Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Dahil sa Awa”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 15

      “Dahil sa Awa”

      Si Jesus na nagpapagaling ng dalawang bulag.

      “Panginoon, gusto naming makakita”

      1-3. (a) Ano ang ginawa ni Jesus nang humingi ng tulong ang dalawang bulag sa kaniya? (b) Ano ang ibig sabihin ng “dahil sa awa”? (Tingnan ang talababa.)

      NAKAUPO sa tabi ng daan malapit sa Jerico ang dalawang lalaking bulag. Araw-araw silang nandoon para mamalimos sa mga dumadaan. Pero sa araw na ito, magkakaroon ng malaking pagbabago sa buhay nila.

      2 Bigla na lang may narinig na kaguluhan ang mga lalaki. Dahil bulag sila, nagtanong ang isa sa kanila kung bakit nagkakagulo. Sinabi sa kaniya: “Dumadaan si Jesus na Nazareno!” Ito ang huling pagpunta ni Jesus sa Jerusalem. Sinusundan siya ng maraming tao. Nang malaman ng dalawang bulag kung sino ang dumadaan, sumigaw sila: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!” Nainis ang mga tao kaya sinabihan nila sila na tumahimik. Pero ayaw manahimik ng mga lalaki dahil gustong-gusto nilang tulungan sila ni Jesus.

      3 Kahit napakaraming tao, narinig pa rin sila ni Jesus. Ano kaya ang gagawin niya? Marami siyang iniisip noong panahong iyon. Malapit na siyang mamatay. Alam niyang papahirapan siya at papatayin sa Jerusalem. Pero hindi niya binale-wala ang paghingi ng tulong ng mga lalaki. Huminto siya at sinabing dalhin sila sa kaniya. Sinabi ng dalawang lalaki: “Panginoon, gusto naming makakita.” “Dahil sa awa,” hinipo ni Jesus ang mga mata nila at nakakita sila agad.a Pagkatapos, agad silang sumunod kay Jesus.—Lucas 18:35-43; Mateo 20:29-34.

      4. Paano tinupad ni Jesus ang hulang “maaawa siya sa hamak”?

      4 Hindi lang ito ang pagkakataong naawa si Jesus. Nagpakita siya ng awa sa maraming pagkakataon at sa iba’t ibang paraan. Inihula ng Bibliya na “maaawa siya sa hamak.” (Awit 72:13) Talagang naging makonsiderasyon si Jesus sa damdamin ng iba. Nagkusa siyang tumulong sa mga tao. Naawa siya kaya nangaral siya sa kanila. Tingnan natin mula sa mga Ebanghelyo kung ano ang mga sinabi at ginawa ni Jesus na nagpapakitang maawain siya. Tingnan din natin kung paano natin matutularan ang pagpapakita niya ng awa.

      Maging Makonsiderasyon sa Iba

      5, 6. Anong mga halimbawa ang nagpapakitang may empatiya si Jesus?

      5 Talagang may empatiya si Jesus. Naiintindihan niya ang damdamin ng mga nagdurusa at nakikiramay siya sa kanila. Hindi niya naranasan ang lahat ng pinagdaraanan nila, pero ramdam niya ang kirot na nararamdaman nila na para bang nararanasan din niya ang pagdurusa nila. (Hebreo 4:15) Nang pagalingin ni Jesus ang isang babaeng 12 taon nang dinudugo, alam niyang “nagpapahirap” sa babae ang sakit na iyon. (Marcos 5:25-34) Nang makita niyang umiiyak si Maria at ang mga kasama nito dahil namatay si Lazaro, talagang naawa siya at nalungkot. Alam niyang bubuhayin niyang muli si Lazaro pero lumuha pa rin siya.—Juan 11:33, 35.

      6 Minsan, may lumapit na isang ketongin kay Jesus at nakiusap: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.” Perpekto si Jesus at hindi kailanman nagkasakit, pero nagpakita pa rin siya ng empatiya sa ketongin. “Naawa siya.” (Marcos 1:40-42) Gumawa siya ng isang bagay na di-pangkaraniwan. Alam na alam niyang sa ilalim ng Kautusan, itinuturing na marumi ang mga ketongin at hindi dapat makisama sa iba. (Levitico 13:45, 46) Mapapagaling naman ni Jesus ang lalaking ito kahit hindi niya hawakan. (Mateo 8:5-13) Pero hinawakan pa rin niya ang ketongin at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” Nawala agad ang ketong ng lalaki. Kitang-kita ang empatiya ni Jesus!

      Sister na nagpapatibay sa isang sister.

      “Magdamayan” sa isa’t isa

      7. Ano ang makakatulong sa atin na makadama ng empatiya, at paano natin ito maipapakita?

      7 Dapat tularan ng mga Kristiyano si Jesus sa pagpapakita ng empatiya. Sinasabi ng Bibliya na “magdamayan” tayo sa isa’t isa.b (1 Pedro 3:8) Hindi madaling maintindihan ang damdamin ng mga dumaranas ng nagtatagal na sakit o depresyon, lalo na kung hindi pa natin iyon nararanasan. Pero tandaan na hindi mo kailangang maranasan muna ang mga iyon bago ka makapagpakita ng empatiya. May empatiya si Jesus sa mga maysakit kahit hindi siya kailanman nagkasakit. Kaya paano natin maipapakita ang empatiya? Magagawa natin iyan kapag nakikinig tayong mabuti sa mga may problema habang sinasabi nila ang mga nararamdaman nila. Puwede nating tanungin ang sarili natin, ‘Kung ako ang nasa kalagayan nila, ano kaya ang mararamdaman ko?’ (1 Corinto 12:26) Mas magagawa nating “patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob” kung iintindihin natin sila. (1 Tesalonica 5:14) Kung minsan, maipapakita natin ang empatiya hindi lang sa salita kundi sa gawa. “Makiiyak sa mga umiiyak,” ang sabi ng Roma 12:15.

      8, 9. Paano nagpakita si Jesus ng konsiderasyon sa damdamin ng iba?

      8 Laging makonsiderasyon si Jesus sa damdamin ng iba. Baka naaalala pa ninyo nang dalhin kay Jesus ang isang taong bingi at halos hindi makapagsalita. Napansin ni Jesus na nahihiya ang lalaki. Ano ang ginawa ni Jesus? “Inilayo niya ang lalaki mula sa mga tao.” Hindi niya iyan laging ginagawa. Pinagaling niya ang lalaki noong silang dalawa na lang.—Marcos 7:31-35.

      9 Nagpakita rin ng konsiderasyon si Jesus nang dalhin sa kaniya ang isang lalaking bulag. Hiniling ng mga tao na pagalingin niya ito. “Hinawakan [ni Jesus] sa kamay ang lalaking bulag at dinala ito sa labas ng nayon.” Unti-unti niyang pinagaling ang lalaki para hindi ito mabigla sa liwanag at sa napakaraming bagay sa palibot nito. (Marcos 8:22-26) Talagang makonsiderasyon si Jesus!

      10. Paano tayo puwedeng maging makonsiderasyon sa damdamin ng iba?

      10 Bilang mga tagasunod ni Jesus, dapat din tayong maging makonsiderasyon sa damdamin ng iba. Nag-iingat tayo sa mga sinasabi natin. Alam kasi natin na puwede tayong makasakit sa iba kapag nagsalita tayo nang hindi pinag-iisipan. (Kawikaan 12:18; 18:21) Dahil mga Kristiyano tayo, hindi tayo magsasalita nang masakit, mapanghamak, o mapanuya sa iba. (Efeso 4:31) Paano naman magiging makonsiderasyon sa damdamin ng iba ang mga elder? Dapat na mabait magsalita ang mga elder kapag nagpapayo at hindi nila ipapahiya ang pinapayuhan. (Galacia 6:1) Paano magiging makonsiderasyon ang mga magulang sa damdamin ng mga anak nila? Iwasang mapahiya sila kapag dinidisiplina sila.—Colosas 3:21.

      Magkusang Tumulong sa Iba

      11, 12. Anong mga ulat sa Bibliya ang nagpapakitang hindi na kailangang sabihan si Jesus na maawa sa iba?

      11 Hindi nagpakita si Jesus ng awa dahil lang sa sinabihan siya. Ang totoo, kusang tumutulong sa iba ang isang taong maawain. Kaya hindi na tayo dapat magtakang dahil sa awa, nagkusa si Jesus na tulungan ang iba. Halimbawa, noong tatlong araw nang kasama ni Jesus ang maraming tao, wala na silang pagkain. Walang nagsabi kay Jesus na nagugutom na ang mga tao o nagsabing gumawa siya ng paraan. Sinasabi ng ulat: “Tinawag ni Jesus ang mga alagad niya at sinabi: ‘Naaawa ako sa mga tao. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayokong pauwiin sila nang gutom dahil baka manghina sila sa daan.’” Pagkatapos, nagkusa siyang gumawa ng himala para pakainin ang mga tao.—Mateo 15:32-38.

      12 Tingnan pa ang isang halimbawa. Noong 31 C.E., habang papalapit si Jesus sa lunsod ng Nain, nakakita siya ng isang malungkot na eksena. May prusisyon ng libing na papalabas ng lunsod. Papunta ito sa malapit na mga libingan sa dalisdis ng burol para ilibing ang “kaisa-isang anak ng isang . . . biyuda.” Nadama mo ba ang kirot na nararamdaman ng nanay? Ililibing na ang kaisa-isa niyang anak na lalaki. Wala na rin siyang asawa na aalalay sa kaniya. Sa dami ng tao sa prusisyon, ‘nakita’ ni Jesus ang biyuda na wala nang anak. Talagang “naawa siya rito.” Hindi na kailangan pang may magsabi kay Jesus na tulungan ang biyuda. Nagkusa siya. “Lumapit siya at hinipo ang hinihigaan ng patay.” Pagkatapos, binuhay niyang muli ang binata. Ano ang sumunod na nangyari? Hindi sinabi ni Jesus sa binata na sumama sa mga taong naglalakbay kasama Niya. “Ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina” para hindi na ito mag-isa at para maalagaan ito ng anak niya.—Lucas 7:11-15.

      Sister na tumutulong sa may-edad nang sister sa pagtatanim ng mga halamang namumulaklak.

      Magkusang tulungan ang mga nangangailangan

      13. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa pagkukusang tumulong sa mga nangangailangan?

      13 Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus? Hindi natin kayang gumawa ng himala para magpakain ng mga tao o bumuhay ng mga patay. Pero matutularan natin si Jesus na nagkusang tumulong sa mga nangangailangan. Baka may kapatid na naghihirap o nawalan ng trabaho. (1 Juan 3:17) Baka kailangang ayusin agad ang bahay ng isang biyuda. (Santiago 1:27) Baka may kilala tayong namatayan na nangangailangan ng pampatibay o praktikal na tulong. (1 Tesalonica 5:11) Kapag nalaman nating may ganitong sitwasyon ang iba, hindi na natin hihintayin pang lapitan nila tayo para humingi sila ng tulong. (Kawikaan 3:27) Dahil sa awa, gagawin natin ang lahat para tumulong. Pero kung wala tayong kakayahang tumulong, may magagawa pa rin tayo para maipakita ang kabaitan. Puwede pa rin natin silang patibayin. Kahit simpleng bagay lang ang gawin natin, malaking tulong pa rin ito.—Colosas 3:12.

      Nangaral Siya Dahil sa Awa

      14. Bakit nagpokus si Jesus sa pangangaral ng mabuting balita?

      14 Gaya ng nakita natin sa Seksiyon 2 ng aklat na ito, napakagandang halimbawa ni Jesus sa pangangaral ng mabuting balita. Sinabi niya: “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.” (Lucas 4:43) Bakit siya nagpokus sa gawaing ito? Ang pinakamahalagang dahilan ay ang pag-ibig niya sa Diyos. Pero may isa pang dahilan: Naaawa siya sa mga tao kaya gusto niya silang tulungang makilala ang Diyos. Tingnan natin ang dalawang pangyayari na nagpapakita kung ano ang tingin ni Jesus sa mga taong pinangaralan niya. Makakatulong ang mga ito sa atin para makita kung bakit tayo dapat mangaral.

      15, 16. Ano ang dalawang pangyayari na nagpapakita kung ano ang tingin ni Jesus sa mga pinangaralan niya?

      15 Noong 31 C.E., pagkatapos ng mga dalawang taóng lubusang pangangaral ni Jesus, may ginawa pa siya. “Lumibot [siya] sa lahat ng lunsod at nayon” sa Galilea. Ano ang naramdaman niya? Ito ang sinabi ni apostol Mateo: “Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:35, 36) Naawa si Jesus sa mga tao. Alam niyang gusto nilang mapalapít sa Diyos pero kulang ang kaalaman nila. Alam din niyang hindi sila tinuturuan ng mga lider ng relihiyon tungkol sa Diyos, at na hindi maganda ang pagtrato ng mga ito sa kanila. Dahil sa matinding awa, ginawa ni Jesus ang lahat para sabihin sa mga tao ang mensahe ng pag-asa. Talagang kailangan nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

      16 Pagkalipas ng ilang buwan, nang malapit na ang Paskuwa noong 32 C.E., may ganiyan ding pangyayari. Sumakay si Jesus at ang mga apostol niya sa isang bangka para tumawid sa Lawa ng Galilea. Naghahanap kasi sila ng lugar kung saan puwedeng magpahinga. Pero dumaan ang mga tao sa may baybayin at nauna pa sa kanila. Ano ang ginawa ni Jesus? “Pagkababa sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At tinuruan niya sila ng maraming bagay.” (Marcos 6:31-34) “Naawa” ulit si Jesus dahil nakita niyang gustong-gustong matuto ng mga tao tungkol sa Diyos. Gaya sila ng “mga tupa na walang pastol.” Kailangan silang turuan tungkol kay Jehova kasi walang nagtuturo sa kanila. Tinuruan niya sila, hindi lang dahil kailangan niyang gawin iyon, kundi dahil naawa rin siya sa kanila.

      Sister na nangangaral sa isang babae.

      Mangaral nang may awa

      17, 18. (a) Bakit tayo nangangaral ng mabuting balita? (b) Paano natin maipapakitang naaawa tayo sa mga tao?

      17 Bakit nangangaral ng mabuting balita ang mga tagasunod ni Jesus? Gaya ng nakita natin sa Kabanata 9 ng aklat na ito, may atas tayo, o pananagutang mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 9:16) Pero hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral. Ang pag-ibig kay Jehova ang pinakadahilan kung bakit natin ipinapangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Nangangaral din tayo dahil naaawa tayo sa mga taong iba ang paniniwala. (Marcos 12:28-31) Paano natin maipapakitang naaawa tayo sa mga tao?

      18 Dapat na pareho sa tingin ni Jesus ang tingin natin sa mga tao—“sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” Isipin mong may nakita kang naliligaw na tupa. Kung walang pastol na aakay sa kaniya sa tubig at pastulan, mauuhaw at magugutom ang kawawang tupa. Hindi ba’t maaawa ka at gagawin ang lahat para pakainin at painumin ang tupang iyon? Parang nawawalang tupa ang maraming tao ngayon. Hindi pa nila alam ang mabuting balita. At dahil hindi sila tinuturuan ng mga lider ng relihiyon, gutom sila at uhaw sa katotohanan mula sa Salita ng Diyos at wala silang tunay na pag-asa sa hinaharap. Maibibigay natin ang kailangan nila: ang masustansiyang espirituwal na pagkain at nakakarepreskong tubig ng katotohanan sa Salita ng Diyos. (Isaias 55:1, 2) Kapag nakikita nating kailangang-kailangan nila ang Diyos, talagang maaawa tayo sa kanila. At kung maaawa tayo sa kanila, gaya ni Jesus, gagawin din natin ang lahat para sabihin sa kanila ang pag-asang ibibigay ng Kaharian.

      19. Ano ang puwede nating gawin para mapakilos na mangaral ang isang Bible study?

      19 Paano natin matutulungan ang iba na tularan si Jesus? Halimbawa, baka may Bible study tayo na kuwalipikado nang mangaral sa bahay-bahay. O baka may kilala tayong di-aktibo na gusto nating tulungang mangaral ulit. Paano natin sila matutulungan? Kailangan natin silang tulungang makita kung gaano kahalagang malaman ng mga tao ang tungkol sa Diyos. Tandaan na “naawa” si Jesus sa mga tao, kaya tinuruan niya sila. (Marcos 6:34) Kung matutulungan natin ang isang Bible study o isang di-aktibo na makadama ng awa, malamang na mapakilos sila nito na tularan si Jesus at ipangaral ang mabuting balita. Puwede natin silang tanungin: “Paano nagbago ang buhay mo mula nang tanggapin mo ang mensahe ng Kaharian? Kumusta naman ang mga taong hindi pa nakakarinig ng mensaheng ito? Kailangan din kaya nila ang mabuting balita? Ano kaya ang puwede mong gawin?” Pero ang talagang makakatulong sa kanila na mangaral ay ang pag-ibig sa Diyos at ang kagustuhang paglingkuran siya.

      20. (a) Ano ang kailangan para maging tagasunod ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

      20 Para maging tagasunod ni Jesus, hindi lang natin basta uulitin ang mga sinabi niya o gagawin ang mga ginawa niya. Kailangan din nating tularan ang “pag-iisip” ni Jesus. (Filipos 2:5) Talagang nagpapasalamat tayo dahil mababasa natin sa Bibliya ang mga dahilan sa mga sinabi at ginawa ni Jesus! Kapag alam natin ang “pag-iisip ni Kristo,” magiging mas maunawain at maawain tayo. Matutularan din natin ang pakikitungo ni Jesus sa mga tao. (1 Corinto 2:16) Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang iba’t ibang paraan kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa mga tagasunod niya.

      a Ang salitang Griego na isinaling “dahil sa awa” ay itinuturing na isa sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa. Binanggit ng isang reperensiya na ipinapahiwatig ng salitang ito na “hindi lang makakadama ng kirot ang isa dahil sa nakikita niyang pagdurusa ng iba, kundi gusto rin niyang alisin ang pagdurusa.”

      b Ang pang-uring Griego na isinaling “magdamayan” ay literal na nangangahulugang “pagdurusang kasama” ng iba.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Paano naging maawain si Jesus kahit may awtoridad siya, at paano natin siya matutularan?—Mateo 11:28-30.

      • Bakit mahalagang tularan natin si Jesus sa pagpapakita ng awa?—Mateo 9:9-13; 23:23.

      • Paano ipinakita ni Jesus na naiintindihan niya ang damdamin ng iba, at paano natin siya matutularan?—Lucas 7:36-50.

      • Paano makikita sa kuwento tungkol sa mabuting Samaritano na magandang katangian ang pagiging maawain, at paano natin maisasabuhay ang aral sa kuwentong iyan?—Lucas 10:29-37.

  • “Patuloy Niya Silang Inibig Hanggang sa Wakas”
    Halika Maging Tagasunod Kita
    • KABANATA 16

      “Patuloy Niya Silang Inibig Hanggang sa Wakas”

      1, 2. Paano ginamit ni Jesus ang huling gabing kasama niya ang mga apostol, at bakit napakahalaga sa kaniya ang gabing iyon?

      NANG tipunin ni Jesus ang mga apostol sa silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem, alam niyang ito na ang huling gabing makakasama niya sila. Malapit na siyang bumalik sa kaniyang Ama. Ilang oras na lang, aarestuhin na si Jesus at lubusang masusubok ang pananampalataya niya. Pero kahit malapit na siyang mamatay, iniisip pa rin niya ang kapakanan ng mga apostol niya.

      2 Sinabi na ni Jesus sa mga apostol niya na malapit na niya silang iwan. Pero gusto pa rin niya silang patibayin para makayanan nila ang mga pagsubok na mararanasan nila. Kaya ginamit niya ang huling gabing iyon para turuan sila ng mahahalagang aral. Tutulong iyon sa kanila na manatiling tapat. Kitang-kita sa mga sinabi ni Jesus na talagang mahal niya sila. Bakit mas inuna ni Jesus ang mga apostol niya kaysa sa sarili niya? Bakit napakahalaga sa kaniya na makasama niya sila sa huling gabing iyon? Dahil mahal na mahal niya sila.

      3. Bakit natin masasabing hindi lang noong gabing iyon nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa mga tagasunod niya?

      3 Pagkalipas ng maraming taon, isinulat ni apostol Juan ang mga nangyari noong gabing iyon: “Alam na ni Jesus bago pa ang kapistahan ng Paskuwa na dumating na ang oras niya para umalis sa mundong ito at pumunta sa Ama. Dahil mahal niya ang mga sariling kaniya na nasa mundo, patuloy niya silang inibig hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Hindi lang noong gabing iyon nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa “mga sariling kaniya.” Sa buong ministeryo niya, pinatunayan niyang mahal niya ang mga alagad niya sa iba’t ibang paraan. Tingnan natin ang ilang halimbawa. Kung tutularan natin ang pag-ibig niya, maipapakita nating tunay na mga alagad niya tayo.

      Naging Matiisin Siya

      4, 5. (a) Bakit kailangang pagtiisan ni Jesus ang mga alagad niya? (b) Ano ang reaksiyon ni Jesus nang makatulog ang tatlong apostol niya sa hardin ng Getsemani?

      4 Kung mahal natin ang isang tao, pagtitiisan natin siya. “Ang pag-ibig ay matiisin,” ayon sa 1 Corinto 13:4. Kailangan bang pagtiisan ni Jesus ang mga alagad niya? Oo. Nakita natin sa Kabanata 3 na hindi agad natutong maging mapagpakumbaba ang mga apostol. Maraming beses nilang pinagtalunan kung sino ang pinakadakila sa kanila. Ano ang reaksiyon ni Jesus? Nagalit ba siya at sinukuan sila? Hindi. Matiyaga siyang nangatuwiran sa kanila, kahit nagkaroon na naman sila ng “matinding pagtatalo-talo” tungkol dito noon mismong huling gabing kasama niya sila!—Lucas 22:24-30; Mateo 20:20-28; Marcos 9:33-37.

      5 Noong gabi ring iyon, nasubok ulit ang pagiging matiisin ni Jesus nang pumunta siya at ang 11 tapat na apostol sa hardin ng Getsemani. Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa bandang looban ng hardin. “Sukdulan ang kalungkutang nararamdaman ko,” ang sabi ni Jesus sa kanila. “Dito lang kayo at patuloy na magbantay kasama ko.” Lumayo siya nang kaunti sa kanila at marubdob na nanalangin. Pagkatapos ng mahabang panalangin, bumalik siya sa tatlong apostol. Ano ang nakita niya? Sa panahon ng pinakamatinding pagsubok na napaharap kay Jesus, naabutan niya silang natutulog imbes na nananalangin! Pinagalitan ba niya sila? Hindi. Matiyaga niya silang pinayuhan. Makikita sa mabait na pananalita niya na naiintindihan niyang pagod na pagod sila.a Sinabi niya: “Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.” At kahit dalawang beses pa niya silang naabutang natutulog nang gabing iyon, naging matiisin pa rin si Jesus!—Mateo 26:36-46.

      6. Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba?

      6 Hindi sinukuan ni Jesus ang mga apostol. Noong bandang huli, nagbunga rin ang pagtitiis niya. Natutuhan ng mga tapat na lalaking ito kung bakit mahalagang maging mapagpakumbaba at laging handang manalangin. (1 Pedro 3:8; 4:7) Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba? Halimbawa, mahalagang maging matiisin ang mga elder. Baka sa panahong pagod o problemado ang isang elder, may lumapit na kapatid sa kaniya para humingi ng tulong. Kung minsan naman, baka hindi agad sumusunod sa payo ang ilang kapatid. Sa ganitong mga sitwasyon, ang mga elder ay ‘mahinahon’ pa ring nagtuturo at ‘nakikitungo nang magiliw sa kawan.’ (2 Timoteo 2:24, 25; Gawa 20:28, 29) Maganda ring tularan ng mga magulang ang pagiging matiisin ni Jesus. Kung minsan, hindi agad sumusunod sa payo o pagtutuwid ang mga anak. Dahil sa pag-ibig at pagtitiis, hindi magsasawa ang mga magulang na sanayin ang mga anak nila. Siguradong sulit ang pagtitiyaga at pagsisikap nila!—Awit 127:3.

      Ibinigay Niya ang Pangangailangan Nila

      7. Paano ibinigay ni Jesus ang pisikal na pangangailangan ng mga alagad niya?

      7 Kung mahal natin ang isang tao, tutulungan natin siya. (1 Juan 3:17, 18) “Hindi inuuna [ng pag-ibig] ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:5) Dahil mahal ni Jesus ang mga alagad niya, ibinigay niya ang pisikal na pangangailangan nila. Madalas, ginagawa na niya ito bago pa sila humingi ng tulong. Nang makita niyang pagód na sila, niyaya niya silang ‘sumama sa kaniya sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga nang kaunti.’ (Marcos 6:31) Nang mapansin niyang gutom na sila, nagkusa siyang pakainin sila—pati na ang libo-libong iba pa na pumunta sa kaniya para makinig sa turo niya.—Mateo 14:19, 20; 15:35-37.

      8, 9. (a) Bakit natin masasabing alam ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng mga alagad niya at inilaan niya ito? (b) Noong nakapako sa tulos si Jesus, paano niya ipinakita ang pag-ibig niya sa nanay niya?

      8 Alam ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng mga alagad niya at inilaan niya ito. (Mateo 4:4; 5:3) Kapag nagtuturo siya, nagpopokus siya sa kailangan nilang matutuhan. Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay partikular nang para sa mga alagad niya. (Mateo 5:1, 2, 13-16) Kapag gumamit siya ng mga ilustrasyon, “ipinapaliwanag niya ang lahat ng bagay sa mga alagad niya kapag sila-sila na lang.” (Marcos 4:34) Inihula ni Jesus na mag-aatas siya ng isang “tapat at matalinong alipin” para siguradong mapakain sa espirituwal ang mga tagasunod Niya sa mga huling araw. Ang tapat na aliping ito, na binubuo ng isang maliit na grupo ng mga pinahirang kapatid ni Jesus sa lupa, ay naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” mula pa noong 1919 C.E.—Mateo 24:45.

      9 Noon mismong araw na mamatay si Jesus, ipinakita niya na talagang iniisip niya ang espirituwalidad ng mga mahal niya sa buhay. Nakapako si Jesus sa tulos, at dumaranas ng napakatinding kirot. Para makahinga, malamang na kailangan niyang iangat ang katawan niya. Siguradong napakasakit nito, kasi nakapako ang mga paa niya at gumagasgas sa tulos ang sugatán niyang likod. Dahil hirap siyang huminga, siguradong hirap din siyang magsalita. Pero bago mamatay si Jesus, may sinabi siya na nagpapakitang mahal na mahal niya ang nanay niyang si Maria. Nakatayo sa malapit ang nanay niya at si apostol Juan. Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi niya nang malakas kay Maria: “Tingnan mo! Ang iyong anak!” Pagkatapos, sinabi niya kay Juan: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” (Juan 19:26, 27) Alam ni Jesus na parehong ilalaan ng tapat niyang apostol ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ni Maria.b

      Collage: 1. Tatay na nangunguna sa family worship, kasama ang asawa niya at tatlong anak nila. 2. Nagpapalipad sila ng saranggola. 3. Kumakain silang magkakasama.

      Matiisin ang maibiging mga magulang at ibinibigay ang pangangailangan ng mga anak nila

      10. Paano matutularan ng mga magulang si Jesus?

      10 Makakatulong ang halimbawa ni Jesus sa mga magulang. Dahil mahal ng isang ama ang pamilya niya, ibibigay niya ang materyal na pangangailangan nila. (1 Timoteo 5:8) Sinisigurado rin niyang may panahon sila para magrelaks at magsaya. Pero mas mahalaga, inilalaan ng mga Kristiyanong magulang ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga anak nila. Paano? Nagsasaayos sila ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, at sinisiguro nilang mag-e-enjoy ang mga anak nila. (Deuteronomio 6:6, 7) Sa salita at halimbawa, itinuturo ng mga magulang sa mga anak nila na mahalagang bahagi ng pagsamba ang pangangaral ng mabuting balita, pati na ang paghahanda at pagdalo sa mga pulong.—Hebreo 10:24, 25.

      Handa Siyang Magpatawad

      11. Ano ang itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya tungkol sa pagpapatawad?

      11 Dahil mahal natin ang isang tao, handa natin siyang patawarin. (Colosas 3:13, 14) Ang pag-ibig ay “hindi . . . nagkikimkim ng sama ng loob,” ang sabi ng 1 Corinto 13:5. Maraming beses na itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya ang kahalagahan ng pagpapatawad. Itinuro niya na dapat nilang patawarin ang iba “hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit,” o walang limitasyon. (Mateo 18:21, 22) Itinuro niya na dapat patawarin ang isang makasalanan kung magsisi ito matapos sawayin. (Lucas 17:3, 4) Nagpakita rin si Jesus ng magandang halimbawa. Ibang-iba siya sa mga mapagpakunwaring Pariseo, na hindi ginagawa ang itinuturo nila. (Mateo 23:2-4) Tingnan natin kung paano handang patawarin ni Jesus ang isang kaibigan na may nagawang mali sa kaniya.

      Nakatingin si Jesus mula sa balkonahe habang ikinakaila siya ni Pedro sa mga tao sa looban.

      12, 13. (a) Ano ang nagawang mali ni Pedro kay Jesus noong gabing arestuhin Siya? (b) Paano ipinakita ni Jesus na pinatawad niya si Pedro?

      12 Malapít na kaibigan ni Jesus si apostol Pedro. Mabait naman si Pedro, pero padalos-dalos kung minsan. Nakita ni Jesus ang mabubuting katangian niya at binigyan siya ng mga espesyal na pribilehiyo. Nasaksihan mismo ni Pedro, pati nina Santiago at Juan, ang ilang himalang hindi nakita ng ibang apostol. (Mateo 17:1, 2; Lucas 8:49-55) At gaya ng nabanggit na, isa si Pedro sa mga isinama ni Jesus sa bandang looban ng hardin ng Getsemani noong gabing arestuhin Siya. Pero noon mismong gabi ring iyon na tinraidor at inaresto si Jesus, iniwan siya ni Pedro at ng iba pang apostol at tumakas. Mayamaya, naglakas-loob si Pedro na tumayo sa labas habang ilegal na nililitis si Jesus. Pero natakot din siya at nakagawa ng malubhang pagkakamali. Tatlong beses siyang nagsinungaling at sinabing hindi niya kilala si Jesus! (Mateo 26:69-75) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus? Ikaw, ano ang magiging reaksiyon mo kung gawin sa iyo ng isang kaibigan mo ang ginawa ni Pedro kay Jesus?

      13 Handang patawarin ni Jesus si Pedro. Alam niyang sobrang nalungkot at nagsisi si Pedro sa nagawa nito. “Nanlupaypay [si Pedro] at humagulgol.” (Marcos 14:72) Noong araw na buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro. Malamang na ginawa niya iyon para patibayin ang apostol. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:5) Makalipas ang wala pang dalawang buwan, binigyan ni Jesus si Pedro ng dangal. Pinili niya si Pedro na magpatotoo sa mga tao sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes. (Gawa 2:14-40) Tandaan din na noong iwan si Jesus ng mga apostol, hindi siya nagkimkim ng sama ng loob sa kanila. Ang totoo, matapos siyang buhaying muli, tinawag pa rin niya silang “mga kapatid ko.” (Mateo 28:10) Maliwanag, hindi lang basta itinuro ni Jesus na magpatawad, ginawa rin niya iyon.

      14. Bakit kailangan tayong matutong magpatawad, at paano natin maipapakitang handa tayong magpatawad?

      14 Bilang mga alagad ni Kristo, kailangan tayong matutong magpatawad. Bakit? Di-gaya ni Jesus, hindi tayo perpekto, pati na ang mga nagkakasala sa atin. Dahil diyan, nagkakamali tayong lahat sa pagsasalita at pagkilos. (Roma 3:23; Santiago 3:2) Kapag pinapatawad natin ang mga nakagawa ng mali sa atin at nagsisi sila, papatawarin din tayo ng Diyos sa mga kasalanan natin. (Marcos 11:25) Kaya paano natin maipapakitang handa tayong magpatawad? Dahil sa pag-ibig, karaniwan nang pinapalampas natin ang maliliit na pagkakasala at pagkukulang ng iba. (1 Pedro 4:8) Kung talagang nagsisising gaya ni Pedro ang mga nakagawa ng mali sa atin, handa natin silang patawaring gaya ng ginawa ni Jesus. Hindi tayo magkikimkim ng sama ng loob. (Efeso 4:32) Dahil diyan, makakatulong tayong mapanatili ang kapayapaan ng kongregasyon, pati na ng puso’t isip natin.—1 Pedro 3:11.

      Nagtiwala Siya sa Iba

      15. Bakit nagtitiwala pa rin si Jesus sa mga alagad niya kahit nagkakamali sila?

      15 Kung mahal natin ang isang tao, magtitiwala tayo sa kaniya. “Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.”c (1 Corinto 13:7) Dahil mahal ni Jesus ang mga alagad niya, handa siyang magtiwala sa kanila kahit nagkakamali sila. Naniniwala siyang talagang mahal nila at gusto nilang gawin ang kalooban ni Jehova. Hindi kinuwestiyon ni Jesus ang motibo nila. Halimbawa, sinabi nina Santiago at Juan sa kanilang ina na hilingin kay Jesus na maupo sila sa tabi Niya sa Kaharian. Kahit ginawa nila iyon, hindi nagduda si Jesus sa katapatan nila at hindi niya sila inalis bilang mga apostol.—Mateo 20:20-28.

      16, 17. Anong mga pananagutan ang iniatas ni Jesus sa mga alagad niya?

      16 Inatasan ni Jesus ng iba’t ibang pananagutan ang mga alagad niya dahil nagtitiwala siya sa kanila. Sa dalawang pagkakataong naghimala siya para pakainin ang maraming tao, inatasan niya ang mga alagad niya na ipamahagi ang pagkain. (Mateo 14:19; 15:36) Sa huling Paskuwa niya, inatasan niya sina Pedro at Juan na pumunta sa Jerusalem para maghanda. Sila ang mag-aasikaso sa pagkuha ng kordero, alak, tinapay na walang pampaalsa, mapapait na gulay, at iba pang kailangan. Importanteng atas iyon. Kahilingan sa Kautusang Mosaiko na ipagdiwang ang Paskuwa sa tamang paraan, at kailangang sundin ni Jesus ang Kautusan. Noong gabi ring iyon, ginamit ni Jesus ang alak at tinapay na walang pampaalsa bilang sagisag ng dugo at katawan niya nang simulan niya ang Memoryal ng kamatayan niya.—Mateo 26:17-19; Lucas 22:8, 13.

      17 Pinagkatiwalaan ni Jesus ang mga alagad niya ng mas mahahalagang pananagutan. Halimbawa, inatasan niya ang mga alagad na mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:18-20) Sinabi niya sa kanila na mag-aatas siya ng isang maliit na grupo ng mga pinahiran para sa mahalagang pananagutan na maghanda at magbigay ng espirituwal na pagkain. (Lucas 12:42-44) At ngayong namamahala na si Jesus sa langit, may pinagkatiwalaan siyang “mga tao bilang regalo” para manguna sa kongregasyon.—Efeso 4:8, 11, 12.

      18-20. (a) Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo sa mga kapatid? (b) Paano natin matutularan ang pagiging handa ni Jesus na magbigay ng atas sa iba? (c) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

      18 Paano natin matutularan si Jesus sa pakikitungo natin sa iba? Kapag mahal natin ang mga kapatid, magtitiwala tayo sa kanila. Hahanapin natin ang magagandang katangian nila imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila. Kapag may nagawa silang mali, na talaga namang mangyayari, hindi natin agad iisiping may masamang motibo sila kasi mahal natin sila. (Mateo 7:1, 2) Kung lagi tayong magpopokus sa magagandang katangian ng mga kapatid, hahanap tayo ng mga paraan para patibayin sila at hindi pahinain.—1 Tesalonica 5:11.

      19 Matutularan ba natin ang pagiging handa ni Jesus na magbigay ng atas sa iba? Halimbawa, kapag nag-aatas ang mga elder sa iba, nagtitiwala silang gagawin nila ang mga iniatas sa kanila. Kapag ginawa ito ng mga makaranasang elder, nasasanay nila ang mga kuwalipikadong lalaki na “nagsisikap” umabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1; 2 Timoteo 2:2) Napakahalaga ng pagsasanay na ito. Habang dumarami ang mga taong inilalapit ni Jehova sa kongregasyon, kailangan pa ng mas maraming kuwalipikadong lalaki na mangunguna.—Isaias 60:22.

      20 Napakagandang halimbawa ni Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig. Iyan ang pinakamahalagang bagay na dapat nating tularan sa kaniya. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig niya—nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin.

      a Nakatulog ang mga apostol hindi lang dahil sa pagod. Sinasabi sa Lucas 22:45 na nakita sila ni Jesus na “natutulog, pagod dahil sa pamimighati.”

      b Lumilitaw na biyuda na noon si Maria at hindi pa mga alagad ni Jesus ang iba niyang mga anak.—Juan 7:5.

      c Hindi ibig sabihin nito na basta na lang tayo maniniwala sa lahat ng naririnig natin. Sa halip, nangangahulugan ito na ang pag-ibig ay hindi sobrang mapamuna o mapaghinala. Iniiwasan nating kuwestiyunin ang motibo ng iba o magpokus sa mga pagkakamali nila.

      Paano Mo Matutularan si Jesus?

      • Bakit mahalagang sundin natin ang payo ni Jesus tungkol sa pagpapatawad?—Mateo 6:14, 15.

      • Paano natin masusunod ang aral sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa pagpapatawad?—Mateo 18:23-35.

      • Paano naging makonsiderasyon si Jesus sa mga alagad niya, at paano natin siya matutularan?—Mateo 20:17-19; Juan 16:12.

      • Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya kay Pedro, at paano natin maipapakitang may tiwala tayo sa iba?—Lucas 22:31, 32.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share