-
Si David at si GoliatMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 40
Si David at si Goliat
Inutusan ni Jehova si Samuel: ‘Pumunta ka sa bahay ni Jesse. Isa sa mga anak niyang lalaki ang susunod na hari ng Israel.’ Kaya pumunta si Samuel sa bahay ni Jesse. Nang makita niya ang panganay nito, naisip niya: ‘Siguradong ito na ’yon.’ Pero sinabi ni Jehova kay Samuel na hindi ito ang pinili Niya. Sinabi ni Jehova: ‘Ang tinitingnan ko ay ang puso ng isang tao, hindi ang hitsura niya.’
Iniharap ni Jesse kay Samuel ang anim pa niyang anak na lalaki. Pero sinabi ni Samuel: ‘Walang isa man sa kanila ang pinili ni Jehova. May iba ka pa bang anak na lalaki?’ Sinabi ni Jesse: ‘May isa pa, ang bunso kong si David. Nasa bukid siya at nag-aalaga ng mga tupa.’ Pagdating ni David, sinabi ni Jehova kay Samuel: “Siya ang pinili ko!” Binuhusan ni Samuel ng langis ang ulo ni David, ibig sabihin, siya ang pinili para maging susunod na hari ng Israel.
Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Filisteo. Mayroon silang higanteng mandirigma na ang pangalan ay Goliat. Araw-araw na iniinsulto ni Goliat ang mga Israelita. Sumisigaw siya: ‘Pumili kayo ng lalaking lalaban sa akin. Kapag nanalo siya, magiging alipin n’yo kami. Pero ’pag ako ang nanalo, kayo ang magiging alipin namin.’
Nagpunta si David sa kampo ng mga Israelita para dalhan ng pagkain ang mga kuya niyang sundalo. Narinig niya ang sinabi ni Goliat, kaya sinabi niya: ‘Lalabanan ko siya!’ Sinabi ni Haring Saul: ‘Pero bata ka lang.’ Sumagot si David: ‘Tutulungan ako ni Jehova.’
Ipinasuot ni Saul ang kaniyang kagamitang pandigma kay David, pero sinabi nito: ‘Hindi ko kayang lumaban na suot ito.’ Kinuha ni David ang tirador niya at pumunta sa batis. Pumili siya ng limang makikinis na bato at inilagay sa kaniyang bag. Pagkatapos, sinugod niya si Goliat. Sumigaw ang higante: ‘Hoy, bata! Ipapakain kita sa mga ibon at sa mga hayop.’ Hindi natakot si David. Sumigaw rin siya: ‘Espada at sibat ang dala mo, pero ang dala ko, pangalan ni Jehova. Hindi kami ang kinakalaban mo kundi ang Diyos. Makikita ng lahat na mas malakas si Jehova kaysa sa espada at sibat. Ibibigay kayo ni Jehova sa aming kamay.’
Nilagyan ni David ng bato ang kaniyang tirador at pinahilagpos ito nang napakalakas. Sa tulong ni Jehova, ang bato ay tumama at bumaon sa noo ni Goliat. Bumagsak ang higante at namatay. Nagtakbuhan ang mga Filisteo para tumakas. Ikaw, nagtitiwala ka rin ba kay Jehova tulad ni David?
“Sa mga tao ay imposible ito, pero hindi sa Diyos, dahil ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”—Marcos 10:27
-
-
Si David at si SaulMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 41
Si David at si Saul
Matapos patayin ni David si Goliat, siya ang inilagay ni Haring Saul bilang pinuno ng hukbo. Maraming naipanalong labanan si David, at naging sikát siya. Tuwing uuwi si David galing sa digmaan, ang mga babae ay sumasayaw at kumakanta: ‘Libo-libo ang tinalo ni Saul, pero sampu-sampung libo ang kay David!’ Nainggit si Saul kay David at gusto niya itong patayin.
Magaling tumugtog ng alpa si David. Isang araw, habang tinutugtugan niya ng alpa si Haring Saul, sinibat siya nito. Buti na lang at nakailag siya at sa dingding tumama ang sibat. Maraming beses pang sinubukang patayin ni Saul si David. Nang bandang huli, tumakas si David at nagtago sa disyerto.
Nagsama si Saul ng 3,000 sundalo para hanapin at patayin si David. Nagkataon namang doon siya pumasok sa kuwebang pinagtataguan ni David at ng mga tauhan nito. Binulungan si David ng mga tauhan niya: ‘Pagkakataon mo nang patayin si Saul.’ Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapiraso sa damit nito. Hindi ito naramdaman ni Saul. Pero nakonsensiya si David dahil parang hindi niya iginalang ang haring pinili ni Jehova. Hindi pinayagan ni David ang mga kasama niya na saktan si Saul. Isinigaw pa nga niya kay Saul na may pagkakataon na sana siyang patayin ito pero hindi niya ginawa. Magbabago kaya ang isip ni Saul tungkol kay David?
Hindi. Hinanap pa rin ni Saul si David. Isang gabi, dahan-dahang pumasok si David at ang pamangkin niyang si Abisai sa kampo ni Saul. Natutulog silang lahat, pati na ang alalay ni Saul na si Abner. Sinabi ni Abisai: ‘Pagkakataon na natin ’to! Ano, patayin ko na?’ Sumagot si David: ‘Si Jehova na ang bahala kay Saul. Kunin na lang natin ang kaniyang sibat at banga ng tubig, ’tapos, umalis na tayo.’
Umakyat si David sa kalapit na bundok, at natatanaw niya mula roon ang kampo ni Saul. Sumigaw siya: ‘Abner, bakit ’di mo binantayan ang hari? Nasaan ang kaniyang banga at sibat?’ Nabosesan ni Saul si David, at sinabi: ‘Napatay mo na sana ako, pero ’di mo ginawa. Alam kong ikaw ang susunod na hari ng Israel.’ Bumalik si Saul sa palasyo. Pero hindi naman lahat sa pamilya ni Saul ay galít kay David.
“Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot.”—Roma 12:18, 19
-
-
Ang Tapat at Matapang na si JonatanMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 42
Ang Tapat at Matapang na si Jonatan
Si Jonatan ang panganay na anak ni Haring Saul. Isa siyang matapang na mandirigma. Sinabi ni David na mas mabilis pa si Jonatan kaysa sa agila at mas malakas pa kaysa sa leon. Isang araw, may nakita si Jonatan na 20 sundalong Filisteo sa isang buról. Sinabi niya sa sundalong kasama niya: ‘Sasalakayin lang natin sila kapag nagbigay si Jehova ng tanda. Kapag sinabihan tayo ng mga Filisteo na umakyat, iyon na ang tanda.’ Sumigaw ang mga Filisteo: ‘Umakyat kayo at makipaglaban sa amin!’ Kaya umakyat ang dalawa at tinalo ang mga Filisteo.
Dahil si Jonatan ang panganay na anak ni Saul, siya dapat ang susunod na hari. Pero alam ni Jonatan na si David ang pinili ni Jehova na maging susunod na hari ng Israel. Imbes na mainggit, naging matalik na kaibigan ni Jonatan si David. Nangako silang poprotektahan nila at ipagtatanggol ang isa’t isa. Ibinigay ni Jonatan kay David ang kaniyang damit, espada, pana, at sinturon bilang tanda ng pagkakaibigan nila.
Noong panahong tumatakas si David kay Saul, pinuntahan siya ni Jonatan at sinabi: ‘Huwag kang matakot. Ikaw ang pinili ni Jehova na maging hari, at alam ’yan ng aking ama.’ Gusto mo bang magkaroon ng mabuting kaibigan na gaya ni Jonatan?
Ilang beses ding nanganib ang buhay ni Jonatan dahil sa pagtulong sa kaibigan niya. Alam niyang gustong patayin ni Haring Saul si David, kaya sinabi niya sa kaniyang ama: ‘Magkakasala ka kapag pinatay mo si David; wala naman siyang kasalanan sa iyo.’ Nagalit si Saul kay Jonatan. Makalipas ang ilang taon, magkasamang namatay sa digmaan sina Saul at Jonatan.
Hinanap ni David ang anak ni Jonatan na si Mepiboset. Nang magkita sila, sinabi ni David kay Mepiboset: ‘Matalik kong kaibigan ang iyong ama, kaya hindi kita pababayaan. Maninirahan ka sa palasyo ko at kakain sa mesa ko.’ Hindi nalimutan ni David ang kaibigan niyang si Jonatan.
“Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.”—Juan 15:12, 13
-
-
Ang Kasalanan ni Haring DavidMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 43
Ang Kasalanan ni Haring David
Nang mamatay si Saul, naging hari si David. Siya ay 30 taóng gulang noon. Pagkaraan ng ilang taóng paghahari niya, isang gabi ay may natanaw siyang magandang babae mula sa bubong ng palasyo niya. Nalaman ni David na Bat-sheba ang pangalan nito at na asawa ito ng sundalong si Uria. Ipinatawag ni David sa palasyo si Bat-sheba. Gumawa sila ng imoralidad, at nagdalang-tao si Bat-sheba. Gustong isekreto ni David ang ginawa niya. Inutusan niya ang heneral ng hukbo na ilagay si Uria sa unahan ng labanan at pagkatapos ay iwanan ito. Nang mapatay si Uria sa digmaan, pinakasalan ni David si Bat-sheba.
Pero nakita ni Jehova ang lahat ng nangyari. Ano kaya ang gagawin niya? Pinapunta ni Jehova kay David si propeta Natan. Sinabi ni Natan: ‘May isang mayamang lalaki na may maraming tupa, at may isang mahirap na lalaki na iisa lang ang tupa; mahal na mahal niya ito. Pero kinuha ng mayaman ang tupa ng lalaking mahirap.’ Nagalit si David at sinabi: ‘Dapat mamatay ang mayamang lalaking iyon!’ Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David: ‘Ikaw ang mayamang lalaking iyon!’ Hiyang-hiya si David sa ginawa niya, at inamin niya kay Natan: “Nagkasala ako kay Jehova.” Dahil sa kasalanang ito, nagkaroon ng maraming problema si David at ang pamilya niya. Pinarusahan ni Jehova si David pero hinayaan pa rin niya itong mabuhay dahil ito ay tapat at mapagpakumbaba.
Gusto ni David na magtayo ng templo para kay Jehova, pero ang anak niyang si Solomon ang pinili ni Jehova na magtayo nito. Inihanda ni David ang mga kakailanganin ni Solomon at sinabi: ‘Dapat na maging magandang-maganda ang templo ni Jehova. Bata pa si Solomon kaya tutulungan ko siya. Ihahanda ko ang mga kailangan niya.’ Nagbigay si David ng napakalaking pera para sa pagtatayo. Naghanap siya ng magagaling na trabahador. Nag-ipon siya ng mga ginto at pilak, at nagpakuha ng mga sedro mula sa Tiro at Sidon. Noong malapit na siyang mamatay, ibinigay ni David kay Solomon ang plano para sa pagtatayo ng templo. Sinabi niya: ‘Ipinasulat ito sa akin ni Jehova para sa iyo. Tutulungan ka ni Jehova. Huwag kang matakot. Simulan mo na ang trabaho.’
“Ang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi magtatagumpay, pero ang nagtatapat at tumatalikod sa mga iyon ay kaaawaan.”—Kawikaan 28:13
-