-
Sumunod sa Diyos Sina Abraham at SaraMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 8
Sumunod sa Diyos Sina Abraham at Sara
May isang lunsod na malapit sa Babel. Ito ang lunsod ng Ur. Ang mga tao doon ay mas sumasamba sa maraming diyos kaysa kay Jehova. Pero may isang lalaking taga-Ur na ang sinasamba ay si Jehova lang. Siya si Abraham.
Sinabi ni Jehova kay Abraham: ‘Umalis ka sa iyong bahay at iwanan ang iyong mga kamag-anak, at pumunta ka sa isang lupain na ipapakita ko sa iyo.’ Nangako ang Diyos: ‘Ikaw ay magiging isang malaking bansa, at gagawan ko ng mabuti ang maraming tao sa buong lupa dahil sa iyo.’
Hindi alam ni Abraham kung saan siya papupuntahin ni Jehova, pero sumunod pa rin siya kasi nagtitiwala siya kay Jehova. Kaya si Abraham, ang asawa niyang si Sara, ang tatay niyang si Tera, at ang pamangkin niyang si Lot ay nag-impake at naglakbay.
Si Abraham ay 75 taon nang makarating sila sa lugar na gustong ipakita ni Jehova. Ito ang lupain ng Canaan. Doon sinabi ng Diyos kay Abraham ang pangakong ito: ‘Ibibigay ko sa iyong mga anak ang buong lupaing ito na nakikita mo.’ Pero walang anak sina Abraham at Sara, at matanda na sila. Kaya paano matutupad ang pangakong ito ni Jehova?
“Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang utusan siyang pumunta sa lugar na tatanggapin niya bilang mana; umalis siya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.”—Hebreo 11:8
-
-
Magkakaanak Na!Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 9
Magkakaanak Na!
Matagal nang mag-asawa sina Abraham at Sara. Iniwan nila ang magandang bahay nila sa Ur at tumira sa tolda. Pero hindi nagreklamo si Sara dahil may tiwala siya kay Jehova.
Gustong-gusto ni Sara na magkaanak, kaya sinabi niya kay Abraham: ‘Kung magkakaanak ang alipin kong si Hagar, parang anak ko na rin ’yon.’ Nang maglaon, nagkaanak si Hagar ng isang lalaki. Ismael ang pangalan niya.
Pagkalipas ng maraming taon, noong si Abraham ay 99 na taon at si Sara naman ay 89, may dumating na tatlong bisita. Niyaya sila ni Abraham sa lilim ng isang puno para makapagpahinga at makakain. Alam mo ba kung sino ang mga bisita? Mga anghel! Sinabi nila kay Abraham: ‘Sa isang taon, magkakaanak kayo ng isang lalaki.’ Nakikinig noon si Sara sa loob ng tolda. Natawa siya at naisip niya: ‘Magkakaanak pa ba ako sa tanda kong ’to?’
Nang sumunod na taon, nagkaanak nga si Sara ng isang lalaki, gaya ng sinabi ng anghel ni Jehova. Pinangalanan ito ni Abraham na Isaac, ibig sabihin, “Pagtawa.”
Nang mga limang taon na si Isaac, nakita ni Sara na lagi itong inaasar ni Ismael. Gusto niyang protektahan ang anak niya, kaya sinabi niya kay Abraham na paalisin sina Hagar at Ismael. Ayaw pumayag ni Abraham. Pero sinabi ni Jehova kay Abraham: ‘Makinig ka kay Sara. Ako ang bahala kay Ismael. Pero kay Isaac matutupad ang aking mga pangako.’
“Dahil din sa pananampalataya, nagdalang-tao si Sara . . . , dahil naniniwala siyang tapat ang nangako nito.”—Hebreo 11:11
-
-
Tandaan ang Nangyari sa Asawa ni LotMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 10
Tandaan ang Nangyari sa Asawa ni Lot
Si Lot ay kasama ng tiyuhin niyang si Abraham sa Canaan. Dumami nang dumami ang mga alagang hayop nina Abraham at Lot kaya halos hindi na sila magkasya sa lupain. Sinabi ni Abraham kay Lot: ‘Parang masikip na tayo dito. Pumili ka ng lugar na gusto mo, at doon naman ako sa lugar na hindi mo napili.’ Napakabait ni Abraham, ’di ba?
Nakakita si Lot ng magandang lugar malapit sa lunsod na tinatawag na Sodoma. Maraming tubig doon at maberde ang mga damo. Kaya iyon ang pinili niya at lumipat sila doon.
Masasamang tao ang mga taga-Sodoma at ang mga nasa kalapit na lunsod ng Gomorra. Sa sobrang samâ nila, nagdesisyon si Jehova na wasakin ang mga lunsod na iyon. Pero gusto ng Diyos na iligtas si Lot at ang pamilya nito, kaya nagpadala siya ng dalawang anghel para sabihin sa kanila: ‘Dali! Umalis na kayo sa lunsod na ito! Wawasakin ito ni Jehova.’
Ayaw pang umalis agad ni Lot. Kaya hinila ng mga anghel si Lot, ang asawa niya, at ang dalawa niyang anak na babae palabas ng lunsod, at sinabi: ‘Takbo! Tumakas kayo, at huwag kayong lilingon. Kapag lumingon kayo, mamamatay kayo!’
Pagdating nila sa lunsod ng Zoar, nagpaulan si Jehova ng apoy at asupre sa Sodoma at Gomorra. Wasák na wasák ang dalawang lunsod na iyon. Hindi nakinig kay Jehova ang asawa ni Lot. Lumingon siya, at naging haliging asin! Pero nakaligtas si Lot at ang mga anak niya dahil sumunod sila kay Jehova. Siguradong nalungkot sila dahil hindi nakinig ang asawa ni Lot. Pero masaya pa rin sila kasi sinunod nila ang mga utos ni Jehova.
“Alalahanin ang asawa ni Lot.”—Lucas 17:32
-
-
Isang Pagsubok sa PananampalatayaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 11
Isang Pagsubok sa Pananampalataya
Tinuruan ni Abraham ang anak niyang si Isaac na mahalin si Jehova at magtiwala sa mga pangako ni Jehova. Pero noong mga 25 taon na si Isaac, may hiniling si Jehova kay Abraham na napakahirap gawin. Ano kaya iyon?
Sinabi ng Diyos kay Abraham: ‘Isama mo ang iyong kaisa-isang anak at ihandog siya bilang hain sa isang bundok sa Moria.’ Hindi alam ni Abraham kung bakit ipinapagawa iyon ni Jehova sa kaniya. Pero sumunod pa rin siya.
Kinaumagahan, isinama ni Abraham si Isaac at ang dalawang tagapaglingkod niya at naglakbay sila papuntang Moria. Pagkalipas ng tatlong araw, natanaw na nila ang bundok. Sinabi ni Abraham sa mga tagapaglingkod na maiwan at maghintay pero sila ni Isaac ay pupunta sa bundok para maghandog ng hain. Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy, at nagdala si Abraham ng patalim. Nagtanong si Isaac sa kaniyang ama: ‘Nasaan po ang hayop na ihahain natin?’ Sumagot si Abraham: ‘Anak, si Jehova ang magbibigay nito.’
Pagdating nila sa bundok, gumawa sila ng altar. ’Tapos, tinalian ni Abraham ang mga kamay at paa ni Isaac at inihiga ito sa altar.
Kinuha ni Abraham ang patalim. Nang sandaling iyon, sumigaw ang anghel ni Jehova mula sa langit: ‘Abraham! Huwag mong saktan ang bata! Alam ko na ngayon na may pananampalataya ka sa Diyos kasi handa mong ihain ang iyong anak.’ Pagkatapos, nakita ni Abraham ang isang barakong tupa na ang mga sungay ay nasabit sa mga sanga. Kinalagan niya agad si Isaac at inihain ang tupa.
Mula noon, naging kaibigan na ni Jehova si Abraham. Alam mo ba kung bakit? Sinusunod kasi ni Abraham ang lahat ng ipagawa sa kaniya ni Jehova, kahit hindi niya ito naiintindihan.
Inulit ni Jehova ang pangako niya kay Abraham: ‘Pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong mga anak.’ Ibig sabihin, magiging maganda ang buhay ng lahat ng mabuting tao dahil sa pamilya ni Abraham.
“Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16
-