Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si Jesus ay Naging Mesiyas
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Matapos magpabautismo kay Juan, bumaba kay Jesus ang espiritu ng Diyos na hugis kalapati

      ARAL 74

      Si Jesus ay Naging Mesiyas

      Ilang buwan na ring ipinangangaral ni Juan: ‘May darating na mas dakila kaysa sa akin.’ Noong mga 30 taóng gulang na si Jesus, nagpunta siya sa Ilog Jordan galing sa Galilea. Sa ilog na iyon nagbabautismo si Juan. Gusto ni Jesus na magpabautismo kay Juan, pero sinabi ni Juan: ‘Ako ang dapat magpabautismo sa iyo, hindi ikaw ang magpapabautismo sa akin.’ Sinabi ni Jesus kay Juan: ‘Gusto ni Jehova na bautismuhan mo ako.’ Kaya lumusong sila sa Ilog Jordan, at inilubog ni Juan si Jesus sa tubig.

      Pag-ahon ni Jesus sa tubig, nanalangin siya. Nabuksan ang langit, at ang espiritu ng Diyos ay bumaba sa kaniya na parang kalapati. At nagsalita si Jehova mula sa langit: ‘Ikaw ang Anak ko, mahal kita at natutuwa ako sa iyo.’

      Nang bumaba kay Jesus ang espiritu ni Jehova, siya ay naging Kristo, o Mesiyas. Sisimulan na niya ngayon ang ipinapagawa ni Jehova sa kaniya sa lupa.

      Pagkatapos mabautismuhan, agad na pumunta si Jesus sa ilang at 40 araw siyang nanatili doon. Pagbalik niya, pinuntahan niya si Juan. Habang palapit si Jesus sa kaniya, sinabi ni Juan: ‘Siya ang Kordero ng Diyos na mag-aalis sa kasalanan ng mga tao.’ Sinabi ito ni Juan para malaman ng mga tao na si Jesus ang Mesiyas. Alam mo ba kung ano ang nangyari kay Jesus habang nasa ilang siya? Alamin natin.

      “Isang tinig ang nanggaling sa langit: ‘Ikaw ang Anak ko, ang minamahal ko; nalulugod ako sa iyo.’”—Marcos 1:11

      Tanong: Bakit binautismuhan si Jesus? Bakit sinabi ni Juan na si Jesus ang Kordero ng Diyos?

      Mateo 3:13-17; Marcos 1:9-11; Lucas 3:21-23; Juan 1:29-34; Isaias 42:1; Hebreo 10:7-9

  • Sinubok ng Diyablo si Jesus
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Tumanggi si Jesus na tumalon mula sa pinakamataas na lugar sa templo

      ARAL 75

      Sinubok ng Diyablo si Jesus

      Tumanggi si Jesus na gawing tinapay ang mga bato

      Matapos bautismuhan, pinakilos ng banal na espiritu si Jesus na magpunta sa ilang. Hindi siya kumain sa loob ng 40 araw kaya gutóm na gutóm siya. Pagkatapos, dumating ang Diyablo at tinukso si Jesus: ‘Kung talagang Anak ka ng Diyos, sabihin mong maging tinapay ang mga batong ito.’ Pero sumagot si Jesus mula sa Kasulatan: ‘Nakasulat na hindi lang pagkain ang kailangan para mabuhay. Kailangan mong makinig sa lahat ng sinasabi ni Jehova.’

      Pagkatapos, hinamon ng Diyablo si Jesus: ‘Kung talagang Anak ka ng Diyos, tumalon ka mula sa pinakamataas na lugar sa templo. Tutal, nakasulat na ipapadala ng Diyos ang mga anghel para saluhin ka.’ Pero ginamit ulit ni Jesus ang Kasulatan at sinabi: ‘Nakasulat na hindi mo dapat subukin si Jehova.’

      Tumanggi si Jesus nang ialok sa kaniya ni Satanas ang lahat ng kaharian sa mundo

      Sumunod, ipinakita ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kaharian sa mundo pati na ang kayamanan at kagandahan ng mga ito, at sinabi: ‘Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung sasambahin mo ako kahit isang beses.’ Pero sumagot si Jesus: ‘Lumayas ka, Satanas! Nakasulat na si Jehova lang ang dapat sambahin.’

      Umalis ang Diyablo, at dumating naman ang mga anghel para bigyan si Jesus ng pagkain. Mula noon, ipinangaral ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian. Iyon ang gawaing iniutos ng Diyos na gawin niya dito sa lupa. Nagustuhan ng mga tao ang mga turo ni Jesus, at sinundan nila siya kahit saan siya magpunta.

      “Nagsisinungaling [ang Diyablo] dahil iyon ang personalidad niya, dahil isa siyang sinungaling at siya ang ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44

      Tanong: Ano ang tatlong tukso ni Satanas kay Jesus? Ano ang isinagot ni Jesus sa Diyablo?

      Mateo 4:1-11; Marcos 1:12, 13; Lucas 4:1-15; Deuteronomio 6:13, 16; 8:3; Santiago 4:7

  • Nilinis ni Jesus ang Templo
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Gumamit si Jesus ng latigo para itaboy ang mga hayop mula sa templo at itinaob niya ang mga lamesa ng nagpapalit ng pera

      ARAL 76

      Nilinis ni Jesus ang Templo

      Noong taóng 30 C.E., mga buwan ng Abril, pumunta si Jesus sa Jerusalem. Marami ang dumating sa lunsod para sa Paskuwa. Naghahandog sila ng mga hayop kasi bahagi iyon ng selebrasyon. May mga nagdala ng sarili nilang hayop, at ang iba naman ay bumili sa Jerusalem.

      Pagpunta ni Jesus sa templo, nakita niya doon ang mga nagtitinda ng hayop. Kumikita sila ng pera sa mismong bahay ng pagsamba kay Jehova! Ano ang ginawa ni Jesus? Gumawa siya ng panghagupit na lubid at itinaboy ang mga tupa at baka palabas ng templo. Itinaob niya ang mesa ng mga nagpapalit ng pera at ibinuhos ang kanilang mga barya. Sinabi ni Jesus sa mga nagbebenta ng kalapati: ‘Alisin n’yo dito ang mga iyan! Huwag kayong magnegosyo sa bahay ng aking Ama!’

      Nagulat ang mga tao sa ginawa ni Jesus. Naalaala ng mga alagad niya ang hula tungkol sa Mesiyas: ‘Mag-aalab ang sigasig ko para sa bahay ni Jehova.’

      Noong taóng 33 C.E., nilinis ulit ni Jesus ang templo. Hindi siya papayag na lapastanganin o hindi igalang ng sinuman ang bahay ng kaniyang Ama.

      “Hindi kayo puwedeng maging alipin ng Diyos at ng Kayamanan.”​—Lucas 16:13

      Tanong: Ano ang ginawa ni Jesus nang makita niya sa templo ang mga nagbebenta ng hayop? Bakit ginawa iyon ni Jesus?

      Mateo 21:12, 13; Marcos 11:15-17; Lucas 19:45, 46; Juan 2:13-17; Awit 69:9

  • Isang Babae sa Tabi ng Balon
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana sa tabi ng balon ni Jacob

      ARAL 77

      Isang Babae sa Tabi ng Balon

      Pagkatapos ng Paskuwa, si Jesus at ang mga alagad niya ay dumaan sa Samaria pauwi sa Galilea. Malapit sa lunsod ng Sicar, huminto si Jesus sa lugar na tinatawag na balon ni Jacob. Habang nagpapahinga siya doon, ang mga alagad naman ay pumunta sa lunsod para bumili ng pagkain.

      Isang babae ang dumating para umigib ng tubig sa balon. Sinabi ni Jesus sa babae: ‘Puwede bang makahingi ng maiinom?’ Sinabi ng babae: ‘Bakit ka nakikipag-usap sa akin? Samaritana ako. Hindi nakikipag-usap sa amin ang mga Judio.’ Sinabi ni Jesus: ‘Kung alam mo kung sino ako, hihingi ka sa akin ng tubig at bibigyan kita ng tubig na buháy.’ ‘Ano’ng ibig mong sabihin?’ tanong ng babae. ‘Wala ka namang timba.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw.’ Sinabi ng babae: ‘Bigyan n’yo po ako ng tubig na iyon.’

      Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: ‘Isama mo dito ang asawa mo.’ Sinabi ng babae: ‘Wala po akong asawa.’ Sinabi ni Jesus: ‘Nagsasabi ka ng totoo. Limang beses kang nag-asawa, at ang lalaking kasama mo sa ngayon ay hindi mo asawa.’ Sinabi ng babae: ‘Siguro propeta kayo. Naniniwala kami na puwede naming sambahin ang Diyos sa bundok na ito, pero sinasabi ng mga Judio na sa Jerusalem lang kami puwedeng sumamba. Alam kong kapag dumating ang Mesiyas, ituturo niya sa amin ang tamang pagsamba.’ Pagkatapos, may sinabi si Jesus na hindi pa niya sinasabi kahit kanino: ‘Ako ang Mesiyas.’

      Nakikipag-usap si Jesus sa mga Samaritano

      Nagmadaling umuwi sa lunsod nila ang babae at sinabi sa mga Samaritano: ‘Sa tingin ko, alam ko na kung sino ang Mesiyas. Alam niya ang lahat ng tungkol sa akin. Tara, puntahan natin siya!’ Sumama sila sa kaniya pabalik sa balon at nakinig sa mga turo ni Jesus.

      Niyaya ng mga Samaritano si Jesus sa lunsod nila. Dalawang araw siyang nagturo doon at marami ang naniwala sa kaniya. Sinabi nila sa Samaritana: ‘Matapos naming mapakinggan ang lalaking ito, masasabi naming siya nga ang magliligtas sa mundo.’

      “‘Halika!’ at ang sinumang nauuhaw ay lumapit; ang sinumang may gusto ng tubig ng buhay na walang bayad ay kumuha nito.”​—Apocalipsis 22:17

      Tanong: Bakit nagulat ang Samaritana nang makipag-usap sa kaniya si Jesus? Ano ang sinabi ni Jesus sa kaniya?

      Juan 4:1-42

  • Ipinangaral ni Jesus ang Mensahe ng Kaharian
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Jesus at ang isang alagad niya ay nangangaral

      ARAL 78

      Ipinangaral ni Jesus ang Mensahe ng Kaharian

      Matapos bautismuhan si Jesus, nagsimula siyang mangaral: “Ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.” Sinundan siya ng mga alagad sa paglalakbay niya sa Galilea at Judea. Nang umuwi si Jesus sa Nazaret, pumunta siya sa sinagoga, binuksan niya ang balumbon ni Isaias, at binasa ito nang malakas: ‘Binigyan ako ni Jehova ng banal na espiritu para maipangaral ko ang mabuting balita.’ Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, kahit gusto ng mga tao na maghimala si Jesus, ang talagang dahilan kung bakit siya binigyan ng Diyos ng banal na espiritu ay para ipangaral ang mabuting balita. Pagkatapos, sinabi niya sa mga nakikinig: ‘Natupad ngayon ang hulang ito.’

      Sumunod, pumunta si Jesus sa Dagat ng Galilea at doon niya nakilala ang apat na mangingisda na naging mga alagad niya. Niyaya niya sila: ‘Sumama kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.’ Sila ay sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Agad nilang iniwan ang pangingisda at sinundan siya. Pumunta sila sa buong Galilea at nangaral tungkol sa Kaharian ni Jehova. Nangaral sila sa mga sinagoga, pamilihan, at mga lansangan. Sinundan sila ng marami kahit saan sila magpunta. Napabalita si Jesus sa lahat ng lugar, hanggang sa Sirya.

      Nang maglaon, binigyan ni Jesus ang ilang tagasunod niya ng kapangyarihang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng demonyo. Ang iba naman ay sumama sa kaniya sa pangangaral sa mga lunsod at nayon. May tapat na mga babaeng gaya nina Maria Magdalena, Juana, Susana, at iba pa na nag-asikaso kay Jesus at sa mga tagasunod niya.

      Matapos sanayin ni Jesus ang mga alagad niya, inutusan niya silang mangaral. Habang naglalakbay sila sa buong Galilea, marami ang naging alagad at nabautismuhan. Sa dami ng gustong maging alagad ni Jesus, naikumpara niya ito sa isang bukid na malapit nang anihin. Sinabi niya: ‘Manalangin kayo kay Jehova na magpadala pa ng mga manggagawa para mag-ani.’ Nang maglaon, pumili siya ng 70 alagad at ipinadala sila nang dala-dalawa para mangaral sa buong Judea. Nagturo sila sa lahat ng uri ng tao tungkol sa Kaharian. Pagbalik ng mga alagad, tuwang-tuwa nilang ikinuwento kay Jesus ang nangyari. Hindi napahinto ng Diyablo ang pangangaral.

      Tiniyak ni Jesus na ipagpapatuloy ng mga alagad niya ang mahalagang gawaing ito kahit nasa langit na siya. Sinabi niya sa kanila: ‘Ipangaral n’yo ang mabuting balita sa buong lupa. Turuan n’yo ang mga tao tungkol sa Salita ng Diyos, at bautismuhan sila.’

      “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.”​—Lucas 4:43

      Tanong: Anong gawain ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Ano ang naramdaman ng mga alagad tungkol sa gawain nila?

      Mateo 4:17-25; 9:35-38; 28:19, 20; Marcos 1:14-20; Lucas 4:14-21; 8:1-3; 10:1-22

  • Gumawa si Jesus ng Maraming Himala
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pumupunta kay Jesus ang mga maysakit para mapagaling

      ARAL 79

      Gumawa si Jesus ng Maraming Himala

      Dumating si Jesus sa lupa para ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Para ipakita ang gagawin ni Jesus kapag Hari na siya, binigyan siya ni Jehova ng banal na espiritu para makagawa ng mga himala. Ang lahat ng sakit ay kaya niyang pagalingin. Kahit saan siya pumunta, sinusundan siya ng mga maysakit, at pinagaling niya silang lahat. Nakakita ang mga bulag, nakarinig ang mga bingi, nakalakad ang mga paralisado, at nakalaya ang mga sinapian ng demonyo. Mahawakan lang nila ang dulo ng damit niya, gumagaling na sila. Sinundan ng mga tao si Jesus kahit saan. Kahit noong gusto niyang mapag-isa, hindi itinaboy ni Jesus ang sinuman.

      Minsan, isang lalaking paralisado ang dinala ng mga tao sa bahay na tinutuluyan ni Jesus. Pero punong-puno ng tao ang bahay kaya hindi sila makapasok. Kaya binutas nila ang bubong at ibinaba ang lalaki kay Jesus. Sinabi ni Jesus sa lalaki: ‘Tumayo ka at lumakad.’ Nang makalakad ito, humanga ang mga tao.

      Minsan naman, pagpasok ni Jesus sa isang nayon, may 10 lalaking ketongin sa malayo na sumisigaw: ‘Jesus, tulungan mo kami!’ Noon, ang mga ketongin ay hindi pinapayagang lumapit sa mga tao. Sinabihan ni Jesus ang mga lalaki na pumunta sa templo. Iyon kasi ang sinasabi ng Kautusan ni Jehova na dapat gawin ng mga may ketong kapag magaling na sila. Naglalakad pa lang sila papunta sa templo, gumaling na sila. Nang makita ng isa sa mga lalaking may ketong na magaling na siya, bumalik siya para magpasalamat kay Jesus at purihin ang Diyos. Sa 10 ketongin, ang isang ito lang ang nagpasalamat kay Jesus.

      Isang babaeng 12 taon nang may sakit ang gustong-gusto nang gumaling. Nagpunta siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang dulo ng damit nito. Gumaling siya agad. Nagtanong si Jesus: “Sino ang humipo sa akin?” Takót na takót ang babae, pero lumapit siya kay Jesus at sinabi ang totoo. Pinakalma ni Jesus ang babae at sinabi: ‘Anak, umuwi ka na at huwag nang mag-alala.’

      Isang opisyal na ang pangalan ay Jairo ang nagmakaawa kay Jesus: ‘Pumunta ka sa amin! Malubha ang anak ko.’ Pero bago pa man makarating si Jesus sa bahay ni Jairo, namatay na ang bata. Nang dumating si Jesus, nakita niyang marami ang nandoon para makiramay sa pamilya. Sinabi ni Jesus: ‘Huwag kayong umiyak; natutulog lang siya.’ Pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi: “Dalagita, bumangon ka!” Agad na umupo ang bata, at sinabi ni Jesus sa mga magulang na pakainin ito. Tiyak na ang saya-saya ng mga magulang niya!

      Binuhay-muli ni Jesus ang anak ni Jairo

      “Inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo, dahil sumasakaniya ang Diyos.”​—Gawa 10:38

      Tanong: Bakit kayang pagalingin ni Jesus ang lahat ng klase ng sakit? Ano ang nangyari sa anak ni Jairo?

      Mateo 9:18-26; 14:36; Marcos 2:1-12; 5:21-43; 6:55, 56; Lucas 6:19; 8:41-56; 17:11-19

  • Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Jesus at ang kaniyang 12 apostol

      ARAL 80

      Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol

      Isa’t kalahating taon nang nangangaral si Jesus, at ngayon ay may importanteng desisyon siyang dapat gawin. Sino ang pipiliin niyang makasama lagi sa gawain? Sino ang sasanayin niya para manguna sa kongregasyong Kristiyano? Para makagawa ng desisyon, humingi si Jesus ng tulong kay Jehova. Umakyat siya sa bundok para mapag-isa, at nanalangin nang buong gabi. Kinaumagahan, tinawag niya ang ilan sa mga alagad at pumili sa kanila ng 12 apostol. Anong mga pangalan ang natatandaan mo? Ang mga pangalan nila ay Pedro, Andres, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Tomas, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, Tadeo, Simon, at Hudas Iscariote.

      Andres, Pedro, Felipe, Santiago

      Andres, Pedro, Felipe, Santiago

      Ang Labindalawa ay maglalakbay kasama ni Jesus. Matapos niya silang sanayin, isinugo niya sila para mangaral. Binigyan sila ni Jehova ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga maysakit.

      Juan, Mateo, Bartolome, Tomas

      Juan, Mateo, Bartolome, Tomas

      Ang Labindalawa ay tinawag ni Jesus na mga kaibigan, at nagtiwala siya sa kanila. Akala ng mga Pariseo, walang pinag-aralan at ordinaryo lang ang mga apostol. Pero sinanay sila ni Jesus para sa gawain. Makakasama sila ni Jesus sa pinakaimportanteng panahon ng buhay niya, gaya ng bago siya mamatay at matapos siyang buhaying muli. Karamihan sa Labindalawa ay mga taga-Galilea, gaya ni Jesus. Ang ilan sa kanila ay may asawa.

      Santiago na anak ni Alfeo, Hudas Iscariote, Tadeo, Simon

      Santiago na anak ni Alfeo, Hudas Iscariote, Tadeo, Simon

      Ang mga apostol ay hindi sakdal at nagkakamali. Kung minsan, nagsasalita sila nang hindi muna nag-iisip at nakakagawa ng maling desisyon. Kung minsan naman, madaling uminit ang ulo nila. Nagtalo-talo pa nga sila kung sino sa kanila ang mas importante. Pero mabubuting tao sila at mahal nila si Jehova. Sila ang magpapasimula ng mga kongregasyong Kristiyano kapag wala na sa lupa si Jesus.

      “Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.”​—Juan 15:15

      Tanong: Sino ang pinili ni Jesus bilang kaniyang 12 apostol? Ano ang ipinagawa ni Jesus sa kaniyang mga apostol?

      Mateo 10:1-10; Marcos 3:13-19; 10:35-40; Lucas 6:12-16; Juan 15:15; 20:24, 25; Gawa 2:7; 4:13; 1 Corinto 9:5; Efeso 2:20-22

  • Ang Sermon sa Bundok
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Ibinibigay ni Jesus ang Sermon sa Bundok habang nakikinig ang maraming tao

      ARAL 81

      Ang Sermon sa Bundok

      Matapos pumili ng 12 apostol, bumaba si Jesus sa bundok at pumunta sa lugar kung saan nagkatipon ang maraming tao. Galing ang mga ito sa Galilea, Judea, Tiro, Sidon, Sirya, at sa kabila ng Jordan. Nandoon din ang mga maysakit at mga pinahihirapan ng mga demonyo. Pinagaling silang lahat ni Jesus. Pagkatapos, umupo siya sa gilid ng bundok at nagsalita. Ipinaliwanag niya ang dapat nating gawin kung gusto nating maging kaibigan ng Diyos. Dapat nating isipin na kailangan natin si Jehova at dapat natin siyang mahalin. Pero hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos kung hindi natin mahal ang ibang tao. Dapat tayong maging mabait sa lahat, kahit sa mga kaaway natin.

      Sinabi ni Jesus: ‘Hindi lang mga kaibigan n’yo ang dapat n’yong mahalin. Dapat n’yo ring mahalin ang mga kaaway n’yo at magpatawad kayo nang buong puso. Kung may nagalit sa inyo, puntahan n’yo agad at humingi kayo ng tawad. Gawin n’yo sa iba ang gusto n’yong gawin nila sa inyo.’

      Ibinibigay ni Jesus ang Sermon sa Bundok habang nakikinig ang maraming tao

      Maganda rin ang mga payo ni Jesus tungkol sa materyal na mga bagay. Sinabi niya: ‘Mas mahalagang maging kaibigan ni Jehova kaysa magkaroon ng maraming pera. Ang pera ay nananakaw, pero ang pakikipagkaibigan n’yo kay Jehova ay hindi nananakaw. Huwag na kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin, o isusuot. Tingnan n’yo ang mga ibon. Lagi silang binibigyan ng Diyos ng pagkain. Kung mag-aalala kayo, hindi naman madaragdagan ng isang araw ang inyong buhay. Tandaan, alam ni Jehova kung ano ang kailangan n’yo.’

      Kay Jesus lang nila narinig ang ganoong paraan ng pagtuturo. Hindi itinuro sa kanila ng mga lider ng kanilang relihiyon ang mga bagay na iyon. Bakit napakahusay magturo ni Jesus? Kasi, galing kay Jehova ang lahat ng itinuturo niya.

      “Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo.”​—Mateo 11:29

      Tanong: Ano ang dapat nating gawin para maging kaibigan ni Jehova? Para matuwa si Jehova, paano mo dapat pakitunguhan ang iba?

      Mateo 4:24–5:48; 6:19-34; 7:28, 29; Lucas 6:17-31

  • Tinuruan ni Jesus ang mga Alagad Kung Paano Manalangin
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Isang Pariseo na nananalangin sa lugar na maraming tao at tinitingnan siya ng mga tao

      ARAL 82

      Tinuruan ni Jesus ang mga Alagad Kung Paano Manalangin

      Gustong-gusto ng mga Pariseo na hangaan sila ng mga tao. Gumagawa sila ng mabuti para mapansin ng iba. Nananalangin sila sa mga lugar na maraming tao para makita sila. Ang mga Pariseo ay nagsasaulo ng mahahabang panalangin at inuulit-ulit nila iyon sa mga sinagoga at sa mga kalye para marinig ng mga tao. Kaya nagtaka ang mga tao nang sabihin ni Jesus: ‘Huwag n’yong gayahin ang mga Pariseo kapag nananalangin kayo. Akala nila, hahangaan sila ng Diyos kapag gumagamit sila ng maraming salita, pero hindi. Ang panalangin ay pakikipag-usap mo kay Jehova. Hindi dapat na saulado ang mga panalangin. Gusto ni Jehova na sabihin mo sa kaniya kung ano talaga ang nasa loob mo.

      Batang lalaki na nakaluhod at nananalangin

      ‘Ganito kayo dapat manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong Kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”’ Sinabi din ni Jesus na dapat silang manalangin para humiling ng pagkain sa araw na iyon, humingi ng tawad sa kanilang mga kasalanan, at para sa iba pang personal na mga bagay.

      Sinabi ni Jesus: ‘Palagi kayong manalangin. Palagi kayong humingi ng mabubuting bagay sa inyong Amang si Jehova. Lahat ng magulang ay gustong magbigay ng mabubuting bagay sa kanilang anak. Kapag humingi ang anak n’yo ng tinapay, bibigyan n’yo ba siya ng bato? Kapag humingi siya ng isda, bibigyan n’yo ba siya ng ahas?’

      Ipinaliwanag ni Jesus ang mga aral: ‘Kung kayo ay marunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, lalo na ang inyong Ama, si Jehova. Magbibigay siya ng banal na espiritu, basta humingi lang kayo.’ Sinusunod mo ba ang payo ni Jesus? Ano-ano ang mga ipinapanalangin mo?

      “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo, patuloy kayong kumatok at pagbubuksan kayo.”​—Mateo 7:7

      Tanong: Ano ang sinabi ni Jesus para turuan ang mga alagad niya kung paano mananalangin? Ipinapanalangin mo ba ang mga bagay na mahalaga sa iyo?

      Mateo 6:2-18; 7:7-11; Lucas 11:13

  • Nagpakain si Jesus ng Libo-libo
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Ipinamamahagi ng mga apostol ang pagkain sa mga tao

      ARAL 83

      Nagpakain si Jesus ng Libo-libo

      Bago ang Paskuwa noong taóng 32 C.E., bumalik ang mga apostol galing sa pangangaral. Pagód sila, kaya isinama sila ni Jesus sa Betsaida sakay ng bangka para makapagpahinga. Pero nang malapit na sila sa baybayin, nakita ni Jesus na libo-libong tao na ang nag-aabang sa kanila. Kahit gusto ni Jesus na magpahinga kasama ng mga apostol niya, tinanggap pa rin niya ang mga tao. Pinagaling niya ang mga maysakit at tinuruan sila. Maghapon silang tinuruan ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nang pagabi na, sinabi sa kaniya ng mga apostol: ‘Siguradong gutóm na ang mga tao. Pauwiin mo na sila para makakain.’

      Iniaabot ng isang batang lalaki kay Jesus ang basket na may tinapay at isda

      Sinabi ni Jesus: ‘Hindi sila kailangang umalis. Bigyan n’yo sila ng pagkain.’ Nagtanong ang mga apostol: ‘Gusto mo bang ibili namin sila ng tinapay?’ Sinabi ng apostol na si Felipe: ‘Kahit marami tayong pera, hindi tayo makakabili ng tinapay na magkakasya sa ganito karaming tao.’

      Nagtanong si Jesus: ‘Gaano ba karami ang pagkain natin?’ Sinabi ni Andres: ‘May limang tinapay tayo at dalawang maliliit na isda. Hindi ito kasya.’ Sinabi ni Jesus: ‘Dalhin n’yo sa akin ang tinapay at isda.’ Sinabi niya sa mga tao na maggrupo-grupo nang tig-50 at tig-100 at saka umupo sa damuhan. Kinuha ni Jesus ang tinapay at isda, tumingala sa langit, at nanalangin. Pagkatapos, ibinigay niya ang pagkain sa mga apostol, at ibinigay naman nila ito sa mga tao. Ang 5,000 lalaki, pati na ang mga babae at mga bata, ay kumaing lahat hanggang sa mabusog. Pagkatapos, kinuha ng mga apostol ang mga natirang pagkain para walang masayang. Nakapuno sila ng 12 basket! Kahanga-hanga ang himalang iyon, ’di ba?

      Hangang-hanga ang mga tao kaya gusto nilang gawing hari si Jesus. Pero alam ni Jesus na hindi pa iyon ang itinakdang panahon ni Jehova para maging hari siya. Kaya pinauwi ni Jesus ang mga tao at pinapunta ang mga apostol sa kabilang panig ng Lawa ng Galilea. Sumakay sila sa bangka, at umakyat naman si Jesus sa bundok. Bakit? Kasi gusto niyang manalangin sa kaniyang Ama. Kahit maraming ginagawa si Jesus, lagi pa rin siyang may panahong manalangin.

      “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao.”​—Juan 6:27

      Tanong: Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga tao? Ano ang itinuturo sa atin nito tungkol kay Jehova?

      Mateo 14:14-22; Lucas 9:10-17; Juan 6:1-15

  • Naglakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Naglalakad si Jesus sa ibabaw ng tubig at sinabi niya kay Pedro na pumunta sa kaniya

      ARAL 84

      Naglakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

      Si Jesus ay hindi lang nakakapagpagaling ng maysakit at nakakabuhay ng patay. Nakokontrol din niya ang hangin at ulan. Matapos manalangin sa bundok, tumingin si Jesus sa Lawa ng Galilea at nakita niyang may bagyo. Nasa bangka ang kaniyang mga apostol at hiráp na hiráp sa pagsagwan dahil sa lakas ng hangin. Bumaba si Jesus at naglakad sa tubig papunta sa bangka. Nang makita ng mga apostol na may naglalakad sa ibabaw ng tubig, natakot sila. Pero sinabi ni Jesus: ‘Ako ito. Huwag kayong matakot.’

      Naglalakad si Jesus sa ibabaw ng tubig at sinabi niya kay Pedro na pumunta sa kaniya

      Sinabi ni Pedro: ‘Panginoon, kung talagang ikaw ’yan, papuntahin mo ako diyan sa iyo.’ Sinabi ni Jesus: “Halika.” Kaya sa gitna ng bagyo, bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Pero noong malapit na siya kay Jesus, napatingin siya sa bagyo at natakot. Naramdaman niyang lumulubog siya. Sumigaw si Pedro: ‘Panginoon, tulungan mo ako!’ Agad na hinawakan ni Jesus ang kamay ni Pedro at sinabi: ‘Bakit ka nagduda? Nasaan ang iyong pananampalataya?’

      Sumampa si Jesus at si Pedro sa bangka, at biglang tumigil ang bagyo. Naiisip mo ba kung ano ang naramdaman ng mga apostol? Sinabi nila: “Talagang ikaw ang Anak ng Diyos.”

      Hindi lang iyan ang pagkakataong kinontrol ni Jesus ang lagay ng panahon. Minsan, habang naglalayag si Jesus at ang kaniyang mga apostol papunta sa kabilang ibayo ng lawa, natulog si Jesus sa may likuran ng bangka. Nagkaroon ng napakalakas na bagyo. Hinampas ng mga alon ang bangka, at pinasok ito ng tubig. Ginising ng mga apostol si Jesus, at sumigaw: ‘Guro, mamamatay na kami! Tulong!’ Bumangon si Jesus at sinabi sa lawa: “Tumahimik ka!” Biglang tumahimik ang hangin at ang lawa. Tinanong ni Jesus ang mga apostol: ‘Nasaan ang inyong pananampalataya?’ Sinabi nila sa isa’t isa: “Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.” Natutuhan ng mga apostol na kung talagang magtitiwala sila kay Jesus, hindi sila matatakot sa anumang bagay.

      “Nasaan na ako ngayon kung wala akong pananampalataya na makikita ko ang kabutihan ni Jehova sa lupain ng mga buháy?”—Awit 27:13

      Tanong: Bakit nagsimulang lumubog si Pedro? Ano ang natutuhan ng mga apostol mula kay Jesus?

      Mateo 8:23-27; 14:23-34; Marcos 4:35-41; 6:45-52; Lucas 8:22-25; Juan 6:16-21

  • Nagpagaling si Jesus sa Araw ng Sabbath
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Tinatanong ng mga Pariseo ang lalaking dating bulag

      ARAL 85

      Nagpagaling si Jesus sa Araw ng Sabbath

      Galít kay Jesus ang mga Pariseo kaya naghahanap sila ng dahilan para arestuhin siya. Sinabi nilang hindi siya dapat magpagaling ng maysakit kapag Sabbath. Isang araw ng Sabbath, nakita ni Jesus ang isang lalaking bulag na namamalimos. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Tingnan n’yo kung paano tutulungan ng kapangyarihan ng Diyos ang lalaking ito.’ Dumura si Jesus sa lupa para gumawa ng putik at ipinahid ito sa mga mata ng lalaki. Sinabi ni Jesus: ‘Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam at maghilamos ka.’ Ginawa iyon ng lalaki, at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, nakakita siya.

      Hindi makapaniwala ang mga tao. Sinabi nila: ‘Siya ba y’ong dating nakaupo at namamalimos, o kamukha lang niya?’ Sinabi ng lalaki: ‘Ako y’ong ipinanganak na bulag!’ Tinanong siya ng mga tao: ‘E, bakit hindi ka na bulag?’ Nang ikuwento niya ang nangyari, isinama nila siya sa mga Pariseo.

      Sinabi ng lalaki sa mga Pariseo: ‘May ipinahid si Jesus sa mga mata ko, ’tapos pinaghilamos niya ako. Ginawa ko naman, at nakakakita na ako ngayon.’ Sinabi ng mga Pariseo: ‘Kung araw ng Sabbath nagpapagaling si Jesus, hindi sa Diyos galing ang kapangyarihan niya.’ Pero sabi naman ng iba: ‘Kung hindi sa Diyos galing ang kapangyarihan niya, hindi siya makapagpapagaling.’

      Ipinatawag ng mga Pariseo ang mga magulang ng lalaki at tinanong: ‘Bakit nakakakita na ngayon ang anak n’yo?’ Natakot ang mga magulang ng lalaki dahil sinabi ng mga Pariseo na ang sinumang manampalataya kay Jesus ay hindi na tatanggapin sa sinagoga. Kaya sumagot sila: ‘Hindi namin alam. Siya ang tanungin n’yo.’ Paulit-ulit na tinanong ng mga Pariseo ang lalaki hanggang sa sabihin nito: ‘Nasabi ko na sa inyo ang lahat. Bakit tanong pa kayo nang tanong?’ Nagalit sa kaniya ang mga Pariseo at pinalayas siya.

      Hinanap ni Jesus ang lalaki, at tinanong: ‘Naniniwala ka ba sa Mesiyas?’ Sinabi ng lalaki: ‘Oo, kung makikilala ko siya.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ako ang Mesiyas.’ Ang bait ni Jesus, ’di ba? Hindi lang niya pinagaling ang lalaki, tinulungan din niya itong magkaroon ng pananampalataya.

      “Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos.”​—Mateo 22:29

      Tanong: Paano tinulungan ni Jesus ang lalaking bulag? Bakit galít kay Jesus ang mga Pariseo?

      Juan 9:1-41

  • Binuhay-Muli ni Jesus si Lazaro
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Ang binuhay-muling si Lazaro at ang dalawa niyang kapatid, sina Maria at Marta

      ARAL 86

      Binuhay-Muli ni Jesus si Lazaro

      Si Jesus ay may tatlong malalapít na kaibigang nakatira sa Betania—ang magkakapatid na Lazaro, Maria, at Marta. Isang araw habang nasa kabilang baybayin ng Jordan si Jesus, nagpadala sa kaniya ng mensahe sina Maria at Marta: ‘May malubhang sakit si Lazaro. Sana puntahan mo kami agad!’ Pero hindi agad pumunta si Jesus. Naghintay pa siya nang dalawang araw. ’Tapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: ‘Pumunta tayo sa Betania. Natutulog si Lazaro, at gigisingin ko siya.’ Sinabi ng mga apostol: ‘Buti’t natutulog si Lazaro; makakatulong iyon para gumaling siya.’ Kaya niliwanag ni Jesus sa kanila: “Patay na si Lazaro.”

      Pagdating nila sa Betania, apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Maraming nakiramay kina Marta at Maria. Nang malaman ni Marta na dumating na si Jesus, pinuntahan niya ito agad. Sinabi niya: ‘Panginoon, kung nandito ka lang, hindi sana namatay ang kapatid ko.’ Sinabi ni Jesus: ‘Mabubuhay-muli ang kapatid mo. Naniniwala ka ba do’n, Marta?’ Sinabi ni Marta: ‘Naniniwala akong babangon siya sa pagkabuhay-muli.’ Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.”

      Pagkatapos, pinuntahan ni Marta si Maria at sinabi: ‘Nandito na si Jesus.’ Tumakbo si Maria papunta kay Jesus, at sinundan siya ng mga tao. Sumubsob si Maria sa paanan ni Jesus at umiyak nang umiyak. Sinabi niya: ‘Panginoon, kung nandito ka lang, buháy pa sana ang kapatid ko!’ Awang-awa si Jesus kay Maria kaya napaiyak din siya. Nang makita ng mga tao na umiiyak si Jesus, sinabi nila: ‘Talagang mahal na mahal ni Jesus si Lazaro.’ Pero inisip ng iba: ‘E, bakit hindi niya iniligtas ang kaibigan niya?’ Ano kaya ang gagawin ni Jesus?

      Pumunta si Jesus sa libingan ni Lazaro. May malaking bato sa pasukan nito. Iniutos niya: ‘Alisin n’yo ang bato.’ Sinabi ni Marta: ‘Pero apat na araw na! Nangangamoy na siya.’ Pero inalis pa rin nila ang bato, at nanalangin si Jesus: ‘Ama, salamat po at pinapakinggan n’yo ako. Alam ko pong lagi n’yo akong pinapakinggan, pero nagsasalita ako ngayon para marinig ng mga nandito at malaman nilang kayo ang nagsugo sa akin.’ Pagkatapos, sumigaw siya: “Lazaro, lumabas ka!” Kahanga-hanga ang nangyari: Lumabas nga sa libingan si Lazaro, na nababalutan pa ng tela. Sinabi ni Jesus: ‘Kalagan n’yo siya.’

      Marami sa mga nakakita ng pangyayari ang nanampalataya kay Jesus. Pero may mga nagsumbong sa mga Pariseo. Mula noon, gusto nang patayin ng mga Pariseo sina Lazaro at Jesus. Isa sa 12 apostol, si Hudas Iscariote, ang palihim na pumunta sa mga Pariseo at nagtanong: ‘Magkano’ng ibibigay n’yo sa akin kung tutulungan ko kayong mahanap si Jesus?’ Nagkasundo ang mga Pariseo na bayaran siya ng 30 pirasong pilak, at naghanap na si Hudas ng pagkakataon para ipahuli si Jesus sa kanila.

      “Ang tunay na Diyos ay isang Diyos na nagliligtas; at si Jehova na Kataas-taasang Panginoon ay nagliligtas mula sa kamatayan.”​—Awit 68:20

      Tanong: Ikuwento kung paano binuhay-muli si Lazaro. Ano ang gustong gawin ng mga Pariseo nang mabalitaan nila ang tungkol kay Lazaro?

      Mateo 26:14-16; Juan 11:1-53; 12:10

  • Ang Huling Hapunan ni Jesus
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pinasinayaan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon kasama ang kaniyang 11 tapat na apostol

      ARAL 87

      Ang Huling Hapunan ni Jesus

      Taon-taon, ipinagdiriwang ng mga Judio ang Paskuwa tuwing ika-14 na araw ng buwan ng Nisan. Ito ay para maalaala nila kung paano sila pinalaya ni Jehova mula sa pagkaalipin sa Ehipto at dinala sa Lupang Pangako. Noong taóng 33 C.E., ipinagdiwang ni Jesus at ng mga apostol ang Paskuwa sa isang kuwarto sa itaas ng bahay sa Jerusalem. Bago matapos ang hapunan, sinabi ni Jesus: “Isa sa inyo ang magtatraidor sa akin.” Nagulat ang mga apostol, at nagtanong: ‘Sino?’ Sinabi ni Jesus: ‘Kung kanino ko ibibigay ang tinapay na ito, siya iyon.’ Ibinigay niya ang tinapay kay Hudas Iscariote. Agad na tumayo si Hudas at umalis.

      Pagkatapos, nanalangin si Jesus, pinagputol-putol ang tinapay, at ibinigay sa natitirang mga apostol. Sinabi niya: ‘Kainin n’yo. Simbolo iyan ng aking katawan, na ibibigay ko para sa inyo.’ Sumunod, nanalangin siya para sa alak, at ipinasa ito sa mga apostol. Sinabi niya: ‘Inumin n’yo. Simbolo ’yan ng aking dugo, na ibibigay ko para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Pangako, magiging hari kayo sa langit kasama ko. Gawin ninyo ito taon-taon para alalahanin ako.’ Ang mga tagasunod ni Jesus ay nagtitipon pa rin taon-taon sa petsang iyan. Ang pagtitipong ito ay tinatawag ngayong Hapunan ng Panginoon.

      Pagkatapos ng hapunan, nagtalo-talo ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakaimportante. Pero sinabihan sila ni Jesus: ‘Ang pinakamababa ang tingin sa sarili ang siyang pinakaimportante.

      ‘Kaibigan ko kayo. Sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ipinapasabi ng aking Ama. Malapit na akong umakyat sa aking Ama sa langit. Maiiwan kayo, at malalaman ng mga tao na kayo ay aking mga alagad kung mahal ninyo ang isa’t isa. Mahalin ninyo ang isa’t isa gaya ng pagmamahal ko sa inyo.’

      Pagkatapos, nanalangin si Jesus, at humiling kay Jehova na ingatan ang mga alagad. Hiniling niyang tulungan sila ni Jehova na magkaisa. Nanalangin siyang mapabanal ang pangalan ni Jehova. Umawit si Jesus at ang mga apostol para purihin si Jehova, at pagkatapos ay lumabas na sila. Malapit nang arestuhin si Jesus.

      “Huwag kayong matakot, munting kawan, dahil ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.”​—Lucas 12:32

      Tanong: Ano ang ipinangako ni Jesus sa mga apostol? Ano ang mahalagang aral na itinuro ni Jesus sa mga apostol noong huling hapunan niya na kasama sila?

      Mateo 26:20-30; Lucas 22:14-26; Juan 13:1, 2, 26, 30, 34, 35; 15:12-19; 17:3-26

  • Inaresto si Jesus
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Tinraidor ni Hudas si Jesus sa hardin ng Getsemani

      ARAL 88

      Inaresto si Jesus

      Dumaan si Jesus at ang mga apostol sa Lambak ng Kidron papunta sa Bundok ng mga Olibo. Pasado alas-dose na ng gabi noon, at kabilugan ng buwan. Pagdating nila sa hardin ng Getsemani, sinabi ni Jesus sa mga apostol: ‘Dito lang kayo. Patuloy kayong magbantay.’ Lumayo pa nang kaunti si Jesus at lumuhod. Dahil nahihirapan ang kalooban niya, nanalangin siya kay Jehova: ‘Mangyari nawa ang iyong kalooban.’ Pagkatapos, nagpadala si Jehova ng anghel para palakasin si Jesus. Pagbalik ni Jesus sa mga apostol, nakita niyang natutulog ang tatlo. Sinabi niya: ‘Gumising kayo! Hindi ito oras para matulog! Oras na para ibigay ako sa kamay ng mga kaaway ko.’

      Binibigyan si Hudas ng isang supot na pera

      Mayamaya, dumating si Hudas at ang mga kasama niya na may dalang mga espada at pamalo. Alam niya kung saan makikita si Jesus kasi lagi silang pumupunta sa harding iyon. Sinabi ni Hudas sa mga sundalo na ituturo niya sa kanila si Jesus. Lumapit siya kay Jesus at sinabi: ‘Magandang gabi, Guro,’ at hinalikan ito. Sinabi ni Jesus: ‘Hudas, tinatraidor mo ba ako sa isang halik?’

      Hinarap ni Jesus ang mga kasama ni Hudas at tinanong: ‘Sino’ng hinahanap n’yo?’ Sinabi nila: “Si Jesus na Nazareno.” Sumagot siya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Napaatras ang mga lalaki at natumba. Tinanong ulit sila ni Jesus: ‘Sino’ng hinahanap n’yo?’ Sinabi ulit nila: “Si Jesus na Nazareno.” Sumagot si Jesus: ‘Ako nga iyon. Huwag n’yong idamay ang mga lalaking ito.’

      Nang maintindihan ni Pedro ang nangyayari, humugot siya ng espada at tinagpas ang tainga ni Malco, isang lingkod ng mataas na saserdote. Pero hinawakan ni Jesus ang tainga nito at pinagaling. Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro: ‘Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito. Ang lahat ng gumagamit ng espada ay namamatay sa espada.’ Hinuli ng mga sundalo si Jesus at tinalian ang mga kamay niya. Tumakas ang mga apostol. Dinala ng mga lalaki si Jesus kay Anas, ang punong saserdote. Pinagtatanong ni Anas si Jesus at pagkatapos ay ipinadala siya sa bahay ng mataas na saserdoteng si Caifas. Pero ano ang nangyari sa mga apostol?

      “Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”​—Juan 16:33

      Tanong: Anong pangyayari ang naganap sa hardin ng Getsemani? Ano ang natutuhan mo sa ginawa ni Jesus noong gabing iyon?

      Mateo 26:36-57; Marcos 14:32-50; Lucas 22:39-54; Juan 18:1-14, 19-24

  • Hindi Inamin ni Pedro na Kilala Niya si Jesus
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Sa bakuran ng bahay ni Caifas, hindi inamin ni Pedro na kilala niya si Jesus

      ARAL 89

      Hindi Inamin ni Pedro na Kilala Niya si Jesus

      Noong kasama ni Jesus ang mga apostol sa isang kuwarto bago siya arestuhin, sinabi niya sa kanila: ‘Iiwan n’yo akong lahat ngayong gabi.’ Sinabi ni Pedro: ‘Ako hindi! Kahit iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan.’ Pero sinabi ni Jesus kay Pedro: ‘Bago tumilaok ang tandang, tatlong beses mong sasabihing hindi mo ako kilala.’

      Nang dalhin ng mga sundalo si Jesus sa bahay ni Caifas, tumakas ang karamihan sa mga apostol. Pero dalawa sa kanila ang sumunod. Isa dito si Pedro. Pumunta siya sa bakuran ng bahay ni Caifas at nagpainit sa tabi ng apoy. Namukhaan ng isang babaeng tagapaglingkod si Pedro at sinabi: ‘Kilala kita! Kasama ka ni Jesus!’

      Sinabi ni Pedro: ‘Hindi, a! Hindi ko alam ang sinasabi mo!’ Pumunta si Pedro sa may pinto. Pero nakita siya ng isa pang babaeng tagapaglingkod, at sinabi nito sa mga tao: ‘Kasama siya ni Jesus!’ Sinabi ni Pedro: ‘Hindi ko nga kilala si Jesus!’ Sinabi ng isang lalaki: ‘Kasama ka niya! Kasi ’yang pagsasalita mo, halatang taga-Galilea ka, gaya ni Jesus.’ Pero sumumpa si Pedro: ‘Hindi ko siya kilala!’

      Biglang tumilaok ang tandang. Nakita ni Pedro na tumingin sa kaniya si Jesus. Naalaala niya ang sinabi ni Jesus, kaya lumabas siya at umiyak nang umiyak.

      Samantala, nagtipon ang Sanedrin para litisin si Jesus sa bahay ni Caifas. Bago pa man ang paglilitis, may desisyon na silang patayin si Jesus, at ngayon ay naghahanap sila ng dahilan para gawin iyon. Pero wala silang makita. Bandang huli, tinanong ni Caifas si Jesus: ‘Ikaw ba ang Anak ng Diyos?’ Sumagot si Jesus: ‘Oo.’ Sinabi ni Caifas: ‘Hindi na natin kailangan ng anumang ebidensiya. Paglapastangan ito sa Diyos!’ Nagkaisa ang korte: ‘Dapat mamatay ang taong ito.’ Sinampal nila si Jesus, dinuraan, nilagyan ng piring ang mga mata, at sinuntok. Sinabi nila: ‘Kung propeta ka, hulaan mo kung sino’ng sumuntok sa iyo!’

      Pagsikat ng araw, dinala nila si Jesus sa Sanedrin at tinanong siya ulit: “Ikaw ba ang Anak ng Diyos?” Sumagot si Jesus: “Kayo mismo ang nagsasabi niyan.” Sinabi nilang nagkasala siya ng paglapastangan sa Diyos at dinala nila siya sa palasyo ni Poncio Pilato, ang Romanong gobernador. Ano ang nangyari pagkatapos nito? Tingnan natin.

      “Malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa. Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama.”​—Juan 16:32

      Tanong: Anong pangyayari ang naganap sa bakuran ng bahay ni Caifas? Ano ang ginawang dahilan ng korte para hatulan ng kamatayan si Jesus?

      Mateo 26:31-35, 57–27:2; Marcos 14:27-31, 53–15:1; Lucas 22:55-71; Juan 13:36-38; 18:15-18, 25-28

  • Namatay si Jesus sa Golgota
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Habang nakapako si Jesus sa tulos, nakatayo sa malapit ang isang sundalo, ilang alagad ni Jesus, kasama na si Maria at Juan

      ARAL 90

      Namatay si Jesus sa Golgota

      Si Jesus ay dinala ng mga punong saserdote sa palasyo ng gobernador. Tinanong sila ni Pilato: ‘Ano ba ang kaso ng taong ito?’ Sumagot sila: ‘Sinasabi niyang hari siya!’ Tinanong ni Pilato si Jesus: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”

      Ipinadala ni Pilato si Jesus kay Herodes, ang tagapamahala ng Galilea, para tingnan nito kung may nilabag nga si Jesus. Wala ding makita si Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus kay Pilato. Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa mga tao: ‘Kami ni Herodes ay walang nakitang mali sa taong ito. Papalayain ko siya.’ Sumigaw ang mga tao: ‘Patayin siya! Patayin siya!’ Hinagupit ng mga sundalo si Jesus, dinuraan, at sinuntok. Nilagyan nila siya ng koronang tinik at inasar: “Magandang araw, Hari ng mga Judio.” Sinabi ulit ni Pilato sa mga tao: ‘Wala akong makitang mali sa taong ito.’ Pero sumigaw sila: ‘Ipako siya sa tulos!’ Pumayag si Pilato na ibigay si Jesus para patayin.

      Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, ipinako sa tulos, at saka itinayo ang tulos. Nanalangin si Jesus: ‘Ama, patawarin mo sila kasi hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.’ Pinagtawanan ng mga tao si Jesus: ‘Kung Anak ka ng Diyos, bumaba ka sa tulos na iyan! Iligtas mo ang sarili mo.’

      Isa sa mga kriminal na nakapako din sa isang tulos sa tabi ni Jesus ang nagsabi sa kaniya: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.” Nangako si Jesus sa kriminal: “Makakasama kita sa Paraiso.” Mula tanghali, nagkaroon ng tatlong oras na kadiliman sa lupain. May ilang alagad na nakatayo malapit sa tulos, kasama na ang nanay ni Jesus na si Maria. Sinabi ni Jesus kay Juan na alagaan si Maria na parang sarili niyang nanay.

      Bandang huli, sinabi ni Jesus: “Naganap na!” Yumuko siya at nalagutan ng hininga. Biglang lumindol nang napakalakas. Sa templo, nahati ang makapal na kurtina sa pagitan ng Banal at ng Kabanal-banalan. Sinabi ng isang opisyal ng hukbo: ‘Ito nga talaga ang Anak ng Diyos.’

      “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging ‘oo’ sa pamamagitan niya.”​—2 Corinto 1:20

      Tanong: Bakit pumayag si Pilato na patayin si Jesus? Paano ipinakita ni Jesus na mas mahal niya ang iba kaysa sa sarili niya?

      Mateo 27:11-14, 22-31, 38-56; Marcos 15:2-5, 12-18, 25, 29-33, 37-39; Lucas 23:1-25, 32-49; Juan 18:28–19:30

  • Binuhay-Muli si Jesus
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nagulat ang mga babae nang makita nilang walang laman ang libingan ni Jesus

      ARAL 91

      Binuhay-Muli si Jesus

      Pagkamatay ni Jesus, nakiusap kay Pilato ang mayamang si Jose na kukunin niya ang katawan ni Jesus. Ibinalot ni Jose ang katawan ni Jesus sa mamahaling tela na may mababangong espesya at inihiga ito sa isang bagong libingan. May malaking bato na iginulong para itakip sa pasukan nito. Sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato: ‘Baka kunin ng mga alagad ni Jesus ang katawan niya at sabihing binuhay siyang muli.’ Kaya sinabi sa kanila ni Pilato: ‘Sarhan ninyong mabuti ang libingan at bantayan iyon.’

      Makalipas ang tatlong araw, maagang pumunta sa libingan ang ilang babae, at nakita nilang wala na ang bato sa pasukan ng libingan. Sa loob ng libingan, sinabi ng isang anghel sa mga babae: ‘Huwag kayong matakot. Binuhay-muli si Jesus. Puntahan ninyo ang mga alagad niya at sabihing makipagkita sa kaniya sa Galilea.’

      Dali-daling hinanap ni Maria Magdalena sina Pedro at Juan. Sinabi niya sa kanila: ‘May kumuha sa katawan ni Jesus!’ Tumakbo sina Pedro at Juan pabalik sa libingan. Pero nakita nilang wala itong laman, kaya umuwi na sila.

      Pagbalik ni Maria sa libingan, may nakita siyang dalawang anghel sa loob. Sinabi ni Maria sa kanila: ‘Hindi ko alam kung saan nila dinala ang Panginoon ko.’ Pagkatapos, may nakita siyang lalaki. Akala niya, hardinero ito. Sinabi niya dito: ‘Sabihin n’yo po sa akin kung saan n’yo siya dinala.’ Pero nang sabihin ng lalaki, “Maria!” nakilala niyang si Jesus iyon. Napasigaw siya: “Guro!” at kumapit siya dito. Sinabi ni Jesus kay Maria: ‘Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanilang nakita mo ako.’ Agad na tumakbo si Maria papunta sa mga alagad at sinabi sa kanilang nakita niya si Jesus.

      Kinahapunan, may dalawang alagad na naglalakad mula sa Jerusalem papunta sa Emaus. May lalaking sumabay sa kanila sa paglalakad at nagtanong kung ano ang pinag-uusapan nila. Sinabi nila: ‘Hindi mo ba nabalitaan? Tatlong araw ang nakakaraan, ipinapatay ng mga punong saserdote si Jesus. Ngayon, sinasabi ng ilang babae na buháy siya!’ Nagtanong ang lalaki: ‘Hindi ba kayo naniniwala sa mga propeta? Sinabi nilang mamamatay ang Kristo at bubuhaying muli.’ Ipinaliwanag pa niya ang Kasulatan sa kanila. Pagdating nila sa Emaus, niyaya ng mga alagad ang lalaki. Noong kakain na sila ng hapunan, nanalangin ang lalaki para sa tinapay. Saka lang naisip ng mga alagad na si Jesus iyon. Pagkatapos, nawala na siya.

      Pumunta agad ang dalawang alagad na ito sa isang bahay sa Jerusalem na kinaroroonan ng mga apostol at ikinuwento ang nangyari. Habang nasa loob sila ng bahay, nagpakita si Jesus sa kanila. Noong una, hindi makapaniwala ang mga apostol na si Jesus iyon. ’Tapos, sinabi niya: ‘Tingnan n’yo ang mga kamay ko; hawakan n’yo ako. Nakasulat na bubuhaying muli ang Kristo mula sa mga patay.’

      “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”​—Juan 14:6

      Tanong: Ano ang nangyari pagdating ng mga babae sa libingan ni Jesus? Ano ang nangyari habang papunta sa Emaus ang dalawang alagad?

      Mateo 27:57–28:10; Marcos 15:42–16:8; Lucas 23:50–24:43; Juan 19:38–20:23

  • Nagpakita si Jesus sa mga Mangingisda
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nakikipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad habang nag-iihaw ng isda

      ARAL 92

      Nagpakita si Jesus sa mga Mangingisda

      Ilang araw matapos magpakita si Jesus sa mga apostol, nagpasiya si Pedro na mangisda sa Lawa ng Galilea. Sumama sa kaniya sina Tomas, Santiago, Juan, at iba pang alagad. Buong gabi silang nangisda, pero wala silang nahuli.

      Kinaumagahan, may nakita silang lalaking nakatayo sa dalampasigan. Sumigaw ang lalaki: ‘May huli ba kayo?’ Sinabi nila: “Wala!” Sinabi ng lalaki: ‘Ihagis n’yo ang lambat sa gawing kanan ng bangka.’ Nang ihagis nila ang lambat, napuno ito ng isda, at sa sobrang dami, hindi nila ito maisampa sa bangka. Nakilala ni Juan na si Jesus iyon at sinabi niya: “Ang Panginoon iyon!” Agad na tumalon si Pedro sa tubig at lumangoy papunta sa dalampasigan. Sumunod naman ang ibang alagad sakay ng bangka.

      Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nilang may nilulutong tinapay at isda. Sinabi ni Jesus sa kanila na kumuha ng isdang nahuli nila para idagdag sa pagkain. ’Tapos, sinabi niya: ‘Tara, mag-almusal tayo.’

      Nakarating si Pedro sa pampang papunta kay Jesus habang sumusunod naman ang ibang alagad sakay ng bangka

      Pagkatapos kumain, tinanong ni Jesus si Pedro: ‘Mas mahal mo ba ako kaysa sa pangingisda?’ Sinabi ni Pedro: ‘Opo, Panginoon. Alam mong mahal kita.’ Sinabi ni Jesus: ‘Pakainin mo ang aking mga tupa.’ Nagtanong ulit si Jesus: ‘Pedro, mahal mo ba ako?’ Sinabi ni Pedro: “Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” Nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon. Nalungkot si Pedro, kaya sinabi niya: ‘Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay. Alam mong mahal kita.’ Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” Idinagdag pa niya: “Patuloy kang sumunod sa akin.”

      “Sinabi [ni Jesus] sa kanila: ‘Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.’ Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.”​—Mateo 4:19, 20

      Tanong: Anong himala ang ginawa ni Jesus para sa mga mangingisda? Bakit kaya tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro: ‘Mahal mo ba ako?’

      Juan 21:1-19, 25; Gawa 1:1-3

  • Bumalik si Jesus sa Langit
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Umaangat si Jesus papunta sa langit habang nakatingin ang mga apostol

      ARAL 93

      Bumalik si Jesus sa Langit

      Sa Galilea, nakipagkita si Jesus sa mga tagasunod niya. Binigyan niya sila ng napakahalagang utos: ‘Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa lahat ng lupain. Ituro n’yo sa kanila ang mga itinuro ko sa inyo, at bautismuhan sila.’ Pagkatapos, nangako siya: ‘Tandaan ninyo, lagi n’yo akong kasama.’

      Sa loob ng 40 araw matapos siyang buhaying muli, nagpakita si Jesus sa daan-daang alagad niya sa Galilea at Jerusalem. Tinuruan niya sila ng mahahalagang aral at gumawa siya ng maraming himala. ’Tapos, nakipagkita si Jesus sa kaniyang mga apostol sa huling pagkakataon, sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi niya: ‘Huwag kayong umalis sa Jerusalem. Patuloy n’yong hintayin ang ipinangako ng Ama.’

      Hindi naintindihan ng mga apostol ang gusto niyang sabihin. Nagtanong sila: ‘Magiging Hari ka na ba ngayon ng Israel?’ Sinabi ni Jesus: ‘Hindi pa ito ang panahong itinakda ni Jehova para maging Hari ako. Malapit na kayong tumanggap ng kapangyarihan sa pamamagitan ng banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo. Mangaral kayo sa Jerusalem, Judea, Samaria, at sa pinakamalayong lugar sa lupa.’

      Pagkatapos, umangat si Jesus sa langit at natakpan siya ng ulap. Nakatingala pa rin ang mga alagad, pero wala na si Jesus.

      Umalis ang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo at pumunta sa Jerusalem. Lagi silang nagtitipon at nananalangin sa kuwarto sa itaas ng isang bahay. Hinihintay nila ang karagdagang utos na ibibigay ni Jesus.

      “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14

      Tanong: Ano ang iniutos ni Jesus sa mga alagad niya? Anong pangyayari ang naganap sa Bundok ng mga Olibo?

      Mateo 28:16-20; Lucas 24:49-53; Juan 20:30, 31; Gawa 1:2-14; 1 Corinto 15:3-6

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share