-
Pinili ni Moises na Sambahin si JehovaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 17
Pinili ni Moises na Sambahin si Jehova
Sa Ehipto, ang pamilya ni Jacob ay nakilala bilang mga Israelita. Pagkamatay ni Jacob at ni Jose, may namahalang bagong Paraon. Natakot siya na baka maging mas makapangyarihan ang mga Israelita kaysa sa mga Ehipsiyo. Kaya inalipin ng Paraon na ito ang mga Israelita. Pinagawa niya sila ng mga laryo, o bricks, at pinagtrabaho sa bukid. Pero habang pinagtatrabaho nang mabigat ang mga Israelita, lalo silang dumadami. Hindi ito nagustuhan ng Paraon, kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng lalaking sanggol na isisilang ng mga Israelita. Siguradong takót na takót noon ang mga Israelita.
Isang babaeng Israelita, si Jokebed, ang nagsilang ng sanggol na lalaki. Para hindi mapatay ang sanggol, inilagay niya ito sa basket at itinago sa gitna ng matataas na halaman sa Ilog Nilo. Nasa malapit lang si Miriam, ang ate ng sanggol, at tinitingnan kung ano ang mangyayari.
Dumating ang anak na babae ng Paraon para maligo sa ilog. Nakita niya ang basket. Nang buksan niya ito, nakita niya ang sanggol na umiiyak, at naawa siya. Nagtanong si Miriam: ‘Gusto n’yo po bang humanap ako ng babaeng mag-aalaga sa sanggol?’ Nang pumayag ang anak ng Paraon, isinama ni Miriam ang nanay niyang si Jokebed. Sinabi ng anak ng Paraon sa kaniya: ‘Kunin mo ang sanggol at alagaan mo siya, at susuwelduhan kita.’
Nang malaki na ang bata, dinala siya ni Jokebed sa anak ng Paraon. Pinangalanan nitong Moises ang bata at pinalaki na parang sariling anak. Lumaki si Moises bilang prinsipe at puwede niyang makuha ang lahat ng gusto niya. Pero hindi kinalimutan ni Moises si Jehova. Alam niyang Israelita siya, hindi Ehipsiyo. At si Jehova ang pinili niyang paglingkuran.
Sa edad na 40, inisip ni Moises na dapat niyang tulungan ang mga katulad niyang Israelita. Nang makita niyang pinapahirapan ng isang Ehipsiyo ang isang aliping Israelita, gumanti si Moises at napatay niya ito. Ibinaon ni Moises sa buhanginan ang katawan nito. Nalaman ito ng Paraon, kaya gusto niyang patayin si Moises. Pero tumakas si Moises at pumunta sa lupain ng Midian. Hindi siya pinabayaan ni Jehova doon.
“Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto [at] mas pinili niyang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.”—Hebreo 11:24, 25
-
-
Ang Nag-aapoy na HalamanMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 18
Ang Nag-aapoy na Halaman
Tumira si Moises sa Midian nang 40 taon. Nakapag-asawa siya at nagkaroon ng mga anak. Isang araw, habang nagbabantay ng mga tupa malapit sa Bundok Sinai, may nakita siyang kakaiba. Isang matinik na halaman ang nag-aapoy, pero hindi nasusunog! Paglapit ni Moises para tingnan iyon, may nagsalita mula sa halaman: ‘Moises! Hanggang diyan ka lang. Hubarin mo ang sandalyas mo kasi banal ang lugar na ito.’ Si Jehova ang nagsasalita sa pamamagitan ng isang anghel.
Natakot si Moises, kaya tinakpan niya ang mukha niya. Sinabi ng boses: ‘Nakita ko ang paghihirap ng mga Israelita. Ililigtas ko sila mula sa Ehipto at dadalhin sa isang magandang lupain. Ikaw ang maglalabas sa kanila sa Ehipto.’ Siguradong nagulat si Moises!
Nagtanong si Moises: ‘Ano’ng sasabihin ko kapag nagtanong sila kung sino ang nagsugo sa akin?’ Sumagot ang Diyos: ‘Sabihin mo sa kanila na ang nagsugo sa iyo ay si Jehova, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Pagkatapos, sinabi ni Moises: ‘Paano kung hindi sila makinig sa akin?’ Nagbigay si Jehova ng ebidensiya na tutulungan niya si Moises. Inutusan niya si Moises na ihagis sa lupa ang tungkod nito. Naging ahas ang tungkod! Nang hawakan ni Moises ang buntot ng ahas, naging tungkod ulit ito. Sinabi ni Jehova: ‘Gawin mo ang tandang ito, at ito mismo ang magpapatunay na isinugo kita.’
Sinabi ni Moises: ‘Hindi ako magaling magsalita.’ Nangako si Jehova: ‘Ituturo ko sa iyo ang dapat sabihin, at uutusan ko si Aaron na tulungan ka.’ Dahil alam ni Moises na tutulungan siya ni Jehova, bumalik siya sa Ehipto kasama ang kaniyang asawa at mga anak.
“Huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano ninyo ito sasabihin, dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon.”—Mateo 10:19
-
-
Ang Unang Tatlong SalotMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 19
Ang Unang Tatlong Salot
Ang mga Israelita ay pinagtrabaho bilang mga alipin. Inutusan ni Jehova sina Moises at Aaron na sabihin sa Paraon: ‘Palayain mo ang aking bayan para makasamba sila sa akin sa ilang.’ Sumagot ang mayabang na Paraon: ‘Wala akong pakialam kay Jehova. Hindi ko palalayain ang mga Israelita.’ At lalo pang pinahirapan ng Paraon ang mga Israelita. Tuturuan ni Jehova ng leksiyon ang Paraon. Alam mo ba kung ano ang ginawa ni Jehova? Ipinadala niya sa Ehipto ang Sampung Salot. Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Ayaw makinig ng Paraon sa akin. Bukas ng umaga, pupunta siya sa Ilog Nilo. Sundan mo siya doon at sabihin sa kaniya na dahil ayaw niyang palayain ang aking bayan, magiging dugo ang tubig sa Nilo.’ Pinuntahan ni Moises ang Paraon. Kitang-kita ng Paraon nang hampasin ni Aaron ng tungkod ang Nilo, at ang ilog ay naging dugo. Bumaho ang ilog, namatay ang mga isda, at hindi na puwedeng inumin ang tubig ng Nilo. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.
Pagkaraan ng pitong araw, pinabalik ni Jehova si Moises para sabihin sa Paraon: ‘Kapag hindi mo pinalaya ang aking bayan, mapupuno ng palaka ang buong Ehipto.’ Itinaas ni Aaron ang tungkod niya at napuno nga ng palaka ang buong lupain. Nagkaroon ng mga palaka sa kanilang bahay, higaan, at kainán. May mga palaka sa lahat ng lugar! Sinabi ng Paraon kay Moises na pakiusapan si Jehova na itigil na ang salot. Nangako ang Paraon na palalayain na niya ang mga Israelita. Kaya pinatigil ni Jehova ang salot. Tinipon ng mga Ehipsiyo ang mga patay na palaka, at napakarami nito. Bumaho ang buong lupain. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.
‘Tapos, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Dapat ihampas ni Aaron ang tungkod niya sa lupa, at ang alabok ay magiging niknik, o maliliit na insektong nangangagat.’ Bigla ngang nagkaroon ng niknik sa lahat ng lugar. Sinabi ng ilang Ehipsiyo sa Paraon: ‘Galing sa Diyos ang salot na ito.’ Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.
“Ipapakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan at kalakasan, at malalaman nila na ang pangalan ko ay Jehova.”—Jeremias 16:21
-
-
Ang Sumunod na Anim na SalotMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 20
Ang Sumunod na Anim na Salot
Pumunta sina Moises at Aaron sa Paraon para sabihin ang mensahe ng Diyos: ‘Kung hindi mo palalayain ang bayan ko, magpapadala ako ng mga langaw na nangangagat.’ Sinalakay ng mga langaw na nangangagat ang bahay ng mga Ehipsiyo, mayaman at mahirap. Ang buong lupain ay punong-puno ng langaw na nangangagat. Pero sa lupain ng Gosen, na tinitirhan ng mga Israelita, walang langaw na nangangagat. Mula sa ikaapat na salot na ito, mga Ehipsiyo lang ang naapektuhan. Nagmakaawa ang Paraon: ‘Pakiusapan n’yo si Jehova na alisin ang mga langaw na ito. Palalayain ko na ang mga Israelita.’ Pero nang alisin ni Jehova ang mga langaw, nagbago na naman ang isip ng Paraon. Kailan kaya matututo ang Paraon?
Sinabi ni Jehova: ‘Kung hindi palalayain ng Paraon ang Israel, magkakasakit at mamamatay ang mga alagang hayop ng mga Ehipsiyo.’ Kinabukasan, namatay nga ang mga alagang hayop ng mga Ehipsiyo. Pero hindi namatay ang mga alagang hayop ng mga Israelita. Matigas pa rin ang ulo ng Paraon, at ayaw pa rin niyang palayain ang mga Israelita.
Pagkatapos, inutusan ni Jehova si Moises na bumalik sa Paraon at magsaboy ng abo sa hangin. Ang abo ay naging alabok na tinangay ng hangin papunta sa mga Ehipsiyo. Kaya nagkaroon sila ng nagnanaknak na mga sugat, pati na ang mga alagang hayop nila. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.
Pinabalik ulit ni Jehova si Moises sa Paraon para sabihin ang mensahe Niya: ‘Ayaw mo pa rin bang palayain ang mga Israelita? Bukas, uulan ng yelo.’ Kinabukasan, nagpaulan nga si Jehova ng yelo. Nagkaroon din ng apoy at kulog. Ito ang pinakamatinding bagyong nangyari sa Ehipto. Nasira ang lahat ng puno at pananim, pero hindi naapektuhan ang Gosen. Sinabi ng Paraon: ‘Makiusap kayo kay Jehova na patigilin ito! ’Tapos, puwede na kayong umalis.’ Pero nang tumigil ang pagbuhos ng yelo at ulan, nagbago na naman ang isip ng Paraon.
Sinabi ni Moises: ‘Ngayon, kakainin naman ng mga balang ang lahat ng halamang hindi nasira ng bagyo.’ Dumating ang napakaraming balang at inubos ang lahat ng natira sa bukid at sa mga puno. Nagmakaawa ang Paraon: ‘Makiusap kayo kay Jehova na alisin ang mga balang.’ Pero kahit inalis na ni Jehova ang mga balang, matigas pa rin ang ulo ng Paraon.
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Itaas mo ang iyong kamay.’ Biglang dumilim ang langit. Tatlong araw na walang makita ang mga Ehipsiyo dahil sa sobrang dilim. Ang bahay lang ng mga Israelita ang maliwanag.
Sinabi ng Paraon kay Moises: ‘Sige, umalis na kayo, pero hindi n’yo madadala ang inyong mga alagang hayop.’ Sinabi ni Moises: ‘Dadalhin namin ang mga hayop namin para may maihandog kami sa aming Diyos.’ Galít na galít ang Paraon. Sumigaw siya: ‘Lumayas ka sa harap ko! Kapag nagpakita ka pa, papatayin kita.’
“Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama, ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18
-
-
Ang Ikasampung SalotMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 21
Ang Ikasampung Salot
Sinabi ni Moises sa Paraon na hindi na siya magpapakita ulit. Pero bago siya umalis, sinabi rin niya sa Paraon: ‘Mamayang hatinggabi, mamamatay ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa anak ng Paraon hanggang sa anak ng mga alipin.’
Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na maghanda ng espesyal na hapunan. Sinabi niya: ‘Magkatay kayo ng isang-taóng-gulang na lalaking tupa o kambing, at ipahid ninyo ang dugo nito sa hamba ng inyong pinto. Ihawin n’yo ang karne, at kainin kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Magbihis kayo, at isuot ang sandalyas ninyo, at maghanda sa paglalakbay. Ngayong gabi, palalayain ko kayo.’ Ang saya-saya siguro ng mga Israelita, ’di ba?
Noong hatinggabi na, pinuntahan ng anghel ni Jehova ang bawat bahay sa Ehipto. Ang panganay sa loob ng mga bahay na walang pahid ng dugo sa gilid ng pintuan ay namatay. Pero nilampasan ng anghel ang mga bahay na pinahiran ng dugo. Namatayan ng anak ang bawat pamilyang Ehipsiyo, mayaman man o mahirap. Pero walang namatay na anak ang mga Israelita.
Kahit ang anak ng Paraon, namatay din. Hindi na ito nakayanan ng Paraon. Sinabi niya agad kina Moises at Aaron: ‘Sige! Umalis na kayo at sumamba sa Diyos n’yo. Dalhin n’yo nang lahat ang alagang hayop n’yo at umalis na kayo!’
Kabilugan ng buwan nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto. Grupo-grupo sila ayon sa kanilang pamilya at tribo. May 600,000 Israelitang lalaki, at maraming babae at bata. Marami ring ibang tao na sumama para sambahin si Jehova. Sa wakas, nakalaya ang mga Israelita!
Para alalahanin kung paano sila iniligtas ni Jehova, naghahanda sila ng ganoon ding espesyal na hapunan taon-taon. Tinawag iyon na Paskuwa.
“Pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.”—Roma 9:17
-
-
Ang Himala sa Dagat na PulaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 22
Ang Himala sa Dagat na Pula
Nang malaman ng Paraon na nakaalis na sa Ehipto ang mga Israelita, nagbago na naman ang isip niya. Inutusan niya ang kaniyang mga sundalo: ‘Ihanda ninyo ang lahat ng karwaheng pandigma at habulin natin sila! Hindi natin sila dapat pinaalis.’ Hinabol nila ang mga Israelita.
Ginabayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang ulap kapag araw at apoy naman kapag gabi. Inakay niya sila sa Dagat na Pula, at pinagkampo doon.
Nakita ng mga Israelita na hinahabol sila ng Paraon at ng mga sundalo niya. Nasa harap nila ang dagat at nasa likod naman ang mga sundalong Ehipsiyo. Sinabi nila kay Moises: ‘Mamamatay tayo! Sana iniwan mo na lang kami sa Ehipto.’ Pero sinabi ni Moises: ‘Huwag kayong matakot. Ililigtas tayo ni Jehova. Maghintay lang tayo.’ Talagang nagtitiwala si Moises kay Jehova, ’di ba?
Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na maghanda sila. Noong gabing iyon, inilagay ni Jehova ang ulap sa pagitan ng mga Ehipsiyo at ng mga Israelita. Madilim sa lugar ng mga Ehipsiyo, pero maliwanag sa lugar ng mga Israelita.
Sinabi ni Jehova kay Moises na itaas ang kamay nito sa ibabaw ng dagat. Sa utos ni Jehova, humihip ang isang napakalakas na hangin buong gabi. Nahati ang dagat at nagkaroon ng daan sa gitna. Naglakad ang milyon-milyong Israelita sa tuyong lupa, sa pagitan ng mga pader na tubig hanggang sa makatawid sila.
Sinundan ng hukbo ng Paraon ang mga Israelita sa tuyong lupa. ’Tapos, nilito ni Jehova ang hukbo. Natanggal ang mga gulong ng mga karwaheng pandigma nila. Sumigaw ang mga sundalo: ‘Umalis na tayo dito! Si Jehova ang nakikipaglaban para sa kanila.’
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat.’ Biglang bumagsak sa hukbong Ehipsiyo ang mga pader na tubig. Namatay ang Paraon pati na ang lahat ng sundalo niya. Walang nakaligtas sa kanila.
Sa kabilang panig ng dagat, umawit ang mga nakalaya para purihin ang Diyos: “Umawit kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati. Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat.” Kasabay ng mga nag-aawitan, ang mga babae ay nagsasayaw at nagpapatugtog ng tamburin. Masayang-masaya ang lahat kasi malaya na sila.
“Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: ‘Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”—Hebreo 13:6
-
-
Isang Pangako kay JehovaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 23
Isang Pangako kay Jehova
Mga dalawang buwan pagkaalis sa Ehipto, nakarating ang mga Israelita sa Bundok Sinai at nagkampo doon. Pinaakyat ni Jehova si Moises sa bundok at sinabi sa kaniya: ‘Iniligtas ko ang mga Israelita. Kung susundin nila ang aking mga utos, magiging espesyal na bayan ko sila.’ Bumaba si Moises at sinabi sa mga Israelita ang sinabi ni Jehova. Ano ang sagot nila? Sinabi ng mga Israelita: ‘Gagawin namin ang lahat ng ipinapagawa ni Jehova.’
Umakyat ulit si Moises sa bundok. Doon, sinabi ni Jehova: ‘Tatlong araw mula ngayon, makikipag-usap ako sa iyo. Sabihin mo sa bayan na huwag silang aakyat sa Bundok Sinai.’ Bumaba si Moises at sinabi sa mga Israelita na maghanda para sa sasabihin ni Jehova.
Pagkaraan ng tatlong araw, nakakita ang mga Israelita ng kidlat at isang makapal na ulap sa bundok. Nakarinig din sila ng malakas na kulog at tunog ng tambuli, o trumpeta. Pagkatapos, bumaba sa bundok si Jehova na parang apoy. Nanginig sa takot ang mga Israelita. Umuga nang malakas ang bundok at nabalot ito ng usok. Ang tunog ng tambuli ay palakas nang palakas. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: ‘Ako si Jehova. Huwag kayong sasamba sa ibang mga diyos.’
Umakyat ulit si Moises sa bundok, at ibinigay ni Jehova sa kaniya ang mga utos para sa bayan. Tungkol ito sa tamang paraan ng pagsamba sa Kaniya at kung paano sila dapat gumawi. Isinulat ni Moises ang mga utos at binasa iyon sa mga Israelita. Nangako sila: ‘Gagawin namin ang lahat ng ipinapagawa ni Jehova.’ Oo, nangako sila sa Diyos. Pero tutuparin kaya nila iyon?
“Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.”—Mateo 22:37
-
-
Hindi Sila Tumupad sa PangakoMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 24
Hindi Sila Tumupad sa Pangako
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Umakyat ka dito sa bundok. Isusulat ko sa mga tapyas na bato ang mga utos ko at ibibigay sa iyo.’ Umakyat si Moises sa bundok at 40 araw at gabi siyang nanatili doon. Habang nandoon siya, isinulat ni Jehova sa dalawang tapyas na bato ang Sampung Utos at ibinigay ang mga iyon kay Moises.
Nang magtagal-tagal, inakala ng mga Israelita na iniwan na sila ni Moises. Sinabi nila kay Aaron: ‘Gusto namin ng isang mangunguna sa amin. Igawa mo kami ng isang diyos!’ Sinabi ni Aaron: ‘Ibigay n’yo sa akin ang inyong mga ginto.’ Tinunaw niya ang mga ginto at ginawang isang estatuwang guya, o batang baka. Sinabi ng mga Israelita: ‘Ang guyang ito ang Diyos na naglabas sa atin mula sa Ehipto!’ Sumamba sila sa gintong guya at nagdiwang. Mali ba iyon? Oo, kasi nangako silang si Jehova lang ang sasambahin nila. Pero ngayon, hindi nila tinutupad ang pangakong iyon.
Nakikita ni Jehova ang nangyayari. Sinabi niya kay Moises: ‘Bumaba ka. Sinusuway ako ng bayan at sumasamba sila sa diyos-diyusan.’ Bumaba si Moises sa bundok dala ang dalawang tapyas na bato.
Habang papalapit si Moises sa kampo, narinig niyang nagkakantahan ang mga Israelita. ’Tapos, nakita niya silang nagsasayawan at yumuyukod sa estatuwa. Galít na galít si Moises. Inihagis niya ang dalawang tapyas na bato at nabasag ang mga ito. Sinira niya agad ang estatuwa. Pagkatapos, tinanong niya si Aaron: ‘Paano ka nila nakumbinsing gawin ang napakasamang bagay na ito?’ Sinabi ni Aaron: ‘Huwag kang magalit. Kilala mo naman ang mga taong ito. Gusto nila ng isang diyos, kaya inihagis ko sa apoy ang mga ginto nila at lumabas ang guyang ito!’ Hindi iyon dapat ginawa ni Aaron. Umakyat ulit si Moises sa bundok at nakiusap kay Jehova na patawarin ang bayan.
Pinatawad ni Jehova ang mga gustong sumunod sa kaniya. Napakahalagang sundin ng mga Israelita ang pangunguna ni Moises, ’di ba?
“Kapag nanata ka sa Diyos, huwag mong ipagpaliban ang pagtupad dito, dahil hindi siya nalulugod sa mga mangmang. Tuparin mo ang ipinanata mo.”—Eclesiastes 5:4
-
-
Tabernakulo Para sa PagsambaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 25
Tabernakulo Para sa Pagsamba
Noong nasa Bundok Sinai si Moises, inutusan siya ni Jehova na magtayo ng isang espesyal na tolda, o tent, na tinatawag na tabernakulo. Doon sasambahin ng mga Israelita si Jehova. Puwede nilang ilipat ang tabernakulo kahit saan sila pumunta.
Sinabi ni Jehova: ‘Sabihin mo sa bayan na magbigay ng anumang kaya nila para makapagtayo ng tabernakulo.’ Nagbigay ang mga Israelita ng ginto, pilak, tanso, mahahalagang bato, at mga alahas. Nagbigay din sila ng mamahaling mga tela, balat ng hayop, at marami pang iba. Napakarami nilang ibinigay, kaya sinabi ni Moises: ‘Tama na. Huwag n’yo nang dagdagan.’
Maraming mahuhusay na lalaki at babae ang tumulong sa pagtatayo ng tabernakulo. Binigyan sila ni Jehova ng talino para sa trabahong ito. May mga nag-iikid ng sinulid, naghahabi ng tela, o nagbuburda. Ang iba naman ay nagkakabit ng mga bato, gumagawa ng kagamitang ginto, at nag-uukit ng kahoy.
Ginawa nila ang tabernakulo ayon sa utos ni Jehova. Gumawa sila ng isang magandang kurtina para paghiwalayin ang dalawang bahagi ng tabernakulo, ang Banal at ang Kabanal-banalan. Nasa loob ng Kabanal-banalan ang kaban ng tipan, na yari sa ginto at kahoy na akasya. Sa loob naman ng Banal, may kandelerong ginto, mesa, at altar para sa pagsusunog ng insenso. Sa bakuran naman, may hugasang yari sa tanso at isang malaking altar. Ang kaban ng tipan ay nagpapaalaala sa mga Israelita ng kanilang pangakong susundin nila si Jehova. Alam mo ba kung ano ang tipan? Isa itong espesyal na pangako.
Si Aaron at ang mga anak niya ang pinili ni Jehova na maging saserdote sa tabernakulo. Iingatan nila ito at dito sila maghahain kay Jehova. Si Aaron lang, na mataas na saserdote, ang puwedeng pumasok sa Kabanal-banalan. Pumapasok siya dito isang beses sa isang taon at naghahain para sa kasalanan niya, ng pamilya niya, at ng buong bansang Israel.
Natapos ng mga Israelita ang tabernakulo isang taon pagkaalis nila sa Ehipto. Ngayon, may lugar na sila para sambahin si Jehova.
Pinunô ni Jehova ng kaluwalhatian niya ang tabernakulo at naglagay siya ng ulap sa ibabaw nito. Hangga’t nasa ibabaw ng tabernakulo ang ulap, nananatili ang mga Israelita. Pero kapag tumaas ang ulap, alam nilang kailangan na silang lumipat. Kakalasin nila ang tabernakulo at susundan ang ulap.
“Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Tingnan mo! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at maninirahan siyang kasama nila, at sila ay magiging bayan niya. At ang Diyos mismo ay sasakanila.’”—Apocalipsis 21:3
-
-
Ang Labindalawang EspiyaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 26
Ang Labindalawang Espiya
Ang mga Israelita ay umalis sa Bundok Sinai at naglakbay sa disyerto ng Paran papunta sa isang lugar na tinatawag na Kades. Doon sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Magpadala ka ng 12 lalaki, isa mula sa bawat tribo, para mag-espiya sa Canaan, ang lupain na ibibigay ko sa mga Israelita.’ Kaya pumili si Moises ng 12 lalaki at sinabi sa kanila: ‘Pumunta kayo sa Canaan, at tingnan n’yo kung mataba ang lupa doon. Tingnan n’yo din kung mahihina o malalakas ang mga tagaroon at kung nakatira sila sa mga tolda o sa mga lunsod.’ Pumunta sa Canaan ang 12 espiya, at kasama doon sina Josue at Caleb.
Pagkaraan ng 40 araw, bumalik ang mga espiya na may dalang mga prutas na igos, granada, at ubas. Ikinuwento nila: ‘Mataba ang lupa doon, pero malalakas ang mga tao at matataas ang pader ng lunsod nila.’ Sinabi naman ni Caleb: ‘Matatalo natin sila. Pumunta na tayo do’n!’ Alam mo ba kung bakit sinabi ’yon ni Caleb? Kasi, sila ni Josue ay nagtitiwala kay Jehova. Pero sinabi ng 10 espiya: ‘Huwag! Ang mga tao doon ay kasinlalaki ng higante! Para lang kaming mga tipaklong kumpara sa kanila.’
Natakot ang mga Israelita. Nagreklamo sila at sinabi: ‘Pumili tayo ng ibang lider at bumalik na lang tayo sa Ehipto. Bakit pa tayo pupunta sa lugar na ’yon kung mapapatay lang tayo?’ Pero sinabi nina Josue at Caleb: ‘Sundin natin si Jehova, at huwag tayong matakot. Poprotektahan tayo ni Jehova.’ Ayaw makinig ng mga Israelita. Gusto pa nga nilang patayin sina Josue at Caleb!
Ano ang ginawa ni Jehova? Sinabi niya kay Moises: ‘Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko para sa mga Israelita, ayaw pa rin nila akong sundin. Kaya 40 taon silang mananatili sa ilang, at doon na sila mamamatay. Ang mga anak lang nila, pati sina Josue at Caleb, ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanila.’
“Bakit takot na takot kayo? Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?”—Mateo 8:26
-
-
Nagrebelde Sila kay JehovaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 27
Nagrebelde Sila kay Jehova
Habang nasa ilang ang mga Israelita, sina Kora, Datan, Abiram, at ang 250 iba pa ay nagrebelde kay Moises. Sinabi nila: ‘Ayaw na namin sa inyo! Bakit ikaw ang dapat na maging lider namin at bakit si Aaron ang mataas na saserdote? Pare-pareho lang naman ang tingin sa atin ni Jehova.’ Hindi ’yon nagustuhan ni Jehova. Itinuring niyang pagrerebelde iyon sa kaniya!
Sinabi ni Moises kay Kora at sa mga kakampi nito: ‘Pumunta kayo sa tabernakulo bukas, at magdala kayo ng lalagyan ng baga na may insenso. Ipapakita ni Jehova sa atin kung sino ang pinili niya.’
Kinabukasan, si Kora at ang 250 lalaki ay pumunta sa tabernakulo para makipagkita kay Moises. Nagsunog sila doon ng insenso na para bang sila ay mga saserdote. Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: ‘Humiwalay kayo kay Kora at sa mga kasama niya.’
Nang magpunta si Kora sa tabernakulo, hindi sumama sina Datan, Abiram, at ang pamilya nila. Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na lumayo sa tolda nina Kora, Datan, at Abiram. Agad na lumayo ang mga Israelita. Nakatayo sina Datan, Abiram, at ang pamilya nila sa labas ng kanilang tolda. Bigla na lang nabiyak ang lupa at kinain sila! Sa tabernakulo naman, may bumabang apoy galing sa langit at sinunog si Kora at ang 250 lalaking kasama niya.
‘Tapos, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Kumuha ka ng tungkod mula sa lider ng bawat tribo, at isulat mo doon ang pangalan ng lider. Pero sa tungkod ng tribo ni Levi, isulat mo ang pangalan ni Aaron. Ipasok mo ang mga iyon sa tabernakulo, at ang tungkod ng lalaking pinili ko ay mamumulaklak.’
Kinabukasan, inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita iyon sa mga lider. Namulaklak ang tungkod ni Aaron at nagkaroon ito ng hinog na prutas ng almendras. Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jehova na talagang si Aaron ang pinili niyang maging mataas na saserdote.
“Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.”—Hebreo 13:17
-