Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Walang Mamamatay sa Inyo”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
    • KABANATA 26

      “Walang Mamamatay sa Inyo”

      Kitang-kita ang malaking pananampalataya ni Pablo at ang pag-ibig niya sa mga tao nang mawasak ang barkong sinasakyan nila

      Batay sa Gawa 27:1–28:10

      1, 2. Ano ang naghihintay kay Pablo sa kaniyang paglalakbay patungong Roma, at ano ang ilan sa maaaring ikinababahala niya?

      “KAY Cesar ka pupunta.” Hindi maalis ni Pablo sa isip ang pananalitang iyan ni Gobernador Festo dahil malaki ang magiging papel niyan sa mangyayari sa apostol. Dalawang taon na ring nakabilanggo si Pablo, kaya kahit paano, medyo mababago naman ang kaniyang paligid sa mahabang paglalakbay patungong Roma. (Gawa 25:12) Pero alam ni Pablo na hindi lang puro sariwang hangin at malawak na karagatan ang maaasahan niya. Maaaring may mabibigat na tanong na babangon sa isip ni Pablo sa paglalakbay na ito patungong Roma para humarap kay Cesar.

      2 Maraming ulit na ring “nanganib . . . sa dagat” si Pablo. Sa katunayan, tatlong beses na siyang nakaranas ng pagkawasak ng barko, at inabot pa nga siya ng isang gabi’t isang araw sa gitna ng dagat. (2 Cor. 11:25, 26) Isa pa, ang paglalakbay na ito ay naiiba sa nauna niyang mga paglalakbay-misyonero bilang malayang tao. Si Pablo ay maglalakbay nang napakalayo—mahigit 3,000 kilometro mula sa Cesarea hanggang sa Roma—bilang isang bilanggo. Magiging ligtas kaya ang kaniyang paglalakbay? Kung makarating man siya nang ligtas, ’di kaya doon naman siya mapahamak? Tandaan, ang pinakamakapangyarihang tagapamahalang tao sa daigdig ni Satanas noong panahong iyon ang hahatol sa kaniya.

      3. Ano ang determinadong gawin ni Pablo, at ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?

      3 Batay sa mga nabasa mo tungkol kay Pablo, sa tingin mo kaya’y mawawalan siya ng pag-asa at masisiraan ng loob dahil sa maaaring mangyari sa kaniya ngayon? Hinding-hindi! Alam niyang marami pa siyang hirap na daranasin. Ang hindi nga lang niya alam ay kung anong partikular na problema ang babangon. Kaya bakit niya hahayaang mawala ang kaniyang kagalakan sa ministeryo sa kaiisip sa mga bagay na hindi naman niya kayang kontrolin? (Mat. 6:27, 34) Alam ni Pablo na kalooban ni Jehova na gamitin niya ang bawat pagkakataon para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kahit sa mga tagapamahala. (Gawa 9:15) Determinado siyang gampanan ang kaniyang atas, anuman ang mangyari. Tayo rin ba? Sundan natin ngayon si Pablo sa makasaysayang paglalakbay na ito at tingnan kung paano tayo makikinabang sa kaniyang halimbawa.

      ‘Pasalungat ang Hangin’ sa Amin (Gawa 27:1-7a)

      4. Anong uri ng barko ang sinakyan ni Pablo, at sino ang mga kasama niya?

      4 Si Pablo at ang iba pang mga bilanggo ay ipinaubaya sa Romanong opisyal na si Julio, na nagpasiyang sumakay sa isang barkong pangkalakal na dumaong sa Cesarea. Galing ang barko sa Adrameto, isang daungan sa kanlurang baybayin ng Asia Minor, katapat ng lunsod ng Mitilene sa isla ng Lesbos. Ang barkong ito ay maglalayag muna pahilaga at pagkatapos ay pakanluran, habang tumitigil sa mga daungan para magdiskarga at magkarga ng mga kargamento. Ang gayong mga barko ay hindi dinisenyo para sa kaalwanan ng mga pasahero, lalo na ng mga bilanggo. (Tingnan ang kahong “Ruta ng Paglalayag at Kalakalan.”) Buti na lang at hindi puro kriminal ang kasama ni Pablo. May kasama rin siyang dalawang kapananampalataya—si Aristarco at ang sumulat ng ulat na ito na si Lucas. Hindi lang natin alam kung ang dalawang tapat na kasamang ito ni Pablo ay nagbayad para makasakay sa barko o hindi na dahil nagsilbi silang mga tagapaglingkod ni Pablo.​—Gawa 27:1, 2.

      RUTA NG PAGLALAYAG AT KALAKALAN

      Noong unang panahon, ang mga barko ay pangunahin nang ginagamit para maghatid ng mga kargamento; hindi pampasahero ang mga ito. Ang isang manlalakbay na gustong maglayag ay kailangang maghanap ng barkong pangkalakal na patungo sa kaniyang destinasyon, makipagtawaran ng pamasahe, at maghintay sa pag-alis ng barko.

      Libo-libong barko ang paroo’t parito sa Mediteraneo para maghatid ng mga suplay ng pagkain at ng iba pang kalakal. Ang mga pasahero sa gayong mga barko ay sa kubyerta natutulog, marahil sa isang tolda na itinatayo nila sa gabi at binabaklas sa umaga. Dapat din silang magdala ng sariling gamit para sa biyahe, gaya ng pagkain at mga kumot.

      Nakadepende sa lakas at direksiyon ng hangin ang itatagal ng biyahe. Dahil sa masamang panahon kapag taglamig, halos walang barkong bumibiyahe mula sa kalagitnaan ng Nobyembre hanggang sa kalagitnaan ng Marso.

      Sinaunang barko at ang mga pangunahing bahagi nito mula popa hanggang proa. 1. Mga timon. 2. Pangunahing layag. 3. Mga angkla. 4. Layag sa unahan.

      5. Paano tinanggap ng mga kapatid sa Sidon si Pablo, at ano ang matututuhan natin dito?

      5 Kinabukasan, matapos maglayag nang mga 110 kilometro pahilaga, dumaong ang barko sa Sidon, sa baybayin ng Sirya. Lumilitaw na hindi gaya ng isang ordinaryong kriminal ang trato ni Julio kay Pablo, posibleng dahil mamamayang Romano si Pablo at hindi pa siya napapatunayang may-sala. (Gawa 22:27, 28; 26:31, 32) Pinayagan ni Julio si Pablo na bumaba sa barko at makipagkita sa mga kapuwa Kristiyano. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapatid na asikasuhin ang apostol matapos ang kaniyang matagal na pagkabilanggo! May naiisip ka bang mga pagkakataon na puwede kang magpakita ng gayunding maibiging pagkamapagpatuloy at sa gayo’y mapatibay rin?​—Gawa 27:3.

      6-8. Paano nagpatuloy ang paglalakbay ni Pablo mula sa Sidon hanggang sa Cinido, at anong mga pagkakataon ang malamang na sinamantala ni Pablo para mangaral?

      6 Mula sa Sidon, nagpatuloy sa paglalayag ang barko pahilaga at nadaanan nito ang Cilicia, na nakakasakop sa Tarso, kung saan ipinanganak si Pablo. Hindi na binanggit ni Lucas kung saan pa dumaong ang barko, pero isang nakakatakot na detalye ang iniulat niya—‘pasalungat ang hangin’ sa kanila. (Gawa 27:4, 5) Sa kabila nito, makikini-kinita nating ginagamit ni Pablo ang bawat pagkakataon para ibahagi ang mabuting balita. Tiyak na nagpatotoo siya sa mga kasama niyang bilanggo at sa iba pang sakay ng barko, pati na sa mga mandaragat at mga sundalo, gayundin sa mga taong nasa mga daungang hinintuan ng barko. Sinasamantala rin ba natin ang bawat pagkakataon para mangaral sa iba?

      7 Nang makarating ang barko sa Mira, isang daungan sa timugang baybayin ng Asia Minor, si Pablo at ang iba pa ay pinalipat sa ibang barko na magdadala sa kanila sa Roma, ang kanilang destinasyon. (Gawa 27:6) Nang panahong iyon, ang Ehipto ay isang imbakan ng butil ng Roma. Ang mga barko ng mga Ehipsiyo na may kargang butil ay dumadaong sa Mira. Naghanap ng ganoong barko si Julio at pinasakay niya rito ang mga sundalo at bilanggo. Siguradong mas malaki ang barkong ito kaysa sa una nilang sinakyan. Marami itong kargang trigo at may sakay itong 276 katao—mga tripulante, sundalo, bilanggo, at malamang na iba pa na papunta rin ng Roma. Dahil sa paglipat ni Pablo ng barko, maliwanag na lumawak ang teritoryo niya, at tiyak na sinamantala niya ang pagkakataong iyon.

      8 Pagkatapos, dumaong naman sila sa Cinido, na nasa gawing timog-kanluran ng Asia Minor. Kapag paayon sa direksiyon ng hangin, kayang makuha ng barko ang ganito kalayong distansiya nang mga isang araw lang. Pero iniulat ni Lucas: “Dahan-dahan kaming naglayag sa loob ng ilang araw hanggang sa Cinido, at hindi iyon naging madali.” (Gawa 27:7a) Naging mahirap na ang paglalayag. (Tingnan ang kahong “Pasalungat na Hangin ng Mediteraneo.”) Isip-isipin na lang ang kaba ng mga tao sa barko habang sinasalubong nito ang malalakas na hangin at maalong dagat.

      PASALUNGAT NA HANGIN NG MEDITERANEO

      Malaki ang epekto ng hangin at panahon para sa pagpaplano kung saan at kailan maglalayag ang mga barkong pangkalakal noon sa Mediteraneo, o sa Malaking Dagat. Sa dulong-silangan ng dagat, karaniwan nang pasilangan ang hangin mula Hunyo hanggang Setyembre. Kaya sa mga panahong ito, madaling maglayag pasilangan, gaya ng naranasan ni Pablo nang pabalik na siya mula sa kaniyang ikatlong paglalakbay-misyonero. Siya at ang mga kasama niya ay sakay ng isang barkong umalis sa Mileto, dumaan sa Rodas, at dumaong sa Patara. Mula roon, halos dere-deretso na ang paglalayag hanggang Tiro, sa baybayin ng Fenicia. Ayon kay Lucas, nadaanan nila ang Ciprus sa gawing kaliwa, na nangangahulugang naglayag sila sa may gawing timog ng Ciprus.​—Gawa 21:1-3.

      Kumusta naman ang paglalayag sa kabilang direksiyon, pakanluran? Puwedeng maglayag ang mga barko sa rutang iyon kung hindi masyadong malakas ang hangin. Pero kung minsan, halos imposible ito. “Kapag taglamig,” ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia, “pabago-bago ang lagay ng panahon at may malalakas na bagyong kumikilos pasilangan patawid ng Mediteraneo na may kasamang malalakas na hangin—na kung minsan ay sobrang lakas—at madalas na pagbuhos ng ulan o niyebe pa nga.” Talagang mapanganib maglakbay kapag ganito ang lagay ng panahon.

      Sa halos lahat ng panahon, ang mga barkong naglalayag ay puwedeng bumaybay pahilaga sa may Palestina at pakanluran sa may Pamfilia. Pagdating sa Pamfilia, maalwan na ang paglalayag dahil sa banayad na hanging mula sa lupain at dahil sa agos ng tubig na pakanluran. Ganiyan ang nangyari sa unang bahagi ng paglalakbay ng bilanggong si Pablo patungong Roma. Pero puwedeng magbago at maging pasalungat ang hangin. (Gawa 27:4) Ang barko na may kargang butil na tinukoy ni Lucas sa ulat niya ay malamang na naglayag pahilaga mula sa Ehipto at saka dumaan sa kalmadong dagat sa pagitan ng Ciprus at Asia Minor. Mula sa Mira, plano sana ng kapitan na maglayag pakanluran—paikot sa timugang bahagi ng Gresya hanggang sa kanlurang baybayin ng Italya. (Gawa 27:5, 6) Pero dahil sa hangin at panahon, nagbago nang husto ang ruta ng paglalayag na iyon!

      ‘Hinahampas ng Unos’ (Gawa 27:7b-26)

      9, 10. Anong mga hamon ang bumangon noong nasa may Creta na ang barko?

      9 Plano sana ng kapitan ng barko na ituloy ang paglalayag pakanluran mula sa Cinido, pero ayon sa nakasaksing si Lucas, ‘pasalungat ang hangin’ sa kanila. (Gawa 27:7b) Habang papalayo ang barko sa baybayin, humihip ang malalakas na hangin mula sa hilagang-kanluran at mabilis nitong itinulak ang barko patimog. Kung paanong naglayag noon ang barkong sinasakyan ni Pablo malapit sa isla ng Ciprus para makapagkubli sa pasalungat na hangin, gayundin ang ginawa nila ngayon sa isla ng Creta. Nang makalampas ang barko sa Salmone sa may dulong-silangan ng Creta, medyo bumuti na ang paglalayag. Bakit? Ang barko ay napadpad sa gawing timog ng isla, kaya kahit paano ay nahaharangan na ito mula sa malalakas na hangin. Tiyak na nakahinga nang maluwag ang mga sakay ng barko—pero pansamantala lamang ito. Hangga’t nasa laot pa ang barko, alam ng mga mandaragat na nanganganib pa rin sila sa nalalapit na taglamig. Hindi pa tapos ang problema nila.

      10 Detalyadong inilahad ni Lucas: “Pagkatapos ng mahirap na paglalayag sa may baybayin [sa Creta], nakarating kami sa Magagandang Daungan.” Kahit nahaharangan na ang malalakas na hangin, mahirap pa ring kontrolin ang barko. Pero sa wakas, nakakita sila ng isang look na puwedeng pagbabaan ng angkla. Gaano sila katagal doon? Sinabi ni Lucas na “mahabang panahon.” Dahil nagtagal na sila roon, mas mahihirapan na silang makaalis. Mas delikado na kasing maglayag kapag Setyembre/Oktubre.​—Gawa 27:8, 9.

      11. Ano ang iminungkahi ni Pablo sa mga kasama niya sa barko, pero ano ang napagpasiyahan ng karamihan?

      11 Malamang na humingi ng payo kay Pablo ang ilang pasahero dahil ilang beses na rin siyang nakapaglayag sa Mediteraneo. Nagmungkahi siya na huwag na silang tumuloy sa paglalayag. Kung tutuloy sila, posibleng “mawasak ang barko [at] mawala ang kargamento,” at malamang na may mamatay pa nga. Subalit gusto ng kapitan at ng may-ari ng barko na magpatuloy sa paglalayag, dahil iniisip nila siguro na dapat silang makahanap agad ng isang mas ligtas na lugar. Nakumbinsi nila ang opisyal ng hukbo na si Julio, at naisip ng karamihan na dapat nilang piliting makarating sa Fenix, isang daungan sa gawi pa roon ng baybayin. Baka mas malaki ang daungan nito at mas magandang doon magpalipas ng taglamig. Kaya nang maging banayad ang ihip ng hangin mula sa timog, naglayag na sila.​—Gawa 27:10-13.

      12. Pagkaalis sa Creta, anong mga panganib ang napaharap sa barko, at ano ang ginawa ng mga tripulante?

      12 Pero heto’t may panibago silang problema: isang “napakalakas na hangin,” o bagyo, mula sa hilagang-silangan. Pansamantala silang nakapagtago sa likod ng “isang maliit na isla na tinatawag na Cauda,” mga 65 kilometro mula sa Magagandang Daungan. Sa kabila nito, nanganganib pa ring mapadpad ang barko patimog hanggang sa sumadsad ito at mawasak sa baybayin ng Aprika. Nataranta ang mga mandaragat kaya dali-dali nilang isinampa sa kubyerta ang maliit na bangkang hila-hila ng barko. Nahirapan sila dahil malamang na punô na ng tubig ang bangka. Pagkatapos, sinikap nilang talian ang katawan ng barko sa pamamagitan ng mga lubid o kadena para hindi bumigay ang mga tabla nito. Ibinaba nila ang layag at ginawa ang lahat para makaligtas sa bagyo. Talagang nakakatakot! Sa kabila ng mga pagsisikap na iyon, ang barko ay patuloy na “hinahampas . . . ng unos.” Nang ikatlong araw, itinapon nila ang ilang kargamento ng barko, marahil para pagaanin ito.​—Gawa 27:14-19.

      13. Ano kaya ang pakiramdam ng mga nakasakay sa barkong sinasakyan ni Pablo habang bumabagyo?

      13 Tiyak na naghari ang matinding takot. Pero tiwala si Pablo at ang kaniyang dalawang kasama na makaliligtas sila. Tiniyak ng Panginoon kay Pablo na makapagpapatotoo ang apostol sa Roma, at sa kalauna’y uulitin ng isang anghel ang pangakong iyon. (Gawa 19:21; 23:11) Pero gabi’t araw, sa loob ng dalawang linggo, hindi pa rin humuhupa ang bagyo. Dahil sa walang-tigil na pag-ulan at sa makapal na ulap na tumatakip sa araw at sa mga bituin, hindi matukoy ng kapitan kung nasaan na ang barko at kung saan ito patungo. Hindi na rin sila makakain. Sino ba naman ang makakakain, gayong lahat ay ginaw na ginaw, basang-basa, hilong-hilo, at takot na takot dahil sa patuloy na paghagupit ng bagyo?

      14, 15. (a) Bakit inulit ni Pablo sa mga kasama niya sa barko ang nauna niyang babala? (b) Ano ang matututuhan natin sa mensahe ng pag-asa na ibinahagi ni Pablo?

      14 Tumayo si Pablo at inulit niya ang nauna niyang babala, pero hindi sa paraan na para bang naninisi, ‘Sabi ko na sa inyo, eh.’ Sa halip, ang mga nangyaring iyon ay patunay lamang na mapagkakatiwalaan ang kaniyang sinabi. Pagkatapos, sinabi niya: “Lakasan ninyo ang loob ninyo, dahil walang mamamatay sa inyo; barko lang ang mawawasak.” (Gawa 27:21, 22) Tiyak na isang kaaliwan para sa mga nakikinig sa kaniya ang pananalitang iyon! Siguradong tuwang-tuwa rin si Pablo at nabigyan siya ni Jehova ng gayong mensahe ng pag-asa na maibabahagi niya sa mga kasama niya sa barko. Dapat nating tandaan na mahalaga kay Jehova ang buhay ng bawat tao. Nagmamalasakit siya sa bawat indibidwal. Isinulat ni apostol Pedro tungkol kay Jehova: “Hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Kung gayon, dapat nating sikaping maipaabot agad sa mas maraming tao hangga’t maaari ang mensahe ng pag-asa mula kay Jehova! Buhay ang nakataya.

      15 Malamang na nakapagpatotoo na si Pablo sa maraming kasama niya sa barko tungkol sa “pangako ng Diyos.” (Gawa 26:6; Col. 1:5) Ngayong nakikini-kinita na nilang mawawasak ang barko, napakagandang pagkakataon ito upang mabigyan sila ni Pablo ng matibay na dahilan para umasang makaliligtas sila. Sinabi niya: “Ngayong gabi, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin . . . ay nagsugo ng isang anghel, at sinabi nito: ‘Huwag kang matakot, Pablo. Tatayo ka sa harap ni Cesar, at ililigtas ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa barko.’” Pinasigla sila ni Pablo: “Kaya lakasan ninyo ang loob ninyo, mga lalaki, dahil naniniwala akong gagawin ng Diyos ang lahat ng sinabi sa akin ng anghel. Pero kailangan nating mapadpad sa baybayin ng isang isla.”​—Gawa 27:23-26.

      “Lahat Sila ay Ligtas na Nakarating sa Lupa” (Gawa 27:27-44)

      Si Pablo habang nananalangin kasama ng mga tao sa loob ng barko. Nakayuko ang ilang pasaherong nag-aalala habang nakatingin naman sa kaniya ang iba. May mga tinapay sa ibabaw ng kahon na gawa sa kahoy.

      Siya ay “nagpasalamat sa Diyos sa harap nilang lahat.”​—Gawa 27:35

      16, 17. (a) Kailan nagkaroon ng pagkakataong manalangin si Pablo, at ano ang naging epekto nito? (b) Paano nagkatotoo ang hula ni Pablo?

      16 Matapos ang dalawang linggong punô ng takot at mapadpad sa layong 870 kilometro, nabuhayan ng loob ang mga mandaragat, posibleng dahil nakarinig sila ng mga hampas ng alon sa isang kalapít na dalampasigan. Nagbaba sila ng mga angkla mula sa popa (likurang bahagi ng barko), upang hindi maanod ang barko palayo at upang maiharap ang proa (unahang bahagi ng barko) sa dalampasigan sakaling sumadsad sila rito. Sa puntong iyon, tinangka ng mga mandaragat na tumakas sa barko pero pinigilan sila ng mga sundalo. Sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo at sa mga sundalo: “Kapag hinayaan ninyong tumakas ang mga taong ito, hindi kayo maliligtas.” Ngayong medyo nakapirmi na ang barko, hinimok ni Pablo ang lahat na kumain at tiniyak ulit sa kanila na makaliligtas sila. Pagkatapos, siya ay “nagpasalamat sa Diyos sa harap nilang lahat.” (Gawa 27:31, 35) Ang pananalanging ito ni Pablo ay isang halimbawa para kina Lucas, Aristarco, at sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang mga pampublikong panalangin mo ba ay nagsisilbing pampatibay at kaaliwan sa iba?

      17 Pagkatapos ng panalangin ni Pablo, “lumakas ang loob nilang lahat, at kumain na rin sila.” (Gawa 27:36) Itinapon nila ang mga trigong karga ng barko para lalo itong gumaan habang papalapit sa baybayin. Kinabukasan, pinutol ng mga mandaragat ang mga angkla, kinalag ang tali ng mga timon sa may popa, at itinaas ang layag sa unahan upang makontrol nila ang barko papuntang dalampasigan. Pagkatapos, sumadsad ang barko at bumaon ang proa nito, marahil sa buhangin o putik, at ang popa ay nawasak ng mga alon. Papatayin na sana ng ilang sundalo ang mga bilanggo para walang makatakas, pero pinigilan sila ni Julio. Sinabihan niya ang lahat na lumangoy o kaya’y magpaanod hanggang sa dalampasigan. Nagkatotoo ang hula ni Pablo—lahat ng 276 na sakay ng barko ay nakaligtas. Oo, “lahat sila ay ligtas na nakarating sa lupa.” Pero saang lugar kaya sila napadpad?​—Gawa 27:44.

      “Pambihirang Kabaitan” (Gawa 28:1-10)

      18-20. Paano nagpakita ng “pambihirang kabaitan” ang mga taga-Malta, at anong himala ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo?

      18 Lumilitaw na sa isla ng Malta, sa timog ng Sicilia, napadpad ang mga nakaligtas. (Tingnan ang kahong “Saang Malta Sila Napadpad?”) Bagaman iba ang wika ng mga naninirahan sa islang iyon, nagpakita sila ng “pambihirang kabaitan.” (Gawa 28:2) Nagpaningas sila ng apoy para mainitan ang mga estrangherong basang-basa at nangangatog sa ginaw. Sa pagkakataong ito, isang himala ang naganap.

      19 Tumulong si Pablo sa pamumulot ng mga kahoy para ipanggatong. Habang inilalagay niya ang mga ito sa apoy, isang ulupong ang lumabas at kinagat siya nito sa kamay. Inakala ng mga taga-Malta na parusa ito ng mga diyos.a

      20 Inakala ng mga tagaroon na “mamamaga ang katawan” ni Pablo. Ang orihinal na salitang ginamit para dito ay “isang termino sa medisina,” ayon sa isang reperensiyang akda. Hindi kataka-takang pumasok ang gayong pananalita sa isip ni “Lucas, ang minamahal na doktor.” (Gawa 28:6; Col. 4:14) Sa paanuman, naipagpag ni Pablo ang makamandag na ahas at walang masamang nangyari sa kaniya.

      21. (a) Anong mga halimbawa ng pagiging eksakto, o tumpak, ang makikita natin sa ulat na ito ni Lucas? (b) Anong mga himala ang ginawa ni Pablo, at ano ang naging epekto nito sa mga taga-Malta?

      21 Ang mayamang si Publio, na may mga lupain, ay nakatira doon. Maaaring siya ang pinakamataas na Romanong opisyal sa Malta. Ayon kay Lucas, si Publio “ang pinuno sa isla.” Ang titulong ginamit ng manunulat ang eksaktong makikita sa dalawang inskripsiyong nakita sa Malta. Pinatuloy at inasikaso ni Publio sa bahay niya si Pablo at ang mga kasama nito sa loob ng tatlong araw. Pero may sakit ang ama ni Publio. Isinulat ni Lucas na ang lalaki ay “may lagnat at disintirya.” Gumamit siya ng mga termino sa medisina para banggitin ang eksaktong sintomas ng sakit nito. Nanalangin si Pablo at ipinatong niya ang mga kamay niya sa lalaki, at ito’y gumaling. Namangha ang mga tagaroon sa himalang naganap, kaya dinala nila ang iba pang maysakit para mapagaling ang mga ito, at nagbigay sila ng mga regalo para matugunan ang mga pangangailangan ni Pablo at ng mga kasama niya.​—Gawa 28:7-10.

      22. (a) Paano pinuri ng isang propesor ang ulat ni Lucas tungkol sa paglalakbay patungong Roma? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?

      22 Gaya ng nakita natin, talagang eksakto at tumpak ang ulat tungkol sa bahaging ito ng paglalakbay ni Pablo. Sinabi ng isang propesor: “Ang ulat ni Lucas . . . ang isa sa pinakadetalyadong paglalarawan ng mga pangyayari sa Bibliya. Ang mga detalye nito tungkol sa paglalayag noong unang siglo ay eksaktong-eksakto at ang paglalarawan nito sa kondisyon sa silangang Mediteraneo ay tumpak na tumpak,” anupat masasabing galing talaga ito sa isang aktuwal na talaarawan. Malamang na isinulat ni Lucas ang gayong mga detalye noong kasama siya ng apostol sa paglalakbay. Kung gayon, tiyak na marami pa siyang naisulat sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Ano kaya ang mangyayari kay Pablo pagdating nila sa Roma? Tingnan natin.

      SAANG MALTA SILA NAPADPAD?

      Iba’t ibang isla ang inakalang “Malta” kung saan nawasak ang barkong sinasakyan nina Pablo. May nagsasabing ito ang isla malapit sa Corfu, sa kanlurang baybayin ng Gresya. Ang isa pang teoriya ay batay sa salitang ginamit para sa “Malta” na nasa ulat ng Mga Gawa. Ang salitang Griego na ginamit ay Me·liʹte. Kaya sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa Melite Illyrica, na tinatawag ngayong Mljet, na malapit sa baybayin ng Croatia sa Dagat Adriatico.

      Totoo namang binanggit sa Gawa 27:27 ang “Dagat ng Adria,” pero noong panahon ni Pablo, mas malawak ang katubigang sakop ng “Adria” kumpara sa Dagat Adriatico sa ngayon. Saklaw nito ang Dagat Ionian at ang katubigan sa silangan ng Sicilia at kanluran ng Creta, kaya sakop din nito ang dagat malapit sa Malta ngayon.

      Ang barkong sinasakyan ni Pablo ay itinulak ng hangin patimog mula Cinido papuntang Creta. Kung pagbabatayan ang napakalakas na hangin ng bagyong iyon, imposibleng nagbago ng direksiyon ang barko pahilaga at nakaabot pa sa Mljet o sa isang isla malapit sa Corfu. Kaya malamang na ang Malta na tinutukoy sa ulat na ito ay sa gawi pa roon sa kanluran. Kaya ang isla ng Malta na nasa timog ng Sicilia ang malamang na lugar kung saan nawasak ang barko.

      a Yamang pamilyar ang mga tagaroon sa gayong mga ahas, ipinahihiwatig nito na talagang may mga ulupong noon sa isla. Sa ngayon, wala nang mga ulupong sa Malta. Maaaring dahil ito sa mga pagbabago sa kapaligiran sa paglipas ng daan-daang taon o kaya naman ay sa pagdami ng mga nakatira sa islang iyon.

  • “Lubusang Pagpapatotoo”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
    • KABANATA 27

      “Lubusang Pagpapatotoo”

      Kahit nakabilanggo sa Roma, patuloy pa ring nangaral si Pablo

      Batay sa Gawa 28:11-31

      1. Ano ang natitiyak nina Pablo, at bakit?

      ISANG barko na may simbolo ng “Mga Anak ni Zeus,” malamang na isang malaking barko na kinakargahan ng butil, ang naglalayag mula sa isla ng Malta sa Mediteraneo patungong Italya. Noon ay mga 59 C.E. Nakasakay sa barko si apostol Pablo—isang bilanggong binabantayan—at ang mga kapananampalataya niyang sina Lucas at Aristarco. (Gawa 27:2) Di-gaya ng mga mandaragat ng barko, ang mga ebanghelisador na ito ay hindi umaasang ipagsasanggalang sila ng mga anak ng Griegong diyos na si Zeus—ang kambal na sina Castor at Pollux. (Tingnan ang study note sa Gawa 28:11, nwtsty.) Sa halip, naglilingkod sila kay Jehova, na nagsabing magpapatotoo si Pablo sa Roma at haharap kay Cesar.​—Gawa 23:11; 27:24.

      2, 3. Ano ang naging ruta ng barkong sinasakyan ni Pablo, at sino ang sumusuporta kay Pablo mula pa sa pasimula?

      2 Tatlong araw pagkadaong sa Siracusa, isang magandang lunsod sa Sicilia na kilala rin gaya ng Atenas at Roma, ang barko ay naglayag patungong Regio sa gawing timog ng Italya. Pagkaraan ng isang araw sa Regio, humihip ang hangin mula sa timog kaya mabilis na nakapaglayag ang barko nang 320 kilometro, at sa ikalawang araw ay nakarating sa daungan ng Puteoli sa Italya (malapit sa Naples ngayon).​—Gawa 28:12, 13.

      3 Nasa huling bahagi na ngayon si Pablo ng kaniyang paglalakbay patungong Roma para humarap kay Emperador Nero. Sa buong paglalakbay na ito, hindi siya pinabayaan ng “Diyos na nagbibigay ng kaaliwan.” (2 Cor. 1:3) Gaya ng makikita natin, hindi man lamang nabawasan ang suportang iyon; ni ang sigasig ni Pablo bilang misyonero.

      ‘Nagpasalamat si Pablo sa Diyos at Lumakas ang Loob Niya’ (Gawa 28:14, 15)

      4, 5. (a) Paano tinanggap ng mga kapatid sa Puteoli sina Pablo, at bakit kaya siya pinagkalooban ng pantanging kalayaan? (b) Kahit nakabilanggo, paano nakikinabang ang mga Kristiyano mula sa kanilang mabuting paggawi?

      4 Sa Puteoli, ‘may nakita sina Pablo na mga kapatid at hiniling nila na manatili sila nang pitong araw.’ (Gawa 28:14) Isang napakagandang halimbawa ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy! Tiyak na napakalaking pagpapala naman para sa mapagpatuloy na mga kapatid na iyon ang pampatibay nina Pablo. Pero bakit kaya pagkakalooban ng ganoong pantanging kalayaan ang isang bilanggong binabantayan? Posibleng dahil nakuha ni Pablo ang tiwala ng kaniyang mga bantay na Romano.

      5 Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova na nakabilanggo ay madalas ding pinagkakalooban ng pantanging kalayaan at konsiderasyon dahil sa kanilang Kristiyanong paggawi. Halimbawa, sa Romania, isang lalaking may sentensiyang 75-taóng pagkabilanggo dahil sa pagnanakaw ang nagsimulang mag-aral ng Salita ng Diyos at nagbagong-buhay. Bilang resulta, siya ang pinagkatiwalaan ng mga guwardiya na pumunta sa bayan—nang walang bantay—para bumili ng mga suplay sa bilangguan! Siyempre pa, si Jehova ang naluluwalhati dahil sa ating mabuting paggawi.​—1 Ped. 2:12.

      6, 7. Paano nagpakita ng pambihirang pag-ibig ang mga kapatid sa Roma?

      6 Mula sa Puteoli, malamang na 50 kilometro ang nilakad nina Pablo papuntang Capua sa Daang Apio, ang daan papuntang Roma. Ang kilalang daang ito na may malalaking bato mula sa bulkan ay may magagandang tanawin ng mga bukid sa Italya at ng Dagat Mediteraneo. Habang naglalakad sila sa Daang Apio, nadaanan nila ang Pontine Marshes, isang maputik na lugar na mga 60 kilometro mula sa Roma, kung saan makikita ang Pamilihan ng Apio. Isinulat ni Lucas na “nang mabalitaan ng mga kapatid sa Roma” ang tungkol sa kanila, sinalubong sila ng ilan sa Pamilihan, samantalang ang iba ay naghintay sa Tatlong Taberna, isang pahingahan na mga 50 kilometro ang layo mula sa Roma. Pambihirang pag-ibig nga!—Gawa 28:15.

      7 Hindi magandang lugar ang Pamilihan ng Apio para pagpahingahan ng isang pagod na manlalakbay. Inilarawan ng makatang Romanong si Horace na sa Pamilihan, “siksikan ang mga mandaragat at mga walang-modong may-ari ng bahay-tuluyan.” Isinulat niya na “napakabaho ng tubig” doon. Hindi nga siya makakain sa lugar na iyon! Pero kahit napakahirap ng paglalakbay, masayang sinalubong si Pablo at ang mga kasama niya ng ilang kapatid mula sa Roma para samahan sila sa paglalakbay at siguraduhing ligtas silang makakarating sa destinasyon nila.

      8. Bakit nagpasalamat si Pablo sa Diyos “nang makita” niya ang mga kapatid?

      8 Ayon sa ulat, nang makita ni Pablo ang mga kapatid, “nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang loob niya.” (Gawa 28:15) Oo, natanaw pa lang niya ang minamahal na mga kapatid na ito, na ang ilan ay malamang na kilala ng apostol, lumakas na agad ang loob niya at naaliw. Bakit nagpasalamat si Pablo sa Diyos? Alam niyang isa sa katangian na bunga ng espiritu ang mapagsakripisyong pag-ibig. (Gal. 5:22) Sa ngayon, pinakikilos din ng banal na espiritu ang mga Kristiyano na magsakripisyo para sa isa’t isa at patibayin ang mga nangangailangan.​—1 Tes. 5:11, 14.

      9. Paano natin matutularan ang saloobin ng mga kapatid na sumalubong kina Pablo?

      9 Halimbawa, inuudyukan ng banal na espiritu ang mapagpatuloy na mga kapatid na paglaanan ang mga tagapangasiwa ng sirkito, mga misyonero, at iba pang buong-panahong ministro, na nagsasakripisyo nang malaki para higit pang makapaglingkod kay Jehova. Tanungin ang sarili: ‘May magagawa pa kaya ako para masuportahan ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito? Paano ko maipapakita ang pagiging mapagpatuloy sa kaniya at sa asawa niya, kung mayroon? Puwede kaya akong maglaan ng panahon para sumama sa kanila sa ministeryo?’ Kapag ginawa mo iyan, maaari kang tumanggap ng saganang pagpapala. Halimbawa, tiyak na tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Roma nang marinig nila ang mga nakapagpapatibay na karanasan nina Pablo.​—Gawa 15:3, 4.

      “Masama ang Sinasabi ng mga Tao Saanmang Lugar” (Gawa 28:16-22)

      10. Ano ang kalagayan ni Pablo sa Roma, at ano ang ginawa ng apostol mga ilang araw pagdating niya roon?

      10 Pagdating sa Roma, “pinayagan si Pablo na tumirang mag-isa sa bahay niya pero may sundalong magbabantay sa kaniya.” (Gawa 28:16) Ang mga bilanggong sa bahay lang nakakulong ay kailangang itanikala sa kanilang bantay para hindi makatakas. Pero si Pablo ay isang tagapaghayag ng Kaharian, at walang tanikalang makahahadlang sa kaniya. Kaya nang makabawi-bawi na siya ng lakas pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag niya ang mga prominenteng lalaking Judio sa Roma para ipakilala ang kaniyang sarili at makapagpatotoo sa kanila.

      11, 12. Paano sinikap ni Pablo na alisin ang anumang maling akala sa kaniya ng kausap niyang mga Judio?

      11 “Mga kapatid,” ang sabi ni Pablo, “bagaman wala akong ginawang laban sa bayan o sa kaugalian ng mga ninuno natin, ibinigay ako sa mga Romano bilang isang bilanggo mula sa Jerusalem. At pagkatapos nila akong pagtatanungin, gusto nila akong palayain, dahil wala silang makitang dahilan para patayin ako. Pero nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong umapela kay Cesar, pero hindi dahil sa may reklamo ako sa aking bansa.”​—Gawa 28:17-19.

      12 Tinawag ni Pablo na “mga kapatid” ang kausap niyang mga Judio para maging palagay sila sa kaniya at maalis ang anumang maling akala nila sa kaniya. (1 Cor. 9:20) Nilinaw rin niya na naroroon siya, hindi para akusahan ang kaniyang mga kapuwa Judio, kundi para umapela kay Cesar. Pero noon lang nabalitaan ng mga Judiong nasa Roma ang pag-apela ni Pablo. (Gawa 28:21) Bakit kaya hindi ito agad naibalita sa kanila ng mga Judiong nasa Judea? Sinasabi ng isang reperensiyang akda: “Malamang na ang barkong sinakyan ni Pablo ang isa sa mga unang dumating sa Italya pagkatapos ng taglamig, at malamang na wala pang dumarating na kinatawan ng mga Judiong awtoridad sa Jerusalem, o liham tungkol sa kaso.”

      13, 14. Paano iniharap ni Pablo ang paksa ng Kaharian, at paano natin siya matutularan?

      13 Iniharap ngayon ni Pablo ang paksa ng Kaharian sa pamamagitan ng mga salitang siguradong aantig sa interes ng kaniyang mga panauhing Judio. Sinabi niya: “Iyan ang dahilan kung bakit ko kayo gustong makita at makausap. Nakatanikala ako dahil sa kaniya na hinihintay ng Israel.” (Gawa 28:20) Siyempre pa, hindi matutupad ang pag-asang iyan kung wala ang Mesiyas at ang kaniyang Kaharian, gaya ng inihahayag ng kongregasyong Kristiyano. “Gusto rin naming marinig ang sasabihin mo,” ang sagot ng matatandang lalaki ng mga Judio, “dahil masama ang sinasabi ng mga tao saanmang lugar tungkol sa sektang ito.”​—Gawa 28:22.

      14 Kapag may pagkakataon tayong ibahagi sa iba ang mabuting balita, matutularan natin si Pablo sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita o tanong na makakaantig sa interes ng mga tagapakinig. Makakakita tayo ng magagandang mungkahi sa mga publikasyong gaya ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Ginagamit mo ba ang mga pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya?

      Isang Huwaran ng “Lubusang Pagpapatotoo” (Gawa 28:23-29)

      15. Anong mga aral ang matututuhan natin sa pagpapatotoo ni Pablo?

      15 Pagsapit ng napagkasunduan nilang araw, “mas marami” pang Judio sa Roma ang nagpunta sa tinutuluyan ni Pablo. Ipinaliwanag ni Pablo sa kanila ang Kasulatan “mula umaga hanggang gabi . . . sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos at hinikayat niya silang maniwala kay Jesus gamit ang Kautusan ni Moises at ang mga Propeta.” (Gawa 28:23) May matututuhan tayo sa pagpapatotoo ni Pablo. Una, nagtuon siya ng pansin sa Kaharian ng Diyos. Ikalawa, nagpatotoo siya sa pamamagitan ng panghihikayat. Ikatlo, nangatuwiran siya mula sa Kasulatan. Ikaapat, naging mapagsakripisyo siya, anupat nagpatotoo “mula umaga hanggang gabi.” Isa ngang napakagandang halimbawa! Ang resulta? “Naniwala ang ilan,” pero ang iba ay hindi. Nang hindi sila magkasundo, “umalis sila,” ang sabi ni Lucas.​—Gawa 28:24, 25a.

      16-18. Bakit hindi na bago kay Pablo ang negatibong reaksiyon ng mga Judio sa Roma, at paano tayo dapat tumugon kapag tinatanggihan ang ating mensahe?

      16 Hindi na bago kay Pablo ang gayong reaksiyon dahil inihula ito ng Bibliya at marami na siyang nakausap na ganoon ang reaksiyon. (Gawa 13:42-47; 18:5, 6; 19:8, 9) Sinabi ni Pablo sa manhid na mga panauhing paalis na: “Tama ang sinabi ng banal na espiritu sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Isaias na propeta, ‘Pumunta ka sa bayang ito, at sabihin mo: “Maririnig ninyo iyon pero hindi ninyo mauunawaan, at titingin kayo pero wala kayong makikita. Dahil ang puso ng bayang ito ay naging manhid.”’” (Gawa 28:25b-27) Ang orihinal na salitang isinaling “manhid” ay nagpapahiwatig ng pusong “makapal,” o “mataba,” kaya hindi makatagos ang mensahe ng Kaharian. (Gawa 28:27) Napakasaklap nga!

      17 Bilang pagtatapos, sinabi ni Pablo na ang ‘ibang mga bansa ay tiyak na makikinig,’ di-gaya ng kaniyang mga tagapakinig na Judio. (Gawa 28:28; Awit 67:2; Isa. 11:10) Hindi matututulan ang sinabing iyon ng apostol, dahil nasaksihan niya mismo ang pagtugon ng maraming Gentil sa mensahe ng Kaharian!—Gawa 13:48; 14:27.

      18 Gaya ni Pablo, hindi tayo dapat mainis kapag tinatanggihan ng mga tao ang mabuting balita. Tutal, alam nating kakaunti lang talaga ang makakahanap sa daan ng buhay. (Mat. 7:13, 14) Samantala, kapag nakikisama na sa tunay na pagsamba ang mga nakaayon sa buhay na walang hanggan, dapat tayong magsaya at mainit silang tanggapin.​—Luc. 15:7.

      “Ipinangangaral . . . ang Kaharian ng Diyos” (Gawa 28:30, 31)

      19. Ano ang ginawa ni Pablo kahit na nakakulong siya sa isang bahay sa Roma?

      19 Talagang nakapagpapatibay ang konklusyon ni Lucas sa aklat ng Mga Gawa. Sinabi niya: “Dalawang taon siyang [si Pablo] nanatili sa inuupahan niyang bahay, at malugod niyang tinatanggap ang lahat ng pumupunta sa kaniya; ipinangangaral niya sa kanila ang Kaharian ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo nang may buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.” (Gawa 28:30, 31) Isa ngang napakagandang halimbawa ng pagkamapagpatuloy, pananampalataya, at kasigasigan!

      20, 21. Bumanggit ng ilan sa mga nakinabang sa ministeryo ni Pablo sa Roma.

      20 Ang isa sa malugod na tinanggap ni Pablo ay ang lalaking nagngangalang Onesimo, isang takas na alipin mula sa Colosas. Tinulungan ni Pablo si Onesimo na maging Kristiyano, at si Onesimo naman ay naging isang ‘tapat at minamahal na kapatid’ kay Pablo. Tinawag pa nga ni Pablo na ‘anak si Onesimo dahil naging ama siya nito.’ (Col. 4:9; Flm. 10-12) Tiyak na isang pampatibay si Onesimo kay Pablo!a

      21 May iba pang nakinabang sa magandang halimbawa ni Pablo. Sumulat siya sa mga taga-Filipos: “Nakatulong pa sa ikasusulong ng mabuting balita ang sitwasyon ko, dahil nalaman ng mga Guwardiya ng Pretorio at ng lahat ng iba pa na nakagapos ako bilang bilanggo alang-alang kay Kristo. At dahil sa mga gapos ko sa bilangguan, lumakas ang loob ng karamihan sa mga kapatid na kaisa ng Panginoon, at lalo pa nilang inihahayag ang salita ng Diyos nang walang takot.”​—Fil. 1:12-14.

      22. Ano ang sinamantalang gawin ni Pablo habang nakabilanggo sa Roma?

      22 Habang nakabilanggo, sinamantala ni Pablo na sumulat ng mahahalagang liham, na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.b Nakatulong ang mga liham na iyon sa mga Kristiyano noong unang siglo. Nakikinabang din tayo sa mga liham na ito ni Pablo dahil mula sa Diyos ang mga isinulat niya at kapaki-pakinabang pa rin ito sa ngayon.​—2 Tim. 3:16, 17.

      LIMANG LIHAM NI PABLO NANG UNANG MABILANGGO SA ROMA

      Isinulat ni apostol Pablo ang lima sa mga liham niya noong unang pagkabilanggo niya sa Roma, mga 60-61 C.E. Sa liham niya sa kapatid na si Filemon, ipinaliwanag ni Pablo na ang takas na alipin ni Filemon na si Onesimo ay isa nang Kristiyano. Si Pablo ay naging gaya ng isang ama kay Onesimo, at pinababalik na niya ngayon kay Filemon ang aliping ito—na ‘walang silbi noon’—bilang isang kapatid na Kristiyano.​—Flm. 10-12, 16.

      Sa liham ni Pablo sa Mga Taga-Colosas, ipinakita niya na si Onesimo ay “galing sa” kanila. (Col. 4:9) Si Onesimo at ang kapuwa Kristiyanong si Tiquico ang nagkapribilehiyong maghatid ng dalawang nabanggit na liham pati na ng liham na isinulat ni Pablo para sa Mga Taga-Efeso.​—Efe. 6:21.

      Sa liham ni Pablo sa Mga Taga-Filipos, binanggit niya ang kaniyang “pagkabilanggo” at muli ay ipinaliwanag niya ang kalagayan ng tagapagdala ng liham—na sa pagkakataong ito ay si Epafrodito. Isinugo ng mga taga-Filipos si Epafrodito para tulungan si Pablo. Pero nagkasakit si Epafrodito anupat muntik na siyang mamatay. Lungkot na lungkot din siya dahil “nalaman [ng mga taga-Filipos na] nagkasakit siya.” Kaya sinabi ni Pablo sa kanila na pahalagahan ang “gayong tao.”​—Fil. 1:7; 2:25-30.

      Ang liham sa Mga Hebreo ay para sa mga Hebreong Kristiyano sa Judea. Bagaman hindi binabanggit sa liham kung sino mismo ang sumulat nito, ipinapakita ng katibayan na iyon ay si Pablo, yamang mababakas dito ang kaniyang istilo ng pagsulat. Nagpadala si Pablo ng mga pagbati mula sa Italya, at binanggit niya si Timoteo, na siyang kasama niya sa Roma.​—Fil. 1:1; Col. 1:1; Flm. 1; Heb. 13:23, 24.

      23, 24. Gaya ni Pablo, paano nagpapakita ng positibong saloobin ang maraming Kristiyano sa ngayon kahit di-makatarungang ibinibilanggo?

      23 Bagaman hindi binabanggit sa Mga Gawa kung kailan nakalaya si Pablo, ipinapakita ng ulat na apat na taon din siyang nabilanggo—dalawa sa Cesarea at dalawa sa Roma.c (Gawa 23:35; 24:27) Pero hindi nawala ang kaniyang kagalakan at patuloy siyang nangaral, na ginagawa ang kaniyang buong makakaya sa paglilingkod sa Diyos. Marami ring lingkod ni Jehova sa ngayon ang nananatiling masaya at patuloy pa ring nangangaral kahit di-makatarungang ibinibilanggo. Tingnan ang halimbawa ni Adolfo, na nabilanggo sa Spain dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad. “Hanga kami sa iyo,” ang sabi ng isang opisyal. “Kahit ginagawa naming kalbaryo ang buhay mo dito sa bilangguan, nakangiti ka pa rin at mabait pa rin sa amin.”

      24 Nang maglaon, sa laki ng tiwala ng mga opisyal kay Adolfo, hinahayaan na nilang bukás ang kaniyang selda. Pinupuntahan siya ng mga sundalo na gustong magtanong tungkol sa Bibliya. May isa pa ngang guwardiya na pumapasok sa selda ni Adolfo para magbasa ng Bibliya, samantalang nakabantay si Adolfo sa labas. Kaya ang guwardiya ang siya na ngayong ginuguwardiyahan! Mapakilos sana tayo ng magandang halimbawa ng gayong tapat na mga Saksi at ‘lalo pang ihayag ang salita ng Diyos nang walang takot,’ kahit sa mahihirap na kalagayan.

      25, 26. Makalipas ang wala pang 30 taon, anong kamangha-manghang hula ang nakita ni Pablo na natupad, at paano rin ito natutupad sa ating panahon?

      25 Isang apostol ni Kristo na nakabilanggo sa bahay pero patuloy na “ipinangangaral . . . ang Kaharian ng Diyos” sa lahat ng dumadalaw sa kaniya—isa ngang nakakaantig na eksena sa pagtatapos ng aklat ng Mga Gawa na punong-puno ng aksiyon! Sa unang kabanata, mababasa natin ang atas na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Makalipas ang wala pang 30 taon, ang mensahe ng Kaharian ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang sa buong lupa.’d (Col. 1:23) Isa ngang malaking katibayan ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos!—Zac. 4:6.

      26 Sa ngayon, ang espiritu ring iyan ang nagpapalakas sa natitirang mga kapatid ni Kristo, pati na sa kanilang kasamang “ibang mga tupa,” para ‘lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos’ sa 240 lupain! (Juan 10:16; Gawa 28:23) Lubusan ka bang nakikibahagi sa gawaing iyan?

      SI PABLO MAKALIPAS ANG 61 C.E.

      Malamang na mga 61 C.E. noon nang humarap si Pablo kay Emperador Nero, na lumilitaw na nagpawalang-sala sa kaniya. Wala na tayong gaanong alam kung ano ang ginawa ng apostol mula noon. Kung natuloy man ang plano niyang pumunta sa Espanya, malamang na ginawa niya ito noong mga panahong iyon. (Roma 15:28) Naglakbay siya “sa pinakamalayong bahagi ng Kanluran,” isinulat ni Clemente ng Roma noong mga 95 C.E.

      Batay sa tatlong liham na isinulat ni Pablo noong makalaya na siya—ang 1 at 2 Timoteo at ang Tito—nalaman nating pumunta siya sa Creta, Macedonia, Nicopolis, at Troas. (1 Tim. 1:3; 2 Tim. 4:13; Tito 1:5; 3:12) Marahil ay sa Nicopolis ng Gresya muling naaresto si Pablo. Doon man siya naaresto o hindi, balik-bilangguan siya sa Roma noong mga 65 C.E. Pero sa pagkakataong ito, malabo na siyang paligtasin ni Nero. Sa katunayan, isinulat ng Romanong istoryador na si Tacitus na nang masunog ang lunsod noong 64 C.E., isinisi ito ni Nero sa mga Kristiyano at nagpasimuno siya ng malupit na pag-uusig laban sa kanila.

      Sa ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo, hiniling niya kina Timoteo at Marcos na puntahan nila siya agad, palibhasa’y nakikini-kinita na niya ang kaniyang kamatayan. Kahanga-hanga ang lakas ng loob nina Lucas at Onesiforo, na nagsapanganib ng kanilang buhay para patibayin si Pablo. (2 Tim. 1:16, 17; 4:6-9, 11) Sa katunayan, kapag nalaman ng mga tao na mga Kristiyano sila, posible silang maaresto at pahirapan hanggang sa mamatay. Malamang na pinatay si Pablo di-nagtagal matapos niyang isulat ang kaniyang huling liham kay Timoteo noong mga 65 C.E. Ayon sa ulat, nagpakamatay si Nero mga tatlong taon matapos niyang ipapatay si Pablo.

      ANG MABUTING BALITA—‘IPINANGARAL SA LAHAT NG NILALANG’

      Habang nakabilanggo si Pablo sa Roma noong mga 61 C.E., isinulat niya na ang ‘mabuting balita’ ay “ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:23) Paano natin ito dapat unawain?

      Lumilitaw na ang ibig sabihin ni Pablo ay narinig na ng maraming tao sa maraming lupain ang tungkol sa ‘mabuting balita.’ Pero may mga lupain pa rin na hindi pa napapaabutan nito. Halimbawa, nasakop ni Alejandrong Dakila ang Asia hanggang sa border ng India noong ikaapat na siglo B.C.E. Nasakop naman ni Julio Cesar ang Britanya noong 55 B.C.E., at nakuha ni Claudio ang timugang bahagi ng islang iyon, anupat naging bahagi ng Imperyo ng Roma noong 43 C.E. Kilalang-kilala rin noon ang Malayong Silangan dahil sa kanilang mga pinong seda.

      Naipangaral na ba noon ang mabuting balita sa Britanya at sa Malayong Silangan? Malamang na hindi pa. Sa katunayan, nang sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas, hindi pa niya natutupad ang kaniyang tunguhing sinabi niya noong mga 56 C.E., na mangaral sa “lahat ng teritoryo,” gaya ng Espanya. (Roma 15:20, 23, 24) Pero pagsapit ng mga 61 C.E., malayo na ang narating ng mensahe ng Kaharian. Hindi man ito nakarating sa ibang rehiyon, umabot naman ito sa malalayong lupaing pinagmulan ng mga Judio at proselitang nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E., pati na sa mga lupaing pinuntahan ng mga apostol ni Jesus.​—Gawa 2:1, 8-11, 41, 42.

      a Gusto sana ni Pablo na manatili na lamang sa kaniya si Onesimo, pero paglabag ito sa batas ng Roma at sa karapatan ng amo ni Onesimo, ang Kristiyanong si Filemon. Kaya bumalik si Onesimo kay Filemon, dala-dala ang liham mula kay Pablo na nagpapayo kay Filemon na tanggapin ang kaniyang alipin nang may kabaitan, gaya ng isang espirituwal na kapatid.​—Flm. 13-19.

      b Tingnan ang kahong “Limang Liham ni Pablo Nang Unang Mabilanggo sa Roma.”

      c Tingnan ang kahong “Si Pablo Makalipas ang 61 C.E.”

      d Tingnan ang kahong “Ang Mabuting Balita—‘Ipinangaral sa Lahat ng Nilalang.’”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share