Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Dalawang Ilustrasyon Tungkol sa Ubasan
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Mga magsasaka na pinapatay ang anak ng may-ari ng ubasan

      KABANATA 106

      Dalawang Ilustrasyon Tungkol sa Ubasan

      MATEO 21:28-46 MARCOS 12:1-12 LUCAS 20:9-19

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA DALAWANG ANAK

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA MGA MAGSASAKA NG UBASAN

      Sa templo, katatapos lang komprontahin ni Jesus ang mga punong saserdote at matatandang lalaking kumuwestiyon sa awtoridad niya. Napatahimik sila ni Jesus. Nagbigay siya ngayon ng isang ilustrasyon na naglantad sa tunay na kulay nila.

      Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang may dalawang anak. Nilapitan niya ang nakatatandang anak at sinabi rito, ‘Anak, magtrabaho ka ngayon sa ubasan.’ Sinabi nito, ‘Ayoko po,’ pero nakonsensiya ito at nagpunta sa ubasan. Nilapitan niya ang nakababatang anak at ganoon din ang sinabi niya. Sumagot ito, ‘Sige po,’ pero hindi ito nagpunta. Sino sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” (Mateo 21:28-31) Maliwanag ang sagot—ang nakatatandang anak na sumunod sa ama nang bandang huli.

      Kaya sinabi ni Jesus sa mga mananalansang: “Sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna na sa inyo sa Kaharian ng Diyos.” Noong una, ayaw ng mga maniningil ng buwis at ng mga babaeng bayaran na maglingkod sa Diyos. Pero gaya ng nakatatandang anak, nagsisi sila at naglilingkod na ngayon sa Diyos. Ang mga lider ng relihiyon naman ay gaya ng nakababatang anak na nagsasabing naglilingkod sa Diyos pero hindi naman. Sinabi ni Jesus: “Si Juan [Bautista] ay dumating sa inyo na nagtuturo ng matuwid na daan, pero hindi kayo naniwala sa kaniya. Ang mga maniningil ng buwis at mga babaeng bayaran ay naniwala sa kaniya. Nakita ninyo ito, pero hindi pa rin kayo nagsisi at hindi kayo naniwala sa kaniya.”—Mateo 21:31, 32.

      Naglahad si Jesus ng isa pang ilustrasyon, at dito, ipinakita niya na mas malala pa sa hindi paglilingkod sa Diyos ang ginawa nila. Ang totoo, napakasama nila. Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, gumawa rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang tore; pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain. Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa mga inaning ubas. Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya. At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila.”—Marcos 12:1-5.

      Maiintindihan kaya ng mga tagapakinig ni Jesus ang ilustrasyon? Maaaring naalala nila ang salita ni Isaias: “Ang ubasan ni Jehova ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay siyang taniman na kaniyang kinagiliwan. At patuloy niyang inaasahan ang kahatulan, ngunit, narito! ang paglabag sa kautusan.” (Isaias 5:7) Katulad ito ng ilustrasyon ni Jesus. Si Jehova ang may-ari ng ubasan, at ang Israel ang ubasan, na nababakuran at napoprotektahan ng Kautusan ng Diyos. Nagsugo si Jehova ng mga propeta para turuan ang bayan at tulungang mamunga ng mabuting bunga.

      Pero minaltrato at pinatay ng “mga magsasaka” ang mga “alipin” na isinugo sa kanila. Ipinaliwanag ni Jesus: “May isa pa siyang [ang may-ari ng ubasan] puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak. Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ Kaya sinunggaban nila siya at pinatay.”—Marcos 12:6-8.

      Nagtanong si Jesus: “Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” (Marcos 12:9) Sumagot ang mga lider ng relihiyon: “Dahil masama sila, pupuksain niya sila at pauupahan ang ubasan sa ibang mga magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng parte niya kapag anihan na.”—Mateo 21:41.

      Wala silang kamalay-malay na hinatulan nila ang sarili nila, dahil kabilang sila sa “mga magsasaka” sa “ubasan” ni Jehova, ang bansang Israel. Kasama sa ani na inaasahan ni Jehova sa mga magsasakang iyon ang pananampalataya sa Anak niya, ang Mesiyas. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging pangunahing batong-panulok. Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?” (Marcos 12:10, 11) Tinumbok ni Jesus ang punto: “Ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang gumagawa ng kalooban ng Diyos.”—Mateo 21:43.

      Nahalata ng mga eskriba at mga punong saserdote na “sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyong ito.” (Lucas 20:19) Kaya lalo silang nagpursiging patayin siya, ang legal na “tagapagmana.” Pero takót sila sa mga tao, na ang turing kay Jesus ay propeta, kaya hindi nila tinangkang patayin si Jesus sa pagkakataong iyon.

      • Kanino lumalarawan ang dalawang anak sa ilustrasyon ni Jesus?

      • Sa ikalawang ilustrasyon, kanino lumalarawan ang “may-ari ng ubasan,” ang “ubasan,” ang “mga magsasaka,” ang mga “alipin,” at ang “tagapagmana”?

      • Ano ang mangyayari sa “mga magsasaka”?

  • Tinawag ng Hari ang mga Imbitado sa Handaan ng Kasal
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Iniutos ng Hari na ihagis sa labas ang lalaki na hindi nakadamit pangkasalan

      KABANATA 107

      Tinawag ng Hari ang mga Imbitado sa Handaan ng Kasal

      MATEO 22:1-14

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA HANDAAN NG KASAL

      Habang palapit ang wakas ng ministeryo ni Jesus, patuloy siyang gumamit ng mga ilustrasyon para ilantad ang mga eskriba at mga punong saserdote. Kaya gusto nila siyang patayin. (Lucas 20:19) Pero hindi pa tapos si Jesus sa kanila. Naglahad siya ng isa pang ilustrasyon:

      “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang hari na nagsaayos ng handaan para sa kasal ng anak niyang lalaki. At inutusan niya ang mga alipin niya para tawagin ang mga imbitado sa handaan, pero ayaw nilang pumunta.” (Mateo 22:2, 3) Sinimulan ni Jesus ang ilustrasyon sa pagbanggit ng “Kaharian ng langit.” Kaya maliwanag na ang Diyos na Jehova ang “hari.” Sino naman ang anak ng hari at ang mga inimbitahan? Malinaw na ang anak ng hari ay ang Anak ni Jehova, ang mismong naglalahad ng ilustrasyon. Malinaw rin na ang mga inimbitahan ay ang mga makakasama ng Anak sa Kaharian ng langit.

      Sino ang mga unang inimbitahan? Buweno, kanino ba ipinangaral ni Jesus at ng mga apostol ang Kaharian? Sa mga Judio. (Mateo 10:6, 7; 15:24) Tinanggap ng bansang ito ang tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., kaya unang-una sila sa listahan ng mapapabilang sa “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:5-8) Pero kailan sila tatawagin sa “handaan para sa kasal”? Nagsimulang mangaral si Jesus tungkol sa Kaharian noong 29 C.E., kaya nang taon ding ito nagsimula ang pag-iimbita.

      Ano ang tugon ng karamihan sa mga Israelita? Gaya ng sabi ni Jesus, “ayaw nilang pumunta.” Hindi tinanggap ng karamihan sa mga lider ng relihiyon at ng mga tao si Jesus bilang ang Mesiyas at Haring pinili ng Diyos.

      Pero ipinakita ni Jesus na may isa pang pagkakataon ang mga Judio: “Inutusan [ng hari] ang iba pang alipin, ‘Sabihin ninyo sa mga imbitado: “Inihanda ko na ang tanghalian, ang aking mga baka at mga pinatabang hayop ay nakatay na, at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa handaan.”’ Pero hindi nila pinansin ang imbitasyon. Ang ilan sa kanila ay pumunta sa bukid, at ang iba ay sa negosyo nila; sinunggaban naman ng iba pa ang mga alipin ng hari, ininsulto ang mga ito, binugbog, at pinatay.” (Mateo 22:4-6) Tumutukoy iyan sa mangyayari kapag naitatag na ang kongregasyong Kristiyano. Sa panahong iyon, may pagkakataon pa ang mga Judio na makapasok sa Kaharian ng Diyos, pero ayaw pa rin ng marami; pinagmalupitan pa nga nila ang mga ‘alipin ng hari.’—Gawa 4:13-18; 7:54, 58.

      Ano ang kahihinatnan ng bansa? Sinabi ni Jesus: “Nagalit nang husto ang hari, kaya isinugo niya ang mga hukbo niya para puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang lunsod nila.” (Mateo 22:7) Naranasan iyan ng mga Judio noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang “lunsod nila,” ang Jerusalem.

      Nang tanggihan nila ang imbitasyon, nangangahulugan ba na wala nang iimbitahan ang hari? Hindi. Ipinagpatuloy ni Jesus ang ilustrasyon: “Pagkatapos, sinabi [ng hari] sa mga alipin niya, ‘Ang handaan ng kasalan ay nakaayos na, pero ang mga inimbitahan ay hindi karapat-dapat. Kaya pumunta kayo sa mga daan na papalabas ng lunsod, at imbitahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’ Kaya pumunta sa mga daan ang mga aliping iyon at inimbitahan ang sinumang makita nila, masamang tao man o mabuti; at ang bulwagan para sa seremonya ng kasal ay napuno ng mga bisita.”—Mateo 22:8-10.

      Kaugnay nito, tutulungan ni apostol Pedro sa kalaunan ang mga Gentil—mga di-likas na Judio o proselita—na maging tunay na Kristiyano. Pagsapit ng 36 C.E., ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at ang pamilya nito ay makatatanggap ng espiritu ng Diyos, at nakalinyang mapabilang sa Kaharian ng langit na binanggit ni Jesus.—Gawa 10:1, 34-48.

      Ipinahiwatig ni Jesus na hindi lahat ng pumunta sa handaan ay magiging katanggap-tanggap sa “hari.” Sinabi niya: “Nang dumating ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaki na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan. Kaya sinabi niya rito, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Hindi ito nakapagsalita. Kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya, ‘Itali ninyo ang mga kamay at paa niya at ihagis siya sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’ Marami ang inimbitahan, pero kakaunti ang pinili.”—Mateo 22:11-14.

      Maaaring hindi naintindihan ng mga lider ng relihiyon ang kahulugan o epekto sa kanila ng sinabi ni Jesus. Pero hindi sila natuwa. Mas nagpursigi silang ipapatay si Jesus, ang naglantad ng tunay na kulay nila.

      • Sa ilustrasyon ni Jesus, sino ang “hari,” ang “anak,” at ang mga unang inimbitahan sa handaan ng kasal?

      • Kailan inimbitahan ang mga Judio, at sino ang iba pang inimbitahan?

      • Ano ang ipinakikita ng sinabi ni Jesus na marami ang inimbitahan pero kakaunti ang pinili?

  • Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Hawak ni Jesus ang baryang pambayad ng buwis nang sagutin niya ang tusong tanong ng mga Pariseo

      KABANATA 108

      Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya

      MATEO 22:15-40 MARCOS 12:13-34 LUCAS 20:20-40

      • IBAYAD KAY CESAR ANG MGA BAGAY NA KAY CESAR

      • PUWEDE BANG MAG-ASAWA ANG MGA BUBUHAYING MULI?

      • ANG PINAKAMAHALAGANG UTOS

      Inis na inis ang mga kaaway ni Jesus. Katatapos lang niyang magbigay ng ilustrasyon na nagbunyag sa tunay na kulay nila. Nagpakana ngayon ang mga Pariseo para hulihin siya. Gusto nilang may masabi siya na puwedeng gamitin laban sa kaniya at ipaaresto siya sa Romanong gobernador. Binayaran nila ang ilang alipores nila para gawin ito.—Lucas 6:7.

      “Guro,” ang sabi ng mga ito, “alam naming nagsasabi ka at nagtuturo ng katotohanan at hindi ka nagtatangi, at tama ang itinuturo mo tungkol sa Diyos: Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” (Lucas 20:21, 22) Hindi nila mauuto si Jesus; kabisado niya ang kanilang pagkukunwari at katusuhan. Kung sasabihin niya, ‘Hindi tamang magbayad ng buwis,’ puwede siyang maakusahan ng sedisyon. Kung sasabihin naman niya, ‘Oo, dapat magbayad ng buwis,’ baka magalit ang taumbayan, na nasusuklam sa pananakop ng Roma. Kaya ano ang isasagot niya?

      Sumagot si Jesus: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Pagkabigay sa kaniya ng isang denario, nagtanong siya: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” Nagbigay ngayon si Jesus ng napakahusay na sagot: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:18-21.

      Humanga sila sa sagot ni Jesus. Hindi sila nakakibo at umalis na lang. Pero hindi pa tapos ang araw, pati na ang pagtatangkang hulihin siya. Matapos pumalya ang mga Pariseo, mga lider naman ng ibang relihiyon ang lumapit kay Jesus.

      Ang mga Saduceo naman, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ang nagtanong tungkol sa pagkabuhay-muli at pagkuha sa biyuda ng namatay na kapatid bilang asawa: “Guro, sinabi ni Moises: ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki dito sa amin. Ang una ay nag-asawa at namatay, at dahil hindi siya nagkaroon ng anak, naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki. Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. Bandang huli, namatay rin ang babae. Ngayon, dahil siya ay napangasawa nilang lahat, sino sa pito ang magiging asawa ng babae kapag binuhay silang muli?”—Mateo 22:24-28.

      Mula sa mga akda ni Moises, na pinaniniwalaan ng mga Saduceo, sumagot si Jesus: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo. Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit. Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman, na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’? Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.” (Marcos 12:24-27; Exodo 3:1-6) Humanga ang mga tao sa sagot na iyon.

      Napatahimik ni Jesus ang mga Pariseo at Saduceo, kaya nagsanib-puwersa ang mga kaaway ni Jesus. Isang eskriba ang nagtanong: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”—Mateo 22:36.

      Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova, at dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.”—Marcos 12:29-31.

      Pagkarinig sa sagot, sinabi ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’; at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng handog na sinusunog at mga hain.” Dahil sa mahusay na sagot ng eskriba, sinabi rito ni Jesus: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.”—Marcos 12:32-34.

      Tatlong araw (Nisan 9, 10, at 11) nang nagtuturo si Jesus sa templo. Nasiyahan ang ilan, gaya ng eskribang ito, sa pakikinig sa kaniya. Pero hindi ang mga lider ng relihiyon, na nawalan ng “lakas ng loob na magtanong sa kaniya.”

      • Paano tinangka ng mga Pariseo na hulihin si Jesus? Ano ang resulta?

      • Nang tangkain ng mga Saduceo na siluin siya, paano sila sinagot ni Jesus?

      • Sa sagot ni Jesus sa tanong ng eskriba, ano ang idiniin niyang pinakamahalagang utos?

  • Binatikos ang mga Mananalansang
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Inilalantad ni Jesus ang tunay na kulay ng mga sumasalansang sa kaniya

      KABANATA 109

      Binatikos ang mga Mananalansang

      MATEO 22:41–23:24 MARCOS 12:35-40 LUCAS 20:41-47

      • KANINONG ANAK ANG KRISTO?

      • INILANTAD NI JESUS ANG MGA MAPAGKUNWARING MANANALANSANG

      Nabigo ang mga mananalansang na siraan si Jesus o hulihin siya sa kaniyang salita at ipaaresto sa mga Romano. (Lucas 20:20) Nasa templo pa rin si Jesus noong Nisan 11, at siya naman ang nagtanong sa kanila para ipakita kung sino talaga siya: “Ano ang tingin ninyo sa Kristo? Kaninong anak siya?” (Mateo 22:42) Alam ng lahat na ang Kristo, o Mesiyas, ay manggagaling sa angkan ni David. At iyan ang isinagot nila.—Mateo 9:27; 12:23; Juan 7:42.

      Nagtanong uli si Jesus: “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na Panginoon? Sinabi ni David udyok ng banal na espiritu: ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’ Ngayon, kung tinatawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak ni David?”—Mateo 22:43-45.

      Walang maisagot ang mga Pariseo, dahil isang tao sa angkan ni David ang inaasahan nilang darating para palayain sila mula sa Roma. Pero gamit ang salita ni David sa Awit 110:1, 2, ipinakita ni Jesus na ang Mesiyas ay hindi lang basta isang tagapamahalang tao; Panginoon siya ni David. At matapos umupo sa kanan ng Diyos, mamamahala siya bilang Hari. Sa sagot ni Jesus, hindi nakakibo ang mga kaaway niya.

      Bukod sa mga alagad, marami pang iba ang nakikinig. Ngayon, nagbabala si Jesus tungkol sa mga eskriba at Pariseo. Ang mga ito ay “umupo sa upuan ni Moises” para magturo ng Kautusan ng Diyos. Pinayuhan ni Jesus ang mga nakikinig: “Gawin ninyo ang lahat ng sinasabi nila, pero huwag ninyong gayahin ang ginagawa nila, dahil hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.”—Mateo 23:2, 3.

      Nagbigay si Jesus ng halimbawa ng pagkukunwari nila: “Pinalalaki nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon.” Ang ilang Judio ay naglalagay sa noo o sa braso nila ng maliliit na lalagyan na may maiikling pagsipi sa Kautusan. Pero pinalaki ng mga Pariseo ang lalagyan nila para palabasing may debosyon sila sa Kautusan. Kanila ring “pinahahaba ang mga palawit ng mga damit nila.” Dapat maglagay ng palawit sa damit ang mga Israelita, pero mas pinahaba ng mga Pariseo ang palawit ng damit nila. (Bilang 15:38-40) Ginagawa nila ang mga ito “para makita ng mga tao.”—Mateo 23:5.

      Kahit ang mga alagad ni Jesus ay may tendensiyang maghangad ng posisyon, kaya pinayuhan niya sila: “Huwag kayong patawag na Rabbi, dahil iisa ang inyong Guro, at lahat kayo ay magkakapatid. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama, ang nasa langit. At huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Kaya ano ang dapat na tingin ng mga alagad sa sarili? At paano sila dapat gumawi? Idinagdag ni Jesus: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maglingkod. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:8-12.

      Pagkatapos, ipinahayag ni Jesus ang miserableng kalagayan ng mapagkunwaring mga eskriba at Pariseo: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinasara ninyo ang Kaharian ng langit sa mga tao; dahil kayo mismo ay hindi pumapasok, at hinahadlangan ninyo ang mga papasók na rito.”—Mateo 23:13.

      Binatikos ni Jesus ang mga Pariseo dahil wala silang pakialam sa kung ano ang mahalaga sa Diyos, gaya ng makikita sa mga tuntuning gawa-gawa nila. Halimbawa, sinasabi nila: “Kung ipanumpa ng isa ang templo, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang ginto ng templo, obligado siyang tuparin ito.” Kitang-kita ang baluktot na pangangatuwiran nila. Mas mahalaga sa kanila ang ginto ng templo kaysa sa layunin kung bakit may templo—sambahin si Jehova at mapalapít sa kaniya. At binabale-wala nila ang “mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:16, 23; Lucas 11:42.

      Tinawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay” ang mga Pariseong ito, “na sumasala ng niknik pero lumululon ng kamelyo!” (Mateo 23:24) Sinasala nila ang niknik mula sa alak dahil marumi ito sa seremonyal na paraan. Pero ang pagbale-wala nila sa mas mahahalagang bagay sa Kautusan ay tulad ng paglulon ng kamelyo, na marumi rin sa seremonyal na paraan at di-hamak na mas malaki kaysa sa niknik.—Levitico 11:4, 21-24.

      • Nang tanungin ni Jesus ang mga Pariseo tungkol sa sinabi ni David sa Awit 110, bakit hindi sila nakakibo?

      • Bakit ginagawang mas malaki ng mga Pariseo ang kanilang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan at pinahahaba ang mga palawit ng kanilang damit?

      • Ano ang ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share