabuksan.” Lumilitaw na naalala na niya ang buhay niya sa langit.—Mateo 3:13-17.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Kung napansin mong nasaktan mo ang isang kapatid, ano ang dapat mong gawin?—Mateo 5:23, 24.

      • Kung ininsulto ka ng iba o nainis ka sa kanila, paano ka matutulungan ng mga salita ni Jesus na kumilos nang may karunungan?—Mateo 5:38-42.

      • Paano makakatulong ang pagbubulay-bulay sa mga sinabi ni Jesus para maging balanse ka pagdating sa pera at pag-aari?—Mateo 6:24-34.

      • Paano makakatulong ang halimbawa ni Jesus para malaman mo kung ano ang pinakamahalaga sa buhay?—Lucas 4:43; Juan 4:34.

  • “Natuto Siyang Maging Masunurin”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 6

      “Natuto Siyang Maging Masunurin”

      1, 2. Bakit masaya ang isang tatay na makitang sumusunod sa kaniya ang anak niya, at ano ang nararamdaman ni Jehova kapag sinusunod natin siya?

      NAKATINGIN sa labas ng bintana ang isang tatay. Pinapanood niya ang anak niyang nakikipaglaro sa mga kaibigan nito. Tumalbog ang bola nila palabas ng bakuran at napunta sa kalsada. Tiningnan ito ng bata at gusto niya itong kunin. Pinipilit siya ng isa sa mga kaibigan niyang kunin ang bola. Pero ayaw ng bata. “Bawal akong lumabas,” ang sabi niya. Napangiti ang tatay niya.

      2 Bakit kaya masaya ang tatay niya? Sinabihan kasi niya ang anak niya na huwag lalabas sa kalsada nang mag-isa. Sumunod ang anak niya kahit hindi nito alam na pinapanood pala siya ng tatay niya. Dahil diyan, alam ng tatay na ligtas ang anak niya at naiintindihan nito kung bakit mahalagang sumunod sa kaniya. Iyan din ang nararamdaman ng ating Ama sa langit, si Jehova. Alam ng Diyos na para manatili tayong tapat at makuha natin ang magandang kinabukasang ipinangako niya, kailangan nating magtiwala at sumunod sa kaniya. (Kawikaan 3:5, 6) Para magawa natin iyan, isinugo niya ang pinakamahusay na guro.

      3, 4. Paano naging “masunurin” at “perpekto” si Jesus? Magbigay ng ilustrasyon.

      3 Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Kahit na anak siya ng Diyos, natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya. At pagkatapos niyang maging perpekto, siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.” (Hebreo 5:8, 9) Napakatagal nang nabuhay ni Jesus sa langit. Nakita niya ang pagrerebelde ni Satanas at ng mga kasama nitong anghel, pero hindi niya naisip na sumama sa kanila. Tinupad niya ang hulang ito tungkol sa kaniya: “Hindi ako nagrebelde.” (Isaias 50:5) Paano siya ‘natutong maging masunurin’ kung lagi naman na siyang sumusunod sa kaniyang Ama? Paano ‘magiging perpekto’ ang isang nilalang na perpekto na?

      4 Maikukumpara natin sa bakal ang pagiging masunurin ni Jesus bago siya bumaba sa lupa. Matibay na ang bakal na iyon. Pero may prosesong ginawa para mas tumibay pa ito, o tumaas ang kalidad. Sa katulad na paraan, masunurin na si Jesus bago siya bumaba sa lupa. Pero noong nandito na siya sa lupa, nasubok ang pagiging masunurin niya kaya nagkaroon ito ng kakaibang kalidad. “Natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya,” na hinding-hindi niya mararanasan sa langit.

      5. Bakit mahalagang sundin ni Jesus ang kaniyang Ama, at ano ang pag-uusapan natin sa kabanatang ito?

      5 Para magawa ni Jesus ang atas niya dito sa lupa, kailangan niyang maging masunurin. Bilang ang “huling Adan,” dumating siya rito para gawin ang hindi nagawa ng unang mga magulang natin—ang manatiling masunurin sa Diyos na Jehova kahit may mga pagsubok. (1 Corinto 15:45) Pero hindi naging sunod-sunuran lang si Jesus na parang robot. Sumunod si Jesus nang buong pag-iisip, puso, at kaluluwa. At masaya siyang gawin ito. Mas mahalaga sa kaniya ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama kaysa sa pagkain! (Juan 4:34) Ano ang tutulong para matularan natin ang pagkamasunurin ni Jesus? Pag-usapan muna natin ang mga dahilan ng pagsunod niya. Tutulong iyan para malabanan natin ang tukso at magawa ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, tatalakayin natin ang ilang pagpapala kung magiging masunurin tayo, gaya ni Kristo.

      Mga Dahilan ng Pagsunod ni Jesus

      6, 7. Ano ang ilang dahilan ng pagsunod ni Jesus?

      6 Masunurin si Jesus dahil sa magagandang katangian niya. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 3, mapagpakumbaba siya. Alam nating hindi masunurin ang mga taong mapagmataas. Pero kung mapagpakumbaba tayo, susundin natin si Jehova. (Exodo 5:1, 2; 1 Pedro 5:5, 6) Isa pa, naging masunurin si Jesus dahil sa mga iniibig niya at sa mga kinapopootan niya.

      7 Ang pinakamahalaga kay Jesus ay ang kaniyang Ama sa langit, si Jehova. Tatalakayin natin iyan nang mas detalyado sa Kabanata 13. Dahil sa pag-ibig ni Jesus kay Jehova, nagkaroon siya ng makadiyos na takot. Mahal na mahal niya si Jehova kaya napakataas ng respeto niya sa Kaniya. Takot siyang gumawa ng anuman na hindi Niya magugustuhan. Ang isang dahilan kung bakit pinakinggan ni Jehova ang mga panalangin ni Jesus ay dahil sa makadiyos na takot niya. (Hebreo 5:7) Kitang-kita rin sa pamamahala ni Jesus bilang Mesiyanikong Hari ang pagkatakot niya kay Jehova.—Isaias 11:3.

      Dalawang brother na nakatayo sa harap ng isang movie poster. Marahas ang nasa poster. Makikita sa mukha ng isang brother na ayaw niya ang nakikita niya; iniiwas ng isang brother ang tingin niya sa poster.

      Makikita ba sa pinipili mong libangan na kinapopootan mo ang masama?

      8, 9. Gaya ng inihula, ano ang nadarama ni Jesus sa katuwiran at kasamaan, at paano niya ito ipinakita?

      8 Para maipakita nating mahal natin si Jehova, dapat din nating kapootan ang mga bagay na kinapopootan niya. Halimbawa, pansinin ang hulang ito tungkol sa Mesiyanikong Hari: “Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit kaysa sa mga kasamahan mo.” (Awit 45:7) Ang “mga kasamahan” ni Jesus ay ang iba pang naging hari mula sa angkan ni Haring David. Pero nang hirangin si Jesus bilang hari, mas marami siyang dahilan para magalak kaysa sa kanila. Bakit? Dahil mas malaki ang gantimpalang ibinigay sa kaniya at mas marami ang mga pagpapalang tatanggapin ng mga tao sa paghahari niya. Inibig niya ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan kaya naging masunurin siya sa Diyos sa lahat ng bagay. Iyan ang dahilan kung bakit siya ginantimpalaan.

      9 Paano ipinakita ni Jesus ang nadarama niya sa katuwiran at kasamaan? Halimbawa, nang pinagpala ang mga tagasunod ni Jesus dahil sinunod nila ang mga tagubilin niya sa pangangaral, ano ang naging reaksiyon niya? Nag-umapaw siya sa kagalakan. (Lucas 10:1, 17, 21) Pero ano naman ang naging reaksiyon niya nang paulit-ulit na sumuway ang mga taga-Jerusalem at tinanggihan ang mga pagsisikap niyang tulungan sila? Umiyak siya. (Lucas 19:41, 42) Masayang-masaya si Jesus kapag tama ang ginagawa ng mga tao, pero sobrang lungkot niya kapag masama naman ang ginagawa nila.

      10. Ano ang dapat nating maramdaman sa mabubuti at masasamang gawain, at ano ang makakatulong sa atin?

      10 Dahil sa natutuhan natin kay Jesus, gusto nating suriin ang motibo natin sa pagsunod kay Jehova. Kahit hindi tayo perpekto, puwede tayong magkaroon ng masidhing pag-ibig sa mabubuting gawa at matinding pagkapoot sa masasamang paggawi. Kailangan nating manalangin kay Jehova na tulungan niya tayong matularan ang nararamdaman niya at ng kaniyang Anak. (Awit 51:10) Kailangan din nating iwasan ang mga bagay na magpapahina sa pag-ibig natin sa katuwiran at pagkapoot sa kasamaan. Kaya napakahalagang mag-ingat tayo sa pagpili ng mga libangan at kasama natin. (Kawikaan 13:20; Filipos 4:8) Kung tutularan natin si Jesus, magiging kusa ang pagsunod natin. Gagawin natin ang tama dahil gustong-gusto nating gawin ito. Iiwasan din nating gumawa ng masama, hindi dahil takot tayong mahuli, kundi dahil kinapopootan natin ito.

      “Hindi Siya Nagkasala”

      11, 12. (a) Sa pasimula pa lang ng ministeryo ni Jesus, ano ang nangyari sa kaniya? (b) Ano ang unang tukso ni Satanas kay Jesus, at bakit niya inakalang epektibo iyon?

      11 Sa pasimula pa lang ng ministeryo ni Jesus, nasubok na ang pagkapoot niya sa kasalanan. Matapos siyang mabautismuhan, 40 araw at gabi siyang nasa ilang at hindi kumain. Pagkatapos, tinukso siya ni Satanas. Pansinin kung gaano katuso ang Diyablo.—Mateo 4:1-11.

      12 Ang unang tukso ni Satanas kay Jesus: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” (Mateo 4:3) Pagkatapos ng matagal na pag-aayuno, ano kaya ang naramdaman ni Jesus? Sinasabi ng Bibliya: “Nagutom siya.” (Mateo 4:2) Gustong samantalahin iyon ni Satanas kaya hinintay muna niyang manghina si Jesus. Pansinin din ang panunuya ni Satanas: “Kung ikaw ay anak ng Diyos.” Alam naman ni Satanas na si Jesus ang “panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Pero hindi nagpadala si Jesus sa tukso ni Satanas. Alam ni Jesus na hindi gusto ng Diyos na gamitin niya ang kapangyarihan niya sa pansariling kapakanan. Umasa siya kay Jehova para sa pangangailangan niya at mapagpakumbaba siyang sumunod sa mga tagubilin Niya.—Mateo 4:4.

      13-15. (a) Ano ang ikalawa at ikatlong tukso ni Satanas kay Jesus, at ano ang reaksiyon ni Jesus? (b) Bakit natin masasabing nanatiling mapagbantay si Jesus laban kay Satanas?

      13 Sa ikalawang tukso ni Satanas, dinala niya si Jesus sa tuktok ng templo. Pinilipit ni Satanas ang Salita ng Diyos, at tinukso niya si Jesus na magpasikat sa pamamagitan ng pagtalon mula doon para iligtas siya ng mga anghel. Kung makita ng mga tao ang himalang iyon, magdududa pa ba sila na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas? At kung tanggapin nila si Jesus bilang Mesiyas dahil sa nakita nila, hindi kaya naiwasan sana niya ang maraming paghihirap? Posible. Pero alam ni Jesus na kalooban ni Jehova na isagawa ng Mesiyas ang atas niya sa mapagpakumbabang paraan. Hindi siya dapat magpasikat para maniwala sa kaniya ang mga tao. (Isaias 42:1, 2) Muli, hindi sinuway ni Jesus si Jehova. Hindi niya hinangad na maging sikat.

      14 Pero ano naman ang naging reaksiyon ni Jesus nang alukin siya ng kapangyarihan? Sa ikatlong tukso ni Satanas, inalok niya kay Jesus ang lahat ng kaharian sa mundo kung sasamba si Jesus sa kaniya kahit isang beses lang. Pinag-isipan man lang ba ni Jesus ang alok ni Satanas? Sinabi niya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’” (Mateo 4:10) Hinding-hindi maiisip ni Jesus na sumamba sa ibang diyos! Hindi susuwayin ni Jesus si Jehova para lang magkaroon ng kapangyarihan at awtoridad dito sa lupa.

      15 Sumuko na ba si Satanas? Umalis siya nang utusan siya ni Jesus. Pero sinabi sa Ebanghelyo ni Lucas na “humiwalay [ang Diyablo] sa kaniya at naghintay ng ibang pagkakataon.” (Lucas 4:13) Habang nabubuhay pa si Jesus sa lupa, humanap si Satanas ng pagkakataon para subukin at tuksuhin siya. Sinasabi ng Bibliya na “sinubok [si Jesus] sa lahat ng bagay.” (Hebreo 4:15) Nanatiling mapagbantay si Jesus, at ganiyan din dapat tayo.

      16. Paano tinutukso ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos ngayon, at ano ang puwede nating gawin?

      16 Tinutukso rin ni Satanas ang mga lingkod ng Diyos ngayon. At dahil hindi tayo perpekto, madali lang para sa kaniya na tuksuhin tayo. Alam niyang puwede tayong maging makasarili, mapagmataas, at sakim sa kapangyarihan. Iyan ang dahilan kung bakit madalas niyang gamitin ang materyalismo para tuksuhin tayo. Kaya mahalagang suriin natin ang sarili natin. Dapat nating pag-isipan ang sinasabi sa 1 Juan 2:15-17. At habang ginagawa natin iyan, puwede nating suriin kung humihina na ang pag-ibig natin kay Jehova dahil sa pagnanasa ng laman, hangaring magkaroon ng maraming pag-aari, o kagustuhang pahangain ang iba. Tandaan na malapit nang puksain si Satanas at ang sanlibutang ito. Huwag sana tayong matuksong gumawa ng kasalanan! Tularan sana natin si Jesus, dahil “hindi siya nagkasala.”—1 Pedro 2:22.

      “Lagi Kong Ginagawa ang mga Gusto Niya”

      17. Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa pagsunod sa kaniyang Ama, at ano ang puwedeng isipin ng ilan?

      17 Hindi lang basta pag-iwas sa kasalanan ang pagiging masunurin. Laging sinusunod ni Kristo ang lahat ng iniutos ng kaniyang Ama. Sinabi niya: “Lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.” (Juan 8:29) Naging masaya si Jesus dahil masunurin siya. Pero puwedeng isipin ng ilan na hindi mahirap kay Jesus na sumunod kasi perpekto ang sinusunod niya, si Jehova. Tayo naman, kailangan nating sumunod sa mga di-perpektong tao na may awtoridad. Pero naging masunurin din si Jesus kahit sa mga di-perpektong tao.

      18. Anong halimbawa ng pagsunod ang ipinakita ni Jesus bilang anak?

      18 Nasa ilalim si Jesus ng awtoridad ng mga di-perpektong magulang niya, sina Jose at Maria. At di-gaya ng ibang mga bata, posibleng nakikita niya ang mga pagkakamali nila. Nagrebelde ba siya? Hindi na ba siya nagpasakop sa mga magulang niya at sinabi kung ano ang dapat nilang gawin sa loob ng pamilya? Ito ang sinabi ng Lucas 2:51 tungkol kay Jesus noong 12 taóng gulang siya: “Patuloy siyang naging masunurin sa kanila.” Nagpakita siya ng napakagandang halimbawa ng pagsunod. Puwede siyang tularan ng mga kabataang Kristiyano na nagsisikap sundin at igalang ang mga magulang nila.—Efeso 6:1, 2.

      19, 20. (a) Anong mga hamon tungkol sa pagsunod sa di-perpektong mga tao ang napaharap kay Jesus? (b) Bakit dapat maging masunurin ang mga tunay na Kristiyano ngayon sa mga nangunguna sa kanila?

      19 Nagbigay ng magandang halimbawa si Jesus sa mga tunay na Kristiyano ngayon kasi sumunod siya sa mga di-perpektong tao kahit sa mahihirap na sitwasyon. Tingnan ang kalagayan noong panahon niya. Ang sinusunod pa rin noon sa pagsamba ay ang kaayusan ng mga Judio. Kasama diyan ang pagsamba sa templo sa Jerusalem at ang kaayusan sa pagkasaserdote. Pero malapit na itong palitan ng kaayusan ng Kristiyanong kongregasyon. (Mateo 23:33-38) Ang problema, maraming lider ng relihiyon ang nagtuturo ng mga kasinungalingang base sa pilosopiyang Griego. Napakarami ring katiwalian sa templo kaya tinawag ito ni Jesus na “pugad ng mga magnanakaw.” (Marcos 11:17) Ibig bang sabihin nito, hindi na pumunta si Jesus sa templo at mga sinagoga? Pumunta pa rin siya. Ginagamit pa rin kasi noon ni Jehova ang mga kaayusang ito. Dumadalo pa rin si Jesus sa sinagoga at sa mga kapistahan sa templo habang hindi pa binabago ng Diyos ang mga kaayusang ito.—Lucas 4:16; Juan 5:1.

      20 Kung nakayanan ni Jesus na maging masunurin noong panahong hindi pa nadalisay ang tunay na pagsamba, mas kakayanin ng mga tunay na Kristiyano na maging masunurin ngayon dahil may kaayusan na para sa dalisay na pagsamba. Tinitiyak sa atin ng Diyos na hinding-hindi niya hahayaan ang mga lingkod niya na maimpluwensiyahan ni Satanas. (Isaias 2:1, 2; 54:17) Puwede pa ring magkasala ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano dahil hindi sila perpekto. Pero dapat ba nating idahilan ang mga pagkukulang ng iba para suwayin si Jehova? Baka hindi na tayo dadalo sa mga pulong, o baka lagi na lang nating hahanapan ng mali ang mga elder sa kongregasyon. Siyempre, hindi natin gagawin ang mga iyan! Buong-puso nating susuportahan ang mga nangunguna sa kongregasyon. At dahil masunurin tayo, dadalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea, at susundin ang mga payo sa Kasulatan na natatanggap natin mula rito.—Hebreo 10:24, 25; 13:17.

      Mga kapatid na masayang nagkukuwentuhan sa labas ng Kingdom Hall.

      Sinusunod natin ang mga natututuhan natin sa mga pulong

      21. Ano ang ginawa ni Jesus nang gipitin siya ng iba na sumuway sa Diyos, at ano ang matututuhan natin dito?

      21 Hindi hinayaan ni Jesus ang sinuman, kahit ang mga kaibigan niyang may mabuting intensiyon, na maimpluwensiyahan siyang sumuway kay Jehova. Halimbawa, sinabi ni apostol Pedro kay Jesus na hindi naman niya kailangang magdusa at mamatay. Maganda ang intensiyon ni Pedro, pero hindi sinunod ni Jesus ang payo nito na maging mabait sa sarili niya. (Mateo 16:21-23) Sa ngayon, baka sabihan tayo ng mga kamag-anak natin na gawin ang isang bagay na labag sa mga kautusan at prinsipyo ng Diyos. Baka mabuti naman ang intensiyon nila. Pero gaya ng mga tagasunod ni Jesus noon, “dapat [nating] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.

      Mga Gantimpala sa Pagiging Masunurin, Gaya ni Kristo

      22. Anong tanong ang nasagot ni Jesus, at paano?

      22 Nasubok nang husto ang pagiging masunurin ni Jesus nang mapaharap siya sa kamatayan. Sa mahirap na panahong iyon, talagang “natuto siyang maging masunurin.” Ginawa niya ang kalooban ng kaniyang Ama, hindi ang sa kaniya. (Lucas 22:42) Dahil dito, naipakita niya na posibleng manatiling tapat ang isa. (1 Timoteo 3:16) Nasagot niya ang isang matagal nang tanong: Mananatili kayang masunurin kay Jehova ang isang perpektong tao kahit may pagsubok? Hindi iyan nagawa nina Adan at Eva. Pero nang bumaba si Jesus sa lupa, pinatunayan niyang posibleng manatiling tapat sa Diyos ang isang tao kahit may pagsubok. Ang pinakadakila sa lahat ng nilalang ni Jehova ang nagbigay ng pinakamatibay na sagot. Naging masunurin siya kahit nagdusa siya at namatay.

      23-25. (a) Ano ang kaugnayan ng pagiging masunurin at ng katapatan? Ilarawan. (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

      23 Kapag masunurin tayo, naipapakita nating mahal natin si Jehova at tapat tayo sa kaniya. Dahil sumunod si Jesus, nakapanatili siyang tapat at nakinabang ang lahat ng tao. (Roma 5:19) Pinagpala ni Jehova si Jesus. Kung susundin natin ang ating Panginoon, si Kristo, pagpapalain din tayo ni Jehova. Tatanggap ng “walang-hanggang kaligtasan” ang lahat ng sumusunod kay Kristo.—Hebreo 5:9.

      24 Isa ring pagpapala ang pagiging tapat. Sinasabi sa Kawikaan 10:9: “Ang mga lumalakad nang tapat ay panatag.” Maikukumpara natin ang katapatan sa isang kongkretong bahay. Ang bawat hollow block na ginamit dito ay maikukumpara naman sa isang gawa ng pagsunod. Parang walang halaga ang isang hollow block. Pero kapag pinagpatong-patong na ang mga ito, nabubuo ang isang matibay na bahay. Ganiyan din ang pagsunod kay Jehova. Kapag patuloy tayong sumusunod sa kaniya, napapatunayan nating mahal natin siya at tapat tayo sa kaniya.

      25 Ang pagiging masunurin sa loob ng mahabang panahon ay pagpapakita rin ng pagtitiis. Ang halimbawa ni Jesus tungkol diyan ang tatalakayin sa susunod na kabanata.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Ano ang ilan sa mga utos ni Kristo, paano natin susundin ang mga ito, at ano ang mga pagpapala sa paggawa nito?—Juan 15:8-19.

      • Ano ang tingin ng mga kamag-anak ni Jesus sa ministeryo niya noong una, at ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Jesus tungkol dito?—Marcos 3:21, 31-35.

      • Bakit hindi natin dapat isipin na magiging malungkot tayo kapag sumusunod tayo kay Jehova?—Lucas 11:27, 28.

      • Ano ang matututuhan natin sa pagsunod ni Jesus sa isang utos na hindi naman niya kailangang sundin?—Mateo 17:24-27.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share